Walang dudang mapanganib ang terorismo sa pambansang seguridad at sa kaayusang panlipunan ng alinmang bansa sa daigdig, kabilang ang Indonesia. Sa kabila nito, bagaman mahalagang usapin ang terorismo, hindi lamang ito ang salik na nag-aambag sa kawalan ng pambansang seguridad at kaguluhan sa lipunan. Hindi kakaiba ang Indonesia sa ganitong bagay. Nagsulputan sa bansa ang maraming anyo ng karahasan, maliban pa sa terorismo–berbal o di-berbal, pisikal o simboliko, at politikal o kultural–bago, habang, at lalo na matapos ang pagbagsak ni Pangulong Suharto noong 1998. Si Suharto (1921-2008) ang pinunong diktador ng Indonesia na naghari at kumontrol sa bansa nang mahigit tatlong dekada mula nang pamunuan niya ang kampanyang anti-komunista noong 1965-6 at ang madugong kudeta.
Maraming mga kaso ng ekstremismo maliban pa sa terorismo, na isang porma rin ng karahasan at radikalismo sa modernong kasaysayang panlipunan ng Inodnesia. Ilan sa mga tipo ng karahasan at radikalismo na banta sa mga relasyon sa pagitan ng mga grupo, panlipunang pagkakasundo, at mapayapang pakikipamuhay sa lipunan ng Indonesia na binubuo ng iba-ibang klase ng tao ang kawalang-pagpaparaya sa pagitan at sa loob ng mga relihiyon, intimidasyon, persekusyon, at pang-aapi, maliban pa sa iba.
Gayunman, nakakalungkot na mistulang sineseryoso ng pamahalaang Indonesian ang terorismo samantalang pinagwawalang-bahala nito o hindi gaanong pinapansin ang maraming akto at porma ng karahasan at kawalang-pagpaparayang panrelihiyon, na ipinakikita o ipinahihiwatig ng, halimbawa, kawalan ng suporta ng pamahalaan sa mga aspetong pinansyal, istruktural, at institusyonal. Iba’t ibang mga pagsisikap, programa, at aktibidad ang isinagawa ng pamahalaan para tunggaliin at labanan ang mga teroristang gawain, propaganda at ideolohiya, gayundin din sa deradikalisasyon ng mga terorista at pagtulong sa kanilang muling maging bahagi ng lipunan. Samantala, hindi gumagawa ng mga katulad na hakbang ang pamahalaan para harapin ang kawalang-pagpaparaya. Tunay na kailangang harapin nang wasto ang terorismo, gayundin naman ang kawalang-pagpaparayag panrelihiyon.
Terorismo at ang Lubos na Suporta sa Paglaban sa Terorismo
Noong Oktubre 12, 2002, nasaksihan ng Indonesia ang pambobomba sa Bali, na siyang pinakakagila-gilalas na teroristang atake sa modernong kasaysayan ng buong kapuluan, na isinagawa ng ilang Muslim mula sa Java at Malaysia. Dalawang malalakas na bomba ang nagwasak sa pinakaabalang mga lugar kung gabi sa erya ng Kuta sa pangturistang isla ng Indonesia sa Bali, na kilala bilang Pulo ng mga Diyos (Pulau Dewata). Ayon sa ulat, kumitil ng 202 buhay ang pagsabog sa Bali at nasugatan ang higit 300 katao, karamihan ay mga Australyano, kasunod ang mga Indonesian, Briton, at iba pang nasyunalidad, kungsaan naging pinakamalaking teroristang atake ang trahedya hindi lamang sa panlipunang kasaysayan ng Indonesia kundi maging sa Timog-Silangang Asya.
Gayunman, hindi na bago ang karahasan sa Bali, na batbat ang kasaysayan ng maraming kahambal-hambal na pangyayari (Robinson, 1995), bago ang teroristang pambobomba sa Pulau Dewata. Mula nang maganap ang mga pambobomba sa Bali, naganap pa ang maraming hiwa-hiwalay na insidente ng terorismo, kasama ang mga suicide bombing sa iba’t ibang lugar, kabilang ang Jakarta, Solo (Surakarta), Cirebon, Surabaya, Sidoarjo, Pontianak, at Samarinda. May ugnayan ang ilang teroristang Indonesian sa mga internasyunal at rehiyunal na teroristang grupo tulad ng al-Qaeda, Islamic State of Iraq and Syria, o Jama’ah Islamiyah. Mas nakabase naman sa bansa ang iba (hal., may kaugnayan sa Negara Islam Indonesia), o mga solong may-sala (Chernov-Hwang, 2018; Schulze, 2018).
Mahalagang itala na hindi kauna-unahang teroristang atake sa panlipunang kasaysayan ng bansa ang mga pambobomba, gawa man ng mga Islamista o iba pang radikal na grupo. Matapos makamit ng Indonesia ang kasarinlan noong 1945, nagsagawa ng mga teroristang atake ng pamamaril at pambobomba ang iba’t ibang radikal na grupo at indibidwal mula sa maraming pinagmulan na may iba-ibang interes, motibo, at layunin. Pana-panahon, inilulunsad din ng mga “nagsosolong terorista” (“lone wolves”) ang mga teroristang atake, nang walang kaugnayan sa alinmang grupo. Iba-iba ang dahilan ng mga nagsosolong terorista sa pagsasagawa ng terorismo, kabilang ang kompetisyon sa negosyo at paghihiganti, hindi para magtatatag ng Islamikong estado o magpabagsak ng mga mapaniil na pinuno (Solahudin, 2013).
Noong 2003, kasunod ng mga mapaminsalang pambobomba sa Bali, lumikha ang pamahalaan ng isang yunit kontra-terorismo na pinangalanang Detasemen Khusus 88 (kilala bilang Densus 88, ang Special Detachment 88). Kalaunan, noong 2010, itinayo ng pamahalaan ang Badan Nasional Penanggulangan Terorisme (BNPT, ang Pambansang Ahensya para Labanan ang Terorismo), isang ahensyang kontra-terorismo. Karagdagan dito, naglabas ang pamahalaan ng maraming batas at regulasyon na nagbabawal at lumalaban sa terorismo.
Nakatuon ang Densus 88, isang elit na iskwad kontra-terorsimo ng Indonesian National Police (Polri), sa pag-iimbestiga, pagtugis, at pagharap sa mga krimen at aktibidad na may kaugnayan sa terorismo (Wibawana, 2022). Ang sentro ng atensyon ng Densus 88 ay sa pagpigil, pagbawas at paglaban sa marahas na extremismo (hal., terorismo) mula noong teroristang atake sa Bali noong 2002. Dagdag pa, ang BNPT ay isang insititusyon ng pamahalaan na di-ministeryal na may katulad na katayuan sa ministri, kungsaan direktang nag-uulat ang pinuno nito sa Pangulo.
Samantalang mga “hard approach” (hal., pag-atake sa mga kuta ng terorista) ang pangunahing estrathiya ng Densus 88, gumagamit naman ang BNPT ng “soft approach” bilang pangunahing estratehiya nito para pigilan, bawasan at lipulin ang terorismo sa Indonesia sa pamamagitan ng iba’t ibang programa, kabilang ang pagsasanay hinggil sa deradikalisasyon at paglaban sa radikalismo. Mula nang mabuo ito, aktibong naglulunsad ang BNPT at mga kaanib nito ng mga palihan, pampublikong lektura, at mga seminar hinggil sa mga panganib ng terorismo at sa mga pagsisikap para labanan ang terorismo sa mga unibersidad, institusyon ng pamahalaan, negosyo, organisasyong panlipunan, at samahan ng kabataan. Dagdag pa, nagkakaloob ang BNPT ng pondo sa mga dating terorista para makapagsimula sila ng kanilang negosyo, makatulong sa paghahanap nila ng trabaho, at tulungan silang muling sumanib sa lipunan.
Dagdag pa sa pagbubuo ng Densus 88 at BNPT, naglabas rin ng ilang batas at regulasyon kaugnay ng terorismo at paglaban sa terorismo, tulad ng (1) Perppu No. 2/2002 hinggil sa Paglaban sa mga Kriminal na Gawain ng Terorismo, (2) UU No. 15/2023 hinggil sa Paglaban sa Terorismo, (3) Undang-Undang No. 17/2011 kaugnay ng paniniktik ng estado at ang papel nito sa pagharang at pangangalap ng impormasyon sa anumang uri ng kahina-hinalang komunikasyon na ipinagpapalagay nitong potensyal na panganib at banta sa pambansang seguridad , (4) UU No. 9/2013 hinggil sa Pagpigil at Paglipol sa mga Kriminal na Gawain ng Pagpopondo sa Terorismo, at (5) UU No. 5/2018 hinggil sa Paglipol sa mga Kriminal na Gawain ng Terorismo, na nirebisang bersyon ng batas noong 2003 (Al Qurtuby 2022, 248). Sa buod, sa paniniwala sa banta ng terorismo sa pambansang seguridad at para sa kaligtasan ng lipunan, nagsagawa ng mga seryosong pagsisikap ang sentral na pamahalaan para labanan ang terorismo sa pamamagitan ng kombinasyon ng mga matitigas at malalambot na mga estratehiya at taktika kontra-terorismo.
Kawalang-Pagpaparayang Panrelihiyon at Kawalan ng mga Inisyatiba para Labanan ang Kawalang-Pagpaparaya
Lampas sa mga mapamuksang teroristang atake sa mga pampublikong lugar na inilahad sa itaas, kapansin-pansin rin sa Idonesia ang presensya ng radikalismong panrelihiyon, mga kilusang anti-pluralista, at mga gawaing walang kompromiso, na banta sa pagkakaiba-ibang etno-relihiyoso, kapayapaan ng mamamayan, at pambasang seguridad. Itinulak din ng pagbagsak ni Suharto ang iba’t ibang porma ng pisikal o direktang karahasan sa Indonesia, na binubuo ng mga mamamayang iba-iba ang wika, kultura at relihiyon, kabilang ang, bagaman hindi limitado sa, terorismo, karahasang bunsod ng seseyonismo, mga gawaing walang pagpaparayang panrelihiyon, mga kaguluhan sa komunidad, ethnic cleansing, marahas na jihadismo, vigilantismo, at marahas na sektaryanismo, na isinasagawa ng iba’t ibang aktor (mga grupong pulitikal, etniko, o relihiyoso).
Iniulat ng Denny JA Foundation na matapos ang pagbagsak ng New Order ni Suharto, may 2398 kaso ng pisikal na karahasan at kawalang-pagpaparaya sa Indonesia, kung saan 65 porsiyento ang may konteksto at motibong relihiyoso (Kompas, 2020). Ilan sa mga kasong ito ang inuri bilang napakataas, na kinatatangian ng libu-libong pagkamatay at pinsala, tulad ng sigalot ng Kristiyano-Muslim sa Maluku, Gitnang Sulawesi, at Hilagang Maluku, o mga awayang inter-etniko (hal., sa pagitan ng Dayak at Madurese) sa Kalimantan, habang inuri ang iba bilang mababa-panggitna na may kaunting pagkasawi o maliit lamang na pinsala sa ari-arian. Tinaya ni Andreas Harsono, isang aktibista ng Human Rights Watch, na may hindi bababa sa 90,000 katao ang napaslang sa karamiha’y mga komunal na marahas na labanan (hindi terorismo) sa dekada matapos ang pagbagsak ni Suharto (Harsono, 2019).
Kumpara sa mga gawaing terorista, na kalimitang may partikular na layunin at pana-panahon, mas malaganap at palagian ang mga karahasang bunsod ng kawalang-pagpaparaya. Di hamak na mas maraming kaso ng kawalang-pagpaparaya kaysa ng terorismo. Bagaman magkakaiba ang mga datos, ayon sa Public Virtue Research Institute, may siyam na kaso ng teroristang pambobomba[1] (CNN Indonesia, 2021) mula taong 2000 hanggang 2020. Tiyak na may iba pang porma ng terorismo, subalit anumang tipo ng terorismo, ipinakikita ng datos na malayong nilalampasan ito ng mga gawain ng kawalang-pagpaparayang panrelihiyon, kabilang ang mga paglabag sa kalayaan sa relihiyon (kilala bilang Kebebasan Beragama dan Berkeyakinan o pinaikli bilang KBB).
Halimbawa, noong 2024 pa lamang, ayon sa Setara Institute, isang kilalang institusyon sa Jakarta na hindi nakaugnay sa unibersidad, may 477 insidente ng kawalang-pagpaparayang panrelihiyon at paglabag sa kalayaang panrelihiyon, kabilang ang intimidasyon, persekusyon, panununog o paninira ng ari-arian ng ibang pananampalataya, pang-aapi, pagtatakwil sa mga pampublikong ritwal ng pagsamba na isinasagawa ng mga partikular na grupong relihiyoso, pagtangging magtayo ng mga lugar ng pagsamba (mga simbahan karamihan), at iba pa. Ipinakikita ng datos ang pagtaas ng bilang mga kaso ng kawalang-pagpaparaya mula sa nakaraang taon, na bumibilang ng 329 kaso noong 2023 (Ashfiya 2025).
Kaiba sa mga aktor ng terorismo, mas masaklaw ang katangian ng mga gumagawa ng kawalang-pagpaparayang panrelihiyon, mula sa iba’t ibang ahensiya kapwa ng estado (hal., mga opisyales ng pamahalaan, mga aparatong panseguridad, mga kasapi ng parliyamento, at iba pa) at di-estado (hal., mga grupong relihiyoso, samahan ng mamamayan, ordinaryong masa). Itinala rin ng Setara Institute na noong 2024, nasa 39.5 porsiyento (159 kaso) ng mga aktor ng kawalang-pagpaparayang panrelihiyon at mga lumabag sa KBB ang mula sa pamahalaan (mga aktor mula sa estado), habang 60.5 porsyento (243 kaso) ang mula sa mga aktor na hindi mula sa gobyerno o estado.
Dagdag pa, lubhang mas iba-iba at masalimuot ang mga pagkamatay dulot ng kawalang-pagpaparayang panrelihiyon kumpara sa terorismo, sa isang banda, dahil karaniwang may partikular na target na lugar ang mga terorista (hal., mga simbahan, himpilan ng pulisya, mga otel na pag-aari ng partikular na grupo ng tao, mga embahada ng mga tukoy na bansa, o mga gusaling sumisimbolo sa Kanluran) at mga tao (hal., mga Kanluranin, mga tauhan ng pulisya, mga Kristiyano, at iba pa). Sa kabilang banda, maaaring maging target ng mga salarin sa kawalang-pagpaparaya ang alinmang lugar (lugar ng pagsamba, mga bahay, paaralan, opisina, gusali, at iba pa) at mga tao anuman ang pananampalataya (kapwa Muslim at hindi Muslim) na itinuturing umanong lihis at kung gayo’y maaaring atakehin at sirain.
Bagaman lumaganap sa buong bansa ang karahasan at kawalang-pagpaparayang panrelihiyon, at isang penomemon nang nasa lahat ng dako ng Indonesia ngayon, nagdudulot ng di-mabilang na biktima at pagkasira ng maraming mahahalagang ari-arian na pag-aari ng mga partikular na relihiyosong komunidad, walang umiiral na entidad o yunit ng pamahalaan para labanan ito. Hindi tulad sa mga kaso ng terorismo kungsaan mabilis na tumugon sa penomenon ang pamahalaan, kasama ang lehislatura at mga pwersang panseguridad, sa pamamagitan ng pagtatayo ng maraming mga yunit at iskwad kontra-terorismo, pati na ang pagbubuhos ng malaking pondo, nananatiling hindi malinaw at hindi tiyak ang tugon ng pamahalaan sa maraming mga kaso ng kawalang-pagpaparayang panrelihiyon at radikalismo sa buong kapuluan ng bansa.
Hanggang ngayon, walang makabuluhang pondong inilalaan ang pamahalaan para labanan ang mga salarin sa kawalang-pagpaparayang panrelihiyon at kaguluhang panlipunan. Hindi rin nagtatatag ang pamahalaan ng mga yunit para labanan ang kawalang-pagpaparaya. Ang tinatawag na Forum Kerukunan Umat Beragama (FKUB), isang pambansang porum para sa pagkakaisang inter-relihiyon (na itinatag noong 2006), ay pinasimulan ng mga pamahalaang rehiyunal at mga lokal na pinunong panrelihiyon, batay sa komun at pinagkakaisahang mga regulasyon ng Ministry of Home Affairs at ng Ministry of Religious Affairs (Peraturan Bersama Menteri No. 8 and 9). Gayunman, maliit ang pondo ng FKUB para sa mga programa nito. Hindi tulad sa mga kaso ng terorismo, hindi naglabas ang pangulo ng Indonesia ng partikular na batas para “itaas” ang katayuan ng FKUB, bagaman sinubok ito ni Yaqut Cholil Qoumas, isang dating ministro ng gawaing panrelihiyon, noong 2022 (Andrios 2022).
Sa Pagitan ng Terorismo at Kawalang-Pagpaparayang Panrelihiyon: Pangwakas na Pangungusap
Batay sa paglalarawan at pagsusuring inilahad sa itaas, higit na kagyat ang pagharap sa kawalang-pagpaparayang panrelihiyon kaysa, o kaya’y kasing kagyat ng, terorismo, na hindi nakikita sa huling mga taon, matapos ang malawakang pagtugis ng mga aparato ng estado at puspusang pagsasanay at mga programa ng pamahalaan para sa rehabilitasyon, deradikalisasyon, at integrasyon ng mga terorista.
Sa kasawiang-palad, sa kabila ng napakalaking bilang ng mga kaso ng kawalang-pagpaparayang panrelihiyon, kabilang ang paglabag sa KBB, mistulang nag-aalinlangan ang pamahalaan na harapin ang usaping ito, o kaya’y gumagawa lamang ng mga pahapyaw, hiwa-hiwalay, at di-sistematikong mga hakbang upang tugunan ang mga mahihigpit at nakaliligalig na mga usapin para sa seguridad, kaligtasan at pagkakaisa ng bansa. Tunay naman na may Pusat Kerukunan Umat Beragama (ang Center for Interreligious Harmony, na pinamumunuan ngayon ni M. Adib Abdushomad, isang iskolar na nagsanay sa Australia) ang Ministry of Religious Affairs, subalit maliit na yunit lamang ito sa ilalim ng ministri na may napakaliit na pondo, walang awtoridad, at limitado ang mga tungkulin. Gayunpaman, gumawa si Abdushomad ng mga mapanlikhang programa kaugnay ng ugnayang inter-relihiyon, kapayapaan, at papaparaya, kabilang ang Harmony Award, mga podcast, at pag-abot sa mga komunidad sa kanayunan, at iba pa. Pinasinayaan rin ng sentro ang isang application na tinawag na Si-Rukun (“Ang Pagkakasundo”), isang sistema ng maagang pagbababala para pigilan ang tensiyon at karahasang nakabatay sa relihiyon.[2]
Kung gayon, napapanahon na para sa sentral na pamahalaan na maglaan ng higit na pansin sa pagsupil sa kawalang-pagpaparang panreihiyon, kasabay ng terorismo, sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na na suportang istruktural, institusyunal, ligal at pinansyal upang labanan ang mga gawang walang pagpaparaya, batay man sa relihiyon o hindi (hal., etniko), para sa pagpapahusay ng kapayapaan, seguridad, kaligtasan at pagkakasundo sa Indonesia sa hinaharap.
Sumanto Al Qurtuby
Si Sumanto Al Qurtuby ay isang Senior Lecturer sa Graduate Program ng Sociology of Religion, Faculty of Theology, Satya Wacana Christian University.
Notes –
[1] Kabilang sa mga teroristang pambobombang ito ang mga sumusunod: ang pambobomba sa Bali I (2002), ang pambobomba sa JW Marriot (2003), ang pambobomba sa Bali II (2005), ang pambobomba Ritz Carlton (2009), ang pambobomba sa Masjid Az-Dzikra Cirebon (2011), ang pambobomba sa Sarinah (2016), ang pambobomba sa punong himpilang panlunsod ng Surakarta (2016), ang pambobomba sa Kampung Melayu (2017), ang pambobomba sa Surabaya (2018), at ang pambobomba sa Sidoarjo (2018) (Schulze 2018).
[2] Panayam sa online kay M. Adib Abdushomad, Pinuno ng Center for Interreligious Harmony, ng Ministry of Religious Affairs, 28 Setyembre 2025.
References –
Al Qurtuby, Sumanto. 2022. Terrorism and Counter-terrorism in Saudi Arabia and Indonesia. London: Palgrave.
Andrios, Benny. 2022. “Menag: Kemenag Usulkan Perpres Pembentukan FKUB Pusat.” https://kemenag.go.id/nasional/menag-kemenag-usulkan-perpres-pembentukan-fkub-pusat-jtlwmw.
Ashfiya, Dilla Agustin Nurul. 2025. “Kasus Intoleransi di Indonesia: Jumlah, Penyebab, Pelaku, dan Contohnya.” GoodStats, 10 July. https://goodstats.id/article/intoleransi-agama-di-indonesia-HdiJw.
Chernov-Hwang, Julie. 2018. Why Terrorists Quit: The Disengagement of Indonesian Jihadists. Ithaca: Cornell University Press.
CNN Indonesia. 2021. “Daftar Kasus Ledakan Bom di Indonesia Dua Dekade Terahir,” 28 March. https://www.cnnindonesia.com/nasional/20210328150157-20-623072/daftar-kasus-ledakan-bom-di-indonesia-2-dekade-terakhir.
Harsono, Andreas. 2019. Race, Islam, and Power: Ethnic and Religious Violence in Post-Suharto Indonesia. Australia: Monash University Publishing.
Kompas. 2020. “Kasus Kekerasan yang Dipicu Masalah Keberagaman di Indonesia.” https://www.kompas.com/skola/read/2020/02/06/190000569/kasus-kekerasan-yang-dipicu-masalah-keberagaman-di-indonesia.
Robinson, Geoffrey. 1995. The Dark Side of Paradise: Political Violence in Bali. Ithaca, NY: Cornell University Press.
Schulze, Kirsten E. 2018. “The Surabaya Bombings and the Evolution of the Jihadi Threat in Indonesia.” CTC Sentinel, July, pp,1-6.
Solahudin. 2013. The Roots of Terrorism in Indonesia: from Darul Islam to Jema’ah Islamiyah. Ithaca, NY: Cornell University Press.
Wibawana, Widhia Arum. 2022. “Apa Itu Densus 88? Pengertian, Sejarah, Tugas, dan Fungsi.” Detik News, 29 October. https://news.detik.com/berita/d-6375591/apa-itu-densus-88-pengertian-sejarah-tugas-dan-fungsi.

