Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Ang Halalan ay Parang Tubig

        

Ang halalan ay parang tubig, hinahanap-hanap lamang tuwing wala

Para sa higit na malaking bilang ng mga Pilipino na walang alaala sa buhay bago ang batas militar, ang halalan ay parang tubig: isang rekisito para sa buhay pulitikal, kasinghalaga para sa katawang pulitikal ng tubig para sa katawan ng tao.  Ngunit para sa nakatatandang henerasyon, ang halalan ay parang tubig: Tinitingnan nila ang tuyot na disyerto na kasalukuyang kulturang pulitikal at naaalala nila ang panahon kung kailan ang tanawing pulitikal ay malago, namumukadkad sa ideyalismo, mabango sa kabutihan ng mga pinuno at ng pinamumunuan; malayung-malayo sa nakakagimbal na larawan ng isang bansang nagkakagula-gulanit tuwing halalan at matapos pa.  And halalan ay parang tubig: isang paraan para linisin ang katawang pulitikal, isang rumaragasang anod ng boto, parang ilog na may lunas, para linisin ang kwadrang Augean kung saan parang nauuwi ang bawat administrasyon.  Noong 1935, nang inilunsad ang unang pambansang halalan, isang-katlo ng mga botante ang hindi nagtiyagang isali ang kanilang balota.  Noon ay mayroon tayong isang milyon at kalahating rehistradong botante, pawang mga kalalakihan, lahat ay marunong magbasa.  Pinapangarap natin ang pamumuno sa sarili bilang paghahanda sa ganap na kasarinlan; mistulang lohikal lamang na ang mga botante ay magiging interesado na makilahok sa paglatag ng pundasyon ng napipintong bansa-estado.  Subalit ang malaking bilang ay hindi, at ang dahilan para rito ay hindi nakapagtataka.  Ang mga pagpipilian noong panahong iyon ay limitado: tatlong kadidato para sa pagkapangulo, at sa bilang na iyon, isa ang nangingibabaw na malamang na manalo.  Ang resulta ay napangunahan na at, sa panahong parang maayos na ang lahat, isang-katlo ng mga botante ay walang nakitang dahilan para abalahin ang kanilang sarili.  Napakalaki ng lamáng sa pagkapanalo ni Manuel L. Quezon, 68 porsyento ng mga boto, laban kina Emilio Aguinaldo at Gregorio Aglipay, na ang bawat isa ay hindi man lamang umabot sa 18 porsyento ng mga boto.  Noong 1941, nang makabilang na ang mga babae sa talaan ng mga kwalipikadong botante, halos pareho rin ang kinalabasan: isang-katlo pa rin ang walang nakitang saysay sa pagboto, bagamat sa pagkakataong ito ay nakuha ni Quezon—na siyang nakaupo sa pagkapangulo—ang 81 porsyento ng mga boto.

Sa mga demokrasyang malimit kainggitan nating mga Pilipino, ang turnout na 66 porsyento ay penomenal; sa Estados Unidos, regular na kabilang lamang ang higit na maliit na porsyento ng populasyon nito sa halalan na hindi lamang nagtatakda sa magiging direksyon ng kanilang bansa kundi ay may malaking epekto din sa buong mundo.  Ang turnout ng mga botante sa sinasabing “halcyon days” ng demokrasyang Pilipino bago ang digmaan ay tumutukoy sa isang mapantakdang katangian ng ating demokrasya, na ang malaking mayorya ng mga Pilipino ay naglalagay, at patuloy na naglalagay, ng malaking pagpapahalaga sa proseso ng pagboboto.  Ang kaibahan lamang ay ang madaling-hulaang katangian ng ating pulitikal at pambansang pag-unlad bago ang digmaan ay nagwakas sa mga sunud-sunod na pagkagulat at kabiguan: ang pambansang trauma ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Sa pagitan ng 1941 at 1946, ang Pilipinas ay napasailalim sa anim na pinuno ng pamahalaan: Manuel L. Quezon, Jorge Vargas, Jose P. Laurel, Sergio Osmeña, at Manuel Roxas; dagdag pa’y sa loob ng anim na taong iyon ay nagkaroon ng dalawang pinunong nagtatalo para sa pusisyon ng lehitimong pangulo ng Pilipinas (si Laurel na itinutulak ng mga Hapon dito; si Quezon tapos si Osmeña na itinutulak ng mga Amerikanong nakadistiyero).  Ang pagpanig ay hindi na lamang usaping pulitikal kundi ay usaping madugo.  Mayroong mga kolaborador at gerilya, mga opisyal na nakadistiyero at mga opisyal sa kabundukan, mga opisyal sa Maynila na diumano’y mga lihim na gerilya o lantarang sumusuporta sa mga Hapon.  Ang wakas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at ang unang pambansang halalan na inilusad matapos ang trauma ng digmaan, ang naglatag sa entablado ng halalang tulad sa pagkakakilala natin dito ngayon.  Ang pagkukunwá ng kabutihang pulitikal, na maingat na inaruga bago ang digmaan, ay mahirap sustinahin sa isang bansa kung saan ang pagboto ay usapin ng buhay-o-kamatayan.  Bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang halalan ay parang tubig sapagkat tinitingnan ito hindi lamang bilang paraan para mahugasan ang dumi kundi ay batayang pangangailangan para mabuhay.  Mga botanteng hati at may hidwaan, mga gerilya, pekeng gerilya, tunay na kolaborador o naakusahan lamang, mga panginoong maylupa na lumikas mula sa kanilang mga asyenda para magtago sa likod ng mga bayonetang Hapon (at ngayo’y kumakapit naman sa Amerika, nangangamba para sa kanilang buhay), mga galit na magsasaka—anuman ang kanilang katayuan, pawang mga beterano—ang lahat ay may napakalaking taya sa kalalabasan ng halalan.

Sa halalan ng 1946, ang mga tunay na gerilya, radikal, at mga pinunong lubha ang pagkatalo sa dalawang dekada ng pangingibabaw ni Quezon sa pambansang buhay, ay mabangis na nakipaglaban para sa kanilang turno sa kapangyarihan.  Sa likod ni Roxas ay nagkaisa ang naulilang aparato ng makinaryang pampartido ni Quezon, maging ang gerilya at kolaborador, pero higit pa yaong mga inakusahan ng kolaborasyon na tumingin sa pulitika bilang tangi nilang pag-asa para sa rehabilitasyon at kaligtasan mula sa kasiraáng-puri.  Sinuyo ng magkabilang panig ang naghihirap na bansa na tumitingin sa pagsasarili nang may magkahalong pananabik at pangamba, nakundisyong isipin ang 1946 bilang taon kung kailan magbubunga ang pinaghirapang pag-unlad ng mga taon bago ang digmaan, para lamang makita ang ang kasarinlan bilang watawat na nagwawagayway sa mga guhong nangangamoy sa kamatayan at pagkabulok.

Ang bansang literal na uhaw na uhaw, ang imprastraktura nitong wasak, ang populasyong napuruhan, ang mga ideyal nitong malungkot na napatunayang hungkag ng digmaan, ay tumingin sa halalan bilang tubig: At tulad ng taong uhaw, desperado ang labanan sa halalan.  Walang naganap na landslide noong 1946, kundi simpleng mayorya.  Naganap din ang pagbili ng boto, mga alegasyon ng pandaraya, at karahasan kaugnay ng halalan sa antas na dati’y hindi lubos maisip.  Lulubha lamang ito sa 1949, nang manalo si Elpidio Quirino sa isang halalang tumamo ng masamáng katanyagan sa buong daigdig para sa pagbubuhay ng patay at pagrerehistro ng mga hayop at halaman para bumoto.  Gayunpaman, dumating noong 1953 ang inaasam na dilubyo at nalampasan ni Ramon Magsaysay ang rekord ni Quezon noong 1935 nang makuha niya ang 68.9 porsyento ng mga boto.  Subalit pagsapit ng 1957, patay na si Magsaysay; ang sumunod sa kanya ang naging unang pangulo sa pamamagitan ng pluralidad, sa panahong ang kasalukuyang Pilipinas ay iniluluwal.

Noong 1957, nang si Carlos P. Garcia—isa sa larangang may pitong kandidato—ay nahalal sa pagkapangulo sa pamamagitan ng 41.3 porsyento lamang ng mga boto, masasabing isinilang ang modernong sistemang pulitikal ng Pilipinas.  Ang isang bansa ay hindi palaging nagkakaroon ng mga pinunong may kakayahan at karisma na, sa pamamagitan ng kasipagan at mabagsik na pagbabalak, tulad ni Quezon, o tanging kakayahan at higit pang karisma, tulad ni Magsaysay, na magdodomina sa pambansang buhay.  Ang higit na malaking mayorya ng mga pulitiko ay pangkaraniwan lamang, malihim subalit hindi labis na tuso, at imposible para sa sinuman ang manatiling popular.

Idagdag pa rito ang pag-unlad ng elektorado mula sa panahon kung kailan ang mga pulitiko ay inaasahang maging mapagtimpi, at tumitingin sa pag-aapela sa masa bilang kabulgarang hindi nila maaaring samantalahin.  Idagdag pa rito ang kumbinasyon ng natural na pagbabago ng mga panlasa’t ekspektasyon sa pagitan ng mga bagot na, at sa isang pakahulugan ay bangkarote ang moral, na henerasyon ng mga pulitikong aktibo bago ang digmaan, at ang bata at mapusok na henerasyon na aktwal na lumaban sa digmaan o lumaki noong panahong iyon.  At, dagdag pa, ang patuloy na pag-agnas ng kapangyarihang pampangulo at ang mga mekanismong institusyonal tulad ng block voting na maingat na ipinatupad ni Quezon, at pinanghawakan ni Magsaysay sa simpleng lakas ng kanyang personalidad, at ang naging resulta ay ang sumusunod: Hindi lamang ang kauna-unahang pangulong naupo dulot ng pluralidad, kundi ay pangulong nalagasan ng marami sa mga batayang leber ng kontrol na nakagawian ng mga nauna sa kanya. Si Carlos P. Garcia ay isang pangulong iniluwal at inaruga ng makinaryang pampartido, subalit ang kanyang mga kapartido mismo ang nagtanggal sa block voting, pangunahing tagapagtanggol ng halalang nakaoryenta sa partido.  Pangulong nagmana sa unti-unting pagkawala ng mga pusisyon sa pamahalaang lokal na maaari niyang ipagkaloob, prosesong nagsimula bilang tugon sa katangiang dominante subalit mahinang kakayahang pulitikal ni Quirino.  Isang makalumang pulitiko sa panahon kung kailan nagawa ni Magsaysay na paagnasin pa lalo ang kakayahan ng mga makalumang pulitiko na makamit ang mayorya sa pamamagitan ng simpleng pag-aatas sa kanilang mga tagasunod na magbaba ng mga tagubilin sa mga botante.  Ang isang lalaking nagsasalita ng Espanyol at sumumpa nang nakabihis ng makalumang cutaway samantalang higit na mas gusto ng elektorado ang simpleng bihis-barong Tagalog na istilo ng yumaong si Magsaysay at handang ihalal sa Senado si Rogelio de la Rosa na ang tanging kwalipikasyon ay ang kanyang pagiging matinee idol.  Pangulong umookupa sa pusisyong inaasahan ng mga botante na tutuparin niya nang may parehong kumpyansa at kulay nina Quezon at Magsaysay.

Ang problema ay hindi ni Garcia katulad ang alinman sa dalawang ito.  Si Garcia, wika niya mismo, ay “hindi bobo,” at nagkaroon ng panahon kung kailan napatunayan niya at ng mga sumunod sa kanya na sapat ang kanilang talino para makuha ang mga natitirang leber ng kapangyarihan para makaabot sa pagkapangulo.

Sa gayon, ang popular na pagtingin sa pagkapangulo—maging sa mga botante at sa mga pulitikong nag-aasam sa pusisyon—ay naapektuhan nang hindi mabuti ng mga mala-higanteng persona ng mga nakaraang pangulo sa panahong ang mga kasalukuyang pangulo ay hindi magawa, gustuhin man nila (at ang pagtangkaan ito ay ginawa nga nila), na panghawakan ang kapangyarihang ehekutibo nang may parehong nangingibabaw na awtoridad at bisa ng mga nauna sa kanila.  Ang paraan, sa ilalim ng batas at sa loob ng sistema, ay simpleng wala roon.  Subalit nanatili ang mga ekspektasyon sa bahagi ng mga botante, nanatili ang parang-sakit na ambisyon ng mga pulitiko; nanatili ang sigla ng interes ng madla sa halalan nang walang paghupa mula sa kainitan ng 1946, at nadagdagan pa nga matapos ang sandali at parang bulalakaw na pagsikat ni Magsaysay.  Si Garcia ay tinaob ni Macapagal sa halos parehong kadahilanan kung bakit natalo si Quirino kay Magsaysay, subalit lumitaw na malubha ang kakulangan ni Macapagal sa pagpapatupad sa kapangyarihang ehekutibo.  Isinantabi siya ni Ferdinand E. Marcos noong 1965 na walang nakitang ibang paraan para makamit ang kapangyarihang inaasam at ang pusisyong wala siyang balak na bitawan kundi ang tuluyang pagwaksi sa sistema.

Noong 1969, nakuha ni Marcos ang 61 porsyento ng mga boto, ang pang-apat na pinakamataas na porsyento ng mga boto sa pambansang halalan at sa gayo’y siya ang naging tanging presidenteng nakapanalo ng ikalawang buong panahon ng panunungkulan.  Tulad ng ginawa ni Quezon na pagbabago sa sistema upang maging mas naaayon ito sa impluwensyang ehekutibo at kontrol, ganoon din si Marcos na nagsagawa ng mga kundisyon para sa bagay na mas mapangahas pa: ang tuluyang pagbabasura sa sistema.  Ang pangulong ito na maka-imprastraktura ay tumitingin sa halalan bilang parang dam, isang paraan para madireksyunan ang kapangyarihang pulitikal, na magpapahintulot sa kanya na magpatubig sa mga bukirin ng kanyang mga katoto, magpapatuyot sa lupain ng mga tumututol sa kanya, at magpapakita sa mga tao ng imaheng mala-paraon na may di-matatanggihan at matatag na kapasyahan na maaaring magbago sa takbo ng kalikasan.

Ang tubig sa malawak at gawa-ng-taong dagat-dagatan na Bagong Lipunan ay napatunayang maputik, mababaw, madumi, at mabaho.  Noong 1986, nawasak ang dam, at naibalik ang mas natural na pagdaloy ng tubig.  Natalo si Corazon Aquino sa opisyal na bilangan subalit nanalo siya kung saan mas mahalaga—ang moral na tagumpay sa mata ng kanyang mamamayan at ng mundo.  Mula umpisa, itinabi niya ang pag-aatubili ng isang byudang mahiyain para sa papel na may papalaking kumpyansa bilang rebolusyonaryong tagawasto: natupad ang nilayon ng kanyang asawa na ibalik ang halalan, sa ibang salita, pagbabalik ng tubig sa isang bansang uhaw para sa halalan.

Si Cory Aquino ay nahatid sa kapangyarihan sa pamamagitan ng halalan, sa katunayan, sa pamamagitan ng reperendum, at ginamit niya ang halalan-bilang-plebisito bilang susi sa pananatili ng kanyang pagiging lehitimo.

Subalit ang antas ng kaunlaran—o di-kaunlaran—ng sistemang pulitikal na lumitaw sa pagkakahalal kay Garcia ay buong-lisik na nanumbalik sa ilalim ni Fidel Ramos, na humahawak sa di-kainggit-inggit na rekord ng pagkakaroon ng pinakamaliit na pluralidad (28 porsyento) sa kasaysayan ng ating halalan.  Ang kanyang tagumpay ay nagkaroon ng masamang impluwensya sa pagtingin sa halalan bilang paraan para sa pagpapalehitimo sa pamumunong pampangulo.  Ang mahalaga na ngayon, sa ilalim ng kalakarang post-Edsa, ay hindi ang popularidad o makinarya (ang kanyang mga kalaban ay mayroon nitong pareho), subalit taktikal na pangingibabaw: ang paggawa ng mas marami sa mas kaunti.  Sa gayon ay hindi nakagugulat na matapos ang kakaibang pagkakahatid ni Ramos sa kapangyarihan, tinanggihan ng napakalaking bilang ng kanyang mga kababayan, subalit nakaupo pa rin sa pagkapangulo dahil hindi siya kasinghindi-popular ng karamihan sa kanyang mga nakalaban, na ang pagkapanalo ni Joseph Estrada matapos ang anim na taon ay magkakaroon ng katangiang landslide (na hindi naman; hindi pa nga kasinglusog ng kanyang pluralidad ang kay Garcia).  Sina Ramos at Estrada ay lumitaw na parehong minoryang pangulo na nakaupo sa pusisyong pinabibigat ng mga ekspektasyong imposibleng matupad ng institusyon.  Ang elektoradong unti-unting napopolarisa, desperado, at walang pag-asa; isang pagbabago sa popular na panlasa at paraan ng mass communication na tumingin kay Joseph Estrada bilang tagapagmana ni Rogelio de la Rosa.

Wala sa kanya ang katalinuhan sa taktika ni Ramos at ang matagal nitong karanasan sa pagpapasunod sa mga nasa ilalim niya, si Estrada ay lumitaw na walang-kakayahan sa pagpapatuloy ng kanyang poder.  Ang kanyang bise-presidente, si Gloria Macapagal-Arroyo, sa kabilang banda naman, ay nagtamo ng rekord sa halalan matapos ang Edsa: isang near-majority.  Inarmasan siya nito ng kakayahang magsagawa ng sarili niyang mandato, bilang ipinapalagay na tagahalili kay Estrada.  Nang lumikas ni Estrada sa Palasyo, mabilis na pumasok si Arroyo (para paikliin ang mahabang kwento), subalit sa ilalim ng mga kundisyong sobrang kakaiba na umagaw sa kanya ng mga natural na bentahe na karaniwang tinatamasa ng mga tagahaliling-pangulo sa kasaysayan: ang pagiging natural na tagapagmana, ang tagapangalaga sa ningas, ang tagapagmana ng lehitimasya.

Ang kasalukuyang kampanyang pampangulo ay isang paghahanap para sa lehitimasya: lehitimasyang nawala sa bahagi ng kandidatong hinirang ni Estrada, lehitimasyang hindi ganap na natamo ng kasalukuyang pangulo; isang paghahanap para sa lehitimasya ng iba pang mga kandidato na hindi umaasa sa mga nabistong pinunong nakakulong at maging sa nasa poder na lubhang nasaktan ng mga alegasyong siya ay dapat nasa kulungan din.  Lahat ng mga kandidato sa kasalukuyang panahon ay lumalaban sa isang paligsahang panghalalan na naaaninuhan ng paghinog ng kulturang pampulitikal na sumibol noong dekada sesenta, pinabangis ng dekada setenta, at naging bangkarote ang moralidad noong dekada nobenta—na, sa kabila nito, ay tinitingnan ng mga pinuno at pinamumunuan sa pamamagitan ng salaming kulay-rosas ng pakikibaka para ibalik ang kredibilidad ng halalan noong dekada otsenta.  Mayroon tayong mga eleksyon, tulad ng pagkakaroon natin ng tubig: hindi bilang resulta ng isang rasyunal at pinag-isipang mabuti na plano ng pambansang pagkilos, kundi ay dahil sa mga pabugso-bugso sa bahagi ng mga pinunong tumitingin sa pagboto tulad ng pagtingin nila sa tubig: mga limos para makuha ang utang na loob ng pinulubing mamamayan.

Tiyak na darating ang araw na ang isang-katlo ng elektorado ay maaaring magpasyang manatili na lamang sa bahay at hindi bumoto sapagkat anuman ang kalalabasan ng halalan, wala namang mahalagang nakataya.  Mula 1946, ang mga taya ay palaging napakahalaga, kung kaya’t ang katiwalian at kurapsyon ay palaging mahahalagang pambansang usapin sa mga halalang ito.  Sapagkat ang nakataya, para sa napakaraming tao, ay ang pag-asa para sa buhay kung kailan magkakaroon na sila ng tubig, literal na tubig, na maiinom, maipapanligo, at kung kailan ang buhay ay hindi na kailangang sukatin sa tig-iisang gripo bawat barangay at mga kanal na puno ng basura.  Ang halalan ay parang tubig: esensyal sa mga nauuhaw, pinagmumulan ng kapangyarihan ng may-kapangyarihan o maging nagmamay-ari dito.   Ang halalan ay parang tubig: may iba’t ibang kahulugan para sa iba’t ibang tao.  Ang halalan ay parang tubig: para sa atin, sa isang bansa kung saan ang bawat swimming pool ng mga nasa nakatataas na uri ay parang insulto sa mga buong barangay na kinakailangang pumila nang ilang oras para lamang makakuha ng madilim at maruming maiinom.

Manuel Quezon III
Salin ni Sofia Guillermo

Exit mobile version