Ang mga Pangunahing Tauhan ay ang “Maliliit na Tao”
Mahirap ipagkaila na ang kalagayan sa timog Thailand sa taong ito [2004–tagasalin] ay isang kilusang panlipunan na kinabibilangan ng daan-daang tao. Kung isasali natin ang mga taong nagbigay ng kanilang suporta sa mga operasyon, ang bilang na ito ay maaaring umabot sa isang libo o higit pa. 1
Hindi ako interesado sa kung sino ang namuno sa ganitong kalawak na kilusang panlipunan, kung sino ang may-pakana, o kung saan nagmula ang suporta sa kilusan. Ang paghahanap para sa may-pakana ay hindi makakatulong sa atin na maintindihan ang anuman. Ang mga ito ay hindi paisa-isang pangyayari, tulad ng pagsalakay sa imbakan ng armas [noong ika-4 ng Enero 2004], ang asasinasyon sa mga opisyal ng pamahalaan, ang pagsusunog sa mga paaralan, o pag-atake sa mga yunit-pulisya ng mga puwersang militante, kundi ay isang kilusan na maraming tao ang may kinalaman. Hindi lamang iisang tao ang may kakayahang manguna o makahikayat ng ganitong karaming tao para magpatupad ng mga ganitong kasingrahas na pagkilos (kahit sa pamamagitan ng pagdodroga). Nangangailangan ng mga tiyak na salik na nagtulak sa mga maliliit na taong ito na mobilisahin ang kanilang sarili bunga ng nagkakaisang interes. Samakatwid, upang maintindihan ang kalagayan sa Timog, kailangang maintindihan ang mga nakapalibot na kundisyon at salik na umaapekto sa buhay ng mga maliliit na taong ito.
Ang isang awtoritaryan na estado ay malimit na hindi pumapansin sa mga maliliit na tao na nakikilahok sa mga kilusang panlipunan. Hindi nito naiisip na ang mga ordinaryong tao ay maaaring magmobilisa ng kilusang pulitikal o panlipunan nang sila-sila lamang. Palagi nitong ipinapalagay na may ibang nag-uudyok sa kanila para makilahok, o di kaya’y nasilo ang mga ito sa pamamagitan ng suhol o panloloko.
Bagamat ang ganitong mga panunulsol, suhol o panloloko ay maaaring mangyari, hindi pinapaliwanag ng alinman sa mga ito ang mga pagkilos ng mga maliliit na taong aktwal na sumali sa kilusan. Sapagkat ang malaking bilang ng mga maliliit na taong ito ay pumiling hindi sumali sa kilusan, bukod sa malaking bilang na sumali, ang katanungan ay bakit sumali ang isang grupo sa kilusan at ang iba nama’y hindi?
Sino ang mga Pangunahing Tauhan?
Nagkataon na ang pangyayari ng ika-28 ng Abril [2004] na humantong sa pagkamatay ng napakaraming tao ay nakatulong sa atin na malaman kung sino talaga ang mga maliliit na taong ito.
Kung titingnan natin ang mga puwersang nakilahok sa pangyayari ng ika-28 ng Abril, ang mayorya ng mga ito, batay sa ulat ng media, ay mga tao mula sa lalawigan. Naaayon ito sa isang panayam sa 4th Army Commander na nagsabing ang mga taong ito ay tumanggap ng pagsasanay militar sa ilang mga bahagi ng Amphoe [“distrito”] Sabayoi, sa lalawigan ng Songhkla, o Amphoe Kabang, Amphoe Yaha, Amphoe Thanto, Amphoe Aiyaweng, at Amphoe Betong sa lalawigan ng Yala. Sinabi niya na ang mga ito ay mga masusukal na bulubunduking rehiyon na hindi marating ng mga opisyal panseguridad (Matichon, 3 Mayo 2004).
Ang panayam na ito sa 4th Army Commander ay alinsunod sa kaalamang galing sa mga military intelligence source na ang mga kabataan ay tumanggap ng lihim na pagsasanay militar (hindi ko tiyak kung ano ang ibig sabihin ng “kabataan” dito, sapagkat ayon sa isang press release matapos ang pangyayari, karamihan ng patay ay nasa edad 25-30, na nangangahulugang hindi na sila dapat tawaging “kabataan”). Ang pagsasanay militar ay ginawa sa mga bulubundukin at magubat na rehiyon, o malapit sa mga liblib na baryo. Ang mga nagpasailalim sa kurso ng pagsasanay ay maaaring makaangat sa mga grupong mas matataas ang ranggo na maaaring magsagawa ng mga biglaang pananalakay sa mga target na pulisya (Perspective Section, Bangkok Post, 2 Mayo 2004).
Nang subukan ng may-akda na malaman ang tungkol sa mga napatay, lumabas na ang paksang ito ay halos hindi nakakuha ng pansin mula sa media. Dahil dito, halos hindi natin kilala ang mga taong ito.
Kabilang sa mga nasugatan si G. Abdulroning Cheloh, isang taga-Amphoe Klokpho, sa lalawigan ng Pattani. Sinabi ng kanyang asawa na nagtatrabaho siya bilang manggagawa sa pagkuha ng goma (Matichon, 2 Mayo 2004), kung saan mahihinuha na mahirap ang kanyang mag-anak sapagkat nagtatrabaho siya bilang swelduhang manggagawa sa isang baryo at wala siyang sariling kapital.
Ayon sa kamnan (pinuno) ng subdistrito ng Thankhiri, ang rehiyong pang-administratibo na kinapapalooban ng baryo ng Susoh, kung saan nanggaling ang labing-siyam sa mga napatay na militanteng sumalakay sa himpilan ng pulis sa Amphoe Sabayoi, “ang pinakaseryosong problema ay ang edukasyon, sapagkat karamihan sa mga bata rito ay walang trabaho. Hindi sila makahanap ng trabaho sapagkat wala silang kaalaman. Karamihan sa kanila ay nagtatapos ng pag-aaral sa compulsory level na hanggang sa ika-anim na baitang lamang o, kung pipilitin, sa mga unang taon ng hayskul. Pagkatapos nito ay kailangan na nilang tulungan ang kanilang mga magulang sa pagkuha ng goma. Maliban dito ay wala na silang ibang magagawa” (Matichon, 2 Mayo 2004). Samakatwid, masasabing batay sa antas ng kanilang edukasyon at uri ng kanilang trabaho, sila ay biktima ng disintegrasyon ng lipunan sa lalawigan.
Subalit mayroon ding ibang mga kaso tulad ng kina G. Sanphu at G. Maroning Yogmakeh, na parehong binaril at namatay. Nagpahiwatig ang kanilang ama ng lungkot sa kanyang kawalan, lalo na para sa kanyang panganay na anak (hindi natukoy kung alin sa dalawa) na katatapos lamang sa mataas na paaralan ng Islam Witthaya at kapapasa lamang ng kanyang aplikasyon para pumasok sa kolehiyo ng pagsasanay sa pulisya. Maliban pa rito ay mayroong ebidensyang maaaring mangahulugan na ang mga militanteng nagsagawa sa operasyong ito, at marahil ang buong kilusan mismo, ay may kaugnayan sa tradisyunal na elit. Halimbawa, ayon sa Bangkok Post ng ika-27 ng Abril, ay nakahanap ito ng polyeto na ipinamudmod sa tatlong lalawigan, i.e., sa Dalohala-Raman Road, sa Amphoe Raman, lalawigan ng Yala; sa Amphoe Khokpho, lalawigan ng Pattani; at sa Amphoe Roesoh, lalawigan ng Narathiwat, na nagpapakita ng larawan ng isang pinunong panrelihiyon na may inaabot sa isang naka-unipormeng opisyal ng pulis. Ang polyeto, na nakasulat sa wikang Thai, ay nananawagan sa mga pinunong panrelihiyon ng Islam na itigil ang kanilang pakikipagtulungan sa pulis sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaalaman tungkol sa kaguluhan sa Tinog.
Ang panawagang ito ay parang nagsasabi na karamihan sa mga pinunong panrelihiyon ay walang kinalaman sa kilusan. Wala silang mga tunay na ugnay sa mga militante o sa kilusan. Hinihinala ng may-akda na ang mga militante mismo at ang kilusang kanilang pinamumunuan ay walang tunay na kaugnayan sa tradisyunal na elit. Sa katunayan, matapos ang mga pang-arestong isinagawa ng pamahalaan at ang mga hablang ihinarap sa mga “may-pakana,” hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na ebidensyang nagpapatunay sa mga akusasyon. Nagkaroon ako ng pagkakataong basahin ang dalawang case study na nakapaloob sa “Case Study Report into…” na inihanda ng Military Intelligence Agency ng Internal Security Directorate para sa Fourth Army Region, 2nd Division, na nagtatangkang iugnay ang buong kilusan sa tradisyunal na elit, sa lokal at pambansang antas. Subalit lahat ng konklusyon sa ulat ay mga walang-batayang suposisyon na nakasandig sa mga haka-haka at paghihinala na hindi nakabatay sa katotohanan. Maaaring ang ulat ay sadyang ginawa upang manipulahin ang datos para umayon sa kwentong gawa-gawa nito (bagamat sapat itong kapani-paniwala para sa ilang pinuno ng pamahalaan). Naniniwala pa rin ang may-akda, samakatwid, na kilusan ito ng mga maliliit na tao, at ang mga nagsagawa ng operasyon ay walang ugnay sa lokal na tradisyunal elit.
Hindi ko rin makuhang maniwala na ang mga kilalang organisasyong laban sa pamahalaang Thai tulad ng PULO, BRN, Bersatu, atbp. 2 ay may kaugnayan sa kilusan tulad ng nais nilang palabasin. Siyempre, ibibigay nila ng kanilang suporta at pupurihin ang mga pagkilos ng mga maliliit na taong ito, bagamat hindi sila ang pangunahing puwersa sa likod ng kilusan, sapagkat malinaw na katugma nito ang kanilang mga layuning pulitikal. 3 Sa katunayan, ang mga kilusan tulad ng PULO, BRN, atbp. ay mukhang walang sapat na organisasyunal na lakas para sa mga ganitong pagkilos. Hindi sila kailanman nakagawa ang operasyon sa ganitong kalawak na antas at sa loob ng ganitong kahabang panahon.
Kapansin-pansin na ang communiqué na inilabas ng PULO matapos ang pangyayari ng ika-28 ng Abril ay hindi pa rin umaako ng responsibilidad para dito, na maaaring nangangahulugan na ang PULO mismo ay wala gaanong nalalaman tungkol sa mga “bayani’ na pinupuri nito para sa kanilang pagsasakripisyo at katapangan. Pinipili ng communiqué na hindi banggitin ang mga pangalan ng mga “bayani” bagamat dapat ay alam na alam nila na hindi mahirap para sa pamahalaang Thai na mahanap ang mga pangalan at pamilya ng mga patay na militante.
Ang Ideolohiya ng mga Pangunahing Tauhan\
Totoo na mayroong ebidensyang nakuha sa mga patay na militante o nakalap mula sa interogasyon ng mga nadakip na militante na sumusuporta sa ganitong interpretasyon. Subalit tingnan natin ang mga detalye ng ideolohiyang ito na binabanggit sa itaas.
Kahit na naisin ng mga militante at ng kanilang kilusan (kasama ang mga organisasyong sumusuporta sa kanila, tulad ng PULO) na magtatag ng nagsasariling estado ng Pattani, hanggang sa ika-28 ng Abril ay walang ginawa ang mga organisasyong ito para maging posible sa praktika ang ganitong separasyong pulitikal sa kasalukuyang takbo ng mundo. Walang seryosong pagtatangka na makuha ang pagkilala, pag-unawa, at simpatya ng mga pangunahing kapangyarihan sa mundo para sa isang bagong, naglalayong kabuuang pulitikal. Wala rin maging ang pagsisiwalat sa mundo ng paghihirap ng mga Melayu Muslim sa ilalim ng paghahari ng estadong Thai Buddhista.
Sa kasalukuyang mundo, ang pulitikal na paghihiwalay mula sa isang estadong may importansyang pang-ekonomya at pampulitika tulad ng Thailand ay hindi maisasagawa nang wala ang pagkilala, kahit di-opisyal, ng mga superpower. Sa ganitong pagtingin, ang Estados Unidos, Tsina, ang Unyong Europeo, Hapon, at maging ang mga bansa ng ASEAN, ay mas malaki ang pakinabang sa katatagan, pambansang kabuuan at kapayapaan ng Thailand, kaysa sa paghihiwa-hiwalay nito at ang ibubunga nitong kaguluhan.
Ang mga nagpapatuloy na gawain ng mga militante, tulad ng asasinasyon ng mga opisyal ng estado, mga pagsalakay sa mga maliliit na pwersang panseguridad ng pamahalaan, at ang panununog sa mga paaralan at tanggapan ng pamahalaan, ay tiyak na hindi maunlad na paraan para sa pagtatatag ng nagsasariling estado. Imposible para sa mga militante na matalo ang hukbong Thai. Dagdag pa, habang ipinagpapatuloy nila ang ganitong mga uri ng operasyon ay mas malaki ang mawawala sa kanila sa usapin ng tauhan. At ang mga pabayang operasyon na humahantong sa pagkawala ng suporta ng masa, tulad ng pagsunog ng paaralan, ay lalong nagpapalabo sa posibilidad na matalo nila ang estadong Thai sa pamamagitan ng dahas. Samantala, ang kanilang kakayahang magpasimuno ng kaguluhan ay lalong lumiliit.
Ang publikong Thai ay hindi maaaring makisimpatya sa mga marahas na operasyong ito, at ang pulitikal na paghihiwalay mula sa estadong Thai ay tiyak na mangangailangan ng pagsang-ayon nito. Subalit hindi seryosong pinagsikapan ng kilusang separatista na ipabatid ang pusisyon nito sa publikong Thai (kamakailan lamang nagkaroon ng mga polyetong nakasulat sa Thai; dati ay nakasulat ang lahat ng mga ito sa lokal na wikang Malay at sulat Jawi). Ang mga pagkilos ng mga militante, samakatwid, ay mukhang magreresulta lamang sa paglakas ng oposisyon ng publikong Thai sa mga separatista.
Ang tanong ay kung seryosong pinag-isipan ng mga organisasyong ito ang layunin nilang magtatag ng hiwalay na estado o kung ginagamit lamang nila ang damdaming sesesyonista upang mobilisahin ang mga maliliit na tao sa mga armadong pag-aalsa—samantalang ang tunay nilang layunin ay ang magkaroon ng mas malakas na pusisyon ng pakikipagtawaran para sa mga negosasyon.
Ang mga organisasyong ito ay hindi naglatag ng kanilang mga plano para sa isang maunlad na estado sa kinabukasan. Ang ilang mga pahayag ng PULO ay tumutukoy sa likas na kayamanan ng teritoryong “Melayu Pattani.” Samantalang marahil ay totoo na ang lugar na ito ay may likas na kayamanan, kung ano ang mga ito ay hindi naging malinaw sa kanilang mga pahayag (binabanggit ng PULO ang pagkakaroon ng mga mina ng ginto, subalit sa konteksto ng nakalipas na panahon). Lumilitaw na ang PULO mismo ay walang malinaw na plano kung sino, sa isang nagsasariling estado ng Patanni, ang makikinabang sa mga likas na kayamanang ito at kung paano ito maipapamahagi sa mamamayan; ano ang magiging papel ng 20% porsyento ng populasyon na hindi Melayu Muslim na nagdodomina sa ekonomya ng lungsod; at kung paano pakikitunguhan ang mga kapitalistang taga-labas na namuhunan sa mga palaisdaan at kaugnay na industriya, upang ang mga likas na kayamanang ito ay magamit sa paraang magiging makatarungan sa lahat ng panig.
Dagdag pa, ang kultural na identidad ng bagong estadong Pattani ay higit pang malabo, maliban sa paggamit ng lokal na wika at Islam. Magiging Muslin na estado ba ang bagong estadong ito? Ang tinutukoy na “estadong Muslim” ay may maraming lebel ng katindihan. Gaanong ka-Muslim ba ang magiging bagong-tayong estadong Pattani?
Palaging binabanggit ng mga tao ang dating kadakilaan ng Pattani, subalit ang muling pagbuhay sa kasaysayan ng Pattani ay hindi nagawa sa pamamagitan ng pagsusumikap ng kilusang separatista. Ang huling bahagi ng Hikayat Pattani ay isinulat ni Ibrahim Syukri na, sa abot ng aking kaalaman, ay hindi nakaugnay sa anumang kilusang separatista. Dagdag pa, ang manuskritong Melayu na ipinamahagi sa pormang mimeograp ay nakasulat sa Rumi sa mataas na Melayu, na nangangahulugang karamihan sa karaniwang tao ay hindi ito mababasa. Sa katunayan, ang bersyong Thai na isinalin ng mga institusyong pang-akademiko sa ilalim ng estadong Thai ang siyang mas naipalaganap kaysa sa orihinal na bersyon mismo, at ito ay madalas banggitin sa mga pang-akademikong sulating Thai.
Sa gitna ng kawalan ng ideolohiyang ito, ang moske ng Kreuse ang naging tanging masasalat na simbolong kultural para sa mga taga-baryo. Ang pagtatangkang ibalik ang kris na Pattani o ang paghahanap at pagkokopya sa mga sinaunang teknolohiya, ay mga proyektong isinagawa ng mga akademikong Thai (sa tulong ng mga lokal na taga-baryo) at pinondohan ng Thailand Research Fund, na isang tanggapan ng pamahalaang Thai. Hinarap ito sa pamayanang akademikong Thai bilang lokal na kultura ng estadong Thai. Walang konteksto ng isang estadong Pattani na hiwalay sa kapangyarihang pulitikal ng Thai, maging sa nakaraan o sa hinaharap.
Naniniwala ako na ang mga organisasyong separatista ay nangangarap nga ng nagsasariling estadong Pattani, o di kaya’y isang malaya sa “panunupil” ng estadong Thai. Subalit ang mga organisasyong ito, lalo na ang mga militante, ay mayroon lamang malabong ideya sa pantasyang ito. Subalit ito ay hindi mahalaga, sapagkat ang estadong Pattani na pinapangarap nila ay isa lamang sagisag, o mas ispesipiko, isang estadong utopian… isang bagay—kahit ano—huwag lang ang realidad ng kasalukuyan. Walang nakaisip ng isang maunlad na estado, kung kaya’t ang mayroon tayo ay isang estado ng pantasya. Wala itong kinabukasan sa realidad, sapagkat walang tunay na kakayahan sa kasalukuyan para bigyang kaganapan ang ideyal na ito.
Maging ang isang pahayag ng PULO na nagsabing “sa likas na kayamanan mula sa lupa at dagat ay kaya nating magtayo ng isang bansang kasing-yaman ng Brunei, ang ating kapatid” ay nagpapabatid na ang lahat ng ito ay tungkol sa isang estadong utopian.
Sa usapin ng Islam, mayroong mga matataas na opisyal ng estado at ilang mga ulat ng secret intelligence na nagtatangkang iugnay ang kilusang panlipunan na ito sa internasyunal na pundamentalismong Muslim, sa pagpopondo at maging sa ideolohiya. Sa katunayan, wala pang nakapagbigay ng konkretong ebidensya para patunayan ang pantasyang ito. Ang ilang mga intelligence report ay nagtipon ng mga talambuhay ng mga dayuhang Muslim na dumating para magturo sa ilang mga paaralan at pondok sa Timog, subalit wala ni isang piraso ng kaalaman ang malinaw na nagsasabing banta ang mga ito sa pambansang seguridad. Karamihan sa kanila ay hindi binigyan ng Kagawaran ng Imigrasyon ng ekstensyon sa kanilang pamamalagi. Kaya nagtungo na lamang sila sa Malaysia at palihim na nagbalik bilang mga turista at iligal na nanatili, di-kaiba sa mga migranteng manggagawa na tumakas sa kahirapan ng sarili nilang mga bansa para maghanapbuhay sa Thailand. Ang isang dayuhan na pinaghinalaan ng paninira sa pambansang seguridad ng Thailand at lihim na nagbalik mula sa Malaysia ay hindi na muling nakuha ang kanyang pusisyon sa pagtuturo kung kaya’t bumaling siya sa pagpupuslit ng iligal na karne mula sa Malaysia. Siguradong hindi siya isang dalubhasang ulama na maaaring makakuha ng mga tapat na tagasunod. Hindi siya maalam sa ideolohiya ng pundamentalismong Islam, at hindi rin siya mukhang deboto ng doktrina ng mga radikal na grupong militante tulad ng Al Qaeda. Isa lamang siyang tao na nabubuhay nang palipat-lipat, nagsusumikap na makaraos sa kahirapan ng kasalukuyang mundong walang hangganan.
Kung titingnan natin ang mga “Islamikong” aspeto ng pagkilos ng mga militante, mukhang binubuo lamang ito ng mga karaniwang prinsipyo na alam ng sinumang Muslim. Walang tanda na ang mga militante o alinman sa mga organisasyon ay may malalim na kaalaman sa Islam. Ang pulisya at militar ay mahilig na iugnay ang kilusan at ang mga militante sa mga gurong panrelihiyon (toh khru) o mga dayuhang pantas ng Islam. Subalit kung mayroon ngang tunay na kuneksyon, walang malalim na turong Islam sa kilusang panlipunan na ito. Walang dokumento na maaaring magpaliwanag sa katwirang separatista sa doktrinang panrelihiyon. Sa isang pahayag ng PULO ay diumano’y binanggit ang Qur’ran na nagsasabing: “ipinagbabawal ang mabuhay sa ilalim ng paghahari ng kafir (pagano); sa katunayan ang mga tumatanggap sa kafir bilang pinuno ay hindi magtatagumpay, maging sa mundong ito o sa susunod.” Subalit ayon sa mga eksperto sa Islam na kinonsulta ng may-akda ay walang ganitong berso sa Qur’an, at ang mga bersong may pagkakahawig dito ay maaaring intindihin sa maraming paraan. Dagdag pa, ang panawagan ng pahayag, “Gising, mga kapatid ng Melayu Pattani at lahat ng mga kapatid na Melayu! Gising para labanan ang kawalang-katarungang Siames sa anumang anyo!” ay tiyak na hindi nakatutok sa Muslim na mambabasa.
Iniulat sa ilang mga pahayagan na ang ilan sa mga patay na militante ay nakasuot ng mga pantaas kung saan nakasulat sa likod, sa sulat Arabiko: “Walang ibang diyos kundi ang Diyos.” Ang pahayag na ito sa Arabiko ay pamilyar sa lahat ng Muslim tulad ng pagkapamilyar ng umpisa ng dasal na Buddhista, “Namo tassa,” sa lahat ng Buddhista. Ito ang unang bahagi ng deklarasyon ng pananampalataya sa Arabiko na kailangang bigkasin ng lahat ng mga Muslim, “Walang ibang diyos kundi si Allah at ang Propetang si Muhammad ang kanyang Sugo.” 4
Nagbanggit ang ilang mga media sources ng iba pang mga mensahe na nakasulat sa Arabiko sa damit ng mga napatay na maaaring isalin bilang: “nawa’y mamatay ako para sa Diyos.” Sa katunayan, nangangahulugan ang “Lâ ilâha illâ Allah,” ayon sa mga maninirahan ng baryo Dato, ng “walang isang diyos na karapat-dapat sambahin kundi si Allah” (sa katunayan, ito ang unang bahagi ng deklarasyon ng pananampalataya ng sinumang Muslim, tulad ng nabanggit sa itaas). Ayon sa tradisyon, tuwing ang isang tao ay mayroong malubhang karamdaman, tutulungan siya ng kanyang mga kamag-anak at kaibigan na sabihin ang unang bahagi ng deklarasyon sapagkat pinaniniwalaang binigkas din ito ng Propetang Muhammad bago siya namatay (Srisakra, p.33).
Samakatwid, ang lubos na maaaring ipakahulugan sa mga sulat Arabiko sa mga damit ng mga militante ay handa silang mamatay. O marahil ay ginamit nila ang mahalagang sambitin ng mga Muslim bilang isang uri ng mantra, sapagkat ano pang ibang pangungusap na Arabiko ang mas sagrado pa sa mga taga-baryong Muslim kaysa rito?
Gayundin, ang pangungusap na “Allahu Abkar”, o “Ang Diyos ay dakila” na, ayon sa ilang mga ulat ng media, ay isinigaw ng mga militante habang sila ay sumusugod, ay isang pangungusap ng pagpuri sa Diyos na pamilyar sa lahat ng Muslim sa buong mundo at ilang dantaon nang isinasambit. At maaari rin itong intindihin bilang “sagrado” na salita.
Lahat ng mga elementong ito ay nagpapahiwatig na ang pagkakaintindi ng mga militante sa Islam ay may kapayakan at walang mahalagang pagkakaiba sa karaniwang kaalaman sa Islam ng mga ordinaryong Muslim. Alinsunod din ito sa konklusyong binanggit sa itaas, na ang kilusang panlipunan na ito ay hindi nakaugnay sa tradisyunal na elit. Ang kaalaman ng mga militante sa Islam ay hindi masasabing malalim kung ikukumpara sa kaalaman ng toh khru.
(Sa katunayan, sa kabila ng sinasabi ng pulisya at pamahalaan, walang katibayan na mayroong anumang relasyon sa pagitan ng mga militante at mga paaralang pondok. Halimbawa, tuwing mayroong ulat na may nakatagong armas sa ilang mga paaralang pondok, ang mga puwersang panseguridad na ipinapadala roon para mag-imbestiga ay hindi kahit kailan nakahanap ng ebidensya ng iligal na gawain. Palaging konklusyon ng pamahalaan na ang pagkabigong makahanap ng armas ay dulot ng butas sa intelligence… Kaya, kung makakahanap ng armas makukumpirma ang mga hinala ng pamahalaan; subalit kung hindi makakahanap ay hindi pa rin mapapalagay ang kanilang mga hinala. Kailan paghihinalaan ng pamahalaan ang sarili nitong mga hinala?)
Mayroon din ibang ulat sa media na maaaring humantong sa dagdag pang di-pagkakaintidihan. Ang mga taga-baryong kamag-anak ng mga patay na militante ay hindi nagsagawa ng seremonya ng pagliligo sa patay. Ayon sa ilang mga media sources, ito ay batay sa paniniwalang ang mga namatay sa landas ng Diyos ay hindi dapat paliguan bago ilibing. Subalit ayon sa tradisyong Muslim sa timog Thailand, ang mga taong namatay sa pagkalunod or pagkasunog, o pinatay ng mababangis na hayop, o nahayaang patay nang ilang araw, o namatay habang ipinapagtanggol ang kanilang bansa o relihiyon, ay hindi rin dapat paliguan (Srisakra, p.18) (lahat ng mga ito ay halimbawa ng marahas na pagkamatay). Kaugnay ito sa ideya ng kalinisan na napakahalaga sa Islam. Samakatwid, ang pagpupumilit ng mga kamag-anak na hindi isagawa ng seremonya ng pagliligo sa patay ay normal na gawing Muslim na hindi kinakailangang lagyan ng pulitikal na kahulugan.
Ang reaksyon ng mga militante sa estadong Thai, samakatwid, ay hindi nakaugat sa anumang bagong ideolohiyang pulitikal o panrelihiyon na kasasalin lamang. Subalit, tulad ng nais kong pangatwiranan sa sanaysay na ito, ang pagbabago na umapekto sa mga taga-baryo ay hindi nagmula sa anumang ideolohiya. Ay problema ay mas nakaugnay pa sa epekto ng mga pagbabagong pang-ekonomya at panlipunan sa buhay ng mga taga-baryo.
Sa katunayan, kung ihahambing sa Islam, kung susundin natin ang mga ulat na lumalabas sa media, ipinapalagay ng may-akda na mga paniniwalang supernatural (na bawal sa Islam) ang may mas malaking papel sa tunggaliang ito.
Ayon sa ilang mga media source, noong ika-28 ng Abril 2004, ang mga militante ay may suot na mga abaloryo (kulay puti, ayon sa ilang ulat) at may nakabalot na pulang tela sa kanilang mga noo. Samantalang binigyang-pansin ng media ang mga pulang bandana sapagkat kahawig nito ang mga sinusuot ng grupong Hamas sa Palestina, mas interesado ang may-akda sa mga abaloryo na kanilang suot. Ano ang dahilan para sa mga abaloryong ito, na hindi hinihingi sa Islam, at sa katunaya’y hindi mahalagang elemento sa pagdarasal ng Muslim? Ang sektong Islamiko na karaniwang gumagamit ng abaloryo ay ang Sufi, na di partikular na sinusuportahan ng pangunahing sektong Sunni. Sa kasaysayan ng Islam, ang Sufi ay maraming beses na nagrebelde sa ulama na Sunni at kanilang pamahalaan, at ang mga rebelyong ito ay maraming beses ding sinupil ng mga Sunni. Subalit ang mga abaloryo ay kasangkapan lamang para sa meditasyong Sufi at hindi anting-anting na nagbibigay sa sinumang may-suot nito ng proteksyon. Kaya nagsusuot ang mga “rishi” [asetiko] ng abaloryo sa kanilang leeg ay upang hindi sila maligaw ng landas.
Mukhang hindi malalim ang kaalaman ng mga militante sa Sufismo. Sinabi ng mga kabataang Sabayoi na sila ay mga tagasunod ng “Latthi Supri” [Sufismo]. (Bigyang-pansin ang pagbigkas sa salitang ito; walang tunog na “f” sa wikang Melayu, kung kaya’t ang mga salitang Arabiko na naglalaman ng letrang ito ay maaaring bigkasin sa dalawang paraan, maaaring may tunog na “f” o “p,” na siyang pinakamalapit na tunog sa dilang Melayu. Samantalang ang mga nakapag-aral ay kayang bigkasin ang “f,” ang mga karaniwang taga-baryo ay bibigkasin ito nang may tunog “p.” Halimbawa, ang salitang faham—na nangangahulugan ng “pag-intindi”—ay malamang na bibigkasin ng mga taga-baryo bilang “paham.” Sa gayon, ang pagtukoy ng mga kabataan sa Sufismo bilang “Supri” o “Supi” ay tanda ng antas ng kanilang pamilyaridad sa tunay na Sufismo). Sinabi ng mga kabataan na ayon sa Sufi ay kailangan nilang gawin ang seremonyang “ma-umma” bago magsagawa ng operasyon, na binubuo ng meditasyon, pag-awit ng mga sagradong berso, at pagbilang sa “gacabek” o abaloryo. Ang seremonya ay lihim na ginagawa sa isang kuweba sa loob ng isang buwan. Kapag handa na silang maglunsad ng operasyon, kailangan nilang uminom ng isang tasa ng sagradong tubig (Matichon, 2 Mayo 2004).
Ang pag-awit ng mga sagradong berso bago maglunsad ng mga pag-atake sa mga himpilan ng pulisya ay iniulat sa halos lahat ng media. Iniulat sa isang istasyon ng telebisyon na nakahanap ang mga pulis ng mga sagradong berso sa katawan ng isa sa mga napatay na militante. Subalit nang imbestigahin ng pulisya ang pinanggalingan nito nalaman nila na mula ito sa isang lalaking Muslim na hindi kabilang sa mga militante. Tumestigo ito na siya nga ang may-ari ng berso, subalit sa katunaya’y galing pa ito sa kanyang yumaong ama na dating police warrant officer. Ang sagradong berso ay nagbibigay sa may-ari nito ng kapangyarihan ng pagkadi-nasusugatan, halimbawa, ang abilidad na magtago mula sa kaaway at proteksyon sa armas. Hiningi sa kanya ng isa sa mga napatay na militante ang sagradong berso subalit hindi niya alam kung para saan ito gagamitin.
Ipinahayag din sa isang ulat mula sa moske ng Kreuse na ang bawat militante ay kinakailangang uminom ng asul na likido bago isagawa ang pagsalakay. Naniniwala ang may-akda na ang inumin ay sagradong tubig at hindi droga. 5
Ang paniniwala na pinoprotektahan sila ng mga supernatural na kapangyarihan ay nagbigay sa mga militante ng ibayong tapang noong ika-28 ng Abril 2004 kung kaya’t inamin ng Kumander ng Hukbong Thai sa isang panayam na, “batay sa aming karanasan sa digmaan, hindi kami nakaengkwentro ng ganoong kabangis, katapang, at kahusay na mga mandirigma” (Matichon, 2 Mayo 2004). Tulad ng mga pag-aalsang militante noong nakaraan kung kailan ang mga naglalabanan ay umaasa sa mga kapangyarihang supernatural, nang malaman nilang hindi sila maililigtas ng mga sagradong berso mula sa kanilang kalaban ay tumakbo sila para isalba ang kanilang buhay, tulad ng kaso ng anim na bangkay na natagpuan sa distrito ng Sabayoi. Matapos mamatay ang kanilang mga kasamahan sa pagsalakay, tumakbo sila at nagtago sa isang lokal na restoran, subalit hinabol sila ng mga puwersang panseguridad na pumatay sa kanilang lahat. Sa kaso ng insidente sa moske ng Kreuse, bagamat hindi pa sa atin malinaw kung ano ang tunay na nangyari, ang pagpapalaya sa tatlong bihag (Bangkok Post, 29 Abril 2004), ay maaaring nangangahulugan na mayroong posibilidad ng pakikipagnegosasyon sa mga militante. Marahil ay nagsisimula na silang magduda sa kanilang mga kapangyarihang supernatural.
Mga Rebelyong Milenaryo
Inilahad ng may-akda ang ulat ng mga datos upang mapangatwiranan na hindi maiintindihan ang kilusang panlipunan sa timog Thailand kung aasa lamang tayo sa teorya (o perspektiba) na nakatuon sa “pasimuno,” o naglalayong ipaliwanag lamang ang ilang penomena samantalang hindi pinapansin ang marami pang ibang kaugnay na penomena. Ang mga teoryang inilahad ng mga pinuno ng pamahalaan at ilang mga opisyal sa burukrasya ay nagbabanggaan (at kung minsa’y may internal na kontradiksyon) at hindi kayang ipaliwanag ang lahat ng penomenang ito sa loob ng teorya.
Gustong pangatwiranan ng may-akda na ang anumang teorya na lubos na magpapaliwanag sa kilusang panlipunan na ito ay dapat nakatuon sa malalaking bilang ng “maliit na tao” na nakilahok sa mga pag-aalsa. Sila ang bumubuo sa tunay na esensya ng kilusang panlipunan na nito, at ang kilusang ito ay dapat intindihin bilang rebelyong “milenaryo” sa ikadalawampu’t isang dantaon.
Ang mga “kilusang milenaryo” na tinutukoy sa Thai bilang “pag-aalsa ng mga magbubukid” (kabot chao na) o “rebelyong Phra Sri-arn” ay mga kilusang palaban ng mga maliliit na tao sa lokal na antas, kabilang ang mga magbubukid, mga kumukuha ng goma sa gitna ng masukal na kagubatan, mga mangingisda, mga palipat-lipat na magpapastol, minero, mga katutubo, at iba pa. Ang mga maliliit na taong ito ay regular na nagbabangon para tutulan ang mga pagbabagong hindi nila lubos na maintindihan maliban sa katotohanang ang mga ito ay pagbabago mula sa labas at mayroong kapinsa-pinsalang epekto sa kanilang buhay. Ang pwersang panlabas na ito ay kadalasa’y ang sentral na pamahalaan o ang mga opisyal nito, mga mangangalakal na taga-labas, kapital at kapitalistang taga-labas (sapagkat kadalasa’y mayroon silang paraan para makitungo sa mga lokal na kapitalista, halimbawa, ang pagpaparatang sa kanila bilang mga espiritong naninipsip ng dugo), mga bagong samahang panrelihiyon, atbp.
Sapagkat ang mga pagbabagong ito ay umapekto sa mga malilit na tao sa buong mundo noong ikalabing-siyam na dantaon, ang dantaong ito ay nakasaksi ng mga pag-aalsang milenaryo sa maraming bansa sa daigdig. At sapagkat napakaraming impormasyon tungkol sa mga kilusang panlipunang ito, ang kilusang milenaryo ng ikalabing-siyam na dantaon ang siyang ginamit na modelo para ipaliwanag ang mga kahawig nitong kilusan sa iba pang mga dantaon. Subalit dapat isaalang-alang, sa paghaharap ng paliwanag batay sa padron ng mga pag-aalsang milenaryo ng mga nakaraang dantaon, ang ibang kontekstong global sa kasalukuyan. Halimbawa, ang mas mahusay na komunikasyon ay nagpapadulas sa mga pag-aalsa ng mga magbubukid sa mas malawak na lugar, hindi tulad ng lokal na operasyon ng nakaraan. Ang kakayahang organisasyunal ng mga kilusan ay naging mas episyente rin, at hindi na kailangang banggitin ang mga pag-unlad sa teknolohiya na nakalikha ng mas nakamamatay pang armas.
Tulad ng nabanggit sa itaas, ang mga maliliit na taong ito ay hindi lubos na naiintindihan ang mga pagbabagong umaapekto sa kanilang buhay, kung kaya’t hindi nila alam kung sino ang tunay nilang kalaban. Ang mobilisasyon ng kanilang pwersa ay hindi nakatutok sa ispesipikong target. Kadalasa’y tinututukan nila ang mga sagisag ng kaaway sa halip na ang kaaway mismo, sapagkat ang kaaway ay kadalasa’y taga-labas at hindi abot ng galit ng mga maliliit na taong ito. Isang halimbawa ng kilusang milenaryo sa Thailand ay ang rebelyong Ngiaw sa Phrae noong huling banda ng ikalabing-siyam na dantaon. Nilayon ng mga rebelde na patayin ang mga “taong Thai” lamang sa lokal na rehiyon ng hilagang Thailand, partikular ang mga opisyal na ipinadala doon ng pamahalaang sentral. Sa kaso ng kasalukuyang timog Thailand, ang mga opisyal na inatake ay mga mabababang-ranggong pulis o militar, mga guro, pinunong pandistrito o baryo, at maging mga tanod ng ospital. Karamihan sa mga tanggapan ng pamahalaan na tinarget sa mga atakeng arson ay abandonado na o mga liblib na tsekpoynt ng pulisya. Lahat ng mga target na ito ay napakaliit kung kaya’t ang kanilang pagkawala ay halos hindi namalayan ng estadong Thai na tinitingnan nila bilang kaaway. Sinabi ng isang taga-baryo sa Yaring na kung talagang gusto ng mga militante na magsunog ng paaralan ay maaari silang maglunsad ng atakeng arson sa mga paaralan araw-araw. Subalit ang panununog ng paaralan ay isang simbolikal na muwestra, kung kaya’t pinipili nilang atakihin lamang ang mga paaralang malapit sa kalsada at madaling marating, na mas delikado kaysa sa pagsusunog ng liblib na paaralan na malayo sa mga opisyal ng pamahalaan (Tala mula sa isang pag-uusap sa pagitan ng mga akademiko at mga taga-baryo, sa Srisakra, p.29).
Sa mga usapin ng ideolohiya at organisasyon, ang mga maliliit na tao ay kadalasa’y hindi nag-iisip sa mga kumplikadong terminong ideolohikal. Ang kanilang pag-iisip, sa kalakhan, ay mula sa mga popular na relihiyon at hindi partikular na malapit ang pakikipag-ugnayan sa mga organisasyong panrelihiyon. Ang kanilang mga paniniwalang panrelihiyon, samakatwid, ay hindi yaong sa mga dalubhasang iskolar ng relihiyon. Tulad ng mga “rebelyon ng magbubukid” na pinamunuan ng mga pinunong panrelihiyon, gaya ng kay Chao Phra Fang matapos ang pagbagsak ng Ayothaya noong 1767, ang pinuno ay madalas gumamit ng mga di-ortodoks na gawing panrelihiyon na taliwas sa mga nakasanayan ng organisadong relihiyon; hal., sinasabing si Chao Phra Fang ay nagsusuot ng pulang damit na pangmonghe. Kasabay nito, ang mga pinuno ay umaasa sa mga kapangyarihang supernatural, na sang-ayon sa katangian ng mga rebelyong milenaryo na kadalasa’y nakabatay sa personal na karisma ng pinuno. Halimbawa, sa “rebelyon ng mga Banal” sa panahon ng paghahari ni Haring Chulalongkorn, ang mga pinuno ay mga dating monghe na gumugol ng malaking bahagi ng kanilang buhay sa mga monasteryo at may kakayahan sa mga supernatural na gawain, tulad ng paglubog sa kanilang kamay sa kumukulong mantika, atbp. Ang ganitong mga paniniwala ay alinsunod din sa limitadong armas na maaaring makuha para sa mga rebelyon ng magbubukid. Karamihan sa mga armas na kanilang ginagamit ay mga kasangkapang agrikultural na madali nilang makuha.
Sapagkat ang mga kilusang milenaryo ay reaksyon sa mga di-kanais-nais na pagbabago, halimbawa ang paglipat mula sa pagbubuwis sa pamamagitan ng produkto o serbisyo tungo sa pagbubuwis sa pamamagitan ng salapi, o ang pagkait sa mga magbubukid ng mga likas na kayamanan na dati’y malaya nilang nagagamit—tulad ng pagbabawal sa pagputol ng kahoy sa gubat, ang ideolohiya ng mga kilusang milenaryo ay kadalasa’y nakabatay sa mga pangako ng paparating na utopia o ideyal na estado kung saan pantay-pantay ang lahat, maging sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan, o kung saan walang pribadong pag-aari. Ang ganitong ideyalismo ay madalas hinahango mula sa mga ideyal ng mga maliliit na pamayanang agrikultural na kilala nila at madaling maintindihan ng ordinaryong “magbubukid.”
At sapagkat ang mga kilusang milenaryo ay nagmumula sa mga maliliit na tao na hindi nagtatamasa ng makabuluhang ugnay-pampulitika, ang mga kilusang ito ay madalas na walang ugnay sa tradisyunal na elit. Halimbawa, hindi sila nakaugnay sa mga pinuno ng samahang panrelihiyon, intelihentsya, lokal na pinunong pulitikal, opisyal ng estado, o kapitalista. (Gayunpaman, maaari silang tumanggap ng patagong suporta mula sa ilang partido na nagsasamantala sa mga “rebelyon ng magbubukid” para makakuha ng kapangyarihan at impluwensya; hal., pinaniwalaan na ang rebelyong Ngiaw sa Phrae ay lihim na sinuportahan ng mga lokal na pinuno). Ang di-pagkakaroon ng tradisyunal na elit ay nangangahulugan na ang puwang para sa pagtutol na bukás sa mga kilusang milenaryo ay limitado, hindi lamang sa usaping heograpikal kundi na rin sa usapin ng pulitika, mass media, akademya, relihiyon, edukasyon, at ng ekonomya. Sa karamihan ng kaso, ang mga puwang na ito para sa pakikibaka ay saradong-sarado sa kanila. Dahil dito, iisa lamang ang natitirang puwang: ang pagtutol sa awtoridad. Kung ito ay magreresulta sa panunupil ng pamahalaan, malamang na armadong pakikibaka ang magiging sagot dito.
Naniniwala ang may-akda na kaya lamang nating ipaliwanag ang kasalukuyang malawakang kilusang panlipunan sa timog Thailand sa pamamagitan ng pagtingin dito bilang pag-aalsang milenaryo. Ang pagkakaiba lamang nito sa mga halimbawa mula sa ikalabing-siyam na dantaon ay sa mga pagbabago sa kontekstong global na binanggit sa itaas. Halimbawa, may ilang ulat sa balita na nagsasabing ang hudyat para simulan ang mga operasyon noong ika-28 ng Abril 2004 ay isang lokal na programang pangradyo na popular sa buong dulo ng timog Thailand. And ganitong internal na organisasyon ay masasabing mas episyente kaysa sa mga rebelyong milenaryo ng ikalabing-siyam na dantaon, subalit dahil lamang sa modernong teknolohiyang pangkomunikasyon.
Ang relasyon sa pagitan ng mga militante at ng tradisyunal na elit, maging so khru, imam, lokal na pulitiko, o maging mga dating anti-pamahalaang organisasyon, ay may kababawan, o di kaya’y kailangan pang patunayan ang pagkakaroon ng mas malalim na relasyon. 6 Samakatwid, ang pag-ugnay ng kilusang ito sa mahabang tala ng mga “rebelyong” Pattani na naganap sa huling dantaon ay walang ipinapaliwanag. Sa katunayan, ang kilusang ito ay kumakatawan sa isang makabuluhang pagkalas mula sa dating mga kilusang pulitikal sapagkat lahat ng mga kilusang ito ay pinangunahan ng tradisyunal na elit, maging mula sa angkan ng mga pamilyang dugong-bughaw, toh imam, o lokal na pulitiko (na ang lahat ay bahagi ng elit sa lipunang Thai o, sa ibang salita, ay nakalalamang na grupo sa lipunang Thai… kinakailangan lamang na tingnan ang pinagmulan nina Wan Muhammad Noor Matha, Den Tohmeena, Aripen Uttarasin, atbp. Ang mga ito ay malaki na ang ipinundar sa lipunang Thai at sa sistemang Thai, at kasabay nito ay umani ng ibayong “tubo” mula rito, tulad ng mga gumugol ng mahabang panahon sa pag-aaral ng relihiyon at naging toh khru o toh imam, na sa maraming lugar ay pribilehiyo lamang ng ilang nangungunang pamilya, o katulad ng mga nakapunta sa Mecca para sa Haj at bumalik bilang Hajji). Sa gayon, may kahirapan para sa elit na ito—maging ang tradisyunal na elit at ang bagong elit na iniluwal ng mga modernong pagbabago—na makilahok sa isang kilusang panlipunan na walang malinaw na layunin o praktikal na paraan para matamo ito. Dagdag pa, ang masasabi tungkol sa mga layunin ng kilusan ay tiyak na hindi ayon sa kanilang interes, at posibleng salungat pa sa kanilang mga interes.
Subalit hindi ito nangangahulugan na ang mga taga-baryo ay walang kaalamang historikal na mag-uugnay sa kanilang kilusan sa nakaraan. Nananatili sa alaala ng mga taga-baryo ang sarili nilang bersyon ng kasaysayan ng Pattani. Naaalala ng mga naninirahan ng baryo ng Datoh na ang libingan na napapaligiran ng bakod sa sementeryo ng Yaring ay yaong sa isang hari ng Pattani at ng kanyang pamilya. Alam nila na ang pinunong ito ay isang dating hari ng Trengganu na namuno sa Pattani subalit lumikas matapos salakayin at talunin ng mga pwersang Thai. Samakatwid, walang nagdadala sa kanilang mga patay sa sementeryong ito para ilibing, at wala ring dumadalaw sa libingang ito (Srisakra, pp.19-20). Subalit tulad ng nabanggit sa itaas, ang kilusang ito ay pag-aalsang milenaryo, hindi pagpapatuloy ng pakikibaka laban sa estadong Thai ng tradisyunal na elit.
Kung mayroong kaugnayan sa mga nakaraang kilusang, marahil na ito ay sa insidente sa Duson Nyoir ng 1948.
Hindi alam ng may-akda kung ang pagpili sa ika-28 ng Abril bilang petsa ng operasyon ng mga militante ay sinasadyang tumama sa pag-aalsang Duson Nyoir o hindi. Kung oo, tiyak na ipinapakita nito na isa nga itong “rebelyong milenaryo,” sapagkat ang insidente ng Duson Nyoir ay siguradong isang tunay at awtentikong “rebelyong milenaryo”. Nagsimula ito sa pakikilahok ng mga taga-baryo sa isang seremonyang supernatural para mabigyan sila ng pagkadi-nasasaktan sa kanilang pakikidigma sa mga bandidong Malayo Intsik na nagnakaw ng mga probisyon at imbakan ng pagkain ng pamayanan. Nang pinaghinalaan ng mga opisyal ng pamahalaan ang kanilang mga pagkilos, nagalit ang mga taga-baryo at sa kalauna’y sumabog 7 ang labanan at patayan na naglalayong palayasin ang awtoridad ng estado mula sa pamayanan. Mukhang walang malinaw na layuning pulitikal.
Kaya kung nais ng mga militante na iugnay ang kanilang kilusan sa pag-aalsa ng Duson Nyoir ito ay lubhang interesante sapagkat ang tanging kilusan na kinikilala ng mga militante bilang may kaugnayan sa kanilang kilusan ay isang kilalang pag-aalsang milenaryo.
Bagamat ang mga pag-aalsang milenaryo ay mga pagkilos ng mga maliliit na tao mula sa pinakamababang uri, hindi ito nangangahulugan na ang ibang mga tao ay hindi makikilahok upang manipulahin ang kilusan para sa kanilang pansariling interes (tulad ng nabanggit sa itaas). Ang mga dating anti-pamahalaang organisasyon tulad ng PULO o BRN ay tiyak na nais iugnay ang kanilang sarili sa kilusan (subalit tulad ng nabanggit sa itaas, palagay ng may-akda na ang mga ugnayang ito ay hindi gaanong mahigpit). Ang kumpetisyon sa pagitan ng dalawang pulitiko ay maaari ring magtulak sa ibang mga tao na makilahok dulot ng pulitikal na interes. Sa kabila nito, itinataguyod ng may-akda na ang puso ng kilusan ay nasa mababang-ranggong maliliit na tao, samantalang ang ibang mga partido ay nasa gilid lamang.
Mga Salik sa “Pag-aalsa ng Magbubukid”
Sa katunayan, noong mga nakaraang ilang dekada, ang tatlo o apat na lalawigan sa dulong bahagi ng timog Thailand ay nakaranas ng mahahalagang pagbabago. Maaari nating sumahin ang mga pagbabagong ito bilang resulta ng ekspansyon ng pambansang kapital (na nakatali sa transnasyunal na kapital) na humantong sa pag-aagaw sa likas na kayamanan mula sa mga taga-baryo, na ang ilan ay hindi nakuhang umangkop sa mga pagbabagong ito. Nais ng may-akda na banggitin ang karanasan ni Ajan Srisakra Vallibotama sa look ng Pattani na malinaw na naglalarawan sa mga pagbabagong ito:
“Itong nakaraang sampung taon ay nasaksihan ko… ang mga pagbabagong pang-ekonomya at panlipunan mula Ban Bangpu hanggang sa Panareh at Yaring. Kabilang sa mga internal na pagbabago ay ang pagtanggal sa isang dating plantasyon ng niyog sa paligid ng look para gawing hipunan. Sa mga pagbabago naman na naimpluwensyahan ng mga panlabas na salik, nag-organisa ang mga taga-baryo ng demonstrasyon laban sa mga plota ng dambuhalang trawler para sa pangingisda. Ayon sa mga taga-baryo, ang mga trawler na ito ay sinasamahan ng isang barko para sa pananaliksik sa pag-iisda na pag-aari ng Kagawaran ng Pag-iisda. Ang mga trawler na may malalawak na lambat na pag-aari ng mga kapitalista sa industriya ng pagluluwas ng isda ay umuubos sa mga lamang-dagat. Ang mga trawler na ito ay may kakayahang humuli ng tone-toneladang lamang-dagat bawat araw, at nagdulot ng pinsala sa iba’t ibang uri ng buhay-dagat. Sa panahong iyon, ang mga lokal na mangingisda ay gumagamit sa lokal na koleh, mga bangkang pangisda na pangkatihan na kayang humuli ng di-lalabis sa 12 kilo bawat araw. 8
Sa ngayon, ang plotang ito ng mga dambuhalang trawler para sa pangingisda na pag-aari ng mga taga-labas na kapitalista ay naminsala sa mga ipong isda at rekursong pandagat ng look ng Pattani. Ang sagot ng mga taga-baryo sa ganitong pagkasira ng ekosistem ay napakalimitado, at sa ilang mga kaso ay maaari pa ngang humantong sa pagpapabilis sa proseso ng pagkasira. Nilarawan ni Srisakra ang mga pagbabagong naganap sa look ng Pattani:
“Tatlo o apat na taon na ang nakaraan, nang bumalik ako sa Panareh, ang mga taga-baryo ay napilitan nang palakihin ang kanilang mga huli ng isda; mula 12 kilo dati, umabot na ito sa 20-30 kilo kada araw. Ang dating-malinis na baybaying-dagat ay naging marumi, puno ng kalat, nabubulok na isda, alimango at kabibe (nangangahulugang mas kaunti na ang panahon ng tao para sa mga pang-araw-araw na pagmamalasakit). Pinalitan ang mga plantasyon ng niyog ng mga hipunan. Ito ang ilan sa mga pagbabago na naganap sa mga pamayanang ito bilang sagot sa mga panlabas na pagbabago.” 9
Ang mga kapitalistang taga-labas ay parami nang parami ang pagdating sa lugar ng Pattani sa paghahanap ng pakinabang. Nasaksihan ng may-akda ang anak na babae ng isang pamilyang Muslim sa baryo ng Rusamilae na kailangang umalis ng bahay alas-dos pa lamang ng umaga. Sinusundo siya ng sasakyan para pumili ng isda sa piyer kung saan araw-araw na dinadaong ang mga isda para isubasta. Kailangan niyang makatrabaho ang mga lalaking trabahador na nagbubuhat ng mga basket ng isda mula sa mga bangka, bagay na mukhang sobrang taliwas sa lokal na kaugalian na tumitingin sa kababaihan bilang dangal ng pamilya. Ang mga mangingisda ay kinakailangang mangutang para malagyan ng motor ang lokal na bangkang koleh; sapagkat wala nang isdang natitira malapit sa katihan ay napipilitan silang pumalaot. At sapagkat lalo silang nalulubog sa pagkautang ay kinakailangan nilang makahuli ng mas maraming isda, na nangangahulugang nangangailangan sila ng mas malaki at mas malakas na motor, kung kaya’t walang katapusan ang kanilang pagkakautang. Samantala, ang mga kababaihan ay nagtatrabaho na rin sa mga bangkang pangisda sa malayong dagat, sa kabila ng tradisyunal na kaugaliang nagbabawal sa kababaihan na sumampa sa mga bangkang pangisdang koleh.
Ang mga relasyong panlipunan sa loob ng pamayanan ay nagbago na rin, mula sa mutual dependence tungo sa mga relasyong kontraktwal sa pagitan ng mga kapitalista at mga manggangawang swelduhan. Sinabi ni Srisakra na ang relasyon ay naging isang kinatatangian ng paghahangad sa tubo at pagsasamantala. Ang mga taga-labas na kapitalistang ito na dumating para mamuhunan ay iba sa mga lokal na kapitalista na kilala ng mga taga-baryo sapagkat ang relasyon sa pagitan nila ay simpleng sa paghahanapbuhay lamang, at ang mga kapitalista ay malayo, or marahil ay hindi pa nga nakasasampa sa lokalidad. Ang mga taga-baryo sa Chana (Songkhla) ay hinding-hindi maaaring makipagnegosasyon sa mga may-ari ng pabrika na nagtapon ng maruming tubig sa kanilang mga palayan. Gayundin, ang mga taga-baryo na nagmamay-ari ng lupang taniman malapit sa mga hipunan ay napilitang iwan ang pagtatanim dahil dito. Siyempre, ang pagpapanawagan sa mga ahensya ng pamahalaan ay walang-silbi; ang tsismis at siraan, na dati’y epektibong mekanismo para sa social control, ay walang-silbi sa kasalukuyang kalagayan.
Ang may-akda ay walang mga istatistiko hinggil sa pamumuhunan ng mga taga-labas na kapitalista sa mga plantasyon ng goma o iba pang mga industriya sa tatlong lalawigan sa timog, subalit nabalitaan ko mula sa mga lokal na naninirahan na ito ay may ibayong kalakihan. Saanman magtungo ang mga taga-baryo ay nakakaengkwentro sila ng mga tao na hindi nila kayang makasama sa isang relasyong pangkapangyarihan na nakabatay sa pagkakapantay-pantay, maging sa mga lokal na naninirahan na naging mga bagong kapitalista na rin, o sa mga taga-labas na kapitalista. Kasabay nito, ang mga taga-baryo ay nabawasan ng akses sa likas na kayamanan. Unti-unti silang napipilitang ipagbili ang kanilang mga ari-arian at mamasukan bilang mga manggagawang swelduhan, na nagpapahirap para sa kanila na ipagpatuloy ang tradisyunal na kulturang nakaugat sa ibang istrukturang panlipunan at pang-ekonomya.
Samakatwid, ang mga naranasan ng mga maliliit na taong ito sa mga lalawigan sa dulong timog itong mga nakaraang dekada ay ang kanilang paghihirap sa lahat ng usapin. Hindi sila tagumpay na nakasagot sa mga patuloy na umaabanteng pagbabago na gumigitgit sa kanila. Isang huling kasagutan na naiisip ng mga taga-baryo ay ang pagpasok sa sistemang edukasyonal, subalit ang landas na ito ay hindi bukas sa marami. Sinabi ng isang taga-baryo sa distrito ng Yaring na sa ngayon ay napakaraming Muslim na nais mag-aral kung kaya’t kulang ang pwesto para sa kanila. Naniniwala sila na ang Prince of Songkhla University sa Pattani ay hindi nagbibigay ng kota para sa mga lokal na mag-aaral tulad ng ibang mga unibersidad (sa katunayan, ang Prince of Songkhla University sa Pattani ay nagbibigay nga ng kota, subalit tulad ng ibang mga unibersidad na rehiyonal ay pinagtutuunan lamang nito ng pansin ang porsyento ng kota, at hindi ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga estudyante mula sa mga lalawigan at yaong mga galing sa syudad at lungsod). Tinatanong ng ilang mga taga-baryo kung ano ang laban ng mga estudyanteng Muslim na hindi bihasa sa Thai sa ibang mga estudyateng Thai kung ang unibersidad ay gumagamit ng iisang takdang batayan para sa pagpapatulóy ng mga mag-aaral.
Kaya kahit na subukan nilang umangkop sa sistemang kapitalista ay simpleng walang pagkakataon para magawa ito. Ang kinabukasan nila ay puno ng kadiliman sapagkat simpleng hindi nila alam kung paano mabuhay sa gitna ng mga pagbabagong hindi nila matugunan.
Sa katunayan, ang kapalarang ito ay hindi nakalimita sa mga Melayu Muslim kundi ay kapalaran din ito ng iba pang maliliit na mamamayang Thai. Subalit sa mga kadahilanang hindi na papasukin ng may-akda rito (hal., mga problemang nakaugnay sa identidad, o ang katunayang nagkakaisa sila sa pagkaramdam ng alyenasyon sa usapin ng kanilang identidad, mayroon pang ibang mga salik na naglilimita sa kanilang mga alternatibo), pinipili ng mga maliliit na tao sa ibang mga rehiyon na makibaka sa loob ng naghaharing sistemang pulitikal, hal., sa Forum of the Poor, Forum of Indigenous People, atbp., samantalang ang mga Melayu Muslim ay piniling ipagpatuloy ang kanilang pakikibaka sa labas ng sistema.
“Pag-aalsa ng Magbubukid” at ang Modernong Estado
Sa mga tradisyunal na estado, ang mga pag-aalsang milenaryo ay maaaring aktwal na makawasak ng estado, o sa maraming kaso ay yanigin ang pundasyon nito. Halimbawa, ang rebelyong Tayson sa Biyetnam ay nakayanang pabagsakin ang dinastiyang Le at magtatag ng alternatibong rehimeng pulitikal (sa abot nang maaari itong tawaging rehimeng rebolusyonaryo) sa Biyetnam sa panahong bago ito dinurog ng pamilyang Nguyen at ng dinastiyang Gia long. Sa Tsina, ang rebelyong Taiping ay yumanig sa pundasyon ng dinastiyang Ch’ing hanggang sa kaibuturan at nakontrol nito ang mahigit kalahati ng Tsina bago ito natalo. Si Chu Yuan-chang, ang tagapagtatag ng dinastiyang Ming, sa katunayan, ay pinuno ng isang kilusang milenaryo, subalit nakuha niya ang suporta ng mga intelektwal na Tsino at nagtagumpay siya sa pagtatatag ng bagong dinastiya para mamuno sa Tsina ayon sa lumang sistema.
Subalit para sa mga modernong estado, ang mga kilusang milenaryo ay mga maliliit na pampagulo lamang. Ang mga puwersa ng mga militante ay limitado sa isang maliit na lugar samantalang ang estado ay naging mas makapangyarihan, maging sa usapin ng organisasyon at sa teknolohiyang militar. Ang lipunan sa isang modernong estado ay higit na mas masalimuot. Ang mga interes ng mga magbubukid ay maaaring makabangga ang sa ibang mga interest group na, bagamat maaaring hindi sila nasa mayorya, ay mas malaki ang bilang at mas malaki ang impluwensyang pulitikal at panlipunan kaysa sa magbubukid (hal., ang panggitnang uri o ang upwardly mobile na mababang uri). Ang mga kilusang milenaryo sa gayon ay mas limitado sa usapin ng puwang panlipunan. Dagdag pa, ang pulitika sa modernong estado ay nagbukas rin ng mga oportunidad para sa mga may salapi, edukasyon, o kakayahan sa organisasyon (malinaw na hindi kabilang dito ang mga “magbubukid”) para pumasok at makipagkasundo sa naghaharing kaayusan.
Maging ang absolutistang estadong Siames na nagdaan sa transpormasyon tungo sa pagiging modernong estado noong huling banda ng ikalabing-siyam na dantaon ay madaling naharap ang maraming rebelyong milenaryo na naganap sa buong bansa sa pamamagitan ng paggamit sa bagong-tatag nitong hukbo para lubos na durugin ang mga rebelde. Dagdag pa, naipagpatuloy nito ang mga patakarang nagdulot ng diskuntento sa mga “magbubukid” bagamat napilitan itong ipagpaliban ang pagpapatupad sa mga ito sa ibang mga lugar.
Ang kawalan ng sopistikadong ideolohiya na kayang isalin sa sarili nito ang mga kaugaliang panlipunan ng ibang mga grupo ay humantong sa isolasyon ng mga kilusang milenaryo. Sa Thailand, ang pag-aalsa ng mga magbubukid sa hilagang-silangan noong huling bahagi ng ikalabing-siyam na dantaon ay nilarawan bilang simpleng kilusang nakabatay sa personal na interes ng mga pinuno, ang phi bun [“Mga Banal”], samantalang ang paghihirap ng mga magbubukid ay hindi pinansin at, sa kalauna’y kinalimutan ng lipunan.
Samakatwid, wala ni isang pag-aalsang milenaryo sa modernong estado ang nagtagumpay na yanigin ang estado o ang pamahalaan nito.
Sa kaso ng timog Thailand sa kasalukuyan, sa huling pagsusuri ay siguradong walang paraan na ang mga pagkilos ng mga militante ay maaaring makaapekto sa teritoryal na kabuuan (sa kabila ng di-mainam na pagharap ng pamahalaan sa sitwasyon at ang paggamit nito sa mga madugong pagpatay). Subalit ang posibilidad ng isang permanente, payapang solusyon sa kaguluhan sa timog ay hindi lamang nakasalalay sa mga pagkilos ng mga militante. Samantalang ang pag-alsa mismo ay hindi mahirap durugin, ang mga “magbubukid” na ito na sobrang naapektuhan ng pagkait sa kanila ng mga rekurso ay maaaring makisapi sa iba pang mga porma ng organisasyong anti-pamahalaan na hindi kilusang milenaryo, tulad ng pagsama ng maraming “magbubukid” sa Thailand sa Partido Komunista ng Thailand. O ang paghihirap ng mga “magbubukid” ay maaaring humantong sa iba pang mga porma ng kaguluhan maliban sa terorismo o pag-atake sa mga opisyal ng pamahalaan.
Kailangan ring banggitin na ang isang modernong estado, lalo na sa mga papaunlad na bansa tulad ng Thailand, ay malimit na napipilitang gumamit ng dahas at paminsa’y malupit at makahayop na hakbang sa pagharap sa mga pag-aalsang milenaryo. Mahirap para sa mga umuunlad na mga estado na unawain ang pag-iisip ng mga mapag-alsang “magbubukid”. Madalas ay naiiba ang mga ito sa usapin ng etnisidad, pananampalataya, kultura o wika (hal., ang mga Moro sa Pilipinas, ang mga Indian sa Mehiko, ang mga katutubo sa Sarawak, ang Melayu Muslim sa timog Thailand, ang Cham sa Biyetnam, ang Rohingya sa rehiyong Arakan sa Myanmar, atbp.). Subalit ang mas makabuluhan ay ang pagkakaiba sa ideolohiya. Ang mga pag-aalsang milenaryo ay karaniwang lumalaban para ipagtanggol ang kanilang tradisyunal na padron ng paggamit sa rekurso. Tinututulan nila ang mga batas na nagbubukas sa mga likas na kayamanan para sa gamit ng mga tao sa labas ng kanilang pamayanan, mga batas na nagbabawal sa mga taga-baryo ng akses sa mga rekursong ito, o mga patakaran na nagpapalaos sa tradisyunal na gamit ng mga likas na kayamanan o nagtatakda sa mga ito bilang iligal. Samantalang ang mga “magbubukid” ay nangangailangan ng pagkakaiba-iba sa kanilang paggamit sa likas na kayamanan, ang mga umuunlad na bansa ay nangangailangan ng pagkakaisa sa paggamit (upang, halimbawa ay, maitakda ang mga prioridad sa pagitan ng pangingisda o pagpapatayo ng dam o paglalatag ng mga tubo ng gas). Mas gusto ng mga “magbubukid” na ang mga rekurso ay maipamahagi sa iba’t ibang tao ayon sa kanilang partikular na kakayahan, samantalang ang mga umuunlad na estado ay nangangailangan ng sentralisasyon ng mga rekurso para “masulit” ang kanilang silbi para lumikha ng kita para sa bansa. Ang mga panawagan ng mga “magbubukid,” samakatwid ay direktang taliwas sa ganitong modelo ng “pag-unlad.” Walang paraan na ang umuunlad na estado ay makikipagkumpromiso sa kanila sapagkat lubos na masisira lamang ang lehitimasya nito bilang umuunlad na estado.
Ang mga pagkakaibang ito ay nangangahulugan na ang mga modernong estado—lalo na ang mga umuunlad na estado—ay hindi magiging partikular na makatao ang pagtingin sa mga kilusang milenaryo. Hindi puwedeng ipaliwanag na sila ang mga atrasadong mamamayan na nahahatak sa modernong mundo (pag-unlad) na batayan ng lehitimasya ng estado, sapagkat “sila” ay rebelde; hindi sila mabibili, hindi sila masisilo, at ayaw nilang tumanggap ng kumpensasyon para sa mga nawala sa kanila. Kaya kailangang ubusin sila, at ang pinakamadaling paraan (subalit marahil na hindi ang pinakaepektibo) para ubusin sila ay ang pagpapatayin sila. Mahigit na sampung libong rebeldeng Zapatista (na ang karamihan ay may dala lamang na mga karit, kutsilyo, at palakol, tulad ng mga militante noong ika-28 ng Abril) ang pinatay ng pamahalaang Mehikano. Sa palagay ng may-akda, ang mga komunista ay may higit pang paggalang bilang “kaaway” ng estado kaysa sa mga “rebeldeng magbubukid”.
Ano ang “Payapang” Solusyon?
Nagkakasundo ang lahat na kailangan natin lutasin ang problema sa pamamagitan ng “payapang pamamaraan”. Subalit ang ibig sabihin nito ay higit pa sa simpleng di pagpatay sa mga tao sa pamamagitan ng armas; kabilang dapat dito ang hindi paggamit ng anumang porma ng karahasan. Sa tingin ng may-akda, ang kawalan ng “kapayapaan” sa Timog ay resulta ng mga patakaran sa pag-unlad ng estado na nagpahintulot sa pagpasok ng kapital para mailayo sa mga maliliit na tao ang likas na kayamanan, samantalang ang estado ay walang kakayahan o intensyon na panghawakan ang sitwasyon at lumikha ng makatarungang solusyon. Kasabay nito, hindi ito (sa praktika) nagbibigay ng mga pagkakataon para matulungan ang mga maliliit na tao para unti-unti silang makaangkop at mapaunlad ang mga kakayahang magbibigay sa kanila ng abilidad na makipagsabayan sa pamilihang kapitalista nang hindi naaagrabyado sa ibang mga grupo.
Lahat ng mga salik na ito ay bahagi ng karahasan at malayung-malayo sa tunay na kahulugan ng “kapayapaan”
Lubos na sumasang-ayon ang may-akda sa ilang mga mungkahi (tulay ng kay Pangalawang Punong Ministro Chaturon Chaisaeng) na pawiin ang kalagayan ng paghihinala sa isa’t isa sa pamamagitan ng pagtitiyak na ang katarungan ay igagawad sa mahigpit na pagpapatupad ng batas, at tanggalin ang mga ahensya ng estado na may kagagawan sa paglikha ng mga kundisyon ng pagkamuhi sa isa’t isa. Subalit hindi ito sapat, sapagkat ang karahasan ay hindi mawawala hangga’t hindi nagkakaroon ng pagpapabuti sa mga patakaran ng pag-unlad para maging tunay itong makatarungan.
Umaasa ang may-akda na ang sanaysay na ito ay tutulong sa publiko na makita nang mas malinaw ang pagkasalimuot ng kalagayan sa timog, at makilahok sa pagtulak para sa mga pagbabago sa mga di-makatarungang patakaran sa pag-unlad. Subalit ang pag-asang ito ng may-akda ay may kadiliman sapagkat alam ng lahat na ito ay isang malaking usapin na umaapekto sa interes ng malaking bilang ng mga kapitalista na ang lahat ay kasalukuyang nagtatamasa ng kapangyarihang pulitikal. Tuwing bumabaling sa media o sa panggitnang uri, na nasa pinakamainam na kundisyon para makipagpilitan sa pamahalaan, mistula silang bulag na sumusunod sa pangunguna ng umuunlad na estado. Kaya ang pagkamatay ng mga tao ay naging simpleng kalakal na pinagpapalitan ng mga opisyal panseguridad at “rebeldeng magbubukid” na parang mga numerong itinatala tuwing nakakaiskor sa larong football.
Ni Nidhi Aeusrivongse
Notes:
- Ang “pisante” (chao na) na binabanggit ko dito ay hindi lamang yaong mga maliliit at nagsasariling agrikulturista kungdi pati na yong mga maliliit na taong nasa iba’t ibang trabaho, kagaya ng sa pagmimina, sa pagkuha ng timyas ng gomang-kahoy, pagsasagawa ng uling, atbp. Gayunpaman, kadalasan ng mga “social movements” na ito ay binabansagan ng mga akademikong Thai na “pagaaklas ng mga pisante,” para uugnay ito sa kontekstong Thai [Translator’s note: ang salin terminong kabot chao na, ay maaaring “pagaaklas na millenarian” or “pagaaklas ng mga pisante.”]Gusto ko ring babalaan ang mambabasa na ang impormasyon na aking nabasa tungkol sa sitwasyon sa Timog Thailand kadalasan ay kaduda-duda. Hangad ng pamahalaan na linlangin ang publiko o dili kaya’y itago sa kanila ang tunay na nangyayari; paminsan ay hindi alam ng pamahalaan ang tunay na kondisyon, at ito rin ang problema ng partidong oposisyon. Nagkulang din ang mass media sa pagsagawa ng masinop na pagsisiyasat. Maliban sa kaduda-dudang impormasyon, kakaunti rin ang talagang alam natin dahil lahat ng atensyon ay nakatuon sa mga detalye ng pangyayaring nabanggit. ↩
- Ang PULO ay akroym ng Pattani United Liberation Organization; ang BRN, sa Barisan Rakyat Nasional (People’s National Front); at, Bersatu, ng the United Front for the Independence of Pattani. ↩
- Nakapanayam ng isang pahayagang Swedish si Samsuddin Khan, isang nakakatandang miyembro ng PULO na sa ngayon ay nakatira bilang exile sa doon, Ayon kay Khan inaako ng PULO ang atake noong Abril 28, ngunit ayong ng Kumandante ng Thai 4th Region Army Commander, hindi kapanipaniwala ito (Bangkok Post, 13 May 2004). ↩
- Salin sa mga kuwento ng mga mamamayan ng isang baryo, na binanggit sa “Khrongkan sueksa kanplianplang thang sangkhom lae watthanatham koranisueksa bandato lae ban phumi amphor yaring changwat pattani” [Isang proyektong pampanaliksik ukol sa sosyal at kultural na pagbabago, Isang Malalimang Pagaaral ng Bandato and Banphumi, Amphor Jering, Pattani], isang barrio-mananaliksik trening na pinangungunahan ni Srisakara Vallibhotama, p.32. ↩
- Apat na tao na sumali sa operasyon noon Abril 28 ay sumuko sa gobernador ng Yala at ipinagtapat, habang na-interoga ng mga opisyal ng 4th Army, na bago sinimulan nila ang operasyon, at pagkatapos ng panggabing dasal, binigyan sila ng sagradong tubig at sinabihan silang kapag ininum nila ito ay hindi sila maaring makita ng mga polis (Bangkok Post, 13 May 2004). ↩
- Ayon sa isang military report, ang operasyon noong Abril 28 ay pinangunahan ng isang bagong organisasyong separatista na nagngangalang Pemuda Bersatu (Pagkaisa ng mg Kabataan). Ngunit hindi malinaw kung itong bagong organisasyon ay bahagi ng isang lihim na network ng mga iilang pang organisasyon, o kung ito ay nagsasarili. Ang kumander ng 4th Army ay naghinala na ito ay walang ugnay sa mga mas nakakatandang organisasyon (Bangkok Post, 13 May 2004). ↩
- Tingnan ang report ni Thanawat Chae-un, Matichon, 5 May 2004, na, kahit may pagkakaiba sa iilang detalye sa pagsasalik na ginawa ng iilang akademiko, ay magkapareho naman sa mga pinakaimportanteng punto. ↩
-
Talumpati ni Srisakra, “Kha ma, Kha hen, Kha khaochai: Pattani kab khwam lalang thang watthanatham thi yang thamrong khwam pen manut” [I came, I saw, I understood: Pattani and cultural backwardness that retains a sense of humanity], p.5. ↩
- Khrongkan sueksa kanplianplang thang sangkhom lae watthanatham,” pp.5-6. ↩