Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Paninirahan sa HCMC: Mga Karanasan ng mga Multikultural na Pamilyang Vietnamese-Taiwanese

Ang pamilyang Vietnamese-Taiwanese

Nakilala ng mga kalahok sa pag-aaral na ito ang kanilang mapapangasawang lalake, sa kalakhan, sa kanilang trabaho o sa pamamagitan ng pagrereto (isang kaso o halimbawa nito ang serbisyong matchmaking). Mataas ang pinag-aralan ng mga kalahok na kababaihang Vietnamese: 11 kalahok ang nakatapos ng hayskul o mas mataas pa at isa lamang ang hindi nakatapos ng sekundaryong edukasyon. Kalimitang matatas sila sa pangalawang wika – Chinese, English, o Japanese. Ilan rin sa kanila ay mga Vietnamese na may lahing Chinese. May maayos din silang trabaho bago nakapag-asawa. Ang mga kalalakihang kalahok naman ay karaniwang nasa Vietnam para sa negosyo, at doon nila nakilala ang kanilang mga mapapang-asawa.

 “Sa Vietnam, karamihan sa mga mag-asawang Vietnamese-Taiwanese ay karaniwang magkasama sa trabaho bago nagtapat ng kanilang mga romantikong interes at nagpasyang magpakasal. Sa Taiwan naman,  mas madalas na nangyayari ang kasal sa pamamagitan ng serbisyong matchmaking. Gayunpaman, karaniwang pumipili ang mga kalalakihang Taiwanese na tumungong Vietnam ng kanilang mapapangasawa batay sa romantikong interes, at talagang may kakayahan ang mga kababaihan na suportahan sila bilang mga kapareha.” (Female, 51 years old, married for 19 years).

May mga tirahan ang mga multikultural na pamilyang Vietnamese-Taiwanese na kalahok sa pag-aaral na ito na ligal na nakapangalan sa mga asawang babaeng Vietnamese. Itinuturing, kalimitan, ang ganitong hakbang bilang pagpapatibay ng tiwala at pagmamahal ng mga asawang lalake sa kanilang mga asawang babae at ng intensyon na “manirahan” at magpundar ng karera at buhay sa Vietnam.  Gayunpaman, batay rin sa pagtataya sa gastos at pakinabang ang hakbang na ito, dahil nagbibigay lamang ng pautang ang mga bangko sa mga mamamayang Vietnamese (komento mula sa isang Babae, 36 taong gulang, may-asawa ng 7 taon, at Lalake, 32 taong gulang, may-asawa ng 2 taon). Gayundin, kalimitang ginagamit ang pangalan ng asawang babaeng Vietnamese sa negosyo at mga transaksyong pampamilya na may kaugnayan sa estado.

Sa usapin ng relihiyon, tinatalakay ng mag-asawa bago magpakasal ang kanilang mga karapatan at nagkakasundong hindi pipilitin ang isa pa na lumipat ng relihiyon, bagaman makikita ang mga paglipat ng relihiyon.

 “Katoliko ako at naging Katoliko ang asawa ko dahil sa aming pagpapakasal. Bago kami ikasal, tinanong ko siya kung bukas siyang lumipat ng relihiyon. Noon, tahasan niyang sinabi na hindi siya lilipat ng relihiyon dahil Budista ang kanyang pamilya….Tapos, pinag-isipan niya at nagpalit siya ng relihiyon. Katoliko na ang buong pamilya ko ngayon. Nagsisimba kami tuwing Linggo.  Kapag nasa Taiwan siya, mag-isa siyang nagsisimba.”

Kung gayon, nagsimula ang mga pagsasama sa posisyong magkapantay at nagpapakita ng kakayahang magpasya ng parehong panig. Nangingibabaw ang pagmamahal, respeto at epektibong komunikasyon, pero hindi isinasantabi ang mga konsiderasyong ekonomiko at materyal.

Wika at Komunikasyon

Nagbigay ang kasanayan sa kahit na isang wikang banyaga na magkaroon ang mag-asawa ng komun na wika sa kanilang pagsasama (pinatunayan ng isang Lalake, 32 taong gulang, mag-asawa ng 2 taon). Ang mga asawang Taiwanese na kalahok sa pag-aaral, na nakapanirahan na sa Vietnam ng 10 taon o higit pa, ay kayang umanawa ng wikang Vietnamese nang bahagya o kainaman. Bagaman kaunti lamang ang gumagamit ng wikang Vietnamese sa araw-araw. Kasabay nito, umunlad ang kasanayan sa wikang Chinese ng mga asawang Vietnamese. Dagdag pa, mahina ang determinasyon at kumpiyansa ng mga asawang Taiwanese para matutunan at makipagtalastasan gamit ang wikang Vietnamese dahil sa mga kahirapan sa pagkatuto.  Kalimitang umaasa sila sa kanilang mga asawang Vietnamese para sa pagsasalin (pinatunayan ng isang Babae, 51 taong gulang, kasal ng 19 na taon).

“Nag-aral ng Vietnamese ang asawa ko, pero mga simpleng salita lamang tulad ng salamat at kumusta…Tinatanong ng mga tao kung bakit hindi ko siya tinuturuan, pero imposible ito, hindi nga ito magawa ng mga guro. Sa unang araw ay tumanggi siyang mag-aral, matapos ay sinabi niyang mag-aaral siya kasama ng aming anak sa tag-init, ngayong nakapagsasalita na ng 2 wika ang anak namin, hindi pa rin siya nakakapagsalita ng Vietnamese” (Babae, 36 taong gulang, kasal ng 7 taon).

Ganito ang piniling wika sa mga multikultural na pamilyang Vietnamese-Taiwanese: Chinese sa pagitan ng mag-asawa, at ng ama at anak. Para sa ina at anak, nagsasalita sa Vietnamese ang ina at sumasagot sa Chinese o Vietnamese ang mga anak. Ilang pamilya rin ang gumagamit lamang ng Chinese para sa pang-araw-araw na komunikasyon, kung kaya unti-unting nawala sa paglaon ng panahon ang kasanayan ng mga anak sa wikang Vietnamese, na pinalakas pa ng pagpasok nila sa mga paaralang internasyunal kung nsaan hindi Vietnamese ang pangunahing wika sa pagtuturo (mga tala mula sa isang Babae, 36 na taong gulang, may-asawa ng 8 taon, at mga panayam sa mga mag-aaral ng Taipei School). Maaaring magkaroon ng kapansanan sa wika ang mga anak sa murang edad sa mga pamilyang ito kung sabay-sabay silang nag-aaral ng dalawa o tatlong wika sa masyadong maagang panahon.

“Sa unang 24-25 buwan ng aking anak, nakikipag-usap lamang siya sa pamamagitan ng paggalaw ng kanyang ulo. Natakot akong baka may problema siya sa kaniyang pag-unlad. Nang malaman niyang bilingwal ang aking pamilya, tiniyak niya siya akin na lalaking mahusay magsalita ang aking mga anak at mabilis silang magpapasya kung aling wika ang kanilang gagamitin,” (Babae, 51 taong gulang, 19 taong may asawa).

 Naging mga balakid din sa komunikasyon sa loob ng mga pamilya ang usapin ng kasanayan sa wika. Maaaring nagkakaroon ng mga kahirapan sa pakikipagtalastasan ang mga kaanak mula sa iba’t ibang kultura, at maaaring magkaroon ng hindi pagkakaunawang kultural ang mga mag-asawa dahil sa mga balakid na ito (Lalake, 32 taong gulang, 2 taong may asawa)

Kaya naman kalakhang nakadepende sa kasanayang pangwika ng mag-asawa ang wika ng komunikasyon sa mga multikultural na pamilyang Vietnamese – Taiwanese sa Ho Chi Minh. Kalimitang mas mahusay sa wikang Chinese ang karamihan sa mga asawang babae na Vietnamese, kaysa sa mga asawang lalake sa wikang Vietnamese, kung kaya nasa wikang Chinese kadalasan ang komunikasyon sa pagitan ng mag-asawa. Mas magkakaiba ang paggamit ng wika ng mga anak sa mga multikultural na pamilyang Vietnamese-Taiwanese, na pinagpapasyahan hindi lamang ng kakayahang pangwika ng mga magulang, kundi ng kapaligiran sa pagkatuto at pamumuhay ng anak.

Ho Chi Minh street food vendor. Photo, Timur Garifov, Unsplash

Pagkain

Nagbibigay ng kaliwanagan ang pagpili ng pagkain ng tahanan sa proseso ng pagdedeisyon sa pamilya at kanilang mga kultural na kagustuhan. Madali sa praktika ang kultura ng pagkain subalit maaaring mahirap pagkasunduin ang mga pagkakaiba sa kultura sa gitna ng mga kondisyon tulad ng kapaligiran sa pamumuhay, mga kagawian ng pamilya sa pagkain, at kagustuhan ng mga indibidwal. Natuklasan ng aming pag-aaral na sabay na umiiral ang dalawa o higit pang kultura sa pagkain sa mga pamilyang Vietnamese-Taiwanese sa Ho Chi Minh City, at sumusunod ang mga kaugalian sa dati nang mga kagustuhan. Gayunpaman, ang nakatutuwa ay naniniwala ang mga pamilya sa pagkain nang sama-sama.

“Depende sa kung sino ang magluluto sa isang araw. Minsan magluluto ako ng pagkaing Vietnamese, at minsan nama’y magluluto ang asawa ko ng pagkaing Taiwanese. Sinusunod namin ang aming mga kalakasan at panlasa, na maaaring magkakaiba at kaya ring makibagay at umangkop.” (Lalake, Vietnamese, 55 taong gulang, 23 taong may asawa).

Kung gayon, napagsasalubong at napaiiral nang magkasama ang mga pagkakaiba sa kultura. Hindi maaaring salungatin ang ilang mga hangganan, tulad ng hindi kumakain ng “pambansang” sarsa (patis) ang mga asawang Taiwanese, at lubhang kaunting asawang Taiwanese ang may gusto sa balut, isang karaniwang meryenda sa Vietnam na gawa sa itlog ng itik na may sisiw. May mga pagkakaiba rin sa pagitan ng kanilang mga nosyon ng matamis at malinamnam, at sa mga paraan ng pagluluto at paghahanda ng pagkain. (Lalake, 46 taong gulang, 7 taong may asawa)

Kung gayon, makikita natin sa mga kaugalian sa pagkain ng mga multikultural na pamilyang Vietnamese-Taiwanese na may mga pagkakaiba-iba, pag-angkop, tunggalian, pagkakaisa, mutwal na respeto at pagbibigayan sa pagitan ng mga kasapi ng pamilya.

Nasyunalidad, pagkamamamayan at pananaw sa pinagmulan

Nagdulot ng pagkakaiba-iba sa papel at katayuan ng mga mag-asawa sa loob ng mga multikultural na pamilyang Vietnamese-Taiwanese na naninirahan sa Ho Chi Minh City ang mga pagkakaiba sa kontekstong sosyal at pulitikal, at mga pambansang patakaran.

Para sa isang banyagang may asawang Vietnamese na naninirahan sa Vietnam, nakasalalay nang lubos ang karapatang manirahan sa trabahong sahuran (sa pamamagitan ng kumpanya) o sa pagpapahintulot sa mga dependent ng pamilya (sa pamamgitan ng kanilang asawa). Kalimitang “ang kumpanya na ang bahala sa lahat”. Gayunpaman, nagkakaroon ng mga problema sa visa kapag hindi kabisado ng mga pamilya ang maliliit na detalye kaugnay ng pagpapalit ng mga tipo ng visa, tulad ng pagpapalit mula sa pagiging dependent ng pamilya tungong visa para sa negosyo o trabaho (kapag nagbabago ang trabaho). Sa pag-aaral, tinitingnan ng mga kasapi ng mga multikultural na pamilya na nagdudulot ng mga kahirapan at disbentahe para sa mga banyagang asawang naninirahan sa Vietnam ang mga patakaran ng Vietnam hinggil sa visa.

Maaaring makakuha ng parehong katayuan bilang mamamayang Vietnamese at Taiwanese ang mga anak ng multikultural na pamilyang Vietnamese-Taiwanese sa Ho Chi Minh City kung ligal na nakarehistro ang kasal ng kanilang mga magulang sa parehong gobyerno. Nagbibigay ng maraming benepisyo ang pagkakaroon ng dalawang katayuan sa pagkamamamayan, halimbawa, kahit na naninirahan sa labas ng Taiwan ang bata, maaari silang makatanggap ng mga subsidyo/ayuda noong pandemyang COVID 19, allowance sa pag-aaral sa Taipei School sa Vietnam, at iba pang patakaran ng pamahalaang Taiwanese para sa suporta sa mga anak. Sa pananaw ng mga batang may dalawang katayuan sa pagkamamamayan na kalahok sa pag-aaral, hindi sila mamamayan ng dalawang estado, kundi iniaangkop nila ang kanilang mga sagot batay sa  benepisyong maaari nilang makukuha.

“Sa kabuuan, napakahusay ng suporta para sa mga matatanda at bata sa Taiwan. Halos walang natatanggap na suporta mula sa Vietnam ang dalawa kong anak, pero nagbibigay sa ngayon ang pamahalaang Taiwanese ng NT$5,000 kada buwan para sa bawat bata bilang ayuda. Sa panahon ng pandemya, nakatanggap sila mula sa Vietnam ng suportang 1 milyon bawat isa, habang nagbigay ang pamahalaang Taiwanese ng 8 milyong VND.” (Babae, Vietnamese, 36 taong gulang, 8 taong may asawa).

 Dagdag pa, mas kaunti ang mga patakarang pangkagalingan para sa mga banyagang asawa na naninirahan sa Vietnam kumpara sa mga banyagang asawang naninirahan sa Taiwan. Gayunpaman, kailangang magsumikap ng mga asawang Vietnamese, sa pamamagitan ng madalas na pagbiyahe para makapagpanatili ng mga ugnayan at maging karapat-dapat sa mga iskema para sa nasyunalidad na may kaugnayan sa paninirahan at iba pang karapatan.

“Kinikilala ng Taiwan ang asawa kong Vietnamese bilang Taiwanese kung naninirahan sila sa Taiwan. Gayunpaman, kahit na nag-asawa ng Vietnamese ang isang Taiwanese at nanirahan sa Vietnam ng maraming taon, hindi pa rin sila kikilalanin ng Vietnam, hindi nila kinikilala ang mga Taiwanese bilang Vietnamese” (Lalake, 46 taong gulang, 7 taon na may asawa).

Konklusyon

Nagtuon ang pag-aaral na ito at ang naunang pag-aaral sa mga multikultural na pamilyang Vietnamese-Taiwanese, na binubuo sa kalakhan ng mga asawang babaeng Vietnamese at mga asawang lalakeng Taiwanese na piniling manirahan sa Ho Chi Minh City, sa halip na sa Taiwan. Sinaklaw ng pag-aaral ang katayuan, bilang, pagkakahating heograpikal, konteksto ng pagbubuo ng pamilya, at ilang mga potensyal na maging tampok na mga aspekto sa buhay ng mga pamilyang multikultural kabilang ang: paggamit ng wika at mga padron ng komunikasyon, pagpili ng pagkain, at nasyunalidad at pagkamamamayan.

Natuklasan ng pag-aaral na hindi kakaunti ang bilang ng mga multikultural na pamilyang Vietnamese-Taiwanese na naninirahan sa Ho Chi Minh City ngayon at patuloy itong dumarami. Naninirahan ang karamihan sa mga pamilyang ito sa Distrito 7, Distrito 1, at Thu Duc City. Karamihan sa mga lalakeng Taiwanese na kalahok sa pag-aaral ay nagtungo ng Ho Chi Minh City para magtrabaho, at dito nakakilala at nakapagbuo ng romantikong relasyon sa kanilang mga kapareha ngayon sa pamamagitan ng organikong proseso sa halip na sa pamamagitan ng komersyal na matchmaking. Ipinahihiwatig nitong gumagampan ng mas malaking papel ang romantikong koneksyon sa pagkakabuo ng mga relasyong ito kaysa sa mga konsiderasyong ekonomiko at materyal. Sa isang pamilya, kalimitang mas matatas sa wikang Chinese ang asawang Vietnamese kumpara sa kasanayan ng asawang Taiwanese sa wikang Vietnamese, kung kaya, may partikular na padron ang komunikasyon sa loob ng mga multikultural na pamilyang Vietnamese-Taiwanese sa Ho Chi Minh City kung saan wikang Chinese ang ginagamit sa pagitan ng mag-asawa, gayurin sa pagitan ng mga anak at magulang na Taiwanese, at wikang Vietnamese naman ang ginagamit sa pagitan ng Vietnamese na magulang at mga anak. May potensyal ang mga anak ng multikultural na pamilyang Vietnamese-Taiwanese na maging matatas sa tatlong wika: Vietnamese,  Chinese, at English; nakadepende sa kapaligiran ang antas ng kasanayan at paggamit sa pang-araw-araw na komunikasyon, sa loob man ng tahanan o sa paaralan, kung saan kinakailangan ang kanilang kasanayan sa wika. Lumilikha rin ng kakaibang hamon ang multilinggwalismo sa mga multikultural na pamilya. Isang halimbawa nito ang kawalan ng malalim na pag-unawa sa mga aspirasyon at masalimuot na pangangailangang emosyonal sa ilang mga mag-asawa dahil sa balakid ng wika, o kalituhan sa wika ng mga anak ng mga pamilyang multikultural. Bukod sa wika, ang pagpili ng pagkain  ay maaaring magbunsod ng maraming bagay gaya ng tunggalian, pagkatuto ng bagong kultura, pagkakaisa, mutwal na respeto at pagbibigayan sa pagitan ng mga kasapi ng pamilya. Sabihin pa, para sa mga Taiwanese na nag-asawa ng Vietnamese na naninirahan sa Ho Chi Minh City, hindi sila lumilipat sa pagiging mamamayang Vietnamese subalit ninanais nilang manirahan nang matagal rito, lubos na aasa sila sa kanilang mga lugar ng trabaho o sa kanilang asawa at mga anak para garantiyahan ang kanilang visa. Kalakhan ay may karapatan ang mga anak sa mga ligal na pamilyang multikultural para sa pagkamamamayan sa dalawang bansa, wala silang kamalayan na dalawa ang kanilang identidad sa pagkamamamayan, sa halip pinipili nila ang kanilang identidad batay sa konteksto at sa estratehiyang pagkuha ng pinakamalaking pakinabang.

Phan Thi Hong Xuan, Ho – Hsien Chen, Vo Phan My Tra
The authors are: Phan Thi Hong Xuan (University of Social Sciences and Humanities – Vietnam National University Ho Chi Minh City), Ho-Hsien Chen (Taipei Economic and Cultural Office in Ho Chi Minh City), and Vo Phan My Tra (University of Leipzig, Germany).  All enquiries should go to email: xuan.pth@hcmussh.edu.vn

Acknowledgement: This research is funded by the Vietnam National University Ho Chi Minh City (VNU-HCM) under grant number B2022-18b-04

Banner: Ho Chi Minh City, Saigon, Socialist Republic of Vietnam – the book shop street near the post office. Photo, dotmiller1986, Shutterstock

 
 

 

 

Exit mobile version