Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Mga Pamana ng Cold War: Seguridad ng rehimen at mga mapamilit na pwersa sa Biyetnam

Vietnam Eve Hanson KRSEA

Ang pampulitikang realidad sa Vitenam ngayon ay bunga ng malalaking kapangyarihan na nagsalpukan sa pamamagitan ng mga pinuno sa Hanoi at Ho Chi Minh City… Ito ay banggaan na may napakasamang bunga.

(Dr Nguyễn Đan Quế, interview, August 11, 2015)

Apatnapung taon matapos ang pagwawakas ng cold war, inihayag ni Dr Quế, isang kilalang aktibistang maka-demokrasya sa Vietnam ngayon, ang kanyang pananaw kung paano nagbabago ang awtoritariyanismo at paglaban dito sa kanyang bansa. Nagsimula ang kanyang aktibismo para sa karapatang pantao at demokrasya sa maagang bahagi ng dekada 1970, bago ang pagsasanib ng Vitenam, noong nagsalita siya, kasama ang iba pang mga intelektwal hinggil sa mga kalagayan sa piitan sa dating Republika ng Vietnam sa timog. Marami sa mga kasalukuyang aktibista ng karapatang pantao at demokrasya ang tumutunton sa kanilang aktibismo sa panahon bago maganap ang pagsasanib, o kaya’y tumitingin na ang kanilang pinagmulan ay ang mas maagang mga kilusan at grupong nag-organisa laban sa mga diktadurya sa timog.

Sa Vitenam, tulad nang kungsaan pa man sa kolonisadong daigdig, ang mga pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya ay humalo at pumasok nang halos walang putol sa labanang cold war nang may mapagpasyang internasyunal na paglahok. Dito, tulad din nang kungsaan pa man sa Asya, naganap ang maramihang pagpaslang, pulitikal na pag-uusig at malawakang pandarahas sa halos hindi mailarawang antas – higit tatlong milyon ang nasawi, kabilang ang higit dalawang milyong sibilyan, mula 1955–75 (Bellamy 2018). Armado ng teoryang agham-panlipunan, ideolohiya, salapi at baril, hinubog ng dalawang bloke ng cold war, kasama ang mga domestikong gobyerno nito, ang mga diktadurya na umunlad sa magkabilang panig, na nag-iwan ng mga pamanang pampulitika sa mga susunod na henerasyon. Ang tuwirang pakikisangkot ng US at mga alyado nito, sa isang bahagi, at ng blokeng Soviet at Tsina, sa kabilang bahagi, ay instrumental sa pagbubuo ng mapagbukod na rehimeng pulitikal na hindi nangailangang kumuha ng suporta sa kanilang mamamayan, sa halip ay pinrotektahan ng malawak na suportang eksternal sa pinansya at operasyon. Nagpatupad ang magkabilang panig ng mga programa ng pampulitikang paglilinis upang lipulin ang oposisyon na maaaring sumisimpatiya sa kabilang panig ng pang-ideolohiyang pagkakahati. Tumulong sila sa pagtatatag at magmo-modernisa ng mga mapamilit na institution para sa panloob na pampulitikang kontrol. Pinagsanib ng mga aksyong ito ang lubhang makipot na espasyong politikal para sa lahat ng tipo ng pampulitikang aktor, kabilang ang grupong civil society, mga lumitaw na organisasyon at kilusan sa panahong yaon at nagsisimulang humiling ng mga karapatang sibil at pampulitika.

Ang literatura ng agham-pampulitika hinggil sa demokratisasyon, awtoritariyanismo at pag-unlad ng rehimen ay nagdurusa sa maka-isang panig na pagkiling sa mga domestikong salik sa pagpapaliwanag nang lahat, mula sa katatagan ng mga awtoritaryan na rehimeng pampulitika hanggang sa kanilang demokratisasyon, sa kabila ng malaking tuwirang pakikisangkot ng mga dayuhang aktor sa pagbubuo ng mga diktadurya, at ang kasunod na pagprotekta sa kanila laban sa di-sumusuportang mamamayan. Ang iskolarsyip na tumuturol sa pandaigdigang epekto ay nauwi sa pagtingin sa mga ugnay sa kanluran at kanluraning impluwensya bilang nag-aambag sa pag-unlad ng mga rehimeng demokratiko, at hindi sa awtoritaryanismo matapos ang cold war (se e.g. Levitsky and Way 2002; 2010). Sa Vietnam, ginamit ng Estados Unidos at ng mga alyado nito kapwa ang mga ugnayan at impluwensya, subalit malinaw na ginamit ito upang suhayan ang maaasahang anti-komunistang rehimen sa Republika ng Vietnam sa timog. Ipinapakita ng halimbawang Byetnames na ang mga pamanang pampulitika ng cold war ay masalimuot at nagtataglay ng kiling-sa-karahasan na relasyon sa kapangyarihan sa pagitan ng estado at civil society, sa kapahamakan ng mamamayan at mga grupong humihiling ng karapatang pampulitika at representasyon. Nakinabang sa aktibong suporta ng mga dayuhang aktor ang mga mapamilit na institusyong naglayon na protektahan ang mga rehimeng pampulitika at gobyerno mula sa sariling mamamayan. Subalit gaya ng iminungkahi ni Dr. Quế sa itaas, nag-anak din ng sariling oposisyon ang mga diktaduryang sinusuportahan ng dayuhan.

Dibisyon ng Biyetnam, pulitikal na paglilinis at pamimilit

Matapos makuha ng mga pwersang komunista ang tagumpay laban sa Kuomintang noong 1949 at i-proklama ni Mao Zedong ang pagtatatag ng People’s Republic of China, nagpadala ang Estados Unidos ng mga misyon sa pagsisiyasat sa Timog-Silangang Asya. Noong kinilala ang Biyetnam bilang bahagi ng pandaigdigang Cold War at susi sa pakikihamok laban sa paglawak ng pandaigdigang komunismo, hinarap ito ng mga opisyales ng CIA na may karanasan sa mga teknikang ‘kontra-insuhensiya’ mula sa ibang bahagi ng Timog-Silangang Asya. Ang Kasunduang Geneva na nagwakas sa unang digmaang IndoTsina ay naghati sa kalaunan sa teritoryo ng kinikilala ngayon bilang Socialist Republic of Vietnam sa dalawang temporaryong sona ng muling pagu-grupo, na hinati sa ika-17 parallel. Pang-ideolohiyang pagkakahati ito na ginawang heyograpiko kungsaan tiningnan kalaunan ng dalawang panig bilang hangganan ng estado (Devillers 1962). Hindi sa alinmang panig nagkaroon ng kontrol ang mga gobyerno sa kanilang teritoryo; sa halip, tiningnan nila kapwa ang mga sarili bilang mga isla sa mga arkipelago ng nagtatagisang pwersang pampulitika kungsaan kahit paano’y kailangan nilang makuha ang kontrol.

Nangako ang Kasunduang Geneva ng pambansang halalan, ngunit hindi ito kailanman naisagawa dahil wala kaninuman sa Estados Unidos o sa itinatag nitong gobyerno sa pamumuno ng Punong Ministro Ngô Đình Diệm ang naniwalang sila ay magwawagi. Sa halip, inihalal noong Marso 4, 1956, ang constituent assembly para sa Republic of Vietnam sa timog, at sa tulong ng CIA ay nabuo ang isang konstitusyon na nagbibigay kay Diệm ng ‘halos walang limitasyong awtoridad’ (Boot 2018).

Samantalang kumuha ng suporta at inspirasyon ang Democratic Republic of Vietnam sa hilaga mula sa Unyong Sobyet at Tsina, lubhang abala naman ang Estados Unidos, sa pamamagitan ng CIA at iba pang organisasyon sa pagbubuo ng diktatoryal na gobyernong Biyetnames sa timog (Boot 2018; Chapman 2013). Nang wala ni kontrol sa teritoryo o maaasahang popular na suporta, nagpasimuno kapwa ang dalawang gobyerno at kanilang mga eksternal na alyado ng mga radikal na programang naglalayong bunutin ang mga kalaban sa pulitika. Ang mga pagsisikap sa pulitikal na paglilinis sa magkabilang panig ng ika-17 parallel ay nangahulugan ng lantarang politisidyo.

Original unissued patch from the Phoenix Program, a terror campaign led by the CIA.

Sa timog, kahilera ng kombensyunal na digmaan, pinasimunuan ng CIA ang Phượng hoàng, ang programang Phoenix, noong 1967 (CIA 1975). Ang pagsisikap ay nagtaas sa panibagong antas at nagkonsolida ng mga programang kontra-insurhensiya na naglayong palakasin ang gobyerno at bulabugin at gapiin ang katunggali, na dati nang bahagi ng mga pagsisikap ng Estados Unidos, bagaman sa mas maliitang saklaw simula pa noong maagang bahagi ng dekada 1960. (e.g., CIA 1963). Kasama sa tinudla nito ang mga sibilyan na maaaring bahagi ng mga suportang network para sa mga komunista, gayundin ang mga sibilyan na tutol sa diktadurya sa timog and iba pang organisasyon tulad ng mga unyon sa paggawa na maaaring nagdadala ng simpatiyang maka-komunista (Wherle 2005). Ang CIA ang nagpatupad ng kampanyang paninindak ng programang Phoenix Program, mga espesyal na pwersang Amerikano, mga alyadong kasundaluhan mula sa iba pang bansa sa Asya, at pwersang militar ng timog Biyetnam, sa ilalim ng pangangasiwa ng CIA. Pinatotohanan ni William Colby, ang namuno sa operasyon mula 1968-71, sa Subkomite ng Kongreso ng Estados Unidos, na sa loob ng tatlong taon ay 20,589 katao ang tinugis at pinaslang (Ward 1972). Nagdusa ng interogasyon at tortyur ang mga nadakip na kaaway sa mga sentro ng interogasyon sa iba’t-bang probinsya ng timog Byetnam. Ang iba ay agarang pinatay, nang wala sa proseso ng batas, sang-ayon sa mga listahan ng CIA at mapagtalimang iniuulat sa punong-himpilan sa Estado Unidos. Nilayon ng Phoenix na makuha ang kontrol sa mamamayan sa pamamagitan ng paninindak; marami sa mga pinaslang ay wala ni anumang ugnayan sa komunismo. Subalit ninyutralisa din ng takot ang mga modereyt na tinig, na nagtulak ng pulitikal na pagsalungat laban sa diktadurya sa timog. Nakakaapekto pa rin sa kasalukuyan ang mga alaala ng mga pakikibakang ito sa civil society kung paano tinitingnan ng mga panlipunan at pampulitikang aktor ang kanilang mga oportunidad, at pamunuan kapwa ang mga kilusang protesta at mga aktibistang maka-demokrasya na mahatak nang malakas tungo sa timog.

Seguridad ng rehimen, ideolohiya, at mga pamana ng cold war

Sa matagumpay na bahagi, nag-iwan ang cold war ng matibay na pamanang institusyunal sa pag-unlad ng makapangyarihan sa pulitikang People’s Public Security (Bộ Công An). Initinatag noong 1953 ang People’s Public Security na may tungkuling “labanan ang kontra-rebolusyonaryo at kaaway na mga organisasyon, panatilihin ang kaayusang panlipunan at seguridad, protektahan ang Partido, rebolusyonaryong gobyerno at ang mamamayan” (Ministry of Public Security 2018), at hinulma batay sa katapat na modelo ng Sobyet at Tsina, nang pormal na itinatag ang Ministry of Public Security (Goscha 2007). Nagpapatuloy ito hanggang sa ngayon sa pag-oorganisa ng kapulisan at panloob na serbisyong paniktik at panseguridad.

Hindi gaanong laganap ang kaalaman hinggil sa malapit na relasyon sa pagitan ng East German Ministry of State Security (Stasi) at ng Ministry of Public Security ng Biyetnam, partikular mula sa kalagitnaan ng dekada 1960, sa gitna ng tulak ng Biyetnam na ikonsolida ang partido-estado and bunutin ang “mapanganib” na mga elemento (Grossheim 2014). Noong 1961, binigyan ang Ministry of Public Security ng “komprehensibong awtoridad na pangasiwaan ang internal na seguridad ng DRV at magpatuloy laban sa lahat ng pinagsususpetsahang kontra-rebolusyonaryo” (ibid.). Tumagal ng 25 taon ang kolaborasyon nito sa Stasi, hanggang ilang panahon bago bumagsak ang (Berlin Wall); nagsara ang opisina ng Stasi sa Hanoi noong 1989. Tinulungan ng Stasi ang Biyetnam sa pag-modernisa ng aparatong panseguridad at maging “instrumento ng diktadurya” na tapat-sa-partido . Nagbigay ito ng kagamitang teknikal tulad ng mga kagamitan sa pakikinig at kagamitan sa paniniktik sa telepono; nagpayo hinggil sa pagbubuo ng network ng mga lihim na impormer; nagmungkahi ng mga metodo para makuha ang masmidya at para sa paglaban sa ‘Political-Ideological Diversion’ sa hanay ng mga manggagawang pangkultura, estudyante, at mga doktor; parusahan at supilin ang mga impluwensya ng kaaway at mga subersibong grupo: nagbigay ng mga metodo para pasukin ang mga institusyong pang-edukasyon at panlibangan, at iba pa. (East German State Security 1977; 1989).

Kinukumpirma ng bagong Police Law na isinabatas noong 2018 na patuloy na napapailalim ang People’s Police sa absoluto at tuwirang pamumuno  ng Partido Komunista ng Biyetnam. Nananatili sa kapulisan ang malawak na mandato para labanan ang mga “pampulitikang krimen”, protektahan ang partido, tiyakin ang pampulitikang seguridad at seguridad sa mga larangan ng ideolohiya, kultura, edukasyon at ekonomiya. Nagpapatupad sila ng mahigpit na katapatan sa partido. Isa ang batas na ito sa ilang katulad kamakailan ng dalawahang pananaw sa mamamayan bilang kaibigan o kaaway na nagpapakita ng di-napuputol na tanikala mula sa cold war, at pagpapatuloy ng ultimong layunin na protektahan ang partidong nasa kapangyarihan at ang rehimen pampulitika mula sa mga kontra-rebolusyonaryong aktor.

Pinag-aralan ng mga naunang pantas pagtatasa ang mapanupil na kakayahang panseguridad ng estado ng Biyetnam pagkatapos ni Đổi Mới, kasama ang pag-aresto nito sa mga  ‘sumasalungat’ at ang haba ng sentensiyang pagbibilanggo na ipinataw sa mga “pulitikal na krimen” (Kerkvliet 2014), gayundin ang mga istrukturang institusyunal nito (Thayer 2014). Tinaya ni Carlyle Thayer na nag-eempleyo ang ahensyang panseguridad ng bansa nang hanggang 6.7 milyong katao, kabilang ang unipormadong pulis at ang tinatawag na “pwersa para sa sariling pagtatanggol” (Thayer 2017); kinwestyon ng ibang manunuri ang bilang na ito – kung wasto, malayo nilalampasan nito ang bilang ng tauhang nakatali sa East German Stasi. Magkagayunman, ito ay isang dambuhalang proyekto.

Konklusyon

Masalimuot ang pamanang pampulitika ng cold war sa kasalukuyang Biyetnam. Patuloy na nakikita ang dalawahang pananaw ng panahon ng cold war sa mga dokumento at regulasyon ng partido, na tumutukoy sa mga mapayapang katunggali bilang mga ‘pwersang reaksyunaryo’ na pinagsususpetsahang suportado ng mga dayuhang pwersa.  Higit na direktang pamana ang katotohanang ipinagdiwang noong Enero 2018 ng People’s Police ang pagtatayo sa Hanoi ng monumento ni Felix Dzerzhinsky, tagapagtatag ng Cheka, ang pinagmulan ng KGB. Nauna at kasabay ng kaganapan ang paglabas ng mga artikulo ng pagdiriwang sa mga dyornal ng pulis ng estado at partido-estado. Sa mas malawak, nahahayag ang pamana ng cold war kapwa sa ideolohiya at mga institusyon na nagpoprotekta sa awtoritaryan na rehimeng pampulitika at sa partidong nasa kapangyarihan, at nililitahan nito ang pampulitikang espasyo para sa mga tinig sa kasalukuyang Biyetnam. Gayunpaman, nag-iwan din ang cold war ng iba pang mga bakas sa civil society, na makikita sa paraan kung paano inilulugar ng marami sa kasalukuyang organisasyon at kilusan para sa karapatan at katarungan, gayundin nang mga tagapagsulong ng demokrasya, ang kanilang ahensya sa istorikal na hanay ng mapayapang aktibismo laban sa paghaharing awtoritaryan.

Eva Hansson 
Department of Political Science, Stockholm University

Banner: Hanoi, Vietnam – Communist troops marching. February 2014. Photo: Arne Beruldsen / Shutterstock.com

Mga sanggunian

Bellamy, Alex J. 2017. East Asia’s Other Miracle: Explaining the Decline of Mass Atrocities, Oxford: Oxford University Press, pp. 1-14.
Chapman, Jessica H. 2013. Cauldron of Resistance: Ngo Dinh Diem, the United States and 1950s Southern Vietnam, Ithaca and London: Cornell University Press.
CIA. 1963. “CAS Station Covert Action Activity in South Vietnam” 8 May 1963, (declassified 1998/04/03).
CIA. 1975. “Memorandum: Briefings to Congress on the Phoenix Program”, 14 October (declassified 2004/09/23)
Devillers, Phillippe. 1962. “The Struggle for the Unification of Vietnam”, The China Quarterly, Vol. 9, pp. 2-23.
East German Ministry of State Security.1989. “Letter form Liaison Office of the Ministry of State Security at the Ministry of Interior of the Socialist Republic of Vietnam to the Ministry of State Security”, January 28, CWIHP.
East German Ministry of State Security.1977. “Consultation between a Delegation of the Ministry of the Socialist Republic of Vietnam and Representatives of the XVIII and XX Divisions of the Ministry of State Security, 18 October, 1977 to 7 November 1977”, November 8, CWIHP.
Goscha, Christopher G. 2007. “Intelligence in a time of decolonization: The case of the Democratic Republic of Vietnam at war (1945-50)”” Intelligence and National Security, 22:1, pp. 100-138.
Grossheim, Martin. 2014. “Fraternal Support: The East German ‘Stasi’ and the Democratic Republic of Vietnam during the Vietnam War”, Cold War International History Project, CWHP, #71.
Kerkvliet, Benedict (2014). “Government repression of dissidents in contemporary Vietnam”, in (ed.) Jonathan London, Politics in Contemporary Vietnam: Party, State and Authority Relations, Basingstoke and New York: Palgrave Macmillan, pp. 100-134.
Levitsky, Steven, and Lucan Way. 2002. “The rise of competitive authoritarianism”. Journal of Democracy, Vol. 13, No. 3, pp. 51-64.
Thayer, Carlyle. 2014. “The Apparatus of Authoritarian Rule in Viet Nam”, in (ed.) J.London, Politics in Contemporary Vietnam: Party, State, and Authority Relations. London: Palgrave Macmillan, pp. 135-161.
—– .2017. “Vietnam: How Large is the Security Establishment?” Thayer Consultancy Background Brief, April 2, http://viet-studies.net/kinhte/Thayer_VNSecuritySize.pdf
Ward, Richard E. 1972. “Phoenix program under House inquiry”, National Guardian, 10 October.
Wehrle, Edmund F. 2005. Between a River & a Montain: The AFL-CIO and the Vietnam War, Ann Arbor: The University of Michigan Press.

Exit mobile version