Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Lakas ng Mahihinang Ugnayan: Ang Kabataan at Politikang Digital sa Indonesia

Eco Chamber: Ang Penomenon ng “Loe Lagi Loe Lagi” (4L)

Masalimuot at tuluy-tuloy na nagbabago ang kalupaang politikal ng Indonesia, kungsaan maraming mga grupong politikal at pressure group ang nakikisangkot sa maraming mga usapin. Para lubos na magagap ang galaw ng politika sa bansa, partikular ang papel ng kabataan sa paghubog ng pagbabagong pampolitika, kailangang maunawaan kapwa ang interaksyong online at offline sa pagitan ng magkakaibang grupong politikal at pressure groups. Sa artikulong ito, binibigyang-kahulugan ang mga grupong politikal at pressure groups bilang mga organisasyon na tumutugon sa malawak na mga usaping panlipunan, pangkapaligiran at politikal sa pamamagitan ng iba’t ibang institusyon, kasama na ang mga partido politikal, mga non-governmental organization, organisasyon ng mga kabataan, at organisasyong civil society.

Napatunayan na kapaki-pakinabang ang online social media para sa ilang indibidwal sa larangang politikal. Ayon kay Hillary Brigitta Lasut, ang nahalal na pinakabatang Indonesian Member of Parliament mula sa North Sulawesi Province, “Nagbigay ang online social media ng mas episyente at malawak na saklaw para maabot ang mas nakababatang mga botante sa panahon ng aking kampanya.” Ginamit ni Lasut ang iba’t ibang online social media platform para mas episyenteng makipag-ugnayan sa kanyang mga nasasakupan. Dagdag pa, ginagamit na bentahe ng kanyang Partido ang digital technology para pangasiwaan at panatilihin ang kanilang operasyon sa kabuuan ng Indonesia (Kemenkominfo, 2021). Ang aktibong pakikilahok ng kabataang Indonesian sa iba’t ibang aktibidad na sumusuporta sa demokrasya at nag-aambag sa istrukturang politikal ay nagtatampok ng mahalagang papel na ginagampanan ng social media. (Saud & Margono, 2021).

Hillary Brigitta Lasut, People’s Representative Council. Lasut utilises online social media platforms with her constituents.

Naghatid kapwa ng mga oportunidad at hamon ang paglitaw ng aktibismong social media para sa aktibismong politikal. Sa isang banda, nag-aalok ang social media ng plataporma sa mamamayan para ihayag ang kanilang mga opinyon at magpakilos ng suportang masa sa pamamagitan ng mga naratibong simple at madaling maunaawaan. May potensyal itong tumungo sa populistang aktibismong politikal, laluna kapag tumutugma ito sa mga pagpapahalaga ng kontemporaryong kultura, gaya nang nasyunalismo at pagka-relihiyoso (Lim, 2013). Gayunman, nagdadala rin ang social media ng hamon ng kaugnay ng kalayaang sa pagkamuhi, kungsaan na-eehersisyo ng mga indibidwal ang kanilang karapatang ipahayag nang bukas ang kanilang mga opinyon habang kasabay nito ay pinatatahimik ang iba. (Lim, 2017).

Dagdag pa, ang pag-uugnayan sa pagitan ng mga gumagamit nito at ng mga algorithm ay naghatid ng pagkakabuo ng mga “algorithmic enclaves” na maaaring sumuhay sa nasyunalismong tribal. Sa loob ng mga komunidad na ito sa online, nagagawang maging lehitimo ng mga gumagamit ng social media ang kanilang sariling bersyon ng nasyunalismo, na maaaring naglalaman ng pag-aalis ng pagkakapantay-pantay at ng katarungan para sa iba (Lim, 2017). Pinatatampok nito ang pangangailangan na suriin nang kritikal ang papel ng social media sa paghubog ng aktibismong politikal at ang pontensyal na epekto nito sa lipunan.

Karaniwang pananalita ang “Wah. 4L nih!” sa mga aktibistang pampolitika at aktbistang civil society sa mga pulong at koordinasyon, na tumutukoy sa pakiramdam ng paulit-ulit na makadaupang-palad ang kaparehong mga indibidwal, grupo at mga kasapi ng network. Nangangahulugan ang “4L” ng “loe lagi, loe lagi“, na sa salin ay “you again, you again” sa Ingles, at isang sarkastikong parirala na malaganap na ginagamit sa Indonesia para ipahayag ang siphayo sa paulit-ulit na sitwasyon. Maraming mga aktibista, pati mga social at community workers, ang malimit na nakakaramdam ng pagkakulong sa sarili nilang bula, palagiang nagtatalakay ng parehong mga usapin sa parehong mga tao. Nagluluwal ang ganitong pag-uulit-ulit nang pakiramdam ng pagkabagot at kabiguan sa kasalukuyang sitwasyon. Layunin ng artikulong ito na galugarin ang penomenon ng “bubble politics” sa Indonesia, mula sa pananaw ng maraming aktibistang pampolitika, mga social at community workers.

Maaaring malay o hindi malay ang mga aktibistang pampolitika at civil society na nakukulong sila sa isang “bubble,” o isang echo chamber, kungsaan pangunahing nalalantad sila sa mga impormasyon at perspektibang kaayon ng sarili nilang mga paniniwala at ideolohiya. Maaaring mangyari ito kapwa sa online at offline ngunit mas malaganap ito sa online dahil sa labis-labis na paggamit ng mga digital platform gaya ng social media, kungsaan isinasali ng mga indibidwal ang kanilang mga sarili sa mga grupong sumusuhay sa kanilang mga pananaw. Sa konteksto ng politika, maaaring maka-impluwensya nang malaki ang mga echo chamber sa kung paano titingnan ng mga indibidwal ang mga pampolitikang usapin at magbubuo ng mga opinyon. Halimbawa, yaong mga nalalantad lamang sa mga impormasyon na nagpapatibay sa kanilang mga paniniwala ay maaaring magbale-wala sa mga katunggaling pananaw o alternatibong perspektiba. Maaaring magdulot ito ng paglakas ng mga pagkiling at kawalan ng pagkalantad sa iba’t ibang perspektiba, na nagdudulot ng higit na pagkakahati at ekstrimismong politikal, at kabiguang makita ang mas malaking larawan at umugnay sa iba pang mga grupo at usapin.

Hanggang saan maaaring mapalakas o mapigilan ng digital technology ang dinamika ng politika  sa hanay ng mga kabataan mula sa iba’t ibang mga grupong politikal at pressure groups sa Indonesia?

Layunin ng artikulong ito na pag-aralan ng posibilidad na mapag-ugnay-ugnay ang mga pampulitikang organisasyon at advocacy groups para engganyuhin ang dinamiko at makabagong pampolitikang talastasan sa kanilang hanay kapwa sa mga pisikal at birtwal na kalagayan. Nagbibigay-diin ito sa nakababatang henerasyon dahil kalimitang gumagampan sila ng susing papel sa pagtutulak ng pagbabago at sa paghubog ng larangang pampolitika. Dagdag pa, nagiging mahalaga sila sa pagbubuo ng malakas na impluwensya dahil sa mataas na antas ng kanilang kasanayang digital. Sa pamamagitan ng pagtukoy ng mga paraan para mapag-ugnay ang mga grupong ito, ang layunin ay makapagbuo ng espasyo para sa produktibo at progresibong diyalogo at palitan ng mga ideya na maaaring magresulta ng mga positibong epektong panlipunan at pampolitika.

Kolaka, Indonesia – July 2, 2020: Burning of used tires by protesters in front of the Kolaka DPRD office.

Ang Lakas ng Mahihinang Ugnayan

Ang lakas ng mahihinang ugnayan ay isang konsepto sa teorya sa social network theory na unang ipinakilala ng sosyolohista na si Mark Granovetter sa kanyang akda noong 1973 na “The Strength of Weak Ties.” Tumutukoy ang konsepto sa ideya na kalimitang gumaganap ng mas mahalagang papel sa ating buhay ang ating mahihinang ugnayang panlipunan kaysa sa malalakas.

Nakabatay ang teorya ni Granovetter sa ideya na ang ating mga malalakas na ugnayan, gaya nang sa malalapit na kaibigan, kapamilya o kagrupo, ay may tendensiyang maging mga taong katulad natin ang pinagmulan, interes at social network. Bilang resulta, kalimitang nagbibigay sila sa atin ng mga impormasyon at rekurso na kahawig ng alam na natin at mayroon na tayong akses. Kasalungat nito, ang ating mahihinang ugnayan, gaya nang mga kakilala at katrabaho ay karaniwang nagmula sa ibang bakgrawnd at may akses sa ibang impormasyon at rekusro. Ikinakatwiran ni Granovetter na kritikal ang mga mahihinang ugnayang ito sa pagtutulay ng iba’t ibang social network at pagbibigay ng akses sa mga bagong impormasyon at rekurso.

Maaari ring ilapat ang konsepto ng lakas ng mahihinang ugnayan sa iba pang larangan ng buhay. Halimbawa, puwedeng maging partikular na mahalaga ang mahihinang ugnayan sa pagbibigay ng suporta at tulong sa panahon ng kagipitan, gaya nang sa pagharap sa mga personal na krisis o sa gitna ng kalamidad. Sa mga sitwasyong ito, kalimitang ang ating mahihinang ugnayan ang kayang magbigay ng higit na tulong at suporta dahil malamang na may ugnay sila sa mga rekurso at network na makakatulong.

Dagdag pa, mahalaga rin ang mga mahihinang ugnayan sa pagpapalaganap ng mga impormasyon at ideya. Ipinahihiwatig ng teroya ng mahihinang ugnayan na mas malamang na lumaganap ang mga ideya at impormasyon kapag ipinapasa ito ng mahihinang ugnayan kaysa ng malalakas na ugnayan. Ito ay dahil sa mas malamang na naka-ugnay ang mahihinang ugnayan sa mga taong hindi pa nakakaalam ng gayung mga impormasyon at ideya, at kung gayon ay mas malamang na maikalat nila ito sa mga bagong tao at network.

Gayunman, mahalaga ring pansinin na bilang teorya ay malaganap na pinagtatalunan ng mga sosyolohista at siyentista ang lakas ng mahihinang ugnayan. Ikinakatwiran ng mga kritiko na lubhang pinasisimple ng teorya ang papel ng mahihinang ugnayan at hindi sila palagiang gumaganap ng mas mahalagang papel kaysa mga malalakas na ugnayan (Krämer et.al., 2021). Dagdag pa, hindi kinokonsidera ng teorya ang konteksto ng mga network at dinamika ng mga relasyon. Kung gayon, mahalagang kilalanin ang teorya bilang panimula sa pag-unawa sa papel ng mahihinang ugnayan, sa halip na siyang depinidong paliwanag rito.

Embed from Getty Images
An Indonesian youth, his face covered with toothpaste to counter the effects of teargas speaks on his phone during a clash with police on September 25, 2019 in Jakarta, Indonesia. (Photo by Ed Wray/Getty Images)

Online Kampara sa Offline

Sinusubok ng artikulong ito na tingnan ang pakikisangkot ng mga kabataan sa larangang politikal sa Indonesia sa iba’t ibang kalagayang politikal. Isinagawa ang malalimang panayam sa mga kabataang aktibista mula sa dalawang magkaibang grupo, ang mga kabataang aktibista ng partido politikal, mga kabataang aktibista ng mga non-governmental organization at mga kabataang aktibista ng ‘indipendiyenteng’ organisasyon ng kabataan.

“Malalim ang aking pakikisangkot sa kilusang #ReformasiDikorupsi sa Indonesia noong 2019. Isang dambuhalang kilusan ito laluna sa hanay ng mga kabataan. Gusto namin ng radikal na pagbabagong pampolitika sa Indonesia. Hindi namin gusto na sinisira ng mga oligarko ang mga reporma noong 1998, isang paraan nito ay ang pagpapahina ng Corruption Law. Gayunman, naramdaman kong lumalakas lamang ito sa online nang walang matibay na ugat sa offline. Oo, binigyan kami ng paraan ng digital para ipalaganap ang kampanya nang napakabilis at malawakan, subalit binigyan lamang kami nito ng maraming ‘kalahok’ sa mga protestang lansangan na walang tunay na pag-unawa sa tunay na mga kahilingan, ang radikal na pagbabagong pampolitika.” (Kapanayam 1, kasapi ng partido politikal ng kabataan)

Nang tanungin hinggil sa kanyang pakikilahok sa politikang grassroots sa Indonesia, nagbigay ang kapanayam ng malinaw na perspektiba sa dinamika ng kilusang kabataan bilang tugon sa paghina ng Corruption Act sa Indonesia noong 2019. Pinansin niyang limitado ang interkoneksyon sa antas ng diwa sa pagitan ng kampanyang online at kilusan sa offline at inilarawan ang huli bilang “mababaw.” Binigyang-diin rin niya na isa sa mga organisasyon na aktibo sa kampanyang online sa panahon yaon ay nagsusulong na ngayon ng “huwag bumoto” sa parating na halalang 2024, na sa kanyang pananaw ay isang malaking pag-atras. Ang kawalan ng makabuluhan at malawak na talakayan, kapwa sa online at offline, ay patunay na kaya ng aktibismong digital na maka-akit ng malaking bilang ng mamamayan, subalit mababaw pa rin ito sa katunayan. Ikinatwiran niyang kailangan ng mas malalim na pag-unawa at ugnayan para makapagpatuloy ang mga epektibong kilusang pampolitika.

Sa ibang konteksto, sa isa sa mga talakayan, nagbahagi ang ilang kasapi ng indipendiyenteng organisasyon ng kabataan hinggil sa kanilang mga hamon sa aktibismong pampolitika, kasama na ang oposisyon mula sa ibang grupong politikal at pressure groups dahil sa pananaw ng mga itong “maka-kaliwa” ang kanilang pampolitikang tindig. Itinataguyod ng organisasyong ito ang konsepto ng katarungang panlipunan sa kanilang mga pagsisikap sa higit isang dekada, at kumikilos upang magpasimula ng mga talakayan sa paksang ito kapwa sa mga daluyang online at offline. Sa kabila ng kanilang mga pagsisikap, patuloy silang nakakaranas ng mga kahirapan sa pagbubuo ng mas malaki at proresibong kilusan. Bagaman nakapagbuo sila ng mga ugnayan sa ibang grupong politikal at advocacy groups, nahihirapan pa rin silang dalhin ang kanilang aktibismo sa mas mataas na antas.

Nasisiraan ng loob ang mga kasapi ng grupo ng mga aktibistang pangkapaligiran dahil pakiramdam nila’y hindi sumusulong ang kanilang mga pagsisikap na magtaas ng kamulatan lampas sa kanilang sariling network hinggil sa mga usaping may kaugnayan sa kagubatan. Sa kabila ng pagkakaroon ng mga ugnayan sa iba pang grupong politikal at advocacy groups, hindi nagdudulot ang mga koneksyong ito ng makabuluhang pag-unlad sa kanilang aktibismo. Pakiramdam ng kabataan ay hindi umuugong sa ibang grupo na nagsusulong ng mga layunin na hindi pang-kapaligiran ang kanilang malalaman na talakayan hinggil sa mga usaping pangkapaligiran. Pinatatampok nito ang mga hamon na kinakaharap ng mga aktibista na kumawala sa kanilang echo chamber at umabot sa mas malawak na madla.

Embed from Getty Images
Young protesters are seen holding a climate emergency banner and placards during a ‘Fridays for Future’ demonstration in Jakarta, Indonesia, on September 20, 2019. (Photo by Afriadi Hikmal/NurPhoto via Getty Images)

Pakikinabang sa Mahihinang Ugnayan at Politika ng Kabataan sa Indonesia

Isa ang Indonesia sa mga bansang may pinakamalaking paglago sa koneksyon sa internet kungsaan tumagos na ito sa umaabot ng 74% (ng 202.6 milyon ng naninirahan rito), at 195.3 milyon ang gumagamit ng mobile internet (IDN Media, 2022). Sa mabilis na paglago ng bilang ng mga gumagamit ng internet, naging isang kinakailangang kagamitan na ang teknolohiyang digital sa aktibismong pampolitika at pagpapakilos sa Indonesia. Sa paglapit ng halalang 2024, ginagamit ng mga grupong politikal at advocacy groups ang teknolohiyang digital upang muling umugnay at magtaas ng kamulatan hinggil sa kanilang mga layunin. Gayunman, lumikha rin ito ng kapaligiran kungsaan madaling makulong ang mga indibidwal sa mga echo chamber, kung saan nakatatanggap lamang sila ng mga impormasyon at ideya na nakaayon sa kanilang mga umiiral na paniniwala. Sa paggalugad sa potensyal ng mahihinang ugnayan sa aktibismong pampolitika, maaaring maging posible na mapangibabawan ang mga hamon ng echo chamber at makapagsulong ng higit na inklusibo at iba-ibang diskursong politikal sa hanay ng mga kabataan sa Indonesia.

Ikinakatwiran ng artikulong ito na ang muling pagsuri sa konsepto ng “mahihinang ugnayan” sa aktibismong pampolitika ay maaaring makapagbigay ng mas mahusay na pagkaunawa sa penomenon ng echo chamber o “bubble politics” na naging malaganap na sa kalupaang pampolitika, laluna sa hanay ng mga kabataan sa Indonesia. Ang pag-imbestiga sa potensyal ng paggamit sa mahihinang ugnayan sa pagitan ng mga organisasyong pampolitika at advocacy groups para tugunan ang usapin ng echo champber sa larangan ng politika ay maaaring magbigay ng mga interesanteng kaalaman. Pinaniniwalaan na habang nagbibigay ang malalakas na ugnayan ng kritikal na suporta at pakiramdam ng komunidad, ang mahihinang ugnayan ang nag-aalok ng pagkalantad sa mga bagong impormasyon, rekurso at oportunidad. Sa mabilis na pagsulong ng teknolohiyang digital at patung-patong na paglago ng big data, may kakaibang oportunidad ngayon para suriin ang lakas ng mahihinang ugnayan kapwa sa online at offline. Ang integrasyon ng computational social science, network science, at big data analysis ay nag-aalok ng mahalagang perspektiba para sa mas malalim na pag-unawa sa dinamika ng politika, partikular sa hanay ng mga kabataan sa Indonesia at maaaring lampas pa rito.

Irendra Radjawali
KEMITRAAN—Partnership for Government Reform

Banner image: CTC Senen, Jakarta, Indonesia. Yoab Anderson, Unsplash

References

Kemenkominfo – Indonesian Ministry of Communication and Information (2021). https://www.kominfo.go.id/content/detail/34036/politik-digital-anak-muda/0/artikel

Saud, M. & Margono, H. (2021). Indonesia’s rise in digital democracy and youth’s political participation. Journal of Information Technology & Politics. Vol. 18, Issue 4.

Granovetter, M. S. (1973). The Strength of Weak Ties. American Journal of Sociology. Vol. 78, Issue 6. Pp. 1360-1380.

Lim, M. (2013). Many clicks but little sticks: Social media activism in Indonesia. Journal of Contemporary Asia.

M. (2017). Freedom to hate: social media, algorithmic enclaves, and the rise of tribal nationalism in Indonesia. Critical Asian Studies.

Krämer, N.C., Sauer, V. and Ellison, N. (2021). The strength of weak ties revisited: Further evidence of the role of strong ties in the provision of online social support. Social Media + Society. Volume 7, Issue 2.

IDN Media (2022). Indonesia Gen Z Report 2022.

Exit mobile version