Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Pakikisangkot ng Budismo at Pagbubuo ng Nasyon ng mga Vietnamese sa mga Maagang Sulatin ni Thích Nhất Hạnh

Kalimitang naaalala ang kilusang Budista ng Katimugang Vietnam noong dekada 1960 sa mga imahe ng protesta: nagmamartsang mga tao na may hawak na balatengga at mga monghe na nagsusunog ng sarili sa mga lansangan ng lungsod. Ang mga Budista ang pinakamalaking organisadong grupo na tumutol sa Republika ng Vietnam (RVN), na pinakakilala para sa “Budistang krisis” noong 1963 kungsaan libo-libo ang tumungo sa lansangan para tutulan ang mga opisyal na patakaran at manawagan ng representatibong pamahalaan. 1 Para sa mga Amerikanong tagapayo, nagsilbing patunay ang krisis na ito sa kawalan ng kakayahan ni President Ngô Đình Diệm na mamuno; pinatalsik siya sa pamamagitan ng isang kudetang militar na sinuportahan ng CIA sa katapusan ng taong yaon. Nagsulat ang mga historyador hinggil sa kalakasan at impluwensya ng kilusang Budista kabilang sina Robert Topmiller, James McAllister, Edward Miller, at Sophie Quinn-Judge. 2 Gayunman, salat ang pag-aaral sa makasaysayan at intelektwal na pundasyon ng kilusan, gayundin sa panloob na dinamismo at bisyon nito.

Sa pagsisikap na bigyang linaw ang mga ideya sa likod ng kilusang Budista, pinag-aralan ng sanaysay na ito ang mga sulatin ng isang maimpluwensyang monghe, si Thích Nhất Hạnh (1926-2022), na nagtaguyod ng Budismong lumalahok sa panlipunang pakikisangkot bilang isang uri ng di-marahas na patriyotismo at pagbubuo ng nasyon. Sa maagang bahagi ng kanyang buhay sa sentral at katimugang Vietnam, napansin ni Thích Nhất Hạnh na hindi tumutugon sa mga maka-mundong usapin ng tao ang tradisyunal na Budismo at nahihiwalay ito sa mga templo. 3 Para manatiling makabuluhan at para makapaglingkod sa panahon ng digmaang sibil, kinailangan ng mga pinunong Budista na makisangkot sa paghihirap ng lipunan. Sa pagitan ng huling bahagi ng dekada 1950 hanggang kalagitnaan ng dekada 1960, sinubukan hanggang sinukuan ni Thích Nhất Hạnh ang mga pagsisikap para ireporma ang tradisyunal na institusyong Budista at bumaling sa kabataan bilang mga ahente ng panlipunang pagbabago. Itinatag niya sa Saigon ang isang paaralan para sa Budistang edukasyon at gawaing panlipunan, umaasang mabibigyang kakayahan ang susunod na henerasyon na magbago ng landas: sa halip na makidigma, maaari nilang buuin ang kanilang bansa sa pamamagitan ng serbisyong panlipunan at di-marahas na pagkakasundo. Habang nagpakaabala ang ibang tumututol na Budista sa mga protesta laban sa pamahalaan at digmaan, si Thích Nhất Hạnh lamang ang tanging monghe na nag-organisa ng isang kilusang kabataang may positibo at pangmatagalang bisyon para sa Budismo at nasyunalismong Vietnamese.

Thích Nhất Hạnh in Paris in 2006. Wikipedia Commons

Pagtataguyod ng Nagkakaisa at Nakikisangkot na Budismo sa Vietnam

Lumitaw ang ideya ng Budismong lumalahok sa panlipunang pakikisangkot bilang bahagi ng pagpapanibagong lakas ng Budismo na naganap sa buong Asya noong maagang bahagi ng ika-dalawampung siglo. Gaya nang iba sa kanyang henerasyon, malakas na naimpluwensyahan si Thích Nhất Hạnh nitong kilusan sa pagpapanibagong-lakas. 4 Nagsimula siyang magsulat hinggil sa nakikisangkot na Budismo noong dekada 1950, nagsulong ng mga repormang institusyunal at sa paglaon ay nagbigay-sigla sa isang kilusang kabataan sa diwa ng panlipunang paglilingkod.

Ninais ni Thích Nhất Hạnh na magsilbi ang mga institusyong Budista sa kanilang bansang winasak ng digmaan at mag-ambag sa pagbubuo ng mapayapa at nagsasariling Vietnam. Marubdob siyang nagtaguyod ng mga repormang sa kanyang paniniwala ay magbibigay-daan sa pambansang koordinadong aksyong Budista. Naitala ang kanyang mga hangarin sa journal na Vietnamese Buddhism [Phật Giáo Việt Nam], kungsaan nagsilbi siya bilang punong patnugot mula 1956 hanggang 1958. Ito ang opisyal na journal ng General Buddhist Association [Tổng Hội Phật Giáo Việt Nam] – isang organisasyon na itinatag noong 1951 na nagbuklod sa anim na grupong Budista sa sentral at katimugang Vietnam.

Sa kanyang pagsusulat bilang punong patnugot sa ilalim ng pangalan sa panulat na Dã Thảo, tinuligsa ni Thích Nhất Hạnh ang pagtanggi ng mga pinunong Budista para tunay na magbuklod at magpakilos para sa kapakinabangan ng lipunan. Naglatag siya ng mga reporma na sa pananaw niya ay kinakailangan, kasama ang pagtanggap sa lahat ng grupong Budista na pumaloob sa General Buddhist Association, pagbubuo ng istandard na katuruan sa kumbento, pagpoprograma, at kasuotan sa lahat ng rehiyon, at pagsesentralisa ng pamumuno at pinansya. 5 Sa gayon, ginamit niya ang wika ng isang aktibista sa halip na ang maingat na tono ng isang opisyal na patnugot. Isinulat niyang ang lahat ng Budista ay “dapat tumanggap sa tunay na pagkakaisa bilang siyang pinakakagyat na tungkulin ng ating panahon. Isang pwersa ng kapayapaan ang Budismo, at ang General Buddhist Association ang ating nagkakaisang prente.” 6 Dramatiko siyang nanawagan sa mga pinuno ng Association na kumilos: “Maitatala ang inyong mga pangalan sa kasaysayan ng Budismo sa Vietnam…nakatingin sa inyo ang milyun-milyong mga mata, mahal na mga kaibigan. Tupdin ninyo ang inyong reputasyon bilang matatalinong pinuno at huwag biguin ang inyong mga deboto.” 7

Sa paggamit sa journal ng General Buddhist Association para tuligsain ang sariling mga pinuno nito, maaaring lumampas si Thích Nhất Hạnh sa kanyang papel bilang punong patnugot. Umabot siya sa puntong naglathala ng isang kampanya ng pagliham na nag-engganyo sa mga mambabasa na itulak ang General Buddhist Association na magsagawa ng mga reporma. 8 Nagsara ang dyornal matapos ang dalawang taon, kawalan ng pondo ang opisyal na dahilan. Gayunman, kumbinsido si Thích Nhất Hạnh na itinigil ng mga pinuno ng Association ang paglilimbag ng journal dahil nais nilang matigil ang kanyang mga puna at adbokasiya. Dinanas niya ang pagsasara ng journal bilang lubos na pagtanggi sa kanyang mga ideya, at malaking pagkawala ng potensyal para sa Budismong Vietnamese sa kalakhan. 9

Sa pananaw ni Thích Nhất Hạnh, nasasayang ang natatanging potensyal ng Budismong Vietnamese dahil nakokontento na ang mga pinuno nito sa pagsasagawa lamang ng mga tradisyunal na seremonya. Hindi nila ginagamit ang kanilang network at implumensya para tugunan ang mga kagyat na pangangailangan ng kanilang mga komunidad. Kalaunan ay isinulat niya, “Walang saysay ang pagsesermon sa komunidad na nagdurusa,” inilalarawan ang ideyal na papel ng nakikisangkot na Budismo. “Ang kailangang tunay na sermon ay aksyon, yaong uri ng aksyon na tunay na makapipigil sa binabatang pagdurusa.” 10 Matapos bale-walain at tanggihan ng mga pinunong monastiko ang kanyang mga ideya para sa mga institusyunal na reporma at pagpapakilos, ibinaling niya ang kanyang pokus at pag-asa sa bagong kulumpon ng mga aktor: ang mga nakababatang Budista.

Thich Nhat Hanh at Hue City, Vietnam (2007). Wikipedia Commons

Kabataang Budsita at Pagbubuo ng Nasyon

Sa maagang bahagi ng dekada 1960, sinimulan ni Thích Nhất Hạnh ang pag-oorganisa at pananawagan sa mga kabataang Budista na pamunuan ang daan tungo sa isang mapayapa at masaganang lipunan. Sa isang serye ng mga artikulo na pinamagatang “Pakikipag-usap sa mga Kabataan nasa Edad Dalawampu” [“Nói Với Tuổi Hai Mươi”], nanawagan siya sa mga mambabasa na pamunuan ang isang bago at pasipistang rebolusyon. Ipinagpapalagay niyang ang susunod na henerasyon ay uhaw sa mga solusyon at may lakas at enerhiya para magbunsod ng tunay na pagbabago.

Inilathala ang “Pakikipag-usap sa Kabataan” sa journal na Preserving the Fragrance of the Motherland [Giữ Thơm Quê Mẹ] sa walong bahagi, na nagtutuon ang bawat isa sa iba’t-ibang tema: kalungkutan [cô đơn], mga mithiin [lý tưởng], akademikong pag-aaral [học hành], pag-ibig [thương yêu], at relihiyon [tôn giáo]. Naghalinhinan ang mga artikulo sa mga banayad na pagtalakay sa mga pang-araw-araw na usapin at mga maaalab na panawagan na kumilos. Tila nais ni Thích Nhất Hạnh na kapwa pahinahunin at gisingin ang mga kabataan na naghahanap ng kanilang landas sa buhay sa gitna ng digmaang sibil. Nais niyang iparamdam na sila ay nauunawaan, at udyukin silang tutulan ang digmaan at mga istruktura ng kapangyarihan nito. Magsisimula ang pambansang kapayapaan sa pagpili ng susunod na henerasyon na kumilos ayon sa pag-ibig at pagdadamayan. “Kung marunong kayong umibig at magpatawad, magigising ang diwa ng ating bansa…magbubuntong-hininga ang mga baril at bala, luluha ang mga eroplano, mananahimik ang mga Granada, at hindi na magiging larangan ng digmaan ang ating bayan.” 11

Hinimok ng serye ang mga kabataan na tumindig laban sa mga awtoridad na responsable sa digmaan, nang walang paghihinanakit, at tanganan ang pamumuno sa paglikha ng bagong lipunan. “Tanging ang kolektibong pagkilos ng kabataan…ang may kapangyarihan para lansagin ang mga malay at di malay na istruktura ng lipunan,” aniya. Sa pagsasalin ng gayung bisyon sa kongkretong aksyon, itinatag ni Thích Nhất Hạnh ang isang paaralan kung saan mag-aaral ng relihiyon at gawaing panlipunan ang mga estudyanteng nasa kolehiyo bago sila mamuno sa mga proyekto para sa makataong pagtulong at pangkaunlaran sa kanayunan.

Itinatag ang School of Youth for Social Service (SYSS) [Trường Thanh Niên Phụng Sự Xã Hội] sa Saigon noong 1964. Sinanay ang mga estyudyante nito sa gawaing pangkaunlaran sa kanayunan kabilang ang paghuhukay ng balon, pagtuturo ng literasiya, pagbibigay ng batayang pangangalagang medikal, at pagpapakilala ng mga bagong paraan sa pagsasaka. Naghatid rin sila ng tulong sa mga lugar na apektado ng pambobomba at pagbaha. Ang layunin ay bigyang-kakayahan ang mga kabataang Budista na tanganan ang kinabukasan ng Vietnam sa kanilang mga kamay; buuin ang inaasam nilang bansa sa paisa-isang tahanan, paaralan at nayon. 12 Umasa ang SYSS sa mga templong Budista para maiugnay ang mga estudyante sa mga nayon sa kabuuan ng sentral at katimugang Vietnam. “Dapat na magsilbing tagapag-ugnay ang relihiyon, hindi isang bagay na awtoritaryan na naghihiwalay sa mga tao mula sa isa’t-isa,” isinulat ito ni Thích Nhất Hạnh, na maaaring nagpapahiwatig ng kanyang karanasan sa General Buddhist Association. 13

Maliitan ang antas ng mga proyektong pangkaluwagan at pangkaunlaran na pinamunuan ng mga kabataan – mas mababa sa sampung libong nagsipagtapos mula sa SYSS sa isang dekadang buhay nito – gayunman, pagpapahayag ito ng mas malawak na bisyon ni Thích Nhất Hạnh sa pagbubuo ng nasyon. Ang paaralan ay isang kilusang grassroots, tulak ng mga prinsipyong Budista, na naglalayong magtatag ng pundasyong ispiritwal at materyal para sa Vietnam. Walang paraan para malaman kung ang mga Budistang pagsisikap sa pakikisangkot gaya ng SYSS ay maghahatid ng malakihang pagbabagong politikal at ispiritwal na sa paniniwala ni Thích Nhất Hạnh ay kinakailangan. Gayunman, alam niyang hindi sila maaaring umasa sa mabagal na mga institusyong panrelihiyon o sa pamahalaan na desididong magbuo ng nasyon sa pamamagitan ng pakikidigma. “Itinatag ang School of Youth for Social Service sa diwang hindi natin kailangang maghintay sa pamahalaan,” aniya. 14 Optimistiko siya sa mga estudyante at kawani ng paaralan. Sa pagninilay sa kanilang gawain, isinulat niyang: “Ang kabataan…ay nangunguna sa landas tungo sa mga bagong batis ng kaisipan at aksyong Budista. Isinisilang nila ang nakikisangkot na Budismo.” 15

Buddha hall of the Từ Hiếu temple, Vietnam where Thích Nhất Hạnh was residing when he died on 22 January 2022, at age 95. Wikipedia Commons

Konklusyon

Sa loob ng sampung taon ng edukasyon at pag-oorganisa, itinanim nina Thích Nhất, kanyang mga kasamahan at mga estudyante ang mga punla ng nakikisangkot na Budismo sa loob at labas ng Vietnam. Noong 1966, habang namayani sa pahayagan at nakabagbag sa puso ng milyun-milyon sa buong mundo ang Digmaang Vietnam, nangibang-bayan si Thích Nhất Hạnh para palakasin ang mensahe ng mga Budistang Vietnamese laban sa digmaan. Nagpatuloy sa kanilang gawain ang kanyang mga estudyante matapos ang kanyang paglisan at pagkadestiyero. Sa pamamagitan ng kanilang edukasyon, gawaing pangkaunlaran at diplomasiya, nagsapraktika sila ng pagbubuo ng nasyon na naglalayong itaguyod ang mga Budistang pagpapahalaga sa pagdamay, walang dahas at pagkakasundo.

Binaka ng kilusang Budista sa Katimugang Vietnam ang mga internal na pagkakahati-hati at di-pagkakasundo, gayundin ang marahas na panunupil ng gobyernong RVN. Kumaharap ang SYSS ng malalaking usapin sa pinansya at kaligtasan; dose-dosenang mga estudyante at kawani ang nasaktan, dinukot, o pinaslang. Sa kabila ng mga kahirapang ito, nanatiling aktibo ang mga Budista hanggang sa pagtatapos ng digmaan noong 1975, nag-oorganisa ng mga protesta, mga petisyon, makataong tulong, at nagpapatakbo ng mga paaralan at ampunan. Ipinakita nila na ang kanilang praktikang panrelihiyon ay hindi nakakulong sa mga templo at monasteriyo. Sa halip, nakisangkot sila sa pinakakagyat na mga usapin ng digmaan, pamahalaan at civil society – at may mahalagang epekto ang kanilang mga pagsisikap sa pambansang politika at opinyong internasyunal.

Adrienne Minh-Châu Lê
Columbia University

References

DeVido, Elise Anne. “Buddhism for This World: The Buddhist Revival in Vietnam, 1920 to 1951, and Its Legacy,” in Modernity and Re-Enchantment: Religion in Post-Revolutionary Vietnam, by Philip Taylor, ed. Lanham: Lexington Books, 2007.

Lê, Adrienne Minh-Châu. “Buddhist Social Work in the Vietnam War: Thích Nhất Hạnh and the School of Youth for Social Service,” in Republican Vietnam, 1963-1975: War, Society, Diaspora by Trinh Lưu and Tường Vũ, eds. University of Hawai’i Press, 2023.

McAllister, James. “‘Only Religions Count in Vietnam’: Thich Tri Quang and the Vietnam War,” Modern Asian Studies 42, no. 4 (July 2008): 751-782.

Miller, Edward. “Religious Revival and the Politics of Nation Building: Reinterpreting the 1963 ‘Buddhist crisis’ in South Vietnam.” Modern Asian Studies 49, no. 6 (November 2015): 1903-1962.

Topmiller, Robert J. The Lotus Unleashed: The Buddhist Peace Movement in South Vietnam, 1964-1966. Lexington: University Press of Kentucky, 2002.

Notes:

  1. Edward Miller, “Religious Revival and the Politics of Nation Building: Reinterpreting the 1963 ‘Buddhist crisis’ in South Vietnam.” Modern Asian Studies 49, no. 6 (November 2015): 1903-1962.
  2. Robert Topmiller, The Lotus Unleashed: The Buddhist Peace Movement in South Vietnam, 1964-1966 (Lexington: University Press of Kentucky, 2002); James McAllister, “‘Only Religions Count in Vietnam’: Thich Tri Quang and the Vietnam War,” Modern Asian Studies 42, no. 4 (July 2008): 751-782; Sophie Quinn-Judge, The Third Force in the Vietnam War (London: I.B. Tauris, 2017); ibid.
  3. See articles under pen name Dã Thảo in Phật Giáo Việt Nam (1956-1958); and personal journal entries reprinted in Nẻo Về Của Ý (Hà Nội: Nhả Xuất Bản Hồng Đức, 2017).
  4. Elise Anne DeVido, “Buddhism for This World: The Buddhist Revival in Vietnam, 1920 to 1951, and Its Legacy,” in Modernity and Re-Enchantment: Religion in Post-Revolutionary Vietnam, ed. Philip Taylor (Lanham: Lexington Books, 2007), 251.
  5. Dã Thảo (Nhất Hạnh), “Thống Nhất Toàn Vẹn,” Phật Giáo Việt Nam (PGVN) 9 & 10 (April-May 1957), 12-13.
  6. PGVN (Nhất Hạnh), “Vấn Đề Thống Nhất,” PGVN 3 (October 1956), 5.
  7. PGVN, “Vấn Đề Thống Nhất,” 5.
  8. PGVN, “Thực Hiện”, PGVN 11 (June 1957), 3-4.
  9. Nhất Hạnh, Nẻo Về Của Ý (NVCY) (Hà Nội: Nhả Xuất Bản Hồng Đức, 2017), 17.
  10. Nhất Hạnh, “The Struggle for Peace in Vietnam,” in Religious and International Affairs, ed. Jeffrey Rose and Michael Ignatieff (Toronto: House of Amans, 1968), 130.
  11. Nhất Hạnh, “Nói Với Tuổi Hai Mươi” Giữ Thơm Quê Mẹ (GTQM) 4 (October 1965): 56-61.
  12. Adrienne Minh-Châu Lê, “Buddhist Social Work in the Vietnam War: Thích Nhất Hạnh and the School of Youth for Social Service,” in Republican Vietnam, 1963-1975: War, Society, Diaspora ed. Trinh Lưu and Tường Vũ (University of Hawai’i Press, 2023).
  13. Nhất Hạnh, “Nói Với Tuổi Hai Mươi” GTQM 11 (May 1966): 69-73.
  14. Nhất Hạnh, “History of Engaged Buddhism: A Dharma Talk by Thich Nhat Hanh” lecture delivered in Hanoi, Vietnam, May 6, 2008, in Human Architecture 6, no. 3, (Summer 2008): 35.
  15. Nhất Hạnh, NVCY, 286.
Exit mobile version