Nakonsolida ng Cambodian People’s Party (CPP) ang pangingibabaw nito sa pulitika sa pangkalahatang halalan noong 23 Hulyo 2023 kung saan nakuha nito ang 120 sa 125 na pwesto sa Pambansang Asembleya.[1] Resulta ito na nagtatampok ng isa sa pinakamahigpit na kontrol sa kapangyarihan mula nang ginamit ng Cambodia ang demokratikong multi-partidong balangkas noong 1991. Samantalang umiiral sa pangalan ang mga partidong oposisyon, kinakaharap nila ang mga limitasyong ligal, burukratiko at mga balakid na may kinalaman sa pagkalap ng impormasyon na nagpapahina sa integridad ng halalan at naglilimita sa tunay na kompetisyon.
Sinimulan ang sistemang multi-partido sa Cambodia bilang bahagi ng 1991 Paris Peace Agreements, na tumapos sa kanilang hidwaan sa Vietnam at naglatag ng pundasyon para sa isang demokratikong sistema na nakabatay sa mga liberal na prinsipyo. Pinangasiwaan ng United Nations Transitional Authority in Cambodia (UNTAC) ang kauna-unahang halalang multi-partido ng bansa noong 1993,[2] na naghuhudyat ng bagong kabanata sa kalagayang pampulitika ng Cambodia.
Gayunman, sa nakaraang tatlong dekada, pinahina ng CPP ang integridad ng multi-partidong balangka at nagresulta ng pagkakamit nito ng hindi maugang bentahe. Noong kalagitnaan ng dekada 1990, pangunahin ang naging papel ng karahasan sa halalan para supilin ang oposisyon. Sa pagpasok ng dekada 2000, pumihit ang CPP tungo sa mas institusyunalisadong mga porma ng kontrol sa pamamagitan ng pagpapasa ng mga batas panghalalan na naglilimita sa mga aktibidad ng oposisyon, paggamit ng mga mekanismong administratibo at hudisyal upang hadlangan ang pagkandidato ng mga kalabang partido, at pagpapatupad ng malaganap na sensura upang kontrolin ang mga balita. Sa pamamagitan ng paghubog sa balangkas ng halalan at pampublikong diskurso, nakapagkonsolida ng kapangyarihan ang CPP at napahina ang kompetisyon sa proseso ng halalan sa Cambodia.
Karahasan sa Halalam sa Cambodia
Isang susing katangian ng halalan sa Cambodia matapos ang 1993 at hanggang kalagitnaan ng dekada 2000 ang karahasan sa halalan. Kalimitang naiuugnay sa panahon ng halalan, target ng karahasan ng CPP ang mga miyembro ng partidong oposisyon at kanilang mga taga-suporta. Bagaman nagwagi ang royalistang partido na National United Front for an Independent, Neutral, Peaceful and Cooperative Cambodia (FUNCINPEC) sa halalan noong 1993, tumangging bumaba sa pwesto si dating Punong Ministro (PM) Hun Sen na nanungkulan mula 1985 nang may suporta mula sa Vietnam. Humantong ito sa pagbubuo ng gobyernong koalisyon sa pagitan ng FUNCINPEC at CPP, kung saan nanungkulan bilang co-PM sina Hun Sen at Prinsipe Norodom Ranariddh.[3]
Nabuwag ang kasunduan sa paghahati sa kapangyarihan noong 1997 nang maglunsad ng kudeta si Hun Sen upang patalsikin si Prinsipe Ranariddh. Resulta nito ang pagpaslang sa higit 60 miyembro ng oposisyon na maghuhudyat ng maagang konsolidasyon ng pampulitikang kontrol ng CPP. Nagpatuloy si Hun Sen bilang tanging PM.[4] Tungo sa halalan noong 1998, nagdulot ng takot ang karahasan laban sa mga miyembro ng FUNCINPEC at nagtulak sa marami na madistiyero. Pinaghigpitan rin ang akses sa midya ng mga kandidatong oposisyon kung kaya’t nakakapangampanya ang CPP nang halos walang pagsalungat.[5] Matapos ang pagwawagi nito, sinalubong ng marahas na panunupil at ilang pamamaslang ang mga protesta hinggil sa umano’y iregularidad sa halalan.[6]
Nanatili ang karahasan at intimidasyon bago ang halalan noong 2003. Bago ang halala ng commune (sangkat) sa Cambodia noong 2002 na itinuturing na panimula ng pangkalahatang halalan, 15 aktibistang oposisyonista ang pinaslang Sabihin pa, naging malaganap ang mga ulat hinggil sa pananakot ng pagsira ng mga ari-arian laban sa mga tagasuporta ng FUNCINPEC at Sam Rainsy Party (SRP).[7]
Samantalang nanatili ang mga manaka-nakang karahasan – tulad ng pamamaslang kay Khim Sambo noong 2008, isang mamamahayag at kritiko ng pamahalaan[8] – bumaba ang bilang ng pisikal na karahasan laban sa pampulitikang oposisyon habang nakokonsolida ang demokratikong sistema mula kalagitnaan ng dekada 2000. Sa kalakhan ay nahalinhinan ang lantarang karahasan ng mga mas tusong porma ng intimidasyon tulad ng pag-amyenda sa mga batas sa halalan upang limitahan ang aktibidad ng oposisyon, paggamit ng mga taktikang administratibo at hudisyal upang isantabi ang mga partidong oposisyon, at pagpapahigpit ng kontrol sa indipendyenteng midya. Lalo pang pinahina ng mga taktikang ito ang sistemang elektoral ng Cambodia habang hinuhubog ang bansa na maging isang estadong dinodomina ng iisang partido.
Inamyendahang mga Batas sa Halalan
Sistematikong inamyendahan ang ligal na balangkas ng halalan upang ikiling ang balanse ng labanan sa pulitika pabor sa CPP kung saan pinaghihigpitan ang mga oportunidad para sa makabuluhang paglahok ng mga partidong oposisyon sa halalan. Ang Konstitusyon[9] ang siyang pangunahing ligal na dokumento na naglalatag ng balangkas para sa demokrasya kung saan nasasaad sa Artikulo 51 na “pinagtitibay ng bansa ang patakaran ng liberal na demokrasya at pluralismo”. Kung gayon, nagmumula ang pampulitikang awtoridad sa kapasyahan ng mamamayan, na nagpapahiwatig ng pangangailangan para sa malaya at patas na halalan upang itakda ang distribusyon ng kapangyarihang pampulitika.
Gayunman, patungo sa halalang 2023, pinahina ng mga amyenda sa Konstitusyon ang papel ng pampulitikang oposisyon. Sa mga amyenda sa Artikulo 19, 82, 106, 119, 137, at Artikulo 3 at 4 ng Additional Constitutional Law, pinagbawalan ang mga indibidwal na may dual citizenship na humawak ng mga susing posisyon tulad ng pagiging PM.[10] Nakaapekto ang mga pagbabagong ito sa mga personahe ng oposisyon ng ngayon ay lusaw nang Cambodia National Rescue Party (CNRP) – na tumunggali sa kapangyarihan ng CPP noong halalang 2013[11] – tulad ni Sam Rainsy na kapwa may Cambodian at French citizenship, at ni Mou Sochhua, na kasal sa isang hindi Cambodian.
Isang halimbawa ang Law on the Election of Members of the National Assembly (LEMNA)[12] na siyang namamahala sa prosesong elektoral ng Cambodia. Noong 2023, sinimulan ng mga amyenda ang paghihigpit sa mga kandidatong hindi bumoto sa nakaraang dalawang halalan at nagpataw ng mga parusa sa mga nagsusulong ng pagboykot o pagpapawalang-bisa sa mga halalan.[13] Hinadlangan ng mga bagong patakaran na makatakbo sa mga halalan sa hinaharap ang mga miyembro ng oposisyon na nadistiyero nang sarili kusa at umalis ng Cambodia upang iwasan ang mga kasong may motibong pulitikal, sa gayon ay napahihina ang kanilang kakayahan na labanan ang awtoridad ng CPP. Mabilis na ipinasa ng Pambasang Asembleya ang mga amyenda at inaprubahan ng lahat ng 111 mambabatas na kasapi ng CPP nang halos walang debate.[14]
Bagaman hindi sinasaklaw ng mga halimbawang ito ang lahat ng amyenda sa mga batas sa halalan, ipinakikita ng mga ito ang mas malawak na estratehiya ng pagpapanatili ng isang ligal na balangkas na tahasang nagpepreserba ng lehitimasyon habang pinaghihigpitan ang mga pamantayan sa paglahok sa halalan. Isang proseso ito na kayang ipatupad ng CPP nang halos walang pagtutol dahil sa napakalaking mayoryang hawak nito sa parliyamento.
Mga Taktikang Administratido at Hudisyal
Mula kalagitnaan ng dekada 2000, nagbagong-anyo ang karahasang pulitikal tungong isang hanay ng mga taktikang administratibo at hudisyal na ginamit upang pahinain ang pampulitikang oposisyon, na tampok matapos ang pangkalahatang halalan noong 2013 at bago ang mga pangkalahatang halalan noong 2018 at 2023.
Noong halalan 2013, ipinamalas ng CNRP ang kauna-unahang seryosong paghamon sa hegemonya ng CPP mula 1998. Bumaba ng 48.8% ang bahagi ng CPP sa mga boto at nakuha naman ng CNRP ang 44.4% ng mga boto.[15] Kasunod ng dikit na resulta ng halalan, lumitaw ang pagdami ng mga taktikang administratibo at hudisyal para pahinain ang papel ng oposisyon. Noong 2015, hinatulan ng dalawang taong pagkabilanggo si Sam Rainsy, dating pangulo ng CNRP, sa kaso ng paninirang-puri matapos niyang paratangan ang CPP ng pandaraya sa halalan noong 2013.[16] Umalis siya ng bansa noong Nobyembre 2015 at nagdistiyero ng sarili.[17]
Tumindi ang mga pagsisikap ng CPP na pahinain ang oposisyon noong 2016 matapos ang pagpaslang sa kilalang komentarista sa pulitika at kritiko ng pamahalaan na si Kem Ley. Matapos niyang pumanaw, kinasuhan ng paninirang-puri si Sam Rainsy dahil sa pagpapahiwatig nito na may kinalaman ang pamahalaan sa naturang pagpaslang dahil ang pamahalaan lamang umano ang may kakayahang magsagawa ng gayong atake.[18] Nagbitiw siya bilang Pangulo ng CNRP noong Pebrero 2017 bilang tugon sa panukalang amyenda na pagbawalan ang mga napatunayang may-sala na mamuno ng partido pulitikal.[19]
Noong 2017, kinasuhan ng pagtataksil sa bayan si Kem Sokha, ang humaliling Pangulo ng CNRP matapos magbitiw ni Sam Rainsy, sa ilalim ng Artikulo 443 ng Criminal Code. Pinaratangan siya ng pakikipagsabwatan sa Estados Unidos para ibagsak ang pamahalaan,[20] at kalaunan ay nahatulan ng 27 taon ng house arrest at pinagbawalang lumahok sa pulitika. Malawakang itinuturing ng mga eksperto[21] ng UN ang mga hakbang na ito na may bahid ng motibong pulitikal at naglalayong sugpuin ang impluwensya ng CNRP. Noong Nobyembre 2017, nilusaw ng Korte Suprema ng Cambodia ang CNRP sa paratang ng pakikipagsabwatan para pabagsakin si Hun Sen sa tulong ng dayuhan.[22] Sa kawalan ng malakas na partidong oposisyon, nanalo ang CPP sa pangkalahatang halalan noong 2018 na may malaking kalamangan at nakuha ang 125 puwesto sa parliyamento na may 76.8% na mga boto.[23]
Sa konteksto ng halalang 2023, hinadlangan ang Candlelight Party (CLP) – dating Khmer Nation Party at SRP – na makalahok sa pangkalahatang halalan 2023 matapos na maging siyang pangunahing partidong oposisyon nang malusaw ang CNRP.[24] Patungong halalang 2023, hinadlangan ng National Election Committee (NEC) na makalahok ang CLP dahil sa mga usapin sa proseso ng rehistrasyon. Nagpasa ang partido ng mga kopya lamang ng dokumento sa halip na mga orihinal na dokumento na siyang kahingian sa rehistrasyon. Ikinatwiran ng CLP na sinamsam ang lahat ng mga orihinal na dokumento sa isang reyd ng puliya noong 2017 kung kaya’t hindi nito kakayaning tugunan ang mga kahingian sa rehistrasyon.[25] Matapos nito, nagpatuloy ang panggigipit sa mga kasapi nito sa mga pinansyal na kaparaanan. Noong Hulyo 2024, nahatulang may-sala ang Pangulo ng CLP na si Teav Vannol para sa kasong paninirang-puri matapos niyang tuligsain si Punong Ministro Hun Manet. Pinagmulta siya ng USD 1.5 milyon.[26]
Lalo pang nadehado ng mga manipulasyon sa halalan ang oposisyon. Halimbawa, sa halalang komunal noong 2022, karaniwan ang mga kaso ng nawawalang mga balota, hindi maipaliwanag na mga karagdagang boto, at malimit na pagbabago at pagbura sa talaan ng boto, nang halos walang aksyon mula sa NEC upang pigilan ito.[27] Sa kabuuan, binigyan nito ang CPP ng malaking bentahe laban sa mga katunggali sa pulitika at pinahina ang kakayahan ng oposisyon na makipagpaligsahan nang patas sa halalan.
Kontrol sa Indipendyenteng Midya
Pinatindi ang pagpapahina sa halalang multi-partido ng pinahigpit na kontrol ng CPP sa indipendyenteng midya, lalo na matapos ang mga pagsisikap nitong konsolidahin ang kapangyarihan pagkatapos ng halalang 2013. Sistematikong pinuntirya ng pamahalaang CPP ang mga indipendyenteng kumpanya ng midya, mga mamamahayag, at mga platapormang digital para kontrolin ang mga naratibo hinggil sa pananagutan ng pamahalaan. Nakaapekto ito sa pagiging patas at pagkakaroon ng makabuluhang kompetisyon sa halalan sa pamamagitan ng paghihigpit sa daloy ng indipendyenteng impormasyon at paglimita sa kakayahan ng oposisyon na epektibong makipagtalastasan sa publiko.
Noong Mayo 2018, isinara ang radyong Angkor Ratha dahil sa pagsasahimpapawid nito ng mga programa ng oposisyon nang walang pagsang-ayon ng pamahalaan.[28] Isang taon bago ang halalang 2018, ibinigay ng istasyon ng estado na TVK ang 84% ng airtime nito para sa CPP, habang binigyan lamang ng 10% ang FUNCINPEC at 6% ang SRP.[29]
Noong Setyembre 2017, napilitang magsara ang Cambodia Daily – tanyag sa kanilang mapagsiyasat na peryodismo at kritikal na pag-uulat hinggil sa korupsyon, paglabag sa karapatang pantao at mga aktibidad ng pamahalaan – dahil sa sinisingil na USD 6.3 milyon na buwis rito[30] na pinaniniwalaang may motibong pulitikal dahil sa resulta ng halalang 2013 at ang tiyempo nito bago ang halalang 2018.[31]
Pinuntirya rin ng pamahalaan ang Radio Free Asia (RFA) at Voice of America (VOA) sa layuning lalo pang pahigpitin ang kontrol sa mga indipendyenteng batis ng balita na kritikal sa CPP. Ipinag-utos ng mga awtoridad ang pagsasara sa higit isang dosenang istasyon ng radyo na nagsasahimpapawid ng mga programa ng RFA at VOA, na signipikanteng naglimita ng akses sa impormasyong walang kinikilingan, laluna sa mga kanayunan.[32] Tumigil ang operasyon ng RFA sa loob ng bansa dahil sa panggigipit at mga bantang ligal ngunit nagpatuloy ng pagbabalita mula sa US, samatala, nagpatuloy sa kanilang aktibidad ang VOA bagaman nabawasan ang naaabot nito.[33]
Isinara noong Pebrero 2023 ang Voice of Democracy (VOD) matapos ang ulat nito hinggil sa isang kontrobersyal na insidente na sangkot si Hun Manet na noo’y anak ng PM sa konteksto ng mapaminsalang lindol sa Turkey sa taon ring iyon. Binanggit ng ulat na inaprubahan ni Hun Manet ang ayudang USD 100,000. Sinabi ni Hun Sen na mali ang balitang ito at inakusahan ang VOD ng pagpapalaganap ng maling impormasyon na pumipinsala sa pambansang seguridad.[34]
Naging isang mahalagang kasangkapan ang National Internet Gateway (NIG), na itinatag sa Cambodia noong 2021, para sa mga pagsisikap ng pamahalaan na kontrolin at iregulisa ang kaligirang pang-midya, bagaman hindi pa ito lubos na naipapatupad hanggang sa kasalukuyan. Sa pamamagitan ng pagsesentralisa sa lahat ng internet traffic sa pamamagitan ng isang lagusan na kontrolado ng estado, nagagawa ng NIG na magmasid, salain at higpitan ang akses sa mga ispesipikong website,[35] na nagbibigay ng mekanismo para limitahan ang naaabot ng indipendyenteng midya at kontrolin ang paglaganap ng impormasyon. Kung gayon, mahalaga ito dahil sa kakayahan paghigpitan ang akses sa mga mensaheng kritikal sa pamahalaan, at gayon ay nakokonsolida ang kakayahan ng estado na hubugin ang pampublikong diskurso. Lalo nang malaki ang epekto ng ganitong pagkontrol sa mga maseselan na panahon sa pulitika, tulad ng halalan, kungsaan maaaring direktang makaapekto sa resulta ng halalan ang kapangyarihan na impluwensyahan ang opinyong publiko at pangasiwaan ang mga naratibo sa midya.
Kongklusyon
Mula 1997, lubhang pinahina ng pamahalaang pinamumunuan ng CPP sa Cambodia ang halalang multi-partido. Sa simula, nakita ang ganitong nakaririmarim na kalakaran sa lantarang pulitkal na pandarahas laban sa mga personalidad ng oposisyon. At bagaman pumaling na ito sa mga mas tusong taktika, kabilang ang pag-amyenda sa mga batas hinggil sa halalan, panggigipit sa mga kalaban sa pulitika, at pagpapataw ng istriktong kontrol sa midya. Bilang resulta, habang napapanatili ang kunwa’y istrukturang multi-partido sa halalan sa Cambodia, sistematikong pinagkakaitan ang oposisyon ng tunay na pagkakataon para makalahok sa halalan. Sa pamamagitan ng ganitong manipulasyon, naipwesto ng CPP ang sarili bilang dominanteng pwersa sa pulitika samantalang hinahadlangan ang mga gawaing demokratiko.
Tumugon ang internasyunal na komunidad sa pamamagitan ng malawakang pagkondena at panawagan para sa pananagutan. Nagpahayag ito ng matinding pag-aalala hinggil sa kalayaan sa pamamahayag at pagkitid ng espasyo para sa pagtutol. Sumentro ang mga pagsisikap sa adbokasiya at pagsuporta sa mga inisyatiba ng civil society. Gayunpaman, nananatiling hindi tiyak ang bisa ng mga pagsisikap na ito, habang patuloy namang nilalabanan ng CPP ang mga panlabas na presyur para mapanatili ang kontrol nito sa kapangyarihan.
Marc Piñol Rovira, Asia Centre
NOTES
[1] National Election Committee of Cambodia (NEC) (2023) ‘តារាងលទ្ធផលផ្លូវការនៃការបោះឆ្នោតជ្រើសតាំងតំណាងរាស្ត្រ នីតិកាលទី៧ ឆ្នាំ២០២៣ ថ្ងៃអាទិត្យ ទី២៣ ខែកក្កដា ឆ្នាំ២០២៣ [Official results of the 7th National Assembly Election 2023, Sunday, July 23, 2023]’, NEC, at: https://www.nec.gov.kh/khmer/content/7257.
[2] United States Institute of Peace (2000) ‘Final Act of the Paris Conference on Cambodia’, United States Institute of Peace, at: https://www.usip.org/sites/default/files/file/resources/collections/peace_agreements/final_act_10231991.pdf.
[3] Sorpong Peou (1998) ‘Hun Sen’s Pre-emptive Coup: Causes and Consequences’, Southeast Asian Affairs: 86–102, at: http://www.jstor.org/stable/27912198.
[4] Sorpong Peou (1998) ‘Cambodia in 1997: Back to Square One?’, Asian Survey 38(1): 69–74, at: https://doi.org/10.2307/2645469.
[5] Peter M. Manikas and Eric Bjornlund (1998) ‘Cambodia’s 1998 Elections: The Failure of Democratic Consolidation’, New England Journal of Public Policy 14(1): 145–160, at: https://scholarworks.umb.edu/nejpp/vol14/iss1/11.
[6] Bureau of Democracy, Human Rights, and Labor, US Department of State (1999) ‘Cambodia Country Report on Human Rights Practices for 1998’, US Department of State, at: https://1997-2001.state.gov/global/human_rights/1998_hrp_report/cambodia.html.
[7] Human Rights Watch (2003) ‘The Run-Up to Cambodia’s 2003 National Assembly Election: Political Expression and Freedom of Assembly under Assault’, Human Rights Watch, at: https://www.hrw.org/legacy/backgrounder/asia/cambodia/cambodia061203.pdf.
[8] Radio Free Asia’s Khmer Service (2008) ‘Khmer Journalist, Son, Shot Dead’, Radio Free Asia, at: https://www.rfa.org/english/news/cambodia/shooting-07122008181034.html.
[9] “Constitution of the Kingdom of Cambodia, 1993” (2008), Constitute Project, at: https://constituteproject.org/constitution/Cambodia_2008.
[10] Benjamin Lawrence (2022) ‘Cambodia’s constitutional amendments: Consolidating control and securing succession plans’, ConstitutionNet, at: https://constitutionnet.org/news/cambodias-constitutional-amendments-consolidating-control.
[11] Transparency International Cambodia (2013) Final Election Observation Report on cambodia’s 2013 National Election, Phnom Penh: Transparency International Cambodia, at: https://ticambodia.org/library/wp-content/files_mf/1438020883TICsReporton2013NationalElection.pdf.
[12] “Law on the Election of Members of the National Assembly” (1997), NEC, at: https://www.nec.gov.kh/english/sites/default/files/LEMNA.pdf.
[13] “Law on the Amendment of the Election Law” (2023), OpenDevelopment Cambodia, at: https://data.opendevelopmentcambodia.net/laws_record/law-on-the-amendment-of-the-election-law/resource/74985feb-ed3f-475f-b064-bbbf9d9284e5; Ros, Sophea (2023) ‘Cambodia’s amended election law weakens opposition ahead of General Election’, Bower Group Asia, at: https://bowergroupasia.com/cambodias-amended-election-law-weakens-opposition-ahead-of-general-election.
[14] Sopheng Cheang (2023) ‘Cambodian lawmakers approve changes to election law that disqualify candidates who don’t vote’, AP News, at: https://apnews.com/article/cambodia-election-law-amendment-opposition-7c3b279d30dead4520966c64cc9ebbef
[15] NEC (2013) ‘លទ្ធផលនៃការបោះឆ្នោតជ្រើសតាំងតំណាងរាស្ដ្រ នីតិកាលទី៥ ឆ្នាំ២០១៣ (ថ្ងៃទី២៨ ខែកក្កដា ឆ្នាំ២០១៣) [Results of the 5th National Assembly Election 2013 (July 28, 2013)], NEC, at: https://www.nec.gov.kh/khmer/category/317.
[16] Pav Suy (2015) ‘Hun Sen slams Rainsy’s election accusation’, Khmer Times, at: https://www.khmertimeskh.com/58905/hun-sen-slams-rainsys-election-accusation.
[17] BBC News (2015) ‘Sam Rainsy: Wanted Cambodian opposition chief delays return’, BBC News, at: https://www.bbc.com/news/world-asia-34835121.
[18] BBC News (2016) ‘Cambodian activist Kem Ley shot dead in Phnom Penh’, BBC News, at: https://www.bbc.com/news/world-asia-36757370.
[19] Sun Narin (2017) ‘Rainsy’s resignation leaves questions lingering over Cambodian politics’, VOA Cambodia, at: https://www.voacambodia.com/a/rainsy-resignation-leaves-questions-lingering-over-cambodian-politics/3721241.html.
[20] Prak Chan Thul (2023) ‘Cambodian opposition figure Kem Sokha sentenced to 27 years of house arrest’, Reuters, at: https://www.reuters.com/world/asia-pacific/cambodian-opposition-figure-kem-sokha-sentenced-27-years-treason-2023-03-03.
[21] Office of the United Nations High Commissioner for Human Rights (OHCHR) (2023) ‘Cambodia: UN experts condemn verdict against opposition leader Kem Sokha’, OHCHR, at: https://www.ohchr.org/en/press-releases/2023/03/cambodia-un-experts-condemn-verdict-against-opposition-leader-kem-sokha.
[22] BBC News (2017) ‘Cambodia top court dissolves main opposition CNRP party’, BBC News, at: https://www.bbc.com/news/world-asia-42006828.
[23] NEC (2018) ‘លទ្ធផលផ្លូវការ នៃការបោះឆ្នោតជ្រើសតាំងតំណាងរាស្ត្រ នីតិកាលទី៦ ឆ្នាំ២០១៨(ថ្ងៃទី២៩ ខែកក្កដា ឆ្នាំ២០១៨) [Official results of the 6th National Assembly Election 2018 (July 29, 2018)]’, NEC, at: https://www.nec.gov.kh/khmer/category/186.
[24] AP (2023) ‘Cambodia’s only major opposition party is barred from running in July elections’, The Guardian, at: https://www.theguardian.com/world/2023/may/16/cambodias-only-major-opposition-party-is-barred-from-running-in-july-elections.
[25] Lors Liblib and Han Noy (2023) ‘Cambodia’s main opposition party disqualified from July’s national election’, VOA News, at: https://www.voacambodia.com/a/cambodia-s-main-opposition-party-disqualified-from-july-s-national-election/7095320.html.
[26] Reuters (2024) ‘Cambodian politician fined $1.5 mln for defamation after democracy criticism’, Reuters, at: https://www.reuters.com/world/asia-pacific/cambodian-politician-fined-15-mln-defamation-after-democracy-criticism-2024-07-25.
[27] Andrew Califf and Khuon Narim (2023) ‘“Irregularities” in Commune Election vote tallying raise concerns about national elections, NGO says’, CamboJA News, at: https://cambojanews.com/irregularities-in-commune-election-vote-tallying-raises-concerns-about-national-elections-ngo-says; Elaine Pearson (2024), Letter to the NEC Chairman Regarding Alleged Intimidation and Vote Buying in February 25, 2024 Senate Election, Human Rights Watch, at: https://www.hrw.org/news/2024/04/03/letter-nec-chairman-regarding-alleged-intimidation-and-vote-buying-february-25-2024.
[28] Sam Borin, Or Phearith, and Mayarith (2008) ‘Cambodia closes radio station’, Radio Free Asia, at: https://www.rfa.org/english/news/cambodia/cambodia_media-05302008113811.html.
[29] Hana Krupanská and Marc Livsey (2008) Cambodia National Assemblt Election 27th July 2008: Report on the International Election Observation Mission ANFREL, Bangkok, Thailand: Asian Network for Free Elections, at: https://anfrel.org/wp-content/uploads/2012/02/2008_cambodia.pdf.
[30] Kristi Eaton (2017) ‘The Cambodia Daily newspaper closes over disputed Tax Bill’, NBC News, at: https://www.nbcnews.com/news/asian-america/cambodia-daily-newspaper-closes-over-disputed-tax-bill-n799671.
[31] Aun Chhengpor (2017) ‘Shutdown of prominent Cambodia newspaper fuels fears of government crackdown ahead of elections’, VOA Cambodia, at: https://www.voacambodia.com/a/fearless-newspaper-closure-marks-declaration-of-post-truth-era-in-cambodia/4017429.html.
[32] Cambodian League for the Promotion and Defense of Human Rights (LICADHO) (2017) ‘Restricting critical voices on Cambodian airwaves’, LICADHO, at: https://www.licadho-cambodia.org/articles/20170909/148/index.html.
[33] Kann Vicheika (2017) ‘Radio Free Asia closes reporting hub, Cambodians miss “critical” coverage”, VOA Cambodia, at: https://www.voacambodia.com/a/radio-free-asia-closes-reporting-hub-cambodians-miss-critical-coverage/4033504.html.
[34] Kelly Ng (2023) ‘Cambodia’s Hun Sen shuts down independent media outlet Voice of Democracy’, BBC News, at: https://www.bbc.com/news/world-asia-64621595.
[35] Asia Centre (2021) Internet Freedoms in Cambodia: A Gateway to Control, Bangkok, Thailand; Asia Centre and International Center for Not-for-Profit Law, at: https://asiacentre.org/wp-content/uploads/Internet-Freedoms-in-Cambodia-A-Gateway-to-Control.pdf.