Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Nakapagpapakilos subalit Nakapanghahati: Pakikisangkot ng Kabataan sa Social Media sa Halalang 2022 sa Pilipinas

Kinkilala ang mga Pilipino bilang isa sa mga pinakamasugid na tagatangkilik ng online content sa buong daigdig. Ayon sa ulat ng We are Social noong 2022, ang bansa ang may pinakamataas sa buong mundo na karaniwang oras na ginugugol sa online bawat araw (10.5 oras). Iniulat rin ng organisasyon na 82.4% ng mga Pilipino ang aktibo sa mga social media platform. 1 Gaya nang inaasahan, nakakonsentra ang bilang na ito sa higit 20 milyon na kabataang 15-24 taong gulang. Ayon sa isang pag-aaral, 94% ng kabataang Pilipino ang gumagamit ng internet o nagmamay-ari ng smartphone. 2

Hindi nakakabigla na ang Pilipinas ay isang malinaw na halimbawa kungsaan may malinaw na ugnayan ang paggamit ng information and communication technology at ang pakikisangkot ng mamamayan sa politika. Sa pinakakonserbatibong tantya, lubhang mataas ang pakikilahok ng mga Pilipino sa politika kungsaan 80% ang karaniwang tantos ng bumoboto sa nakaraang ilang dekada. 3 Malinaw na nakikita ngayon ang ugnayang ito sa mga pamamaraan kung paanong ginagamit ang social media hindi lamang para sa pakikipag-ugnayan kundi bilang mabisang kasangkapan para sa pagkiling sa politika sa ilalim ng mga kalagayan ng mapanirang pagkakahati. 4

Rizal park open air auditorium in Manila, Philippines.

Malaganap nang kinikilala ang halalang presidensyal ng 2016 bilang unang mainstream “social media election” sa Pilipinas. Sa halalang yaon, naluklok sa posisyon si Rodrigo Duterte sa tulong ng mistulang “hukbo” ng mga dedikadong tagasubaybay sa social media. Naglatag ang social media ng perpektong kalagayan para maganap ang disimpormasyon sa isang lawak na mahirap kontrolin ng target na audience dahil sa kakayahan nitong magbago nang mabilis, ikutan ang mga balangkas sa regulasyon, at lusutan ang mga mekanismong panseguridad. 5

Naging mabisang lugar ang Pilipinas bilang lagakan ng fake news para sa mga panghalalang layunin. Dahil sa antas ng pagtagos ng internet, mahusay na gagap sa wikang Ingles, at lubhang nakakapanghati na politika, tinawag ng isang mataas na ehekutibong opisyal ng isang social media platform ang bansa bilang “patient zero” sa usapin ng pagkasangkapan ng mga digital platform sa panahon ng halalan”. 6

Ano ang naging papel ng social media sa pakikisangkot ng mga kabataang Pilipino sa halalang 2022 sa Pilipinas at posibleng sa pagkapanalo ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa halalan? Tinatalakay ng sulating ito na gumampan ng dalawang mahalagang papel sa politika ang social media. Sa isang banda, pinakilos nito ang mga botanteng kabataang Pilipino sa online yayamang ang social media ay bukal ng (dis)impormasyon hinggil sa kampanyang elektoral. Pinagdugtong ng social media ang mga online at offline na moda ng pampolitikang pakikisangkot at pakikilahok patungo sa halalan. Sa kabilang banda, hinati ng mga naratibo ng disimpormasyon na sumulpot sa kasagsagan ng kampanyang elektoral ang mga kabataang botante sa dalawang masaklap na nagbabangayang kampo na umiinog sa kandidaturang presidensyal ni Ferdinand Marcos, Jr., anak at kapangalan ng namayapang diktador ng bansa. Ang pag-alingawngaw ng mga naratibo ng nostalgia sa awtoritaryanismo at kabiguan sa demokrasya sa hanay ng mga Pilipinong nakakonekta sa internet ay mabisang impluwensya ng suporta para kay Marcos Jr., subalit siniraan rin nila ang iba pang mga kandidato.

Ang nakamit ni Marcos Jr. na 59% ng boto sa halalan o higit 31 milyong boto ay nagpapakita ng pambihirang kapangyarihan ng social media sa pag-impluwensya sa halalaang 2022, at malamang rin sa mga kampanyang elektoral sa hinaharap. Ang epekto ng social media sa pagpapakilos at panghahati, pangunahin sa pamamagitan ng pagbibigay ng entablado para patindihin, mag-micro-target, at palaganapin ang dispimpormasyon ay may malawakang epekto sa kalagayan at kalusugan ng demokrasya sa Pilipinas.

Baguio, Benguet, Philippines. Photo: Nathaniel Sison, Unsplash

Ang Napakilos na Kabataang Netizenry

Ang konteksto ng kampanya para sa pambansang halalan noong 2022 ay ang higit na nakatanim na social media ecosystem na wala pa ring takdang patakaran ng regulasyon. Higit kailanman, naka-ugnay ngayon ang mga Pilipino sa mga social media applications (o apps), gumugol ng higit na oras rito kaysa dati, at ginagamit ang mga ito para makakuha ng mga impormasyong politikal at maaaring ng mga pahiwatig para sa kanilang desisyon sa pagboto. 7 Ayon sa 2021 Young Adult Fertility and Sexuality Survey, 93% ng kabataang Pilipino ang may smartphone at halos 9 sa 10 respondent ang may akses sa internet. Ang litaw na bilang na ito ay 30% higit na mataas kaysa sa nakaraang sampung taon. 8

Isa rin ang Pilipinas sa mga nangungunang bansa kungsaan ginugugol ng mga “netizens” sa social media ang malaking oras nila sa online. Noong 2021, karaniwang gumugol ang mga Pilipino sa social media ng 38.7% ng kanilang oras sa online, na mas mataas ng bahagya sa pandaigdigang tantos na 36.1%. 9 Pinakamalaganap na social media app sa bansa ang Facebook bago ito nahigitan ng YouTube noong 2021, ayon sa ulat ng We Are Social sa taong yaon (tingnan ang Talahanayan 1).

Talahanayan 1. Pinaka-ginagamit na Social Media Platform sa Pilipinas sa taong 2021

Social Media PlatformPercentage
YouTube97.2
Facebook96.8
Facebook Messenger92.1
Instagram73.4
Twitter ("X")62.7
TikTok48.8
Pinterest39.1
Viper36.9
Data: Simon Kemp, “Digital 2021: The Philippines,” 11 February 2021, https://datareportal.com/reports/digital-2021-philippines.

Ipinahihiwatig ng mga paunang pag-aaral na naging mas iba-iba ang larangan ng social media para sa halalang 2022 sa pagpasok ng relatibong bagong mga app sa larangan ng kampanyang elektoral gaya ng Tiktok, YouTube, at maging mga messenger app gaya ng Viber at Facebook Messenger. 10 Naakit ng Tiktok at YouTube ang higit na nakababatang mga Pilipino kaysa iba pang mga edad.

Isa pang ramdam na kalakaran sa mga social media platform noong kampanyang elektoral ay ang kakaibang kapangyarihan ng mga social media “influencer”. 11 Nangungunang bansa ang Pilipinas kungsaan inamin ng mga respondents na sumusubaybay sila sa mga social media “influencer” noong 2022. Habang ang pandaigdigang tantos ay umaabot lamang ng 22.6%, nasa 51.4% ng mga Pilipinong gumagamit ng internet ang umaasa sa mga influencers bilang mayor na pinagkukunan ng impormasyon, maging hinggil sa politika at eleksyon.

Talahanayan 2. Mga Tipo ng Politikal na Pakikisangkot at (Voting Preference)
(Survey question: Here are some of the things that people do during elections to support their candidates of choice. Which of the following have you done in this lection period? Choose as many as you can.)

Voting Preference
Type of ParticipationMarcos, Ferdinand Jr. Others
Watched interviews/debates of candidates33%31%
House to House campaigns6%4%
Volunteer in campaign8%6%
Attend a rally19%13%
Talk to people to vote for your candidate/s of choice18%14%
Wore/used candidates' clothing merchandise13%11%
Put up posters13%13%
Leafleting2%2%
Monetary donation1%0%
Volunteer in campaign8%6%
None31%41%
Other2%1%

Gaya nang ipinakikita sa Talahanayan 2, sa panahong ito ng kampanyang presidensyal, isang kapansin-pansing kaibahan sa gawi sa offline ay ang mas malamang na pagdalo sa mga pampulitikang rali at pagkausap sa mga tao hinggil sa kanilang napupusuang kandidato ng mga taga-suporta ni Marcos Jr. kaysa sa ibang mga botante, bagaman hindi gayung kalaki ang diperensya. Natuklasan rin ng sarbey na higit na nakikisangkot ang mga tagasuporta ni Marcos Jr., kungsaan 31% lamang ang hindi nagpakita ng kanilang suporta sa alinmang tipo ng pakikilahok na nabanggit, kumpara sa 41% ng mga botanteng hindi maka-Marcos. Naiulat rin ang katulad na antas ng pakikilahok sa usapin ng panonood ng mga debate at pagpapaskil ng mga poster.

Sa kabuuan, ipinahihiwatig ng mga resultang ito na minorya lamang (mas mababa sa 10%) ng mga botanteng Pilipino ang gumugol ng malaking oras at pagod para sa higit na malalaking porma ng pakikilahok gaya nang pagboboluntir sa kampanya, pamamahagi ng babasahin, pag-aambag ng salapi, o pagsasagawa ng house to house advocacy campaign. Gayunman, isinagawa ang mga aktibidad na ito ng maraming mga kabataang Pilipino na napasigla ng grassroots campaign ng kandidato ng oposisyon na si Leni Robredo. 12

Nakapanghahating Disimpormasyon:  Ang masama, ang kakatwa, at ang hindi kaaya-aya

Naging entablado ang social media kungsaan namayani sa walang katulad na antas at lawak ang mga naratibo ng disimpormasyon kaysa mga lehitimo at mapagkakatiwalaang impormasyon. Lumikha ang malaganap at malawakang pagpapakalat ng disimpormasyon ng mapanghating kapaligirang elektoral sa pagitan ng kampanya ni Marcos Jr. at nang iba pang kandidato, partikular ang kampanya ni Robredo.

Isang naratibo na namayani patungong halalang 2022 ay ang nostalgia para sa “golden age” ng diktadurang pamamahala sa ilalim ni Ferdinand Marcos Sr. Natuklasan ng Tsek.ph, isang consortium ng akademiya, midya at civil society, na may masaklaw na serye ng mga post na naglayong pagandahin ang imahe ng pamilyang Marcos sa pamamagitan ng pagtatwa sa mga dokumentadong usaping pangkasaysayan gaya nang kroniyismo at paglabag sa karapatang pantao, gayundin ang pagpapalaki sa mga tagumpay ni Marcos Sr. bilang pangulo. 13 Tinaniman rin ang TikTok, isang platform ng maiikling video na tinukoy bilang sumusulpot na platform para disimprmasyon, nang mga content ng authoritarian nostalgia, kugsaan ang nangungunang naiulat na disimpormasyon ay ang naratibong ang Pilipinas ang “pinakamayamang bansa sa Asya” sa panahon ng panunungkulan ni Marcos Sr. 14

Ang slogan sa kampanya ni Marcos Jr. na “Babangon Muli” (To Rise Again), ay maligoy na gumuhit ng pag-iiba sa pagitan ng rehimeng Batas Militar ng kanyang ama at nang umano’y pagkabulok ng mga panguluhan mula noong “matapos ang EDSA,” ipinangalan sa lugar na pinaglunsaran ng dambuhalang demonstrasyon na nagwakas sa diktadurang Marcos. Nagtuon ang ang pinakakaraniwang naratibo sa paksang ito sa mga “kabiguan” ng kaayusang liberal matapos ang 1986 sa ilalim ng mga “Dilaw” (kulay ng pamilyang Aquino na nagpabagsak kay Marcos), kasama na ang mabagal na usad ng obras publikas at pagtatangkang iugnay ang liberalismo sa pagiging mahina at kawalan ng kapasyahan. 15 Sa halalang 2022, ipinalaganap ang mga susing puntong ito hindi lamang sa paggamit ng fake news kundi sa pamamagitan ng mga lehitimong komentaryong politikal mula sa mga micro-influencer sa Youtube at Tiktok. Halimbawa, madalas na ginawang paksa ng talakayan at pangungutya ng ilang lifestyle channel ang mga artista na susing taga-suporta ng oposisyon, nang walang malinaw na paglalahad kung ang mga channel na ito ay pinopondohan ng mga politiko.

3 February 2022. Robredo-Pangilinan election campaign at Quezon Memorial Circle. Wikipedia Commons

Konklusyon

Ipinakita ng pambansang halalan noong Mayo 2022 sa Pilipinas ang higit na litaw na papel ng social media sa kabataang Pilipino. Walang duda na hindi na lamang titingnan ang social media bilang pantulong kundi isang kinakailangang bahagi ng anumang buhay at maipagwawaging kampanyang elektoral sa mga susunod na siklong elektoral. Malamang na mabubuo ang estratehiya sa social media sa maagang panahon, na data-intensive, diverse, at nuanced, at nakadisenyo ayon sa kalikasan ng iba’t ibang digital platform, sa demograpikong katangian ng mga gumagamit nito, gayundin sa mismong ebolusyon ng mga teknolohiya.

Ipinakita ng Pilipinas na lubhang bulnerable ito sa disimpormasyon sa social media dahil sa malawakang pagpapalaganap ng mga naratibo na nagpalakas sa kampanya ni Marcos Jr. at nagpahina naman sa ibang kandidato. Nagawa ng mga ganitong tunguhin ng disimpormasyon na magpakita ng hindi-makatotohanang kasaysayan, baluktutin ang mga katotohanang pangkasaysayan, lumikha ng mga kahindik-hindik na pahayag, at itakwil ang mga demokratikong gawi. Para sa mga kabataan ng bansa na humaharap ngayon sa krisis sa edukasyon, malawakan ang epekto ng polarisadong disimpormasyon. Ipinakikita ng pag-aaral kamakailan na marami sa kanila ang hindi mahusay na nakapagtutukoy ng fake news mula sa katotohanan. 16 Tinagurian silang “pag-asa ng bayan”, matutupad pa kaya ng iniligaw na kabataan ang gayung pangako?

Aries A. Arugay
Professor and Chairperson of the Department of Political Science
University of the Philippines in Diliman

This piece is a modified version of the article by Aries A Arugay and Justin Keith A. Baquisal. 2022. “Mobilized and Polarized: Social Media and Disinformation Narratives in the 2022 Philippine Elections.” Pacific Affairs 95(3), 549-573. DOI: https://doi.org/10.5509/2022953549

Notes:

  1. The global average for daily time spent on the internet is almost 7 hours. Simon Kemp, “Digital 2022: April Global Statshot Report,” 21 April 2022, https://datareportal.com/reports/digital-2022-april-global-statshot.
  2. Gelo Gonzales, “Big divide in internet use in Philippines by age, education level – report,” Rappler, 3 April 2020, https://www.rappler.com/technology/256902-pew-internet-use-report-philippines-march-2020/.
  3. Björn Dressel, “The Philippines: How Much Real Democracy?” International Political Science Review 32, no.5 (2011): 529–545.
  4. Lee, Jae Kook, Jihyang Choi, Cheonsoo Kim, and Yonghwan Kim, “Social Media, Network Heterogeneity, and Opinion Polarization.” Journal of Communication 64, no. 4 (2014): 702–722; Jennifer McCoy and Murat Somer, “Toward a Theory of Pernicious Polarization and How It Harms Democracies: Comparative Evidence and Possible Remedies.” The ANNALS of the American Academy of Political and Social Science 681, no. 1 (2019): 234–271.
  5. Petros Iosifidis and Nicholas Nicoli. “The Battle to End Fake News: A Qualitative Content Analysis of Facebook Announcements on How It Combats Disinformation.” International Communication Gazette 82, no. 1 (February 2020): 60–81.
  6. Craig Silverman, “The Philippines Was a Test of Facebook’s New Approach to Countering Disinformation. Things Got Worse,” Buzzfeed News, 7 August 2019, https://www.buzzfeednews.com/article/craigsilverman/2020-philippines-disinformation.
  7. Filipinos remain most active internet, social media users globally—study,” Philippine Daily Inquirer, 1 February 2021, https://technology.inquirer.net/107561/filipinos-remain-most-active-internet-social-media-users-globally-study#ixzz7NZZqAlMI; “PH remains top in social media, internet usage worldwide – report,” Rappler, 28 January 2021, https://www.rappler.com/technology/internet-culture/hootsuite-we-are-social-2021-philippines-top-social-media-internet-usage/
  8. University of the Philippines Population Institute (2022, October 14). Zoom in, zoom out: Filipino youth in focus [PowerPoint slides]. Population Institute, College of Social Sciences and Philosophy, University of the Philippines, https://www.uppi.upd.edu.ph/sites/default/files/pdf/YAFS5_National Dissemination_Slides_FINAL.pdf
  9. Simon Kemp, “Digital 2022: Global Overview Report,” 26 January 2022, https://datareportal.com/reports/digital-2022-global-overview-report.
  10. Research on usage and even disinformation in messenger apps is difficult given that chat groups on these apps are not publicly accessible. The nature of these social media apps also makes fact-checking and other regulative practices similarly difficult. For example, see “Viber says to fight ‘fake news’ as Halalan 2022 heats up,” ABS-CBN News, 17 January 2022, https://news.abs-cbn.com/business/01/17/22/viber-says-to-fight-fake-news-in-halalan-2022
  11. A social media influencer is defined as someone who has built a reputation for their knowledge and expertise on a specific topic. They make regular posts about that topic on their preferred social media channels and generate large followings of enthusiastic, engaged people who pay close attention to their views. In https://influencermarketinghub.com/what-is-an-influencer/#toc-1
  12. Mara Cepeda, “‘Mulat na’: Young voters show off wit and grit for Leni in Isko’s turf.” Rappler, 3 March 2022, https://www.rappler.com/nation/elections/young-voters-show-off-wit-grit-robredo-moreno-turf-manila/
  13. Tsek.ph, “Firehose of disinformation floods run-up to election”.
  14. Jose Lanuza, Rossine Fallorina, and Samuel Cabbuag, “Understudied Digital Platforms in the Philippines,” Internews, December 2021, https://internews.org/wp-content/uploads/2021/12/Internews_Understudied-Digital-Platforms-PH_December_2021.pdf
  15. Mark Thompson,“Bloodied Democracy: Duterte and the Death of Liberal Reformism in the Philippines, Journal of Current Southeast Asian Affairs 35, no. 3 (2017): 39–68.
  16. Imelda Deinla, Ronald Mendoza, and Jurel Yap, “Philippines: diagnosing the infodemic,” Rappler, 1 December 2022, https://www.lowyinstitute.org/the-interpreter/philippines-diagnosing-infodemic.
Exit mobile version