Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Ang Identidad na Pambansa at Identidad na Lanna sa Hilagang Thailand

Inilalarawan ng World Factbook ng CIA ang Thailand bilang isang bansang magkakatulad ang etnisidad kungsaan binubuo ng mga Thai ang 95% ng populasyon. 1 Malapit na umaakma ang imaheng ito sa opisyal na paglalarawan sa Thailand mula pa noong huling bahagi ng panahong kolonyal. Nang napapalibutan na ng Britain at France sa lahat ng panig ang Siam (dating pangalan ng Thailand hanggang 1939), nagsimulang tukuyin ng mga elit na Siamese ang mga etnikong grupong Tai sa ilalim ng lugar ng impluwensya nito bilang mga pangrehiyong kasapi ng ng etnikong grupong Thai kungsaan kabilang ang mga Siamese. Kung kaya, naging mga Thai ng Hilagang-Silangan ang mga Lao ng talampas ng Khorat (nasa 30% ng popusyon ngayon), at mga Thai ng Hilaga ang mga Black Lao ng mga Burol sa Hilaga (nasa 12% ng populasyon ngayon) 2 Nagpatuloy mula roon ang proyektong ito ng nasyunalismong Thai, ginagaya ang mga nasyon estadong Europeo na nagbabanta sa mga hangganan. Ang unibersal na edukasyon na kagamitan ng estado ay itinambal sa paggawa ng mga mapa, sentralisasyon ng Budismo, at pambansang propaganda upang gawing taong Thai ang mga magsasaka, gaya ng tinuran ni Eugene Weber sa tanyag na monograp hinggil sa pag-unlad ng nasyunalismong Pranses 3 Gaano katagumpay ang protektong nasyunalismong Thai pagkatapos ng 120 taon?

Ginalugad ko ang katanungang ito sa hanay ng mga etnikong grupong Lanna ng Hilagang Thailand. Binubuo ang mamamayang Lanna ng Hilagang Thailand ng nasa 8 milyong katao, o 12% ng populasyon ng Thailand. 4 Mas karaniwang tinatawag ang kanilang mga sarili sa etnikong katawagan na khonmueang, literal na nangangahulugang “mamamayan ng mueang”, 5 tinatawag din ang grupo bilang Tai Yuan at mga Thai ng Hilaga. May ispesipikong istorikal na pinagmulan at pulitikal na implikasyon ang bawat pangalang ito. Tunay nga, noong unang sinasakop ng Siam ang mga teritoryo ng dating kahariang Lanna noong 1899, tinatawag sila ng mga elit na Siamese bilang Lao. 6 Gaano ang naging tagumpay ng pagsasama ng mamamayang Lanna sa pambansang identidad na Thai? Hanggang saan nila tinitingnan ang mga sarili bilang Thai, at hanggang saan ang kapit ng mga identidad na ito?

Maaaring makuha ang isang kasagutan sa tanong na ito mula sa pangkalahatang aktitud at persepsyon ng mga Lanna. Hindi tulad ng mga negatibong istiryotayp na kalimitang umiiral sa lipunang Thai hinggil sa etnikong grupong Isan, mas kiling na maipinta ang mga Lanna bilang mga mahinahon at sibilisadong mamamayan. Marahil nakatutulong na walang iba pang etnikong kasamang namumuhay ang mga Lanna sa hangganang bansa, tulad ng kalagayan ng Isan na may mga Lao ng katabing Laos. Maaaring may kinalaman ito sa lokasyon ng mga pinakaunang kahariang Tai sa loob ngayon ng mga hangganan ng Thailand na napapailalim sa teritoryo ng Lanna. Kung anupaman, tinitingnan ang Chiangmai bilang isang kaibig-ibig na lugar bakasyunan para sa mga taga-Bangkok, na bumabalik sa sentro dala ang mga kwento ng kanilang magaganda, mapupusyaw na balat, mahihinahong pagsasalita, at mayamang kultura.

Nilalayon ng sanaysay na ito na lampasan ang mga istiryotayp, sagutin ang katanungan hinggil sa identidad na Thai ng Lanna sa pamamagitan ng pagtingin sa mga sarbey ng opinyong publiko na isinagawa ng World Values Survey (WVS). Bilang karagdagan, ibinabahagi ko ang mga resulta mula sa Lanna Cultural Project (LCP), na sa ngayon ay naglalaman ng tatlong sarbey na isinagawa ko sa Hilaga sa pagitan ng 2015 at 2019.

Pambansang Identidad na Thai

Ginamit ko ang dalawang katanungan mula sa WVS, na nagsagawa ng dalawang serye sa Thailand noong 2007 at 2013. Itinanong din ng WVS kung anong wika ang ginagamit sa tahanan, na siyang pinakamainam na panandang etniko na makikita sa sarbey, at nagbibigay ng mainam, bagaman hindi perpektong pagsukat sa etnikong identidad. Maaari nating gamitin ang panukat na ito upang masiyasat ang mga pagkakaiba sa lakas ng pambansang identidad sa Thailand. Ipinapakita ng Pigura 1 ang mga resulta sa katanungang “Gaano mo ikinararangal ang pagiging Thai?” ng mga grupong etniko. Ibinigay ang mga sagot batay sa itinakdang apat na puntong panukat, kungsaan kumakatawan ang 1 sa “Hindi ikinararangal” at 4 bilang “Lubhang ikinararangal”. Karamihan sa mga respondent ay sumagot ng 3 o 4, kungsaan ang abereyds ng lahat ng grupo ay mas mataas kaysa 3.5. May pinakamababang abereyds na antas ng karangalan ang mga Central Thai (o Siamese)—na siyang dominanteng grupo sa bansa. Sa pinagsamang mga sarbey ng 2007 at 2013, may pinakamataas na antas ang mga Lanna, na malapit na sinusundan ng Isan.

Pigura 1. Antas ng karangalan sa pagiging Thai batay sa grupong etniko

Sinasalamin ang resultang ito ng mga sagot sa isang pang tanong na sumusukat sa antas ng pagtingin ng mga respondents sa kanilang sarili bilang mamamayan ng Thailand, muli ay sinukat sa apat na puntong panukat. Ipinapakita ng Pigura 2 na ang mga abereyds ng lahat ng grupo ay nasa pagitan ng Sumasang-ayon (3) at Malakas na Sumasang-ayon (4). Muli, may pinakamataas na antas ng abereyds ang mga Lanna sa tanong na ito.

Pigura 2. Antas ng pagtingin sa sarili bilang mamamayan ng Thailand batay sa grupong etniko

Sa gayon, dapat ba nating ipagpalagay na ang mga Lanna ang may pinakamalakas na pagka-Thai? Ang hindi malinaw sa dalawang katanungan ay ang konteksto kungsaan sumagot ang mga respondent. Sa partikular, sino o ano ang panlabas na grupong pinagkukumparahan ng mga respondents ng kanilang sarili? Kung hindi ko ikinararangal ang pagiging Thai, anong ibang identidad ang aking ikinararangal? Gayundin, kung hindi ako bahagi ng nasyong Thai, saang ibang nasyon ako dapat nakabahagi? Matagal nang napatunayan ng nga literatura sa etnisidad na ang mga inidibidwal ay nagtataglay ng maraming identidad nang sabay-sabay, nagtatagisan para mangibabaw ang bawat isa, kapwa sa pangkabuuan at ispesipikong mga konteksto. Para ipakita ang salimuot ng simpleng pagpapalagay na ang Lanna ang may pinakamalakas na pagka-Thai, ipinakikita ko ang dagdag na tanong mula sa WVS: ang antas ng pananawa ng respondents sa kanilang sarili bilang kasapi ng kanilang lokal na komunidad. Sa WVS, itinanong ito kagyat na kasunod ng tanong hinggil sa pagtanaw sa sarili bilang bahagi ng nasyong Thai. Ipinapakita ng (Pigura 3) ang mga resultang ito, inilalantad na nangungunang muli ang Lanna, ipinahihiwatig na sila ang kapwa may pinakamalakas na pambansa at lokal na identidad. Ngunit paano natin bibigyang-pakahulugan ang mga resultang ito? Para sa ilan, nakapagtataka ang resulta. Hindi ba dapat na ang may pinakamalakas na pambansang identidad ay siyang may pinakamahinang lokal na identidad? Ano ang kahulugan nito?

Pigura 3. Antas ng pagtingin sa sarili bilang kasapi ng lokal na komunidad batay sa grupong etniko

Limitado ang WVS, na hindi nakadisenyo para suriin ang mga katanungan hinggil sa mga identidad na pambansa at etniko, sa kaya nitong sabihin hinggil sa nararamdaman ng mga grupong etniko sa Thailand sa kanilang pambansang identidad na Thai o identidad na Lanna. Sa gayon, simula 2015, nagsagawa ako ng tatlong sarbey na nagpalalim sa mga katanungan. Una, itinanong kong muli ang “Gaano mo ikinararangal na maging Thai?”upang harapin ang desirability bias at limitadong panukat ng katanungan ng WVS, hiniling ko sa mga respondent na ikumpara ang kanilang mga sarili sa karaniwang antas ng karangalan ng mga Thai na sinabi naming nasa gitnang antas ng panukat. Ito ay upang matulungan ang mga respondent na maging higit na komportable sa paglalagay ng relatibong mas mababang antas ng karangalan nang hindi ibinubunyag ang absolutong mababang antas ng karangalan.  May malalakas na panlipunang presyur sa Thailand para magpakita ng mataas na antas ng nasyunalismo at ang relatibong mababang antas ay hindi nangangahulugang absolutong mababang antas, sa gayon ay napapaliit ang desirability bias. Isa pang pagbabagong isinagawa sa tanong ay simpleng pagpapalawig ng panukat na kasagutan, na itinaas mula sa apat na kategorya tungong 10-puntong panukat. Ipinapakita ng Pigura 5 ang resulta. Umaabot lamang sa 11.82% ang nagkokosidera sa sarili na katulad ng karaniwan sa usapin ng karangalan sa pagiging Thai. Ang 15% ay tinitingnan ang sarili na may mas mababang antas ng karangalan kumpara sa karaniwan. Samantalang mababa pa rin, ipinakikita ng mga resultang ito na signipikanteng mas maraming pagkakaiba-iba kaysa ipinahihiwatig ng mga resulta ng WVS, kungsaan 0.54% lamang ng mga respondent ang nagsabi “Hindi Masyadong Ikinararangal” o “Sadyang hindi ikinararangal.” Naniniwala ang 73% na may mas mataas na antas sila ng karangalan sa pagiging Thai kaysa karaniwan , kungsaan 13.69% lamang ang naglagay sa kanilang sarili sa pinakamataas na kategorya kumpara sa 95.70% sa sarbey ng WVS. Yayamang eksklusibo ang sarbey na ito para sa rehiyon ng Lanna ng Hilagang Thailand, sa kasalukuyan ay hindi ko ito maikumpara sa iba pang etnikong grupo. Gayunpaman, ang maaari nating makita ay mas maraming pagkakaiba-iba sa lakas ng identidad na Thai sa hanay ng mga Lanna batay sa mga pagbabagong isinagawa ko sa tanong.

Pigura 5. Ikinararangal na maging Thai (abereyds=5), Nagsasalita ng Khammueang

Identidad na Lanna at Nasyunalismong Lanna

Ngayon, sa palaisipan hinggil sa pagkakaroon ng Lanna ng pinakamalakas na pambansa at lokal na identidad sa WVS. Hiniling ng ikalawang tanong sa LCP sa mga respondents na ikumpara ang kanilang identidad na Thai sa kanilang mga rehiyunal na identidad. Naghapag ako sa mga respondent ng anim na magkakaibang identidad, na dapat nilang ihanay mula 1 hanggang 6, kungsaan ang 1 ay nagpapakita ng pagbibigay nila ng pinakamataas na pagpapahalaga. Ipinapakita ng Talahanayan  ang abereyds na pagraranggo ng bawat identidad. Makikita nating sa abereyds ay pinakamataas ang ibinigay na ranggo sa identidad na Thai, kungsaan 41.88% ang nagbigay ng ranggong 1 at ang kabuuang abereyds ng ranggo nito na 2.37. Binigyan ko ang mga respondent ng tatlong opsyon ng magkakaibang etno-rehiyunal na identidad: Hilaga, Lanna, at Chiangmai. Kapag pinagsama-sama, 43.56% ang nag-ranggo sa tatlong rehiyunal na identidad bilang nangunguna. 7 Kung paghahambing ang tatlong identidad, ikalawang may pinakamataas na abereyds na ranggo ang Hilaga, ngunit mas madalas na bigyan ng pinakamataas na ranggo kapwa ang identidad na Lanna at Chiangmai. Dagdag pa, lubhang magkakahawig ang mga abereyds ng tatlong etno-rehiyunal na identidad. Mistulang ipinapakita nito na mas pinapaboran ng ilang indibidwal ang isang katwagang etnikong kaysa sa iba, ngunit sa karaniwan ay lubhang maaari silang pagpalit-palitin.

Talahanayan 1. Pagraranggo ng mga identidad, Mga Nagsasaliat ng Khammueang

125456Average
Thai41.8819.638.3920.569.140.412.37
Northern11.0126.6738.3220.442.970.582.79
Lanna17.4726.7924.4022.367.571.402.80
Chiangmai15.0822.5424.3427.328.442.272.98
Tai2.682.393.797.2851.0232.855.00
Asian11.881.980.822.0420.8562.435.05

Subalit sa mga hayagang ibinigay na kategorya ng paghahambing, may ugnayan ba sa pagitan ng nararamdamang karangalan sa pagiging Thai at sa pagraranggo sa identidad na Thai? Para sagutin ang tanong na ito, nagsagawa ako ng pagsusulit na ginagamit upang masukat ang ugnayan ng dalawang ordinal variables. 8 Nagpapakita ang mga resulta ng napakahinang antas ng ugnayan. Tunay nga, 60.00% ng mga respondent na Lanna na nagsabing may pinakamababa silang antas ng karangalan sa pagiging Thai, ang nagranggo pa rin sa Thai nang mas mataas kaysa alinmang rehiyunal na identidad. Maikukumpara ito sa 45.30% lamang na nagsabing may pinakamataas na antas sila ng karangalan sa pagiging Thai. At hindi rin malinis na linyar ang ugnayan nito. Sa madaling salita, walang malinaw na ugnayan sa pagitan ng kung gaano ikinararangal ng isang tao ang pagiging Thai at sa pagraranggo ng kanilang identidad na Thai, sa pagkakataong ipinapasok na ang identidad na Lanna sa larawan. Ang pinakamainam na kongklusyon kung gayon, ay nagtatalo sa pagitan ng dalawang identidad ang mga indibidwal.  

Kung kaya nagpapalagay ako batay sa mga resulta ng huling tanong sa LCP. Hiniling ko sa mga respondents na hayagang ikumpara ang ang kanilang identidad na Thai at Lanna. Iniigpawan nito ang suliranin ng tatlong magkakaibang etnorehiynal na identidad na nagpapalabo sa paghahambing. Maaaring sabihin ng reposndent na sila ay “Thai hindi Lanna”, “Higit na Thai kaysa Lanna”, “Pantay na Lanna and Thai”, “Higit na Lanna Kaysa Thai”, at huli ay “Lanna hindi Thai”. Ibinigay din ang katulad na katanungan sa hanay ng mga etnorehiyunal na minorya ng United Kingdom (Welsh, Scottish, at Northern Irish) sa maraming taon. Gaya ng ipinakikita ng Pigura 6, malawak na mayorya ng mga mamamayan (72.11%) ang may pakiramdam na sila ay pantay na Thai at Lanna. May magkatumbas na bilang ng mga tao ang nasa magkabilang panig ng panggitnang kategoryang ito, ~14% ang nakakaramdam na sila ay higit na Lanna kaysa Thai o higit na Thai kaysa Lanna.

Pigura 6. Identidad na Thai laban sa Identidad na Lanna, Mga Nagsasalita ng Khammueang

Konklusyon

Para balikan ang pang-udyok na tanong ng sanaysay na ito, ipinapakita ng mga resulta ng WVS at LCP na bagaman nagsimula lamang ang pagtatatag ng pambansang identidad na Thai sa hanay ng mga Lanna sa nakaraang lampas isang siglo, lubhang naging matagumpay ang pagpapasok nito sa identidad ng mga mamamayang Lanna. Gayunpaman, kapwa nakagugulat at may itinuturo ang katotohanang mistulang singlakas ng identidad na Lanna ang identidad na Thai. Tumutulong ito na maipaliwanag ang ilang pampulitikang pangyayari na naganap sa Lanna sa nakaraang ilang taon, mga pangyayari na nagpapakita ng tunggalian sa pagitan ng dalawang identidad. Gaya nang mas detalyadong paglalarawan sa isang aklat na manuskripto na tinatapos ko ngayon, Higit sa alinmang etno-rehiyunal na grupo maliban sa mga Muslim na Malay ng malalim na Timog, ang Lanna ang nakaranas ng pagtaas ng politisasyon ng kanilang etnikong identidad. Noong maagang bahagi ng 2014, isinabit ang mga balatenggang nananawagan para sa isang hiwalay na estadong Lanna sa mga tulay sa lungsod sa Hilaga. Isinagawa ang mga pag-aresto, subalit may pag-aalinlangan na maniwalang (o kahit ipaalam) mas malaganap ito kaysa ilang indibidwal. Ang resulta ng LCP, na ilalarawan sa aking aklat ay nagpapakita ng higit na suporta sa sentimyentong makabayan kaysa kayang tanggapin ng mga opisyales na Thai, subalit lubhang kapos kaysa mararahas na insurhensiya ng Timog. Gayunpaman, lubhang kakaunti ang sinasabi sa atin ng mga literatura ng Agham Pampulitika hinggil sa kung paanong ang mga grupo tulad ng Lanna ay nagta-transisyon mula sa hindi mapakali tungong mapanghimagsik at sa gayon ay kung paano sila pinakamainam na maipapayapa. Ang anumang konsiderasyon ng etnorehiyonalismo sa hinaharap ay mangangailangang bunuin ang nagtatagisang identidad na inilahad ko sa artikulong ito.  

Joel Sawat Selway
Brigham Young University

Banner image: Thai mural painting of Lanna people life in the past on temple wall in Chiang Rai, Thailand 

Notes:

  1. Central Intelligence Agency. 2019. “World Factbook.” Central Intelligence Agency, United States Government. https://www.cia.gov/library/publications/the-world-factbook/.
  2. Keyes, Charles F. 1995. “Who are the Tai? Reflections on the Invention of Identities.”  Ethnic identity: Creation, conflict, and accommodation:136-160; Ongsakul, Sarasawadee. 2005. “History of Lanna, trans.”  Chitraporn Tanratanakul (Chiang Mai: Silkworm Books, 2005).
  3. Anderson, Benedict. 1983. Imagined Communities: reflections on the origin and spread of nationalism. 1st ed. New York: Verso. Weber, Eugen. 1976. Peasants into Frenchmen: the modernization of rural France, 1870-1914: Stanford University Press. Winichakul, Thongchai. 1994. Siam mapped. A history of the geo-body of a nation. Honolulu: University of Hawaii Press.
  4. Estimates vary. This is the author’s projection based on a 1983 Ethnologue statistic of the number of khammueang speakers adjusted for population increases.
  5. Mueang historically referred to a walled city situated in valleys or lowlands, as opposed to rural communities in mountainous regions.
  6. To distinguish them from the Lao of the Khorat Plateau, they actually called them the Black Lao. Indeed, the Siamese referred to all non-Siamese Tai groups as Lao (Keyes 1995).
  7. The fact that I presented respondents with three identities makes it unclear what percentage of the time Thai or a regional identity would have been ranked first had I combined them into a single response, such as Lanna/Northern/Chiangmai. I therefore refrain from drawing strong conclusions.
  8. Specifically, Kendall’s Tau-b test.
Exit mobile version