Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Gaano katagal ang ngayon? Hinggil sa reformasi ng Indonesia at ang huling pagbawi nito sa kasaysayang Cold War

KRSEA How Long is Now: Indonesia

Ang pamagat na “Gaano katagal ang ngayon?” ay tumutukoy sa isang mural sa kahabaan ng Oranienburger Strasse, Berlin-Mitte, sa isang dating sentro ng SS at bilangguang Nazi, na naging gusali ng Silangang Alemanya, at matapos ang pagbagsak ng pader ay naging isang sentro para sa mga dinamikong artista; isang abandonadong gusali na ito ngayon. Isang sulyap ang mural sa malikhaing di-pa-nagtatagal na nakalipas ng Berlin, sa pinalawig na paghihintay para sa kinabukasan. Para sa akin, binubuod din ng mural ang dinamismo, gayundin ang malungkot na sinapit ng mga estudyanteng Indonesian sa Jakarta na kasama ko sa mga lektura at talakayan hanggang sa kalaliman ng gabi noong taglagas ng 1998. Naghahanap sila ng mga paraan para mabawi ang kritikal na kasaysayan ng mga kaganapan mula huling bahagi ng dekada 1940, kasama ang kung bakit nalipol ang dating pinakamalaking kilusang repormistang popular sa daigdig, at pinaslang ng militar at milisyang sibilyan ang may 500,000 katao noong 1965 hanggang 1966. Lumipas ang saglit na panahon ng pagiging bukas. Hindi pa rin matanaw ang bukas. Bakit?

Ang kasunduang sinuportahan sa pandaigdigang saklaw na abandonahin si Suharto para sa mga kalayaan at halalan, habang inililigtas ang elit, ay nangahulugan na lubhang marami itong naiwang nakatagong kalansay para talakayin ng publiko. Sa kasalukuyan, humina na ang pag-asa na magiging bawas ang pagsandig si Pangulong Joko ‘Jokowi’ Widodo sa mga makapangyarihang grupo kaysa mga sinundan niyang pinuno. Nagkaroon ng buong pag-atras sa harap ng pagtatambol para konserbatibong populismong Muslim ng diktador na si Prabowo Subianto. Sa larangang internasyunal, usong argumento na dapat tumuloy ang solidong pagtatatag ng estado tungong liberal na demokratisasyon. Hindi rin naging masigasig ang mga demokratikong maka-kaliwa na tingnan ang mga kaganapan noong huling bahagi ng dekada 1950 at maagang bahagi ng dekada 1960. Naging bahagi na lamang ng nakalipas ang mga pinunong tulad nina Nehru at Sukarno at ang mga kilusang walang hinahanayan. Higit pa, sinabi ng mga Maoista na hindi sapat na rebolusyonaryo ang mga repormistang komunistang Indonesian at mga Sukarnoista. Ayaw nang maalala ito ng mga sa kalauna’y nagsisi sa kanilang pakikisimpatya, ngunit sumubok ng ibang bagay tulad anarkismo, civil society, mga bagong kilusan at panunuring pangdiskurso. Nagkonsentra ang mga maka-democrat sa kagyat na mga usapin tulad ng korupsyon, karapatang pantao at kabuhayan, na hindi magiging madali na tanganan sa pamamagitan ng pagtanaw sa nakaraan.

“Hopes that President Joko ‘Jokowi’ Widodo would be less dependent on powerful groups than his predecessors have dwindled.” Image: Prospective President Joko Widodo campaigning in South Kalimantan, Indonesia, 27 March, 2019. Photo iman satria / Shutterstock.com

Samantala, nagpokus ang karamihan sa mga iskolarsyip hinggil sa masaker sa Indonesia sa pakikibaka ng mga elit sa pagtatapos ng 1965, na naging sangkalan para sa mga pogrom at mga masaker. Kapuri-puri ang pagbibigay-diin sa aspetong karapatang pantao ng usapin, subalit hindi ito sapat na gabay para sa masusing panunuring pangkasaysayan (Törnquist 2019). Nananatili ang tatlong palaisipan. Una, anu-ano ang mga ekonomiyang pampulitika at ahensiyang pampulitika na nagpahintulot sa mga sabwatan at panunupil? Ikalawa, ano ang nagbigay daan sa pagkukumbina ng karahasang itinulak ng militar at paglahok ng mga milisya at vigilante? Ikatlo, ano ang magpapaliwanag sa kabiguan sa pulitika ng mga bagong kilusang may oryentasyong kaliwa, at sa halip ay ang pagbalik ng awtoritaryan na identidad sa pulitika?

Ito ang isang halimbawa ng pangangailangan para sa masaklaw na panunuring pangkasaysayan (2018). Sa isa sa mga pinaka-komprehensibong pag-aaral na naisagawa, mahirap tanggapin para kay Robinson ang nangungunang tesis ni John Roosa (2006) na nagsasabing ang ilang mga pinuno ng Partido Komunista ng Indonesia (PKI), at hindi ang kilusan sa kalakhan, ang gumanap ng mahahalagang lihim na papel sa Kilusang September 30 na naganap bago ang pamamaslang. Nagmumula ang pagdadalawang-isip ni Robinson sa konklusyon ng pangunahing-agos na pananaliksik na matagumpay at lumalakas ang PKI noong panahong yaon (tingnan ang Anderson at McVey 1971; Mortimer 1974; Crouch 1978). Nangahulugan sana itong walang pangangailangan para sa mga aksyong mapagsapalaran at lihim. Gayunpaman, iba ang nais sabihin ng higit na kritikal na pagsusuri sa mga hamon na kinaharap ng mga komunista sa mga huling bahagi ng dekada 1950 hanggang maagang bahagi ng dekada 1960. Ninais ng partido ng demokrasya subalit noong 1959 ay sumuporta kay Sukarno at sa ipinakilala ng militar na “Ginagabayang Demokrasya” at pagpapaliban ng halalan. Sa gayon, kinailangan ng PKI na sumulong pangunahin sa pamamagitan ng pang-masang pulitika.

Nangahulugan ang pang-masang pulitika ng kooperasyon sa mga anti-imperyalistang kampanya ni Sukarno at pagsasabansa ng mga dayuhang kumpanya, at mga hakbang na pabor sa kanyang Batayang Repormang Agraryo, gayundin ang kanyang pormula ng magkatuwang na pamamahala ng mga makabayan, relihiyoso, at mga komunistang haligi sa larangang sosyo-pulitikal– kabilang pa ang kooperasyon sa militar. Nagkapagbigay ito ng ilang espasyo para sa pag-oorganisa at pulitika ng presyur ng mga komunista subalit hindi nito pinahina ang mga progresibong katunggali sa pulitika. Nakuha ng militar ang kontrol (kasama na ang paggamit sa paraan ng batas militar) sa mga naisabansang kumpanya at marami sa mga aparato ng estado, at epektibong binarahan ang mga pagsisikap ng mga komunista na paigtingin ang pakikibakang mangaggawa noong 1960-61.

 

Hindi lahat ay umayon sa kagustuhan ng militar. May isang taon itong nadehado matapos ang matagumpay na pagsanib ng West Papua sa Indonesia. Nagpahintulot ito sa partido na maglunsad ng kontrobersyal na mga kampanyang may oryentasyong Maosita laban sa tinatawag na mga burukrata kapitalista at para sa pagpapatupad ng repormang agraryo. Gayunpaman, pinahina ng komprontasyon sa Malaysia at mga kumpanyang Briton ang pagtataya ng PKI na maaaring lubos na mapahina ang mga “burukrata kapitalista” sa pamamagitan ng pinaigting na anti-imperyalismo. Nakuha rin ang militar ang bentaheng makabayan sa pinangunahang kampanya ni Sukarno na pagkontrol sa mga naisabansang kumpanya at sa gayon ay pagtatatag ng de facto na batas militar. Gayundin, kinailangang ipatigil ang mga militanteng aksyon ng pag-okupa ng mga lupain noong Disyembre 1964 dahil sa mga di-makontrol na labanan, kabilang ang sa pagitan ng mga maliliit na magsasaka na inaasahang magkaisa. Sa madaling salita, dahil sa pagkabalaho ng demokrasya at mga pinaigting na aksyong masa na hindi nagluluwal ng inaasahang resulta, nailagay ang PKI sa pulitikal na pagkakatali. Ibig sabihin nito, may mga dahilan upang mag-isip ng mga alternatibong paraan para pahinain ang militar sa pamamagitan ng Kilusang Setyembre 30, sa paraan ng paglalantad kung paanong inabuso nito ang nasyunalismo para sa pansariling interes, na maaari namang magbigay ng bentahe sa mga progresibo. (Törnquist1984; van Klinken 2019).
May ugnay ang isa pang halimbawa sa hindi naresolbang usapin hinggil sa papel ng militar sa mga pamamaslang laban sa naging papel naman dito ng mga milisya, vigilante at iba pa. Walang maaring maging duda na ang militar ang nag-uutos ng mga pagpatay at panunupil, gayundin na mas marami pa kaysa sa Kilusang Setyembre 30 o kahit pa sa PKI ang mamamayang pinaslang.
Gayunpaman, malinaw na naiiba sa tipikal na modelong mula-itaas-pababa ng Holocaust ang koordinasyon ng mga sentral na kapangyarihan, lokal na milisya at vigilante na nakahalo sa pulitika ng identidad na pulitikal, relihiyoso at etniko. Kung kaya, kailangan pa talagang maipaliwanag ang mismong pagkukumbina ng direksyong militar at pakikilahok ng sibilyan.

Hindi umiwas si Robinson mula sa katanungang paano naging posible na mabuo ang malapad na kilusang kontra-kaliwa at paglahok sa karahasan – bagaman limitado ang kapasidad ng estado na magdisenyo at magpatupad ng patakaran, walang popular na base o partido ang militar, at wala rin namang masugid na etniko, rehiyoso o utopyan na balangkas para sa panunupil. Habang tumuturo sa psychological warfare, pangunahing paliwanag niya sa malaganap na karahasan ay ang militarisasyon ng lipunan na naka-ugat sa mga pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya noong dekada 1940. Produkto mismo ng mga grupong milisya ang militar, at noong dekada 1960, may malakas na pamana na ng teritoryal na organisasyon ng militar, milisya at mga vigilante. Sa panahon ng digmaan para sa kalayaan, ang ilan sa mga milisyang ito ay maka-kaliwa o kaya’y indipendyente sa pulitika, samantalang ang iba pa’y suportado o sinanay ng mga Hapones sa mga brutal na teknik at malulupit na praktika na makikita sa karahasan noong 1965 hanggang 1966. Subalit hindi ito ang buong kwento.

May mga pagkakaiba sa pagitan ng mga nakikibaka para sa kalayaan, yaong nakaugat ang ideya ng kasarinlan sa patrimonyal na pamumuno at pagkamamamayan na dumadaloy sa mga komunidad na etniko at pangrelihiyon, at yaong naghahangad ng sekular at modernong nasyon-estado na nakabatay sa demokratikong pagkamamamayan na dumadaloy sa mga partido at organisasyong may interes. Napanatili ng mga militarisadong task force at mga organisasyong komunal ang una, na naging mahalaga sa mga pagpaslang at panunupil noong kalagitnaan ng dekada 1960. Samantala, sumama ang mga pangunahi’y maka-kaliwang nakikibaka para sa kalayaan sa PKI, mga pangmasang organisasyon nito, gayundin sa mga maka-kaliwang makabayang grupo. Noong dekada 1950, kapansin-pansing matagumpay sila sa pagkukumbina ng makauring pakikibaka at modernong makabayang ideya ng pantay at demokratikong pagkamamamayan and popular na pagkamulat. Gayunpaman, pinahina ng Ginagabayang Demokrasya ang mga pagsisikap na ito. Naging partikular na mahalaga ito noong 1965. Tunay na dinala ng maka-kaliwang populismo ni Pangulong Sukarno, na suportado ng PKI, ang ideya ng isang modernong pambansang estado na may tuwirang ugnayan sa mamamayan—subalit nadiskaril ang demokratikong pakikilahok ng mamamayan sa pamamagitan ng mga indipendyenteng partido, mga kilusan at halalan.

President Suharto with full military uniform in 1997.

Van Klinken’s (2018) historical frame for analysing this vacillation between a centralist, modern nation-state position and a conservative position based on the notion of indirect rule involves Samantala, nakipag-ugnayan din ang mga lider-militar tulad ni General Nasution sa Ginagabayang Demokrasya ni Sukarno bilang suporta sa modernong nasyon-estado, laban sa mga rebelyong pinondohan ng CIA at sa mga tiwaling heneral tulad ni Suharto. Subalit sila ay mga masugid na anti-komunista at walang popular na suporta. Kung kaya, sumanib si Nasution sa mga di-gaanong prinsipyadong heneral na pinamumunuan ni Suharto, na bumalik sa mga batayan ng konserbatibong nakikipaglaban para sa kalayaan noong dekada 1940, ng patrimonyal na pamumuno at pagkamamamayan na pinadadaloy sa mga komunidad na etniko at pangrelihiyon na naging krusyal sa di-tuwirang kolonyal na paghahari ng mga Olandes.
Bahagi ng istorikal na balangkas ni Van Klinken (2018) sa pagsusuri sa pag-uurong-sulong na ito sa pagitan ng posisyong sentralista, nasyon-estado, at ng isang konserbatibong posisyon batay sa hinagap ng di-tuwirang paghahari, na obserbahan ang pagkakatulad nito sa mga debate ng mga nakatatandang kolonyal na burukratang Olandes hinggil sa katangian ng estado at kung paano ito pamamahalaan. Noong dekada 1920, ninais ng mga moderniser na Olandes ang tuwirang pamamahala sa pamamagitan ng modernong estado na hindi demokratiko ngunit maaring magbigay daan sa indibidwal na pagkamamamayan. Umalingawngaw ito sa mga panukala ng mga tagasuporta ng Ginagabayang Demokrasya noong dekada 1960. Kapwa natalo sa mga pumili sa di-tuwirang pamahahala ang mga moderniser na Olandes at mga maka-kaliwang populistang tagasuporta ng Ginagabayang Demokrasya – sa pangkalahatang paraan ng pagbagay sa despotismo ng sentro sa pamamagitan ng pagpapatibay sa posisyon ng mga lokal na makapangyarihan at mga komunidad na etniko, relihiyoso at lokal bilang mga tagamasid ng nasasakupan at bilang mga tagapamagitan sa pagitan nila at ng estado. Natagpuan ng kolonyal na rehimen ang di-tuwirang pamamahala bilang pinaka-epektibo at pinakamatipid na porma ng pamamahala upang mapigilan ang mga lumilitaw na modernong kilusang makabayan. Nakita rin ng militar ng Indonesia ang di-tuwirang pamamahala bilang pinakamainam na paraan para wasakin ang mga modernong nasyunalistang maka-kaliwa, mga komunista at mga katulad na kaibigan at kaanak.

Sa ibang salita, ang mga pamamaslang sa kalaghatian ng dekada 1960 ay henosidyo na humuhugot sa isang kolonyal na tipo ng pamamahala na nakabatay sa sentral na despotismo at di-tuwirang pamamahala.

Ang nalalabing ikatlong katanungan ay siyang nagpapaliwanag sa kawalan ng baong maka-kaliwang dimensiyon sa pulitika ng Indonesia. Binigyang pokus ni Robinson ang kahalagahan ng karapatang pantao at naglayon na basagin ang katahimikan hinggil sa mga malagim na pangyayari noong kalagitnaan ng dekada 1960. Tunay nga, ang problema ng Indonesia ay ang nagpapatuloy na pagtanggi sa kasaysayan. Subalit hindi nakatutulong ang pagbibigay ng pokus sa mga usapin ng karapatang pantao sa pagtalakay kung bakit walang lumitaw na bagong maka-kaliwang dimensiyon. Mayroong lumitaw sa ibang konteksto, sa kabila ng malala at mahabang panahon ng panunupil, kasama na sa Espanya ni Franco at ilan pang mga bansa sa Latin America—subalit hindi sa Indonesia. Bakit?

Maaaring may pakinabang na alalahaning muli na naisang-tabi ng Ginagabayang Demokrasya ang matagumpay na kombinasyon ng pakikibaka para sa popular na makauring interes at para sa demokratikong pambansang pagkamamamayan laban sa di-tuwirang paghahari. Mahalagang salik ito sa likod ng sakuna. Hindi makahugot ang mga progresibo sa aktibong mamamayan at demokrasya, at bumabalik ang mga dominanteng aktor sa padron ng di-tuwirang kolonyal na pamamahala kung nililipol at sinusupil ang mga maka-kaliwa. Sa paglaon, isinulong ni Suharto ang pag-angat ng kapital at kinonsolida ang kanyang “Bagong Kaayusan” sa pamamagitan ng pagbaliktad mula sa henosidyo at panunupil ng di-tuwirang paghahari tungong mga elemento ng sentralisadong modernismo sa kapahamakan ng mga lokal na makapangyarihan at mga etnikong komunidad. Lumulutang lamang ang mga karaniwang mamamayan nang walang pag-uugnayan ng estado-lipunan maliban sa estado-korporatismo at napaiilalim na mga relihiyosong komunidad.

Upang tunggaliin ang ganitong kaayusan, naging higit na pulitikal ang mga sumasalungat na nagbigay ng pokus sa demokrastisasyon ng kapitalismong pinadadaloy ng estado ni Suharto. Subalit hindi sumulong ang masa gaya ng inaasahan. Gayun nga, kailangang bawiin ang dating mapagpalayang pakikibaka para sa kasarinlan at aktibong demokratikong pagkamamamayan na nabigo noong katapusan ng dekada 1950. Nagkaisa maging ang mga dating magkakatunggali tulad nina Goenawan Mohamad at Joesoef Isak, gayundin si Pramoedya Ananta Toer, upang idiin ang puntong ito. At isinagawa ang mga pag-aaral sa at kasama ang kilusan para sa demokrasya hinggil sa demokratisasyon, pagkamamamayan, populismo at pulitika ng identidad nang nasasaisip ang mga katulad na layunin. Hindi pa rin nakakukuha ng sapat na lakas ang mga pagsisikap na ito. Sa maka-kanang populismo ngayon, lumitaw pa ang muling pagkabuhay ng di-tuwirang pamamahala.

Olle Törnquist
Professor, Department of Political Science, University of Oslo

Banner photo: luiginter / flickr

References

Anderson, B. and R. McVey. 1971. A Preliminary Analysis of the October 1, 1965 “Coup” in Indonesia. Ithaca: Cornell Modern Indonesia Project.
Crouch, H. 1978. The Army and Politics in Indonesia. Ithaca: Cornell University Press.
Mortimer, R. 1974. Indonesian Communism under Sukarno. Ideology and Politics 1959-1965. Ithaca: Cornell University Press.
Robinson, G. 2018. The Killing Season: A History of the Indonesian Massacres, 1965-66, Princeton: Princeton University Press.
Roosa, J. 2006. Pretext for Mass Murder: The September 30th Movement and Suharto’s Coup d’Etat in Indonesia. Madison: University of Wisconsin Press.
Törnquist, O. 1984. Dilemmas of Third World Communism. The Destruction of the PKI in Indonesia. London: Zed.
Törnquist, O. 2019. “The Legacies of the Indonesian Counter-Revolution: New Insights and Remaining Issues”, Journal of Contemporary Asia, forthcoming.
van Klinken G. 2018. “Citizenship and Local Practices of Rule.” Journal of Citizenship Studies 22 (2): 112-128.
van Klinken G. 2019. “Anti-communist Violence in Indonesia, 1965-66.” In The Cambridge World History of Violence, Volume 4 AD 1800-AD 2000, in press, edited by P. Dwyer. Cambridge: Cambridge University Press

Exit mobile version