Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Mga Negosyong Malaysian Tsino: Sino ang Nakaraos sa Krisis?

        

Sinusuri ng mga may-akda kung paano naapektuhan ng krisis pinansyal sa Asya ang mga negosyong pagmamay-ari ng Tsino sa Malaysia. Ipinapalagay nila na ang laki, sektor, utang, at dibersipikasyon ay mahahalagang mga salik sa pagtukoy kung alin sa mga negosyo ang magpapatuloy at alin ang magsasara. Ang mga malalaking empresa na ang karamiha’y nasa konstruksyon, pagtitinda ng lupa, at sektor ng manupaktura, may malaking pagkakautang, at may mga programang pang-dibersipikasyon na ispekulatibo at pinopondohan ng utang, ang pinakamalubhang tinamaan ng krisis. Ang mga empresang bumili ng quoted equity o pumasok sa sektor pangpinansya ay naapektuhan din nang masama. Kabilang dito ang mga “corporate raider” na kilala sa pagbibili ng malaking bilang ng share ng mga takdang kumpanya upang pataasin ang halaga ng mga ito bago muling ipagbili at pagtubuan nang husto.

Ang mga nakaraos sa krisis ay ang mga empresang nanatiling maingat at pihikan sa kanilang operasyon at pagpapalawak. Ang mga “resilient” na negosyong ito ay nagpakita ng apat na katangian: nakalahok sila sa mga “tunay” na negosyo na lumilikha ng mga produkto at serbisyo; nakaugnay sila sa mga sektor pang-ekonomya na mas malakas ang laban sa krisis pinansyal; ang karamihan ay nakatutok sa kanilang pangunahing negosyo; at ang kalakha’y nakaiwas sa nakalulumpong pagkakautang sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat na asset backing at pagkilos ng kita para makabayad ng utang at pagtatabi sa tubo bilang reserba. Ang ilan sa mga empresang ito ay may malaki-laking puhunan sa labas ng Malaysia na prumotekta sa mga ito mula sa debalwasyon ng salapi. Ang iba naman ay naglaho ang malaking kapital sa Hong Kong, Biyetnam, at Cambodia.

Ang mga maliliit at katamtamang-laking empresa (small and medium enterprises o SME) na Tsino ay masasabing maayos na nakaraos. Kakatwa na nakaligtas sila sa problema ng pagkakautang dahil mahirap para sa kanila na humiram sa bangko. Sa katunayan, ang ilang mga maliliit na empresa ay nakinabang sa dalawang salik na lumitaw noong krisis pinansyal. Una, ang debalwasyon ng ringgit ay nakatulong sa mga prodyuser na Malaysiano na makipagsabayan sa internasyunal na kalakalan, bagamat ang ilan ay naghirap dahil sa sobrang pagkasandig sa mga inaangkat na materyal, makinarya, at parte. Ikalawa, ang patuloy na alanganing kalagayang pampulitika at pang-ekonomya sa Indonesia ay nagtulak sa maraming kumpanyang multinasyunal na lumipat sa Malaysia. Tampok ang mga SME sapagkat ang manupaktura ang nananatiling pinakamahalagang sektor sa ekonomyang Malaysiano at marami sa mga ito ay mayroong pamproduksyong ugnay sa mga malalaking industriya, kabilang ang mga lokal na kumpanyang Tsino.

Ang krisis pinansyal sa Asya ay dapat magsilbing tanda na sa kabila ng pagkilala sa kalakasan ng mga negosyong Tsino sa Timog-silangang Asya ay hindi dapat kaligtaan ang pagsuri sa mga kabiguan nito. Maraming kabiguan ay dulot ng maling pangangasiwa, mababang kalidad ng produkto, di-sapat na teknolohiya, kakulangan sa produkto at inobasyon sa mga produkto, sobrang pangungutang, at paglipat mula sa pangunahing negosyo tungo sa mga ispekulatibong pagkakakitaan. Ipinamalas ng nakaraang krisis pinansyal ang iba’t ibang porma ng negosyo na ginagamit ng mga Tsino para mapaunlad ang kanilang mga empresa at ipinakita na ang kalakasan at kahinaan ng negosyong Tsino sa Timog-silangang Asya ay, sa kalakha’y, istraktural ang katangian.

Lee Kam Hing at Lee Poh Ping

Isinalin ni Sofia Guillermo
Kyoto Review of Southeast Asia. Issue 4 (October 2003). Regional Economic Integration

 

Exit mobile version