Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Kung Paanong Inanod ng Korteng Konstitusyunal ang Integridad ng Halalan sa Thailand

The Constitutional Court of The Kingdom of Thailand. Photo: SirichaiKeng, Shutterstock

Noong Agosto 2024, naglabas ang Korteng Konstitusyunal (CC) ng dalawang hatol na nakaapekto nang malaki sa tunguhin ng pulitika sa Thailand. Noong Agosto 7, nilusaw ng mga hukom ang progresibong Move Forward Party (MFP) dahil sa pagtataksil sa monarkiya.[1] Matapos ang isang linggo, tinanggal nito si Prime Minister Srettha Thavisin mula sa naghaharing koalisyon na pinamumunuan ng Pheu Thai Party, sa batayan ng kawalan ng katapatan at integridad dahil sa paghirang nito sa gabinete ng isang dating nahatulan sa pagkakasala na sa pananaw ng hukuman ay hindi karapat-dapat.[2]

Mula nang itatag sa pamamagitan ng Konstitusyong 1997, ang CC ng Thailand at  “Constitutional Tribunal”, na pansamantalang nabuo sa ilalim ng kontrol ng junta matapos ang kudeta noong 2006[3], ay nagkaroon ng malakas na impluwensya sa pulitika ng Thailand.[4] Sa gitna ng sunud-sunod na kudeta at pagbabago ng konstitusyon,[5] lumawak ang kapangyarihan ng korte at lalong nagbigay-daan sa impluwensya ng senado na isang di-demokratikong kapulungan sa kasalukuyang kaayusan nito. Naglabas din ito ng ilan pang mga hatol na sa pananaw ng mga kritiko ay nagpahina sa integridad ng halalan, kalimitang pumapabor sa pagkokonsolida ng kapangyarihan ng naghaharing elit at nagpapahina sa mga partidong oposisyon.

Ipinakikita ng mga katunayan ang paulit-ulit na padron kung saan nagiging aktibo ang CC sa gitna ng o sa kagyat na pagtatapos ng pangkalahatang halalan, kung saan tinatanggal sa puwesto ang mga MP, nilulusaw ang mga partido, at sa ilang pagkakataon ay pinawawalang-bisa ang halalan. Gamit ang mga katwirang ligal para maglahad ng mga hatol na hindi mapasusubalian, nagdadala ng alalahanin ang lumalaki ngunit hindi napagbabantayang mga hudisyal na desisyon kaugnay ng mga resulta ng halalan, sa epekto ng may Korte sa integridad ng halalan- at kung gayon, sa kalagayan ng demokrasya – sa Thailand.

Ang Pagsasarili at Kredibilidad ng Korteng Konstitusyunal

May tatlong larangan na sinasabing nakaaapekto sa pagsasarili at kredibilidad ng CC- ang malawak na saklaw ng kapangyarihan nito, ang proseso ng paghihirang ng mga hukom, at ang kawalan ng tagapagbantay.[6] Sa kabuuan, napananatili ng mga elementong ito na makaligtas ang Korte sa pananagutan sa publiko at nakaaapekto sa pagiging lehitimo nito ang mga kontrobersyal na hatol sa mga kasong pulitikal.[7]

Una, ang kapangyarihan nito. Unang lumitaw ang CC sa 1997 “People’s Constitution”, isang konsitusyon na itinuturing na isa sa pinakademokratiko sa kasaysayan ng Thailand.[8] Kasabay ng pinalaking mga sangay ng Ehekutibo at Lehislatibo, itinatag ang ilang mga “nagsasariling organo”– kabilang ang CC – na sa kalakhan ay nahihiwalay sa namamahalang gobyerno sa bawat panahon upang magbantay ang mga organong ito at tiyakin ang pagpapanagot sa mga personahe sa pulitika.[9] Sa pinalawak na saklaw matapos ang sunud-sunod na kudeta at pagpapatibay ng mga konstistuyong ipinataw ng militar,[10] naipailalim sa awtoridad ng Korte ang malawak na hanay ng mga gawaing Ehekutibo, Lehislatibo at pulitikal. Sa ilalim ng Konstitusyong 2017[11] at mga karagdagang batas, kabilang sa mga ito ang pagrepaso kung naaayon sa konstitusyon ang mga batas at halalan, pagtatasa sa kwalipikasyon at asal ng mga pulitiko at partido, at pagpigil sa mga hakbang na itinuturing na “nagpapabagsak sa rehimen.”

Ikalawa, tiniyak ng di-demokratikong proseso ng pagpili sa ilalim ng Konstitusyong 2017 na binubuo ang CC (at iba pang indipendyenteng organong katulad nito) ng mga konserbatibong hukom at teknokrata na kaalyado ng mga tradisyunal na elit.[12] Hinihirang ang mga hukom ng CC mula sa mga hukom ng Korte Suprema, mga hukom ng Supreme Administrative Court at komite para sa pagpili na binubuo ng Pangulo ng Korte Suprema, Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan, Pinuno ng Oposisyon, Pangulo ng Administrative Court, at mga kinatawan mula sa iba pang “indipendyenteng organo”.

Pagkatapos nito, kailangang aprubahan ng senado ang mga hinirang na indibidwal. Gayunman, hindi lehitimo ang ganitong proseso dahil hindi demokratikong naihalal ang mismong mga senador. Pagsapit ng Oktubre 2024, ang lahat ng miyembro ng kapulungan ay inaprubahan ng mga senador na direktang itinalaga ng militar na junta kasunod ng kudeta noong 2014. Aaprubahan ang mga susunod na hukom ng senado na naluklok sa pamamagitan ng isang proseso ng pagpili na hindi kalahok ang publiko. Pinahihina ng ganitong sistema ang tunay na demokratikong representasyon sa senado, at kung gayon, ang demokratkong lehitimasyon ng CC.

Ikatlo, pinalalala pa ang usapin ng kawalan ng epektibong mekanismo sa pagbabantay sa Korte. Nakikita ito sa dalawang paraan. Una, pinal at kailangang ipatupad ng lahat ng entidad ng estado ang mga hatol ng CC. Hinahadlangan nito ang kakayahan ng ibang institusyon na repasuhin o hamunin ang mga desisyong ito; kung gayon ay walang pagpapanagot ng publiko hinggil sa desisyon. Ikalawa, bagaman may mekanismo sa konstitusyon para sa pagtatanggal sa puwesto ng mga hukom ng korte, sa usapin lamang ito ng paglabag ng mga hukom sa mga “pamantayang etikal”. Gayunpaman, may nagtutunggaling interes rito dahil ang tinutukoy na “pamantayang etikal” ng konstitusyon ay isang dokumentong nilikha kasama ang CC mismo. Nililimitahan nito ang pagbusisi ng publiko sa kondukta ng korte.

Sa ganitong kalagayan ng pagkakaroon ng malawak na saklaw ng kapangyarihan, di-demokratikong proseso ng pagpili, at kawalan ng pagsusuri at pagbalanse, kalimitang nasasamantala ang proseso ng CC ng mga tinatawag na “paulit-ulit na petisyoner”[13] na kapanalig ng iba’t ibang paksyon ng konserbatibong elit at naghahain ng mga petisyon na nakakapinsala sa mga personalidad sa pulitika – pangunahin ang oposisyon – para sa mga pampulitikang layunin. Sa gayon naman, kalimitang pumapanig ang mga hatol ng korte sa mga prinsipyong di-demokratiko, nagsisilbi sa interes ng mga petisyoner, at sa halip ay sinisira ang kapasyahan ng mamamayan na nabuo sa kanilang pagboto sa halalan.

Constitutional Court Thailand

Ang mga Hatol ng Korte at ang Epekto nito sa Integridad ng Halalan sa Thailand

Sa kasalukuyan, nagresulta ang mga hatol ng korte sa pagkakasuspinde ng mga halal na kandidato, paglusaw sa mga partido pulitikal at pagpapawalang-bisa sa mga halalan. Sa partikular, pinapawalang-bisa ng mga naturang hatol ang pasya ng mga botante sa mga nagdaang  halalan at kung gayo‘y inaanod ang integridad ng halalan sa bansa.

Una, ang suspensyon ng mga halal na kandidato sa pamamagitan ng paggamit ng mga ligal na teknikalidad.

Tulad ng paggamit sa konduktang moral ng mga pulitiko, kalimitang idinadahilan ng CC ang mga ligal na teknikalidad para suspindihin at tanggalin sa puwesto ang mga MP at ang Ehekutibo. Sa isang kaso noong Agosto 2024, tinanggal ng korte si PM Sretta sa puwesto – sa batayan ng pagiging hindi tapat – dahil sa pagtatalaga nito sa gabinete ng isang indibidwal na sa pananaw ng Korte at hindi karapat-dapat. Humalili sa kanya si Paetongtarn Shinawatra bilang PM kagyat matapos nito.

Isang pang teknikalidad ang pagsuspinde sa mga halal na miyembro ng Parliyamento dahil nagmamay-ari ang mga ito ng sapi sa mga kumpanya ng midya. Naisagawa ito sa pamamagitan ng paggamit ng lubhang masaklaw na pakahulugan sa kumpanya ng midya – na sumasaklaw sa mga entidad na may hayag na gawain sa komunikasyong pangmadla, kahit na hindi gumagana sa panahong iyon. Binalewala rin nito ang mga konsiderasyon hinggil sa aktwal na kontrol ng isang indibidwal sa entidad.[14]

Noong Nobyembre 2019, sinuspinde si Thanathorn Juangroongruangkit, pinuno at MP ng Future Forward Party (FFP) (pinalitan ng MFP) dahil sa pagkakaroon ng shares sa isang di-aktibong kumpanya ng midya na dating naglalathala ng mga magasin na lifestyle.[15] Tulad din noong halalan 2023, inihain ang isang petisyon upang suspendihin si Pita Limjaroenrat, pinuno at MP ng MFP, dahil sa pag-aari ng shares sa halos lusaw nang kumpanya na dating humahawak ng karapatang magsahimpapawid sa TV.[16] Sa kasong ito, napawalang-sala sa huli si Pita matapos lumabas ang mga dokumentong nagpapakita na hindi nakarehistro ang kumpanya bilang entidad na nagsasagawa ng aktibidad pangmidya.[17]

Itinatampok ng mga kasong ito ang paggamit ng mga ligal na teknikalidad nang walang pagsasaalang-alang sa mas malawak na epekto nito sa integridad ng halalan. Nagpapahiwatig din ang mga ito ng mga potensyal na motibasyong pulitikal. Isang paulit-ulit na petisyoner ang “naglantad” ng kaso ni G. Thanathorn pagkatapos mapagtagumpayan ng partido ang maraming bilang ng puwesto[18], habang inilantad naman ng isang petisyoner na kaanib ng mga konserbatibo ang kaso ni G. Pita isang linggo bago isagawa ang halalan.[19]

Ikalawa, pinarurusahan ng mga hatol ng Korte ang mga partido na nagpanukala o nangampanya ng mga patakaran para repormahin ang monarkiya.

Noong Enero 31, 2014, naghatol ang korte na nagsusulong ng “pag-ehersisyo ng mga karapatan at kalayaang pabagsakin ang rehimen ng pamahalan” ang plataporma ng partido na nagsusulong mga mga amyenda sa batas lèse-majesté (Seksyon 112 ng Criminal Code), na nagpapataw ng mga parusa para sa paninira o pagbabanta sa monarkiya – kasama na ang kanilang mga aktibidad tulad ng pagpipyansa para sa mga inaresto sa ilalim ng batas na ito. Idineklara ng CC na esensyal ang Seksyon 12 sa istabilidad ng monarkiya at sa katunayan ay ligtas ito sa mga amyenda. Dahil ginawang pulitikal ang usapin, kasama na ang pangangampanya hinggil sa isyu, tiningnan ng kapulungan ang aksyon ng Move Forward’s Party na katumbas ng pagtataksil sa bayan. Kasunod nito, nilusaw ang partido noong Agosto 7, 2024 at pinagbawalan ang mga kasapi ng komiteng tagapagpaganap nito na lumahok sa mga aktibidad pampulitika sa loob ng sampung taon.[20]

Sa kabilang banda, ibinasura ng Korte ang isang petisyon na humihiling na lusawin ang naghaharing Pheu Thai Party (PTP), na nagkampanya rin para amyendahan ang Seksyon 12 bago pa ito nagpasyang sumapi sa koalisyon kasama ang mga partidong konserbatibo at kaalyado ng militar. Habang nagpasya ang hukuman na lusawin ang MFP, sa pananaw nito ay walang merito ang petisyon laban sa PTP sa batayan na hindi ito naniniwalang nilalayon ng PTP na pabagsakin ang pampulitikang rehimen sa pamamagitan ng pangangampanya para sa amyenda.[21]

Sa huli, sa pamamagitan ng pagdedeklarang ang paghiling ng reporma sa sistemang pampulitika ay pagtatangkang pabagsakin ang rehimen, sinusupil ng korte ang pluralidad sa panahon ng halalan, na umaanod sa pundasyon ng demokrasyang multi-partido sa Thailand. 

Ikatlo, ang mga nakaraang pasya ng korte para pawalang-bisa ang halalan ay hindi lamang pagtatakwil sa kapasyahan ng mamamayan kundi nagdadala rin ng alalahanin sa istabilidad ng mga susunod na halalan.

Noong halalang 2006, binaggit ng CC ang ilang iregularidad sa halalan na bumuo sa desisyon nitong pawalang-bisa ang eleksyon.[22] Una, ikinatwiran ng korte na hindi patas para sa mga partido ang desisyon na ilunsad ang halalan 37 araw matapos itong ideklara– bagaman sa katunayan ay hindi ito labag sa konstitusyon. Itinulak ng tiyempong ito ang ibang partido na iboykot ang halalan, kung kaya maraming mga distrito ang walang mga kandidato kundi yaong mula sa naghaharing Thai Rak Thai Party. Bunsod nito, naghayag ng pagdududa ang korte sa katunayan ng pagpapasya ng mga botante. Naghatid ng alalahanin ang desisyon hinggil sa politisasyon ng hudikatura at kung hanggang saan maaaring magpalagay ang korte na ang mga hakbang na “walang paglabag sa konstitusyon” ay salungat sa mga demokratikong prinsipyo. Dagdag pa, naghayag ng alalahanin ang korte hinggil sa puwesto ng mga ballot box na nagsasapanganib ng pribasiya ng mga botante, kahit na walang ipinakitang ebidensya ng malawakang manipulasyon.

Matapos nito, kasunod ng halalang 2014, naghatol ang korte na labag sa konstitusyon ang halalan dahil nabigo ang Electoral Commission na maisagawa ang halalan sa lahat ng distrito bunsod ng kawalan ng kandidato sa 28 distrito[23] dahil hinadlangan ng mga grupong nagpoprotesta ang mga kandidato na magrehistro ng kanilang kandidatura.[24] Nagdadala ng ilang alalahanin ang hatol. Ipinagtanggol ng katwiran ng korte ang wala sa proporsyong pagpapawalang-bisa sa halalan batay sa mga iregularidad sa kaparaanan sa 28 distrito. Ipinagbawal rin ng hatol ang pagsasagawa ng espesyal na halalan sa mga distritong ito. Kasabay nito, ipinagwalang-bahala ng hatol ng korte ang pagprotekta sa konstitusyunal na karapatan ng mga botante at nabigong tugunan ang mga paglabag sa mga prinsipyo ng konstitusyon ng mga nagpoprotestang grupo na pisikal na hinadlangan ang mga kandidato na magrehistro.

Bagaman ang dalawang nabanggit na halalan lamang ang pinagpasyahang walang bisa ng korte, naging karaniwan na ang paghahain ng mga petisyon para ipawalang-bisa ang mga sumunod na halalan mula nang mga desisyong ito. Matapos ang pangkalahatang halalan 2019, isang paulit-ulit na petisyoner – na naging kilala na naman mula noong halalang 2023 – ang nagsumite ng reklamo sa Thai Ombudsman Office upang hilingin sa CC na ipawalang-bisa ang halalan. Tinukoy ng indibidwal na ito ang mga hindi pagkakatugma sa pag-uulat ng Election Commission hinggil sa halalan at ang pananaw na labag sa konstitusyon ang ginawa nitong pagkwenta ng boto kaugnay ng mga party-list. Gayunman, nagpasya ang Ombudsman na huwag pasulungin ang kahilingan. Lumitaw din ang mga usapan hinggil sa pagpapawalang-bisa ng pangkalahatang halalan 2023, sa kabila ng walang naipakitang matibay na ebidensya ng iregularidad.[25]

Mula sa pagsuspinde ng mga halal na kandidato, paglusaw ng mga partido pulitikal, at pagpapawalang-bisa ng mga halalan, inanod ng mga hatol na ito ang integridad ng halalan sa Thailand. Banta ang normalisasyon ng papel ng korte sa gayung mga desisyon sa kakayahan ng halalan bilang paraan sa mapayapang transisyon ng kapangyarihan. Dagdag pa, batay sa kasaysayan, tumutungo sa mga kudeta ng militar ang pampulitikang ligalig at kawalan ng namumuno matapos pawalang-bisa ang halalan, na naganap noong 2006 at 2014. Kahit na hindi pinawalang-bisa ang mga halalan, ipinakikita ng pagsuspinde sa mga halal na kandidato at paglusaw sa mga partido ang nakagugulong epekto ng mga pasyang ito ng korte na tumutungo sa pagkaanod ng integridad ng halalan sa Thailand.

Charismatic former leader and MP of the Future Forward Party, Thanathorn Juangroongruangkit, was suspended by the CC for holding shares in an inactive media company.Photo: feelphoto, Shutterstock

Kongklusyon

Humantong sa pagkaanod ng integridad ng halalan ang papel ng CC sa pagbaliktad sa pasya ng mga botante sa pamamagitan ng balota. Kabilang, sa pangunahin, sa mga desisyong ito ang sumusunod: pagsuspinde sa mga halal na kandidato sang-ayon sa mga ligal na teknikalidad, paglusaw sa mga partido pulitikal sa batayan ng pagpapanukala ng mga reporma sa monarkiya, at pagpapawalang-bisa ng mga halalan. Pinalalala ang mga usaping ito ng mga katangian ng Korte na may masaklaw na kapangyarihan, di-demokratikong proseso ng pagpili at kawalan ng pagpapanagot sa harap ng publiko na nakakaapekto sa pagsasarili at kredibilidad nito. Naghahatid ng alinlangan sa integridad ng mga halalan sa Thailand sa hinaharap kapwa ang direkta epekto nito sa halalan at di-direktang impluwensya.

Kaya naman, hindi nakagugulat na lumalakas ang mga panawagan para ayusin ang papel ng Korte, na amyendahan ang mga batas para tanggalin ang awtoridad nito hinggil sa kondukta ng mga pulitiko.[26] Nagsimula na rin ang mga talakayan kaugnay ng pagrepaso mismo sa pangangailangan para sa CC.[27] Sa pangkalahatan, nilalayon ng mga inisyatibang ito na bawasan ang impluwensya ng Korte, lalo na sa mga usaping elektoral. Gayunpaman, sa kalakhan ay nalilimitahan ang mga panawagang ito sa hanay lamang ng mga partidong oposisyon. At kung walang malawak na kahandaang pulitikal para repormahin ang CC, malamag na magpatuloy ang impluwensya ng CC sa kahihinatnan ng mga halalan.

Ekmongkhon Puridej, Asia Centre

NOTES

[1] Bangkok Post (2024) ‘Court dissolves Move Forward Party’, Bangkok Post, at: https://www.bangkokpost.com/thailand/politics/2843182/court-dissolves-move-forward-party.

[2] Bangkok Post (2024) ‘Srettha dismissed as PM after court ruling’, Bangkok Post, at: https://www.bangkokpost.com/thailand/politics/2847093/srettha-dismissed-as-pm-after-court-ruling.

[3] “Constitution of the Kingdom of Thailand (Interim), 2006”, ConstitutionNet, at: https://constitutionnet.org/sites/default/files/2006_Interim_Constitution_constitution.pdf.

[4] ThaiPublica (2024) ‘นิติศาสตร์ 4 สถาบันชี้ “ศาลรัฐธรรมนูญอำนาจเหนือรัฐธรรมนูญ” กระทบสิทธิประชาชน [Four law faculties points out “Constitutional Court’s power over the Constitution”, affecting citizen’s rights]’, ThaiPublica, at: https://thaipublica.org/2024/08/academics-say-excessive-power-of-constitutional-court-affecting-peoples-rights; Thairath (2024) ‘แฮชแท็ก #ศาลรัฐธรรมนูญ พุ่งติดอันดับ 1 หลังอ่านคำวินิจฉัยคดี “พิธา-ก้าวไกล” [Hashtag #ConstitutionalCourt soars to number 1 after the court reads “Pita – Move Forward” verdict]’, Thairath, at: https://www.thairath.co.th/news/society/2759589.

[5] Wachana Wanlayangkul (2021) ‘ศาลรัฐธรรมนูญแบบไหนที่สังคมไทยต้องการ? [What kind of Constitutional Court does Thai society need?]’, The101, at: https://www.the101.world/constitution-dialogue-constitutional-court.

[6] Wachana (2021) ‘What kind of Constitutional Court does Thai society need?’.

[7] Eugénie Mérieau (2022) ‘Democratic Breakdown through Lawfare by Constitutional Courts: The Case of Post- “Democratic Transition” Thailand’, Pacific Affairs 95(3): 475–496, at: https://eugeniemerieau.com/wp-content/uploads/2023/02/pa-lawfare-in-thailand-2022.pdf.

[8] James R. Klein (1998) ‘The Constitution of the Kingdom of Thailand, 1997: A Blueprint for Participatory Democracy’, Working Paper No. 8, The Asia Foundation Working Paper Series, at: https://constitutionnet.org/sites/default/files/Paper_on_the_1997_constitution_2.pdf.

[9] Khemthong Tonsakulrungruang (2022) ‘Thai Constitutions as a Battle Ground for Political Authority: Barami versus Vox Populi’, in Tom Ginsburg and Benjamin Schonthal (eds.) Buddhism and Comparative Constitutional Law, Cambridge: Cambridge University Press (Comparative Constitutional Law and Policy), 161–180.

[10] Wachana (2021) ‘What kind of Constitutional Court does Thai society need?’.

[11] “Constitution of the Kingdom of Thailand, 2017” Constitute Project, at: https://www.constituteproject.org/constitution/Thailand_2017.

[12] Khemthong (2022) ‘Thai Constitutions as a Battle Ground for Political Authority’.

[13] BBC Thai (2017) ‘ศรีสุวรรณ จรรยา กับ 5 เรื่องน่ารู้ของ “นักร้อง” [Srisuwan Chanya and 5 interesting facts about “serial petititoners”]’, BBC Thai, at: https://www.bbc.com/thai/thailand-39626226.

[14] Natchapakorn Nammuang (2023) ‘แนวคำวินิจฉัยศาลรัฐธรรมนูญคดีหุ้นสื่อ ถือหุ้นจริง + ทำสื่อจริง = มีความผิด [Constitutional Court’s rulings in media share cases: Holding real shares + really doing media business = guilty], Thairath, at: https://plus.thairath.co.th/topic/politics&society/103290.

[15] Bangkok Post (2019b) ‘Court suspends Thanathorn from MP’, Bangkok Post, at: https://www.bangkokpost.com/thailand/politics/1682696/court-suspends-thanathorn-from-mp.

[16] Bangkok Post (2024a) ‘Pita survives media shareholding case’, Bangkok Post, at: https://www.bangkokpost.com/thailand/politics/2729909/pita-survives-media-shareholding-case.

[17] Ibid.

[18] Thai PBS (2023) ‘ย้อนรอย “ถือหุ้นสื่อ” จาก “ธนาธร” ถึง “พิธา” [Backtracking “holding media shares” from Thanathorn to Pita]’, Thai PBS, at: https://www.thaipbs.or.th/news/content/327630.

[19] PPTV (2023) ‘เลือกตั้ง 2566 : เบื้องลึก! แฉ”พิธา”ถือหุ้นITV บังเอิญหรือเกมตัดตอน? [Insider! Reveals that “Pita” owns iTV shares – coincidence or intentional?]’, PPTV, at: https://www.pptvhd36.com/news/การเมือง/197169.

[20] Bangkok Post (2024b) ‘Court dissolves Move Forward Party’.

[21] Thairath (2024b) ‘ศาลรัฐธรรมนูญตีตก ร้องสอย พท.แก้ 112 สั่ง กกต.ชงใหม่ เอกสารยุบก้าวไกล [Constitutional Court dismissed petition to take down PTP for amending 112 – Orders Election Commission to reconsider documents for MFP dissolution case]’, Thairath, at: https://www.thairath.co.th/news/politic/2772173.

[22] Constitutional Court (2006) ‘สรุปคําวินิจฉัยศาลรัฐธรรมนูญที่ 9/2549 วันที่ 8 พฤษภาคม พ.ศ. 2549 [Summary of the Decision of the Constitutional Court No. 9/2006 Date: 8 May 2006]’, Constitutional Court, at: https://www.constitutionalcourt.or.th/occ_web/download/article/file_import/t9_49.pdf.

[23] Reuters (2014) ‘Thai court declares February general election void’, CNBC, at:

https://www.cnbc.com/2014/03/21/thai-court-declares-feb-general-election-void.html; BBC News (2014) ‘Thai court rules general election invalid’, BBC News, at: https://www.bbc.com/news/world-asia-26677772.

[24] Ibid.

[25] BBC Thai (2023) ‘เลือกตั้ง 2566 : ประธาน กกต. ตอบสื่อต่างชาติเลือกตั้งจะโมฆะหรือไม่ [Election 2023: Election Commission chairman responds to foreign media: will the election be invalid or not?]’, BBC Thai, at: https://www.bbc.com/thai/articles/cxwppjvd484o; TODAY (2023) ‘ความไม่ชัดเจนเรื่องการแบ่งเขตเลือกตั้ง อาจนำไปสู่เลือกตั้งโมฆะ ซ้ำรอยปี 49 [Ambiguity regarding the division of electoral districts may lead to an invalid election, repeating the situation of 2006]’, TODAY, at: https://workpointtoday.com/news-260.

[26] The Standard (2024) ‘สว. นันทนา มองการตรวจสอบจริยธรรมไม่ควรเป็นตัวชี้วัดเดียว เสนอลดอำนาจศาลรัฐธรรมนูญที่ล้นเกิน [Senator Nanthana views ethics should not be the only indicator, proposes to reduce the excessive powers of the Constitutional Court]’, The Standard, at: https://thestandard.co/nantana-senate-ethics-probe.

[27] Thepjorn (2024) ‘ฝ่ายค้าน ฝ่ายแค้น ชักธงรบ วางเกมยาว ล้ม “ศาลรัฐธรรมนูญ” [The opposition raise the battle flag and planned the long game to overthrow the Constitutional Court]’, Bangkok Biz News, at: https://www.bangkokbiznews.com/politics/1141760.

Exit mobile version