Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Mga Multikultural na Pamilyang Vietnamese-Taiwanese: Konteksto ng Taiwan

Maraming kababaihang Vietnamese ang lumipat sa Taiwan kasama ang kanilang mga asawang lalake noong dekeda 1990. Gayunpaman, ipinakikita ng mga katibayang empirikal na may umuusbong na kalakaran ngayon sa hanay ng mga mag-asawang Vietnamese-Taiwanese na manirahan ng lungsod ng Ho Chi Minh, Vietnam. Gamit ang cultural variables and rational choice approach, naglalatag ng mga resulta ang pag-aaral na ito mula sa 33 panayam na isinagawa sa mga pamilyang multikultural na sumasaklaw sa kwentong buhay ng 12 kababaihan, 10 asawang lalake, at 11 anak, para tingnan ang iba’t ibang aspekto sa dinamismo ng pamilya, gayundin ang mga usapin ng nasyunalidad at pagkamamamayan. Tatalakayin lamang ng una sa dalawang artikulo ang mga pangunahing resulta ng pag-aaral, habang ihahapag naman ng ikalawang artikulo ang mga mas detalyadong resulta.

Ipinakikita ng mga resulta na nagmumula sa boluntaryong pagpapasya, sa pangkalahatan, ang pagtatayo ng mga tahanang multikultural sa lungsod ng Ho Chi Minh, gawa ng pagmamahal at ng paghahangad para sa matiwasay na pagsasama, at nagpapakita ng malakas na diwa ng pagmamalasakit, pagkakaisa, at pag-angkop sa usapin ng mga kaugaliang lingguwistiko at kultural sa kanilang mga gawaing domestiko. Kalimitang may oportunidad na makakuha ng dalawang katayuan sa pagkamamamayan ang mga anak sa mga ligal na kinikilalang tahanang multikultural; gayunpaman, iba-iba ang antas ng pag-unawa sa mga karapatan sa pagkamamamayan batay sa mga partikular na sirkumstansya at kontekstong nakapaligid sa bawat sa kaso. May ilang disbentaheng kinakaharap ang mga banyagang asawa ng mga mamamayang Vietnamese na naninirahan sa Vietnam. Kabilang na rito ang mga usaping pumapatungkol sa kanilang mga karapatan sa paninirahan.

Panimula

Hindi maiiwasan at bunga ng globalisasyon ang penomenon ng multikulturalismo at pag-usbong ng mga pamilyang multikultural. Sa US, inaasahang lalawak ang bilang ng mga tahanang multikultural roon ng 213% sa pagitan ng mga taong 2000-2050.  8% ng 213% na ito ay mga Asyano-Amerikano (Kim, 2022). Nasa unahan ng globalisasyon ang Korea, Taiwan, at Singapore, at lumaki ang bilang ng mga pamilyang multikultural roon.  Sa Korea ay may kabuuang 1.09 milyon na katao, o 2.1% ng kabuuang populasyon ng Korea ang miyembro ng mga tahanang multikultural (Lee, 2021).  Sa Taiwan, tinatayang nasa 2.4% ng sa populasyon, ang may-asawang banyagang kababaihan na mula sa Timog-Silangang Asya (Wu, 2023). Dagdag pa, mahalagang banggitin na kumakatawan ang mga nabanggit na pag-aasawa ng malaking bahagi, mula 10% hanggang 39%, sa kabuuan ng mga naitalang kasal sa Korea, Taiwan, at Singapore sa taong 2015, batay sa ulat ng International Organization for Migration (Ahn, 2022).

Noong 2022, 113,000 kababaihang Vietnamese ang nakarating sa Taiwan sa pamamagitan ng pag-aasawa (Wu, 2023). Pumapangalawa naman ang mga Vietnamese sa usapin ng bilang ng mga banyagang asawang babae sa Taiwan. Sa gayon, dumami nitong  nakaraang mga taon ang mga akademikong pananaliksik na umiinog sa paksa ng mga kababaihang Vietnamese na nagpakasal at  lumipat sa Taiwan kasunod ng kanilang mga asawang lalake.

Kapansin-pansin sa nakaraang mga taon ang pagkiling sa paglipat sa Vietnam ng mga pamilyang multikultural na may kasaping Vietnamese para sa trabaho, pag-aasawa, at matagalang paninirahan (Ha et al., 2021).  Naging isang pokus na panirahan para sa mga pamilyang Taiwanese-Vietnamese ang HCM City. Ang dahilan? Talagang inaasam na destinasyon ng mga negosyong Taiwanese ang HCM City at may malaking pagdagsa ng mga empleyadong Taiwanese rito. Makikitang pinili ng maraming pamilyang Taiwanese-Vietnamese ang manirahan sa HCM City, dahil sa mga paaralang internasyunal 1 at pagkakaraoon ng mutwal na tulungan na posible kung may mataas na konsentrasyon ng populasyong Taiwanese.

Gumamit ang pag-aaral, na siyang paksa ng panimulang ito, ng cultural variable and rational choice approach para muling balangkasin ang kaalaman hinggil sa mga multikultural na tahanang Vietnamese-Taiwanese. Pangunahing inalam ng pag-aaral na ito ang mga sumusunod: (1) Ano ang sukat at pangunahing mga tahanan ng mga multikultural na pamilyang Vietnamese-Taiwanese sa Ho Chi Minh City? (2) Anu-ano ang mga elementong nakakaimpluwensya sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga multikultural na pamilyang Vietnamese-Taiwanese, partikular sa usapin ng wika, komunikasyon at mga kaugalian sa pagkain? (3) Paano nila tinutugunan at nireresolba ang mga kultural na pagkakaiba? at (4) Paano nakakaapekto ang nasyunalidad at pagkamamamayan sa buhay ng mga multikultural na pamilyang naninirahan sa Vietnam? Dahil sa limitasyon sa haba ng mga artikulo sa dyornal na ito, hinati ang pag-aaral sa dalawang bahagi.

Sumaklaw ang binuo naming mga pagpapalagay ng pananaliksik sa sumusunod: (1) Nakabatay ang pagpili ng mga pamilya sa lokasyon ng paninirahan sa oportunidad para sa pagkakaroon ng trabaho, paaralan para sa mga anak, at kaangkupan ng kapaligiran sa pamumuhay; (2) Sa pagpiling manirahan at magsulong ng propesyunal na pag-unlad sa katutubong lungsod ng asawang babae, nahaharap sa maraming hamon ang asawang lalake pagdating sa mga usapinng may kinalaman sa pabahay, asimilasyong kultural, at mga aktibidad na maaaring gawin. Dagdag pa, nakararanas ang asawang babae ng pagkabawas o pagkawala ng pasaning tumalima sa mga tradisyunal na gender roles; 3) Sa pagitan ng mga Vietnamese at Taiwanese, nakikita ang pagkakaibang linggwistiko at ang maraming pagkakatulad ng kultura. Kung kaya, maaaring makaranas ang mga multikultural na pamilyang Vietnamese-Taiwanese ng ilang mga hamon patungkol sa komunikasyon at mga kaugalian sa hapag-kainan. Gayunman, hindi inaasahang tutungo ang mga usaping ito sa malalaking pag-aaway; (4) Mapahuhusay ang pagresolba sa mga pagkakaibang kultural sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng pag-unawa, pagtutulungan, pagbubuo ng mga nagtutugunang impluwensyang kultural, at unti-unting pag-unlad ng pagkakaisa sa loob ng mga romantikong relasyon; (5) Sa simula, maaaring maranasan ng mga mga mag-asawang multikultural ang mga bentahe sa pagkamamamayan ng paninirahan sa bayan ng isa sa kanila. May malaking epekto sa kanilang mga buhay at mga pamilya sa loob ng bansa ang mga patakaran ng Vietnam hinggil sa paninirahan ng mga banyagang asawa.

Naghahandog ang pananaliksik ng maraming kontribusyong praktikal at akademiko. Una, nakatutok ang pag-aaral sa penomenon ng migrasyong bunga ng pag-aasawa at sinusuri ang pagpapasya ng mga indibidwal na manirahan sa Vietnam, isang bansang mas kilala bilang lugar ng “emigrasyon” kaysa “imigrasyon”.

Naririto ang mga pangunahing natuklasan ng artikulo.

Two Taiwanese aircraft taxi at Tan Son Nhat International Airport which serves Ho Chi Minh City, the most populous city in Vietnam.

Mga salik na nagtataguyod ng pag-aasawahang Taiwanese-Vietnamese

Ang relasyong ekonomiko ng Taiwan sa Vietnam, mula noong 1989, ang pundasyon na nauuna sa mga relasyong panlipunan 2 (Wang & Bélanger, 2008).  Mula 1995 hanggang Hulyo 2005, may 89,085 mga indibidwal na Vietnamese ang lumahok sa mga harapang panayam sa Taipei Economic and Cultural Office sa Vietnam upang makakuha ng katayuang karapat-dapat sa pag-aasawa, marami sa kanila ay kababaihan (Huệ, 2006). Napanatili ng Taiwan ang katayuan nito bilang pangunahing destinasyon ng mga kababaihang Vietnamese na mag-aasawa. Gumanap din ng papel ang pagiging malapit sa heograpiya, at mga lingguwistiko at kultural na pagkakatulad sa pagtataguyod ng mga pag-aasawahang Taiwanese-Vietnamese. Dagdag pa, hinaharap ng mga lalakeng Vietnamese na naghahanap ng mapapang-asawa ang hamon ng mataas na ekspektasyon ng mga kababaihang Taiwanese, na nagkamit ng mas mataas na antas ng edukasyon at may kakayahang pang-ekonomiko (Le-Phuong et al., 2022).  Sa kabilang banda, itinaguyod ang pag-aasawahang Taiwanese-Vietnamese ng tulak ng mga kababaihang Vietnamese na paunlarin ang kanilang pang-ekonomikong kagalingan, at ng kaalwanan ng pagpasok sa Taiwan dahil sa may kaluwagan at inklusibong aktitud nito. (Xuan et al., 2022).

Negatibong pagtingin sa mga kababaihang Vietnamese na nag-asawa at dumayo sa Taiwan

Kalimitang nakakaranas ng diskriminasyon ang mga kababaihang Vietnamese na nakakapag-asawa ng mga Taiwanese at dumarayo sa Taiwan pagkaalis nila sa sariling bayan.  Karaniwang nasa batang edad sila, karamihan ay mula sa mga rehiyong rural, kaunti ang nakamit na edukasyon, at may mababang antas na sosyo-ekonomikong katayuan (Xuan et al., 2021). Aktibong nagtatrabaho ang malaking bahagi sa kanila upang tugunan ang mga obligasyong pinansyal sa parehong bansa. (Wu, 2022). Kalimitan namang mas matanda ang mga kalalakihang Taiwanese na asawa nila (madalas nasa pagitan ng edad na 30 hanggang 60 taon), at karamihan ay may matatag na trabaho.

Dahil kalakhan sa mga kababaihang Vietnamese ay kalimitang nakakilala sa kanilang mga mapapang-asawa sa pamamagitan ng mga komersyal na tagapamagitan sa pag-aasawa, dagdag pa ang mga nabanggit na katangian, inilalarawan sa kalakhan ng midya ng Taiwan ang mga kababaihang Vietnamese na nakapag-asawa at dumayo bilang mga biktima ng patriyarkal na sistema. Alinman sa materyalistikong indibidwal sila na ginagamit ang migrasyon para sa pinansyal na pakinabang o mga “tatakas na asawa” na makikipag-diborsyo sa asawang Taiwanese matapos makakuha ng katayuan bilang mamamayan at makaipon ng sapat na yaman (Wu, 2023). May bahagi ang estado sa pagtataguyod ng gayung karaniwang pananaw. (Wang & Bélanger, 2008).

Wika at komunikasyon

Karamihan sa mga anak ng gayung mga pamilya ay bahagya o buong tumatalikod sa sariling wika ng ina, at pinipili ang Mandarin bilang wikang ginagamit sa tahanan. Maaaring tulak ang gayong sitwasyon ng pangangailangan sa wikang Ingles upang bumagay ang mga anak sa pandaigdigang ekonomiya. Kung hindi naman, kung mas pinipili ang wikang Vietnamese, dahil pa rin ito sa pang-ekonomikong interes ng pamilya (Cheng, 2017). Samantala, nahihirapan ang mga bagong dayo na makahanap ng trabaho at maaaring makaranas ng diskriminasyon dahil sa mababang kakayahan sa wikang Chinese (Wu, 2023).  Ipinakikita rin ibang pananaliksik na aktibong nagsisikap ang mga kababaihang Vietnamese para pahusayin ang sitwasyon ng kanilang kita, wika, at edukasyon ng kanilang mga anak (Chen, 2011).

Kamalayaan sa nasyunalidad at pagkamamamayan  

Ipinakikita ng dawalang pag-aaral ng pamahalaang Taiwanese noong 2004 at 2008 na 50-70 porsyento ng mga dayong asawang babae ang nagsilang ng anak matapos dumating sa Taiwan. Sinasabi ng ilan na isinilang ang mga anak ilang taon matapos nilang lumipat sa Taiwan. Ipinahihiwatig ng ugnayan sa pagitan ng tumaas na tantos ng naturalisasyon at panganganak ng mga nag-asawang dayong kababaihang sa Taiwan ang ugnayan sa pagitan ng proseso ng pagkuha sa katayuang mamamayan at ng transisyon sa pagiging ina (Cheng, 2017).   Maaaring tingnan ang pagsisilang sa anak bilang katibayang sumusuporta sa katunayan ng kasal sa pagitan ng indibidwal na Taiwanese at kanilang asawang banyaga, at nakatutulong ito sa mabilis na pagkakamit ng karapatang manirahan o katayuan bilang mamamayan para sa mga may-asawang dayong kababaihan, na nakakuha ng pagturing bilang mamamayan (Chiu & Yeoh, 2021). Pagsapit ng Disyembre 2014, karamihan sa mga dayong kababaihan na nakapag-asawa ng mga Taiwanese ay nakakuha ng katayuan bilang mamamayan ng Taiwan. Pinakamalaking grupo (75%) ang mga kababaihang Vietnamese sa populasyong ito ng 145,441 migranteng kababaihan/ bagong mamamayan. May ekspektasyon ang mga inang Vietnamese na makapaghuhubog ang kanilang mga anak ng identidad na Taiwanese sa kanilang paglaki; habang nagpahayag naman ng kagustuhan ang ilan na yumakap ang kanilang mga anak sa identidad na dalawang kultura, wala sa mga kapanayam ang nagpahiwatig na nais nilang kilalanin ng kanilang mga anak ang kanilang mga sarili bilang mga Vietnamese (Chen, 2011).

Mga umusbong na perspektiba sa mga kababaihang asawang Vietnamese sa Taiwan

Nitong nagdaang mga taon, kapansin-pansin ang pagbabago tungo sa mas paborableng diskurso hinggil sa pag-aasawa ng mga dayuhang kababaihan at ang mga karugtong nitong implikasyon para sa kanilang mga anak sa konteksto ng Taiwan. Masalimuot na nakakonekta ito sa mga kilusang panlipunan na nagsusulong ng proteksyon ng mga karapatang pantao at pangkultura ng mga migranteng nag-aasawa, gayundin ng kanilang mga anak (Hsia, 2021). Sa partikular, mahalaga ang epekto ng New Southern Policy (NSP) na ipinatupad ng pamahalaang Taiwanese government noong 2016 para patatagin ang ugnayan sa pagitan ng Taiwan at mga bansa sa Timog-Silangang Asya. Sinasabing pundamental na binago ng NSP ang dinamikoo ng interasksyon sa pagitan ng mga dayuhang kababaihan at pamahalaang Taiwanese. Ngayon, hindi lamang hinihimok ang mga dayuhang panatilihin ang madalas na komunikasyon sa kanilang mga kamag-anak sa Timog-Silangang Asya kundi naisasalin din ang kanilang pamanang kultural at linggwistiko sa kanilang mga anak sa Taiwan na may magkahalong lahing pinagmulan (Cheng, 2021). Sinasabing ang ikalawang henerasyon na anak ng mga migranteng nag-asawa ang siyang gulugod ng NSP, at patuloy na umiinam ang pananaw sa kanila ng pamahalaang Taiwanese sa pagbabago nito ng persepsyon sa pag-aasawang tawid-hangganan mula sa pagiging “usaping panlipunang” tungong isang “kayamanang panlipunan” (Hsia, 2021).

Ito ang katapusan ng unang bahagi ng malaki at malaman na pananaliksik na ito hinggil sa mga dayong kababaihang asawang Vietnamese sa Taiwan. Ang ikalawang bahagi ng pananaliksik sa susunod na artikulo sa dyornal na ito ay magbibigay ng materyales mula sa fieldwork na isinagawa para sa pag-aaral na ito. Sa ikalawang bahagi/artikulo, sumasaklaw ang mga resulta sa piniling lugar ng paninirahan ng mga pamilyang Vietnamese-Taiwanese sa HCMC, ang antas ng kasanayan ng mga kasapi ng pamilya sa mga wikang Vietnamese at Chinese, ang pagpili nila ng pagkain sa araw-araw, at ang mga problema ng pamilya, laluna ng mga anak, sa usapin ng pagkamamamayan at identidad.

Phan Thi Hong Xuan, Ho-Hsien Chen, Vo Phan My Tra
The authors are: Phan Thi Hong Xuan (University of Social Sciences and Humanities – Vietnam National University Ho Chi Minh City), Ho-Hsien Chen (Taipei Economic and Cultural Office in Ho Chi Minh City), and Vo Phan My Tra

References

Ahn, S. Y. (2022). Matching across markets: An economic analysis of cross-border marriage. University of Illinois at Chicago. https://syahn.people.uic.edu/JMP_SA.pdf
Bélanger, D., Hồng, K. T., & Linh, T. G. (2013). Transnational Marriages between Vietnamese Women and Asian Men in Vietnamese Online Media. Journal of Vietnamese Studies, 8(2), 81–114. https://doi.org/10.1525/vs.2013.8.2.81
Berry, J. W. (1997). Immigration, Acculturation, and Adaptation. Applied Psychology, 46(1), 5–34. https://doi.org/10.1111/j.1464-0597.1997.tb01087.x
Berry, J. W. (2005). Acculturation: Living successfully in two cultures. International Journal of Intercultural Relations, 29(6), 697–712. https://doi.org/10.1016/j.ijintrel.2005.07.013
Chen, E. C.-H. (2011). Taiwanese-Vietnamese transnational marriage families in Taiwan: Perspectives from Vietnamese immigrant mothers and Taiwanese teachers [Doctoral thesis]. University of Illinois.
Cheng, I. (2017). She cares because she is a mother: The intersection of citizenship and motherhood of Southeast Asian immigrant women in Taiwan. In International Marriages and Marital Citizenship. Routledge.
Cheng, I. (2021). Motherhood, empowerment and contestation: The act of citizenship of Vietnamese immigrant activists in the realm of the new southbound policy. Citizenship Studies, 25(7), 975–992. https://doi.org/10.1080/13621025.2021.1968688
Chiu, T. Y., & Yeoh, B. S. A. (2021). Marriage migration, family and citizenship in Asia. Citizenship Studies, 25(7), 879–897. https://doi.org/10.1080/13621025.2021.1968680
Ha, P. T. T., Thuy, H. T., Thanh, T. V., & Hang, T. T. (2021). Vai trò giới trong gia đình phụ nữ Việt Nam kết hôn với lao động nước ngoài. Tạp Chí Khoa Học Hội Phụ Nữ, 2021(2), Article 2.
Hsia, H.-C. (2021). From ‘social problems’ to ‘social assets’: Geopolitics, discursive shifts in children of Southeast Asian marriage migrants, and mother-child dyadic citizenship in Taiwan. Citizenship Studies, 25(7), 955–974. https://doi.org/10.1080/13621025.2021.1968687
Huệ, P. T. (2006). Phụ nữ Việt Nam lấy chồng Đài Loan: Hiện trạng và một số định hướng chính sách—Tài liệu, Luận văn. Xã Hội Học, 2(94), 74–83.
Kim, K. (2022). A Study on Parenting Experiences of Multicultural Families with Disabled Children in Korea. Social Sciences, 11(9), Article 9. https://doi.org/10.3390/socsci11090381
Lệ, T. T. (2022). Báo cáo tổng hợp kết quả khoa học và công nghệ nhiệm vụ Người nước ngoài di cư đến thành phố Hồ Chí Minh—Thực trạng và giải pháp. Viện Nghiên cứu Phát triển thành phố Hồ Chí Minh.
Lee, H. (2021). Gov’t to conduct survey of multicultural families—The Korea Times. https://www.koreatimes.co.kr/www/nation/2021/08/119_313183.html
Le-Phuong, L., Lams, L., & Cock, R. D. (2022). Social Media Use and Migrants’ Intersectional Positioning: A Case Study of Vietnamese Female Migrants. Media and Communication, 10(2), 192–203. https://doi.org/10.17645/mac.v10i2.5034
Redfield, R., Linton, R., & Herskovits, M. J. (1936). Memorandum for the Study of Acculturation. American Anthropologist, 38(1), 149–152.
Sam, D. L., & Berry, J. W. (2010). Acculturation: When Individuals and Groups of Different Cultural Backgrounds Meet. Perspectives on Psychological Science, 5(4), 472–481. https://doi.org/10.1177/1745691610373075
Scott, J. (2000). Rational Choice Theory. In Understanding Contemporary Society: Theories of the Present (pp. 126–138). SAGE Publications Ltd. https://doi.org/10.4135/9781446218310
Sở Tư pháp TP.HCM. (2022). Báo cáo kết quả đăng ký khai sinh, khai tử, kết hôn trên địa bàn thành phố Hồ Chí Minh năm 2022.
Tang, W. A., Anna, W., & Chen, P. (2013). Tactical resistances in daily politics: How do battered Vietnamese wives negotiate family and state tightropes in Taiwan? In Migration to and From Taiwan. Routledge.
Trường Quốc tế Đài Bắc tại TP.HCM. (2023). Thống kê số học sinh là con em của gia đình đa văn hóa Việt—Đài đang theo học tại trường Quốc tế Đài Bắc tại TP.HCM giai đoạn 2010-2023.
Văn phòng Kinh tế và Văn hóa Đài Bắc tại thành phố Hồ Chí Minh. (2023). Thống kê số cặp đôi Việt—Đài đăng ký kết hôn tại Văn phòng Kinh tế và Văn hóa Đài Bắc TP.HCM từ năm 2015-2022.
Wang, H., & Bélanger, D. (2008). Taiwanizing female immigrant spouses and materializing differential citizenship. Citizenship Studies, 12(1), 91–106. https://doi.org/10.1080/13621020701794224
Wu, Y.-L. (2022). Entrepreneurship Experiences among Vietnamese Marriage Immigrant Women in Taiwan. Sustainability, 14(3), Article 3. https://doi.org/10.3390/su14031489
Wu, Y.-L. (2023). Negotiating and Voicing: A Study of Employment Experiences among Vietnamese Marriage Immigrant Women in Taiwan. Social Sciences, 12(2), Article 2. https://doi.org/10.3390/socsci12020094
Xuan, P. T. H., Huyen, L. N. A., & Nghia, P. H. (2021). Overview of Studies on Multicultural Families between Vietnamese and Foreigners in Vietnam. Hor J. Hum. & Soc. Sci. Res, 131–138. https://horizon-jhssr.com/view-issue.php?id=108
Xuan, P. T. H., Nghia, P. H., Huyen, L. N. A., Soo, K. M., & Tra, V. P. M. (2022). Research Overview on the Life of Families with Foreign Elements in Ho Chi Minh City, Vietnam. 701–709. https://doi.org/10.2991/978-94-6463-008-4_88

Notes:

  1. This Taipei International School, overseen by the Taipei Consulate, caters to students from Kindergarten to Grade 12. Notably, approximately 50% of the annual student population consists of individuals from Vietnamese-Taiwanese multicultural backgrounds (Taipei International School, 2023).
  2. The Republic of China (Taiwan) and the Republic of Vietnam (southern Vietnam) had a diplomatic relationship until the latter’s demise in April 1975.  Reunified Vietnam adopted a one-China policy and hence de-recognised the Republic of China as the state ruling China.  However, informal economic and political relations have continued after the initial downturn following de-recognition.
Exit mobile version