Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Integrasyon sa kabila ng Ekslusyon: Ang Pambansang Pagkakakilanlan na Thai sa mga Mamamayan ng Isan

Ubon Thani Northeast Thailand KRSEA

Ang Isan, ang mamamayang gumagamit ng wikang Lao sa Hilagang-Silangang Thailand, ay malaon nang nakararanas ng diskriminasyon at eksklusyon sa mga kapakinabangang kaunlaran na naipon sa sentral na kapatagan ng Thailand at Bangkok. 1 Tunay nga, ang mga patakaran ng pamahalaan sa maraming dekada ay “pumiga sa kanayunang parang mga nasakop na probinsya” 2 upang pondohan ang kapital at mag-abuloy sa manggagawang taga-lungsod. Dagdag pa, dehado ang mga katutubong Isan sa istriktong antas ng kaalaman sa pananalita at burukrasya ng estado. 3 Sa larangan ng ekonomiya, nahuhuli sa buong bansa ang rehiyon ng Isan, na may mas mataas na tantos ng kahirapan gayundin ang mataas na pagkakabilang sa impormal na sektor. 4 Sa larangan ng politika, sa kalakha’y ineetsa-pwera rin ang Isan, kung saan lubhang kakaunting katutubong Isan ang umaakyat sa mas matataas na pwesto sa politika; ang ilang nakagawa nito noong bandang 1940s ay pinaslang ng estadong Thai. 5 Mula nang panahong iyon, relatibong kakaunting indibidwal na naiuugnay sa Isan ang nakakuha ng pagkilalang politikal, bagaman binubuo nito ang halos 30 porsyento ng populasyon. 6

Pigura 1. Mga grupong pangwika sa Thailand.
Source: Lewis et al. (2015); Premsrirat et al. (2004)

Sa gayong ekslusyon, hindi na nakakagulat kung maganap ang mga etnikong mobilisasyon. Tunay nga, malaki ang posibilidad na maging epektibo ang ilang tipo ng rehiyunal na mobilisasyon. Ipinakita ng aking pananaliksik sa epekto ng wika sa politika, na ang pagsasalita ng pulitiko sa lokal na bersyon ng Lao, tinatawag na Phasa Isan, sa halip na sentral na Thai ay nagpapataas ng tsansa hanggang 17 porsyento na iboboto siya ng taga-Isan. 7 Natuklasan din nina Saowanee Alexander at Duncan McCargo na patuloy na nabubuo at lumalakas ang rehiyunal na pagkakakilanlan sa isang bahagi at batay sa pagkakaiba ng mga pananalita. 8 Kung kaya, umiiral ang potensyal para sa etnikong mobilisasyon.  

Sa kabila nito, bigo ang etnikong mobilisasyon na lumaganap nang mas malawak pa. Halimbawa, kapwa may malakas na suporta sa rehiyon ang Pheu Thai party at ang kilusang Red Shirt, subalit wala sa kanila ang naglalako ng sarili bilang “Isan.” Nananatiling dominado ng mga Thai mula sa ibang rehiyon ang mga sirkulo ng pamunuan ng parehas na organisasyon. Nagmula sa timog ang mga kilalang lider ng Red Shirt na sina Jatuporn Prompan, Nattawut Saikua, at Veerakarn Musikapong, samantala pawang naka-base sa sentral na Thailand at Bangkok ang pinakamatataas na personalidad ng Pheu Thai sa halalang 2019. Sinasabi ng matatagal nang lider ng partido, ang angkan ng Shinawatra, na ang Chiang Mai ang kanilang tahanan, subalit hindi sila nahihiyang patampukin ang kanilang liping Tsino at ang kanilang pagbase sa Bangkok. Sa pulitikang Thai, naisasantabi ang etnisidad sa mga halina ng patakaran, uri at personalidad.

Bakit hindi natin nakikita ang pagbangon ng mobilisasyong Isan? Ikinakatwirang kong ang malaking bahagi ng kasagutan ay matatagpuan sa matagumpay na pagkakabuklod ng mamamayang Isan sa pambansang pagkakakilanlan na Thai. Samantalang napasisigla ng mga rehiyunal na etnikong pagkakakilanlan ang ilang gawaing pampulitika, ang mga ito ay napapapailalim din sa mas malawak na pagkakakilanlan, at pumipigil sa sarili nilang kakayahan na mapakilos ang mga tao at grupo tungo sa pampulitikang layunin. Ipinapakita ng kamakailang pananaliksik na kayang mangibabaw ng pagiging makabayan higit sa mga pagkakaibang etniko at mag-engganyo ng mga mamamayang etniko na bigyang-diin ang pambansang pagkakaisa, kaysa ang kapakinabangan ng mga grupong etniko. 9 Kung gayon, partikular na kapaki-pakinabang ang mga pambansang pagkakakilanlan para sa estado upang pagdugtungin ang masasalimuot na bitak ng lipunan.

Patungkol sa mamamayang Isan, sa loob ng halos 100 taon ay gumamit ang estadong Thai ng integratibong patakarang etniko upang ipaloob ang mga Lao ng Isan sa mas malawak na pagkakakilanlan na Thai. Nagsimula ang mga patakarang ito sa ilalim ng mga reporma ni Haring Chulalongkorn (1868-1910) para magsentralisa, at nagpatuloy matapos bumagsak ang absolutong monarikiya noong 1932, na pangunahing nakatuon sa pagkakaroon ng pamantayan sa paggamit ng wikang sentral na Thai sa buong bansa, na nagbunsod ng wika bilang haligi ng pagkakakilanlang Thai. Ikinatwiran ni Charles Keys na upang makasanib sa ekonomiya ng merkado, maraming mga taga-Isan ang umangkin sa wika at pagkakakilanlan na Thai upang matamasa ang mga positibong kapakinabangan na kaugnay sa pagkilala bilang Thai. 10

Ang katanungan gayon ay, hanggang saan tunay na naipasok ng mga pagsisikap na maibuklod ang mga mamamayang Isan sa bakuran ng Thai, sa kabila ng mga disbentahe at nagpapatuloy na ekslusyon na kanilang kinakaharap. Inimbestigahan ko ang usaping ito sa paggamit kapwa ng datos sa sarbey at malalimang panayam sa isang pangkat ng taong kumikilala sa sarili bilang Isan. Samantalang matatagpuan ang mas detalyadong diskusyon sa resulta nito sa ibang materyales, 11 binubuod ko rito ang ilan sa aking mga natuklasan.

Una, sinusuportahan ng mga datos mula sa apat na magkakaibang pambansang sarbey ang pahayag na inaangkin ng mamamayang Isan ang pambansang pagkakakilanlan na Thai. Kapwa nagsagawa ang Asian Barometer (AB) 12 at World Values Survey (WVS) 13 ng maraming sarbey, na naglalaman ng mga katanugang may kaugnayan sa mga pandama sa pambansang pagkakakilanlan at pagtukoy sa sariling wika ng kapanayam. Pinahihintulutan tayo nitong mapaghambing ang mga kasagutan sa pagitan ng mga etnikong populasyon sa Thailand, upang mapag-alaman kung ang mga pagsisikap na mapagbuklod at kumbinsihin ang mamamayang Isan sa kanilang “pagka-Thai” ay naging matagumpay o hindi. Kung hindi naging epektibo ang mga patakaran ng estado, dapat ay makita natin sa mga kasagutan ng mamamayang Isan na mas mahina ang kanilang pagkamakabayan kumpara sa mga gumagamit ng wikang sentral na Thai sa kabuuan. Sa kabilang banda, kung epektibo ang mga patakarang ito, dapat ay makita nating tumutugon ang mamamayang Isan sa kaparehong antas ng kanilang mga kababayan.

Pigura 2. “Gaano mo ipinagmamalaki ang pagiging Thai?”
Notes: Central Thai Speakers serve as the base score (0), bars represent 95 percent confidence intervals. Numbers of speakers in each group are as follows
WVS (2007) Central Thai 641, Isan 494, Khammuang 106, Paktay 175;
AB (2010) Central Thai 772, Isan 450, Khammuang 63, Paktay 161;
WVS (2013) Central Thai 560, Isan 403, Khammuang 81, Paktay 106;
AB (2014) Central Thai 539, Isan 414, Khammuang 147, Paktay 87.
Data from Asian Barometer Waves 3 and 4 and World Values Survey Waves 5 and 6.

Sa naturang grapik (Pigura 2) nakikita natin ang pagkakaiba sa average score ng apat na pangunahing grupong pangwika sa Thailand para sa kasagutan nila sa tanong na “Gaano mo ipinagmamalaki ang pagiging Thai?” Kasama sa mga grupong ito ang mga katutubong nagsasalita ng sentral na Thai, ng Isan, ng Khammuang mula sa Hilagang Thailand, at ng Paktay mula sa Timog Thailand. 14 Ang average score ng grupo na nagsasalita ng Sentral na Thai ang nagsilbing basehan, na minarkahan bilang zero. Ipinakikita ng mga iskor na mas mataas sa zero na ang average na sagot ng grupo ay mas mataas kaysa sa karaniwang iskor ng grupo ng nagsasalita ng Sentral na Thai, habang ang mga iskor na mas mababa sa zero ay nagpapakita na ang average na sagot ng grupo ay mas mababa. Ang mas maliliit na nahahangganang linya ay ang 95 porsyentong confidence intervals; kung lumampas ito sa linya ng zero, hindi natin maigigiit na may kaibahan sa mga kasagutan ng nakasalang na grupo at ng grupo ng nagsasalita ng Sentral na Thai.

Ipinakikita ng mga resulta na ang mga nagsasalita ng Isan, bilang isang grupo, ay nagtala ng alinsunod na matataas na marka sa aspeto ng karangalan sa kanilang pagiging Thai, kumpara sa mga nagsasalita ng sentral na Thai. Tunay nga, ang mga pagkakaibang ito ay naghahayag ng makabuluhang estatistiko sa lahat ng apat na sarbey. Dagdag pa, sa lahat ng sarbey ay mas mataas ang iskor ng mga nagsasalita ng Isan sa aspeto ng pambansang pagkakakilanlan kumpara sa mga nagsasalita ng Paktay; samantala ay kulang sa pagtutugma ang kaibahan ng mga nagsasalita ng Isan at Kammuang. Sa madaling salita, ipinahihiwatig ng mga resulta ng sarbey na ang mga mamamayang Isan ay may mas mataas na antas ng pagyakap ng pambansang pagkakakilanlan kaysa sa mga nagsasalita ng sentral na Thai, at kasingtaas ng antas na nakita sa mga grupo sa hilaga at katimugang Thailand.

Pigura 3. “Nakikita ko ang aking sarili bilang bahagi ng nasyong Thai”
Notes: Central Thai Speakers serve as the base score (0), bars represent 95 percent confidence intervals. Numbers of speakers in each group are as follows:
WVS (2007) Central Thai 641, Isan 494, Khammuang 106, Paktay 175;
WVS (2013) Central Thai 560, Isan 403, Khammuang 81, Paktay 106;
Data from World Values Survey Waves 5 and 6.

Nang ulitin ang kaparehong pagsusulit upang makuha ang tugon sa antas ng kanilang pagsang-ayon sa pahayag na, “Nakikita ko ang aking sarili bilang bahagi ng nasyong Thai,” nakita nating muli na nagtala ng higit na positibong marka ang mamamayang Isan kaysa mga nagsasalita ng sentral na Thai (Pigura 3). Muli, ang pagkakaiba ay positibo at makabuluhan sa parehong ikid ng World Values Survey. Mas pabagu-bago ang mga resulta para sa mga nagsasalita ng Khammuang at Paktay. Dagdag na patunay ang mga resultang ito na matagumpay ang mga pagsisikap ng estadong Thai sa pagbubuklod para kumbinsihin ang mamamayang Isan na tubong Hilagang-Silangang na sila ay mga Thai. Tunay nga, sa pangkalahatan ay tumugon nang higit na positibo ang mamamayang Isan sa mga katanungan hinggil sa pambansang pagkakakilanlan kaysa kanilang mga katapat sa buong bansa.

Upang makakuha ng higit na bentahe sa pag-unawa sa antas ng pagyakap ng mamamayang Isan sa pambansang pagkakakilanlan na Thai, nagsagawa ako ng serye ng mga semi-structured interviews sa mga nagsasalita ng Isan buha’t sa iba’t-ibang pinagmulan.

Nagpahayag ang lahat ng aking nakapanayam ng karangalan sa kanilang pambansang pagkakakilanlan bilang Thai, nang may malakas na pagdidiin sa kanilang “pagka-Thai”; ito ay pinakamahusay na sinuma ng isang kapanayam nang paghambingin niya ang kanyang pagkakakilanlan bilang Thai at Isan: 15

Kailangan kong ipaliwanag sa iyo na ang mamamayang Isan ay mga Thai. Walang paghihiwalay dito. Kung ipinagmamalaki namin ang pagiging Isan, ipinagmamalaki din namin ang aming pagiging Thai dahil ang mamamayang Isan ay mamamayang Thai.

Sa higit isang siglo ng mga patakaran ng pagbubuklod, ang mamamayang Lao ng Isan ay naging mga Thai. Habang napanatili nila ang rehiyunal na identidad, nakikita nila ang mga sarili na natural na naka-angkop sa nasyong Thai, at ikinararangal nila ang kanilang pagkakakilanlan bilang Thai.

Sa karagdagang katanungan hinggil sa potensyal para sa mobilisasyon batay sa pagkakakilanlan na Isan, karamihan sa mga kapanayam ay nakaramdam na ang pagpapakilos sa pagkakakilanlan na etniko-rehiyunal, laluna sa pamamagitan ng pagsasalita ng Isan, ay magiging isang matagumpay na pampolitikang estratehiya, kahit na sa lokal na antas. Bagaman sa pambansang antas, marami ang sumasalungat sa mga politikong gumagamit ng wikang Isan. Komento ng isa, “Hindi iyon [wasto]. Hindi iyon dapat na mangyari dahil may mga tao sa publiko na hindi ninanais na makarinig ng Isan.” 16 Sinabi ng isa pa na, “Magugustuhan ko iyon, ngunit may masama rin dito. Iisipin ng mga tao na may pagkiling siya sa Isan, na hindi magiging mabuti.” 17 Inihayag pa ng isa, “Kailangang tanggapin ng buong bansa ang isang politiko, at kung nagsasalita sila na parang kinakatawan nila ang Isan, magdudulot ito ng mga problema.” 18 Pinatampok ng mga kasagutang ito ang paniniwala ng mga kapanayam na higit na mahalaga ang pagdidiin sa pambansang pagkakaisa kaysa pangganyak na etno-rehiyunal, kung saan ang pagkakakilanlan na Isan ay nakapaloob sa mas malawak na pagka-Thai.

Sa gayon, nakatulong ang malakas na pagkamakabayang Thai sa pagbawas ng presyur para sa mobilisasyong etno-rehiyunal sa Isan. Bagaman nananatiling dehado kapwa sa ekonomiya at pulitika, hindi ito tumungo sa paglitaw ng isang kilusang rehiyunal o etnikong partido na mag-eengganyo ng higit na pag-iisa ng pagkakakilanlan, at mistulang malabong maganap ito sa malapit na hinaharap, lalo na dahil sa mapaghinalang militar na paulit-ulit na nanghihimasok sa pulitika at malakas na nagpapatatag ng pambansang pagkakakilanlan na aprubado ng estado.

Jacob I. Ricks
Assistant Professor of Political Science. School of Social Sciences, Singapore Management University

Banner: Udon Thani, a major city in northeast of Thailand. Image: M2020 / Shutterstock.com

 
 

 

 

Notes:

  1. John Draper and Joel Sawat Selway, “A New Dataset on Horizontal Structural Ethnic Inequalities in Thailand in Order to Address Sustainable Development Goal 10,” Social Indicators Research 141, no. 1 (2019), 275-297.
  2. Lt. General Saiyut Koetphon, “Govt Policy is Leading to Disaster in the Hills,” Bangkok Post (January 4, 1976).
  3. John Draper, “Tales from the Wasteland I: Thai IQ by Ethnicity,” Prachatai English (January 11, 2016): https://prachatai.com/english/node/6684; John Draper, “Tales from the Wasteland II: Thai Language Ability and Failure by Ethnicity,” Prachatai English (12 September, 2016): https://prachatai.com/english/node/6766.  
  4. UNDP, Advancing Human Development through the ASEAN Community (Bangkok: UNDP, 2014), 63-64.
  5. Thak Chaloemtiarana, Thailand: The Politics of Despotic Paternalism (Ithaca: Cornell University Press, 2007), 59-62, 127-130.
  6. The prominent exceptions are the military dictators Field Marshal Sarit Thanarat (1959-1963) and General Prayuth Chan-ocha (2014-present), who has emphasized his “100%” Isan roots based on his mother’s home in Chaiyaphum and his birth and childhood at a military camp in Khorat. See MGR Online, “Prayuth Cho Luead Isan Roi Poesen Yan Mai Torayot Bankoed Wonkho Wela Ya Prathuang,” February 2, 2015, https://mgronline.com/politics/detail/9580000013021.
  7. See the supplementary materials for Jacob I. Ricks, “The Effect of Language on Political Appeal: Results from a Survey Experiment in Thailand,” Political Behavior, https://doi.org/10.1007/s11109-018-9487-z (2018).
  8. Saowanee Alexander and Duncan McCargo, “Diglossia and Identity in Northeast Thailand: Linguistic, Social, and Political Hierarchy,” Journal of Sociolinguistics 18, no. 1 (2014), 60-86; Saowanee Alexander and Duncan McCargo, “Exit, Voice, (Dis)loyalty? Northeast Thailand after the 2014 Coup,” in After the Coup: The National Council for Peace and Order Era and the Future of Thailand, eds. Michael Montesano et al. (Singapore: ISEAS, 2019), 90-113.
  9. Volha Charnysh, Christopher Lucas, and Prerna Singh, “The Ties that Bind: National Identity Salience and Pro-Social Behavior Toward the Ethnic Other,” Comparative Political Studies 48, no. 3 (2015), 270-275; Andreas Wimmer, Nation Building: Why Some Countries Come Together While Others Fall Apart (Princeton: Princeton University Press, 2018): 28-32.
  10. Charles F. Keyes, Finding their Voice: Northeastern Villagers and the Thai State (Chiang Mai: Silkworm Books, 2014), 110-111, 140-149.
  11. Jacob I. Ricks, “Proud to be Thai: The Puzzling Absence of Ethnicity-Based Political Cleavages in Northeastern Thailand,” Pacific Affairs 92, no. 2 (2019), 257-285.
  12. Fu Hu and Yun-han Chu, Asian Barometer (Taipei: National Taiwan University, 2017), multiple rounds, www.asianbarometer.org.
  13. Ronald Inglehard et al., eds., World Values Survey: All Rounds – Country-pooled Datafile (Madrid: JD Systems Institute, 2014), www.worldvaluessurvey.org.
  14. Paul M. Lewis, Gary F. Simons, and Charles D. Fennig, “Ethnologue: Languages of Thailand,” in Ethnologue: Languages of the World, vol. 18, eds. Paul M. Lewis et al. (Dallas, TX: SIL International, 2015); Suwilai Premsrirat et al. Phaenthi Phasa Khong Klumchatphan Tang-Tang Nai Prathed Thai [Ethnoliguistic Maps of Thailand], (Bangkok: Mahidol University, 2004), 16, 33-60.
  15. Interview, July 24, 2017, Sakon Nakhorn.
  16. Interview, December 14, 2016, Bangkok.
  17. Interview, April 5, 2017, Khon Kaen.
  18. Interview, July 19, 2017, Khon Kaen.
Exit mobile version