Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Paglalakad sa Yogya

        

BABALA SA PAGLALAKBAY – INDONESIA, United States Department of State, ika-10 ng Abril, 2003. Ang Babala sa Paglalakbay na ito ay inilabas para ipaalala sa mga mamamayan ng Estados Unidos ang mga kasalukuyang banta sa seguridad sa Indonesia. …Habang hinihigpitan ang seguridad sa mga opisyal na pasilidad ng Estados Unidos, ang mga terorista ay maghahanap ng mga “soft target.”  Maaaring kabilang dito ang mga pasilidad na kilalang tinitirhan, pinagpupulungan, o binibisita ng mga Amerikano, laluna ang mga hotel, klab, restoran, lugar ng pagsamba, paaralan, o outdoor recreation event. … Ang mga Amerikanong bibiyahe o nakatira sa Indonesia sa kabila ng Babala sa Paglalakbay na ito, ay dapat magpanatili ng low profile, baguhin ang oras at ruta para sa mga kinakailangang pagbibiyahe, manatiling alerto sa kanilang kapaligiran. … Mayroong potensyal para sa karahasan at kaguluhan; ang pareho ay maaaring sumabog nang biglaan.  Ang mga banta, kabilang ang posibilidad ng teroristikong pagkilos, ay maaari sa maraming bahagi ng Indonesia, kabilang ang Jakarta, Yogyakarta, at Surabaya, gayundin sa Kalimantan at Sulawesi.

Pumahimpapawid ako at ang aking asawa sa Java sa kabila ng inilabas na Babala sa Paglalakbay ng State Department ilang buwan matapos ang pambobombang naganap noong Oktubre 2002 sa Kuta Beach, Bali, at ilang buwan bago pinasok ng mga tropang Amerikano ang Iraq.  Binalak niyang magturo at ako naman ay mag-edit sa Yogyakarta.  Binanggit sa mga advisory ang kaguluhan, pagbabanta, at maging mga pagsabog, subalit hindi nagtagal bago namin napansin na ang mga teroristang naghahanap ng lugar “na kilalang tinitirhan, pinagpupulungan, or binibisita ng mga Amerikano” ay mahihirapan sa Yogya, sa katunayan, dahil kakaunti lamang ang mga Amerikanong makikita roon.  Ang mga tindahan ng souvenir, pilak, batik, at segunda-manong libro, at ang mga travel agency at restoran na nakatutok sa mga turista mula sa Kanluran ay halos nilalangaw.  Ang sunud-sunod na mga tindahang pang-turista sa Prawirotaman at Sosrowijayan ay mistulang natutulog.  Subalit habang naghihingalo ang mga negosyong pang-turista, ang mga establisamyentong kanluranin na nakatutok sa panlasa ng mga Indones para sa mga bagay na imported ay buhay na buhay.  Bombahin ang mala-palasyong Kentucky Fried Chicken sa Jalan Kaliurang o ang Dunkin Donuts katapat nito, bombahin ang Pizza Hut sa tabi ng Monument, bombahin ang Wendy’s, McDonald’s o Texas Chicken sa nakahihilong Malioboro Mall, at ang mga biktima ay pawang mga Javanes mula sa panggitnang-uri, karamiha’y mga tinedyer at nasa mga edad beinte.

Sa Yogyakarta, marahil ay pinakamalayo na kami sa aming bayan na posible sa isang bilog na mundo: alas-otso ng umaga sa estado ng New York ay alas-otso ng gabi sa Java.  Para sa amin, ito ay isang eksotikong lugar, ang mga bunga at lupain ay mistulang hango sa mga kwento ng paglalayag na binabasa namin noong kami’y mga estudyante sa kolehiyo.  Sa hilaga ng Yogya, nanganinag ang isang aktibong bulkan, ang Gunung Merapi, halos tatlong libong metro ang taas at nag-iisa, na may isang maliit at puting ulap na palaging humihila sa tuktok nito.  Kasing-simple nito ang isang drowing ng bundok na guhit ng bata, nakatayong nag-iisa, mas madilim nang bahagya sa asul ng langit.  Kadalasan, basta na lamang nawawala ang Merapi sapagkat binabalot nito ang sarili sa ulap, kadalasang gawi ng mga bulkan.  Pumapahimpapawid sa itaas ng Java, patungo sa mga kapuluan ng Bali o Lombok, ang mga bakasyonista ay maaaring makatanaw, manaka-naka, ng mga bulkan na nasisingsingan ng mga ulap, umaangat mula sa lupa na sa kabila nito ay maaraw.

Naakit kami ng asul na bulkan hindi pa dahil sa pagiging sagisag ito ng impit na pagbabanta, subalit dahil para itong kwentong nagkatotoo.  Kaya isang araw ay nagmotorsiklo kami pahilaga, hanggang sa marating namin halos ang paanan ng Merapi, sa Kaliurang.  Ang Kaliurang ay isang luntian, mataas, kumparatibong mas maginaw, at mahirap na bayan, natutuldukan ng mga pinakapayak na tuluyan para sa mga weekender (wismas); ang ilan ay nag-aadbertays ng air panas (mainit na tubig) sa mga silid.  Nahanap namin ang bungad ng pambansang parke, tumahak patungo sa pook-tanawan sa gubat, subalit panay ulap pa rin ang aming nakita.  Ang isang tunay na bulkan ay nagtatago sa aming mga mata at parang higante sa aming tabi.

Sa pook-tanawan na iyon, nakatagpo kami ng tatlong tao, dalawang kalalakihang walang suot na pantaas at isang babae, mga Indones, na wala ni isa’y nakakaintindi ng Ingles.  Nang lumitaw kami sa daan, ang mas malaki sa dalawang kalalakihan ay sumigaw sa amin na lumapit, at nagtanong, “Dari mana?”  Nang sumagot kami ng, “Kami dari Amerika,” “Galing kami sa Amerika,” may isinigaw siyang may kinalaman sa perang, “digmaan,” isang salita na hinanap ko sa diksyunaryo ilang araw lamang ang nakararaan.  Ika-26 ng Marso noon, may anim na araw matapos simulang bombahin ng Estados Unidos ang Iraq.

Sa sumunod na paputol-putol naming pag-uusap, inalok ko o ng aking asawa ang karaniwan naming sinasabi, “hindi mabuti ang digmaan,” perang tidak bagus, at nagsumikap na ipaliwanag kung sino si Al Gore at ang katotohanang ibinoto namin siya, bagamat ang mga salita, o ang salita (algore) ay parang walang kahulugan maging sa sarili naming mga tainga.  Sinikap naming ipaliwanag na nanggaling kami sa isang maliit na bayan sa New York State, at ang New York State ay hindi New York City, nag-drowing kami ng walang-silbing mapa sa lupa at binanggit ang California at Texas bilang mga halimbawa ng “state.”  Sinabi niya na mahirap siyang tao, miskin, na may tatlumpu’t-walong taong gulang subalit walang sariling tahanan, na gusto niyang lumipat sa Amerika, na gusto niyang isama namin siya sa Amerika, at pagkatapos ay tumawa siya.

Bumili kami ng dalawang sopdrink sa babae, isang tindera, ang kanyang mga maliliit na binti ay naguguhitan ng mala-aserong laman, ang kanyang mga paa ay nakasuot sa gomang tsinelas, at may bitbit na isang kahon ng nakaboteng sopdrink at tubig, nakatali sa kanyang likod sa pamamagitan ng isang pirasong tela, paakyat ng matarik na daan.  Sapagkat tumawa ang mga kalalakihan, nalaman naming sobra ang kanyang singil, subalit patakaran na naming magbayad nang labis—nang may limitasyon—alang-alang sa aming mga kunsensya at, sa pinakamaliit na paraan, para sa kalakalang internasyunal.

Matapos naming iwan ang tatlong iyon sa bundok, naglakad-lakad kami sa bayan ng Kaliuran, pinagmasdan ang mga bulaklak na mukhang zinnia at iba pang tiyak na rosas, ang mga napipinturahang kabahayan, mga tandang, mga asong di-mawari ang pagkamaamo, isang nalulumang, parang panaginip na palaruan na napapalibutan ng barbed wire, at mga tuluyang pampubliko na may tayls sa bubong, mistulang bakante, nakalubog sa kabila ng matutulis na tarangkahan.  Pabalik malapit sa aming hotel, nakita kami ng mga bata, ang aming mamula-mulang mukha at di-itim na buhok, nagtawag ng “hello! hello!” sa Ingles, at ang isang inang sakay ng kotse ay bumusina para kawayan namin ang kanyang anak at sumigaw ng “Hello!”.  Na ginawa namin, ramdam ang aming pagka-Amerikano.  Kinaumagahan, hindi pa rin namin matanaw ang Merapi.

Si Paul Wolfowitz, ang US Deputy Secretary of Defense, ay nagsilbing embahador ng Estados Unidos sa Indonesia sa loob ng tatlong taon noong administrasyon ni Reagan.  Minsan ay inakyat niya ang Bundok Merapi na may kasamang mga gabay, naglakad pababa at gumawa ng magandang talumpati tungkol dito.  Sinabi sa amin ng isang propesor na Indones, si Pak Djoko, na gustung-gusto ng kanyang mga kababayan si Wolfowitz noong siya ang embahador, subalit ngayon ay pakiramdam nilang pinagtaksilan sila sapagkat binansagan ng Deputy Secretary at ng kanyang mga kaibigan ang Indonesia bilang bansang namumutiktik sa terorista.  Sa gayon, ang mga Babala sa Paglalakbay.  Sa gayon, bahagya, ang biglang pagbagsak ng turismo at pamumuhunang dayuhan, na dumagok sa ekonomyang hindi pa nakakabangon sa krisis pang-ekonomyang tumama sa Asya noong 1997.  Sa gayon, bahagya, ang paglaki ng bilang mga mga Indones na orang miskin, mahihirap.

Ang aming pagtatangkang maintindihan ang Indonesia ay magkakabuhul-buhol sa aming pagsusumikap na maintindihan ang Estados Unidos, ang ngayon-lamang ay napakalayong lupain kung saan si Paul Wolfowitz at ang kanyang mga kasamahan ay nasa tugatog ng impluwensya.  Parehong ang dalawang malalaking pambansang kabuuang ito, ang arkipelagong Indonesia at ang dambuhalang Amerika, ay parang mga higante sa harap namin, halos di-maaninag, lumilitaw at naglalaho sa paningin.

 

Noong una kaming lumapag sa Yogyakarta, hinatid kami ng sasakyan sa Puri Artha Hotel at nag-enrol para mag-aral ng lenggwahe sa Puri Bahasa sa di-kalayuan.  Halos walang tao sa hotel kung kaya’t nag-aalmusal kaming napapaligiran ng magarbo at pulang kapanglawan, ilang nakahawlang ibong humuhuni, at malalaking isda na walang-katapusang naglaladlad sa maliliit na akwaryum.  Pagkatapos ng almusal, bumabalik kami sa aming silid, inilalagay sa aming bag na Eddie Bauer ang mga libro, pangsulat, at lahat ng aming mga mahahalagang bitbitin, at naglalakad patungo sa klase.

Ang maliit na kalsadang Jalan Cendrawasih ay hindi mahaba pero sa aking pakiramdam ay parang napakahaba nito.  Buhay na buhay, mainit, makitid, pinaiingay ng mga motorsiklo at dikit-dikit ang mga tiyangge, sinisiksik nito kami, kung kaya’t nilalakad namin ito nang single-file.  Hindi ko pa makategorya ang mga ginagawa rito o mabasa ang mga karatula, hindi maintindihan na karamihan sa mga pumpublikong kainan sa Yogya ay mga warung, mga karinderyang nabububungan ng mga toldang nakatungkod, hindi nakita na ang mga motorsiklo ay kinukumpuni at ang mga putok na gulong ay pinapatsehan ng mga kalalakihang nakaupo sa ilalim ng mga tent sa kanto.  Subalit nakilala ko rin araw-araw ang piramide ng nakaboteng tubig sa isang tindahan na isa sa naging palatandaan namin, subalit ilang araw muna ang lumipas bago kami naglakas-loob na tumagos sa telang dingding ng Waroeng Steak & Shake at umorder ng hapunan mula sa menyu.  Maswerte para sa amin, bagamat halos hindi namin ito natanto, ang wikang Ingles ay may cachet sa mga syudad ng Java, napakarami sa mga karatula sa paligid ay nagpapakita ng sa amin ay napakalinaw at makatwirang mga salita: DRY CLEAN, LADIES AND GENTS, SOUND SYSTEM. FACIAL, INTERNET, at sa menyu ng Steak & Shake, FRENCH FRIES, SIRLOIN, BLACKPEPPER STEAK.

Bawat umaga, matapos ang aming paglalakad, dumarating kami sa bakuran ng Puri Bahasa at ipinapaubaya ang aming mga sarili sa aming mga guro sa lenggwahe.  Ang maliit na bukas na silid-aralan sa Puri, na ang bawat isa ay nakapangalan para sa iba’t ibang kapuluang Indones at napapalamutian ng mga potograpiya at bagay-bagay mula sa lugar na iyon, ay mayroong mga bentilador at whiteboard, at nalililiman mula sa mabigat na init ng nakausling sibing may tayls na gawa sa luwad.  Nagtungo kami roon para mag-aral ng Bahasa, ang pambansang wika na nagmula sa isang pangmalawakang lingua franca para sa kalakalan na dati’y nakasentro sa Peninsulang Malaysia at Sumatra.

Ang Bahasa ay makakategoryang wikang pidgin, nilikha para madaling matutunan at magsilbi sa mga piyer at sa pagitan ng mga bangka.  Ang mga pangngalan at pandiwa ay di-pinakukumplika ng mga kaukulan, uri, deklensyon, o pagbabanghay, kung kaya’t ang mga estudyante nito ay madaling makakapukpok ng mga simpleng pangungusap.  Ang ilang mga salita sa Bahasa ay maraming silbi.  Halimbawa, ang pakai, ay maaaring mangahulugan ng “gamit”, “suot”, o “may kasamang”: maaaring i-pakai ang martilyo, mag-pakai ng blusa, o uminom ng tsaang pakai asukal.  Ang Bahasa ay isa ring wikang mabilis mag-ampon ng mga salita mula sa ibang mga lenggwahe.  Halimbawa: paspor, status, fleksibel. efektiv, ekslusif, normal, demokrasi, konfirmasi, revolusi, tradisi, kolusi, korupsi, nepotisme (at sa mga pahayagan noong Marso-Abril 2003, rekonstruksi, transisi, agresi).

Isinapantaha ko ang pagiging matatas sa mga lenggwahe bilang katulad ng paglipad kung kaya’t ganado kong inaabangan ang mga liksyong ito, bagamat may kasabay na kahandaan sa pagka-disilusyon.  Mahabang panahon na ang nakalipas mula nang huli kong sinubukang magmemorya ng mga bagong salita.  Kapag sumusundo ng kaibigan sa paliparan, ano ang ginagawa: menjamput, menjemput o menjempat… mayroon ba itong kinalaman sa jam, tapos pat o put?   Muli, itinuro sa akin ng aming mga liksyon ang kakatwang katotohanan na ang mga salita ay walang laman.  Ang salitang “apple” ay hindi maaaring kagatin o ibato, bagamat sa paglipas ng panahon, sa paulit-ulit na gamit, ay nagkakaroon ito ng mapanlinlang na amoy at hugis.

Ilang liksyon din ang di-sinasadyang itinuturo sa Puri.  Doon ay ipinapaalala sa amin na ang malaking porsyento ng tao sa daigdig ay nagsasalita ng higit sa isang lenggwahe. At ang mga Amerikano ay kilala para sa aming di-matinag na monolinggwalismo.  Ang aming mga guro ay nagsasalita ng Javanese (o Balinese) at Bahasa at may sapat na kahusayan sa Ingles.  Ang mga Europeong nakilala namin ay may kakayahan sa Ingles; ang mga Olandes ay gumagamit ng Ingles hindi lamang para kausapin kami pero para kausapin ang dalagang Aleman at magtanong sa mga guro.  Kami ang pinakasalat sa lahat sa usaping ito, at nang umigting ang hidwaan sa UN Security Council sa pagitan ng Britanya at Estados Unidos sa isang panig at Pransya, Alemanya at Rusya sa kabila, hinggil sa imposisyon ng deadline para sa pagdidisarma sa Iraq, kaming dalawa ni Hugh ay kadalasa’y nanatili na lamang sa aming silid-aralan tuwing reses at tahimik na nag-uusap, nananatili ng “low profile” alinsunod sa Babala sa Paglalakbay.

Dinadapuan ako, tuwing di inaasahan, ng pagkumbaba at pagmamalaki, nagsasalit-salit na pansarili at pambansa.  Ang wikang pasalita, ang basâ at mainit na hangin sa ilalim nito at ang pagsusumikap sa likod, ang umokupa sa akin.  Ikinamuhi ko ang panonood sa TV sa ministro ng impormasyon ng Iraq na si Muhammad Said al-Sahhaf, na nagbubudbod ng mga maliwanag na kasinungalingan sa mga nakapasong mikropono.  Marahil ay higit pa rito, ang panonood sa mga pang-iislogan nina George W. Bush o Donald Rumsfeld sa harap ng mga kamera.  Hirap na hirap si Bush na magsalita sa harap ng publiko, sobra ang pagkasandig sa mga rehersadong pangungusap—ang mga salitang parang aso na isang tawag lang ay lumulundag mula sa mga halamanan—mistula siyang isang estudyanteng nagpupumilit na magsalita sa isang banyagang wika.  “Ang UN ay magkakaroon ng vital role.”  Ginoong Pangulo, ano sa partikular ang ibig ninyong sabihin sa vital role?  “Ibig kong sabihin ang aking sinasabi.  A vital role.”  Alam na alam ko ang pakiramdam na ito at nakababaliw siyang panoorin.

Subalit ang mga manlalakbay na Amerikanong kasing-edad namin—na may mga anak na lalaking nasa kolehiyo o nakatapos na—ay hindi maaaring maging mapagkumbaba palagi.  Paminsan-minsan, tuwing di-inaasahan, ang isa sa amin ay nakararamdam ng pangamba sa pagpasok at pagsalita na parang mga bata (malalâ pa sa bata) sa aming mga guro, dalawang mala-nanay na babaeng nasa edad-beinte.  Sa katunayan, pagsapit ng unang bahagi ng Abril, matapos ang pinakapangit na mga surpresa sa Um Qasr at Basra, ang mga “pocket of resistance,” at ang mga nakapanlulumong insidente ng friendly-fire ay balitang bilasa na sa Iraq, napagod na ako sa pakiramdam ng pag-aalinlangan, kalabuan, kahinaan, at paghihingi ng patawad sa loob ng mga silid-aralan ng Puri Bahasa.  Hindi ko na maatim na minsan pa’y marinig ang dumadalaw na Pranses na magpaliwanag (sa mabilis na Bahasa) na tuwing sa kalsada ng Yogya ay may bumabati sa kanya ng karaniwang “Hello meester!” ay itinutuwid niya ang mga ito at sumasagot siya ng “Hindi ako taga-Amerika, ako ay mula sa Pransya!” Saya tidak dari Amerika, saya dari Prancis!

“Kung hindi ka ba naman gago!” naisip ko, nang walang pagsubok na isalin ito, panandaliang nakalimutan ang aking pagsuporta sa Pransyang tutol sa digmaan sa Iraq at sa mga indibidwal na kumakatawan dito.

Hindi ko na ito isinumbat—nilunok ko na lamang—kung kaya’t nananatili ang lasa nito: puno ng paminta at usok, ang lasa ng aking wikang nakagisnan.

Ang Yogyakarta ay isang syudad na maringal at akademiko, na may sariling sultan, si Hamengkubuwono X, at may populasyong humigit-kumulang ay nasa 450,000.  Napapaligiran ito ng mga bukid ng palay, na ang ilan ay binubungkal pa rin ng kalabaw, at sa mga kalsada ay maaari pa ring makakita ng mga kabayong humihila ng kalesa at mga lalaking nagpepedal ng becak (pedicab).  Ang mga sasakyang ito ay payapang umuusad kasabay ng mga humahabigis na trapik motorsiklo, na sobrang gulo sa Yogya, dahil raw sa mga estudyante sa kolehiyo.

Ang klimang ekwatoryal ay nagpapahintulot sa mga Indones na magmotorsiklo buong taon sa halip na magkotse, ito rin ang nagpapahintulot sa kanila na tumira sa mga bahay at kumain sa mga restoran na walang matibay na pader.  Ang bahay sa kampus na nirentahan namin sa kalaunan, isang malaking espasyong itinayo para tirhan ng mga exchange student mula sa Norway, ay kulang ng isang pader, bagamat ilang araw muna ang lumipas bago namin ito napansin.  Ang pangunahing silid, na may mabibigat na mesa at isang bilog na mesang kahoy na sapat ang laki para sa pitong taga-Norway na wala roon, ay binibigyang-liwanag ng isang hilera ng matataas na bintana sa harap at likod, na ang bawat isa ay may nakalagay na puting rehas na may disenyong bahay-pukyutan at kulambo, pero walang salamin ang mga bintana sa likod ng bahay.

Dahil sa mga kalagayang ito, ang mga Amerikanong bumibisita sa Yogya ay natatagpuan ang kanilang mga sarili na nasa labas pa rin kahit na nasa loob ng bahay, at lubos lamang na nasa labas tuwing nasa labas.  Ang mga taong nagnenegosyo, kumakain, o bumibiyahe ay, kadalasa’y, mas nakalantad sa paningin.  At sa aspalto.  Sa mga lansangan, karaniwan ang akrobatiks pantrapiko, makapigil-hininga ang mga paghaging.  May mga nagmomotorsiklong may kalong na computer monitor, may halukipkip na mahabang karpet, bumabaybay nang may mga kalapati sa loob ng mga hawlang kahoy na mahigpit na nakatali sa kanilang likod, at naghahatid ng mga paslit na dilat na dilat ang mga mata, mahigpit na nakakapit sa pamamagitan ng kanilang mapapayat na braso’t binti, na parang mga nag-eensayong mangangabayo.  Ang mga inang may sanggol ay nakasiksik sa likod ng kanilang mga asawa, habang nakaduyan si beybi sa slendang, isang mahabang piraso ng tela na nakasukbit sa kanilang batok at nakatali sa balikat.  Walang lubos na tumitigil bago sumalubong sa trapiko; ang pagsalubong ay purong gawang pananampalataya.  Mayroong mga aksidente.  Ayon sa Jakarta Post, ang mga kapinsalaang may kinalaman sa motorsiklo sa buong Timog-silangang Asya ay nagdudulot ng malaki-laking pagpapabagal sa mga ekonomya ng rehiyon.

Tinanong ko ang isang propesor ng antropolohiya kung paano nangyari na ang mga Javanes, na kilala para sa kanilang ritwalistikong mabuting asal, ay lumikha ng syudad na namumutiktik sa mga motorsiklistang walang sinasanto.  Ang kanyang sagot, “A, madali lang iyan.  Ang mga lansangan ang aming larangan.”

Ang mga pangangalagang pisikal, ligal, at mga network ng regulasyon na nilikha bilang pananggalang ng mga panggitnang-uring Amerikano mula sa kapahamakan ay hindi ginaya sa Indonesia, kadalasan sapagkat masyado itong mahal o magmumukhang wala sa lugar kung i-eeksport.  Dahil dito, kung titingnan mula sa Yogya, ang mga Amerikano ay hindi mukhang delikado ang pagkalantad, madaling tamaan ng mga internal o panlabas na banta.  Sa halip ay para silang naka-seatbelt, child-seat, may safety-cap, klorinado, insurado, balot sa bakal, armado laban sa dagat, gumugulong sa pagkaligtas.

Ang mga peligrong hinarap namin sa pagdalaw sa Indonesia ay maliliit kumpara sa mga peligrong araw-araw na iniisahan ng karamihan sa mga Indones.  Gayong nabanggit ko na ito, sapat pa rin kaming naroroon para malantad sa lohika, init, galaw, at lawak ng lugar.  Sa bawat umagang ang mga lansangan ng Yogya ay napupuno ng mga pang-araw-araw na gawain, isang pasyal lang ay makukumpirma na ang larawang kuha ng US State Department sa arkipelago ay mula sa napakataas na layo, nang may espesyal na lenteng pang-State Department.  Bantang terorista, pweh, paano na’ng bus Number 10?

Sa ganitong disposisyon, sa aking mga pamamasyal, ikinatuwa ko ang pagpansin sa kahit maliliit lamang na mga bagay, marahil sapagkat parang patunay ito ng aking umuunlad na kakayahan at pleksibilidad bilang isang pansamantalang residente at, sa gayo’y garantya sa aking kaligtasan.  Nang matuto akong makilala ang mga may-takip na bote ng bensin (gasolina) na binebenta sa Jalan Colombo at malaman ang pagkakaiba nito sa mga kasing-hugis na boteng natatakpan ng mga piraso ng dahon ng saging, na naglalaman din ng malagintong likido, na tinitinda sa mga kariton sa kampus, sobra kong ikinatuwa ang tagumpay na ito.  Kaya naglakad ako sa kampus at ibinili ko ang aking sarili ng mas madilim na likido mula sa isang lalaking may peklat sa mukha at ininom ito mula sa isang supot na plastik sa pamamagitan ng straw.  Hindi ko sigurado kong ano ang aking nilulunok (katas ng sampalok na tinimplahan ng maskobadong asukal, marahil gula jawa na gawa sa sirup ng bulaklak ng niyog), pero maaari kong sabihin sa aking sarili, “Hindi ito gasolina!”

Ako at ang aking asawa ay hindi palaging naghahanap ng katiyakan sa Yogya.  Paminsan-minsan, maingat na maingat, naghahanap kami ng gulo.  Sa Babala sa Paglalakbay ng ika-10 ng Abril, pinagsabihan ang mga Amerikano sa Indonesia na “iwasan ang mga demonstrasyong pulitikal, na kung minsa’y nagiging marahas.”  Ang aming bahay ay bukas sa mga ingay mula sa kampus ng Universitas Gadjah Mada, at bukas rin ang aming mga tainga sapagkat nabanggit sa amin na ang rotonda sa UGM ay paboritong dausan ng mga nagpoprotesta.  Isang umaga ay nakarinig nga kami ng mga pinalakas ng amplipikasyon na mga galit na boses, pero hindi namin maintindihan ang sinasabi.  Sinundan ni Hugh ang mga babala at iniwasan ito papunta sa kanyang opisina sa unibersidad.  Nalaman namin pagkatapos na ang mga tao ay binuo ng mga residente ng Semarang na nag-bus patungong UGM para tutulan ang pag-aangkin ng unibersidad sa mga plantasyon ng tsaa sa hilaga: nais nilang bawiin ang kanilang lupa.  Ito ay domestikong kaguluhan, walang kinalaman sa panlabas na patakaran ng Estados Unidos.  Pagkatapos nito, makaraan ang ilang linggo, muli kaming nakarinig ng mga amplifier.  Linggo ng umaga, ika-23 ng Marso, ilang araw matapos simulan ang pambobomba sa Iraq.  Nagpasya kaming manood.  Palabas ng pintuan, nakaramdam ako ng pagkamanhid sa aking mga binti na, noong umagang iyon, ay parang napakahaba at napakaputi.  Sa harap, sa tabi ng malawak na damuhan ng kampus, ang malalaking grupo ng mga tao at ilang mga sasakyang nakaparada.  Mayroong ilang lobong lumilipad.

Tumawid kami ng Jalan Kaliurang para sumali sa mga tao.  Papalapit, nakita namin ang bulebard patungong rotonda na napapaligiran ng mga warung at mga nagtitinda ng CD, mga laruang pangpalaisipan na gawa sa kahoy, mga sandok at tinidor, mga magagaspang na prutas.  Maraming mga bata, may ilang mga sirkero sa damo, at isang lalaking nagtitinda ng kagamitan para gumawa ng bula na nagbenta sa amin ng dalawang bubble kit na gawa sa 1) isang segunda-manong lalagyan ng 35mm film na pinuno ng sabong likido, at 2) isang plastik na straw na nilagyan sa dulo ng isang pirasong kurbadong alambreng binalot ng sinulid, na niyupi para maghugis-bilog.  Natuklasan namin ang tiyangge ng UGM na idinaraos tuwing umaga ng Linggo.  Ang amplifier ay pagmamay-ari ng isang rock band, na tinatangkilik ng kumpanyang nagtitinda sa kending mentol na Boom!  Mayroong mga dalagang Indones na nakasuot ng pare-parehong T-shirt na nag-aabot ng libreng kendi.  Tumanggap ako ng mga pakete ng kending mentol mula sa ikalawang babaeng nag-alok.  Napalundag ako sa unang nag-abot sa akin…resulta ng “pananatiling alerto sa [aking] kapaligiran.”

Sa kanilang mga tahanan sa mga sumunod na linggo, ang mga Javanes ay manonood ng mga kagimbal-gimbal na mga larawan ng mga kaswalting Iraqi na ipinapalabas sa kanilang mga telebisyon.  Ang mga larawang ito ay patuloy na mag-eere sa Abril hanggang Mayo, matapos tumigil ang pambobomba sa Baghdad.  Ang Metro TV, isang pribado at 24-oras na bukas na istasyon ng balita sa Jakarta na nilisensyahan matapos ang pagbagsak ni Suharto ay paulit-ulit na nagpalabas ng isang popular na video montage: mga film clip ng mga nasugatang sibilyang Iraqi na nilapatan ng mukha ng isang batang babaeng Indones na umaawit ng isang malungkot na kanta, sa Bahasa Indonesia, para sa mga batang Iraqi na naputulan ng kamay at paa, nagtatanong kung paano pa sila mabubuhay ngayong wala na ang mga ito.

Nagkaroon ng mga tagapakinig ang mensaheng ito.  Sa isang tindahan ng magasin sa paliparan, may isang babaeng Muslim (makikilala dahil sa suot niyang jilbab na nakatakip sa kanyang ulo) na nakakita sa akin, tinanong ako kung saan ako galing, at nang sumagot ako ng “Amerika,” ay mariing ipinabatid sa akin sa Bahasa, na may kasamang galaw, na umiyak siya nang nakita niya ang maliit na batang lalaking Iraqi na ang mga kamay ay pinasabog ng mga bombang Amerikano.  Umiyak nang umiyak, sabi niya, gumuguhit ng mga linya sa kanyang mukha sa pamamagitan ng kanyang mga daliri at nakatitig sa akin.  Naisip ko na nais kong harapin, sukatin, kilalanin ang gayong mga pagpuna sa aking bansa, subalit natagpuan ko ang aking sarili, ilang minuto matapos ang patas na engkwentrong ito, na nag-iimbento ng mga depensibong sumbat sa Bahasa: “Ibu, anda sedih juga untuk orang-orang mati di Aceh, Timor, dan Papua dari TNI? Mengapa? Orang-orang itu tidak di TV kemarin? “ Ibu, hindi ka rin ba nalulungkot para sa mga taong namatay sa Aceh, East Timor, at Papua sa kamay ng mga militar na Indones?  Bakit?  Dahil wala ang mga taong iyon sa telebisyon kahapon?”

Ang takbo ng popular na sentimyento sa Indonesia noon (at, syempre, hanggang ngayon) ay mahigpit ang pagtutol sa imbasyon ng Estados Unidos sa Iraq.  Isa sa aming mga magalang na batang Javanes na guro sa lenggwahe, na nagsusuot din ng jilbab, ay nagsikap na ipaliwanag sa amin ang isang kumakalat na biro na may kinalaman sa pagpasok ng kaluluwa ni Hitler kay George W. Bush.  Sinabi sa akin ng isang graduate student sa araling panrelihiyon sa UGM na nakikipanayam sa mga pundamentalistang Muslim na ang pagkilos sa Iraq ay idaragdag sa listahan ng iba pang mga agresyon na binibigyang-kahulugan ng mga pundamentalista bilang ebidensya ng pandaigdigang sabwatan laban sa kanilang mga karelihiyon.  Kung kaya’t ang mga kwento ng mga biktimang Muslim sa Iraq ay itatala at ilalagay sa internet, kasama ang mga kwento ng mga biktimang Muslim sa Pakistan, Chechnya, Afghanistan, Bosnia, Palestine, at mas malapit, sa Central Sulawesi at Maluku (partikular and pulo ng Ambon), kung saan ang mga sagupaan sa pagitan ng mga Kristyanong Indones at Muslim na Indones ay naging madugo.

Gayunpaman, sa kabuuan, ang reaksyon ng publikong Indones sa digmaan sa Iraq ay tahimik, bagay na kapansin-pansin sa isang bansang may reputasyon para sa pagiging mapag-alsa.  Ang pinakamalaking demonstrasyon laban sa digmaan noong panahon ng kampanya ng pambobomba ng Estado Unidos ay naganap sa Jakarta at sinalihan ng mula 500,000 hanggang sa isang milyong katao, at hindi nagmitsa ng kaguluhan.  Nang sa Jakarta ay nagtangka ang isang grupo ng mga batang kalalakihan na tanggalin ang pintuan ng isang taxi na naglalaman ng mga turista, nakarating ito sa balitang pandaigdig.  Nagkaroon din ng mga demonstrasyon laban sa digmaan sa Yogyakarta, pero ang mga ito ay relatibong maliit, payapa, kung minsa’y naiilawan ng kandila, at napapalibutan ng polisi; nabalitaan naming may isang babaeng Espanyol na sumali sa isa sa mga protestang iyon na dinakip at binantaang kung susubukan niyang gawin ito muli ay kakanselahin ang kanyang bisa.

Nagbigay ang aming mga kaibigan at kakilala ng ilang mga dahilan para sa mistulang katahimikang ito, kabilang ang: pagkakaroon ng mas maraming pulis; pagsusumikap ng ilang mga makapangyarihang lider pulitiko na pahupain ang reaksyon ng publiko; isang pangkabuuang kahandaan, matapos ang Kuta Beach, na supilin ang mga maapoy na insidenteng magreresulta sa higit pang Babala sa Paglalakbay; at panghuli, subalit mahalaga pa rin, ang katotohanang ang mga Indones ay napakaraming mga pinagkakaabalahang bagay na domestiko na umookupa sa kanilang pansin.  Bilang mga Amerikano ay kapansin-pansin kami subalit hindi kami naging kasing-target-like tulad ng inasahan namin batay sa Babala sa Paglalakbay.  Ang mga Indones sa sarili nilang lupa ay mas aktibong nakalantad.

 Palitang Panalapi

 Tanghalian para sa dalawa sa kapeterya ng estudyante, may US$1.80.  Inihaw na isda at manok na hapunan para sa dalawa, may US$6.40.  Dalawampung minutong biyahe sa becak sa daang medyo pataas mula sa palengke ng Malioboro hanggang sa sangandaan malapit sa UGM, gawaing matapos ay humuhulas ang pawis sa tukang becak, may US$2.20.  Tiket para sa isang pagtatanghal ng tradisyunal na sayaw Javanes, na kinabibilangan ng siyam na mananayaw na may magagarang kasuotan at isang grupong gamelan, kung saan ikaw at ang iyong kasama lamang ang tanging nagbayad sa mga manonood (ang mga bata mula sa kampung ay sumisilip mula sa mga butas sa bakod), may US$3.30 na, kung doblehin ito, ay ang kabuuang kita ng tanghalang panlabas para sa gabing iyon.  Isang buwang upa para sa kwartong pang-estudyante, walang muwebles, 70,000 rupiah (para matantya ang katumbas nito sa US dolyar noong unang bahagi ng 2003, tanggalin ang tatlong sero, kunin ang ikasiyam na bahagi, at dagdagan ng kaunti.  Ang palitan sa halos buong panahon ng aming paninirahan doon ay 8,900 rupiah bawat dolyar).  Ang isang buwang sahod ng babaeng manggagawa sa pabrika ng siper sa Silangang Java, 200,000 rupiah.  Isang buwang sahod ng manggagawang babae sa isa sa mga mas maayos na pagawaan ng tela (“Made in Indonesia”), 750,000 rupiah.  Isang buwang sahod para sa “aming” security guard, 400,000 rupiah; para sa “aming” tagaluto at labandera, 300,000 rupiah.

Bago kami dumating sa Indonesia, sinabi sa amin na ang mga bahay sa unibersidad ay may kasamang security guard na nakatira doon at kami, ang mga nangungupahan, ang kailangang sumagot sa kanyang sahod.  Nang mabakante nga ang isang bahay, nalaman naming ang asawa ng security guard, ina ng kanyang dalawang anak na may mga edad na sampu at dalawang taong gulang, ang magluluto at maglalaba kapalit ng dagdag na sahod.  Wala kaming kilalang ibang mga Anglo na nagluluto para sa kanilang mga sarili sa Indonesia; ang lahat ay maaaring may tagaluto, nakikikain sa mga pamilya, o nagpupunta sa mga restoran.  Pagkalipat namin, sa pamamagitan ng pidgin ay nakipagnegosasyon kami kina Pak W. at Bu Supri, na ilang taon nang nakatira sa Rumah Norwegia (Norway House), nagbabantay sa lote, at nagsisilbi sa mga panauhin.  Ang kanilang mga sahod ay itinakda na ng housing office ng UGM, subalit mayroon pang mga katanungang kailangang isaayos.

Nagkaroon kami ng ilang problema sa umpisa.  Isang gabi, matapos ang nagkalabuang, baluktot na Ingles at baluktot na Bahasang negosasyon, nahiga ako sa kama nang nakakaramdam ng kakaibang pag-aapoy sa ang aking mga kamay at paa.  Nagpapawis nang malagkit, namamaga ang laman, binabagabag ng kunsensya, naiinitan at galít, pinag-aapoy ng mga pagsusupetsa hinggil sa barya, pakiramdam ko ay wala akong magawa sa malaking bahay na hinanda para sa aming pagdating samantalang alam ko namang malayo ito sa katotohanan.  Ito ay karanasang kolonyal, na naramdaman sa kalamnan.

Karaniwan sa mga panggitnang-uring mag-anak na Indones ang pagkakaroon ng pembantu, mga katulong, laluna ang babaeng tagaluto na nakatira di belakang, “sa likod.”  Sa lahat ng mga tahanang Anglo at Indones na binisita namin, nakakaengkwentro kami ng mga pembantu na naghahain ng pagkain, nagbabantay ng mga bata.  Bagama’t malaki ang iniunlad ng ekonomya ng bansa mula dekada 1960 hanggang 1990 (kung kailan ang karaniwang pamantayan ng life expectancy ay tumaas mula 46 hanggang 63 na taon), ito ay makakategorya pa rin bilang “developing” na bansa, kung saan madaling makakakuha ng murang paggawa.  Mula sa mga krisis pang-ekonomya’t pampulitika na naganap noong 1997-98, parami nang paraming mga Indones ang nawalan ng trabaho (ang tantos ng kawalan ng trabaho sa bansa ay tinataya sa 50 porsyento) at napilitang maghanapbuhay sa “impormal na sektor.”  Ang mga gawaing kumersyal na pumupuno sa mga bangketa ng Yogya—mga warung ng pagkain, tindahan ng prutas, talyer ng motorsiklo, estanteng nagtitinda ng susi, plaka ng sasakyan, bote ng gasolina—ay pawang mga imbensyon ng impormal na sector, patunay ng pagiging maparaan at kahirapan ng buhay.

Sa gayon, mula sa isang anggulo, ang tiyak na hanapbuhay ni Pak bilang security guard sa ilalim ng unibersidad ay maaaring tingnan bilang kainggit-inggit.  Subalit mayroon pang ibang mga anggulo.  Ang pinagsamang kita nina Pak at Bu, idagdag na rito ang bonus, ay umaabot humigit-kumulang sa presyo ng anim na bote ng Chardonnay—mula sa Australia, hindi California—na mabibili sa isang bodega sa likod ng groseri sa Malioboro Mall.

Sina Pak, Bu at ang kanilang dalawang anak na lalaki ay nakatira nang libre di belakang, sa dalawang maliliit na silid-tulugan at isang bukas at nabububungang patio na maaaring marating mula sa isang pintuan sa kusina.  Mahilig silang lahat na manood ng telebisyon, subalit walang TV di belakang, kaya’t madalas kaming umuuwi nang may nakaupo sa sopang ratan sa sala at bukas ang TV.  Kung ako at ang aking asawa ay wala nang trabaho sa aming mga kompyuter, umaatras kami sa silid-tulugan at nagbabasa ng mga segunda-manong libro hanggang sa balitang alas-singko ng BBC kung kailan binabawi namin ang TV… at inilalabas ang alak.  Noong Abril, bandang alas-singko, ang mga kartun ni Bugs Bunny ay madalas sumasagitsit pawala para magbigay-daan sa mga larawan ng lumulutang na berdeng usok: “shock ang awe” ng gabi sa Baghdad.

Kailanma’y hindi namin natiyak kung ano ang iniisip nina Pak at Bu sa dalawang Amerikano na di-maipagkakaila (subalit hindi lubusan sapagkat napakalayo sa konteksto) na kami.  Ang buhay na may pembantu ay parang artipisyal, teatrikal.  Ang alagang-alagang hardin sa likod ng malaking bahay ay napapaligiran ng pader na may butas sa isang banda na natatakpan ng isang lumang banig.  Doon dumadaan sina Pak at Bu mula sa kanilang tuyot na lote patungo sa “aming” pormal na hardin.  Sapagkat sira ang banig, natatanaw namin ang kanilang mga kagamitan—isang simpleng mesa sa labas, bisikleta, ilang sampayan.  Ang pagkakaiba sa pagitan ng aming mga akomodasyon ay napakalaki, napakadaling basahin, kung kaya’t ang mga gamit na pang-araw-araw ay parang sadyang ginasgas, sobrang naaaninuhan, parang mga stage prop.

Ilang beses, tuwing lumuluhod ako sa TV sa hapon para hanapin ang mabait at namamagang mukha ni Jim Lehrer, ay napapansin ko na ang istasyon ay nakalagay sa Al-Jazeera.  Noong Abril, ang aming kumpanya ng cable ay nagpapasahimpapawid ng Al-Jazeera na ang salita ay nilapatan ng Bahasa Indonesia.  Paminsan-minsa’y nanonood kami ng aking asawa para makita kung anong mga larawan ang ipinapalabas nito (mga kababaihang Iraqi na nakatayo sa tabi ng mga kamang pang-ospital, mga kalalakihang nababalot ng makakapal na benda at mga batang nakaratay sa ospital, mga Iraqi na nagmamakaawa para sa tubig, mga sobrang-bihís na mga Amerikanong kawal na nagmamando sa mga Iraqi), subalit sapagkat hindi namin maintindihan ni katiting ang salitang Arabo at kalakhan ng Bahasa, hindi namin ito pinapanood nang matagal.  Malamang ay pinapanood nina Pak at Bu ang kritikal na reportahe ng Al-Jazeera sa digmaang Estados Unidos-Iraq nang hindi nagpapaalam o nangangamba (sana) sa aming di-pagsang-ayon.  Maliit lamang na bagay ito, subalit kasiya-siya para sa akin sapagkat ibig sabihin nito na ako at ang aking asawa ay hindi talaga namumuno—o nagmamay-ari—sa pamilyang nakatira sa kabila ng pintuan ng kusina.

Kung tutuusin, kaming lahat naman ay mga post-kolonyal na nakikisalamuha sa post-kolonyal na Timog-silangang Asya.  Dati’y inangkin ng Olandes ang Indonesia, pinamunuan ng Pranses ang Biyetnam, kinuha ng Ingles ang Burma, Malaysia, at India, naghari ang Espanya sa Pilipinas, inangkin ng Estados Unidos ang Pilipinas at Biyetnam, subalit ang mga rehimeng Kanluraning ito ay wala na ngayon.  Pinatalsik ng mga Indones ang rehimeng kolonyal ng Dutch East Indies at kamakailan lamang ay pinag-empake ang sarili nilang paternalistiko at tiwaling diktador at ang kanyang sakim na mag-anak nang walang tulong mula sa anumang bansa sa Kanluran.  Ang parang walang-bigat na kalagayan ng isang bisita sa ganitong bansa ay parang sa isang multo…kaunti pa ay maglalaho ka na.

Gayong nasabi ko na iyan, matapos kong maiupo ang aking sarili sa tabi ng asawa kong may taas na 6’5” sa isang becak at makinis na maipedal sa kabilang dulo ng bayan ng isang maliit, siksik ang lakas, kulay-tsokolate ang balat na lalaking Asyano, nararamdaman ko kung paano mabuhay na parang sahib o asawa ng rehenteng Olandes, ang humawak ng kapangyarihan, ang magkaroon ng ganyang kolonyal na bigat.  The White Man’s (a) Burden.  Ang imperyalismong pang-ekonomya ng ikadalawampu’t isang dantaon, kung tawagi’y globalisasyon, ay kasing-amoy ng sinaunang kolonyalismo, at sa Indonesia sa loob ng ilang buwan, ako at ang aking asawa ay naging mga kapansin-pansin ang tangkad, mayayamang tao na nakatira sa isang bahay na may mga katulong na katutubo.  Sa kontekstong ito, natransporma kami: naging malaki ang pangangatawan at uutal-utal samantalang ang mga kawal na Amerikano, ang aming mga dambuhalang puting anino, ay sumusugod sa Iraq.

 Mga Belo

 Nang malaman ng aking ina, na minsa’y nanirahan sa Saudi Arabia, na magtutungo kami sa Indonesia at isa itong bansang Muslim, sinubukan niyang ipahiram sa akin ang isang bestidang may mahabang manggas, mataas na kwelyo, hanggang bukung-bukong ang haba at maluwag na isinuot niya sa Riyadh dalawampung taon na ang nakararaan at tinanong ako kung kukuha kami ng drayber.  Sumagot ako na hindi at kampanteng sinabi na “ang Indonesia ay hindi Saudi Arabia.”

Makaraan ang ilang buwan, binanggit pahapyaw ng pangalawang cultural attaché sa Embahada ng Estados Unidos sa Jakarta, na tumanggap sa amin sa kanyang opisina para sa isang pagkikitang “welcome-to-the-country,” na ang jilbab—ang belong Muslim—ay nagiging mas popular sa Indonesia.  Isa itong maliit na piraso ng impormasyon hinggil sa usong pananamit, at marahil pulitika, ng mga kababaihan ng bansang pinili naming bisitahin.  Napakagulo ng tanggapan ng lalaking ito, may mga kahon sa sahig, sapagkat nagsasalit-salit sila ng punong cultural attaché sa trabaho; lahat ng di-esensyal na opisyal ng embahada ay inilabas na sa bansa at ang mga empleyado ay binawasan, sa kadahilanan ng seguridad.

Si Hugh at ako ay bagong-lapag, bagong-luwal sa tanawin.  Papalabas ng Embahada, hinatid kami, ayon sa aking pagkakaalala, sa kabila ng metal detector (hindi na kailangang dumaan dito kung papalabas), dumaan sa ilang mga gwardya ng Embahada, tungo sa security booth sa labas kung saan kinuha naming muli ang aming mga pasaporte, at lampas ng mataas na bakod na may barbed wire hanggang sa bangketa, sa likod ng sementadong barikada na itinayo para harangin ang mga nagpapasabog ng sasakyan.  Mayroong nagaganap na maliit na demonstrasyon laban sa Estados Unidos sa kabila ng barikasa, na pinangungunahan ng ilang kakatwang kalalakihang may takip ang mukha.  Nang makita nila kami, ang isa sa kanila ay dumiretso sa aking asawa, na matangkad maging sa pamantayang Amerikano, yumuko mula sa baywang at inabutan siya ng isang di-maintindihang petisyon.  Si Hugh, na ayaw itong tanggapin, ay kinuha pa rin ito.

Ang engkwentrong ito ay nagpanerbiyos sa amin.  Matapos ito, sa aming silid sa hotel, na madilim, kulay-butterscotch at puno ng mga maletang nakasinturon pa rin ng royal blue na security tape ng paliparan, inamin namin sa isa’t isa ang pagnanais na sana ay pinigil ng pulis sa di-kalayuan, o ng naghatid sa amin na taga-Fulbright, ang lalaki bago siya nakalapit.  Siguro ang maskara ang nakapagpangatog sa amin… ang maskara at ang barikada at ang barbed wire at ang mga gwardya at ang mga nagrerelaks (naaaliw?) na mga pulis, at ang aming realisasyon na ang mga Amerikanong opisyal sa Jakarta ay piniling mabakuran nang gayon na lamang, napakahigpit ng pagkakandado sa loob, subalit handang ipadala kami sa interyor ng Indonesia, kung anuman ang Indonesia, sapagkat sinabi naming gusto naming magpunta roon.

Ang doon ay naging “dito.”  Sa Yogyakarta, noong unang linggo namin, naupo kami kasama ang aming pinakabatang guro sa lenggwahe, na may suot na jilbab.  Matiyaga at may awtoridad niyang inilatag ang mga flash card at sinundan namin ang mga ehersisyo.  Pagkatapos, sa simula ng aming ikalawang klase, taranta siyang tumayo sapagkat natanggal ang aspileng nagkakabit sa kanyang belo.  Nang nagmamadali siyang umalis para ayusin ang kanyang sarili, nagtaka ako kung ganoon ding kabahala ang kanyang pagkamahinhin sa ibang mga tao, o kung kaming mga Amerikano ang nagpataranta sa kanya.

Pinagtatakhan ko Ang Belo bilang isang bahagi ng kasuotang Asyano at bilang tandang pulitikal.  At sapagkat naging bata rin ako, pinag-isipan ko ang belo bilang saplot na masuyong nagpapaselan sa balat ng kababaihan, tulad din ng pag-iisip ko dati, matagal na, tungkol sa bra.  (Ano ang pakiramdam kapag tinanggal ito?  Paano ang mga may garter?)  Nang biglang tumayo ang aming guro, hawak-hawak ang kanyang belo para hindi ito bumukas, gusto ko siyang pigilin at sabihing, “Ayan, tama na, anak, marami na kaming nakitang leeg.  At ang mga nakita namin!  Mga piercing, utong, thong, mga estudyanteng babae na nakakarsunsilyong may naghuhumiyaw na CORNELL sa puwitan.  Hindi mo kailangan magtakip para sa amin.  Ang tatanda na namin.  At galing kami sa Amerika.”

Naghahanap ang aking mga matang Amerikano ng ebidensya na ang mga kababaihang Indones na nagsusuot ng jilbab ay hindi kontra-Kanluranin, hindi likas na kontra-Amerika (kami).  Sa halos di-namamalayan, may-pagkabahalang paghahanap na ito, mabilis akong makasipat ng mga tandâ na ang mga kababaihan sa paligid ko ay nakipagkumpromiso sa Kanluran, o nakumpromiso nito…na kinagat nila ang mansanas.  Kaya nang makakita ako ng isang tropa ng mga batang babaeng Muslim na estudyante, pareho-pareho ang suot na asul na palda, kulay-kremang blusa, belong asul, at may suot na makapal ang pagkamoldeng sapatos pantakbo na sumisilip sa ilalim ng kanilang mga laylayan, o kung sa Malioboro Mall ay nakakapansin ako ng mga babaeng nakabelo na pababa sa eskaleytor habang ako ay pataas, kaming lahat lumulutang sa paligid ng Texas Chicken, California Fried Chicken, Sports Station, Kidz Station, Nautica, Polo, Athlete’s Foot, Golf House, Reebok, Red Earth, at Planet Surf, ay natatahimik ang aking mga alinlangan.  Sa madaling sabi, sa Yogya, natuklasan ko ang aking sarili na binibigyang-kahulugan ang pagkaaliw ng mga Indones sa Kanlurang pop at komersyal na inkursyon bilang tandâ ng moderasyon at akomodasyon.  Habang nakapwesto sa Yogya Pizza Hut, nakaramdam ako ng pagmamay-ari at malugod na pagtanggap sa mga panauhin, tulad ng orihinal na tau-tauhang Lego mula sa isang Fast Food set na nagbukas sa kanyang tahanang plastik sa mga salamangkero at astronaut.

Para sa akin at sa aking asawa, ang pinakamadaling lapitan na kababaihan ay ang mga estudyante at guro, kabilang ang aming mga guro sa Puri Bahasa at ang mga gradwadong estudyante ni Hugh sa Araling Amerikano, karamihan sa kanila mga kababaihang kayang magsalita ng dalawa o tatlong lenggwahe, nasa mga edad beinte, ang ilan ay nakabelo ang ilan ay hindi, na nakikipagkaibigan sa isa’t isa sa kampus at, minsan, sa isang grupo malapit sa kapeterya, ay magandang-loob na nag-abot ng isang supot ng potato chips kay Hugh sapagkat wala silang ibang mairegalo.  Naaalala ko ang mga batang babaeng ito bilang matalino at mabait.  Siyempre, mayroon ding iba sa kampus na, sa amin, ay mukhang di-malapitan.  Paminsan-minsa’y nakakakita ako ng babaeng nakabalot sa itim, nakasuot ng mahahabang palda at belong umaabot hanggang kamay at tumatakip sa kanyang buong mukha maliban sa kanyang mga mata, na lumiliko sa kanto o lumulutang paakyat ng hagdanan.  Sa Yogya, ang mga babaeng Muslim na lubos ang pagkabelo ay parang kasingdalang ng mga Anglo.  Dahil sa kanyang pisikal na anyo, ang pinili niyang di-usong pagkakaiba, ang taong ito ay madalas kong maisip bilang sagisag ng demokrasya.  Kung minsan naman ay para siyang sutil na anino.

Sa Java, halatang maraming uri ng belo na gawa sa iba’t ibang tela, kulay, at haba, ang iba ay pinapabigat ng mga kahulugan, ang iba ay relatibong magaan.  Ang aking mga pagtatangkang basahin ang kahulugan ng mga ito ay pauli-ulit na nabigo, sapagkat kadalasa’y ang isa sa aking mga mata ay hindi makapokus, napapakanluran.

 

Noong ika-20 ng Marso, hapon, nabalitaan naming ang mga tropang Amerikano at Ingles ay tumutulak na sa Iraq.  Isang mekanikal na “klik” ang tumunog matapos ang mga mahahabang linggo ng teatrikal na diplomasya at pandaigdigang pagtutol, at sumindi ang berdeng ilaw.  Mayroong ginhawang nararamdaman tuwing nagsisimula ang isang kaganapan na labas sa iyong kapangyarihan.  Ang stock market, nang madama ito, ay nabuhayan, at nakatanggap kami ng mga kumpesyonal na e-mail mula sa mga kaibigan na may taya sa stock market at tutol sa digmaan.

Hindi namin maituwid ang oras.  Bumabagsak ang mga bomba sa Baghdad, ayon sa mga tagapag-ulat na Ingles—sa London?—na pinapanood namin bago mag-almusal, at muli bago maghapunan, mula sa aming sopa sa Yogyakarta.  Tuwing binabanggit ng mga reporter ang “Huwebes,” “Sabado,” o “kagabi,” nahihilo kami.  Sa bandang huli, sumuko kami at hinayaan na lamang ang aming mga sarili na magpaanod sa mga oras, kahit papaano’y nakakatiyak na ang mga bombang ipinapakita sa TV ay sumabog na; hindi kami nanonood ng mga pagsabog na magaganap pa lamang.  Sa katunayan, mayroong apat na oras na distansya sa pagitan ng Yogyakarta at Baghdad.  Kapag 7:34 sa Yogyakarta, 3:34 sa Baghdad, kaya ang araw ay sumisikat sa Ilog Tigris apat na oras bago ito sumilay sa aming bulkan.  Nagkaroon kami ng malay sa mga malalaking hiwa ng daigdig, naiilawan nang pabagu-bago, na may mga reporter na nakadestino dito at doon, pinagdudugtong ng teknolohiyang walang-kawad at nakikipag-usap sa mga larawan ng isa’t isa, nagpapalitan ng mga matulunging tanong at sagot.  At, matapos sumikat ang araw sa tamang mga lugar, nakakakita kami ng mga larawan ng kapinsalaan sa Baghdad, binabalitang panay “gusaling pampamahalaan,” na may apoy na kumakaway mula sa mga bintana.

Bukambibig ang “humanitarian aid” na bulto-bultong naghihintay sa labas lamang ng daungan ng Um Oasr, subalit naaantala ng “fierce pockets of resistance.”  Matapos ang ilang araw, ang mga “pocket” na ito ay parang lumaki at naging buong Amerikanang three-piece.  Nagsimula kaming makakita ng mga larawan ng mga kawal na Amerikano o Ingles, napakaraming bitbit na kagamitan, na nakahiga sa kabila ng mga barikada, sumisilip sa mga mapanglaw na lote, o nagmamadali sa tabi ng mga pader, tumatanggap at nagbibigay ng punglo.  Lumubha ang masamang balita sa panig ng Koalisyon.  Nagbagsakan ang mga helicopter na Ingles.  Nagpabagsak ang mga Amerikano ng isang eroplanong pandigma na British Tornado.  Nagpagulong ang isang kawal na Amerikano ng mga nakamamatay na granada sa tent ng kanyang mga kababayan.  Noong Linggo, malapit sa An Nasirivah, mayroong mga Marine na napatay nang ang isang grupo ng mga sundalong Iraqi ay umatake matapos magpanggap na sumuko.

Sa araw ding iyon, ang isang grupo ng mga Amerikanong nakasakay sa likod ng isang komboy ay sinalakay, binihag at ipinalabas sa telebisyong Iraqi.  Buong lisik na sumagot ang Estados Unidos, tinuligsa ang paglabag na ito sa Geneva Convention protocol, subalit binanggit ng ilang komentador ang katunayang ang media sa Kanluran ay nagpasahimpapawid rin ng mga larawan ng mga nakagapos na POW na Iraqi.  Marahil sa kadahilanang ito, ang mga Amerikanong POW ay biglang ipinakita, nakalantad, sa aming TV sa Yogyakarta.  Mayroong isang naka-crewcut na binata na may ekspresyon ng nautal, parang-batang pagkagimbal sa kanyang mukha.  At naisip ko, “Mamamatay siya.  Buhay siya ngayon, pero bukas o makalawa siya ay papahirapan at mamamatay.  At tinitingnan ko siya.”  Ang bangungot ng sundalo na madakip (na bangungot ko rin kung minsan) ay naging katotohanan.  Hindi niya ito mawakasan ng paggising.  Siya ay nasa kamay na nila.

Alam ko na ngayon na ang kawal na ito at ang kanyang mga kasamahan ay nailigtas at hindi napatay, at ang mga pwersang Amerikano ay umokupa na sa Baghdad pagsapit ng gitna ng Abril.  Pero hindi ko ito alam noong huling banda ng Marso.  Noon, hindik na hindik, pinipilipit ng aking pagtutol sa digmaan at ng kasabay nitong pag-asam na sana’y mabilis nang matapos ng mga sundalong Amerikano ang kailangan nilang gawin, palagi kong naaalala ang mukha ng sundalong iyon.  Sa aming itim na silid-tulugan, tuwing ayaw akong dapuan ng antok, nakakaisip ako ng mga wasak na pintuan, mga lalaking may takip sa mukha, mga sigaw sa maling lenggwahe, ang silid na bigla’y punung-puno ng tao, isang kakila-kilabot na ilaw na sinindihan.  Ang litung-lito kong kalagayan—humihingi ng paumanhin at depensibo, pasipistiko at patriotiko—ay madaling magpalitaw ng pangkat ng nakamaskarang tagapaghiganti na, sa isang pak! ay magpapalinaw sa lahat.

Sa mga sumunod na linggo matapos ang ika-20 ng Marso, nanahimik ang Yogya.  Naganap ang mga demonstrasyong tutol sa digmaan, subalit parang nililimitahan ng pulis ang kanilang iskedyul.  Isang araw, ibinalita ng aking asawa na nakakita siya ng mga estudyanteng nagkukumpulan sa rotonda at naglakad ako para makiusyoso, subalit nang makarating ako, ay wala na sila, napalitan ng karaniwang tsubibo ng mga motorsiklista.  Ang mga fast food na Amerikano, ang wikang Ingles, at musikang pop ay walang pakialam na nanatili sa buong syudad.  Ano ba ang aking inasahan: na ang Pizza Hut ay guguho at titiklop na parang toldang warung, mula sa hiya o takot?  Bukas ang mga ilaw sa KFC, hindi basag ang mga malalaking salamin, puno ng parokyano.  Ang isang Indones na istasyon ng balita sa telebisyon, kung saan ang lahat ng reporter at panauhin ay nagsasalita ng Bahasa Indonesia, ay nagpapakita ng mga matitingkad na hedlayn sa Ingles: Election Countdown! Headline News! Iraq under Attack!  Ang Radisson locker room ay nagpatuloy sa pagpapatugtog ng mga walang salitang himig-Broadway na kabisado namin ang mga salita (“tum tum tum tum BUTTONS AND BOWS”).  Sa isang warung sa bangketa, binuksan ng isang pulubing naghahanap ng limos ang kurtina at bumunghalit ng, “When I was just a ‘lil bitty baby my momma done rocked me in the cradle …”  Binigyan namin siya ng barya at naglaho siyang parang anghel.

Ang pagiging sobrang kakaiba ng aming kalagayan ay natapatan, pinatingkad lalo, ng pagiging kakaiba ng digmaan mismo, na masiglang ipinangalandakan ng mga tagapagsalitang Amerikano bilang pagkakawanggawa para sa “pagpapalaya.”  Ang isang dambuhala, high-tech, halos walang kahinaan at walang-pagkatalo (kahit paano’y ganito ang hitsura noong unang bahagi ng 2003) na pwersang pansalakay na paulit-ulit na ipinapahayag ang pagiging kaibigan nito ay lubhang kakaibang hayop nga, mala-halimaw kung titingnan sa malayo.

Sa mga linggong ito, ako at ang aking asawa ay nanatili sa aming mga iskedyul.  Araw-araw kaming lumalangoy sa parehong oras, sa gayo’y hindi binabago “ang mga oras at ruta para sa lahat ng kinakailangang pagbiyahe,” isang taktikang nirerekumenda ng State Department.  Sinagot namin ang mga e-mail nang nangangako sa lahat na parang wala namang kailangang ikabahala, na ang Yogya ay aman, payapa, sibil.  Kung hindi kami gaanong nagpapakita, ito ay sapagkat mayroon kaming kailangang tapusing trabaho.  Nag-eedit ako ng mga pahabol na artikulo para sa pang-akademikong publikasyon na Indonesia.  Si Hugh ay naggagrado ng mga papel at naghahanda ng mga klase para sa maikling kwentong Amerikano.  Habang nagtatrabaho kami, nagbago ang tono ng mga balita sa TV.   Pinasok ng mga tangkeng Amerikano ang Baghdad.  Nawala ang mga tropang Revolutionary Guard ni Saddam Hussein, kasama ang ministro ng impormasyon ng Iraq at, matapos ito, si Saddam Hussein mismo.  Saan silang lahat nagsipunta?  Mukhang hindi sa amin maipakita ng TV, at iilang tao lamang ang nagtatanong.  Nagsu-zoom in ang mga kamera sa mga kisame at banyo ng mga abandonadong palasyo ni Saddam, tapos ay pinapalitan ng mga larawang nagpapakita ng mga malalaking kinakalawang na bariles na hindi naglalaman ng Weapons of Mass Destruction.

Ang huling sanaysay para sa publikasyon na kinailangan kong i-edit bago umuwi ay pinamagatang “Kasalukuyang Datos sa Military Elite ng Indonesia,” isang regular na feature, na nakagawiang nilalagdaan ng “Mga Patnugot.”  Sinimulan ko ang piyesang ito nang hindi nag-iisip, subalit matapos ang ilang pahina ay nagsimula akong mangamba.

Nilarawan sa sanaysay ang endemikong katiwalian sa hukbong Indones, inulat na ang mga pagsusumikap na repormahin ang TNI (Tentara Nasional Indonesia, Indonesian Armed Forces) at bawasan ang direktang impluwensya nito sa pambansang pulitika ay napreno sa ilalim ng rehimen ni Megawati.  Ipinaliwanag ng mga may-akda na ang hukbong Indones ay tumatanggap lamang ng 30 porsyento ng aktwal nitong badyet mula sa kapos-sa-salaping pamahalaan.  Sa gayon, ang mga yunit teritoryal nito ay umaasa sa mga “fundraising activities,” na ang marami ay kriminal, na kadalasa’y kinabibilangan ng sadyang pagpapasimuno sa mga lokal na hidwaan na nagiging dahilan para sa pagkakaroon ng militar na “serbisyong panseguridad,” laluna para protektahan ang mga multinasyunal na industriyang pang-ekstraksyon—Freeport McMoran, Exxon-Mobil—mula sa pagkaantala.  Ang Freeport McMoran, isang konglomereyt sa pagmimina na may kahiya-hiyang rekord sa karapatang pantao, ay kumikilos sa Papua, at ang Exxon-Mobil sa Aceh.  Ang mga kilusang separatista ay matagal nang aktibo sa dalawang lalawigang ito na maraming likas na kayamanan sa silangan at kanlurang hangganan ng Indonesia, at, dagdag pa, ang Aceh ay sinalanta ng lindol at tsunami.  Tuwing nagsisimula ng gulo ang mga militar sa mga lugar na ito, itinuturo nila ang mga teroristang separatista; mula 9/11, ang salitang terorista ay bumigat ang timbang-pulitikal at naging kasangkapan ng mga nagpiprisintang maghahatid ng katahimikan sa buong mundo.  Iniulat sa sanaysay na ang mga kawal na Indones ay nagpapabayad din bilang mersenaryo at tumutulong sa pagsasanay sa mga kabataang Kristiyano at Muslim na nagpapatayan sa Ambon.  Puna ng mga may-akda, “Kakatwa na ang mga pwersang panseguridad ang nagpapasimuno sa kaguluhan bilang istratehiya para sa sarili nilang pananatili…”

Inedit ko ang artikulong ito nang pinakamabilis na kaya ko, sa dalawang mahahabang upuan, tapos ibinalik ito sa aming server at binura mula sa aking laptop.  Hindi ako natakot para sa aking personal na kaligtasan sapagkat wala naman akong balak na bumiyahe sa Aceh o maging sa Papua, subalit kinabahan ako sa online surveillance.  Nabigyan na kami ng babala na ang seguridad sa kawad (credit card, telepono, Internet) ay maluwag sa maraming bahagi ng Timog-silangang Asya at nakarinig ako ng mga kwento mula sa mga kaibigang nakatira sa Yogya na nakatanggap ng mga bill mula sa VISA na puno ng mga di-maipaliwanag na gastos mula sa Maynila.  Pinanatag ko ang aking sarili sa pag-aalala na isa lamang akong napakaliit na isda sa isang napakalaking lawa, walang magtitiyagang bingwitin ako, at ang aparatong pangmanman ng Indones ay siguradong kulang sa tauhan sapagkat tiyak na kulang sa pondo.

Nagwakas ang artikulo sa pagbanggit na ang administrasyon ni George Bush ay “nag-orkestra ng intensibong kampanyang anti-terorista sa buong mundo,” at ang panggigipit ng Estados Unidos tungo sa mas mataas na seguridad ay nagpagatong sa “lumalaking pagpapapel ng militar” sa Indonesia.  Ang binigyang-pulitikang War on Terror ng Estados Unidos ay nagkaroon ng malawakang epekto.

Noong Hunyo ng 2003, nang umalis na ako ng Indonesia pero nakatira pa rin doon ang aking asawa, pinasok ng mga militar na Indones ang Aceh.  Inakusahan ng mga organisasyong tumataguyod sa karapatang pantao ang militar at ang mga rebeldeng separatista ng mga madudugong paglabag: sinunog ang mga paaralang Acehnes, may mga binata at batang lalaki na pinatay, libu-libong mga naninirahan ang nawalan ng tahanan, naputol ang suplay ng pagkain.  Sanhi nito, naglabas ang US State Department ng panibagong Babala sa Paglalakbay na halos walang pinagkaiba sa nauna (“ipagpaliban ang lahat ng pagbibiyahe,” “ang kaguluhan ay maaaring sumabog nang biglaan”), bagamat partikular na tinutukoy nito ang Aceh at sinabihan ang mga Amerikano na lisanin ang lugar.

Natakot ako sa babalang ito; natakot ako para kay Hugh.  Napakabilis lumayo ng lupa!  Naaalala ko ang nagsasarili at buhay na buhay na bigat ng Yogya at ang hamak kong sarili sa tunay na lugar na iyon, subalit hindi ko na muling malalakad ang mga lansangan nito para maiugat at maturuan ang aking sarili.  Kaya ang bansa ay bumalik sa malayo at binalot ang sarili sa ulap, at pinaliliwanag ang buong lugar ng mga nakakabagabag na balita, na para bang ang lahat ng bulkan ay sumasabog at nabibiyak ang lupa.  Isang araw, mayroon akong kakilalang nagkamaling magbalita sa akin na ang mga Amerikano ay inuutusang lisanin ang bansa.  Agad kong ine-mail si Hugh at naghintay ng sagot.  Sumakit ang aking tiyan.  Kinabukasan ay sumagot siya, na ang buod ay, “Ano?”  Ang malaking balita: kasama niya ang ilang mga kaibigan na kumain sa restorang Milas at ginamit lamang niya ang aming motorsiklong Honda hanggang doon, timog ng Malioboro at pabalik, sa dilim, walang problema.

Hindi namin malalaman ng aking asawa kung gaanong kalapit kaming mahagip ng peligro habang nakatira kami sa Yogyakarta.  Sumasabog nga ang bomba sa Indonesia.  Ang dalawang organisasyong jihad, ang Laskar Jihad (na nagpadala ng mga kawal sa Maluku para ipagtanggol ang mga Muslim laban sa mga Kristiyano) at ang Jemaah Islamiyah (isang organisasyong inakusahan ng pagkakasangkot sa pambobomba sa Bali) ay umagaw na ng pandaigdigang pansin.  Makahulugan ba ang mga ito, ito ba ang bumubuo sa unang mainit na pagputok mula sa kontra-Kanluran, maka-Muslim na bulkan, o halos panay usok lamang ba ang mga ito, mga maliliit na hugis na inayos para maghagis ng malalaking anino?  Minementina ng iskolar na si John Sidel na ang banta ng jihad sa Muslim na Timog-silangang Asya ay pinalobo lamang ng mga pwersang panseguridad ng estado sa Estados Unidos, Indonesia at Pilipinas para sa sarili nilang pampulitikal na interes, at “ang mga naglalako ng jihad sa Pilipinas at Indonesia, sa katunayan, ay naglulunsad ng digmaang rear-guard na walang panalo.”  Batay sa aking “landed” na karanasan sa Indonesia at aking pulitika, sumasang-ayon ako sa pagtatasang ito.  Naniniwala ako na binigyang-katwiran ng ating mga pinunong pulitikal ang kanilang agresibong patakarang panlabas sa pamamagitan ng pagpapalobo sa banta ng mga dayuhang terorista sa mga Amerikano sa sarili nilang mga tahanan, isang istratehiya na nag-ambag hindi lamang sa maling pagkakaintindi ng mga botanteng Amerikano sa buong mundo, kundi na rin sa mga maling pagkakakilala sa ating mga sarili at sa lugar natin sa mundo.  Ang mga mamamayang Amerikano ay hindi kasingnababantaan, nakalantad, walang laban—kung kaya’t nasa katwirang maging mapandigma—gaya ng gusto nilang isipin natin.

 Subalit hindi ko pa rin tiyak.  Ang aking narating (tatlo lamang sa anim na libong islang may populasyon ang napuntahan namin), pagkabihasa sa lenggwahe, ang aking pagbisita, ay napakalimitado para pumapel ako bilang tagahatol sa kasalukuyang kalagayan ng bansa o direksyon nito sa kinabukasan.  Gayong nabanggit ko na ito, literal na pinangatog ng pagbisitang iyon ang aking mga buto at nagpalagas sa aking buhok, at hindi ko makakalimutan na ang Indonesia ay totoo.

Deborah Homsher
Si Deborah Homsher ay tagapamahalang patnugot sa Southeast Asia Program Publications ng Cornell University.

Kyoto Review of Southeast Asia. Issue 6: Elections and Statesmen. March 2005 

 Nagkakautang ako sa mga sumusunod na artikulo para sa impormasyon tungkol sa Indonesia: John T. Sidel, “Other Schools, Other Pilgrimages, Other Dreams: The Making and Unmaking of Jihad in Southeast Asia,” Southeast Asia over Three Generations: Essays Presented to Benedict R. O’G. Anderson (Ithaca: Cornell Southeast Asia Program Publications, 2003). The Editors, “Current Data on the Indonesian Military Elite, February 1, 2001 through January 31, 2003,” Indonesia 75 (April 2003).  Salamat din sa Fulbright Association at American-Indonesian Exchange Foundation para sa kanilang suporta.

Exit mobile version