Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Platpormisasyon ng Ekonomiya ng Malaysia: Bagong Alak sa Lumang Lalagyan?

Bunsod ng lumalaking kahalahagan ng Tsina sa pandaigdigang sistemang pang-ekonomiya, gayundin ang mas mahigpit na integrasyon nito sa Timog-Silangang Asya, nakita ng mga bumubo ng palisiya sa rehiyon na nararapat ang mas maigting na panunuyo ng dayuhang direktang pamumuhunan/foreign direct investment (FDI) mula rito. Ang halina ng FDI ng Tsina ay nasa panahon kung kailan tumigil ang paglagong industriyal sa ilang ekonomiya sa Timog-Silangang Asya, na nagpapalakas ng multo ng middle-income trap (MIT). 1 Nakapagbibigay ng mga kapaki-pakinabang na pananaw ang karanasan ng Malaysia sa usaping ito. Sa pamamagitan ng pag-angkla sa mahabang ugnayan sa Tsina, sinikap ng bansang ito sa Timog-Silangang Asya na isulong ang bilateral na kooperasyon sa ekonomiya. Sa partikular, naglaan ng matinding pagsisikap at pansin si dating Punong Ministro Najib Razak (2009 hanggang 2018) sa pag-engganyo ng mga Tsinong transnational corporation (TNCs). Tinitingnan ang administrasyong Najib bilang lubhang naging palaasa sa mga Tsinong TNCs para isulong ang mga ambisyosong gawain na mas matagal kaysa karaniwan ang pagbalik ng pakinabang. 2 Tunay nga, ilan sa mga kilalang proyektong Tsino na sinimulan noong panahon ni Najib – at ipinagpatuloy ng mga sumunod na Punong Ministro – ang East Coast Rail Link (ECRL), Malaysia-China Kuantan Industrial Park (MCKIP), at Bandar Malaysia. 3

Sa pagtataguyod ng ekonomiyang digital, kung saan susing bahagi ang platformization, pinili ng mga Malaysian ang Alibaba bilang kanilang katuwang. Ang Tsinong TNC na ito, na masasabing pinakadinamikong TNC na Tsino na lumitaw sa pandaigdigang larangan kamakailan, ay sangkot sa Digital Free Trade Zone (DFTZ). Ito ay isang lubos na ipinagmamalaking public-private partnership (PPP) kung saan kalahok ang mga anchor firms kapwa mula sa Tsina at Malaysia. Ang proyektong ito na matatagpuan sa Sepang, Selangor, ay tinatanaw na magtutulak ng pag-unlad ng transpormasyong digital sa Malaysia. Inaasahan na ang pagsasalin ng teknolohiya at kaalaman na dala ng Alibaba ay magtutulak sa mga negosyong Malaysian palayo sa mga aktibidad na pangunahing nakikipagkumpitensya sa pamamagitan ng murang paggawa tungo sa mga mas sopistikadong paraan na nagbubunga ng mas mataas na dagdag-halaga, na siya namang magtutulak sa bansa palayo sa MIT. Kahit sa antas ng teorya man lamang, inaasahang magiging matagumpay ang DFTZ sa paglinang ng kakayahan ng Malaysia sa teknolohiya at inobasyon. Gayunman, ganito nga ba ang kalagayan o iba ang nangyari? Ito ang pangunahing katanungan na sinisiyasat dito.


DFTZ Goes Live 2017. Promotional launch video.

Isang Reality Check sa Digital Free Trade Zone

Paano, kung gayon, nakipag-ugnayan ang DFTZ sa direksyon ng pag-unlad ng kapaligirang industriyal ng Malaysia? Nagsimula ang proyektong ito  noong Oktober 2016, kung kailan inihayag ni Najib ang pagtatayo ng DFTZ sa kanyang talumpati kaugnay ng Budget 2017. Sa loob ng ilang linggo, itinalaga ni Najib si Jack Ma, ang karismatikong tagapagtatatg ng Alibaba, bilang tagapayo ng pamahalaan sa ekonomiyang digital. 4 Bagaman inaasahan si Ma na tumulong sa Malaysia sa pagpapakete ng e-economy, lalo na sa pagpapatupad  ng e-payment, Alipay, online banking, at e-financing, ang isang pinakamalinaw na manipestasyon nito sa kasalukuyan ay ang DFTZ. 5 Pinasinayaan ang proyektong ito noong Marso 2017, at pumasok ang Alibaba ilang buwan lamang matapos ang mga alok ng pamahalaang Malaysian.

Kapansin-pansin ang tatak ng Alibaba kung titingnan ang business model ng DFTZ. Ang inaalok nito ay ang DFTZ bilang isang dedicated zone kung saan maibibigay ang lahat ng mga serbisyo na kailangan para matiyak ang mabilis na paghahatid ng produkto, na manaka-nakang pauunlarin sa takdang panahon. Ang zone na ito ay ang kauna-unahang Internet-based trading platform ng Alibaba, o ang electronic World Trade Platform (e-WTP). Karagdagan sa eServices Platform ang pisikal na eFulfilment hub at satellite services hub, na pauunlarin sa loob ng dalawang yugto, kung saan ang unang yugto ay isinagawa ng Pos Malaysia (isang Malaysian na SOE) sa halagang MYR60 million. 6 Ginamit ang pondo upang mas pahusayin ang dating Low-Cost Carrier Terminal (LCCT) para sa mga pasilidad ng DFTZ, na nagsimula na sa operasyon mula pa noong 2019. Walang gaanong impormasyon hinggil sa ikalawang yugto ng proyekto. Gayunman, inaasahang magpapatuloy ang mayor na papel ng Alibaba rito na may 70% na equity. Ang nalalabing 30% ay hawak ng Malaysia Airports Holdings Berhad (MAHB) na isa pang SOE.

Kuala Lumpur, 2017: Alibaba Group founder Jack Ma has praised Malaysia for being the first country to implement a digital free trade zone (DFTZ) at Sepang, Malaysia. Photo: SL Chen, Shutterstock

Ipinakikita ng mga nailahad na impormasyon ang dalawang susing obserbasyon. Una, mistulang gumagana ang proyektong ito sa mala-enklabong kaligiran, na may kaunting pakikisangkot lamang mula sa kapaligirang industriyal. Dagdag pa sa relatibong pagkakabukod nito (mga isa at kalahating oras) mula sa Kuala Lumpur na siyang sentro ng komersyo, hindi matiyak kung gaano kalaki ang pagsasalin ng teknolohiya na natatanggap ng mga Malaysian mula sa DFTZ.  Gayunman, makabubuo pa rin ng ilang ihinuha. Halimbawa, tinatanaw na magagamit ng proyekto ang sigla sa pagnenegosyo ng  maliliit at katamtamang-laking empresa (SMEs). Sa pamamagitan ng pag-engganyo sa kanila na lumahok sa DFTZ, inaasahan mapapasigla ang baguhang e-commerce ng Malaysia, ayon sa Malaysian International Trade and Industry (MITI). 7 Ipinakikita ng pagsusuring prima facie na sa pamamagitan ng DFTZ, 13,000 lokal na SMEs ang nagkaroon ng akses sa rehiyunal at pandaigdigang pamilihang e-commerce sa katapusan ng 2019. Lubhang lumaki ang kanilang bilang mula sa 2,000 lamang noong katapusan ng 2017. 8Gayunman, tila mas maraming ikinukubli kaysa isinisiwalat ang mga numerong  ito. Inihayag nina Tham at Kam 9 ang dalawang usapin – walang makitang pagkakaiba sa pagitan ng mga SMEs na baguhan sa mga platapormang e-commerce at  mga beterano nang SMEs na gumagamit ng mga daluyang e-commerce bago pa itatag ang DFTZ; at walang makukuhang impormasyon hinggil sa tantos ng atrisyon ng mga SMEs na nakalista sa mga platapormang e-commerce ng DFTZ. Ang punto rito ay hangga’t walang makukuhang karagdagang impormasyon, maaaring mas akma na tingnan ang usapin nang may pag-aalinlangan (o kahit man lamang nang may maingat na optimismo)

Ikalawa, naoobserbahan rin ang ‘enclave effect’ sa usapin ng pag-aari ng kapital. Sa pinakaubod nito, ang DFTZ ay pagsososyo ng pangkat ng mga SOE ng Malaysia (Pos Malaysia at MAHB) at ng technology-intensive na dayuhang TNC (Alibaba). Hindi bago ang kolaborasyon na ito sa mga eksperto na pamilyar sa proseso ng industriyalisasyon ng Malaysia. Nakagawian na ang panliligaw para sa FDI upang punan ang atrasadong teknolohiya ng bansa. Pinakalantad ito sa electrical and electronics hub ng bansa sa Penang. Higit pang tumindi ang pagsandig ng Malaysia sa FDI noong dekada 1980 nang agresibo nitong isinulong ang matinding  industriyalisasyon. Sa ganitong layunin, nakita ng pamahalaan na kailangang direktang pakilusin ang mga SOE na pumupuno sa kanilang  atrasadong teknolohiya sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga dayuhang TNC. 10 Bukod pa sa kanilang kalagayang pinansyal, isang hamon din na kailangan lampasan ng mga SOE ay ang kahirapan na matugunan  ang mga rekisito sa paglilinsenya at iba pang mga technical-cum-managerial na kahingiang malayo sa kanilang tanaw. Sa esensya, idinulot nito ang paghahatian ng gawain kung saan pinangasiwaan ng mga SOE na Malaysian ang mga usaping hindi teknikal (gaya ng regulasyon at marketing) habang ang mga dahuyang mamumuhunan ang nagdikta sa mga higit na teknikal na aspeto ng negosyo (gaya ng input, disenyo ng pabrika, at daloy ng pagmamanupaktura). Resulta ng gayong kawalan ng awtonomiya ang humadlang  sa mga negosyanteng Malaysian upang magpaunlad ng mga mas pangmatagalang anyo ng kanilang mga organikong kakayahan (gaya ng pagsisikap para sa mas mataas na pamantayan ng produkto sa mga higit na abanteng pamilihan).

Sa kasalukuyan, marami sa mga negosyong ito ang iniwan na ang kani-kanilang mga industriya. Hindi na rin ramdam ang presensya ng Malaysia (gaya ng bahagi nito sa pandaigdigang pamilihan) sa mga mabibigat na industriyang ito. Kaugnay pa, ipinakikita ng ilang mga pag-aaral na ang pagsandig ng Malaysia sa tuwirang dayuhang pamumuhunan at domestikong SOE para magbunsod ng pag-unlad ay kasabay ng relatibong pagpapabaya sa pribadong sektor nito at mga salik na microeconomic (hal. pagbubuo ng kasanayan at mas patas na  kompetisyon para sa lahat ng empresa). 11 Kailangang matugunan ang mga usaping ito upang umangat ang mga negosyong Malaysian sa aspektong teknolohikal at makakuha ng higit na kita mula sa produksyon at pagbebenta ng mas sopistikadong mga produkto at serbisyo nang sa gayo’y maigpawan nito ang ‘middle income trap’. 12

Konklusyon

Bilang paglalahat, masasabing lumalaki ang paggamit ng pamahalaan at mga organisasyon ng mga plataporma bilang daan sa transpormasyong digital. Isang halimbawa ang DFTZ kung paanong inilalapat ang platpormisasyon nang may hangarin na pabilisin ang transisyon ng Malaysia tungo sa ekonomiyang digtal. Gayunman, minimal pa lamang sa ngayon ang nalilikhang pakikipag-ugnayan ng DFTZ sa iba pang stakeholder sa mas malawak na ekonomiya. Kalimitang may nagtutunggaliang ekspektasyon ang iba’t ibang stakeholder na kailangang tugunan ng DFTZ sa business model nito sa pamamagitan ng pagbabago ng kaniyang mga value proposition. 13 Dagdag pa, ang kawalan ng direktang pag-aaring kapital ng mga negosyong SOE at di-SOE sa loob ng DFTZ ay nakababawas sa aktwal na pagsasalin ng kahusayang teknikal na kinakailangan para sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng Malaysia.

Kailangang pag-aralan ng mga bumubuo ng palisiya kung ang malakihang PPP gaya ng DFTZ ang pinakamainam na hakbang para paunlarin ang ekonomiya ng Malaysia, lalo na kung hindi nito naihahatid nang maayos  ang mga teknolohiyang lubhang kinakailangan. Sa halip, maaari nilang pag-aralan ang alternatibong porma ng pamamahala gaya ng ecosystem approach. Nagbibigay ang ecosystem approach ng istruktura para sa pakikilahok ng transnational anchor firms habang gumaganap bilang supporting actors  ng mga SOE. Pinahihintulutan rin ng ganitong lapit ang paglahok ng mas masaklaw na stakeholder sa paglikha ng halaganang may malinaw na pokus sa palitan ng teknolohiya at kaalaman sa pagitan ng mga anchor firm, supporting actors, at mga stakeholder. Sa gayon, kinakailangan ng isang bago at sistematikong pamamaraan upang matupad ng platpormisasyon ang layunin nitong magkaroon ng tunay na transpormasyong digital sa antas urban, rehiyonal, at pambansa.

Guanie Lim
National Graduate Institute for Policy Studies, Japan
Yat Ming Ooi
University of Auckland, New Zealand

Notes:

  1. Ohno K, The Middle Income Trap: Implications for Industrialization Strategies in East Asia and Africa (National Graduate Institute of Policy Studies 2009)
  2. Gomez ET et, China in Malaysia: State-Business Relations and the New Order of Investment Flows (1st 2020 edition edn, Palgrave Macmillan 2020)
  3. Liu H and Lim G, ‘The political economy of a rising China in Southeast Asia: Malaysia’s response to the belt and road initiative’ (2019) Journal of Contemporary China, 28:116, 216-231; Camba A, Lim G and Gallagher K, ‘Leading sector and dual economy: how Indonesia and Malaysia mobilised Chinese capital in mineral processing’ (2022) Third World Quarterly,43:10, 2375-2395
  4. Ho WF, ‘Najib: Alibaba founder Jack Ma agrees to be advisor to Malaysian Govt on digital economy’ (2016) The Star
  5. Bernama, ‘Jack Ma can help spearhead Malaysia’s digital economy – PM Najib’ (2016)
  6. Tham SY and Yi AKJ, Exploring the Trade Potential of the DFTZ for Malaysian SMEs (ISEAS–Yusof Ishak Institute 2019)
  7. Ee AN, ‘Govt wants more SMEs in Digital Free Trade Zone’ (2018) www.thesundaily.my
  8. Chin M-Y and others, Digital Free Trade Zone in Facilitating Small Medium Enterprises for Globalization: A Perspective from Malaysia SMEs (2021)
  9. Tham SY and Kam AJY, ‘Re-examining the Impact of ACFTA on ASEAN’s Exports of Manufactured Goods to China’ (2014) Asian Economic Papers 63-82
  10. Hasan H and Jomo KS, ‘Rent-Seeking and Industrial Policy in Malaysia’ in Jomo KS (ed), Malaysian Industrial Policy (NUS Press 2007)
  11. Menon J, ‘Growth without Private Investment: What Happened in Malaysia and Can it be Fixed?’ (2014) 19 Journal of the Asia Pacific Economy 247-271; Gomez ET, Cheong KC and Wong C-Y, ‘Regime Changes, State-Business Ties and Remaining in the Middle-Income Trap: The Case of Malaysia’ (2021), Journal of Contemporary Asia, 51:5, 782-802
  12. Wang H and Lim G, ‘Catching-up in the semiconductor industry: Comparing the Chinese and Malaysian experience’ (2021), Asian Journal of Technology Innovation, DOI: 10.1080/19761597.2021.2007144
  13. Ooi YM and Husted K, ‘Framing multi-stakeholder value propositions: A wicked problem lens’ (2021), Technology Innovation Management Review, 11:4, 26-37
Exit mobile version