Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Antropolohiya ng Sining at Naratibong Di-Tao/Queer sa Katimugang Hangganan

Sheep (2017-2018) by Samak Kosem

Sa maagang bahagi ng 2017, nagsimula ako ng gawain sa biswal na etnograpiya sa Pattani para sa aking pag-aaral sa bagong hangganan, isang proyekto hinggil sa pagiging ‘queer na Muslim’. Simula nang isinulat ko ang na artikulong “Pondan under the Pondok” (Samak 2017a) mula sa mga alaala ng aking kabataan tungkol sa mga praktikang homosekswal sa paaralang Islam kungsaan nagsagawa ako ng relihiyosong pag-aaral sa loob ng anim na taon, patuloy akong tinatanong ng mga karanasang yaon: paano ito naganap sa isang lugar na mistulang napakalakas ng kontra-homosekswalidad?

Sa taong yaon, may malaking pagtatalo sa hanay ng mga iskolar at aktibista kapwa mula sa loob at labas ng mga probinsya sa “Malalim na Timog” ng Thailand na nagdedebate kung paanong bubuksan ang talakayang publiko, ang usaping homosexuality at kung paano maipapakikita ang mga tao at identidad na queer (see Anticha 2017) sa komunidad. Noong panahong iyon, naging lubhang sensitibong paksang usapan ang pagiging queer sa Islam. Isang araw ay nagtanong ang isang dati kong estudyante sa kolehiyong Islam kung nakakita na ba ako ng ligaw na tupa sa Pattani? Nag-isip ako kung bakit hindi ko namalayang namumuhay kasama namin ang mga tupang ito. Sa isang iglap, bumalik sa akin ang katanungang iyon; bakit napakaraming tupa rito, at bakit napakarurusing nila, namamasyal na parang mga asong gala.

Mga paksang di-tao

Sa pagbabasa kay Haraway (1991), binibigyan tayo ng idea hinggil sa mga aktor na di-tao na humahamon sa ating mga pagpapalagay hinggil sa mga panlipunang actor at hybridity ng mga tao at di-tao sa pang-araw-araw na pamumuhay. May paraan para maunawaan ang mga kontekstong panlipunan at pangkultura ng lipunang Muslim sa Malalim na Timog ng Thailand sa pamamagitan ng paggamit ng balangkas ng object-oriented ontology sa posthumanismo (Ming 2019). Nirebisa ko ang aking proyekto na nagsasaliksik sa pagiging queer sa lipunang Muslim upang tingnan rin ang mga di-taong actor bilang isa sa mga panlipunang aktor na nagsasalaysay ng buhay panlipunan at pangkultura, dahil kasama natin silang namumuhay sa iisang kapaligiran.

Matapos kong sundan ang mga tupa sa loob ng tatlong buwan, napagtanto kong hindi sila mga ligaw, kundi namumuhay sila nang magkakasama sa mga kural na katabi ng moske, kasama ang iba pang tupa at hayop na pag-aari ng mga tao sa komunidad. Gumamit ako ng GPS para markahan ang mga lugar kungsaan gumagala ang mga tupa sa kapitbahayan, tulad ng paraan ng mga antropohista sa pagsunod sa pinuno ng komunidad upang matutunan ang kaayusan ng barangay. Sa kaso ko, dinala ako ng mga tupa sa lahat ng mga lugar kungsaan sila karaniwang pumupunta, kasama na ang libingan, ang paaralang Islamiko, ang moske, ang palengke, mga tindahan at tsekpoynt ng militar. Sinabi sa akin ng mga may-ari na alam ng mga tupa kungsaan sila maaaring pumunta at kungsaan sila hindi maaaring tumawid, kung kaya may kamalayan ang mga hayop ng kanilang lugar at kung minsa’y nauunawaan din nila ang mga hangganan sa pagitan ng mga Buddhist na Thai at Melayu Muslims sa pamamagitan ng pagtingin sa kanilang mga pwesto sa tabi ng daan.       

Di-tao ang mga tupa — sila ay hayop — ngunit mapagtatanto ko kalaunan na may iba pang di-taong paksa na kailangang isaalang-alang. Napansin ko sa paggugol ng mga gabi sa tsaahan na patuloy na nagkukwento ang mga tao tungkol sa djinn (orihinal na terminong Arabiko; isang pambihirang nilalang na nilikha ng Diyos na nananahan sa mundong kagaya nang sa tao, ngunit hindi nakikita. Kung minsan, tinatawag silang pi ng mga lokal – multo sa wikang Thai). Ginawang posible ng pagbabasa ko ng Ghostly Desire ni Fuhrmann (2016) na mag-isip hinggil sa katauhang queer personhood, na inihambing ko sa djinn sa paniniwalang Islamiko, na paghambingin ang katangiang di-nakikita ng mga taong queer at ng Jinn. Ang matingkad na kaibahan, may mga paksa na gustong pag-usapan ng mga lokal, samantalang may mga paksang talagang hindi nila pinag-uusapan.

Sheep (2017-2018) ni Samak Kosem. Sa pamamagitan ng artista at Bangkok Art Biennale Collection.
Festival of Sacrifice no. 3 and no. 4 (2018) ni Samak Kosem. Sa pamamagitan ng pribadong koleksyon sa Kuala Lumpur.

Ang ikatlong di-taong paksa na pinagtuunan ko ay ang mga “alon.” Napag-alaman kong isang tipo ng “lugar ng ginhawa” ang mga dalampasigan ng Timog para sa mga lokal at sa maraming kababaihang Muslim na doon nagtitinda ng pagkain bilang hanapbuhay. Nangolekta ako ng mga basurang plastik mula sa dalampasigan upang malikha ang mga “alon” sa aking sining; nagsilbing tagasalaysay rin ang mga bagay na ito, ikinukwento sa akin ang mga bakas ng buhay na nanahan roon, at naging simbolo ang mga alon ng kasarian at kabuhayan para sa akin. Sinundan ko ang ilang estudyante ng sining tungo sa komunidad ng Thepha sa katabing probinsya ng Songkhla, at natutunan namin ang iba’t ibang salita — kapwa Thai at Malay — na ginagamit ng mga lokal para ilarawan ang iba’t ibang uri ng alon, at kung paano nito ipinapakita ang paraan ng pakikipag-ugnayan nila sa kanilang kapaligiran bilang bahagi ng kanilang kabuhayan at ng kanilang pang-araw-araw na relasyon sa kalikasan. Ngunit ipinag-uutos ng pamahalaan na ilipat ang mga komunidad na ito upang magtayo ng bagong planta ng kuryente, napakarami sa kanila ang nagprotesta sa Bangkok. Gumawa ako ng pelikulang dokumentaryo upang kapwa mai-rekord ang sitwasyon at maikwento ang pandama sa alon ng Timog, sa pormang sining.

“Particle on Talo Kapo” (2018) ni Samak Kosem. Sa pamamagitan ng artista.

Sining at Antropolihiya sa praktika

Hindi lamang paksa ng mga antropolohista ang sining para mag-pokus sa materyal na kultura, sa halip isang aktibong plataporma ito para sa pagbabago — sa pagbubuo ng sining at sa debate hinggil sa depinisyon ng sining na nakikisangkot sa lipunan na naka-ugnay sa pandama sa kultura (Morphy and Perkins 2006). Ipinahihiwatig ng ginawa kong video na “Sheep” (2017-2018) ang hirarkiya at karahasang pangrelihiyon at nagpapakita ng isa pang mukha ng lipunang Muslim sa kultura ng Malalim na Timog, ipinapakita kung paano nakikihalubilo ang mga tao sa mga di-tao mula sa perspektiba ng tao, at nagsisilbing metapora rin para sa mamamayan ng Malalim na Timog sa loob ng estado at karahasang Thai (Thanavi 2018). Walang kaibahan ang paglikha ng mga mito hinggil sa ‘stigmatized sheep’ mula sa kung paano tinatangka ng estado na isalarawan ang mga mamamayan sa Malalim na Timog. (Samak 2017b).

Sa proyektong ito ng “di-taong etnograpiya” (2017-2020), nakalikha ako ng gawang tumatawid sa antropolohikal at praktika ng sining sa potograpiya sa pamamagitan ng paggawa ng “fieldnotes,” pinagkokombina ang kaalaman at metodolohiya ng akademikong panananaliksik sa kontemporaryong sining. Na-eksibit ang field-notes sa unang Bangkok Art Biennale (BAB) noong in 2018, matapos kong talakayin ang “untranslatability” kasama ang curator na si Patrick D. Flores. Nagpasya akong isalin ang aking mga tala sa Melayu na orihinal na naisulat sa wikang Thai, gamit ang Jawi script. Ito ang aking paraan upang magbukas ng talakayan sa mga manunood, para ipakita kung paanong ang mga naratibo at kaalaman — ay nagiging pasanin at hangganan sa ating sariling pag-unawa. Gayundin, nais kong magbigay ng pakiramdam ng pagiging masalimuot ng ating kawalang-alam at ating pagkakaiba-ibang pangkultura; kahit na mga mamamayan ng iisang bansa, nananatiling hindi malampasan ang guwang sa pagitan ng lokal na wikang Melayu at Jawi script para sa mga “normal” na Thai na nagmula sa labas ng rehiyon. Ang tanging paraan upang maunawaan ay sa pamamagitan ng mga larawan at biswal. Kahit paano, sinusubukang ipahatid ng likha ang distansya ng gayung relasyon, upang ipakita sa mga manunood na Thai kung paanong na isawalang-bahala ang kanilang buhay.

Halimbawa, tinalakay ko sa proyektong ‘Mga alon’ ang kahulugan ng mga alon. Karaniwang isang tinig ang isang alon, ngunit maari itong maging ingay na walang nais makarinig, ang tinig ng mga lokal na mamamayang Melayu Muslim. Isang walang-tunog na likhang video ang ‘A Thin Veil’ (2018), na isinasalaysay ng mga di-tao ang kwento kung paanong nakikipag-ugnayan ang “mga alon” sa kapaligiran, lipunan, kultura, at tao. Isang metapora ang katahimikan ng mga alon sa dokumentaryong ito para sa mga alon ng buhay-panlipunan sa kulturang Melayu na kalimitang hindi napapansin. Nakikipaglaban sa estado ang mga residente ng Thepha, para pigilan ang planta ng kurynete na ginagatungan ng coal sa pagwasak sa mga alon sa baybayin. Maari ring tumukoy ang mga alon sa sitwasyon sa mga pundamentalista; sa timog, pinag-uusapan nila ang “bagong alon” para tukuyin ang mga pundamentalistang Islamiko. (Willis 2019).

Sheep Fieldnotes (2017) ni Samak Kosem. Sa pamamagitan ni Natasha Sidharta.

Ang ikalawang bidyo hinggil sa mga alon, “By The Shore of The Sea” (2019) ay naratibo ng isang babae at ng kanyang mga karanasan sa mga alon sa kaniyang bayan, kasama ang sariling niyang kwento na nagsasalamin ng kanyang identidad at sarili, bilang isang babaeng Muslim. Sa bidyo, isinatinig niya ang sariling naratibo at nang sa iba pang kababaihan; isinatinig rin niya ang mga alon sa kanyang isip na hindi kailanman maaangkin. Ginalugad ng maikling bidyo ang lahat ng tunog bilang mga porma ng alon; ito ang mga sumasalpok na tunog ng malalakas na hangin, mga alon ng dagat, at mga tinig ng kababaihan. Para masumpungan ang nais nating marinig—o tiisin na pakinggan ito  — palagiang umiikot sa ating isip ang mga alon na ito mula sa isang dalampasigan tungo sa panibago.

A Thin Veil (2018) ni Samak Kosem. Sa pamamagitan ni Daisuke Miyatsu at ng artista
By the Shore of the Sea (2019) ni Samak Kosem. Sa pamamagitan ng MAIIAM Contemporary Art Museum at ng artista.

Sa pagbubulay sa mga di-tao bilang konstruksyon/bagay, ang mga tsekpoynt ay kapwa simbolo ng kontrol ng estado at isang paksa na nagsasakonteksto ng sosyo-kultural na politika sa pangaraw-araw na buhay. Ang likhang ito, “Forever Checkpoint” (2019), ay ginawa sa porma ng romantikong music video upang lumikha ang matingkad na pagkakaiba sa simbolikong karahasan na kinakatwan ng mga tsekpoynt. Tuluy-tuloy na nagaganap ang mga pisikal at marahas na atake sa tatlong pinaka-timog na probinsya, na nakabuo ng imahe ng mga hangganang-probinsya bilang mga “salarin.” Hindi kailangan ipaliwanag pa ang mga militarisadong hangganan — na may higit na tsekpoynt — kung paanong nililikha ng rehimeng militar ng Thailand ang takot at pagkabalisa. Gayundin, sa pamamagitan ng pagpapakita kung paano tinitingnan ang mga taong pinaghihinalaan sa pang-araw-araw na buhay sa mga tsekpoynt ng militar — kung paanong ipinagpapalagay na ang mga tao ay walang pagkakakilanlan, misteryoso at hindi nakikita — ay ang aking pagtatangka na ipakita ang interpretasyon (Myers 2006) ng karahasan ng estadong Thai.

The Day I Became… (2018) nina Samak Kosem at Patiparn Boontarig. Sa pamamagitan ni Chengdong Liu at ng artista.

Biswal na entnograpiya ng di-nakikitang queer

Sa dulong bahagi ng 2017, habang naghihintay sa isang barberya sa isang kalye malapit sa unibersidad sa Pattani, nakita kong nagparada ng kanilang mga sasakyang motor ang dalawang batang babaeng Muslim na nakasuot ng mga puting belo (hijab). Saglit silang naghintay, at lumabas ang barbero upang kausapin sila. Makalipas ang ilang sandali, habang ginugupitan ako ng buhok, sinabi sa akin ng barbero na hiniling ng magkapatid na babae na gupitan niya sila nang tulad sa lalake. Hindi komportable ang barbero dahil bihira siyang gumupit ng buhok ng babae, ngunit naunawaan niyang walang pagpipilian ang dalawang babae — saan ba sila maaring pumunta nang hindi sila huhushagan, dalawang babae na gusto ng ayos ng buhok na panlalake?

Naitulak ako ng obserbasyon ito — parang isang field research — na gumawa ng sining na bidyo hinggil sa mga Muslim na queer.  Ang “The Day I Became…” (2019) ay kwento ng isang tomboy 1 na Muslim na umalis ng kanilang bayan sa Yala para magtrabaho sa Bangkok. Ang pag-alis sa kanilang tahanan ay hindi lamang paglayo, kundi pakiramdam din na hinusgahan bilang makasalanan ang kanilang sekswal na (dis)oryentasyon. Hindi agarang naghahatid ng lugar ng ginhawa ng pansariling espasyo ang pagtakas mula sa tahanan — ngayon makikibaka siya sa kanyang pamilya hinggil sa relihiyon, tatak ng lipunan (social stigma), at kahihiyan ng pamilya. Hindi lamang usapin ng espasyo ang pagbukod, kundi pagwalay din ito sa kanilang dating relihiyon. Hindi lamang pagpapasyang pangkasarian ang pagpapagupit ng buhok, kundi pagbibinyag din ito sa buhay ng pagiging “dating Muslim.”

Ang makilala ang buhay ng mga di-tao ay ang makakita ng sekundaryong repleksyon na tumutulong sa atin na maunawaan kung paanong naapektuhan ang pagiging queer ng normalidad at ng di-pagtanggap ng diskursong panrelihiyon at mga regulasyong panlipunan. Sinabi ng mga lokal na Muslim “walang homosekswalidad sa Islam, walang bakla sa aming komunidad.” Ipinapakita nito kung paanong nakapamumuhay o ano ang nararamdaman ng mga taong queer sa lipunang Muslim — nakakubli. Sa hangganan sa katimugan, nahubaran ng dangal ang mga tao, hindi lang ng mga aksyon ng estado sa mga lokal, kundi maging sa mga paraan kung paanong binabastos ng mga lokal ang mga taong queer. Panghuli, sa pagtalakay hinggil sa mga naratibo tungkol sa mga di-tao/queer, maari nating pag-isipan kung paanong kapwa hindi nakikita ang djinn at ang queer. Subalit sa realidad, may espasyo pa para maisalaysay ang mga kwento tungkol sa djinn, subalit hindi kailanman nakakapasok sa naratibo o usapan ang pagiging queer.

Samak Kosem
Research Fellow, Center of Excellence in Women and Social Security, Walailak University
PhD. Student, Faculty of Social Sciences, Chiang Mai University

References:

Anticha Sangchai. 2017. “กรณีห้องเรียนเพศวิถี: สิทธิความหลากหลายทางเพศกับชายแดนใต้/ปาตานี” [SOGIE Rights and Thailand’s Southern Border Provinces/PATANI: The Case of Buku’s Gender and Sexuality Classroom], Thammasat Journal of History. Vol.4, No.1 (January-June), pp 209-268.
Fuhrmann, Arnika. 2016. Ghostly Desires: Queer Sexuality and Vernacular Buddhism in Contemporary Thai Cinema. (Durham: Duke University Press).
Haraway, Donna. 1991. Simians, Cyborgs, and Women: The Reinvention of Nature. (New York: Routledge)
Ming Panha. 2019. “หลังมนุษยนิยมกับวรรณคดีวืจารณ์: กรณีศึกษาด้านภววิทยาเชิงวัตถุของแกรห์ม ฮาร์แมน” [Posthumanism and Literary Criticism: A Case Study of Object-Oriented Ontology by Graham Harman]. In Suradech Chotiudompant (ed.), นววิถี: วิธีวิทยาร่วมสมัยในการศึกษาวรรณกรรม [New Turns in The Humanities: Contemporary Methodology in Literature Studies]. (Bangkok: Siam Panya Publishing).
Morphy, Howard and Perkins, Morgan (eds.). 2006. The Anthropology of Art: A Reader. (New Jersey: Blackwell Publishing).
Myers, Fred. 2006. “Representing Culture: The Production of Discourse(s) for Aboriginal Acrylic Paintings”. In Howard Morphy and Morgan Perkins (eds.), The Anthropology of Art: A Reader. (New Jersey: Blackwell Publishing).
Samak Kosem. 2017a. “ปอแนใต้ปอเนาะ: ชาติพันธุ์วรรณาย้อนมองดูตัวเองของ“เควียร์มุสลิม”และความทรงจำวัยเด็กในโรงเรียนสอนศาสนา” บPondan under the Pondok: Reflexive: Ethnography of “Queer Muslim” and Childhood Memories in the Religious School, Thammasat Journal of History. Vol.4, No.1 (January-June), pp.161-206.
Samak Kosem. 2017b. “สหสายพันธุ์นิพนธ์ของแกะเร่ร่อนในรูสะมีแล” [Multi-species of the Stray Sheep in Ru-Sa-Mi-Lae], in Thanom Chapakdee et al (eds), เปิดโลกสุนทรีย์ในวิถีมนุษยศาสตร์ (Exploring Aesthetic Dimensions in the Humanities). Conference proceeding on 11st Thai Humanities Forum, 8-9 September 2017, Srinakharinwirot University. Pp.709-719.
Thanavi Chotpradit. 2018. “Sheep (بيريڠ): Documentary of the Nonhuman”. Chiang Mai Art Conversation. <http://www.cac-art.info/users/thanavichotpradit/journal/60/> (accessed 25 April 2020).
Willis, David. 2019. “David Willis in Conversation with Samak Kosem”. Degree Critical. <https://degreecritical.com/2019/03/22/david-willis-in-conversation-with-samak-kosem/> (accessed 25 April 2020)

Notes:

  1. “Tomboys” or “toms” in the Thai context are lesbians who have a clear “masculine” style of dress and/or speech
Exit mobile version