Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Kababaihan, Islam, at ang Batas

        

Hjh. Nik Noriani Nik Badlishah, editor
Islamic Family Law and Justice for Muslim Women
[Batas pangmag-anak ng Islam at katarungan para sa kababaihang Muslim]Malaysia / Sisters in Islam / 2003

Gender, Muslim Laws and Reproductive Rights
[Kasarian, batas Islamiko, at kaparapatang reproduktibo]Davao City / Pilipina Legal Resources Center, Inc. / 2001

Ang mga sanaysay sa mga tala ng palihan ay tumatalakay sa sekswalidad, karapatang reproduktibo, at karahasang nakabatay sa kasarian sa loob ng mga lipunang Muslim, sa panggigitna o medyasyon ng mas malawak at nagkakatunggaling perspektibong pangregulasyon. Ang mga panggigitna na ito ay pinakamakikita sa mga kumparatibong panlahatang pananaw sa Indonesia, Malaysia, Pilipinas, at Singapore na nakalahad sa Batas Pangmag-anak ng Islam at Katarungan para sa Kababaihang Muslim. Nagbibigay-ulat ang mga ito sa mga “erya ng diskriminasyon sa kababaihan sa mga pangunahing probisyon at, dagdag pa, sa pagpapatupad ng mga lehislasyon sa Batas Islamiko.” Sa palihan din ay “sinalungguhitan ang mga pinakamabuting gawain at naghain ng mga istratehiya para sa reporma.”

Ang mga bansa kung saan malalim ang pagkakaugat ng sistemang patriyarkal sa “tradisyon” at lalong binibigyang-bisa ng mga turong Islamiko na nagsususubordina sa kababaihan sa ilalim ng kalalakihan ay kinatatangian ng pagkakaroon ng istrukturang pang-estadong na kadalasa’y sentralisado subalit mahina, tiwali, at inepisyente. Sa nakaraang mga dekada sa Indonesia, walang batas sibil na sumasaklaw sa relasyong mag-asawa at, hanggang ngayon, ang estado ay mistulang walang kapangyarihan sa Islam. Ihambing ito sa Singapore kung saan ang estado ay awtoritaryan subalit episyente, napanghahawakan ang nagsasanib na hurisdikyon sa pagitan g mga korteng sibil at Syariah, nagbibigay sa mga Muslim ng pagpipilian, at nagreregula sa mga deliberasyon at proseso ng pagdidisisyon ng mga korteng Syariah.

Ang Pilipinas at Malaysia ay matatagpuan sa pagitan ng dalawang sukdulang ito. Ang rebelyong pinangunahan ng Moro National Liberation Front ay nagtulak sa unangCode of Muslim Personal Laws sa Pilipinas, na bukas sa iba’t ibang interpretasyon at pagpapatupad. Subalit ang mga pangunahing problemang kinakaharap ng mga kababaihang Muslim ay kahirapan at ang walang-kakayahan ng estado na magpaibayo sa kaunlaran at istabilidad. Sa ilang mga lalawigang Muslim, ang tanging kinatawan ng pamahalaan ay ang militar. Sa Malaysia, ang debolusyon ng Batas Pangmag-anak ng Islam sa antas ng estado ay nagresulta sa di-magkasundong mga regulasyon sa pagitan ng mga estado at ng batas pederal. Sa pagpapaibayo ng lokal na awtonomiya, maaaring ang pamahalaang sentral ay lumikha ng kalagayang negatibo sa pagpapabuti sa katayuan ng mga kababaihan sa relihiyon.

Ang masaklap dito ay sa maraming bansang Islamiko, ang modernisasyon ng estado ay kumitil sa mga karapatang pang-indibidwal at pang-grupo at naglimita sa ilang mga batayang kalayaan sa ngalan ng kaunlaran. Ang tagumpay, kung saan nakakamit ito, ay may malaking kinalaman sa pamumuno ng mga liderato (karamiha’y lalaki) mula sa itaas. Ang mga stratehiya para sa reporma, sa gayon, ay maaaring hadlangan hindi lamang ng mga kunserbatibo’t neo-traditionalistkundi na rin ng mga pinunong-estado na mapanghinala sa mga pagbabagong nagmumula sa ibaba.

Ang Kasarian, Batas Islamiko, at Kaparapatang Reproduktibo ay tumatalakay sa sekswalidad ng babae at karapatang reproduktibo sa Indonesia at sa Pilipinas. Kapansin-pansin na kinukumpirma ng mga dokumento ang mga argumentong teoretikal na nakapaloob sa unang aklat: sa kabila ng oposisyon mula sa mga institusyong dinodomina ng kalalakihan, mayroong batayan sa kaisipang Islam para mapaunlad ang khilafah (ang buong kakayahan ng kababaihan) tungo sa isang pandaigdigang pananaw. Ang maagang Islam ay gumawad sa kababaihan ng karapatan sa pagmamay-ari, boses sa pag-aasawa at diborsyo, at ang karapatang pumasok o tumangging pumasok sa relasyong sekswal. Subalit ang mga ideyang reaksyonaryo ay hindi direktang kinaharap at kakaunti lamang ang konklusibong nailahad sa mga sanaysay. Sa katunayan ay mga pwersang konserbatibo ang nangingibabaw sa pulitika sa karamihan ng mga lipunang Muslim sa kasalukuyan. 

Patricio N. Abinales

Kyoto Review of Southeast Asia. Issue 5 (March 2004). Islam in Southeast Asia

Exit mobile version