Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Ang huli sa listahan ng mga huwad na simula? Ang Inisyatibang MARA Initiative para sa Timog Thailand (2015-2019)

Sa artikulong ito, inihahapag ko ang argumentong, bagaman magkaiba sa ilang bagay, dumanas ng magkatulad na mga kahinaan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng mga kinatawan ng mga rebelde at estadong Thai sa pagitan ng 2015 hanggang 2019, gaya nang sa naunang mga pagtatangka sa usapang pangkapayapaan para sa mga probinsya sa katimugan (2006 – 2014). Ikinakatwiran ko rin na ang inisyatibang MARA ay ang pinakahuli sa listahan ng mga huwad na simula sa pagbubuo ng kapani-paniwalang prosesong pangkapayapaan para sa timog mula nang magsimula ang hidwaan noong 2004.

Ibinunsod ng kudetang militar noong 2014 ang bagong panahon ng paghaharing awtoritaryan sa Thailand. 1 Bagaman nakita sa halalang 2019 ang pag-angat ng The Future Forward Party na, isang bagong sentro ng oposisyon sa paghaharing militar; ipinagbawal mula noon ang partido. Sa kabuuan, mula 2014, mistulang ang Thailand ay nasa direksyon ng alinman sa pagmamantine ng paghaharing militar o ng pagpapalakas ng papel ng militar sa pagpapatakbo ng estado. Mula 2014, pirmidong pababa ang antas ng karahasan sa mga probinsya sa katimugan, patuloy na bumababa ang bilang ng mga nasawi at mga mararahas na insidente sa paglipas ng mga taon. Tinangkang ipaliwanag ng ilang manunuri, kapwa ng mga beterano at mga nakababatang akademiko ang pagbabang ito, subalit sa kabuuan hindi pa dumarating ang isang katanggap-tanggap at kumpletong paliwanag, sa mga kadahilanang ilalatag sa iba pang sulatin. Noong 2013, nagdulot ang hidwaan sa timog ng 574 pagkasawi, samantalang nagbunga lamang ito ng 174 na pagkasawi noong 2019. 2

Sa pagitan ng 2015 at 2019, nagsagawa ng maraming pagpupulong ang estadong Thai kasama ang Majlis Syura Patani (MARA), isang koalisyon ng mga matatanda at dating rebelde mula sa mga nakalipas na hidwaan (1960 – 1990). Ang mga hidwaang ito ay malawakang kinikilala na may napakaliit o walang epektibong kontrol sa mga aktibong rebelde sa ibaba: mga rebeldeng nirekluta, inindoktrinahan at sinanay ng kasalukyang Barisan Revolusi Nasional (BRN), isang radikal na separatistang organisasyon na naglunsad ng kampanya ng brutal na karahasan mula maagang bahagi ng dekada 2000. 3 Epektibong nagsimula bilang organisasyon ang kasalukuyang BRN sa matandang distritong palengke ng Yala noong kalagitnaan ng dekada 1990. 4

Sa huli, naging pinakabago ang MARA sa mahabang listahan ng mga bigong inisyatiba; pinakauna rito ang usapang Langkawi: sa pagtatapos ng 2005 at pagsisimula ng 2006 ginanap sa Pulau Langkawi  ang usapan kalahok ang mga burukratang Thai at mga kasapi ng mga rebeldeng grupo mula sa naunang hidwaan, at tinipon ito ng kontrobersyal na punong ministro ng Malaysia na si Mahathir Mohamad. Bagaman hindi kontrobersyal ang mga mungkahing inihapag ng mga rebelde mula sa dating hidwaan, isinawalang-bahala ito ng pamahalaang Thaksin na noo’y abala sa mga protestang lansangan laban sa pamahalaan. Tatlong araw bago ang kudeta noong 2006 na nagpatalsik kay Thaksin sa pwesto, ipinahayag ng mga insurekto ang kanilang oposisyon sa inisyatibang pangkapayapaan sa pamamagitan ng pagpapasabog sa mga department store sa Hat Yai sa mismong araw na nakaplanong ilunsad ang rali para sa kapayapaan. 5

Noong 2008, inilunsad nang palihim sa Bogor, Indonesia ang mga usapan sa pagitan ng kinatawan ng pamahalaang Somchai at mga kinatawan ng iba’t ibang rebeldeng grupo.; subalit tinalikuran kalaunan ang usapan nang matindi itong tuligsain ng mga pinunong militar na Thai. Noong 2010, iminungkahi ng Organisation for Islamic Cooperation (OIC) na magtatag ng sariling pampolitikang kilusan ang mga Muslim sa Timog at nag-alok na tutulong sa pagsisimula ng usapan sa pagitan ng mga separatista at estadong Thai. Tinuligsa at tinanggihan ang mungkahi ng pamahalaang Abhisit at maging ng militar na Thai, na tutol sa anumang pakikisangkot ng taga-labas sa mga itinuturing na domestikong usapin ng mga establisimyentong politikal at panseguridad na Thai. 6 

Inareglo ng mga NGO na Europeo, naganap ang paandap-andap na usapan sa pagitan ng National Security Council (NSC) at mga rebelde sa pagitan ng 2006 at 2011; Kilala bilang ‘Geneva process’, nagpatuloy ang usapan hanggang maluklok sa kapangyarihan ang pamahalaang Pheu Thai noong 2011. Sa huli, walang ibinunga ang usapan. Noong tag-init ng 2010, nakipagkasundo para sa tigil-putukan sa tatlong distrito sa Narathiwat ang tagapagsalita ng delegasyon ng mga rebelde na si Kasturi Mahkota, na nagsasabing may kontrol ito sa 70% ng mga mandirigma sa ibaba. Nagpatuloy ang mga atake matapos ang paghahayag ng tigil-putukan at kaagad naging malinaw na lubhang pinalaki ni Kasturi ang sinasabing antas ng kanyang impluwensya 7 Inanunsyo rin ng militar ang katulad na ‘tigil-putukan’ noong Hulyo 2008. 8

Noong Pebrero 2013, nilagdaan sa Kuala Lumpur ang ‘General Consensus on Peace Dialogue Process’ nina Hassan Taib, isang mababang-ranggong kasapi ng BRN at Heneral Paradorn Pattanatabut, na kumakatawan sa hukbong sandatahang Thai. Naganap ang ilang pagpupulong sa Kuala Lumpur sa sumunod na anim na buwan. Medyo naiiba kaysa mga naunang inisyatiba ang usapan sa KL– isinapubliko ito, may suporta ng punong ministrong Thai at naglabas ng ilang pahayag ang BRN sa YouTube sa buong panahon ng proseso. 9 Gumuho ang usapan matapos ang bigong tangka para sa tigil-putukan sa pagitan ng dalawang panig noong Ramadan 2013.

Nabigo ang lahat ng mga inisyatibang ito dahil sa magkakaugnay na mga dahilan:

Sa pagtatapos, magdurusa ang usapang MARA sa lahat ng mga kahinaang ito.

Malay Muslim provinces in Southern Thailand with northern Malaysia.

Matapos lagdaan ang isang kautusan ng junta noong Nobyembre 2014 na naglalahad ng halaga ng panibagong usapan kaugnay ng hidwaan sa katimugan, inanunsyo sa maagang bahagi ng 2015 na tatawaging Majlis Syura Patani (MARA) ang kolektibong kakatawan sa anim na matatagal nang naghihimagsik na grupo. Sa pagitan ng 2015 at 2019, may dalawampung pagpupulong sa pagitan ng MARA at mga kinatawan ng junta. Bilang bahagi ng inisyatibang pangkapayapaan ng junta, dalawang dating pinuno ng Patani United Liberation Organisation (PULO) ang pinalaya mula sa kulungan at nangakong susuporta sa pamahalaang Thai sa pagsisikap nitong ihatid ang kapayapaan sa timog. 11 Nagpahayag ng pagtutol sa usapan ang kasalukuyang BRN sa pamamagitan ng paglulunsad ng tatlong araw na pagbobomba sa syudad ng Yala sa mga araw bago ang unang pulong noong Mayo 2015. Pinaslang rin si Awang Jabat, isang Imam na may kaugnayan sa isang kinatawan ng MARA, ilang buwan bago ang unang pagpupulong. 12

Gaya nang sa prosesong Geneva at usapang KL, pinagdudahan sa simula pa lamang ang kintawan ng mga rebelde. Tumanggap ng maraming puna ang usapan mula sa mga matatagal nang manunuri tulad ni Don Pathan. Noong Setyembre 2015, dumating ang malinaw na hudyat ng kamatayan ng usapan sa porma ng isang bidyo ng BRN na malinaw na naghahanay ng kanilang pagtutol sa usapan. Inihayag muli ng BRN ang kanilang pagtutol sa MARA sa isang panayam kasama si Anthony Davis na kaagad na sumunod sa inilabas na bidyo.

Bagaman humarap ng pagtutol mula sa BRN, nagpatuloy pa ang usapang MARA sa loob ng apat na taon, na nakaranas ng mga kabiguan at pagkabalaho sa proseso. Noong 2016, tinanggal ni Hen. Prayuth ang pinuno ng delegasyon ng militar at hayagang tinanggihan ng junta ang naunang tinalakay na terms of reference (TOR) para sa mga pulong. 13 Nagpatuloy ang usapan hinggil sa TOR hanggang Setyembre 2016 nang sa huli’y pumayag ang MARA sa mga demanda ng junta. Nagpatuloy ng higit sa isang taon ang talakayan kaugnay ng pagtatatag ng mga sona ng kaligtasan (safety zones) (tulad nang sa plano ni Kasturi’ Mahkota sa prosesong Geneva). Sa huli, at matapos ang mahabang talakayan, tinanggihan ng militar ang planong mga sona ng kaligtasan.

Kasabay nito, nagsimula noong 2016 ang di-pormal na usapan (back-channel) sa pagitan ng mga lehitimong kinatawan ng BRN at ng junta na nagpapakita ng posibleng buong pagbabago sa posisyon ng BRN kaugnay ng negosasyon. Maaaring tulak ng humihinang armadong kampanya ng grupo at ng mga pagbabagong ibinunsod ng pagkamatay ng dalawa sa pinakamaimpluwensyang miyembro ng BRN noong 2015 at 2017. Naganap ang sampung araw na paghihinto sa labanan sa pagitan ng ika-8 ng Abril hanggang ika-18 ng Abril 2017 upang ipakita ng BRN ang kakayahan sa komand at kontrol. 14 Sa kabuuan, isang hakbang pasulong ang tigil-putukan, bagaman hindi ito konektado sa MARA. Noong Disyembre 2019, matapos ang higit apat na taon ng inisyatibang MARA at mga di-tunay na pagsisimula, umugong ang mga talakayan sa iba’t ibang bahagi na nagaganap umano ang bagong pag-unlad. Yaong sa wakas ay hahantong sa pagharap sa usapan ng mga lehitimong kinatawan ng mga rebelde at sa wakas ay magsasainsatabi sa MARA.

Sa kabuuan, nagdusa ang MARA mula sa mga kahinaan gaya nang sa mga naunang pagtatangka sa usapang pangkapayapaan para sa timog: panloob na pagkakahati-hati, mga karahasang may kaugnayan sa mga naninira, walang kakayahan o walang karanasang mga negosyador, isang lideratong Thai na higit na interesado sa imaheng publiko kaysa magpatupad ng mga pagbabago, mga kinatawan ng rebelde na walang epektibong kontrol sa mga mandirigma sa ibaba, at kawalan ng internasyunal o nyutral na pamamagitan ng ikatlong partido. 15 Sa pagbubuod, kakaunti ang nakamit ng inisyatibang MARA maliban sa maitulak ang BRN na maglabas ng komunikasyon, gayundin ang magsimula ng tigil-putukan na malinaw na nagpakita ng antas ng kontrol ng BRN.

Malalakas na indikasyon ang tigil-putukan ng 2017 at di-pormal na usapan na naganap sa pagitan ng 2016 and 2019 na ang kasalukuyang BRN ay posibleng nasa kalagayan ng di-mababawing pagbagsak, ay nakaunawa nang hindi hahantong ang kanilang kampanya sa pagkakamit ng ‘Merdeka’. Walang kasaysayan ang organisasyon ng pakikipagnegosasyong sa estadong Thai at sa paghuhusga sa Berjihad di Patani at mga bidyong inilabas ng grupo. Mistulang wala silang malinaw na programa o masusuportahang bisyon para sa kinabukasan ng rehiyon, at wala rin silang sopistikado o kinikilala sa daigdig na pampolitikang sangay o nakikitang pamunuang may karisma. Pumapasok rin ang grupo sa negosasyon sa panahong nasa pinakamahinang yugto ito. Bagaman mainit na tinanggap ng mga manunuri, maaaring isang kaso ng ‘lubhang kaunti, lubhang huli’ para sa layuning separatista ang desisyon ng kasalukuyang BRN na humarap sa usapan at makipagnegosasyon sa estadong Thai noong Enero 2020.

Sa kabuuan, ngayon ay nakapwesto na ang isa sa dating nawawalang bahagi na mahalaga sa pagresolba sa hidwaan sa katimugan: ang presensya ng lehitimong kinatawan ng mga rebelde sa usapan. Naging posible at kinakailangan para sa organisasyon na lumahok sa isang porma ng negosasyon sa estado dahil sa pinagsamang higit na presyur mula sa pamahalaan ng Malaysia mula noong halalan sa tag-init ng 2018, pagkamatay ng mga nakatatandang pinuno ng BRN sa mga huling taon, at ang pagbagsak ng operasyon ng organisasyon mula 2014. Gayunpaman, ngayong pinakamahina sa operasyon ang paghihimagsik ng BRN, dapat na maikatwirang higit na kakaunti ang maaaring hilingin ng organisasyon sa negosasyon kaysa dati. Dagdag pa, bagaman bawas ang pagkakahating politikal ngayon sa Thailand dulot ng mas mahigpit na katangiang awtoritaryan ng rehimen at kontrol nito sa mga institusyon ng estado, nang isinasaalang-alang ang mga huling kaganapan sa Bangkok, gaya ng pagbabawal sa Future Forward Party noong Pebrero ng taong ito, mistulang malabo na maraming maiaalok ang panig ng Thai sa malapit na hinaharap. May dalawa pang positibong aspeto sa pagbabago noong Enero 2020:  umiiral ang lubhang bawas na potensyal para karahasang may kaugnayan sa mga naninira mula nang ipakita ng BRN ang malakas na kakayahan nito sa komand at kontrol noong 2017; Ikalawa, tutulong na ngayon sa magkabilang panig ang ikatlong partidong tagapamagitan mula sa mga bansang Europeo  sa mga usapan sa hinaharap.

Sa pagsusuma, nagdusa ang insiyatibang MARA mula sa mga katulad na kahinaan ng mga naunang usapang pangkapayapaan at hindi ito nakakuha ng hatak. Gayunpaman, nagbukas ang iba pang pag-unlad sa parehong panahon ng posibilidad na umabot sa isang porma ng kasunduan ang dalawang panig para maresolba ang 17-taong gulang na hidwaan. Maaaring tingnan ang pagbagsak ng inisyatibang MARA bilang katapusan ng mahabang listahan ng mga huwad na pagsisimula kaugnay ng pagtatatag at pagpagpapaunlad ng lehitimong prosesong pangkapayapaan para sa mga probinsya sa katimugan. Sa kabuuan, dapat tingan ang mga pangyayari noong Enero 2020 bilang simula ng pagpihit ng direksyon ng hidwaan.

Gerard McDermott
PhD candidate at the Department of Asian and International Studies, City University of Hong Kong.

Notes:

  1. Claudio Sopranzetti, “Thailand’s Relapse: The Implications of the May 2014 Coup”, The Journal of Asian Studies, 2016, pp.1 – 18
  2. Email correspondence with Anthony Davis (Janes Defence), January & April 2020
  3. Marc Askew, “Fighting with Ghosts: Querying Thailand’s “Southern Fire””, Contemporary Southeast Asia, Vol. 32, No. 2 (2010), pp. 117–55
  4. Sascha Helbardt, Deciphering Southern Thailand’s Violence: Organization and Insurgent Practices of BRN-Coordinate (ISEAS – Yusof Ishak Institute, 2015), p.32
  5. ‘Bomb Blast Aftermath,’ Bangkok Post, Sept.18, 2006.
  6. Don Pathan, ‘Negotiating the Future of Patani’, Patani Forum, May. 2014, pp. 102 – p110.
  7. Jason Johnson, ‘Talk is cheap in south Thailand’, Asia Times, May.26, 2011.
  8. Don Pathan, ‘Ceasefire in south is just too good to be true,’ The Nation, Jul. 19, 2008.
  9. Gerard McDermott, ‘The 2013 Kuala Lumpur Talks’, Peace Research:The Canadian Journal of Peace and Conflict Studies, Volume 46, Number 1 (2014), pp. 18-27
  10. Marc Askew, ‘Insurgency redux: Writings on Thailand’s ongoing southern war’, Journal of Southeast Asian Studies, 42(1) (February 2011), p 161–168
  11. ‘Ex-Separatist Leader Pledges to Help Thai Govt. Fight Southern Rebellion’, Khaosod English, Jul.19, 2015
  12. Don Pathan, ‘Deep South peace efforts hit another dead end’, The Nation, May.22, 2015
  13. Razlan Rashid & Pimuk Rakkanam, ‘Thailand ‘Not Ready’ to Accept Reference Terms for Peace: Southern Rebels’, Benar News, Apr.28, 2016
  14. Matt Wheeler, “Thailand’s Southern Insurgency in 2017”, Southeast Asian Affairs, 2018, p380 – 382
  15. Gerard B. McDermott, “Barriers Toward Peace in Southern Thailand”, Peace Review: A Journal of Social Justice, 25:1 (2013), p.120-128
Exit mobile version