Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Phu My Hung at Thao Dien: Itinayo para sa mga Banyaga sa Lungsod ng Ho Chi Minh

Nagkakaroon ng oryentasyong pampamilihan ang mga Vietnamese sa larangan ng real estate at pamantayan sa pamumuhay. Tanyag sa mga banyaga sa lungsod ng Ho Chi Minh ang mga pook ng  Phu My Hung at Thao Dien na itinayo sa isang bakanteng sakahan. Ipinakikita ng pagpapaunlad sa mga ito kung paanong binago ng mga banyaga ang paraan ng pamumuhay ng mga Vietnamese sa lungsod. Pangunahing sanhi nito ang mga panlipunang imprastraktura tulad ng mga paaralang multinasyunal at mga kainang Kanluranin. Pinahusay ng paglitaw ng mga banyaga ang tanawing lokal at kalagayan sa pamumuhay.

Panimula

Mula nang magbukas ang Vietnam sa internasyunal na pamumuhunan noong 1993, naging isang mahalagang sentro ng negosyo at gawaing panlipunan ng mga banyaga ang lungsod ng Ho Chi Minh (HCMC), pangkorporasyon man o pribado. Bunsod man ng  bukas na ekonomiya o pagdating ng mga banyaga, o maaaring pareho, naganap ang kapansin-pansing mga pagbabago sa lungsod, lalo na sa imprastratura, real estate, at lokal na ekonomiya. Nagbunsod ang pagdami ng mga naninirahan at negosyong banyaga ng bugso sa pag-unlad ng real estate sa mga karatig ng lungsod. Dumami ang mga mamahaling paupahang tirahan, gusaling komesryal, at mga lugar ng tindahan, lalo na sa mga pook na tinitirhan ng mga banyaga tulad ng Distrito 7 at Distrito 2 (Harms, 2016). Binago ang mga rehiyong ito upang tugunan ang mga kahingian ng populasyong multinasyunal, nag-aalok ng mga pasilidad na naaayon sa mga gawing hindi malaganap na makikita sa Vietnam bago ang Doi Moi, at maaaring hindi rin sa pagsisimula ng Doi Moi noong 1987.

Pig 1. Phu My Hung (kaliwa) and Thao Dien (kanan) (Batis: Arental VietNam, 2024)

Pinaunlad ang mga bagong lugar tulad ng Phu My Hung (PMH, Distrito 7) at Thao Dien (TD, Distrito 2) para magsilbi sa mga banyagang residente sa Lungsod ng Ho Chi Minh mula 1997 hanggang kasalukuyan (Pig. 1).   Sa pamamagitan ng pagmamasid sa lugar, at pagmamapa sa artikulo, nababalikan ang pag-unlad ng mga kabayanan ng PMH at TD para maunawaan kung paanong tumatanggap ng mga banyaga ang Vietnam, sa pamamagitan ng HCMC.

Talaan 1.  Paghahambing sa pagitan ng Phu My Hung (PMH) at Thao Dien (TD)

Mga KatangianPhu My Hung areaThao Dien area
Nagpa-unladTaiwanesePamahalaan
Pangunahing Grupong BanyagaAsyanoEuropeo
LokasyonDistrict 7Thu Duc City
Bilang ng Banyaga13.00012.000
Bilang ng Paaralang Internasyunal917
Tipo ng PabahayCondo at VillaCondo, Villa at Shophouse
Pagpapanatili at SeguridadPribado+ PublikoPubliko
Lawak (ektarya)433375
SonaMagkahalong-gamit na modelo sa kaunlaranMagkahalong-gamit na modelo sa kaunlaran

Kasong Pinag-aralan 1:Phu My Hung (PMH)

Kasunod ng reunipikasyon ng Vietnam noong 1975, pinlano ng HCMC na magpaunlad ng isang lugar sa timog ng lungsod, Timog Saigon, na sumasaklaw sa tatlong susing proyekto: ang Tan Thuan Export Processing Zone (EPZ), ang lugar ng PMH, at ang Hiep Phuoc Industrial Park bilang bahagi ng isang mas malawak na programa (World Bank, 2017).

Pig 2. Detalyadong pagbabagong-anyo ng bayan ng Phu My Hung (Batis: Erik Hams, 2011)

Isang halimbawa ang Hưng Vượng (Pig. 3) ng pagtatayo ng marangyang pook residensyal na matatagpuan sa sentro ng ng Phu My Hung.  Noong 2015, binubuo ang pook ng siyam na  residential complex, na naglalaman ng 354 kabahayan at 1300 residente (Le & Le, 2018). Makikita sa mga kabahayan ang mga katangian ng nababakurang komunidad, na limitado ang akses sa pamamagitan ng mga pader at tarangkahang panseguridad. Makikita sa complex ang isang panlabas na hardin, pinagsasaluhang paradahan, palaruan, at mga nakaplanong kalsadang internasyunal.

Nagpatupad ang tagapamahala ng maayos na mga prinsipyo ng pamumuhay sa lungsod, kabilang ang kawalan ng kalat sa paligid, wastong pagtatapon ng basura, pagkolekta ng basura, at pagparada sa bangketa. May mga patakaran hinggil sa hugis ng mga gusali, mga disenyo ng pagkakalatag ng condo, at pagkilos ng mamamayan. May ligal na balangkas ang PMH para istriktong pamahalaan ang mga komplikadong mga seksyon at  sona ng lungsod.

Disenyo ng latag ng Hưng Vượng complex Batis: rever.vn (1999)
https://rever.vn/du-an/hung-vuong-1
Ang complex at mga gusali nito sa ksalukuyan. Batis: Google Earth (2023)
https://earth.google.com/web/search/Hung+vuong+1
Fig 3. Tipikal na nababakurang komunidad sa Phu My Hung 

Kabilang sa mga pangunahing dahilan ng paglipat ng mga Koreano rito ay ang pagkakaroon ng Korean International School of HCMC (KIS), Canada International School (CIS), ABC International School, Vietnam Australian (VAS), Vietnam Finland International School (VFIS), at Saigon South International School (SSIS). Dahil sa pagpapahintulot ng Korea na kilalanin ang tinamong antas ng pag-aaral mula sa mga internasyunal na paaralan sa Vietnam, naging madali para sa mga estudyanteng Koreano na magpatuloy ng pag-aaral sa Vietnam matapos madestino ng kanilang mga magulang rito. (Huynh, 2015).

Kumpara sa ibang pamayanang Koreano sa buong mundo, pinakamahusay na duplikasyon ng sistemang panlipunang Koreano ang Phu My Hung. (Kim, 2016). Nagbuo ang lupong namamahala ng isang sistemang panseguridad na binubuo ng may 300 pribadong gwardiyang panseguridad para sa pamayanan. Ligtas ang rehiyon sa mga estranghero, walang mataas na antas ng karahasan o krimen (Douglass & Huang, 2007). May mga tindahan, restawran, at mga pasilidad pampamilihan na gumagamit ng wikang Koreano. Maaaring mamuhay ang mga Koreano sa PMH nang hindi natututo ng wikang Vietnam at may pakiramdam ng pagiging ligtas na parang nasa sarili silang tahanan.

Noong 2015, may 26,950 na residente ang PMH, kung saan 56% sa kanila ay mga banyagang mula sa Timog Korea, Hapon, Taiwan, Singapore at Tsina; 27% ang Koreano. Higit 60% ng residente ng PMH  noong 2018 ay hindi Vietnamese. Tumaas sa 30,000 ang populasyon noong 2018, 40,000 noong 2020, at 35,000 naman noong 2023. Nabawasan ang pagiging paboritong pangmatagalang panirahan ng PMH para sa mga dayo dahil sa masamang lagay ng trapiko mula sa sentro ng lungsod patungo rito (Huynh, 2015). Matapos ang pandemyang COVID-19, may 31% na lamang ang banyagang naninirahan sa PMH (Quy, 2023). Sa taong 2024, kapansin-pansin ang pagdami ng mga Koreano na tumutungo sa Lungsod ng Thu Duc. Sinimulang lisanin ng mga banyaga ang PMH para sa Thao Dien (TD) na nasa lungsod ng Thu Duc. (Lan & Huong, 2024).

Kasong Pinag-aralan 2: Thao Dien (TD), Thu Duc City

Mula 1997, dumaan sa makabuluhang pagpaplano at kaunlarang urban ang TD (Pig 4), at naging kaaya-aya ito para sa mga Vietnamese at mga turista. Prayoridad ng mga kinauukulan sa distrito ang malalawak na bangketa, mga kalsadang nahahanayan ng mga puno, at mga pedestrian zone. Nabawasan ang trapiko at itinaguyod ang paglalakad at pagbibisikleta para sa kalusugan. Magkakasanib ang tahanan, negosyo at tindahan sa TD. Dahil sa masiglang kapaligiran nito, madaling mapuntahan ng mga naninirahan ang mga tindahan, restawran, negosyo, at libangan. Hindi ito gaanong organisado at nakaayos sa usapin ng arkitektura at disenyo na tulad ng sa PMH. Sinasalamin ng malalaking kabahayan rito ang mayamang kasaysayang Europeo  sa kanilang iba’t ibang estilo ng disenyong Europeo mula sa iba’t ibang panahon. Ngayo’y isa na itong pook na maraming gamit. Kabilang sa mga negosyo rito ang mga restawran, bar, at mga tindahan. Sama-samang naninirahan sa mga kabahayang may iba’t ibang disenyong arkitektural ang mga indibidwal mula sa Europa, Amerika, Aprika, Singapore, Korea, at Taiwan  Malapit ang bayan sa bagong linya ng tren. Hindi gaanong makabago ang disenyo ng TD kumpara sa PMH. Natural ang naging pag-unlad ng TD, nagdaragdag ng mga bagong konstruksyon sa mga dati na. Kaalinsabay nito, maingat na idinisenyo ang Phu My Hung at itinayo mula sa wala para tumalima sa partikular na pamantayan sa pamumuhay sa urban, tulad ng mga luntiang espasyo para sa mga parke, mga lugar ng libangan , at mga espasyong pang komunidad.

Pig 4. Thao Dien (Thu Duc City)

Tulad ng PMH, may ilang paaralang internasyunal ang TD, na nagtuturo sa wikang Ingles, mula sa UK, Amerika, Australia, at Europa. Nagseserbisyo ang mga paaralang internasyunal na ito sa mga batang 3 hanggang 18 taong gulang. Para sa mga banyaga, kaaya-aya ang TD dahil sa internasyunal na komunidad nito ng iba-ibang lahi. Ang mga paaralan ang pinaka-nakahahalinang dahilan para sa mga banyaga na manirahan sa TD.

Kung titingnan ang mga pagpipiliang uri ng paninirahan para bigyang-puwang ang iba’t ibang paraan ng pamumuhay at kakayang pinansyal ng mga banyaga, makikitang tahasang dinisenyo ang ilang pagpipiliang tirahan para sa mga dayuhan. Kalimitang  estilong Europeo ang disenyo ng mga ito: malalawak na bukas na sala, makabagong mga kusina at paliguan, at mamahaling finish sa mga nababakurang komunidad. (Lan & Huong, 2024). Sa karaniwan, may maliliit na klasikong kusina at mumurahing paliguan ang mga Vietnamese.  Tinatanggap na ngayon ng mayayamang Vietnamese ang mga bago at mas mataas na pamantayan para sa panlabas at panloob na anyo ng kanilang mga tirahan. Nagbibigay ng magandang tanawin ng lungsod ang mga mamahaling at matatayog na tirahan, at kaakit-akit sa mga naninirahan sa lungsod ang mga modernong serbisyo tulad ng fitness centres, pools, at hakbanging panseguridad. Sa pook ring ito, nagbibigay ang mga malalaking villa ng marangya at nakahiwalay na panirahan na maraming espasyo para sa pamilya. Nag-aalok ang mga bagong townhouse ng nagtutugmaang kombinasyon ng pagkakahiwalay at pagiging komunidad, na sadyang nababagay para sa mga indibidwal na naghahanap ng mas nag-uugnayang komunidad. Makitid, pahaba, at walang hardin ang tradisyunal na tahanang Vietnamese.

Paghahambing ng Morpolohiyang Urban

Kilala ang TD sa pagkakaroon ng iba’t ibang serbisyo at pasilidad na nakadisenyo para sa mga residente nitong mula sa iba’t ibang lahi, kabilang ang mga paaralang internasyunal, mga restawran na Kaluranin, at mga service provider na nakapagsasalita ng wikang Ingles. Malaki ang naitutulong ng ganitong kapaligiran para makaangkop sa paaraan ng pamumuhay ang mga dayong nagsasalita ng wikang Ingles na pinag-aaralan pa ang pamumuhay sa Vietnam. Gayunman, mas mataas ang halaga ng pamumuhay rito kumpara sa ibang lugar dahil sa konsentrasyon ng mga dayo, maaaring dahil sa mas mataas ang kakayahan ng mga naninirahan rito na gumastos ng mas malaki.

Sa kabilang banda, isang marangyang distrito ang PMH na may napakahusay na malalaking imprastruktura. Magkahalong mga propesyunal na Vietnamese at mga banyaga ang populasyon dito. Nag-aalok ng PMH ng mas moderno at planadong karanasang panglungsod, mas maluwang na mga liwasan at lawa, at mas komprehensibong latag ng mga mapagpipiliang pabahay (Pig.5). Maaaring hindi gayong kalawak ang pagsasalita ng wikang Ingles sa PHM kumpara sa TD, subalit nakasasapat ito.

Phu My Hung
Thao Dien
Pig 5. Paghahambing ng pagkakaayos ng mga blokeng urban: Mga modelo ng kabahayan, regular na tahanang urban sa Phu My Hung sa Distrito 7 (kaliwa) at di-regular na tahananng urban sa Thao Dien, Lungsod ng Thu Duc sa Lungsod ng Ho Chi Minh. (Batis: Google Earth,2024)

May disenyong urban na kahun-kahon ang PMH na tipikal sa mga planadong proyekto. Sumusunod sa ganitong uso ang mga mga modernong proyektong urban at mga pamayanang redeveloped. Pinaaalwan ng malinaw na hirarkiya ng mga kalsada at mga blokeng padron ang pagbagtas sa trapiko at episyenteng paggamit ng lupa. Samantala, hindi laging ganito ang kalagayan sa mga pook urban sa Vietnam na may mala-sapot na network ng mga kalsada at nakalilitong mga numero ng bahay. Hindi laging madaling makarating sa tahanan ng isang Vietnamese sa mga lumang pook, subalit madali ito sa PMH.

Iba-iba sa bloke at hugis ang pagkakalatag ng TD. Nagpapakita ito ng organikong pagyabong na walang sentralisadong pagpaplano o pagpaplanong urban. Maaaring kakaiba ang mga lugar na ito at nagpapakita ng padron ng pag-unlad sa paglaon ng panahon, subalit maaaring magdulot ng mga hamon sa imprastratura at paghahatid ng serbisyo ang kawalan nito ng padron. Sa ganitong diwa, maaaring mas maging hawig ang direksyon ng pag-unlad ng TD sa mas matatagal nang pook urban.

Kapwa may mga bentahe at disbentahe ang parehong metodo ng pagpaplanong urban. Maaaring makapagpatuloy sa imprastraktura at serbiyo ang latag na tipong-PMH subalit wala itong organikong pang-akit. Maaaring nagpapakita ng lokal na kultura at kasaysayan ang kakaibang disenyo ng TD at nagbibigay ng natatanging karanasang urban, subalit humaharap rin sila ng mga hamong lohistikal. Maaaring magbunga ang paraan ng TD ng higit na kaguluhan at kawalan ng kaayusan. Gayunman, gusto ng mga banyaga ang di-pangkaraniwang disenyo ng Thao Dien.

Konklusyon

Ang PMH at TD ay mga pamayanang itinayo para magbigay-espasyo sa banyagang paraan ng pamumuhay. Nag-aalok sila ng iba-ibang mapagpipiliang pabahay, kabilang ang mga villa, townhouse, at matatayog na apartment na nakadisenyo batay sa mga Kanluraning pamantayan sa espasyo at makabagong imprastrukturang panlipunan.

Mga makabagong paraan ang dalawang inilahad na halimabawa para sa pagpapaunlad ng mga bagong pamayanan sa Vietnam. Gumugol ng maraming panahon at salapi ang Taiwanese na debeloper ng PMH para sa mga imprastrukturang panlipunan (mga parke, paaralan) bago pa ito magbenta ng mga lote at bahay.  Ginaya rin ng TD ang ganitong paraan na nagtayo ng maraming paaralang internasyunal. Handang magbayad ang mas mayayamang kliyente para makapanirahan sa mas mataas na uri ng pabahay at tahanan dahil nagbibigay ang ganitong mga panirahan ng kapaligirang katulad ng sa mga mauunlad na bansa, na hindi pamilyar sa mga Vietnamese bago ang dekada 1990.

Iba-iba ang larawan ng kalunsuran ng Ho Chi Minh na maraming antas ng pamumuhay. Naging mas bukas ito sa mga banyaga sa usapin ng pagkakaroon ng mga bagong pamayanan na tumutugon sa banyagang paraan ng pamumuhay na nagustuhan rin ng mga Vietnamese na malay na pinipiling manirahan sa PMH at TD. Sa gayon, kapansin-pansin at magpapatuloy pa sa mahaba-habang panahon ang epekto ng  Doi Moi, ang pagbubukas sa mga banyagang naninirahan sa Vietnam, ang kaunlarang urban.

Thanh Bao Nguyen1 and Hung Minh Ngo2
1, 2 Van Lang University, Vietnam
Corresponding email: thanh.nb@vlu.edu.vn

Banner: Twilight on Ban Nguyet riverbank, cityscape of Phu My Hung, Dist 7, Ho Chi Minh. Photo: Dorothy Pham, Shutterstock

References

Douglass, M., & Huang, L. (2007). Globalizing the city in Southeast Asia: Utopia on the urban edge–the case of Phu My Hung, Saigon. International Journal of Asia-Pacific Studies, 3.
Harms, E. (2016). Luxury and Rubble: Civility and Dispossession in the New Saigon: University of California Press.
Huynh, D. (2015). Phu My Hung New Urban Development in Ho Chi Minh City: Only a partial success of a broader landscape. International Journal of Sustainable Built Environment, 4(1), 125-135. doi:https://doi.org/10.1016/j.ijsbe.2015.03.005
Kim, D.-Y. (2016). A Study on the Characteristics of the Planned New Town Apartments in Vietnam – Focusing on the Ho Chi Minh City the Phu My Hung Area. Korean Institute of Interior Design Journal, 25, 101-111. doi:10.14774/JKIID.2016.25.2.101
Lan, N. T. H., & Huong, L. T. T. (2024). Gated Community vs. Inclusive Urban Development: A Case Study of the Old District 2, Ho Chi Minh City, Vietnam. Paper presented at the Asian Urbanization Conference 2024, The Vietnamese-German University (VGU)-Ho Chi Minh City.
Le, T. T. H., & Le, T. T. H. (2018). Privatization of neighborhood governance in transition economy: a case study of gated community in Phu My Hung new town, Ho Chi Minh City, Vietnam. GeoJournal, 83(4), 783-801. doi:10.1007/s10708-017-9803-x
Quy, H. (2023). Hành Trình Khát Vọng. Tuoi Tre. Retrieved from https://tuoitre.vn/khu-do-thi-phu-my-hung-hanh-trinh-khat-vong-20230517172414994.htm
World Bank. (2017). Phu My Hung, Ho Chi Minh City, Vietnam – Case Study. Retrieved from https://www.thegpsc.org/sites/gpsc/files/3._ho_chi_minh.pdf

Exit mobile version