Mahabang panahon nang pinapangasiwaan at ginagamit ng mga lokal na pamayanan ang mga kagubatan para sa kanilang kabuhayan. Subalit mula nang kunin ng pamahalaan mula sa mga mamamayan ang pangangasiwa ng kagubatan ay naghirap ang mga lokal na pamayanan at nabigo ang pangangasiwa sa kagubatan dulot ng kawalan ng pakikilahok ng mga pamayanan. Sinusuri sa papel na ito ang mga hadlang sa partisipasyon ng mga mamamayan sa pangangasiwa ng kagubatan.
Itinaguyod ng pangmatagalang patakaran ng pamahalaan (1886-1989) ang mga konsesyon sa pagtotroso at malawakang monoculture cash cropping. Ang mula itaas pababa na uri ng pangangasiwa sa kagubatan ay nagresulta sa malubhang kapinsalaang pang-ekonomya at pang-ekolohiya sa buong bansa. Pagsapit ng dekada nobenta, ang hilagang-silangang bahagi ay nakaranas ng pinakamalalang pagkasira dulot ng sobrang pagtotroso at ng kumbersyon ng mga kagubatan sa mga plantasyon para sa goma, kape, at prutas. Pinilit din ng mga programang ito na magsilipat ang mga lokal na minoryang etniko at maging mga “iligal” na maninirahan sa ibang mga lugar.
Samantalang kinikilala ng saligang batas ng 1997 ang kahalagahan ng pakikilahok ng pamayanan, ang implementasyon ay tanging sa pamahalaan at pribadong sektor lamang. Kaunti lamang ang ginawa upang palawakin ang lokal na partisipasyon. Mayroong ilang dahilan para sa kabiguang ito. Tinitignan ng mga ahensyang pampamahalaan ang pangangasiwa sa kagubatan bilang usapin ng policing, pagpili sa nitisat (mahihigpit na batas at regulasyon) kaysa sa ratthasat (diplomasya), pagpabor sa mga makapangyarihang negosyante, at pagsentralisa ng kapangyarihang magdesisyon sa mga organong pambansa na kaunti lamang ang pagkakaunawa sa mga lokal na realidad. Dagdag pa, malimit na negatibo ang pagtingin ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga lokal na naninirahan na umaasa sa mga kagubatan. Tinitignan nila ang paggamit sa kagubatan bilang pagwasak dito at hindi maunawaan kung paano pinapangalagaan ng mga lokal na naninirahan ang kagubatan. Upang mapabuti ang pagkakaintindi ng pamahalaan at madagdagan ang tiwala sa mga stakeholders, dapat na dumalo ang mga opisyal sa mga aktibidad ng mga pamayanan at balikan muli ang mga patakaran, programa, at pananagutan nito sa mamamayan.
Suliranin din para sa mga tagapangalaga ng kagubatan ang di-sapat na pagsasanay sa mga konsepto, istratehiya, at mga paraan upang makakuha ng partisipasyon. Kinakailangang paunlarin ang participatory learning o sama-samang pag-aaral kung saan magtutulungan ang mga opisyal ng pamahalaan at ang mga lokal na maninirahan. Panghuli, kakaunti lamang ang insentibo para makilahok ang mamamayan sa pangangalaga ng kagubatan; gawin man nila ito, hindi sila nakatatanggap ng karampatang benepisyo. Sa katunayan, sacommunity forest bill ng Senado, tinitignan pa nga ang mga mahihirap na mamamayan bilang kaaway ng kagubatan.
Ang community forestry ay hindi lamang pangangalaga sa kagubatan kundi ay instrumento tungo sa mas malawak na pagbabago at lokal na kapangyarihan. Lumilikha ito ng salapi at nagpapatibay sa kakayahan ng mga naninirahan na pangalagaan ang mga likas na kayamanan. Isinusulong nito ang pag-unlad ng yamang-tao sa pamamagitan ng pagtaas ng kamulatan at pagpapayabong sa mga wastong pananaw, kaalaman, at kakayahan. Sa kalaunan, makatutulong ito sa pagkaroon ng wastong balanse sa paglikha ng mga desisyon: balanse sa pagitan ng pamahalaang sentral at mga lokal na pamayanan. (Salin ni Sofia G. Guillermo)
Pearmsak Makarabhirom
Read the full unabridged version of the article (in English) HERE
Kyoto Review of Southeast Asia. Issue 2 (October 2002). Disaster and Rehabilitation