Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Mga Overseas Filipino Workers, Sirkulasyon ng Paggawa sa Timog-silangang Asya, at ang (Maling) Pangangasiwa sa mga Programa ng Migrasyon Paibayong-dagat

         

Sa nakaraang mga dekada, ang mga overseas Filipino workers (OFWs) ay naging mahalagang sektor sa lipunan at ekonomyang Pilipino. Kinikilala ng pamahalaan ang mga OFW (na kung tawagin dati ay “overseas contract workers” o OCWs) bilang mga bagong bayani sa pangunahing dahilan na ang kanilang mga padalang salapi o remittance ay mahalagang pinagmumulan ng rebenyu. Ang terminong OFW ay kinapapalooban ng iba’t ibang grupo ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibayong-dagat: maaari silang maging emigrant o contract worker, dokumentado o hindi. Ayon sa mga nalikom na istatistiko, kinakategorya ang mga ito bilang emigrant at OFW. Noong 1999, mayroong 2.4 na milyong emigranteng Pilipino at 4.2 milyong OFW, na ang 2.4 milyon ay dokumentado at 1.8 milyon ang hindi. Dagdag pa, ang mga OFW ay ikinaklasipika bilang nakabase sa dagat, na ang karamihan ay kalalakihan, at nakabase sa lupa, na ang paparaming bilang ay kababaihan. Itinatampok ng sanaysay na ito ang paglaki ng partisipasyon ng mga kababaihan sa nagaganap na diaspora ng lakas-paggawang Pilipino at ang aktibong pagsuporta ng pamahalaan sa migrasyon ng paggawa patungo sa ibayong-dagat.

Pinapatingkad ng mga ulat sa media hinggil sa sinapit ng mga overseas migrant worker ang nagbabagong katangian ng karanasang Pilipino sa internasyunal na migrasyon. Kinukumpirma ng mga istatistiko na ito ay unti-unting dinodomina ng kababaihan at tumutuon sa serbisyo. Ang migrasyon ng lakas-paggawang Pilipino ay nagaganap din sa loob ng mas malawak na konteksto ng sirkulasyon ng paggawa sa rehiyong ASEAN kung saan parami nang paraming tao na naghahanap ng trabaho ang tumatawid sa mga hangganan at ang ilang mga bansa ay nagpapadala at tumatanggap ng mga migrante. Kapansin-pansin din ang dumadalas na pag-ako ng mga kababaihang Asyano mula sa mga di-kasing-unlad na bansa sa mga nakakabagot na aspeto ng gawaing reproduktibo sa mga mas maunlad na bansa sa loob ng rehiyon. Halimbawa, dinodomina ng mga manggagawang Pilipino at Indones ang sektor ng domestikong paggawa sa mas maunlad na Malaysia. Samantalang ang kanilang “halaga” sa industriyang pangserbisyo ay hindi pantay, ang kanilang karanasan sa pagsasamantala ay magkahawig. Maaari rin itong ihambing sa malawakang karanasan ng pang-aabuso sa mga manggagawang kababaihang Pilipino at Indones sa mga bansa ng Gitnang Silangan. Sa maraming yugto sa kasaysayan ng kani-kanilang programa sa pagluwas ng lakas-paggawa, ang dalawang pamahalaan ay napilitang nagpataw ng moratorium sa pagpapadala ng mga manggagawa sa panghahangad na protektahan ang mga ito mula sa mga abusadong amo.

Ang lubha ng problema ng pagmamaltrato sa mga migrante at ang dumadalas na pagtrapik sa kababaihan ay nakatawag-pansin sa internasyunal na pamayanan. Dalawang porma ng internasyunal na pakikisangkot sa mga usapin ng migrasyon ng kababaihan ang tinatatalakay dito: ang pagpapaibayo ng mga proteksyong internasyunal at pananaliksik sa mga bansang kanluranin hinggil sa iba’t ibang aspeto ng migrasyon ng kababaihan.

Ang mga nababahalang kasaping-estado ng United Nations ay mahigpit na nangampanya para sa mga garantyang mangangalaga sa karapatan ng migrante sa internasyunal na antas. Isa sa iilang dokumento hinggil sa migrasyon ng paggawa na may pwersa ng batas, ang Internasyunal na Kumbensyon Hinggil sa Pangangalaga sa Karapatan ng Lahat ng Migranteng Manggagawa at Kasapi ng kanilang Pamilya, ay inabot ng mahigit isang dekada ng pangangampanya bago ito tinanggap ng United Nations noong 1990. Sa akademya, ang mga pananaliksik ng mga iskolar na nakabase sa Kanluran ay sumusuri sa kung paano kinakayanan ng mga migranteng Pilipina ang emosyonal na gastos ng transnasyunal na pamumuhay at gayundin ang mga mekanismo kung paano nila isinasapraktika ang pang-araw-araw na “pakikibaka.” Bagamat diskursibo, ang pananaliksik ay ito ay may ambag sa pagsusuri sa epekto ng globalisasyon sa mga aktwal na buhay.

Odine de Guzman

Isinalin ni Sofia Guillermo
Kyoto Review of Southeast Asia. Issue 4 (October 2003). Regional Economic Integration

Exit mobile version