Noong Hunyo 11, 1963, nagsunog ng sarili si Thích Quảng Đức, isang matandang mongheng Budistang Vietnamese, hanggang siya ay mamatay sa isang abalang interseksyon sa Saigon. Nag-iwan ng di-mabuburang imahe ang kanyang ginawa hinggil sa Digmaang Viet Nam. Sa isang banda, dahil ito sa mga tanyag na larawang kuha ng mamamahayag na si Malcolm Browne ng Associated Press. Bagaman naidokumento ng larawan ang isang kamatayan nang malapitan, ipinakita lamang nito ang nagliliyab na katawan ng isang mongheng Budista. Isang araw matapos ang pangyayari, nang lumaganap ang larawan sa buong mundo, naiulat lamang ito sa paraang gaya nang isang ulat ng pulisya, at hindi naipabatid ang maraming bagay hinggil sa mongheng Budista. “Isang 73 taong gulang na Budistang pari,” ayon sa ulat ni David Halberstam, “ang nagpakamatay upang ipakita ang protesta ng mga Budista laban sa mga patakaran ng Pamahalaan hinggil sa relihiyon.” 1
Talambuhay
Kagyat matapos ang kanyang pagpanaw, inilathala ng Vietnamese Unified Buddhist Church ang talambuhay ni Thích Quảng Đức. Inilarawan nito ang buhay ni Thích Quảng Đức bilang karaniwang buhay ng isang mongheng Budista. 2 Sa gulang na pito, naging nobisyado si Thích Quảng Đức, at inordinahan sa edad na dalawampu. 3 Matapos ang ordinasyon, naglakbay sa Thích Quảng Đức sa Vietnam, partikular sa Katimugang Vietnam, para mangaral ng Budismo. Sa katunayan, nagbigay-diin ang talambuhay sa kanyang pagkamatay dahil ang kamatayan niya ang umantig sa daigdig, at siyang nagdala ng atensyon sa kanyang buhay.
Ang hindi binanggit sa talambuhay, na ang pagkamatay ni Thích Quảng Đức ay isang planadong pangyayari. Hindi ito isang ispontanyong kilos ng kamartiran na siyang waring ipinapakita ng mga larawan ni Malcolm Browne. Sa isang banda, ang paghahayag ng kamatayan ni Thích Quảng Đức ay walang ibinunyag hinggil sa kanya buhay, sa halip ay ipinakita nito ang masalimuot na relasyon sa pagitan ng mga Amerikanong mamamahayag at mga mongheng Budista sa panahong iyon. Kung titingnan lamang ang relasyong ito bilang isang makaisang-panig na pagsasamantala, hindi mauunawaan ang mga sirkumstanysang naghanda para sa pagsunog ni Thích Quảng Đức sa sarili.
Sa loob ng ilang buwan, nagpabalik-balik sa Xá Lợi pagoda ang mga Amerikanong mamamahayag, gaya nina David Halberstam, Neil Sheehan, at Malcolm Browne, dahil sa kwento na umano’y naglalaslas ng tiyan o nagsusunog ng sarili sa harap ng publiko ang mga mongheng Budista na Vietnamese para magprotesta sa pang-aapi sa relihiyon ng rehimeng Diệm. Ang layon ng mga Amerikanong mamamahayag ay makuhanan ng larawan ang gayung mga pangyayari dahil makapagpapalakas ito ng benta ng mga pahayagan. Ipinaliwanag ni Halberstam, “[Gayun] ang kalakaran ng laban.” 4 Kung kaya, nang maiwan ni Ray Herndon ang kanyang kamera sa bahay noong Hunyo 11, 1963, habang humahalili siya kay Sheehan sa Vietnam, alam niyang “nakawala sa kanya ang Pulitzer.” 5 Tunay nga ito. Napagwagian ni Browne ang Pulitzer noong 1964 para sa mga kuha niyang larawan kay Thích Quảng Đức habang nagsusunog ito ng sarili.
Ginamit ng mga mongheng Budistang Vietnamese ang relasyong ito para isulong ang kanilang layunin. Ginamit ng mga mongheng Budista ang mga Amerikanong mamamahayag para ilayo ang mga nagkukubling pulis mula sa pagoda sa pamamagitan ng pagbibigay ng maling lokasyon na malayo sa pagdarausan ng demonstrasyon. Ginamit rin ng mga mongheng Budista ang mga mamamahayag para ihayag ang kanilang pakikibaka. Noong gabi bago ang pagsusunog sa sarili, tinawagan ni Thích Đức Nghiệp, ang pangunahing tagapagsalita ng Unified Buddhist Church, si Malcolm Browne para ipaalam sa kaniya ang gagawing pagsusunog ni Thích Quảng Đức sa sarili. Dagdag pa, binuo ni Thích Đức Nghiệp at ilan pang monghe ang buong plano. Inayos nila ang kotse, ang tsuper, ang gasolina, at ang mga taong nagkapit-bisig para pigilan ang mga pulis na apulahin ang apoy sa katawan ni Thích Quảng Đức.
Sa inihandang entablado ng mga Amerikanong mamamahayag at mga mongheng Budistang Vietnamese, ginampanan ni Thích Quảng Đức ang kanyang papel nang napakahusay. Gayunpaman, walang nag-isip, “Isa lamang ba siyang kasangkapan sa larong ito? Para saan siya nagpakamatay?” Sa isa sa mga tulang iniwan niya para sa kanyang mga disipulo, inihayag ni Thích Quảng Đức na ang layunin ng kanyang pagsusunog sa sarili ay para sa kapakinabangan ng mga Budistang Vietnamese. Inisip niyang ang kanyang nagliliyab na katawan ay gaya ng “isang lampara na nagliliwanag sa kadiliman,” na gagabay sa mga naliligaw pabalik sa pampang. 6 Habang nasusunog ang kanyang katawan, ang usok, gaya ng halimuyak ng insenso, ay maghahatid ng kapanatagan at magmumulat sa mga “ignorante” sa pang-aapi ng rehimeng Diệm laban sa Budismo. 7 Kapag na-upos na ang katawan, ang abo, sa isip ni Thích Quảng Đức, “ay pupuno sa mga patlang ng kawalan ng pagkakapantay-pantay sa relihiyon” sa pagitan ng Budismo at Katolisismo. 8 Umasa si Thích Quảng Đức na patuloy na makakatulong ang kanyang kaluluwa sa pagpukaw sa iba. 9
Sutra at Teksto
Naantig ang publiko sa Amerika sa pagsusunog ni Thích Quảng Đức ng sarili, subalit hindi matanggap ng ilan ang gayung aksyon. Sa byahe mula New York tungong Stockholm, sinabi ng isang babaeng Amerikano kay Thích Nhất Hạnh na ang pagsusunog sa sarili ni Thích Quảng Đức “ay kilos ng isang taong hindi normal, sa kanyang palagay.” 10 Sa madaling salita, para sa kanya, ang pagsusunog ng sarili ay isang akto ng kabangisan, karahasan at panatisismo na gagawin lamang nang wala sa tamang pag-iisip.” 11 Sinikap ipaliwanag ni Thích Nhất Hạnh sa babae na sa mga panahong nakasama niya si Thích Quảng Đức, “nakilala niya ito bilang isang napakabait at matinong tao, na siya ay kalmado at husto ang kamalayan nang sinunog nito ang kanyang sarili.” 12 Hindi naniwala sa kanya ang babae.
Sa katunayan, matutunton ang mga relihiyosong pinag-ugatan ng akto ng pagsusunog ng sarili sa seremonya ng ordinasyon na isinasagawa sa tradisyong Mahayana. Ipinaliwanag ni Thích Nhất Hạnh na sa seremonyang ito, “kailangang sunugin ng kandidato sa pagka-monghe ang isa o higit pang maliliit na bahagi sa kanyang katawan habang nanunumpa na susundin ang 250 alituntunin ng bhikshu, na isasabuhay ang pagiging monghe, na kakamtin ang kaliwanagan at iaalay ang buhay sa kaligtasan ng lahat ng may buhay.” 13 Sa pagbigkas niya ng panunumpa sa harap ng sangha habang dinaranas ang gayung uri ng sakit, naipapakita ng kandidato sa pagka-monghe ang “kaseryosohan” ng kanyang “puso at isip” 14
Matutunton rin ang pagsusunog ng sarili sa Lotus Sutra, “na isa sa pinakamahalaga at pinaka-impluwensyal sa lahat ng mga sutra o mga banal na kasulatan ng Mahayana Buddhism.” 15 Sa kabanatang “Former Affairs of the Bodhisattva Medicine King,” inilalahad ni Buddha ang kwento ng Bodhisattva Gladly Seen by All Living Beings na sinusunog ang sariling katawan para sa Buddha Sun Moon Pure Bright Virtue dahil sa pakiramdam niya, ang lahat ng kanyang inialay ay “hindi kasing husay nang pag-aalay…sa sarili [niyang] katawan.” 16
Para sa mga nagsasagawa ng pagsusunog ng sarili, may mga pangako na mahiwagang benepisyo ang Lotus Sutra. Ayon sa kabanatang “Former Affairs of the Bodhisattva Medicine King,” hindi lamang “nakapagliligtas ng lahat ng nabubuhay” ang Lotus Sutra kundi ito rin ay “nakapagpapalaya sa lahat nang nabubuhay mula sa pagdurusa at dalamhati.” 17 Sa paglalarawan ng epekto nito, inihalintulad ito ng sutra sa “isang taong nakatagpo ng lampara sa gitna ng dilim, isang mangangalakal na nasumpungan ang daan sa karagatan…[at] isang sulo na gumugupo sa kadiliman.” 18
Gayundin, umasa si Thích Quảng Đức na ang pagsusunog niya ng sarili ay magkakaroon ng katulad na epekto gaya nang inilarawan sa Lotus Sutra. Halimbawa, sa isa sa mga tulang iniwan niya, isinulat ni Thích Quảng Đức na nais niyang gamitin ang nasusunog niyang katawan bilang “isang lampara na nagliliwanag sa kadiliman,” na gagabay sa mga naliligaw patungo sa pampang. 19 At habang nasusunog ang kanyang katawan, ang usok, gaya ng halimuyak ng insenso, ay “magmumulat” sa mga “ignorante” sa pang-aapi ng rehimeng Diệm laban sa Budismo. 20 Kapag na-upos na ang kawan, ang abo, sa isip ni Thích Quảng Đức, ay “ay pupuno sa mga patlang ng kawalan ng pagkakapantay-pantay sa relihiyon” 21 Sa pagtatapos ng proseso ng pagsunog sa katawan, umasa si Thích Quảng Đức na patuloy na makakatulong ang kanyang kaluluwa sa pagpukaw ng mga iba pang Budista. 22
Hindi binalak ni Thích Quảng Đức na maging isang politikal na aksyon ng pagtutol laban sa rehimeng Diệm ang pagsusunog niya ng sarili, gaya nang inihayag ng mga Amerikanong mamamahayag at mga pinunong Budista, sa halip, ito ay pagsasagawa ng Lotus Sutra para tulungan ang mga Budistang Vietnamese. Sa madaling salita, isinagawa ni Thích Quảng Đức ang Lotus Sutra sa pamamagitan ng pagsunog sa sarili upang mapalaya ang mga Budistang Vietnamese mula sa kanilang pagdurusa.
Pag-alaala sa mga Karagdagan
Noong 1966, tatlong taon matapos ang pagsunog ni Thích Quảng Đức sa sarili, naglathala ang tagapaglimbag na Chi Lăng sa Saigon ng isang kakatwang bersyon ng Thích Ca Lược Sử (Ang Buhay ni Buddha). Sa halip na prominenteng ipakita si Buddha sa pabalat nito, taglay ng aklat ang larawan ni Thích Quảng Đức na nagninilay sa harap ng imahe ng Buddha. Ipinahihiwatig ng matingkad na dilaw na roba ni Thích Quảng Đức at ng imahe ng Buddha ang ugnayan sa dalawa. Gayunman, ang pinaka-interesanteng bahagi sa aklat ay naglalaman ito ng karagdagan hinggil sa pagsusunog ni Thích Quảng Đức sa sarili, na nagpapahiwatig na ang akto ay bahagi ng mas masaklaw ng kasaysayang Budista.
Panandang-bato ang taong 1966 sa Kilusan ng Pakikibakang Budista. Nag-ambag ang kilusan sa pagpapatalsik sa rehimeng Diệm noong Nobyembe 1963 at naging isang malakas na puwersang hindi maaaring bale-walain. Sa paglakas ng Kilusan ng Pakikibakang Budista, nagsimulang lumayo nang lumayo sa relihiyosong konteksto ang naratibo ng layunin nito. Sa isang pagtingin, hindi maaaring sabayang umiral ang relihiyoso at ang politikal. Sa huli, tiningnan ng mga heneral ng Republika ng Vietnam ang kilusan bilang politikal at puwersahan itong dinurog kungsaan ipiniit si Thích Trí sa kanyang tahanan at si Thích Nhất Hạnh ay ipinatapon. 23
Noong 2010, lagpas ng halos 50 taon, binuksan ng pamahalaang Vietnamese ang kanto kungsaan nagsunog si Thích Quảng Đức para gunitain ang kanyang ginawa. Muli, nag-ambag bilang karagdagan sa kasaysayan ang pagsunog ni Thích Quảng Đức sa sarili. Sa pagkakataong ito, ang layunin ay itali ang Kilusan ng Pakikibakang Budista sa bersyon ng kasaysayang Vietnamese ng mga Komunistang nasyunalista.
Google Maps Street View of commemoration sites
Sa gitna ng lugar para sa pag-alaala ay ang estatwang tanso ni Thích Quảng Đức na nilalamon ng apoy. Payapa ang mukha ng estatwa habang nakapa-ikot ang apoy sa kanyang katawan. Sa likod ng estatwa ay nakatindig ang mahabang mural na nagpapakita ng mga sundalo ng Republika ng Vietnam na binubugbog ang mga Budista sa isang dulo, at sa kabilang dulo ay ang mga mongheng Budista na nakatayo at nagdarasal kasama ang mga sundalo ng National Liberation Front.
Isinasaad ng plake sa harap ng lugar ng komemorasyon ang talambuhay ni Thích Quảng Đức. Gayunpaman, malinaw rin na isinasaad nito na itinindig ng lungsod ang puwesto para alalahanin ang sakripisyo at ambag ni Thích Quảng Đức sa “dharma, kapayapaan, pambansang Kalayaan at pagkakaisa.”
Samantala, sa kabila ng kalsada, nakatindig sa mas maliit na lugar ang komemorasyon para kay Thích Quảng Đức na itinayo ng Unified Buddhist Church noong 1967 na wari’y may pagtutol. Walang anumang plake ang lugar. May tatlong panandang pangkasaysayan ang lugar na naglalaman ng taon ng kapanganakan, taon ng pag-ordina at taon ng pagsunog sa sarili ni Thích Quảng Đức. Nakalahad sa lugar: “para sa Budismo, sinunog niya ang sarili.”
Hoang Ngo
Workforce Development Council of Seattle – King County
Reference
Dialogue (The Rev) Thich Nhat Hanh, Ho Huu Tuong, Tam Ich,Bui Giang, Pham Cong Thien Addressing to (The Rev) Martin Luther King, Jean Paul Sartre, André Malraux, René Char, Henry Miller. Saigon: La Boi, 1965.
Halberstam, David. “DIEM ASKS PEACE IN RELIGION CRISIS; But Buddhists Still Protest Dispute Seems Worse No Easing in Dispute Demonstration Defies Ban.” New York Times, June 12, 1963.
Lê Mạnh Thát, ed. Bồ Tát Quảng Đức: Ngọn Lửa và Trái Tim. [Ho Chi Minh City]: NXB. Tổng hợp Thành phố Hồ Chí Minh, 2005.
Nhất Hạnh. Vietnam: Lotus in a Sea of Fire. 1st ed. New York: Hill and Wang, 1967.
Prochnau, William W. Once Upon a Distant War. 1st ed. New York, N.Y: Times Books, 1995.
Quốc Tuệ, ed. Công Cuộc Tranh Đấu Của Phật Giáo Việt Nam: Từ Phật Đản Đến Cách Mạng 1963. [Saigon]: the Author, 1964.
Schecter, Jerrold L. The New Face of Buddha; Buddhism and Political Power in Southeast Asia. New York: Coward-McCann, 1967.
Thích Thiện Ngộ. Thích-Ca Lược Sử: Phụ-Thích A-Di-Đà – Tóm Lược Bảy Vị Bồ Tát Phụ-Bản Thích Quảng Đức. Saigon: Quán Sách Chi Lăng, 1966.
Watson, Burton, trans. The Lotus Sutra. Translations from the Asian Classics. New York: Columbia University Press, 1993.
Notes:
- David Halberstam, “DIEM ASKS PEACE IN RELIGION CRISIS; But Buddhists Still Protest Dispute Seems Worse No Easing in Dispute Demonstration Defies Ban,” New York Times, June 12, 1963, 3. ↩
- See Lê Mạnh Thát, ed., Bồ Tát Quảng Đức: Ngọn Lửa và Trái Tim ([Ho Chi Minh City]: NXB. Tổng hợp Thành phố Hồ Chí Minh, 2005). ↩
- The birthyear of Thích Quảng Đức is not clear. In some publications, like Thích Thiện Ngộ, Thích-Ca Lược Sử: Phụ-Thích A-Di-Đà – Tóm Lược Bảy Vị Bồ Tát Phụ-Bản Thích Quảng Đức (Saigon: Quán Sách Chi Lăng, 1966), 248., he was born in 1890. In some others, he was born in 1897. ↩
- William W Prochnau, Once Upon a Distant War, 1st ed (New York, N.Y: Times Books, 1995), 320. ↩
- Prochnau, 316. ↩
- Quốc Tuệ, ed., Công Cuộc Tranh Đấu Của Phật Giáo Việt Nam: Từ Phật Đản Đến Cách Mạng 1963 ([Saigon]: the Author, 1964), 113. ↩
- Quốc Tuệ, 113. ↩
- Quốc Tuệ, 113. ↩
- Quốc Tuệ, 113. ↩
- Nhất Hạnh, Vietnam: Lotus in a Sea of Fire, 1st ed. (New York: Hill and Wang, 1967), 1. ↩
- Nhất Hạnh, 1. ↩
- Nhất Hạnh, 1. ↩
- Dialogue (The Rev) Thich Nhat Hanh, Ho Huu Tuong, Tam Ich, Bui Giang, Pham Cong Thien Addressing to (The Rev) Martin Luther King, Jean Paul Sartre, André Malraux, René Char, Henry Miller (Saigon: La Boi, 1965), 14. ↩
- Dialogue, 14. ↩
- Burton Watson, trans., The Lotus Sutra, Translations from the Asian Classics (New York: Columbia University Press, 1993), ix. ↩
- Watson, 282. ↩
- Watson, 286. ↩
- Watson, 286. ↩
- Quốc Tuệ, Công Cuộc Tranh-Đá̂u Của Phật-Giáo Việt-Nam, 113. ↩
- Quốc Tuệ, 113. ↩
- Quốc Tuệ, 113. ↩
- Quốc Tuệ, 113. ↩
- See Jerrold L Schecter, The New Face of Buddha; Buddhism and Political Power in Southeast Asia (New York: Coward-McCann, 1967). ↩