Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Mga Kartel ng Partido sa Indonesia: Tungo sa Isang Demokrasyang Walang Oposisyon

Noong 20 Oktubre 2024, nanumpa si Prabowo Subianto bilang ikawalong pangulo ng Indonesia, matapos makuha ang higit 58% ng mga boto sa halalan ng pangulo noong Pebrero 2024.[1] Ang kahalagahan ng halalang ito ay nasa kung paanong mula sa may mahinang oposisyon ay nagbanyuhay ang Indonesia ng mga koalisyong pulitikal na kawangis ng mga kartel tungo sa landas ng isang “demokrasyang walang oposisyon”.

Sa nakalipas na mga taon, lumawak tungong kartel ang mga koalisyong ito upang makakuha ng kapangyarihan, na kalimitang pragmatiko kaysa ideolohikal, at ibinubunsod ng mga kasunduan sa pagsasalo ng kapangyarihan sa pagitan ng mga elit sa pulitika.[2] Resulta nito ang pagbalewala sa naunang motibasyon na idemokratisa ang sistemang elektoral ng Indonesia at magtatag ng indipendyenteng pagsusuri at pagbabalanse ng kapangyarihan. Sa halip, pinatibay nito ang network ng mga patron at pinahina ang kompetisyon sa halalan.

Habang nakatutulong ang mga koalisyon sa pagpapadaloy ng pamamahala, pinahina ng kanilang pagbabagong-anyo tungong kartel ang integridad ng halalan sa ilang paraan. Sa pagbubuo ng kolaborasyon sa pagitan ng mga partido, sa halip na kompetisyon, naitatakda na ang resulta ng halalan bago pa ito maganap.[3] Sa Indonesia, kalimitang naiuuna ang interes ng elit kaysa sa mga tunay na demokratikong proseso, na humahantong sa pagkabalaho ng mga patakaran at paghina ng elektoral na balangkas, na balakid sa reporma at makabuluhang pagbabagong pampulitika.[4] Sinusuhayan nito ang isang insestong kalakaran sa pulitika, kung kaya hindi kakatwa sa Indonesia na iendorso ng dating katunggaling kandidato ang kanyang kalaban matapos ang kanyang termino bilang pangulo.

Naghahapag ng mga hamon ang transpormasyon ng mga koalisyong elektoral tungong mga kartel sa kalidad ng halalang multi-partido. Nililimitahan nito ang mga oportunidad para sa iba’t ibang kandidato at nagkokonsentra ng kapangyarihang pampulitika sa kamay ng mga pamilyang elit. Sa partikular, ginagawa nitong pare-pareho ang mga platapormang pampulitika at tintanggalan ng pagkakataon ang mga botante na magkaroon ng mga kinatawan na magsusulong ng alternatibong mga pananaw at gaganap bilang indipendyenteng tagasuri at tagabalanse.

A polling station in North Jakarta on election day. Photo: Jeromi Mikhael, Wikipedia Commons

Ebolusyon tungo sa Tuwirang Halalan ng Pangulo

Nagsimula ang transisyon ng Indonesia patungo sa isang demokrasya noong 1998, matapos magbitiw sa pwesto ng dating Pangulo at diktador na si Suharto.

Mahalagang pansinin na bago ang mga demokratikong reporma, ang mga pangulo ay pinipili ng People’s Consultative Assembly (MPR), na gumaganap bilang lehislatura. Sa panahon ni Suharto, kabilang sa MPR ang mga halal na kasapi mula sa tatlong “pinahintulutang” partido pulitikal at mga hinirang na kasapi mula sa sandatahang lakas at mga kinatawang rehiyunal.

Naging pangulo si Bacharuddin Jusuf Habibie (BJ Habibie), na nagsilbing pangalawang pangulo ni Suharto  matapos magbitiw ng huli noong 1998. Bilang Pangulo, sinimulan ni Habibie ang mga susing reporma na nakatuon sa pagiging bukas sa pulitika at desentralisasyon. Mahalagang banggitin na itinulak niya ang Law on Political Parties noong 1999,[5] na nagparami sa bilang ng mga partido pulitikal na dating limitado lamang sa tatlo sa ilalim ng pamumuno ni Suharto.

Samantalang pinili ni BJ Habibie na huwag kumandidatong pangulo sa halalan noong 1999– sa isang banda’y dahil sa udyok mula sa sarili niyang partido[6] – nagsilbi ang halalan bilang isang pambihirang transisyon tungong demokrasyang multi-partido. Sa ilalim ng bagong Political Parties Law, 48 partido ang naglaban para maihalal ang mga kasapi ng People’s Representative Council (DPR)[7], ang mababang kapulungan ng People’s Consultative Assembly (MPR).

Pinamunuan ni Megawati Sukarnoputri, panganay na anak na babae ng kauna-unahang pangulo ng Indonesia na si Sukarno, ang Indonesian Democratic Party of Struggle (PDI-P) para mapagwagian ang pinakamaraming boto subalit nabigo itong makuha ang mayorya. Humantong ito sa malaganap na mainobrahan sa lehislatura, kung saan itinatag ng Golkar, ang dating namumunong partido, ang koalisyon na tinawag na “Central Axis” upang hadlangan ang kanyang kandidatura bilang pangulo. Dulot nito, naging pangulo si Abdurrahman Wahid (Gus Dur)[8], at naging pangalawang pangulo naman si Megawati. Naging padron na ang ganitong estratehiya ng pagbara sa kalaban sa pulitika ng Indonesia kung saan ipinauuna ng mga partido ang mga alyansa sa pagsasalo ng kapangyarihan kaysa sa ideolohikal na katapatan sa demokrasya.

Si Gus Dur ang unang pangulo na malayang inihalal ng parliyamento ng Indonesia at naglingkod ng dalawang-taong termino. Sa ilalim ng kanyang pamamahala, nagsagawa ang lehislatura ng mga repormang demokratiko na kumilala sa nagsasariling katayuan ng mga rehiyon ng Indonesia at sinimulan ang tuwirang paghahalal ng mga pinuno sa rehiyon. Pinigilan nito ang kapangyarihan ng pangulo na gumawa ng batas at hinadlangan siyang lusawin ang parliyamento.[9] Sa kabuuan, nakuha niya ang suporta ng mayorya sa parliyamento, na sinasalamin ng kanyang “National Unity Cabinet”, at kabilang dito ang mga partidong kumakatawan sa 436 (mula sa 462) na halal na miyembro ng DPR sa huling bahagi ng kaniyang termino.[10]

Gayunman, bumagsak ang popularidad ni Gus Dur dahil sa mga paratang ng paglulustay ng pondong pampubliko at natanggal siya sa puwesto noong 23 Hulyo 2001.[11] Naudyukan din ang pagpapatalsik sa kaniya sa puwesto ng kawalan ng pagbubuo ng relasyon at pagsasalo ng kapangyarihan sa pagitan ng mga namamahalang partido, partikular mula sa kaniyang mga pagtatangka na konsolidahin ang kapangyarihan na nag-isangtabi sa mga susing alyado sa pulitika.[12]

Matapos nito, inihalal ng MPR si Megawati Sukarnoputri bilang pangulo. Mula 2001 hanggang 2004, malawakang inendosro ni Megawati ang parehong mga partidong sumuporta kay Gus Dur habang ginagarantiya ng mga alyadong koalisyon na hindi siya patatalsikin sa puwesto. Tinawag ang kanyang Gabinete bilang “Mutual Assistance Cabinet”.[13] Sa ilalim ng kanyang termino, ipinasa ang mga karagdagang repormang pulitikal,[14] kabilang ang mekanimso para sa tuwirang paghahalal ng pangulo at pangalawang pangulo. Tinanggal din ang takdang bilang ng hukbong sandatahan at hirang na mga kinatawan sa MPR.[15]

Lumitaw din ang pagkapoot kay Megawati at sa PDI-P dahil sa katulad na usapin na bumagabag sa koalisyon ni Gus Dur – hindi sapat na kompromiso at pagsasalo sa kapangyarihan sa pagitan ng mga partido. Nag-ambag ang diskuntentong ito sa nominasyon ng Democratic Party kay Susilo Bambang Yudhoyono (mas kilala bilang SBY) na tumakbo sa halalang 2004 na kauna-unahang tuwirang halalang pangpanguluhan.[16]

General Elections Commission (KPU) workers unloading ballot boxes near a polling station in North Jakarta, Indonesia, the day before the 2024 Indonesian general election. Photo: Juxlos, Wikipedia Commons

Ang Pinatibay na Kartelisasyon ng Halalan

Noong 2004, nagwagi sa halalang pangpanguluhan si SBY, isang retiradong heneral mula sa Democratic Party. Matapos niyang manalo, itinatag ni Pangulong SBY ang United Indonesia Cabinet (Kabinet Indonesia Bersatu) na taglay ang katangian ng malawak na koalisyon na nakita na sa nakaraang tatlong pangulo. Binubuo ang Gabinete ni SBY ng mga partido na kumakatawan sa 403 mula sa 560 puwesto.[17]

Matapos bumaklas kay Megawati, lumitaw ang PDI-P bilang kauna-unahang mayor na partidong oposisyon sa pulitikang lehislatibo. Gayunman, unti-unting hihina ang konsepto ng “oposisyon” sa mga susunod na halalan. Halimbawa, nilimitahan ang papel ng oposisyon sa komposisyon ng gabinete na dinodomina ng mga malalaking partido tulad ng Golkar, National Mandate Party (PAN), at Prosperous Justice Party (PKB), at kapansin-pansin na hinadlangan ang PDI-P na magkaroon ng makabuluhang impluwensya. Pinakitid nito ang pagpipilian ng mga botante labas sa naghaharing koalisyon, pinigilan ang makabuluhang kompetisyon sa pulitika, at nilimitahan ang espasyo para sa mas maliliit na partido na hamunin ang impluwesnya ng koalisyon.

Ganito rin ang naging kalakaran sa mga susunod na halalan. Sa halalan noong 2009, nagwaging muli ang nanunungkulang Pangulong SBY at ang kanyang Democratic Party. Bagaman hindi nakuha ng kanyang partido ang ganap na mayorya, nakuha nito ang pinakamaraming puwesto, na nagtulak sa pagbubuo ng ikalawang gabinete ni SBY – na kalakhan ay binubuo ng mga kasapi mula sa parehong mga partido. Nasa oposisyon pa rin ang PDI-P, kasama ng partidong Gerindra na itinatag lamang bago ang halalan upang labanan si SBY. Sa ikalawang gabinete ni SBY na “Second United Indonesia Cabinet,” kinatawan ng kanyang koalisyon ang 342 puwesto sa DPR.[18] Ginawang posible ng estratehiyang koalisyon na ito na makonsolida ni SYB ang kanyang posisyon para sa ikalawang termino. Pinalakas nito ang kalakaran ng mga partidong Indonesian na iuna ang pragmatikong mga alyansa para magsalo sa kapangyarihan at mapanatili ang pamamahala habang patuloy na pinahihina ang oposisyong pulitikal.

Matapos ang dalawang bigong pagtatangka na kalabanin si SBY sa mga sumunod na halalan, ipinihit ni Megawati ang kanyang atensyon sa pagiging kingmaker sa pamamagitan ng pagsuporta sa popular na kandidato ng kanyang partido na si  Joko Widodo (mas kilala bilang si Jokowi) sa halalan 2014. Tinalo ni Jokowi si Prabowo Subianto ng Gerindra, manugang ni dating pangulong Suharto, sa pagkapangulo[19]

Matapos ang halalan, kumaharap ng mga hamon si Jokowi sa pagbuo ng namamahalang koalisyon dahil sa watak-watak na kalagayan ng parliyamento. Gayunman, niligawan ni Jokowi at PDI-P ang maraming maliliit hanggang katamtamang-laking partido. Hindi kasama rito ang Democratic Party ni SBY, Gerindra, at Golkar na nakakuha ng malaking bahagi ng mga puwesto. Paglaon, gamit ang pagbabalasa sa gabinete bilang maniobra, nahamig ni Jokowi ang Golkar at iginilid ang National Mandate Party (PAN) na ayaw makipagtulungan. Sa pagtatapos ng unang termino ni Jokowi, kinakatawan ng kanyang “Working Cabinet” ang 386 mula sa 560 puwesto sa DPR.[20] Muling ipinakikita nito ang estratehiya para mapigilan ang pwersang oposisyon at impluwensya nito.

Nagresulta ang halalang 2019 sa Indonesia ng pagpapatuloy ng administrasyon ni Pangulong Jokowi. Kapansin-pansin sa halalang ito ang malaking bilang ng mga partidong naglaban-laban, kung saan 16 na partido ang lumahok sa halalang pangpanguluhan at higit 200 sa halalang lehislatibo.[21] Matapos ang halalan, lumitaw ang kumplikadong sapot ng mga koalisyon. Kasali sa malaking koalisyon na “Onward Indonesia Cabinet” ni Jokowi ang halos lahat ng malalaking partido para sa koalisyon ng mayorya na binubuo ng 525 mula sa 575 na puwesto sa DPR sa pagtatapos ng kanyang ikalawang termino[22]. Muli ay napanatiling maliit ang bilang ng oposisyon. Mahalagang pansinin na sa kanyang ikalawang termino, nagawa niyang hamigin ang mga partidong oposisyon tulad ng  Gerindra ni Prabowo –  sa kabila ng pagiging pangunahing katunggali ni Jokowi sa halalang pangpanguluhan noong 2014 at 2019 – sa pamamagitan ng pangakong pagsasalo ng kapangyarihang pampulitika.[23] Itinalaga ni Jokowi si Prabowo bilang Ministro ng Depensa matapos mabuo ang ikalawang pangkat ng administrasyong Jokowi.[24] Sa mga huling araw ng kanyang administrasyon, pinalitan ni Jokowi ang dalawang ministro na sa kaniyang pananaw ay hindi tapat sa kaniya at kay halal-na-pangulong Prabowo.[25]

Sa kalahatan, kapansin-pansin sa dalawang termino ni Pangulong Jokowi ang paghina ng boses ng oposisyon sa pulitika. Ang paraang kartelisasyon para madomina ang lehislatura ay pinagbayaran ng paghina at pagsasantabi sa oposisyon. Nawala ang esensya ng demokrasyang multi-partido sa pag-uuna sa kontrol sa lehislatura upang ipasa ang mga batas para matiyak ang implementasyon ng mga ito, habang pinahihina ang kakayahan ng oposisyon na gumanap bilang epektibong tagasuri at tagabalanse.[26]

Official portrait of Prabowo Subianto Djojohadikusumo as a presidential candidate of the Republic of Indonesia in 2024. Wikipedia Commons

Ang Halalan 2024 at ang Pamumuno ni Prabowo

Matapos ang dalawang bigong pagtatangka, nakuha ni Prabowo ang posisyon ng pagkapangulo sa halalan 2024, kung saan nakuha niya ang 58% ng mga boto, kasunod ng termino ni Jokowi na hindi na maaaring kumandidato dahil sa mga limitasyon sa bilang ng termino.

Isang halimbawa ang halalan 2024 kung saan ang dating katunggali ay naging tagaendorso. Matapos maiposisyon ang kanyang panganay na anak na lalaki na si Gibran Rakabuming Raka bilang kandidato sa posisyon ng pangalawang pangulo, ginamit ni Pangulong Jokowi ang kanyang posisyon upang suportahan ang kampanya ni Prabowo at nagsilbi ng mahalagang papel sa pagkapanalo nito.

Gayunman, tinitingnan ang pagwawagi si Prabowo bilang paglayo sa mga demokratikong aspirasyon na lumitaw kasunod ng mga reporma noong 1998. Sinasalamin ng halalan ang mas malaganap na kalakaran ng pampulitikang konsolidasyon kung saan nagagawa ng mga makapangyarihang personalidad na maniobrahin ang resulta ng halalan sa pamamagitan ng mga taktikal na alyansa. Pagsapit ng Oktubre, 2024, naligawan na ni Pangulong Prabowo ang lahat ng mga partido pulitikal na kinakatawan sa DPR sa pamamagitan ng kanyang “Red and White Cabinet” maliban sa PDP-I na pinamumunuan ni Megawati, National Democrats (NasDem) at Prosperous Justice Party (PKS).[27] Nangangahulugan ito na nakamit ni Pangulong Prabowo ang mayoryang 348 mula sa 580 mga halal na puwesto sa DPR.[28] Gayunman, inalok ni Prabowo ang PDI-P na umanib sa kanyang koalisyong pulitikal.[29] Bagaman tumangging umanib, pumayag ang PDI-P na suportahan ang nalalapit na hakbangin ng pamahalaan kaugnay ng pagpopondo.[30] Sabihin pa, bagaman hindi umanib,  kapwa nagpahayag ang NasDem at PKS ng “lubos na suporta” sa administrasyong Prabowo.[31]

Sa gayon, epektibong nitong nagawang maging isang “demokrasyang walang oposisyon” ang Indonesia.

Inihuhudyat ng mga pangyayaring ito ang malalim na pagkaagnas ng demokratikong pamamahala. Maliban kung tutunggaliin, nakatakdang simulan ng administrasyong Prabowo ang isang panahon kungsaan pinahina ang pluralismo sa pulitika, at bawas ang pananagutan, laluna kung epektibong maisasantabi ang oposisyon sa prosesong lehislatibo. Ipinahihiwatig ng mga nagaganap na pagbabago na maaaring lubhang mahadlangan ang kumpetisyon sa Indonesia sa hinaharap dahil epektibong napipigilan ng mga estratehikong alyansa ang indipendyenteng pagsusuri at pagbabalanse.

Indonesian parliament assembly building, akarta Indonesia. Photo: Hery Ry, Shutterstock

Kongklusyon

Sa Indonesia, pinahina ng ebolusyon ng mga koalisyong pulitikal tungong mga kartel ang kompetisyon sa pulitika at sinimulan ang transisyon mula sa kalagayang may mahinang oposisyon tungong “demokrasyang walang oposisyon”.

Sa isang demokrasyang elektoral, karaniwang praktis na ang pagbubuo ng mga koalisyong pulitikal at mga alyansa na nagbibigay ng kakayahan sa mga partido – na kalimitang magkakahawig ang ideolohikal na tindig – upang magtulungan at makamit ang magkakatulad na layunin. GayupamNan, simula maagang bahagi ng dekada 2000, madalas na nabubuo ang koalisyong pulitikal sa Indonesia sa pagitan ng mga partidong dating maigting na magkakatunggali.

Ang mga alyansang ito, na maaaring ilarawan bilang mga kartel sa pulitika, ay nakatuon sa mga kasunduan sa pagsasalo sa kapangyarihan matapos ang halalan na nakadisenyo upang  mapaghati-hatian ang kapangyarihan at rekurso ng estado sa hanay ng magkakaiba at magkakatunggaling partido, na kalimitan ay walang malinaw na pagkakahawig sa estratehiyang pampulitika at paninindigan.[32] Katulad ng mga kartel sa ekonomiya, nagsisilbi ang mga alyansang ito para konsolidahin ang kontrol at pahinain ang kompetisyon.

Sa kalagayang pampulitika na walang epektibong oposisyon, lumalaki ang panganib na maipasa ang mga bagong batas at regulasyon na naglalayong pigilan ang mga nagnanais na papanagutin ang pamahalaan sa publiko. Banta ito sa mga pulitiko, civil society at mga mamamahayag, na nakababahala para sa kinabukasan ng demokratikong pakikisangkot at pananagutan sa Indonesia.[33] Ngayong hawak na ng administrasyong Prabowo ang pamumuno sa pamahalaan, nagbabadya ang posibilidad ng mas mapanupil na kalagayan, at nagdadala ng hamon sa hinaharap ng makabuluhang repormang pampulitika at pakikisangkot ng mamamayan.

Kartini Sunityo, Asia Centre

NOTES

[1] The Jakarta Post (2024) ‘BREAKING: KPU confirms Prabowo’s landslide win’, The Jakarta Post, at: https://www.thejakartapost.com/indonesia/2024/03/20/breaking-kpu-confirms-prabowos-landslide-win.html.

[2] Ibid.

[3] Burhanuddin Muhtadi (2022) ‘Indonesia’s Cabinet reshuffle: Rewarding loyalty and consolidating power’, Fulcrum, at: https://fulcrum.sg/indonesias-cabinet-reshuffle-rewarding-loyalty-and-consolidating-power.

[4] Thomas Pepinsky (2024) ‘Indonesia’s election reveals its democratic challenges’, Brookings Institute, at: https://www.brookings.edu/articles/indonesias-election-reveals-its-democratic-challenges.

[5] “Law of Republic of Indonesia No.2 of the Year 1999 Concerning Political Parties” (1999), in Collection of Electoral Laws, Jakarta, Indonesia: National Election Commission, 1–20, at: https://aceproject.org/ero-en/regions/asia/ID/Indonesia%20Electoral%20Law%201999.pdf.

[6] Taipei Times (1999) ‘Habibie’s speech doesn’t go over well with assembly’, Taipei Times, at: https://www.taipeitimes.com/News/front/archives/1999/10/16/0000006629; Geoff Spencer (1999) ‘Indonesia’s Habibie withdraws’, AP News via Way Back Machine, at: https://web.archive.org/web/20201129140803/https://apnews.com/article/219ba3630e874ce89b1f270942cd9f56

[7] National Democratic Institute (1999) ‘The 1999 Presidential Election and Post-election Developments in Indonesia: A Post-Election Assessment Report’, The Cater Center, at: https://www.cartercenter.org/resources/pdfs/news/peace_publications/election_reports/indonesia-mission-1999.pdf.

[8] Gus Dur was an important member of the Reformasi movement and founder of the moderate Islamic party, Partai Kebangkitan Bangsa (PKB) or the National Awakening Party.

[9] Ari Welianto (2020) ‘Amandemen UUD 1945: Tujuan dan Perubahannya [Amendment to the 1945 Constitution: Aims and Changes]’, Kompas, at: https://www.kompas.com/skola/read/2020/02/06/140000869/amandemen-uud-1945-tujuan-dan-perubahannya?page=all.

[10] Yuri Sato et al. (eds.) (2000) ‘Appendix’, in Indonesia Entering a New Era, Spot Survey No. 17, Institute of Developing Economies, Japan External Trade Organisation, at: https://www.ide.go.jp/English/Publish/Reports/Spot/17.html; R. William Liddle (2001) ‘Indonesia in 2000: A Shaky Start for Democracy’, Asian Survey 41(1): 208 – 220, at: https://library.fes.de/libalt/journals/swetsfulltext/14218780.PDF;

[11] Kornelius Purba (2021) ‘Impeaching Gus Dur, a blind but visionary president’, The Jakarta Post, at: https://www.thejakartapost.com/academia/2021/07/29/impeaching-gus-dur-a-blind-but-visionary-president.html

[12] Irman G. Lanti (2002) ‘Indonesia: The Year of Continuing Turbulence’, Southeast Asian Affairs: 111–129, at:https://www.jstor.org/stable/27913204.

[13] Dan Slater (2018) ‘Party Cartelisation, Indonesian-style: Presidential Power-sharing and the Contingency of Democratic Opposition’, Journal of East Asian Studies 18(1): 23–46, at: doi:10.1017/jea.2017.26.

[14] Iswara N. Raditya (2020) ‘Amandemen UUD 1945 Tahun 2002: Sejarah Isi & Perubahan Keempat [Amendment to the 1945 Constitution of 2002: History & Fourth Amendment]’, Tirto.id, at: https://tirto.id/amandemen-uud-1945-tahun-2002-sejarah-isi-perubahan-keempat-ejLE.

[15] VOA News (2009) ‘Indonesia agrees to remove police, army parliamentary seats – 2002-08-14’, VOA News, at: https://www.voanews.com/a/a-13-a-2002-08-14-31-indonesia-67435947/384410.html.

[16] Alan Sipress (2004) ‘President head for defeat in Indonesia vote’, Washington Press, at: https://www.washingtonpost.com/archive/politics/2004/09/21/president-heads-for-defeat-in-indonesia-vote/0fff35f9-fbd0-4675-9b5a-0cbbf8d55eb9.

[17] Willy Wahyu Astuti (2024) ‘The President’s Prerogative Rights in Appointing Ministers in the Presidential Government System After the Amendment to the 1945 Constitution’, International Journal of Multicultural and Multireligious Understanding 11(6): 129–140, at: https://ijmmu.com/index.php/ijmmu/article/view/5813.

[18] Andreas Ufen (2010) ‘The Legislative and Presidential Elections in Indonesia in 2009’, Electoral Studies 29(2): 281–285, at: https://doi.org/10.1016/j.electstud.2010.02.003; Willy Wahyu Astuti (2024) ‘The President’s Prerogative Rights in Appointing Ministers’.

[19] KPU (2014) ‘Hasil Penghitungan Perolehan Suara dari Setiap Provinsi dan Luar Negeri dalam Pemilu Presiden dan Wakil Presiden Tahun 2014 diisi Berdasarkan Formulir Model DC PPWP dan Sertifikat Luar Neger [Vote Counting Results from each Province and Overseas in the 2014 Presidential and Vice Presidential Elections Filled in Based on the Model DC PPWP Forms and Overseas Certificates]’, KPU, at: https://www.kpu.go.id/koleksigambar/PPWP_-_Nasional_Rekapitulasi_2014_-_New_-_Final_2014_07_22.pdf.

[20] Sigit Joyowardono (2014) ‘Buku Data dan Infografik Pemilu Anggota DPR RI & DPD RI 2014 [Data Book and Infographics for the 2014 DPR RI & DPD RI Elections]’, Jakarta, Indonesia: KPU; McLarty Associates (2019) ‘McLarty Indonesia Update: Jokowi announces new Cabinet’, McLarty Associates, at: https://maglobal.com/jokowi-new-cabinet; Francis Chan (2018) ‘Indonesian president Jokowi reshuffles Cabinet, appoints Golkar sec-gen, former military chief’, The Straits Times, at: https://www.straitstimes.com/asia/se-asia/indonesian-president-jokowi-reshuffles-cabinet-appoints-golkar-sec-gen-and-former.

[21] Ben Bland (2019) ‘Politics in Indonesia: Resilient elections, defective democracy’, Lowy Institute, at: https://www.lowyinstitute.org/publications/politics-indonesia-resilient-elections-defective-democracy; Muhammad Bahrul Ulum (2020) ‘Indonesian Democracy and Political Parties Afte Twenty Years of Reformation: A Contextual Analysis’, Indonesia Law Review 10(1), at: DOI: 10.15742/ilrev.v10n1.577.

[22] James Massola (2019) ‘From enemies to allies in six short months: Jokowi to invite Prabowo into cabinet’, The Sydney Morning Herald, at: https://www.smh.com.au/world/asia/from-enemies-to-allies-in-six-short-months-jokowi-to-invite-prabowo-into-cabinet-20191022-p532vf.html; Metro TV (2024) ‘Membaca maksud Jokowi tarik Demokrat ke Kabinet’, Metro TV, at: https://www.metrotvnews.com/play/NgxCVrRG-membaca-maksud-jokowi-tarik-demokrat-ke-kabinet.

[23] Muhtadi (2022) ‘Indonesia’s Cabinet reshuffle’.

[24] Marchio Irfan Gorbiano (2019) ‘Jokowi officially asks Gerindra to join new Cabinet: Prabowo’, The Jakarta Post, at: https://www.thejakartapost.com/news/2019/10/21/gerindras-prabowo-ready-to-contribute-to-jokowis-cabinet.html; Aljazeera (2019) ‘Indonesia’s Widodo appoints archrival as defence minister’, Aljazeera, at: https://www.aljazeera.com/news/2019/10/23/indonesias-widodo-appoints-archrival-as-defence-minister.

[25] The Nation Thailand (2024) ‘President Jokowi removes PDI-P ministers in reshuffle two months before exit’, The Nation Thailand, at: https://www.nationthailand.com/news/asean/40040722.

[26] Bland (2019) ‘Politics in Indonesia’.

[27] Kennedy Muslim and Burhanuddin Muhtadi (2024) ‘President Prabowo’s politics of accommodation might mean a short honeymoon’, Fulcrum, at: https://fulcrum.sg/president-prabowos-politics-of-accommodation-might-mean-a-short-honeymoon.

[28] KPU (2024) ‘Decision of KPU No. 1043 of 2024’, KPU, at: https://jdih.kpu.go.id/data/data_kepkpu/2024kpt1043.pdf.

[29] Stanley Widianto (2024) ‘Prabowo gets support from PDI-P, but no coalition deal yet’, The Jakarta Post, at: https://www.thejakartapost.com/indonesia/2024/10/17/prabowo-gets-support-from-pdi-p-but-no-coalition-deal-yet.html.

[30] Yustinus Patris Paat (2024) ‘Don’t be so quick to judge: PDI-P on Prabowo’s giant cabinet’, JakartaGlobe.id, at: https://jakartaglobe.id/news/dont-be-so-quick-to-judge-pdip-on-prabowos-giant-cabinet.

[31] Wiji Nur Hayat (2024) ‘NasDem pilih tak masuk ke Kabinet Prabowo, ini alasan lengkapnya [NasDem chose not to enter Prabowo’s Cabinet, this is the complete reason]’, CNBC Indonesia, at: https://www.cnbcindonesia.com/news/20241014141220-4-579419/nasdem-pilih-tak-masuk-ke-kabinet-prabowo-ini-alasan-lengkapnya; PKS (2024) ‘PKS sampaikan dukungan penuh kepada Presiden terpilih Prabowo Subianto [PKS conveys its full support to President-elect Prabowo Subianto]’, PKS, at: https://pks.id/content/pks-sampaikan-dukungan-penuh-kepada-presiden-terpilih-prabowo-subianto.

[32] Lestari (2016) ‘Cartel Party’.

[33] Aljazeera (2024) ‘Protests across Indonesia as parliament delays change to election law’, Aljazeera, at: https://www.aljazeera.com/gallery/2024/8/22/protests-across-indonesia-as-parliament-delays-change-to-election-law.

Exit mobile version