Ang matamlay na atmospera ng halalang 2019 ay isang palatandaan na ang landas tungong demokrasya para sa Thailand ay patuloy na nasasagkaan ng dati nang tagapagbantay—ang naghaharing-uri na suportado ng junta. Ang Partidong Pheu Thai, na siyang nangungunang partidong oposisyon, ang nakakuha ng mayorya ng mga pwesto sa parlyamento ngunit nabigo itong bumuo ng gobyerno. Ano ang kahulugan ng resulta ng halalang ito para sa mga botante sa Hilagang-Silangang rehiyon (kilala rin bilang Isan)? Magiging simula kaya ng pagpapanibagong-sigla ng kilusang Redshirt ang hudyat ng determinasyon ng lider ng junta na si General Prayuth Chan-ocha, na malaon nang naging ekspresyon ng pulitikal na pagkadismaya sa Isan? Katwiran ko na ang katauhang Pula, at ang political na pagkakakilanlan sa Isan sa pangkalahatan, ay higit na mas masalimuot sa taong 2019, subalit hindi ito umunlad patungo sa isang etnikong pampulitikang kilusan.
Ang Kasaysayan ng mga Redshirt sa pampulitikang kalagayan ng Thailand
Hinati ang bansa ng mga tunggaliang pampulitika na nagbunsod ng coup na nagpatalsik sa kontrobersyal na Punong Ministro na si Thaksin Shinawatra. Sa isang panig ay nariyan ang kilusang Yellowshirt (kilala bilang People’s Alliance for Democracy—PAD) na masidhi ang pag-ayaw kay Thaksin at sa kanyang mga ka-alyado, sa mga batayan ng korupsyon, nepotismo, pag-abuso sa kapangyarihan at anti-royalismo. Karamihan sa mga Yellowshirt ay mga panggitnang-uring taga-lungsod na nagpahayag ng kanilang pag-ayaw sa mga tiwaling politiko at nagtaguyod ng mga konserbatibong pagpapahalaga na iniuugnay sa “pagka-Thai”. Naglunsad sila ng sunud-sunod na protesta sa pagitan ng 2005 at 2006 na naglalayong patalsikin si Thaksin, isang pagsisikap na naisakatuparan sa coup noong 2006. Sa kabilang panig ay ang kilusang Redshirt (kilala bilang United Front for Democracy Against Dictatorship—UDD), na nabuo noong 2007 bilang tugon sa coup at sa kilusang Yellowshirt. Buhat sa iba’t-ibang sosyo-ekonomikong pinagmulan ang mga kabilang sa Redshirt, subalit ang mayorya sa kanila ay mula sa mga probinsya sa Hilaga at dahop na Hilagang-Silangan (kilala rin bilang Isan) (Naruemon and McCargo 2011).
Noong 2014, pinatalsik ng junta militar na pinamunuan ni General Prayuth Chan-ocha ang gobyernong kaugnay kay dating Punong Ministro Yingluck Shinawatra, nakababatang kapatid na babae ni Thaksin. Tumampok muli sa gitna ng pulitika ang mga protesta sa langsangan na “color-coded”. Inilunsad ang coup sa pamamagitan ng mga protesta sa lansangan ng People’s Democratic Reform Committee (PDRC)—na binubuo ng koalisyon ng mga dating nagpoprotestang Yellowshirt, mga taga-suporta ng naghaharing-uri, at mga grupong laban kay Shinawatra— at kontra-protesta ng mga Redshirt bilang dahilan. Gayunpaman, habang hindi nadamay ang mga lider ng PDRC sa pang-haharass ng mga militar pagkatapos ng coup noong 2014, malupit na sinupil ang mga Redshirt sa buong bansa (Saowanee and McCargo 2019). Dahil sa mga marahas at mapanupil na hakbangin ng junta, talagang naparalisa ang kilusang Redshirt. Kagyat na pagkatapos ng coup, naging maliliit at kalat-kalat ang mga protesta, na kalakha’y inorganisa ng mga estudyante sa unibersidad, mga akademiko, o yaong mga hindi kumakabilang na pula o dilaw.
Dalawang taon matapos ang coup, sa wakas ay nagsimulang lumantad muli ang mga Redshirt, na nagpakita ng suporta sa pagdalo sa iba’t ibang pampulitikang kaganapan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa pinakamalaking pagtitipon pagkatapos ng coup na inorganisa para siyasatin ang borador na konstitusyon sa Thammasat University noong Hulyo 24, 2016, malaking bilang ng mga Redshirt ang nagtipon, suot ang kanilang mga pulang damit at kagamitan. Sinubukan ng mga Redshirt na magasagawa ng mga sariling aktibidad, tulad ng pagbabantay sa reperendum, subalit hindi ito pinahintulutan (Saowanee and McCargo 2019). Sa pagpapatuloy ng paghahari ng junta, dagdag pa, patuloy na binayo ng mga kasong ligal ang mga lider ng Redshirt. Ang iba ay tumakas ng bansa samantalang ang iba pa ay inaresto, nilitis sa hukumang militar, at ipiniit. Sa aking mga byahe para sa pananaliksik sa panahon ng junta, naiuwi ko ang mga naratibo ng poot at pagkadismaya. Sa isang pagkakataon, habang kinakapanayam ko ang isang grupo ng mga Redshirt sa Ubon Ratchathani, sa halip na sagutin ang aking mga tanong, hindi inaasahang isa sa kanila ang nagtanong kung kailan may titindig upang maging lider para palayasin ang mga militar. Nanatiling relatibong tahimik ang mga Redshirt subalit malalim ang kanilang pagkadismaya, at naghihintay na magluwag ang mahigpit na kapit ng militar.
Ang mga Redshirt at ang halalang 2019: Lumalaking siphayo
Matapos ang sunud-sunod na pagkabalaho nang halos limang taon, sumapit rin sa wakas ang pangkalahatang halalan noong Marso 2019. Kumilos ang mga Redshirt. Tulad sa nakaraan, lumitaw sila sa mga pangangampanya at raling pang-masa ng Pheu Thai suot ang mga pulang kamisetang UDD. Ang kaibahan sa pagkakataong ito, hindi binanggit ng mga punong tagapagsalita ng partido ang ugnayan nila sa kilusan, bagaman hindi hinadlangan ang ibang tagapagsalita na gawin ito. Nagsalita ang mga lokal na lider ng UDD-Pheu Thai hinggil sa mahirap na kalagayan ng mga Redshirt bago at matapos ang coup, lalo na ang mga pagdurusang dinanas ng mga lider ng Redshirt habang nakabilanggo—na nagpapalakas sa hinaing hinggil sa di-pantay na pagtrato, na siyang ipinaglaban ng kilusan noong kasiglahan ng mga protesta. Tumugma ang retorikang ito sa platapormang anti-junta, na mainit na tinanggap ng mga tagapakinig.
Dumalo rin ang mga Redshirt sa mga rali ng mga anti-junta na partidong Pheu Chart at ng dating partidong Thai Raksa Chart. Ang utak sa kampanya ng Pheu Chart ay ang Tagapangulo ng UDD na si Jatuporn Promphan. Maraming mga Redshirt ang umupo sa harapan ng mga rali sa probinsya ng Kalasin, bilang alaala ng mga panahon nila sa rali noong 2010. Sa pamumuno ng isa pang lubhang ma-impluwensyang lider ng UDD at orador na si Nattawut Saikua, naakit din ng nalusaw na Thai Raksa Chart ang interes ng mga Redshirt. Noong March 13, 2019 sa probinsya ng Roi Et, matapos mabuwag ang partido dahil sa paratang ng pagnomina sa dating prinsesang Ubolratana bilang kandidato sa pagka-Punong Ministro, nagtalumpati si Nattawut Saikua na nanghihimok sa mga botante na bumoto para sa alinmang partidong kumakatawan sa mga pagpapahalagang demokratiko at anti-junta. Dito rin, lumitaw ang mga Redshirt sa unahang hanay at masiglang pinalakpakan ang mga tagapagsalita.
Ipinapakita nito na sa larangan ng pulitikang elektoral, hindi lang sa pamamagitan ng Pheu Thai kinikilala ng mga botanteng Isan ang kanilang “pagiging Pula”. Sa kanilang pananaw ay mas marami silang mapagpipilian. Marami pa rin sa kanila ang sumusuporta sa Pheu Thai dahil tulad nila, nakikita nila ang partido bilang biktima ng kawalan ng katarungan, at magkakasamang nakikipaglaban mula pa noong coup noong 2006. 1 Hindi na ito nakakagulat. Bilang bahagi ng aking proyektong pananaliksik hinggil sa kanilang mga paniniwalang pampulitika, nakapanayam ko ang mga Redshirt pagkatapos ng halalan. Isang interesanteng pagkatuklas ay marami sa kanila, lalo na yaong mga pinakamasugid na nagpoportesta, ang pumabor sa mapangahas at komprontasyonal na istilo ng lider ng Future Forward Party na si Thanathorn Juangroongruangkit. Ang ilan ay nagpahayag ng pabor para sa isa pang pulitikong anti-junta na si Police General Seripisut Temiyavet, dahil sa pananaw na isang awtokratikong karakter din lamang ang makakatapat sa awtoritaryanismong militar na naghahari sa bansa sa maraming taon. 2
Gaya nang sinabi sa akin ng ilang Redshirt, hindi kaya at hindi nagawa ng halalan na resolbahin ang matagal nang mga tunggalian sa bansa. Gaya nang nasaksihan na natin, naging bahagi ang halalan sa mga problema dahil pinahintulutan nitong dumami ang mga kalahok na lantaran sa paggamit ng kapangyarihan sa kapakinabangan ng naghaharing-uri. Pinayagan rin nito ang pagpapatuloy ng impluwensya ng militar sa pulitika. Habang papalapit ang paghatol sa mga kaso ni Thanathorn sa panahong isinusulat ito, at sa paglala ng pang-araw-araw na kahirapang pang-ekonomiya, walang katiyakan na hindi muling sisiklab ang mga malakihang protestang lansangan. Subalit higit na maingat ang ilang Redshirt, pinipili nilang ipagpatuloy muna ang kanilang pakikibaka sa pamamagitan ng sistemang parlyamentaryo. Gayunpaman, kapag tinatanong ko sila kung ano ang kanilang gagawin sakaling humantong ang sitwasyon sa puntong hindi na makagana ang parlyamento, marami sa kanila ang nagwikang, “ja ok maa” [lalantad], ibig sabihi’y bukas pa rin silang tumungo sa lansangan at lumahok sa mga demonstrasyon.
Kung kaya’t, bagaman maaring hindi suot ng mga aktibistang Redshirt ngayon ang kanilang “pulang” kamiseta, naisakatuhan nila ang kanilang mga pampulitikang karanasan at paniniwala. Sa kabila ng pagdanas ng malupit na panunupil at pagsaksi sa paghihirap at pagkamatay ng kanilang mga lider at kapwa aktibista, patuloy na nakikibahagi sa pulitika ang mga ordinaryo at tumatanda nang mga taga-protesta, sa pamamagitan ng pagsubaybay sa balita at patuloy na ugnayan sa kanilang mas maliliit at malalapit na pangkat, naghihintay ng pagkakataon upang ipamalas ang kanilang “pagka-pula.” Hindi natin batid kung ano ang magiging anyo ng pagkakataong ito at kung paanong eksaktong ihahayag ng mga aktibista ang kanilang “pulang” ideolohiya. Ang alam natin ay nananatili sa laban ang kilusan, natutulog ngunit hindi napupukaw.
Ang Pagkakakilanlan na Redshirt at Pagkakakilanlan na Isan
Sa paglaon ng panahon, partikular na naiugnay ang kilusang Redshirt sa rehiyon ng bansa na may pinakamalaking populasyon, ang Isan. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugang isang kilusang etniko ang kilusang Redshirt. Una, may mga Redshirt sa lahat ng rehiyon ng Thailand, kasama ang mga balwarte ng oposisyon sa Timog. Ikalawa, hindi lahat ng mamamayang naninirahan sa Isan ay mga Redshirt. Kung gayon, ano ang relasyon sa pagitan ng pagkakakilanlan na Isan sa kilusang Redshirt?
Gaya nang naisulat ko sa iba, ang mga pagkilos ng kilusang Redshirt ay hindi magkakatulad (Saowanee and McCargo 2016, 2019; Saowanee 2018). Ang pangunahing organisasyon na namumuno sa koalisyong Redshirt ay ang United Front for Democracy against Dictatorship (UDD), ngunit hindi lamang ito isa. Tunay nga, may iba’t-ibang pangkat sa kilusan, bagaman lahat sila ay nagsasabing sumusuporta sa demokrasya. Hindi lahat ng Redshirt ay sumuporta kay Thaksin (ang iba ay galit sa kanya). Sa kabilang banda, mayroong mga bumoto sa PT at gusto si Thaksin ngunit hindi kailanman lumahok sa mga rali ng Redshirt at tinatawag pa rin ang kanilang mga sarili bilang “pula.”
Dagdag pa, mayroon pang ibang kilusang hindi Redshirt sa Isan. Karaniwang nakabatay ang mga ito sa mga layuning bukod pa sa pulitika, tulad ng Assembly of the Poor. Sa nakaraan, kalimitang umiiwas ang mga grupong nagpoprotesta na bansagang “pulitikal” ang kanilang mga layunin dahil sa malalim na pagka-ugat na pananaw sa lipunang Thai na “masama ang pulitika”. Gayunpaman, niyakap ng kilusang Redshirt ang pagkakakilanlan nito bilang isang “kilusang pampulitika”. Ibinunsod nito na dumistanya ang ilan sa ibang kilusan sa pagkakakilanlan na Redshirt. 3 Sa kanilang mga protesta kamakailan noong Oktubre 2019 sa Bangkok, inihayag ng ilang nagpoprotestang Assembly of the Poor ang kanilang siphayo na hindi nila nais na mai-ugnay sa pulitikang elektoral, natatakot na gamitin ng pamahalaan ang gayung pagkaka-ugnay upang paratangang mayroong nagmamanipula sa kanila mula sa likuran (hal., si Thaksin).
Sa pangkalahatan, kakambal ng pagkakakilanlang “pula” ang ilang panganib at social stigma. Maraming mamamayan ang natatakot na masupil kung lantaran nilang aaminin na sila ay mga pula dahil sa ilang nakikitang katangian tulad ng pagiging anti-monarkiya, anti-junta at iba pa. Ilan sa mga dating masigasig na nagpoprotesta ang atubiling magsabing sila ay “pula” kahit pa bumoto sila para sa Pheu Thai.
Ipinahihiwatig nitong bagaman maaaring pinaka-dominante ang pagkakakilanlan na “pula”, hindi ito maaaring ilarawan bilang pagkakakilanlan ng rehiyon ng Isan, o ng mamamayang Isan. Maliit ang posibilidad na maging lokasyon ang rehiyon ng digmaang sibil na nakabatay sa etnisidad, gaya nang sinasabi ng ilang nagmamasid. Bagama’t naroroon ang etnikong pagkakakilanlan, hindi sapat ang lakas nito upang maging pwersang magtutulak para sa separatismo. Matagumpay na naipaloob at nabago ang pagkakakilanlang Lao patungo sa rehiyunal na pagkakakilanlan sa Thailand. (Saowanee and McCargo 2014; Ricks 2019).
Hindi naman nito sinasabing hindi naghahayag ang kilusang Redshirt ng mga siphayo na kalakhang dala-dala ng mga mamamayan sa rehiyon. Malakas ang paniniwala ng mamamayan ng Isan na sila ay mga lehitimong botante/mamamayan at naging pangunahing tulak ito sa kanila para lumahok sa pulitika, sa kapwa Redshirt at hindi Redshirt. Tinitingnan ng mga kapwa Redshirt at hindi Redshirt ang kawalan ng pagkakapantay-pantay bilang isang malaking suliranin sa Thailand, at may pakiramdam silang ang rehiyon ng Isan ay pinabayaan at sinamantala sa halip na pinaunlad. Kung gayon, bago pa isilang ang mga Redshirt ay nakikibaka na ang mamamayang Isan upang ihayag sa estado na makinig ito sa kanila hinggil sa iba’t-ibang mga layunin. Nagkakatulad ang kilusang Redshirt at kulturang pampulitika ng rehiyon ng Isan sa mithiin para sa pagkakabuklod at pag-unlad (tingnan Saowanee 2019b). Sa gayon, hindi natin nakitang bumaling ang mga organisasyong Redshirt ng Isan sa retorikang etnik o sa mga layunin ng separatismo.
Saowanee T. Alexander
Ubon Ratchathani University, Thailand
References:
Saowanee T. Alexander & McCargo, D. 2016, ‘War of words: Isan redshirt activists and discourses of Thai democracy’, South East Asia Research, vol. 24, no. 2, pp. 222-241.
Naruemon Thabchumpon & McCargo, D. 2011, ‘Urbanized villagers in the 2010 Thai Redshirt protests: Not just poor farmers?’, Asian Survey, vol. 51, no. 6, pp. 993-1018.
Saowanee T. Alexander, 2018, ‘Red Bangkok? Exploring political struggles in the Thai capital’, Critical Asian Studies, vol. 50, no. 4, pp. 647-653.
Saowanee T. Alexander, 2019b, ‘Isan; Double trouble’, Contemporary Southeast Asia, vol. 41, no. 2, pp. 183-189.
Saowanee T. Alexander & McCargo, D. 2019, ‘Exit, voice, (dis)loyalty: Northeast Thailand after the 2014 coup’, in MM Montesano, T Chong, M Heng (eds.), After the coup: The National Council for Peace and Order era and the future of Thailand, ISEAS, Singapore, pp. 90-113.
Notes:
- Saowanee T. Alexander, 2019a, ‘Cooptation doesn’t work: How redshirts voted in Isan’, New Mandala, 10 April, viewed 16 October 2019, https://www.newmandala.org/cooptation-doesnt-work-how-redshirts-voted-in-isan/. ↩
- However, judging from their outward appearances, no Redshirts attended Future Forward rallies, although some did attend at least the rally in Ubon Ratchathani Province. This suggests that for whatever reason these Redshirts did not want to display their identity at Future Forward Party rallies. The reason behind this is worth investigating, but suggests that there is a degree of reservation among the Redshirts in openly supporting Future Forward Party. ↩
- Ironically, activists such as the Assembly for the Poor, have many similarities to the Redshirt movement in terms of their goals. There have always been a multitude of groups in Isan protesting against state-initiated mega projects before the Redshirts also began talking about inequality and unfairness. ↩