Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Lokal na Pagkakakilanlan, Pulitikang Pambansa, at Pamanang Pandaigdig sa Hilagang Thailand

Noong Pebrero 2015, nagsumite ng aplikasyon ang National Committee for World Heritage ng Thailand para maitala ang lungsod ng Chiang Mai sa UNESCO World Heritage List. 1 Bagama’t nasa tentatibong listahan pa lamang, plano ng grupong nag-organisa na isumite kaagad ang pinal na dokumento para sa nominasyon, nakikinita sa katapusan ng 2019. Nakakahalina para sa Timog-Silangang Asya ang mabilang sa World Heritage List dahil sa pangako nitong “pandaigdig at pambansang karangalan, […] tulong pinansiyal, at […] at posibleng pakinabang na maiangat ang kamalayang pampubliko, turismo, at ekonomikal na pag-unlad. 2 Samantalang ang ibang World Heritage sites sa Thailand, tulad ng Sukhothai at Ayutthaya, ay kalakha’y humugot sa pambansang pagkakakilanlan at kasaysayan, 3 ang bagong aplikasyong ito mula sa hilaga ng Thailand—at iba pang naunang pagtatangka—ay sumasalamin sa lokal o rehiyunal na pagkakakilanlan, gaya din ng pambansa. 

Ang nakataya rito ay isang uri ng tugon ng mga taga-hilaga sa tensyon sa pagitan ng moradok (pamana) at yarn (komunidad/kapitbahayan) na tinukoy ni Marc Askew sa dekadang 1990s ng Bangkok. 4 Kung ihahambing, mas madaling iangat sa global status ang mga  inabandonang labi; sa kaso ng nominasyon ng Chiang Mai sa World Heritage List, pinag-uugnay ang pisikal na labi ng nakalipas na kapangyarihang pulitikal, at sa isang banda ay ang kasalukuyang nabubuhay na pamayanan. Ano ang kahulugan ng proyektong ito para sa pagkakakilanlan ng mga taga-hilaga, at sa relasyon sa pagitan ng hilaga at ng Bangkok? Paano nababagay ang nagaganap na pagsisikap na ito para i-preserba ang pamana ng syudad sa mas mahabang kasaysayan ng rehiyunal na pagkakakilanlan sa makabagong Thailand?

Lanna-ismo

May mga potensyal na kahihinatnan para sa iba’t-ibang grupong may pakialam sa kinabukasan ng lungsod ang naturang aplikasyon ng Chiang Mai. Kabilang sa mga grupong nasa likod ng aplikasyon ang mga dedikadong batang arkitekto, tagaplano ng lungsod, at mga akademiko na napapailalim sa isang uri ng ‘lokalismo’. Sa kaso ng Chiang Mai, kung minsa’y tinatawag itong Lanna-ismo, isang bagong katawagan na tumutukoy sa sinaunang kaharian ng Lanna na kumontrol sa malaking bahagi ng rehiyon noong ika-16 na siglo; ito ang nagbigay ng pundasyong pangkasaysayan para sa naiibang lokal na identidad kumpara sa ‘istandard’ na pagkakakilanlan ng Bangkok o sa pagkakakilanlang-Thai. 5

Ang Lanna-ismo ay dumadaloy, hindi dahil sa natural na kaugnayan nito sa makasaysayang kaharian ng Lanna, ngunit nakahihigit ay mula sa mga pagsisikap pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig na umangkin ng lugar para sa lokal na pulitika at kulturang pagkakilanlan ng mga lungsod tulad ng Chiang Mai at Chiang Rai. Ilan sa mga palatandaan ng pamamaraang ito ang mga lokal na pangangampanya na magtayo ng universidad sa hilaga, pagtatayo ng mga estatwa ng mga hari ng Lanna, at ang muling paggamit ng sulat-kamay na Lanna sa buong lungsod ng Chiang Mai. Laging

tumatampok ang pamanang urban ng Chiang Mai sa pagbubuo at pagpapahayag ng Lanna-ismo; sa isang banda ito ay dahil sa ang mahahalagang lugar sa gitna ng syudad ay binago at sinakop ng Bangkok, at sa kabilang banda ay dahil sa mahabang kasaysayan ng mga templo at palasyo (khum) na kaugnay sa mga hari ng Lanna. Tiyak na ikaaangat ng pagkakakilanlang Lanna at pagka-Lanna kung matagumpay na maisasama and lungsod sa World Heritage List, hindi lang sa bansa kundi sa buong mundo.

Ang pagtataguyod ng Lanna-ismo ay naisagawa sa mga hindi-inaasahang kaparaanan. Bilang bahagi ng kampanya, naglunsad ang World Heritage working group ng patimpalak sa pagdisenyo ng maskot, na nagbunga ng kaibig-ibig na rendisyon ng usang albino (fan phuak) na kilala mula sa alamat ng pagkabuo ng lungsod. Ang karakter, na tinawag na Nong Fan ay kakatawan sa Chiang Mai at sa proyektong World Heritage—at maaaring sa Lanna-ismo mismo.

Pigura 1: Nong Fan – Bagong ekspresyon ng Lanna-ismo? (Source: Facebook

Kasama sa nominasyon ang iba’t-ibang makasaysayang lugar sa loob at paligid ng lungsod ng Chiang Mai, na may pagdidiin sa sinaunang kasaysayan ng dinastiyang Mangrai at mga ‘katanggap-tanggap’ na bahagi ng relasyon ng Chiang Mai sa Siam, lalo na ang mga templo. 6 Gayunpaman, may mga pinagtutunggaliang bahagi ng sentro ng lungsod na nakapaloob sa hangganan ng proyekto ngunit hindi inilista sa paunang nominasyon. Ang dalawang pangunahing museo sa gitna ng syudad na nagtatanghal ng kultural na pagkakakilanlan ng pamanang Lanna ay nakalagak sa mga istorikong gusali na buod ng internal na kolonyalismo ng estado ng Bangkok—ang bahay-pamahalaan (sala rathaban) at ang korte ng distrito (san khwaeng). Sa madaling salita, bahagi ang nominasyon ng mas malaking proseso na naglalayong baguhin ang sentrong kolonyal ng lungsod bilang iskaparate ng lokal na kasaysayan, sa loob ng katanggap-tanggap na balangkas ng makabayang istoryograpiya.

Pigura 2: “Mga Lugar ng Pamana na Kabilang sa Nominasyon ng Chiang Mai sa World Heritage” (Source: Facebook

Bangkok at ang mga limitasyon ng kasaysayan at pamana

Ang estado ng pagiging World Heritage ay nagbibigay ng daan para mapangalagaan ang lokal na pagkakakilanlan, kultura at kasaysayan, ngunit sa kontekstong Thai ay nangangahulugan na ito ay magagawa lamang sa hangganan ng mga estado kung saan nangingibabaw ang Bangkok. Ang mga nakaraang pagsisikap para alalahanin ang lokal na kasaysayan sa urban space ay siya ring nahubog ng Bangkok. Halimbawa, ang tanyag na monumento ng ‘tatlong hari’ ay nagsimula bilang solong estatwa ni Mangrai, ang haring tagapagtatag ng Chiang Mai at Lanna. Ngunit nang makialam ang sentral na pamahalaan, nabago ito upang maiugnay ang mga haring nagtatag ng Chiang Mai at Sukhothai, upang mapagtibay ang lokal na kasaysayan sa loob ng hangganan ng pambansang kasaysayan. 7

Gayundin, may sangkot na girian sa pagitan ng sentro at paligid sa kamakailang pagtahak patungong World Heritage. Nagsimula ang kwento noong 2002 sa Chiang Saen, Wiang Kum Kam, and Lamphun—mas maliliit na mga lugar na iniuugnay sa kasaysayan ng Lanna, na lahat ay nangangailangang mapreserba, at lahat ay may malakas na potensyal para sa mas masiglang turismo. 8 Noong 2008, nagsimulang lumarga ang Lamphun sa aplikasyon para mapalista sa World Heritage. 9 Noong 2010 nagsimulang maghanda ang ilang akademiko para sa maaaring aplikasyon ng Chiang Mai. 10

Sa puntong ito, nanghimasok ang pambansang politika. Itinigil ang mga gawain kaugnay sa UNESCO sa paglaon ng taong iyon nang sumiklab ang tunggalian hinggil sa katayuan ng Preah Vihear, isang templo mula ika-11 siglo sa pagitan ng hangganan ng Thailand at Cambodia na kabilang sa listahan ng World Heritage noong 2008. Sa kalagitnaan ng tunggalian sa pag-angkin sa templo at paligid nito, ang mga protestang hyper-nationalist ay humantong sa aktwal na hidwaan noong 2011, at noong Hunyo, umatras ang delegasyong Thai mula sa UNESCO bilang protesta. 11 Tumigil ang anumang submisyon sa UNESCO mula sa hilaga. Sa pagkahalal noong taong iyon ni Yingluck Shinawatra, na isang khon muang mula sa Chiang Mai, bumilis ang pag-andar ng mga proyekto. 12

Dahil kailangan ang pag-sang-ayon ng Bureau of International Cooperation sa ilalim ng Ministry of Education para sa anumang aplikasyon sa World Heritage Committee, 13 ang pag-aayos ng World Heritage ay muling mahuhubog ng estadong sentral. Noong 2013, iminungkahi ng ilang opisyal ang nominasyong ‘kambal na lungsod’, kungsaan pagtatagpuin ang ang proyekyong Chiang Mai at Lamphun. Ayon sa isang akademiko, ang seryeng nominasyon na magkakasama ang Chiang Mai, Wiang Kum Kam, Lamphun, Lampang, and Chiang Saen ay “kakatawan sa kulturang Lanna at magbabahagi ng likas at potensyal na yaman nito. Magiging mas madali rin na mapasama ito sa listahan kaysa ihapag ito bilang isa-isang lungsod na lugar ng pamanang kultural.” 14 Gayunpaman, matapos na pumasa sa pambansang pag-apruba, ang aplikasyon lamang ng Chinag Mai ang isinumite sa UNESCO, at noong Pebrero 9, 1015 ay naidagdag sa World Heritage Tentative List ang “Mga Monumento, Lugar at Pangkulturang Tanawin ng Chiang Mai, Sentro ng Lanna.”

Kung gayon, ano ang nangyari? Samantalang walang dudang magagamit ng Chiang Mai ang pangangalaga at epektibong pamamahala ng pamanang urban nito, may hatid ding panganib ang estado na pamanang pandaigdig kaugnay ng higit na atensyon at turismo; ngunit, kailangan din ng mas maliliit na lungsod gaya ng Lamphun at Chiang Saen kapwa ang pangangalaga at higit na dolyar mula sa turismo. Malinaw na may iba pang pang-ekonomikang usaping gumagana – sa maraming aspeto ay higit na mahalaga sa estado ang Lamphun bilang sentro ng pamumuhunang industriyal dahil sa nakatayo rito ang dalawang malalaking industrial park na malapit sa magiging protektadong lugar na pamana, at nakikinita pang lumawak. 15 Gayunpaman, may iba pang makasaysayang kadahilanan para sa pangunahing papel ng Chiang Mai sa partikular na pagpapahayag ng pagkakakilanlan ng Lanna.

Isang labis na maunlad na lungsod sa demokraysang atrasado

Nagmula ang mga problemang kinakaharap ng Chiang Mai sa sentralisasyon ng pamahalaan at hindi epektibong mga patakaran sa pagpaplanong urban. Hindi tulad ng ibang lungsod sa hilaga, napanatili ng Chiang Mai ang matalik, ngunit kung minsa’y problematikong koneksyon sa Bangkok. Matapos ang ika-19 na siglo, noong ang lungsod ay tila isang malayo at mapanganib na hangganan, ang Chiang Mai ay ginawang isang bantayan ng modernong estadong Siamese, at itinulad sa mga kalapit na mga kolonya sa Timog Silangang Asya. 16 Nang naisantabi ang lokal na monarkiya, humina ang rehiyunal na pagkakakilanlan na Lao, at ang Chiang Mai ay naging sentro kapwa ng bagong identidad ng “Thai sa hilaga”, at administrasyong Siamese. 17 Sa ilang kaparaanan, lumalim ang ugnayang ito habang at pagkatapos ng panahon ni Thaksin, nang dumaloy ang salapi at tao sa lungsod mula sa Bangkok at ibayong dagat. Sa gitna ng mga presyur na ito, ikinakatwiran kong maari nating tingnan ang panukalang World Heritage bilang pagtatangka na tugunan ang mga suliranin ng labis na maunlad na lungsod sa konteksto ng isang demokrasyang atrasado.

Pag-isipan ang mga sumusunod na tugon mula sa direktor ng Chiang Mai City Arts and Cultural Centre (isa sa mga museo na naunang nabanggit), nang tanungin siya kung bakit naga-aplay ang Chiang Mai para sa estado ng World Heritage ngayon:

A: Sa aking palagay, nakita ng mga mamamayan ng Chiang Mai at ng working group na ang aming lungsod ay mabilis na nagbabago—sa mga aspetong pisikal, sosyal at ekonomikal. Kapwa kapaki-pakinabang at minsa’y hindi angkop ang mga pagbabagong ito. Sa sarili kong pananaw, naniniwala akong ngayon ang tamang panahon para i-proseso ang aming aplikasyon sa maraming kadahilanan.

Una, magkakaroon ng pagkakataon ang mga mamamayan ng Chiang Mai na magtalakayan at magdebate hinggil sa mga paraan kung paano ipe-preserba ang aming lungsod. Ikalawa, naghahatid ito ng pagbabago sa pananaw ng publiko—ang pakiramdam na kaya naming tumanggap ng responsibilidad, na sa aking pananw ay napaka-importante. Sa nakalipas na panahon, kung mayroong kaganapan, tinatatawag ng mamamayan ang mga ahensya o mga organisasyon para akuin ang responsibilidad na resolbahin ang mga usapin, Ngayon, nakikita nating maraming tao at iba’t ibang network ang handa at buong-pusong sumusubok na resolbahin ang mga problema sa kanilang sariling pagsisikap. Iniaalok nila ang kanilang oras, nagmumungkahi ng mga ideya, sinusuportahan ang iba’t-ibang aspeto, at nananawagan ng pakikipagtulungan sa ibang grupo. Kung kaya sa aking pananaw, ito na ang tamang panahon para sa amin na sumulong sa proyektong ito. 18

Kung wala ang epektibo at tumutugon na pamahalaan, dapat kumilos sa sarili nito ang pamayanan; para sa Chiang Mai, nagbibigay ang pandaigdigang diskurso ng pamanang pandaigdig ng potensyal na landas para sa ganitong pagkilos.

Konklusyon:

Sinasalamin ng kasaysayan ng World Heritage sa Hilagang Thailand ang mga susing katanungan na humuhubog sa rehiyunal na pagkakakilanlan ng Thailand sa 2019. Una, ano ang itsura ng relasyon sa pagitan ng sentro at paligid ngayon? Kailangan pa rin ang basbas ng Bangkok, at patuloy nitong hinuhubog ang makasaysayang pagpapahayag ng pagiging taga-Hilaga o Lanna-ismo. Maaaring maganyak ng pagkakabilang sa UNESCO World Heritage List ang pagbabago sa mga patakaran sa lokal na antas; gayunpaman, ang panganib ay ang pagbale-wala ng mga opisyal ng pamahalaan sa pagsisikap ng mga lokal na komunidad at ang mga kongkretong pagbabago sa patakaran na maaaring ihatid ng pagkakalista, at sa halip ay piliing tingnan ang pagkakalista sa World Heritage bilang isa lamang panibagong tanda ng “pandaigdigang istatus.” 19 Ikalawa, ano at sino ang kabilang sa “Hilaga”—sa madaling salita, bakit ang Chiang Mai, ngunit hindi ang Chiang Saen, o Lamphun? Samantalang inendorso ng estadong Thai ang Chiang Mai para umangat sa pandaigdigang entablado ng UNESCO, nananatiling kulang o kaya’y binabale-wala ang pagpapahalaga sa ibang lugar ng Lanna na karapat-dapat sa konserbasyon.

Siyempre pa, nagaganap ang aplikasyon ng Chiang Mai para sa pagpapatala sa panahong hindi liberal at hindi demokratiko, na may presyur sa mga taga-hilaga na ipakita ang kanilang katapatan sa estado at sa bagong hari. Sa naganap na halalan sa Thailand noong Mayo 2019, na walang epektibong lokal na representasyon, tulad ng mga halal na gobernador, 20 mistulang malayong pangarap ang lokal na kontrol sa lokal na pagkakakilanlan. Gayunpaman, maaaring maging oportunidad ang apela sa mga pandaigdigang diskurso ng World Heritage para sa ilan, upang hamunin, kahit nang bahagya, ang nakalipas at kasalukuyang lubhang sentralisadong estado ng Thailand.

Talor Easum
Indiana State University

Banner Image: Aerial view of sunset landscape ring road and traffic, Chiang Mai City,

Notes:

  1. “Monuments, Sites and Cultural Landscape of Chiang Mai, Capital of Lanna,” UNESCO World Heritage Centre, https://whc.unesco.org/en/tentativelists/6003/; Tus Werayutwattana, “Our Journey to Becoming a UNESCO World Heritage City,” Chiang Mai Citylife, March 1, 2019, https://www.chiangmaicitylife.com/citylife-articles/journey-becoming-unesco-world-heritage-city/.
  2. Lynn Meskell, “UNESCO’s World Heritage Convention at 40: Challenging the Economic and Political Order of International Heritage Conservation,” Current Anthropology 54, no. 4 (August 1, 2013): 483, https://doi.org/10.1086/671136.
  3. Victor T. King and Michael J.G. Parnwell, “World Heritage Sites and Domestic Tourism in Thailand: Social Change and Management Implications,” South East Asia Research 19, no. 3 (September 1, 2011): 381–420, https://doi.org/10.5367/sear.2011.0055; Maurizio Peleggi, The Politics of Ruins and the Business of Nostalgia (Chiang Mai, Thailand: White Lotus Press, 2002).
  4. Marc Askew, “The Rise of ‘Moradok’ and the Decline of the ‘Yarn’: Heritage and Cultural Construction in Urban Thailand,” Sojourn: Journal of Social Issues in Southeast Asia 11, no. 2 (1996): 183–210.
  5. See, for example, Anek Laothamatas and อัครเดช สุภัคกุล, ล้านนานิยม: เค้าโครงประวัติศาสตร์เพื่อความรักและภูมิใจในท้องถิ่น (สภาบันคลังปัญญาค้นหายุทธศาสตร์เพื่ออนาคตไทย มหาวิทยาลัยรังสิต, 2014); สุนทร คำยอด and สมพงศ์ วิทยศักดิ์พันธุ์, “‘อุดมการณ์ล้านนานิยม’ ในวรรณกรรมของนักเขียนภาคเหนือ (Lannaism Ideology in Literature of Northern Thai Writers),” Journal of Liberal Arts, Maejo University 4, no. 2 (2016): 52–61.
  6. “Monuments, Sites and Cultural Landscape of Chiang Mai, Capital of Lanna,” UNESCO World Heritage Centre, https://whc.unesco.org/en/tentativelists/6003/.
  7. For more information on the role of statues in this history, see my “Sculpting and Casting Memory and History in a Northern Thai City,” Kyoto Review of Southeast Asia, no. 20 (September 2016), https://kyotoreview.org/issue-20/casting-memory-northern-thai-city/.
  8. Wat Phra Mahathat Woramahawihan in Nakhorn Sri Thammarat, for example, made it to the tentative list one year after Yingluck took office. “Wat Phra Mahathat Woramahawihan, Nakhon Si Thammarat,” UNESCO World Heritage Centre, accessed November 15, 2019, https://whc.unesco.org/en/tentativelists/5752/.“Monuments, Sites and Cultural Landscape of Chiang Mai, Capital of Lanna,” UNESCO World Heritage Centre, https://whc.unesco.org/en/tentativelists/6003/.
  9. Pensupa Sukkata, Interview, July 12, 2019.
  10. สมโชติ อ๋องสกุล and สำนักงานพัฒนาพิงคนคร (องค์การมหาชน), เชียงใหม่ 60 รอบนักษัตร: อดีต ปัจจุบัน และอนาคต (Chiang Mai at the 60th anniversary of the zodiac cycle: its past, present and future), (Chiang Mai, สำนักงานพัฒนาพิงคนคร, 2016, 333–41.
  11. “Thailand Withdraws From World Heritage Convention Over Temple Dispute,” VOA, https://www.voacambodia.com/a/thailand-withdraws-from-world-heritage-convention-in-temple-dispute-with-cambodia-124589479/1358343.html.
  12. Wat Phra Mahathat Woramahawihan in Nakhorn Sri Thammarat, for example, made it to the tentative list one year after Yingluck took office.  “Wat Phra Mahathat Woramahawihan, Nakhon Si Thammarat.” UNESCO World Heritage Centre. https://whc.unesco.org/en/tentativelists/5752/.
  13. “Bureau of International Cooperation, Ministry of Education, Thailand,” สำนักความสัมพันธ์ต่างประเทศ สำนักงานปลัดกระทรวงศึกษาธิการ, https://www.bic.moe.go.th/index.php.
  14. Kreangkrai Kirdsiri, deputy dean for planning and research affairs at the Faculty of Architecture of Silpakorn University, quoted in Jintana Panyaarvudh, “Chiang Mai Will Get Unesco World Heritage Listing ‘Only If Thailand Pushes for It,’” The Nation Thailand, March 1, 2015, https://www.nationthailand.com/national/30255138.
  15. Chatrudee Theparat, “Lamphun Asks Ministry for More Land to Expand Industrial Zone,” Bangkok Post, https://www.bangkokpost.com/business/1567622/lamphun-asks-ministry-for-more-land-to-expand-industrial-zone.
  16. Chatrudee Theparat, “Lamphun Asks Ministry for More Land to Expand Industrial Zone,” Bangkok Post, https://www.bangkokpost.com/business/1567622/lamphun-asks-ministry-for-more-land-to-expand-industrial-zone.
  17. Taylor M. Easum, “Imagining the ‘Laos Mission’: On the Usage of ‘Lao’ in Northern Siam and Beyond,” The Journal of Lao Studies, Special Issue (2015): 6–23.
  18. Emphasis added. Interview with Mrs. Suwaree Wongkongkaew, in “Chiang Mai’s Best Opportunity to Become a World Heritage City,” Chiang Mai World Heritage Initiative Project, http://www.chiangmaiworldheritage.net/detail_show.php?id=69&lang=en.
  19. Marc Askew, “The Magic List of Global Status: UNESCO, World Heritage and the Agendas of States,” in Heritage and Globalisation, by Sophia Labadi and Colin Long (New York, NY: Routledge, 2010).
  20. “Why Can’t Thailand’s Provinces Elect Their Own Governors?,” The Isaan Record, May 1, 2018, https://isaanrecord.com/2018/05/01/why-cant-thailands-provinces-elect-their-own-governors/.
Exit mobile version