Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Paglikha ng mga Posibilidad mula sa Imposible: Mga Ekonomiyang Likod-Pinto ng mga Rural na Migranteng Manggagawa at ang Patibong sa Lao PDR

KRSEA-Chen-Migrant-Workers

Ang paglisan ng mga kabataan mula sa mga rural na baryo ng Laos para sa sahurang trabaho sa mga dometikong espasyong urban o iba pang lokasyon sa Thailand ay naging karaniwang penomenon na sa kontemporaryong Laos. Sa loob ng ekonomiyang nasa transisyon ng bansa, ang kalakarang ito ay kalimitang inuunawa mula sa istruktural na pang-ekonomikong sipat (eg. Dwyer 2007). Samantalang may sariling merito ang materyalistikong interpretasyon kapag itinatambal sa litong istiryotayp ng rural na mamamayang Lao bilang may oryentasyong agrikultural at di-makahiwalay sa lugar, hindi maiiwasang nagbibigay daan ito sa popular na diskursong tumitingin sa mga rural na migranteng-papalabas bilang mga ‘biktima ng kaunlaran’ (Barney 2012). Isinasalaysay ng naratibo ang kwento ng mamamayan na pinilit ng kahirapang dulot ng mga patakaran na umalis ng kanayunan at naging di-sanay at murang paggawa na dumaranas ng malawak na pagsasamantala sa trabaho. Ang kakulangan ng panlahatang naratibong ito na itala ang suhetibidad ng mga migranteng indibidwal ay naging target ng kritisismo mula sa mga intelektwal. Ang mga tangkang isalaysay ang ‘pagka-boluntaryo’ na nagpapatampok sa desisyon hinggil sa karera ng mga kabataan na umalis ng tahanan, laluna ang kagustuhan para sa modernidad at awtonomiya , ay naging epektibo na pahinain ang pasibong ‘imaheng biktima’ ng mga indibidwal na ito sa ilang antas (Riggs 2007; Portilla 2017). Gayunpaman, sa panig ng karanasan ng mga migranteng manggagawa sa aktwal na trabaho, nananatili ang imaheng ito. Ang mga obserbasyon hinggil sa kanila sa iba’t ibang lugar ng trabaho sa loob ng bansa o sa ibayong-dagat ay dinodomina ng mga deskripsyon ng mapang-aping rehimen ng pagpapasahod, mga abuso sa maliitang antas at mga diskriminasyong sosyal (Phouxay and Tollefsen 2011; Huijsmans and Bake 2012;). Binubuo sama-samang mga talang ito ang isang kondisyon ng ‘imposibilidad’ na hadlang sa pag-asa ng mga migranteng manggagagwa para sa pang-angat sa lipunan sa anumang proma. Kung ang pagbasa sa ganitong mga tala katabi ng literatura ay nahuhulog sa ilalim ng balangkas ng ekonomiyang nakaasa sa remitans sa kanayunang Lao, palaisipan kung paanong ang mga kabataan na lumisan ng tahanan ay nakakayang mabuhay at mamuhay sa ibang lugar (Riggs 2007; Barney 2012). Hindi layunin ng artikulong ito na itanggi o paliitin ang mismong pag-iral ng mapagsamantalang kondisyon na kinakaharap ng mga migranteng manggagawang Lao sa kanilang destinasyon. Sa halip, nakatuon ito sa pagbibigay liwanag sa mga paraan kung saan lumilikha sila ng mga posibilidad mula sa imposible.  Sa gayon, layunin kong ibayong tunggaliin ang iisang na tatak na ‘biktima’ na ikinabit sa grupong panlipunang ito, na isang pwersa ng marhinalisasyon sa sarili.  

Ang tuon ng artikulo ay isang estratehiyang survivalist na karaniwang inilalatag ng kabataang migranteng manggagawang Lao para tawirin ang mga pakikibaka sa lugar ng trabaho. Isa itong aksyon upang magbukas ng mga daang likod-pinto para sa maliit na kita sa araw-araw na trabaho. Nakatanim ang natatago nilang paglaban sa pagsasamantala sa nagpapatuloy at di-umaayon na pagsisikap ng mga migranteng mangaggawa na lumikha ng sarili nilang pakahulugan sa ‘trabaho’. Samantalang kumukuha sila ng hingahang espasyo para sa sarili, ang mga ekonomiyang likod-pinto ng mga migranteng mangaggawa ay balintunang nagdadala sa kanila sa patibong, sa gayo’y pinalalakas ng mga praktikang ito ang lohikang pang-ekonomiko na sa una na’y nagdulot ng kanilang posisyong marhinalisado. Sa nalalabing bahagi ng artikulo, ipakikita ang nilalaman at mga di-tiyak na implikasyon ng natukoy na estratehiya sa pamamagitan ng ilang larawan mula sa karanasan sa buhay ng mga indibidwal sa syudad ng Vientiane, ang pinaka-popular na destinasyon sa loob ng Laos para sa mga rural na migranteng-papalabas (Phouxay 2010).

Sa isang syudad na may kakulangan sa pampublikong transportasyon tulad ng Vientiane, ang kalakhan ng pang-araw-araw na pagbyahe ay sa pamamagitan ng pribadong sasakyan tulad ng motor at kotse. Ang daloy ng buhay sa pagbyahe ay kumakaharap ng palagiang panganib na maabala sa mga oras na sarado na ang mga gasolinahan, kung kailan naman nagsisimula ang buhay sa gabi. Kahit ang pinakamaingat na tsuper ay pana-panahong makakaranas na tumirik sa daan pauwi sa gitna ng gabi dahil naubusan ng gas. Samantalang para sa marami ay maliit na problema lamang itong dapat iwasan sa buhay, naaamoy naman ito ng ilang utak-negosyong tao bilang pagkakataon para kumita. Maglalagay sila ng upuan sa kahabaan ng mga abalang kalsada sa gabi at magpapatong ng bote ng gas sa ibabaw para ibenta ito. Kasama sa nagpapatakbo ng ganitong halos hindi mapansing negosyo sa Vientiane si Tu, isang 19 na taong gulang na lalaki mula sa rural na Savannakhet. Pana-panahong sumusulpot siya sa kanyang karaniwang pwesto sa gilid ng daan sa kahabaan ng kalsadang Dongpalane. Sa aktwal ay naka-depende nang malaki sa isang salik ang waring iregular na oras ng negosyo ni Tu—kung nakapagpuslit siya ng sapat na gasolina mula sa trabaho. Bilang tsuper ng minivan para sa isang Tsinong kumpanyang pang-turista, laging nagdadala si Tu sa trabaho ng 330 ml na bote ng tubig na walang laman. Kapag dumating ang pagkakataon, pupunuin niya ang bote sa pamamagitan ng pagkakalas ng kandado sa lagusan sa ilalim ng tangke ng langis ng minivan. Kapag na nakapagpatagas na siya ng sapat para makapuno ng 1.5 litro ng bote ng Tigerhead, mag-ooperasyon ang kanyang likod-pintong negosyo sa kalsada ng Dongpalane.    

Kung titingnang mabuti, madaling humanga sa kalkuladong pagpaplano at tiyak implementasyong kalakip sa maliitang iskema sa langis ni Tu. Sinimulan niya ang kanyang pang-araw-araw na gawain na kumuha ng gasolina sa trabaho noong bago pa lamang siyang matanggap bilang tsuper sa kasalukuyang kumpanyang pinagtatrabahuhan isang taon na ang nakalilipas. Upang maiwasang mahuli ng kanyang amo, metikuloso niyang kinontrol ang dami ng gas na pinatatagas niya mula sa tangke sa bawat pagkakataon upang tumugma ito sa distansya na kanyang imamaneho sa araw na iyon. Naitulak nito ang kanyang amo na isisi ang bahagyang pagtaas ng gastos sa gasolina sa maaksayang gawi sa pagmamaneho ng kanyang bagong tsuper. Paminsan-minsan, kung nagmamaneho si Tu para sa kanyang amo, sasadyain niyang gawin ang mga inaakalang gawi tulad ng biglaang pagbuhay at pagpatay ng makina at labis na paggamit ng aircon sa kotse upang mapagtibay ang teorya ng kanyang amo. Handa rin siyang gumugol ng ilang nakababagot na gabi ng paghihintay sa Dongpalane para lamang sa kaunting kita. Isang gabi nang sinamahan ko siya sa kanyang madaliang negosyo ng pagtitingi mula ika-9:00 hanggang ika-11 ng gabi, kumita siya ng kabuuang 45,000 kip (nasa 5 USD). Sa kanyang pagtatasa, swerteng araw na iyon. Dapat unawain ang implikasyon ng salaping ito nang naka-ugnay sa buwanang sweldo ni Tu na 1,300,000 kip (nasa 150 USD).      

Ang matalino at tusong indibidwal na ipinapakita sa kwento sa itaas ay nagpapakita ng matalas na kabaligtaran sa kumbensyunal na impresyon sa manggagawang Lao bilang walang kakayahan at tamad. Nakikita rin ng sariling amo ni Tu na si Zhou ang ganitong istiryotayp sa kanya dahil wala itong alam sa nakatago niyang dagdag na gawain sa nakatokang trabaho. Hindi makapagpigil ang negosyanteng Cantonese na nakarating ng Laos noong maagang bahagi ng dekada ‘90 sa pagrereklamo sa akin hinggil kay Tu at pagtutulad sa kanya sa lahat ng mga nauna niyang empleyadong Lao: ‘Hindi man lamang siya magkukusang pulutin ang isang piraso ng basura sa harapan niya kapag nakaupo siya at walang ginagawa. Ganito ang mga tamad na mangagagawang Lao, kailangan mo silang hagupitin tuwina kung gusto mo silang kumilos.’ Nakabuo rin siya ng matatag na konklusyon sa ‘labis na mababa ang intelligence quotient (IQ)’ ni Tu sa pamamagitan ng isang insidente hinggil sa aparador ng libro sa kanyang opisina. Nangyari ito nang minsang inutusan niya si Tu na baguhin ang ayos ng mga muwebles sa kanyang opisina. Sa kabila ng kanyang lubhang detalyado at ispesipikong utos, pumalpak si Tu nang itulak niya ang aparador nang paharap sa dingding. ‘Malinaw na ang bano na taga-nayong ito ay walang utak’, komento ni Zhou.

Ang iba’t-ibang taktika ni Tu para magpanggap na walang kakayahan sa harap ng kanyang among si Zhou ay nag-uulit sa matalas na tinawag ni James Scott (1985) na ‘armas ng mahihina’, tulad ng araw-araw na di-komprontasyunal na paglaban sa tunggalian ng uri ng mga nakabababa. Sa pamamagitan ng pagkukupad at pagappanggap na tanga, nasasalag niya ang mapagsamantalang tangka ni Zhou na kara-karakang pasaklawin ang kanyang trabaho lampas sa pagiging ‘tsuper’, at ang mapang-abusong lenggwaheng ginagamit kung nagtatakda ng gawain. Dagdag pa, ang pagpapababa ni Tu ng sarili bilang isang prototayp na manggagawang Lao ay epektibong nagpababa ng antas ng pagmamatyag ni Zhou sa pamamahala, sa gayo’y nakakuha siya para sa sarili ng higit na espasyo para i-pihit ang mga kahulugan at praktika ng trabaho para sa sarili niyang pakinabang. Sa mga kontekstong atrasado pagkatapos ng kolonyalismo tulad ng Laos, karaniwan na ang mga kumbensyon na nag-uugnay sa mga katutubong mamamayan sa mga pre-modernong katangian tulad ng katamaran. May tendensiya ang mga kritikal na interbensyon na bigyang-kahulugan ang phenomenon bilang pa-iba-ibang pamanang kolonyal na maaaring angkinin ng mga estado pagkatapos ng kolonyalismo para kung minsa’y i-rasyunalisa din ang mga bagong rehimen (eg. Li 2011).  Kalimitan ding ginagamit bilang paliwanag ang ispesipiko-sa-lugar na kondisyong istorikal tulad nang sa kaso ng Laos kungsaan may populasyon na hindi gaanong bantad sa etika ng kapitalistang paggawa dahil sa lubhang pagsandig sa argikulturang nakakasasapat o halos-nakasasapat-sa-sarili para sa kabuhayan hanggang nitong huli (Evans 2002). Gayunpaman, tumuturo ang kwento ni Tu sa pangangailangang ilipat ang sentro ng maliitang antas na pulitika ng uri at ang ahensya ng “Oryentalisado” sa pagsisikap na maintindihan ang sinaunang pag-uugnay ng pagiging katutubo sa pagiging mas mababa.

Para sa kabataang rural na migranteng manggagawa tulad ni Tu, ang estratehiya na pataasin ang kita sa pamamagitan ng pagdadagdag ng nilalaman ng pang-araw-araw na trabaho ay pinapatingkad ng malinaw na tulak para mabuhay. Dahil sa kakulangan ng edukasyon at pagsasanay, nakulong ang grupong panlipunang ito sa sektor na may mababang kasanayan tulad ng konstrukyon, serbisyo, gawaing bahay, at pagmamanupaktura, na sa pangkalahatan ay nagbibigay ng ‘para makaagapay’ na sahod (Phouxay 2010). Maliban pa sa presyur na ipagpatuloy ang sariling salat na kabuhayan sa destinasyon ng migrasyon, nag-aambag din sa nagtatagal na sentimyentong walang pera ang mga tungkuling sumuporta sa pamilyang nasa malayo at ang pang-aakit mula sa modernong konsumerismo (Riggs 2007;Phouxay at Tollefsen 2011). Minumulto ng pakiramdam na ito ang mga karaniwang indibidwal na migrante at itinutulak sila na lagi nang maghanap ng mga bagong daluyan para kumita ng pera. Samantala, nagiging partikular na mahalaga ang rekurso mula sa trabaho sa kanilang paghahanap ng dagdag na kita dahil sa kanilang limitadong akses sa capital, impormasyon at network. Karugtong nito, nakalilikha sila ng iba’t-ibang maliitang porma ng negosyo mula sa kanilang trabaho upang mamaksimisa ito.   

Bilang isang mananaliksik, matagal na akong nagugulumihanan sa alumpihit na persepsyon ng mga migranteng manggagawa sa mga ekonomiyang likod-pinto na isinalaysay sa itaas. Kalimitan, kung pinag-uusapan ang kanilang maliliit na iskema, mabilis na binabanggit ng ng mga indibidwal tulad ni Tu ang mga pakikibaka nila sa lugar ng trabaho at iba pang pangkalahatang presyur para mabuhay bilang mga katwiran. Pana-panahon, natatagpuan ko din ang sarili sa mga ‘sesyon ng mobilisasyon’, kungsaan matiyagang kinukumbinse ng mga bihasa ang mga alumpihit na baguhan na sumubok ng mga regular na diskarte. Samantala, sumusulpot ang mga salimuot kapag nagkokomento sila sa mga porma ng maliitang pagnenegosyong hindi nila gaanong dama ang kaugnayan dito. Binabanggit ang mga kumbensyonal na konsepto ng pang-uumit, panlalansi, protistusyon at iba pa para tatakan ang mga ganitong aktibidad (eg.Phouxay and Tollefsen 2011). Ang likas sa ganitong klase ng paghusga ay ang proseso ng othering kungsaan tinitingnan ng mga indibidwal ang sarili nilang mga gawi na kalitatibong mas mahusay at tumatanggi mailagay sa parehong analitikal na kategorya. Subalit ang linya sa pagitan ng sarili at ‘iba’ is lubhang malabo. Halimbawa, laging nangangatwiran si Tu laban sa aking tangka na ipakita ang pagkakahalintulad sa pagitan ng kanyang iskemang magpuslit ng langis at pagnanakaw ng taga-loob, isang karaniwang kwento kungsaan nakikipagkutsabahan ang taga-bantay sa iba pa upang magnakaw ng mga pag-aari ng kumpanya. ‘Ilegal iyon,’ pana-panahon niyang idinidiin. Ang lalong nagpapahirap para maipirmi ang eksaktong posisyon ng isang taon hinggil sa ekonomiyang likod-pinto ay ang katunayang ang mga komento ng othering ay kalimitang sabayang hinahaluan ng isang antas ng pagsisikap na magbigay-katwiran—“Pero alam mo naman, Laos ito.’ Ang mga salaysay na ito ay sama-samang nagpapakita na tinatahak ng mga migranteng mangaggawa ang kanilang buhay sa laylayan ng lipunan nang may kulumpon ng hindi pirming pamantayang nakakondisyon sa posisyon at konteksto.   

Isang kabalintunaan na ang praktika at mentalidad na sentral sa ekonomiyang likod-pinto ng migranteng kabataan ay nagpapaalala sa akin ng isang labis na naiibang kalakaran, kungsaan inaabuso ng mga opisyal ng pamahalaan ang kapangyarihan mula sa kanilang posisyon upang makinabang ang kanilang mga sarili at mga nakasabit sa gitna ng mabilis na marketisasyon ng Laos. Bagaman sa pangkalahata’y hindi magkatugma ang hirap at ganansyang kalakip sa dalawang eksena, umaalingawngaw ang pundamental na taktika. Tulad din ng mga migranteng mangaggawa na nakadatal sa mga di-matatag na pagpapahalaga at etika sa pagnenegosyo sa nakabababang antas, pleksibleng ginagamit din ng mga aktor ng estado ang iba’t ibang pamantayan para isalaysay ang kanilang mga di-pormal na praktika sa iba’t ibang kalagayan. Sumasaklaw ang mga ideolohiyang ito mula sa kumpbensyunal na nosyon ng ‘korupsyon’ , tradisyunal na phunyai ng Lao na ritwal ng patron-kliyente, sobinistikong nasyunalismo para tunggaliin ang mga dayuhang mamumuhunan, hanggang neoliberal na pagbibigay-diin sa indibidwal na yaman at kapangyarihan (Evans 2002; Baird 2010). May problema ang analohiya na sumasaklaw sa mga panlipunang baiting: Habang pangunahing biktima ng impormalidad sa loob ng burukrasyang Lao ang mga dehadong indibidwal tulad ni Tu, hindi maiiwasang ginagamit nila ito para sa sariling pag-iral. Sa araw-araw na mga praktika ng ekonomiyang likod-pinto, nag-aambag ang mga kabataang migranteng manggagawa para magpatuloy ang ‘kultura ng koprupsyon’ sa kontemporaryong Laos (Smith 2007). Sa ibang salita, kasabay na ipinagpapatuloy ng kanilang mga aktibidad na lumikha ng mga posibilidad mula sa imposible ang lohika na nagtutungo sa imposible. May paraan ba upang makaalpas sa walang katapusang ikid na ito?

Kelly Wanjing Chen
PhD candidate, Department of Geography, University of Wisconsin-Madison
wchen275@wisc.edu

Bibliography

Baird, I.G., 2010. Quotas, powers, patronage, and illegal rent-seeking: the political economy of logging and the timber trade in southern Laos. Forest Trends.
Barney, K., 2012. Land, livelihoods, and remittances: A political ecology of youth out-migration across the Lao–Thai Mekong border. Critical Asian Studies, 44(1), pp.57-83.
Dwyer, M., 2007. Turning land into capital: A review of recent research on land concessions for investment in Lao PDR. Land Issues Working Group, Vientiane, Laos.
Evans, G., 2002. A Short History of Laos: The Land In Between. Allen & Unwin.
Huijsmans, R. and Baker, S., 2012. Child trafficking: ‘Worst form’ of child labour, or worst approach to young migrants? Development and Change, 43(4), pp.919-946.
Li, T.M., 2011. Centering labor in the land grab debate. The Journal of Peasant Studies, 38(2), pp.281-298.
Phouxay, K., 2010. Patterns of migration and socio-economic change in Lao PDR. Phd Dissertation, Kulturgeografiska Institutionen, Umeå universitet.
Phouxay, K. and Tollefsen, A., 2011. Rural–urban migration, economic transition, and status of female industrial workers in Lao PDR. Population, Space and Place, 17(5), pp.421-434.
Portilla, S.G., 2017. Land concessions and rural youth in Southern Laos. The Journal of Peasant Studies, 44(6), pp.1255-1274.
Scott, J.C., 1985. Weapons of the weak: everyday forms of peasant resistance. New Haven, CT: Yale University Press.
Rigg, J., 2007. Moving lives: migration and livelihoods in the Lao PDR. Population, Space and Place, 13(3), pp.163-178.
Smith, D.J., 2007. A culture of corruption: Everyday Deception and Popular Discontent in Nigeria. Princeton University Press

Exit mobile version