Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Ang mga Kilusang Pangkapaligiran at ang Politika ng Moralidad: Muling pagbisita sa mga kilusang pangkapaligiran sa ilalim at, pagkatapos ng gobyernong militar na Thai

“Hindi tungkol sa politika ang aming kilusan.”

Narinig ko ang mga katulad na pahayag ng mga aktibistang pangkapaligiran sa Thailand nang maraming ulit, kapwa sa mga pampublikong talakayan at mga pribadong pagpupulong. Lalong uso ito sa hanay ng tatlong pangunahing pakikibakang pangkapaligiran kamakailan: 1) ang mga protesta laban sa Mae Wong Dam; 2) ang mga mobilisasyon laban sa pangangaso bunga ng iskandalo ng pagkatay ng isang negosyanteng Thai sa isang mabangis na itim na panther; at 3) ang mobilisasyon laban sa proyektong pabahay ng hudikatura na itinayo sa lupang sakop ng pambansang kagubatan ng Doi Suthep. Bakit itinatakwil ng mga kilusang pangkapaligirang Thai ang politika? Ano ang epekto ng depolitisadong environmentalism na ito? Paano maaaring pumihit ang mga pahayag na pangkapaligiran sa konteksto ng Thailand na tumitindi ang mga tunggalian? Sinisiyasat ko rito ang mga katanungang ito upang pagbulayan ang mge epekto ng depolistisasyon na ito. Kasama rin nito ang mga posibleng landasin ng mga kilusang pangkapaligiran na mas politicized, na kaakibat din ng layuning demokratisasyon sa Thailand.

Pagdepolitisa sa Kapaligiran

Naging karaniwan ang pagde-depolitisa sa ilalim ng National Council for Peace and Order (NCPO), ang juntang militar na namahala sa Thailand kasunod ng kudeta noong Mayo 2014 hanggang Hulyo 2019. Sa ilalim ng militar, nakibaka ang lahat ng uri ng aktibista kahit mapanganib ito para sa kanilang mga sarili at komunidad. Sa mapanupil na kontekstong ito, mauunawaang sinubukan ng mga kilusan na iagwat ang kanilang mga materyal na kahilingan sa mas masaklaw na pampolitikang panawagan upang manatiling ligtas. Ngunit sa ilalim ng pamahalaang pumalit sa NCPO matapos ang kahina-hinalang halalan ng 2019, nanatiling kimi ang mga pahayag ng mga environmentalist. Lagpas na sa estratehikong politika, sa aking pananaw, ang inihahayag ng patuloy nilang moda. Itinatampok nito ang batayang paniniwala, kundi man ideolohiya, na humuhubog sa mas malawak na politika ng mga environmentalist, katugtong ng kung paano nila idinidisenyo ang kanilang mga kilusan.

Hindi pangunahing hangarin ang pangangalaga ng kapaligiran ng karamihan sa mga kilusang environmental sa Thailand. Totoong iniuugnay nila ang mga usapin ng kabuhayan at paggamit sa likas na yaman sa mga usaping ito. Nguni’t mas pangunahing konsiderasyon ang katotohanang higit na nakakakuha ng pansin at suporta ng publiko ang “pangangalaga sa kapaligiran” kaysa sa mga usaping pangkabuhayan at likas na yaman.

Isang mainam na halimbawa ang kilusan laban sa panukalang Wong Dam sa probinsya ng Nakhon Sawan. Noong 2013, muling pinasigla ng kilusang iyon ang environmental politics ng Thailand, na napasailalim na sa mas malawak na tunggaliang politikal mula 2005. Taliwas sa mga naunang kilusang anti-dam, na nagdiin sa mga nakaambang masamang epekto sa kabuhayan ng mga lokal na pamayanan (at hindi sinuportahan ng mga middle class o nakaririwasang Thai), sumentro ang kilusang anti-Mae Wong Dam sa panawagang protektahan ang kagubatang tinatahanan ng ilan sa nalalabing populasyon ng mabangis na tigre sa Thailand. Nakakuha ito ng malawak na atensyon ang kilusan mula sa urban middle class. Para sa ilan, ito ay naging simbolo ng pakikibakang pangkapaligiran  sa nakaraang dekada.

Kahalintulad nito, dalawa pang depolitisadong kasong pangkapaligiran ang tumampok noong 2018. Tumugon ang una sa pangangaso ng mababangis na hayop  sa Thungyai Naresuan Wildlife Sanctuary ng isang malaking negosyanteng Thai. Dala ng karimarimarim na larawan ng mga mangangaso at balat ng isang pambihirang itim na panther na kanilang kinatay, nanawagan ng hustisya ang kilusan. Nangamba ang marami na makakalusot sa pag-uusig ang makapangyarihang mangangaso. Dala nito, nabigyang-pansin din ang katiwalian sa hudikatura at pangangalaga sa mababangis na hayop. Isinatinig ng mga nagpoprotesta ang katulad na mga usapin sa proyektong pabahay ng hudikatura na sumakop sa protektadong kagubatan ng Doi Suthep sa probinsya ng Chiang Mai. Kapwa nakalikha ang dalawang kaso ng protestang publiko at mga kilusang nananawagan ng mas mahigpit na pangangalaga ng mga kagubatan. Itinatampok rin nila kung paanong kaakibat ang katiwalian at abuso sa kapangyarihan sa pagkasira ng kapaligiran.

Bagaman binigyang-diin ng dalawang kaso ang kawalang-hustisya, nakatuon sila sa proteksyon ng kagubatan kaysa sa mas malawak na usaping sistemiko. Hindi nila hinahamon, at ng iba pang green” na kilusang environmental ang mga politikal at panlipunang istruktura na nagtatakda ng karapatan sa pagkuha, pamamahagi, proteksyon at paggamit ng likas na yaman. Inilalagay ng mga kilusang pangkapaligiran na ito ang proteksyon ng kapaligiran sa mga awtoridad kaysa hingin ang pantay na paggamit sa likas na yaman, pantay na proteksyon mula sa masasamang epekto ng pagkasira ng kapaligiran, at karapatang makalahok sa paglikha ng mga patakaran kaugnay ng likas na yaman. Sinalamin nila ang endemikong pagkakahati sa loob ngenvironmentalism sa Thailand. Halimbawa, hitik sa pagtatalo ang nakaraang tatlong dekada ng paggu-gubat ng komunidad (community forestry) sa pagitan ng mga grupong naniniwalang kailangang sa proteksyon ng mga kagubatan ang pag-aalis ng ng mga aktibidad ng tao, at mga grupo na nangangampanya para sa karapatan ng mga komunidad na pangasiwaan at pangalagaan ang kagubatan (tingnan, halimbawa, Forsyth & Walker 2008).

Pinalawig ng mga kilusang pangkapaligirang ito ang dimensyong moral at sentimyentong anti-korupsyon na namayani sa mga tunggaliang politikal sa Thailand sa nakaraang dekada. Sa loob ng balangkas na moralistiko, pinalalabas na bunga ng mga kahinaang moral ng mga indibidwal ang mga suliraning panlipunan—kaysa mga desisyong politikal, patakaran, o mga di-pantay na ugnayang panlipunan. Inilalayo ng moralistikong politika ng environmentalism ng panggitnang uri ang interes ng publiko mula sa mas malawak na mga usapin ng katarungang pangkapalagiran. Kahit nabibigyang-buhay sa lokal na antas ng komunidad na direktang apektado ng pagkasira ng kapaligiran ang mga kilusan laban sa mga proyektong mina na gumagamit ng balangkas ng katarungang pangkapaligiran, bigo silang makuha ang mas malawak na atensyon ng publiko.  Sa ganitong diwa, nagkakaroon ng mas malawak na pampulitikang bunga ang depolitisasyon ng mga usaping pangkapaligiran at mga kilusan pangkapaligiran sa Thailand.

Moralismo, Lokalismo, at Environmentalism

Maaaring maipaliwanag ang depolitisasyon ng mga usaping pangkapaligiran sa pamamagitan ng pagbabalik-aral sa mga ideolohiya at repertoryo ng mga kilusang pangkapaligiran sa Thailand. Ginamit kapwa ng mga green na kilusang pangkapaligiran at mga kilusang kaugnay ng katarungang pangkapaligiran ang balangkas ng environmentalism sa buong panahon ng proseso ng demokratisasyon ng Thailand. Sa isang banda, masasabing mainam ito sapahka’t nakakuha ng nakahihigit na suporta ang environmentalism mula sa panggitnang uri. Sa kabilang banda, iginigiit ng mga kilusang grassroots, na mas mainam basahin ang kanilang mga suliraning pangkapaligiran gamit ang tinatawag nina Guha at Martinez-Alier na ‘environmentalism ng maralita’ (Guha and Martinez Alier 1997, 12). Iginigiit nito ang kanilang karapatan sa likas na yaman sa paghahayag na sila ang mga tunay na tagapangalaga ng kapaligiran. Sa panahon ng demokratisasyon, nakapagbuo ang mga environmentalism ng mga alyansang cross-class na nagpalabo sa mga pagkakaibang ito. (Hirsch 1997, 192). Sa ganitong konteksto, hindi binigyang-prayoridad ng mga aktibista ang mga politikal na pahayag ng mga maralita sa takot na mawala ang suporta ng panggitnang uri.

Naiimpluwensyahan rin ang environmentalism ng mahihirap ng mga diskursong lokalista at kulturang pampamayanan. Naging pangunahing pananaw ito sa mga organisasyong civil society ng Thailand at mga kilusang grassroot mula nang magbukas ang kalagayang pampolitika ng bansa noong dekada 1980s. Nakatuon ang diskursong lokalista at kulturang pangkomunidad na ginagamit ng mga NGO sa pagkilala sa kabuhayang panlalawigan at lokal na kaalaman. Masasabing may pagtaliwas sila sa modernong kapitalistang pamumuhay at politikang representatibo. Tinitingnan bilang Kanluraning ideya ang demokrasyang elektoral na walang batayang moral. Sa kanilang tingin, nagiging lunan lamang ito kung saan minamanipula ng mga tiwaling politiko ang mga maralita para sa sariling pakinabang. Ipinakikilala ng diskurso ng maruming politika ang demokrasya bilang hindi angkop sa mga Budistang komunidad na Thai. Nangangatwiran silang sa halip ay dapat pamahalaan ang Thailand ng mga pinunong nakaaangat sa moralidad. Iniuugnay ng diskursong moral na ito ang isang sektor ng civil society sa konserbatibong naghaharing-uri na may katulad na politikang moral (Thorn 2016, 530). Binibigyang-diin ng parehong grupo ang “pagiging matuwid” ng “mabubuting tao” bilang  karapat-dapat na mamuno dala ng kanilang kabutihan kaysa sa mga halal na politikong pinili ng nakararaming mamamayan. Anila, walang kakayahan ang madla na pumili ng mabuting tao. Tinatanaw naman ang mga tunggaliang politikal at mga protesta bilang magulo at marahas napamamaraan ng pakikipaglaban para sa pampolitikang interes ng iilan, lalo na yaong mga inilulunsad sa ngalan ng demokrasya.

Sa loob ng ganitong mga diskursibo at institusyunal na konteksto naibalangkas ng mga kontemporaryong kilusang pangkapaligiran ang kanilang pakikisangkot sa politika. Magmula sa panahon ng pagpapatalsik sa pamahalaan ni Thaksin Shinawatra mula 2005at mga kasunod na protesta para patalsikin ang kanyang mga kaalyado sa pamahalaan (mula 2013 hanggang 2014), maraming organisasyong civil society at aktibista–kabilang yaong mga nasa kilusang pangkapaligiran ang nanawagan para sa panghihimasok ng militar sa demokrasya. Ginawa nila ito sa paniniwalang may mas mataas na katayuang moral ang militar kaysa mga politiko. Kapwa sa panahong ng mga kudeta noong 19 Setyembre 2006 at 22 Mayo 2014, hindi naghayag ng kanilang oposiyon sa kudeta ang maraming aktibistang pangkapaligiran. Lumahok pa nga ang ilang pinuno ng civil society sa proseso ng “repormang pampolitika” ng junta. Sa pananaw nila, pagkakataon ito para matanggal ang imoral na politika. Anila, mas maitataguyod ng gobyernong militar ang pangangalaga ng kapaligiran bilang matuwid na aksyong moral.

Isang nangungunang aktibistang pangkapaligiran pa nga ang nagpahayag ng pag-asa na “maaring samantalahin ng (NCPO) ang pagkakataong mabilis na ilatag ang mainam na sandigan sa panahong walang oposisyon” para lutasin ang pagkasira ng kapaligiran, pagkakalbo ng kagubatan,  o magpasa ng mga batas na maka-kapaligiran. Sinasabi nito ito habang kinikilala na mas tinututukan ng rehimen ang kaunlaran kaysa kapaligiran. Malinaw ang mga implikasyon rito: pinipiling tumugma ng politikang moral na pangkapaligiran sa paghaharing awtoritaryan ng militar.

Bangkok’s smog cloaking the Chao Praya River

Muling pagpo-politisa ng politikang pangkapaligiran?

Maaaring kabalintunaan na yakapin ng mga environmentalist ang gobyernong militar.  Matapos ang kudeta ng Mayo 2014, nagbigay ng malinaw na pag-uugnay ang gobyernong militar na pinamumunuan ng National Council for Peace and Order (NCPO) sa pagitan ng mga usaping pangkapaligiran at mga di-demokratikong istrukturang pampolitika. Naglabas ang NCPO ng ilang kautusan sa ilalimng Artikulo 44 ng 2016 Konstitusyong Interim. Pinahihintulutan nito ang pamahalaan na magpatupad ng mga proyektong pangkaunlaran na may limitadong pakikilahok ng publiko.

Marami sa mga proyektong ito ang may mabibigat na epektong pangkapaligiran kapwa sa kabuhayan ng mamamayan at sa likas na yaman. Halimbawa nito ang deklarasyong hindi kailangang tumalima ng mga Special Economic Zones (SEZ), pasilidad pang-produksyon ng enerhiya, at pamamahala ng basura sa mga batas sa pagpaplano ng lungsod at mga batas sa pagkontrol ng mga gusali (Mga Kautusan ng Pinuno ng NCPO Blg. 3/2559 at Blg. 4/2559). Pinahintulutan ding makuhang muli ng pamahalaan ang mga lupaing publiko at kagubatan para gamitin bilang SEZs nang walang pakundangan sa mga mamamayang nananinirahan o gumagamit ng mga lupaing yaon, maski mga ahensya ng pamahalaang nagmamay-ari ng lupa na nais tumutol (Kautusan ng Pinuno ng NCPO Blg. 17/2558). Pinahintulutan ng Kautusan ng Pinuno ng NCPO Bilang 9/2559 ang estado na maghanap ng mamumuhunan sa mga proyektong pang-transportasyon, irigasyon, public safety protection, ospital o proyektong pabahay. Binibigyan sila “ng  pangunahing halaga” kahit hindi pa matapos ang Environmental Impact Assessment (EIA). Nanatili ang mga kautusang ito hanggang ngayon. Nagbunga rin ang mapanupil na pamunuan ng NCPO at ng mga kasunod na pamahalaan ng malaganap na pag-aaresto, paniniil at pananakot sa mga aktibistang pangkapaligiran, katuwang ng iba pang aktibistang pampolitika.

Marami sa mga aktor na civil society sa Thailand na aktibong nangampanya para sa karapatan sa kabuhayan, o para sa mga pagbabago sa patakaran bago pumutok ang mga krisis ng 2005, ang nanahimik sa gitna ng panunupil ng militar. Kahit may ilang tumututol sa mga ilang patakaran, madalas silang magpigil sa paghiling ng demokrasya at naggigiit ng kanilang di-politikal na tindig. Kahit noong tinuligsa ng isang network ng mga kilusang pangkapaligiran ang mga problematikong kautusan ng NCPO, yumuko sila sa awtoridad ng Konsitusyong Interim nang walang pagtutol awtoridad nito, maski na sa di-demokratikong pinagmulan nito.

Hindi ko sinasabing depolitisado ang lahat ng kilusang pangkapaligiran sa Thailand. Sa katunayan, ilan sa mga kilusang may kaugnayan sa karatungang pangkapaligiran (hal., mga komunidad na apektado ng pagmimina o ng plantasyon ng tubo at biomass power plant) ang nananawagan hindi lamang batay sa proteksyon ng kapaligiran,kundi naghahayag ng pagtutol sa rehimeng militar, nananawagan ng demokrasya kasabay ng kanilang paglaban sa mga proyekto. Hindi kiling sa moral-environmentalism ang mga pahayag na ito, kundi sa mga dikurso sa karapatang pantao at mga demokratikong prinsipyo. Kalimitan, naghahayag ang mga aktor na ito nang walang takot na mabansagang politikal ang kanilang mga layunin. Naging bukas ang ilan para dito at nakipagkaisa pa para sa pagbubuo ng  Commoners Party sa eleksyong 2019.

Bagaman hindi natin maaring uriin ang mga ito bilang istriktong “kilusang pangkapaligiran”, malakas ang kanilang adhikain na protektahan ang kapaligiran at maaari nitong mabago ang mukha ng mga kilusang pangkalagirin sa Thailand sa paglaon. Sa pag-unawa sa politikang pangkapaligiran sa Thailand, kinakailangang tuntunin natin ang impluwensya ng mga ganitong pagsisikap na muling i-politisa ang environmentalism kasabay ng mga umiiral na diskursong moral-environmental.

Bencharat Sae Chua
Lecturer, Institute of Human Rights and Peace Studies, Mahidol University

Banner: Protesters hold an anti-Mae Wong Dam rally on September 22,2013 in Bangkok, Thailand. The protesters known as Stop EHIA Mae wong Dam by walking 388 Km. from Mae wong to Bangkok. Photo: jirawatfoto / Shutterstock.com

Reference:

Forsyth, T & Walker, A 2008, Forest Guardians, Forest Destroyers: The politics of environmental knowledge in northern Thailand, University of Washington Press, Seattle.
Guha, R & Martinez Alier, J 1997, Varieties of Environmentalism: Essays North and South, Earthscan Publications, London.
Hirsch, P 1997, ‘The Politics of Environment: Opposition and legitimacy’, in Hewison, KJ (Ed.) Political change in Thailand: Democracy and participation, Routledge, New York, pp. 179-194.
Thorn P 2016, Redefining Democratic Discourse in Thailand’s Civil Society. Journal of Contemporary Asia. Vol 46, No. 3, 520-537.

Exit mobile version