Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Pagkumpuni sa Relasyong US-Cambodia: Isang Perspektibo ng Cambodian

Ipinagdiwang ng Cambodia at United States ang ika-70 anibersaryo ng kanilang relasyong diplomatiko noong 2020. Naganap ang pagdiriwang sa gitna ng lumalaking kawalan ng tiwala at pagsususpetsa sa pagitan ng dalawang bansa. Sa nakaraang mga taon, hindi naging istable ang relasyong Cambodia-US dahil sa iba’t-ibang usapin, kasama na ang mga geopolitikal at istratehikong interes, karapatang pantao, demokrasya, at nitong huling, ang usapin tungkol sa China. 1 Gayunman, nabagahe ng mga akusasyon, komprontasyon at kawalan ng tiwala ang ugnayang bilateral nitong mga huling taon. Noong 2017, pinaratangan ng Cambodia ang US ng pakikipagsabwatan sa Cambodia National Rescue Party (CNRP), ang nalusaw nang pangunahing partido oposisyon ng Cambodia, laban sa pamahalaan ng Cambodia. Noong 2019, pinaratangan ng US ang Cambodia ng pakikipagpirmahan sa China ng isang lihim na kasunduan para pahintulutan ang pagpasok ng militar ng China sa Ream Naval Base ng Cambodia sa probinsya ng Preah Sihanouk. Kapwa itinanggi ng dalawang bansa ang mga paratang ng bawat isa at nagsikap na abutin ang pagkakasundo, gayunman, waring nabitag sa pabulusok na pag-ikid ang kanilang relasyon.

Sa artikulong ito, susuriin ko ang tensyonadong ugnayan sa pagitan ng Cambodia at US sa mga huling taon, at magmumungkahi kung ano ang mga kailangang gawin upang mapahusay ang relasyon sa konteksto ng pag-angat ng China at tumitinding ribalan ng US at China.

Tensyonadong relasyong Cambodia-US

Mula 2017, umabot sa pinakamababang antas ang relasyong Cambodia-US. Noong Enero 2017, kinansela ng Cambodia ang magkasanib na pagsasanay-militar nito kasama ang US, kilala bilang Angkor Sentinel, dahil umano sa abala ito sa komuna at pambansang halalan. Sinabi ni William Heidt noong Pebrero 2017, dating embahador ng US sa Phnom Penh, na dapat bayaran ng Cambodia ang $500 milyon nitong utang sa digmaan  – muling paniningil ito na nagbunsod ng pagtutol mula sa mamamayang Cambodian, partikular sa hanay ng mga pampulitikang lider, na nagtuturing sa naturang utang bilang “marumi” at “may-bahid-ng-dugo”. 2

Sa huling bahagi ng 2017, nilusaw ng isang kautusan ng korte ang CNRP. Malaganap na itinuring ang desisyong ito bahagi ng atake ng pamahalaan ng Cambodia sa indipendyenteng midya, civil society at mga grupong oposisyon. Dahil sa atake, walang katunggali ang namamayaning Cambodian People’s Party sa halalang 2018 na nagbigay-daan para mapanalunan nito ang lahat ng 125 pwesto sa Pambansang Asembleya. Pagkatapos ng halalan at mga atake na naghudyat ng pag-urong at paglala ng kalagayan ng karapatang pantao sa Cambodia, nagpataw ang US ng mga pagpaparusa kaugnay ng visa at pagbabawal na galawin ang mga ari-arian ng ilang nakatatandang opisyales ng Cambodia at malalaking negosyante na kaalyado ni Prime Minister Hun Sen, dahil umano sa katiwalian. Halimbawa, alinsunod sa Global Magnitsky Act, pinarusahan ng US Treasury Department si Hing Bun Hieng na kumander ng yunit ng bodyguard ni Hun Sen, at si Kun Kim na dating pinuno ng pinagsanib na staff ng Royal Cambodian Armed Forces. Nagpataw rin ng parusa ang US sa kumpanyang Chinese na Union Development Group (UDG) dahil sa pagkamkam at pagwasak sa lupain ng mga lokal na Cambodian. 3 Itinayo ng UDG ang proyektong Dara Sakor na nagkakahalaga ng $3.8 bilyon, may internasyunal na paliparan at may palapagan na kayang magpalapag ng Boeing 747 o sasakyang panghimpapawid pangmilitar.

121024-N-NJ145-024 GULF OF THAILAND (Oct. 24, 2012) Royal Cambodian Navy patrol crafts (PC 1141 and PC 1142) participating in the at sea phase with USS Vandegrift (FFG 48), during Cooperation Afloat Readiness and Training (CARAT) Cambodia 2012. Wikipedia Commons

Noong Disyembre 2020, napaso ang kwalipikasyon ng Cambodia para sa Generalised System of Preferences (GSP) ng United States at nakabitin pa ang pagpapanibagong-bisa nito. May ilang nagbabala na maaaring matanggal sa GSP ang Cambodia sa kalagayang lumalala ang estado ng demokrasya at karapatang pantao sa Cambodia sa mga nakaraang taon. 4 Kaugnay nito, ipinasa ng US House of Representatives ang Cambodia Democracy Act noong 2019, at muli, noong September 2021. Kung maaprubahan ang panukalang batas, magbubunga ito ng mga dagdag na parusa sa mga nakatatandang opisyales ng Cambodia na may kagagawan sa pagpapahina ng demokrasya sa Cambodia.

Noong Hunyo 2021, nagpasya ang US na tapusin ng mas maaga ang isang programang ayuda para labanan ang pagkakalbo ng kagubatan sa Prey Lang Wildlife Sanctuary ng Cambodia dahil umano sa kabiguan ng pamahalaan ng Cambodia na ipatigil ang iligal na pagtotroso sa mga protektadong lugar. 5 Lumabas ang desisyon matapos arestuhin ng mga awtoridad ng Cambodia ang ilang kabataang aktibistang maka-kalikasan. Ginawa rin ito ng Sweden noong 2020 nang magpasya itong tanggalin ang tulong pangkaunlaran para sa pamahalaang Cambodia at sa halip ay inilipat ang tulong para suportahan ang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao, mga nagtataguyod ng demokrasya at mga grupong civil society.

Noong Nobyembre 2021, pinarusahan ng Washington ang dalawa pang nakatatandang opisyal na militar ng Cambodia, kasama si Cambodian naval commander Tea Vinh, dahil umano sa katiwalian kaugnay ng konstruksyon ng Ream Naval Base, ang pinakamalaking baseng hukbong pandagat ng Cambodia. Ipinataw ang parusang ito matapos gibain ng Cambodia ang isang gusaling pinondohan ng US sa base noong Setyembre 2020 at lumalakas na pagkabahala sa Washington hinggil sa potensyal na presensya ng militar ng China sa Cambodia. 6

Dagdag pa, dahil sa lumalaking pagkabahala sa tinatawag nitong katiwalian, abuso sa karapatang pantao at lumalakas na impluwensya ng China sa Cambodia, nagpataw muli ang Washington ng panibagong pumpon ng mga parusa sa Phnom Penh , kasama ang embargo sa armas at mga bagong restriksyon sa pag-aangkat. Gumanti si Punong Ministro Hun Sen sa mga parusa at ipinag-utos na samsamin ang lahat ng armas ng US sa bansa at itambak sa bodega o wasakin ang mga ito. 7

Sinasalamin ng lahat ng mga parusa, palitan at pangyayaring ito ang tensyonadong ugnayan sa pagitan ng Phnom Penh at Washington na nagpapakita ng lumalaking kawalan ng tiwala sa pagitan ng dalawang bansa. Gayunman, pangunahin sa mga usaping ito ang paratang ng US na pinapayagan ng Cambodia ang Beijing na gamitin ang isang bahagi ng Ream Naval Base sa pangmilitar na gawain. Nakababahala ang usapin ng potensyal na pagpasok ng sandatang-lakas ng China sa Cambodia dahil lalong palalalain nito ang tensyonado  nang relasyon sa pagitan ng Cambodia at US. Palalakasin rin nito ang kawalan ng katiyakan at tiwala sa pagitan ng dalawang nasyon, partikular sa gitna ng mas malalawak na usapin hinggil sa presensya ng militar ng China sa Cambodia at lumalakas na impluwensya ng China sa Timog-Silangang Asya.

Habang inihahayag ng US ang higit na pagkabahala sa pagpaling ng Cambodia sa awtoritaryanismo at ang malapit na ugnayan nito sa China, susulpot at makakaapekto sa kinabukasan ng Cambodia ang maraming usapin gaya nang nabanggit na sa itaas. Nangangailangan na baliktarin ng Cambodia ang paglayo sa demokrasya at i-ugit nang mas matalino at mas maingat ang relasyong panlabas. Sa konteksto ng tumitinding ribalan sa pagitan ng US at China, kailangang iwasan ng Cambodia na maipit sa gitna ng paligsahan ng mga kapangyarihang ito, kung hindi’y maaaring harapin nito ang trahedyang dinanas niya kalahating siglo na ang nakalilipas. 8

The US delivers Janssen COVID-19 vaccines to Cambodia as part of the COVAX program in 2021. Wikipedia Commons

Ano ang kailangang gawin?

 Para makumpuni ang ugnayang Cambodia-US , iminumungkahi ng ilang tagasuri na dapat makipag-ugnayan ang US sa Cambodia lampas sa salik ng China para lumikha ng  “higit na kaaya-ayang kondisyon para sa pagbubuo ng kumpyansa at tiwala”. 9 Magandang mungkahi ito, ngunit ikinakatwirang kong higit na mabigat ang tungkulin ng pamahalaan ng Cambodia para hubugin ang pagkaunawa ng mga lumilikha ng patakan sa US at maibalik ang tiwala at kumpyansa upang mapahusay na muli ang relasyon. Para maabot ang layuning ito, kailangang pag-isipan ang ilang hakbang, partikular sa bahagi ng pamahalaang ng Cambodia, dahil mas malaki ang mawawala sa Cambodia kumpara sa US kung patuloy na madudungisan ng kawalang-tiwala at banggaan ang kanilang relasyong bilateral.

Una, kailangan munang tugunan ng Cambodia ang nadungisang imahe ito. Dahil sa mahigpit na pagkakahanay nito sa China, binansagan ang Cambodia bilang vassal state o proxy ng China. 10 Ang kahihiyan sa ASEAN noong 2012 nang maging Chair ang Cambodia ng ASEAN ay nagpalakas sa persepsyon na proxy state ng China ang Cambodia. Bagaman itinanggi ito ng Cambodia, mananatili ang gayung persepsyon sa kalagayang lumalakas ang presensya at impluwensya ng China sa Cambodia at sa kalawakan ng Timog-Silangang Asya. Kung gayon, kailangang maingat at matalinong isaalang-alang ng Cambodia ang salik ng China sa usapin ng gawaing internasyunal at mas malalawak na usaping geopolitikal. Kailangan nitong maingat na magtimbang sa pagbagtas sa ugnayan nito sa China at US, sa halip na sumunod sa China nang nakataya ang pangmatagalang seguridad.

Cambodia’s embassy in Washington D.C. Wikipedia Commons

Ikalawa, kailangang umiwas ang pamahalaang Cambodia mula sa mga aksyon na di-sinasadyang magpalaganap ng sentimyentong anti-US. Sa nakaraang ilang taon, sa pagtugon sa mga parusa at panggigipit ng US, ilang nakatatandang opisyal ng Cambodia ang gumanti sa US sa pamamagitan ng mga hindi maka-diplomatikong paraan. 11 Maaaring mag-engganyo ito sa mamamyan ng Cambodia ng mga negatibong sentimyento hinggil sa US na makasasama sa ugnayan nito sa US. Sa ganitong konsiderasyon, hindi dapat gumamit ang mga opisyal ng Cambodia ng diplomasyang “wolf warrior”. Sa halip, marapat na magtaguyod sila ng mas mahusay na pag-unawa sa mga interes at patakarang panlabas ng US at humanap ng mga paraan para mabigyang-puwang ang gayung patakaran, at tugunan ang mga panlipunan at pampolitikang usapin sa Cambodia.

Ikatlo, nakikitang paatras ang musmos pa at marupok na demokrasya ng Cambodia matapos ang paglusaw sa CNRP. Ang paglayong ito sa demokrasya ay natural na magiging mahirap para sa Cambodia na magkaroon ng makabuluhang pakikipag-ugnayan sa ibang bansa at organisasyong liberal demokratiko gaya ng US at European Union (EU). Ang bahagyang pag-atras ng EU sa iskemang pangkalakalan nitong Everything but Arms sa Cambodia noong 2020 at ang iba’t ibang parusang ipinataw ng US sa mga nakatatandang opisyal ng pamahalaaan ng Cambodia ay malinaw na mga halimbawa ng maasim na relasyon sa pagitan ng Cambodia at mga mayor na demokrasyang liberal. 12 Kung gayon, napakahalagang bumalik ng Cambodia sa landas ng demokrasya para mabigyang pag-asa ang mamamayan nito at ang mga katuwang sa kaunlaran na naghatid ng isang antas ng demokratikong kaunlaran sa Cambodia.

Ikaapat, sa muling pag-upo ng Cambodia bilang Chair ng ASEAN sa 2022, may oportunidad itong isulong ang ugnayang diplomatiko nito sa US at pahusayan ang relasyong ASEAN-US. Para maitaas ang relasyong Cambodia-US sa panibagong antas, kailangang tumalima ang Cambodia sa mga prinsipyo ng nyutralidad at kasarinlan sa kanyang patakarang panlabas. Bagaman mahirap para sa isang maliit na bansa gaya ng Cambodia na maagwanta ang mga impluwensyang panlabas, laluna sa panahon ng nag-iibayong paligsahan sa kapangyarihan, makabubuti para sa Cambodia na yakapin ang nyutral at multilateral na hakbang sa mga usaping rehiyunal at internasyunal. Kung kayang ipakita ng Cambodia sa mga matataas na antas na pulong gaya ng ASEAN Summit ang matatag at nagsasariling patakarang panlabas sa mga usaping rehiyunal at internasyunal, partikular yaong may kaugnayan sa China,  mabubuo ang higit na nagkakasundong relasyong Cambodia-US.

Ikalima, gumaganap rin ng mahalagang papel ang United States sa paghubog at pagpapahusay ng relasyon nito sa Cambodia. Kailangang nitong dagdagan, sa halip na bawasan ang pakikipag-ugnayan sa Cambodia at gawin ito nang mas istratehiko 13 Bukod pa sa pangangailangang tingnan ang Cambodia lampas sa salik ng China, laluna sa mga usaping kaugnay ng lumalakas na impluwensya ng China sa Cambodia at sa rehiyon, kailangang ring pagsikapan ng US ang pagbubuo ng tiwala at kumpyansa, partikular sa mga hanay ng mga pinuno ng Cambodia. Para sa layuning ito, nangangailangan na palakasin ng US ang kanyang pakikipag-ugnayan sa Cambodia lampas pa sa mga usapin ng demokrasya at karapatang pantao. Makakatulong ang dagdag na suporta sa pagpapaunlad ng imprastraktura at pagbangon ng ekonomiya matapos ang pandemya sa muling pagpapasigla at pagpapalakas ng ugnayang Cambodia-US.

Sa pagbubuod, samantalang may mahalagang papel ang United States sa pag-impluwensya sa relasyong US-Cambodia, dapat na ang Cambodia ang manguna sa pagpapahusay ng relasyong bilateral nito sa US. Dahil sa pagiging isang maliit na bansa na walang gaanong leverage, malabong maimpluwensyahan ng Cambodia kung paanong inilalarga ng US ang patakarang panlabas nito; gayunpaman, maaaring magsikap ang Cambodia na mabuo ang mutwal na pagtitiwala at pagkaka-unawaan. Kailangang pangasiwaan ng Phnom Penh ang relasyon nito sa pinakamalaking ekonomiya sa daigdig nang may pleksibilidad, hinahon at matalinong pagpapasya. Kailangan rin nitong isaalang-alang kung paano nito dinadala ang sarili sa mga larangang rehiyunal at internasyunal upang maiwasan ang pagturing dito na proxy state ng China dahil tiyak na makaka-antagonisa ito sa US na may kampanyang hangganan ang paglakas ng lumalaking impluwensya ng China sa Timog-Silangang Asya at sa mas malawak na rehiyon ng Asya-Pasipiko. Napakahalaga ng mahusay na ugnayang Cambodia-US para sa malusog na pag-unlad ng demokrasya at karapatang pantao sa Cambodia. Kung hindi, ilalagay sa alinlangan ng tensyonadong relasyon ang kinabukasan ng Cambodia.

Kimkong Heng
Si Kimkong Heng ay isang iskolar ng Australia Awards at kanidato sa PhD ng University of Queensland, Australia. Kasamang tagapagtatag rin siya at punong editor ng Cambodian Education Forum at visiting senior research fellow sa Cambodia Development Center. Kasama sa mga interes niya sa pananaliksik TESOL, research engagement at patakarang panlabas.

Notes:

  1. Leng, Thearith, and Vannarith Chheang, “Are Cambodia-US Relations Mendable?,” Asia Policy 28, no. 4 (2021): 124-133. https://muse.jhu.edu/article/836215/pdf
  2. Chheang, Vannarith, “Cambodia Rejects Paying ‘Dirty Debt’ to the US,” Al Jazeera, March 21, 2017, https://www.aljazeera.com/opinions/2017/3/21/cambodia-rejects-paying-dirty-debt-to-the-us.
  3. US Department of the Treasury, “Treasury Sanctions Chinese Entity in Cambodia Under Global Magnitsky Authority,” September 15, 2020, https://home.treasury.gov/news/press-releases/sm1121
  4. Suy, Heimkhemra, “Trade Holds the Key to the Renewal of US-Cambodia Ties,” The Diplomat, May 27, 2021, https://thediplomat.com/2021/05/trade-holds-the-key-to-the-renewal-of-us-cambodia-ties/
  5. Mech, Dara, “Updated: US Ends Funding in $21M Prey Lang Project, Citing Continued Logging,” VOD English, June 17, 2021, https://vodenglish.news/us-ends-funding-to-21m-prey-lang-project-citing-continued-logging/
  6. Ali, Idrees, “Cambodia Demolished U.S.-Built Facility on Naval Base: Researchers,” Reuters, October 3, 2020, https://www.reuters.com/article/us-usa-cambodia-military-idUSKBN26N39O
  7. Bangkok Post, “Angry Hun Sen Orders US Weapons Destroyed,” December 10, 2021, https://www.bangkokpost.com/world/2230015/angry-hun-sen-orders-us-weapons-destroyed
  8. Vann, Bunna, “As US-China Rivalry Grows, Will Cambodia’s Tragedy Return?,” Politikoffee, June 28, 2021, https://www.politikoffee.com/en/politik/5685
  9. Sao, Phal Niseiy, “US Engagement with Cambodia Needs to Move Beyond the ‘China Factor,’” The Diplomat, June 4, 2021, https://thediplomat.com/2021/06/us-engagement-with-cambodia-needs-to-move-beyond-the-china-factor/
  10. Heng, Kimkong, “Rethinking Cambodia’s Foreign Policy Towards China and the West,” International Policy Digest, May 31, 2019, https://intpolicydigest.org/rethinking-cambodia-s-foreign-policy-towards-china-and-the-west/
  11. Heng, Kimkong, “Cambodia in 2019 and Beyond: Key Issues and Next Steps Forward,” Cambodian Journal of International Studies 3, no. 2 (2019): 121-143. https://uc.edu.kh/cjis/CJIS%203(2)%20Heng%20paper%20abstract.pdf
  12. Heng, Kimkong, “The West’s Cambodia Dilemma,” Pacific Forum, October 13, 2020, https://pacforum.org/publication/pacnet-56-the-wests-cambodia-dilemma
  13. Heng, Kimkong, “The West’s Cambodia Dilemma,” Pacific Forum, October 13, 2020, https://pacforum.org/publication/pacnet-56-the-wests-cambodia-dilemma
Exit mobile version