Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Mga Suliranin sa Nasyonalistang Historiograpiyang Thai sa Kasalukuyan

          

Mayroong mga panahon kung kailan ang mga diskursong historikal at ang pulitika ng mga ito—sino ang kumokontrol, ang paraan ng pagpapalawig sa mga ito, at kung paano isinusupil ang mga katunggaling kasaysayan—ay napapagitna sa debateng intelektwal o publiko.  Sa Thailand, may katagalan na rin mula nang ang kasaysayan ay nagbunga ng ganitong interes.  Ang nasyonalistang historiograpiya ay lumilitaw na umabot sa pusisyon ng hegemonya na kapansin-pansin kung hindi dahil sa katotohanang halos wala itong nakahaharap na oposisyon.  Gaano katatag, samakatwid, ang pampulitika at pang-akademikong proyektong ito, isang dantaon mula nang ito’y inilunsad?

Sa papel na ito, tinitignan ko ang ilang mga suliranin ng kasalukuyang nasyunalistang historiograpiyang Thai.  Ang una ay ang problema ng paksa ng mga naratibong ito, ang bansang Thai.  Paano ang naging takbo ng historiograpiya ng bansang Thai, laluna matapos ang critique sa konsepto ng “bayan” na ibinunga noong dekada otsenta ng mga sulatin tulad ng Imagined Communities ni Anderson at The Invention of Tradition nina Hobsbawm at Ranger?  Pangalawa, ano ang papel ng monarkiya sa mga naratibong ito?  Paano nalilimitahan ng kasalukuyang impluwensyang pulitikal at kultural ng monarkiya ang mga posibilidad ng historiograpiyang Thai?  Ang ikatlong problema ay paglalarawan sa mga minoryang etniko at rehiyonal na humahamon sa dati’y simpleng pag-unawa sa isang nagkakaisa, at nag-iisang kulturang bansa.

Isang bagong usapin, lumitaw mula noong rehiyonalisasyon ng dekada nobenta, ay ang epekto ng nasyunalistang historiograpiyang Thai—inilalarawan sa mga dramang pantelebisyon at pelikula, at maging sa mga aklat pang-eskwela—sa relasyon sa mga karatig-bansa ng Thailand na, sa ilang mga pagkakataon, ay humantong sa tensyong diplomatiko.  Ang sumusunod na problema ay kaugnay sa mga propesyunal na istoryador sa akademya: ang impluwensya mula dekada nobenta ng teoryang “postmodern” at ang pagkukuwestyon nito sa mga ipinapalagay na katotohanan ng kasaysayan.  Kung ang kasaysayang Thai ay isa lamang kwento sa di-mabilang na mga kwento at hindi nakalalamang ang karapatan bilang awtoridad sa nakalipas, karapat-dapat ba rito ang pribilehiyado nitong katayuan?  Ang huling suliranin ay ang kasalukuyang kalagayan ng propesyunal na kasaysayan na halos walang kaugnayan sa pagtingin ng madla sa kasaysayan.  Paano naapektuhan ng paghina ng disiplina ng kasaysayan sa kanlungang institusyonal—ang mga unibersidad at institusyong pang-edukasyon—ang iniluwal nito isang dantaon na ang nakalilipas, ang kasaysayan ng bansang Thai?

Patrick Jory
(Translated by Sophia Guillermo.)

Read the full unabridged version of this article in English HERE

Kyoto Review of Southeast Asia. Issue 3:  Nations and Other Stories. March 2003

Exit mobile version