Isang matabang lupa ang Timog-Silangang Asya para sa pag-usbong ng ekonomiyang platform. Tulad ng mga platform sa iba pang lugar, binago ng mga platform sa Timog-Silangang Asya (hal. Grab, Lazada, Shopee) ang mga ekonomiya, istruktura sa paggawa, at mga espasyong urban sa rehiyon. Relatibong kakaunti ang atensyon na naibibigay sa isang mas bago at mahalaga ring aspekto ng “platpormisasyon”—ang pagsulpot ng “pamamahala sa pamamagitan ng platform.” Binigyang kahulugan nina Ansell at Miura (2020) ang pamamahala sa pamamgitan ng platform bilang “isang institusyon na estratehikong naglalatag ng arkitektura nito para samantalahin, pagbunsurin, at gamitin ang magkakahiwalay na aksyong panlipunan para sa layuning abutin ang mga tukoy na layunin sa pamamahala.” 1 Ang paggamit at transmutasyon ng mga pampulitikang aktor sa Thailand sa konsepto ng plaform ay nalalantad sa gitna ng isang kakaibang kontekstong institusyonal at politikal. Sa pambansang antas, ang Thailand ay bahagi ng koalisyong pinamumunuan ng militar mula 2014 hanggang nitong kamakailan 2. Gayunman, inihahalal ang mga lokal na alkalde kung kaya’t kailangan nilang makakuha ng malawak na suporta para manalo sa eleksyon. Kapag nasa kapangyarihan na, nasasagkaan ang mga alkalde ng sentralisadong sistema sa pananalapi kung saan itinatalaga ng Ministry of Interior ang mga gobernador ng probinsya (puwa) at gipit sa lokal na pondo. Noong 2022, ang Bangkok Metropolitan Administration (BMA), ang antas-probinsyang awtoridad na namamahala sa sentrong-lungsod, ay tumanggap ng 81% ng pondo nito sa pamamagitan ng mga transfer mula sa sentral na pamahalaan 3. Sa ganitong konteksto, niyakap ang mga digital platform bilang isang daan para “mas maraming magawa sa pammagitan ng mas kakaunti”: nagbibigay ang mga platform ng kapwa tunay at diskursibong kapangyarihan bilang paraan ng komunikasyon sa kanilang mga nasasakupan at upang maipamahagi ang kakaunting pondo sa mga lungsod.
Thailand 4.0: Pag-upgrade sa Thailand sa panahong digital?
Noong 2016, dalawang taon matapos ang kudeta noong 2014, inilantad ng administrasyong suportado ng militar ni General Prayuth Chan-Ocha ang isa sa mga natatanging palisiya nitong “Thailand 4.0” na naglalayon ng transpormasyong digital para sa Thailand at magtutuak sa bansa na makawala sa “middle-income trap”. Itinampok ng ikalabindalawang 5-taon na National Economic and Social Development Plan noong 2017 ang konsepto ng Thailand 4.0, na nagtataglay ng mga plano para sa digitalisasyon ng pamahalaan at pagtataguyod ng frontier “S-Curve” Industries. Noong 2016, itinatag ang noo’y Ministry of Digital Economy and Society (MODES) at binigyan ng mandato ang “Digital Economy Promotion Agency” na itaguyod ang “maliliit na lungsod”, o meuang achariya sa Thai. Habang nakatulong ang DEPA na i-popularisa ang konsepto ng smart city, isang ahensya lamang ito sa maraming aktor ng estado at labas ng estado na nagtataguyod ng mga digital platform at application para sa pamamahalang panglungsod. Sa loob ng sentralisadong sistema ng pananalapi ng Thailand, naging kaakit-akit ang mga digital platform sa mga mapangahas na lokal na opisyal bilang isang kasangkapan para mamaksimisa ang maliit na pondo at makabuo ng lehitimasyong elektoral. Sa artikulong ito, pag-aaralan ko ang kung paanong isinasagawa ng dalawang politiko ang operalisasyon ng pamamahala sa pamamagitan ng platform: ang isa ay si Chadchart Sittipunt, na siyang unang halal na Gobernador ng Bangkok mula ng kudetang militar noong 2014. Ang isa naman ay si Dr. Kanop Ketchart, Alkalde ng Nakhon Si Thammarat , isang maliit na lungsod sa timog.
Bangkok: Si Chadchart at ang Traffy Fondue
Noong 2022, nanalo si Chadchart Sittipunt sa lahat ng distrito ng Bangkok sa kanyang kampanya sa pagka-gobernador. Tumakbo bilang indipendyente (bagaman dati siyang naglingkod bilang ministro ng transportasyon ng dating administrasyong Pheu), ipinakilala ni Chadchart ang sarili bilang isang teknokrata na naglulutas ng mga problemang urban ng kapital ng Thailand sa pamamagitan ng teknolohiya at pakikisangkot ng mamamayan. Gaya ng kanyang paglalarawan, “ang ating tungkulin ay ang ibalik ang tiwala at kumpyansa sa demokratikong sistema, nawala ang pananalig ng mamamayan sa nakaraang 10 taon, marami ang may pakiramdam na tiwali ang sistema, ang gawain natin ay ibalik ang kanilang tiwala” 4. Sa kanyang kampanya, naglabas ang pangkat ni Chadchart ng higit 200 palisiya, subalit isa sa kanyang mga ubod na konsepto ay lutasin ang tinatawag niyang “capillary problems”. May disente at malaking imprastrukturang pangtransportasyon ang Bangkok gaya, halimbawa, ng BTS Skytrain, pero napabayaan ang antas-pamayanan na eskinitang soi at mga impormal na komunidad.
Isa sa natatanging pagsisikap ni Chadchart ay ang paggamit ng platform para sa mga hinaing ng mamamayan na tinawag na Traffy Fondue. Hindi si Chadchart ang lumikha ng Traffy, pero isinulong niya ito sa pamamagitan ng kanyang katanyagan bilang Gobernador ng Bangkok. Gaya ng sinabi ni Chadchart sa akin, “kailangan natin ng mabilis na tagumpay, at sa aking palagay, ang Traffy ay isang mabilis na tagumpay.” 5 Pagsapit ng Agosto 2023, nagtala ang Traffy ng 407,000 na ulat ng mga mamamayan, kung saan 299,000 (lampas 70%) ang may markang “natugunan” ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Ang simpleng platform na ito, na maaaring gamitin kapwa sa pamamagitan ng isang chatbot channel sa popular na Line messaging app o sa isang standalone app, ay nagpapahintulot sa mga mamamayan na mag-ulat ng kanilang mga suliranin sa kanilang pamayanan gaya ng mga lubak sa kalsada o bumagsak na kawad ng kuryente. Pagkatapos, dapat tumugon o magpadala ng pangkat na kukumpuni sa mga ito ang mga pertinenteng ahensya ng pamahalaan o opisina sa distrito. Nagsimula ang application sa isang proyekto noong 2018 para gawing automated ang pagkolekta ng basura sa Phuket. Bahagi ito ng proyekto ng DEPA para sa smart city na sinimulan noong 2015. Ang pagpapaunlad sa Traffy ay pinangunahan ni Dr. Wasan Pattara-atikom ng National Electronic Technology Center (NECTEC), isang dibisyon ng pambansang ahensya sa agham na NSTDA. Mababa lamang ang ginastos sa pagbili rito dahil pinaunlad na ito ng isang pambansang ahensya.
Ang lohika ng platform, na nagsimula bilang isang komersyal na modelong pangnegosyo ay ginamit na bilang modelo sa pamamahala. Tulad ng sinabi ni Dr. Wasan “Gumagana ang Traffy Fondue katulad ng paggana ng Grab o iba pang pamilihang online na nagdurugtong sa mga naghahatid ng serbisyo at mamamayan na nais gumamit ng mga serbisyo.” 6 Dagdag ni Chadchart, “may apat na mahahalagang katangian ang mga platform—walang tagabantay, pantay-pantay ang lahat, walang kiskisan, at kayang lumago nang mabilis,”sabi niya, “Hindi ko kailangan mag-utos ng anuman, pumapasok sa platform ang mga taong responsable at nilulutas ang mga suliranin, at nag-uulat kung naayos ang mga problema.” Tinukoy rin niya ang platform bilang isang kasangkapan para magbuo ng tiwala. “Kapag tinatrato nang patas ang mga tao, nagtitiwala sila. Pinalalakas ng Traffy Fondue ang tiwala sa hanay ng mamamayan.” 7
Hindi kaya ng BMA na direktang tugunan ang lahat ng hinaing na inuulat sa platform, pero nagbibigay ang sistema ng mga datos at larawan kung paanong tinutugunan ng mga distrito at departamento ang mga problemang inihahapag ng mamamayan. Ipinakikita ng isang dashboard kung saan nagmumula at ano ang tipo ng hinaing na inihapag, na nakalilikha ng kapaki-pakinabang na datos hinggil sa lungsod at sa mga “capillary problem” nito. Sa ganitong paraan, nagiging daan ang Traffy para matulungan ang BMA na subaybayan ang kahusayan ng mga pinuno ng mga lokal na distrito—ang Bangkok pa lamang ay nahahati sa 50 distrito, o khet. 8 Naglulunsad ang BMA ng mga palihan mula sa mga pinakamahuhusay na distrito upang magbahagi ng kanilang karanasan. Isinusulong sa ngayon ang application sa iba pang mga ahensya at ginagamit na sa 1300 munisipalidad at 14 na probinsya sa buong Thailand 9. May mga plano para magdagdag ng mga bagong function at analytic capacity, tulad ng AI, para palakasin pa ang awtomasyon sa pagharap sa mga suliranin.
Sa kabila ng tagumpay ng Traffy, may pag-aalinlangan sa kakayahan ni Chadchart na makapaghatid ng malalaking pagbabago dahil sa namamalaging burukrasya at relatibong limitasyon ng awtonomiya sa pananapi ng BMA. 10 Marami sa mga imprastruktura ng Bangkok ay hindi napapailalim sa direktang kontrol ng BMA—halimbawa, ang kuryente ay pinamamahalaan ng MEA na isang hiwalay na ahensya; ang mga arterial road ay pinamamahalaan ng Ministry of Interior. Lampas sa saklaw ng mga mabilisang solusyon na tinutugunan ng Traffy ang malalaking proyektong pang-imprastruktura tulad ng malaking diversion tunnels sa ilalim ng lupa para sa tubig-baha. Bagaman malakas na isinusulong ni Chadchart ang Traffy, tahasan din niyang inilalahad ang mga panganib sa pagsandig sa mga digital platform, nagbababala na “maaari silang makalikha ng di-pagkakapantay-pantay—walang akses sa mga platform ang ilang mamamayan.” Iminungkahi niya ang pangangailangan para sa mas maraming harapan na pulong ng mga komunidad para maabot ang iba pang nasasakupan.
Nakhon Si Thammarat: isang Smart City sa Line
Ang Nakhon Si Thammarat (NST) ay isang sinaunang lungsod sa timog ng Thailand na kilala sa mga templo at paaralang Buddhist, at dating sentrong pangkasaysayan sa rehiyon. Bumibilang ng 100,000 ang populasyon ng munisipalidad, habang ang probinsya ay may 1.5 milyon na naninirahan. Pinangunahan ng kasalukuyang alkalde ng munisipalidad na si Dr. Kanop Ketchart, ang isang grupo ng mga inisyatiba para gawing “smart city na nakasentro sa tao” ang NST, sa pamamagitan ng pagsusulong ng teknolohiya sa mga lokal na paaralan gamit ang platform na “My City”para sa pakikisangkot ng mamamayan. Pinaunlad ng isang maliit at nagsisimulang negosyong Thai na Siam Inno City ang “smart city platform on Line”, gamit ang open API ng messaging app na Line na nakabase sa Japan at karaniwang gamit sa Thailand and Taiwan. Bagaman kahawig ng Traffy Fondue, ang interface nito ay nakadisenyo sa Line-based app sa Fukuoka, Japan 11. Pinaunlad ang @nakhoncity app sa pamamagitan ng kooperasyon sa pagitan ng munisipalidad at ng Siam Inno City, sa tulong ng DEPA para makakuha ng pondo sa pambasang antas at maisulong ang modelo sa Thailand at sa ibayong dagat. Ang core interface ng platform ay isang Line channel na @Nakhoncity, na maaaring irehistro at subaybayan ninuman na may Line account. “Sa Thailand, marami ang sumusubaybay gamit ang Line Official Account dahil naaabisuhan sila sa ilang bagong impormasyon. Mas maraming pakinabang dito kaysa magbuo ng isang standalone app na kailangang i-download”, ayon kay Dr. Non Arkaraprasertkul, isang eksperto sa DEPA. Sa simula ay sinubok ni Mayor Kanop na bumuo ng isang platform para sa isang sistema ng maagang pagbibigay-babala upang maabisuhan ang mamamayan hinggil sa pagbaha kung tumataas na ang antas ng tubig sa mga partikular na upstream reservoir na sinusubaybayan ng mga sensor. Unti-unting nagdagdag ng mga function kasama na ang pormularyo para sa mga hinaing ng mamamayan at isang open platform na nagpapahintulot sa mamamayan na mapanood ang mga live feed ng mga CCTV camera. Ang mga naprosesong datos mula sa mga ulat ng mamamayan ay ipinakikita sa isang dashboard interface na may mga mapang nagpapakita ng lokasyon ng mga reklamo, at nalilikha ang buod ng mga datos para sa mga opisyales ng lungsod.
Inilarawan ng alkalde kung paanong sinasalamin ng platform ang kanyang mapagkumbabang pilosopiya sa pamamahala kung saan “Hindi ako pinuno—inilagay nila ako sa posisyon para mahati-hati ko ang mga rekurso. Sinusunod ko ang mamamayan. Anuman ang nais nila na siyang makabubuti sa kanila ay aking sinusunod…gaya ng isang kawan ng ibon, na sama-samang lumilipad, ang malakas na ibon sa harapan at ang mahina sa likuran.” 12 Ayon sa tanggapan ng Alkalde, 44,000 o 40% ng mamamyan ang gumagamit sa naturang platform. Binanggit ng alkalde ang pangangailangan na lutasin ang mga suliranin na inihahapag ng mga mamamayan sa loob ng 48 oras matapos matanggap ang problema. “Kung hindi malutas ang suliranin, ikaw ang huling hantungan. Ang alkalde ang hangganan. Inihalal ka ng mamamayan para gawin mo ang kailangan mong gawin, kahit ang pumaroon na may dalang trak at ako na ang maglinis.” Ayon sa tanggapan ng Alkalde, nakatipid ang platform ng 10 milyon baht sa operasyon ($275,000), na hindi maliit na halaga para sa isang maliit na lungsod sa Thailand. May mga ginagawang pagsisikap para palawakin ang MyCity app tungong Japan at Taiwan, kungsaan ang Line rin ang dominanteng platform sa komunikasyon.
Mga Konklusyon
Ipinakikita ng artikulong ito kung paanong inaangkin at ginagamit ang konsepto ng “platform” ng mga aktor sa pulitika ng Thailand kapwa bilang isang diskursibong kasangkapan para patingkarin ang kanilang elektoral na kredibilidad at para lutasin din ang mga aktwal na suliraning urban. Maaaring lubhang maaga pa para masabi kung gaano kaepektibo ang gayong mga platform sa gitna ng kawalan ng mga mas malalim na repormang institusyonal. Nananatiling limitado ang pondo para sa imprastrukturang urban, partikular sa mga sekundaryong lungsod sa labas ng Bangkok. Ang Move Forward Party (MFP), na nakakuha ng pinakamaraming boto kamakailan sa pangkalahatang halalan noong Mayo 2023 ngunit binarahan sa kapangyarihan ng Senado na itinalaga ng junta, ay nagsulong ng desentralisasyon ng mga reporma sa kampanya nito . Nakakuha sila ng malawak na suporta sa buong bansa, partikular sa mga lungsod at sa hanay ng kabataan. Ipinakikita ng platform at ng kung paano ito kasalukuyang ginagamit ng mga alkalde sa Thailand ang popular na kahilingan para lutasin ng mga politiko ang mga suliraning urban. Tulad ng pagmumuni-muni ni Chadchart, “Maaaring naging mas makapangyarihan ang mamamayan ngayon kaysa dati dahil mayroon silang platform para ihayag ang kanilang mga opinyon.” Ang mas malaking katanungan pasulong ay kung magbubunsod ang “pamamahala sa pamamagitan ng platform” ng mga repormang pulitikal at institusyunal at pagpapahusay ng urban sa Thailand, o gagamitin lamang ito bilang isang teknokratikong palamuti para pigilan ang mas malalaking mga repormang institusyunal at pulitikal?
Andrew Stokols
PhD Candidate, MIT Department of Urban Studies and Planning
Notes:
- Ansell, Christopher, and Satoshi Miura. 2020. “Can the Power of Platforms Be Harnessed for Governance?” Public Administration 98 (1): 261–76 ↩
- While the 2023 elections unseated the ruling coalition of General Prayut, the military remains a important player in politics. ↩
- https://www.bangkokpost.com/opinion/opinion/2336748/city-hall-needs-a-much-larger-budget ↩
- Chadchart Sittipunt, 2023 presentation to the Thai students association at Harvard Graduate School of Design. ↩
- Interview with Chadchart Sittipunt, August 25, 2023 ↩
- https://adaymagazine.com/traffy-fondue/ ↩
- Chadchart Interview, Aug 25, 2023 ↩
- he 1972 Bangkok Metropolitan Area reform made Bangkok a special administration area equivalent to a province, divided into 50 districts khet and 180 subdistricts khwaeng ↩
- https://www.nationthailand.com/thailand/general/40031089 ↩
- The budget of the BMA in 2023 was around 80 Mn THB ↩
- Interview with Siam Inno City Founder Pornchai Leamsuksai ↩
- Quotes from Mayor Kanop are from a February 2023 visit by the author to Nakhon Si Thammarat ↩