Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Mga Potensyal at Hamon ng Social Media bilang Intrumento ng Pagbabagong Pampolitika sa Malaysia Haris Zuan

Dumaan ang Malaysia sa isang mahabang proseso ng demokratisasyon sa pamamagitan ng dalawa sa pinakamalalaking kilusang panlipunan sa huling dalawampung taon nito – ang kilusang Reformasi ng 1998 at ang serye ng mga demonstrasyon ay nakipaglaban para sa malaya at patas na halalan na tinawag na BERSIH (2007-2016) – na nagbigay-daan sa Malaysia para wakasan ang pinakamahabang isang-partidong estado sa kasaysayan ng demokrasyang elektoral sa daigdig, ang Barisan Nasional (BN, National Front, kilala bilang ang Alliance bago ang taong 1973) noong ika -14 na Pangkalahatang Halalan (14th General Election o GE-14) noong 2018. Sa isang banda, nag-ambag sa pagbabago ng rehimen sa pamamagitan ng halalan ang ilang mga karaniwang salik na gaya sa ibang bansa na nakaranas ng katulad na mga malulupit na rehimeng awtoritaryan (Croissant, 2022; Levitsky & Way, 2010). Kasabay nito, sinasabi rin na ang mga salik ng panlipunang transpormasyon – ang industriyalisasyon at urbanisasyon – na nag-ambag sa pormasyon ng panggitnang uri at demokratisasyon ng impormasyon sa pamamagitan ng social media ay mga mayor na salik upang maging possible ang pagbabagong pampolitika. Sa katunayan, sa kaso ng Malaysia, sinasabing isa sa mga pangunahing salik ang social media na nagbunsod ng demokratisasyon. (Haris Zuan, 2020b, 2020a).

Gayunman, mula nang matalo ang BN noong 2018, lumaganap ang mga rasistang kampanyang sa social media gaya ng Facebook at Tik Tok, na humantong sa mga malalaking demonstrasyon sa lansangan sa pamumuno ng mga konserbatibong grupong Malay-Muslim. Naisalin naman ang serye ng mga kampanya sa social media sa GE-15 kungsaan 89% ng popular na boto ng mga Malay-Muslim ay pumanig sa Perikatan Nasional (PN), isang maka-kanan na konserbatibong koalisyon na dinodomina ng Malaysian Islamic Party (PAS) at ng The Malaysian United Indigenous Party (BERSATU). Bagaman nailuklok bilang Punong Ministro si Anwar Ibrahim, ang lider ng koalisyong Pakatan Harapan at ng Reformasi, – 24 taon mula nang magsimula ang kilusang Reformasi – hitik ang social media ng mga video na inudyukan ng rasismo, laluna ang Tik Tok na dinodomina ng kabataan.

Tumtungo ito sa isang katanungan, bakit ang social media, na dating pinaniniwalaan bilang isa sa mga instrumento ng pampulitikang pagbabago, ay naiuugnay ngayon sa atrasadong kampanyang rasista ng maka-kanan? May ibang epekto ba ang social media sa Malaysia sa iba’t ibang demograpiya, laluna sa kabataan? Paano natin uunawain ang papel at mga limitasyon ng social media bilang isang instrumento ng pampulitikang pagbabago sa isang estadong nasa transisyon gaya ng Malaysia?

The Malysian Parliament building in Kuala Lumpur. Photo: Jaggat Rashidi, Shutterstock

Ang Social Media at ang Demokratisasyon sa Malaysia

Isa ang Malaysia sa may pinakamataas na tantos ng pagtagos ng internet sa Timog-Silangang Asya, kungsaan 89.6% ng populasyon nitong 32.98 milyon ay may akses sa Internet. Bilang konteksto, umaabot lamang sa 12% ang pagtagos ng internet sa bansa noong 1999, na tumaas sa 56% (2008), 66% (2012) at 81% (2018). Mabilis rin na tumataas ang paggamit ng social media. Batay sa iba’t ibang estadistika na nailathala noong 2022, may kabuuang bilang na 30.25 million (91.7%) ng mga Malaysian ang aktibong gumagamit ng social media kungsaan Facebook (88.7%), Instagram (79.3%) at TikTok (53.8%) ang kanilang mga pangunahing social media application. Sa larangan ng communication software, dinaig ng WhatsApp (93.2%), Telegram (66.3%) at Facebook Messenger (61.6%) ang iba pang katulad na platform.

Sa nakaraang dalawampung taon, laluna matapos ang 2008, sinasabing isa ang social media sa mga pinakamahalagang daluyan para sa pagbabagong pampolitika sa Malaysia. Malakas ang pamamayani sa social media ng mga grupong progresibo, laban sa estado at maka-oposisyon kung kaya unti-unting humihina ang impluwensya ng mainstream media bilang pangunahing pinagkukunan ng impormasyon ng mga Malaysian, lalo’t higit sa mga kabataan na siyang pinakamalaking demograpiko ng social media (Azizuddin 2014; Haris Zuan, 2014).

Napagtanto ito ng naghaharing partidong BN, laluna matapos itong matalo sa GE-12 (2008). Kung kaya, para harapin ang susunod na GE, nagbigay ng malakas na diin sa social media si Najib Razak, na sa unang pagkakataon ay namuno sa BN sa eleksyon, kungsaan binanggit pa niyang ang GE-13 ang unang eleksyong social media ng Malaysia. Aktibo si Najib Razak sa Facebook at Twitter kungsaan may milyun-milyon siyang tagasubaybay – hanggang sa punto na kungsaan sa isang pagkakataon ay naitala pa si Najib na kasali sa 15 pinaka-sinusubaybayang pinuno ng pamahalaan sa buong daigdig sa Twitter. Gayunman, may mga ulat na nagsasabing 50-70% ng kanyang mga tagasubaybay ay huwad (Haris Zuan, 2014).

Gayunpaman, bagaman gumastos ng milyun-milyong dolyar ang BN sa kampanya sa GE-13 noong panahong iyon, nabigo ang malaking pamumuhunan ng BN sa social media para maisalin ito sa boto. Lumala pa ang naitalang resulta ng BN kumpara sa nakaraang mga halalan. Batay sa ganitong kalakaran, ang bahagi ng botanteng Malay, na sinasabing konserbatibo at hindi progresibo, ay tuluy-tuloy na tinanggihan mula noong 2008 ang pangunahing kasaping partido ng BN, ang  UMNO na sentral sa kulturang politikal ng Malay at kinikilala pa bilang ‘tagapagtanggol’ ng mga Malay. Noong 2022, ang matagal nang nanunungkulan at dalawang beses na naluklok bilang Prime Minister na si Dr. Mahathir, isang personahe ng kapangyarihan sa politikang Malay, ay hindi lamang natalo sa halalan, kundi nalustay rin ang kanyang puhunan – matapos itong mabigo na makakuha ng minimum na 12.5% ng kabuuang ng mga boto. Isang bagay itong hindi maiisip sa nakaraang dalawapung taon.

Ikalawa, sa kabila ng lahat ng sumulpot na propagandang rasista, nasaksihan ng Malaysia ang relatibong banayad at payapang transisyon sa pamamahala. Hindi marami sa mga bansang third world at nasa Timog-Silangang Asya ang makapag-angkin nang ganito. Ikatlo, may mga malilinaw na indikasyon na lumalakas ang diskursong publiko hinggil sa repormang institusyunal kaugnay ng paglaban sa korupsyon, integridad at mabuting pamamahala sa Malaysia. Sa gayon, hindi nakabibigla na maging ang PN ay nagsentro ng kanilang kampanya sa malinis na pamahalaan at hindi binanggit ng PN ang salitang hudud sa kanilang manipesto sa kabila nang lahat ng retorika ng batas na Islamikong  Hudud.

Isa pang interesanteng pangyayari ang mapapansin nang tumama ang Covid-19 sa daigdig sa maagang bahagi ng 2020. Gaya nang iba pang bansa, naapektuhan rin ang Malaysia ng mga restriksyon sa paggalaw nang maputulan ng ugnay ang mga kasapi ng komunidad sa mga suplay ng pagkain. Lumitaw sa social media ang isang ad hoc, ispontanyo at grassroot na kilusang pinamumunuan ng kabataan mula sa iba’t ibang lahi at relihiyon gamit ang mga hashtag na #KitaJagaKita (pagmamalasakit sa bawat isa) at #BenderaPutih (puting bandila) para ikoordina ang mga inisyatiba para sa ayuda para sa mga naapektuhang kasapi ng komunidad. Sa pamamagitan ng kampanyang ito, maaaring ipaalam ng mga nangangailangan ng tulong sa iba sa pamamagitan ng social media ang kailangan nilang tulong at maaari silang makontak ng mga kayang tumulong. Mabilis na naging viral ang kampanya at kalaunan sa taong iyon ay naging plataporma ng pagtaliwas na pumupuna sa kabiguan ng pamahalaan sa pangangasiwa sa pandemya.

Lahat nitong ng kampanyang online na ad hoc, ispontanyo at nakabatay sa mga isyu at mga kaganapan ay bahagi ng mga katangian ng bagong kilusang panlipnan. Hindi na tinatakdaan ang kilusang ito ng matitigas na ideolohiya na may partikular na uri sa lipunan gaya nang uring manggagawa. Nagdidiin ang mga kilusang ito sa demokratikong karapatan at panlipunan/politikal na representasyon/identidad na nasa ubod ng konsepto ng aktibong pagkamamamayan (Haris Zuan, 2021). Itinampok nito ang isang mahalagang katangian ng social media sa Malaysia, yaong may kritikal na ugnayan sa kapangyarihan kung kaya nagagawa nitong maging isa ang social media sa mga kasangkapan sa pagbabagong pampolitika sa Malaysia. Relatibong humuhusay ngayon ang demokrasya sa Malaysia kumpara noong nakalipas na 20 taon. Sa katunayan, isa ang Malaysia sa mga nangungunang bansa sa Southeast Asia at noong 2021 ay itinampok na pang-anim sa Asya at pang-39 sa buong mundo.

Sa gayon, kung humuhusay ang sitwasyon ng demokratisasyon sa Malaysia, paano mapaliliwanag ang mga ulat ng mass media at sinasabi ng mga politiko na naglalarawan ng muling paglitaw ng sentimyentong relihiyoso at etno-nasyunalista sa Malaysia?

Mga limitasyon at hamon ng social media bilang kasangkapan para sa panlipunang pagbabago

Sa kabuuan, mabilis na umuunlad at lalong nagiging dinamiko ang social media – umunlad mula sa simpleng komunikasyong text-based tungo sa pagbabahagi ng multimedia content. Sa Malaysia, nakatutulong ang social media, laluna ang Facebook na pahinain ang kontrol ng estado sa impormasyon, na humantong sa demokratisasyon ng impormasyon. Gayunman, sa paglitaw ng mas maraming micro blog  tulad ng Twitter at ngayon ng Tik Tok na platapormang nakabase sa maikling video, higit na nagiging mahirap ang papel ng social media bilang isang midyum para sa rasyunal at konstruktibong malalimang talakayan – dahil sa mismong kalikasan ng social media na nagiging pabagu-bago sa labis na impormasyon na nag-aambag sa misimpormasyon and disimpormasyon. Gayunman, hindi ang ebolusyon mismo ng social media ang pangunahing hamon para maging kasangkapan ito ng pagbabago sa kaso ng Malaysia.

Bahagi lamang ang social media ng pampublikong espasyo at sa kaso ng Malaysia ay mahirap na magtagumpay ang isang kontra-diskurso kung aasa lamang ito sa social media samantalang dinodomina ang ibang pampublikong espasyo ng higit na dominanteng diskurso. Kung gayon, dapat na mangyari rin ang kontra-diskurso sa iba pang pisikal na pampublikong espasyo.

Isa sa pinakamainam na halimbawa si Fahmi Reza, isang bantog na pampulitikang graphic artist na nagsagawa ng kampanyang edukasyong panghalalan para sa kabataan noong kampanyang GE-15. Nagsimula ang kanyang kampanya sa Tik Tok at bagaman nakakuha ito ng maraming interaksyon, tuluy-tuloy niyang sinikap na maglunsad ng mga klase ng pampulitikang edukasyon sa mga kampus ng unibersidad sa buong bansa – kahit na hinarangan siya ng mga awtoridad ng unibersidad sa halos lahat ng mga kampus. Gayunman, hindi marami sa mga progresibong grupo ang nagagawang dalhin ang kanilang mga kampanya sa labas ng espasyo ng social media (Mohd Izzuddin Ramli & Haris Zuan, 2018). Mas malala, may tendensiya ang mga pampolitikang partido na makisakay at samantalahin ang popularidad ng mga kampanyang online. Halimbawa, ang kampanyang #KitaJagaKita na kalaunan ay sinakyan ng partido oposisyon para kondenahin ang pamahalaan – nang walang makabuluhang ambag sa kampanya.

Kaiba ito sa mga maka-kanan na konserbatibong grupo na may malakas na presensya sa iba pang pampublikong espasyo gaya nang mga paaralan, unibersidad at mga moske. Sa Malaysia, ang PAS lamang ang may pinakamalawak na pampulitikang edukasyon at sitstemang kadre sa hanay ng mga kabataan. Hindi lamang isang pampolitikang partido ang PAS kundi nagsasagawa rin maraming iba pang aktibidad gaya ng pangangaral, pagpapatakbo ng institusyong pang-edukasyon mula pre-school hanggang hayskul, at mga boluntaryong aktibidad. Dahil rito, lubhang ma-impluwensya ang PAS sa hanay ng mga kabataang Malay (Haris Zuan, 2018).

Lampas kaysa politikang elektoral lamang ang relasyong nalikha ng PAS at ang pakikisangkot sa pamamagitan ng social media ay sadyang hindi sapat para makuha ang tiwala ng mga botanteng kabataan. Kung kaya, nang kumalas ang PAS noong 2015 sa buhaghag na koalisyon ng oposisyon noong panahong iyon, ang Pakatan Rakyat, hindi kaagad mapunuan ang guwang sa pampublikong larangan. Lumikha ang PKR at DAP ng espesyal na programa, ang pampolitikang edukasyon para sa mga kabataang botante, subalit lubhang maliit at maikli ang programang ito. Sa katunayan, itinigil ng PKR at DAP ang programang ito matapos manalo sa GE-14. Ang PH at ang bagong-tatag na pampolitikang partido na nakabase sa mga kabataan, ang MUDA (bata sa literal na salin) na matagumpay na naisalin ang kanilang manipesto sa G-14 tungong pagpapababa ng minimum na edad ng botante mula 21 tungong 18 taong gulang sa pagbabago sa Konstitusyon 2019 ay mistulang naliligaw kung paanong mapapakilos ang suporta ng kabataan.

Ang demograpiya ng Tik Tok sa Malaysia ay karamihang mula sa Gen Z at Millennial na wala pang 24 taong gulang na hindi nagmula sa henerasyon ng 1998 Reformasi o ng 2008 BERSIH – dalawang kilusang panlipunan na bumububuo sa kolektibong alaala – sa gayon ay wala silang pagkagiliw sa mga kilusang ito, alinman sa Pakatan Rakyat (PR) o sa Pakatan Harapan (PH). Ang henerasyong ito ng Tik Tok ay may pananaw na ang PR/PH ay bahagi ng mga nasa kapangyarihan (naghahari sa dalawang pinakamayayamang estado sa Malaysia mula noong 2008 bago maging gobyernong pederal noong 2018) – hindi bilang bahagi ng kilusang panlipunan na kumakatawan sa mamamayan. Samantalang maaaring maging kritikal sila sa dalawang panig, maaari ring tanggihan nila kapwa ang dalawang panig.

Mid Valley Megamall in Kuala Lumpur, Malaysia. Wikimedia Commons

Maliban pa sa mga hamon mula sa ‘panghihimasok’ ng pamahalaan at mga pampolitikang partido, hinahamon rin ng implunwesya ng konsumerismo ang awtonomiya ng social media bilang kasangkapan ng pagbabagong pampulitika. Hindi bago ang kalakarang ito at maaaring matunton pa mula nang lumitaw ang globalisasyon sa huling bahagi ng dekada 1990. Gayunman, sa pag-unlad ng mga plataporma ng e-commerce na nakatanim sa social media, umabot sa panibagong antas ang konsumerismo laluna sa hanay ng kabataan at may tendensiya itong gawin silang walang interes sa politika.

Konklusyon

Nahaharap ang Malaysia sa problema ng pangangailangang magtatag ng istable at gumaganang pamahalaan na nagtataguyod ng kalayaan sa pamamahayag subalit malubhang inaatake naman ng mga maka-kanan na konserbatibong grupo sa social media. Dahil hindi na opsyon para sa pamahalaang nagtataguyod ng mga pagbabagong istruktural ang paghihigpit sa social media, dapat silang tuluy-tuloy na makipag-ugnayan nang konstruktibo sa mga mamamayan sa loob at labas ng social media. Dapat suportahan ng civil society ang ganitong pagsisikap na labanan ang misimpormasyon at disimpormasyon sa pamamagitan ng pagbibigay-kakayahan sa mga mamamayan, laluna sa kabataan na may kakayahang mamahala ng impormasyon. Sa pamamagitan lamang ng edukadong mamamayan (at mga netizen) makagagana ang demokrasya.

Haris Zuan
Institute of Malaysian & International Studies (IKMAS)
National University of Malaysia (UKM)

References

Azizuddin, M. Sani. (2014). The Social Media Election in Malaysia: The 13th General Election in 2013. Kajian Malaysia: Journal of Malaysian Studies, 32.

Croissant, A. (2022). Malaysia: Competitive Authoritarianism in a Plural Society. In: Comparative Politics of Southeast Asia. Springer Texts in Political Science and International Relations. Springer, Cham.

Haris Zuan. 2021. The Emergence of a New Social Movement in Malaysia: A Case Study of Malaysian Youth Activism. In: Ibrahim Z., Richards G., King V.T. (eds) Discourses, Agency and Identity in Malaysia. Asia in Transition, vol 13. Springer, Singapore.

Haris Zuan (2020a) ‘Youth in the Politics of Transition in Malaysia’, in Towards a New Malaysia?. NUS Press, pp. 131–148.

Haris Zuan (2020b) Transformasi Sosial dan Politik Belia Menelusuri Perubahan Budaya Politik Belia di Malaysia. Bangi: Penerbit UKM.

Haris Zuan (2018) Bersediakah Malaysia turunkan umur mengundi?[ Is Malaysia ready to lower the voting age]. Malaysiakini. https://www.malaysiakini.com/news/443829

Haris Zuan (2014) ‘Pilihan Raya Umum Ke-13: Perubahan Budaya Politik Malaysia Dan Krisis Legitimasi Moral Barisan Nasional [The 13th General Elections: Changes In Malaysian Political Culture And Barisan Nasional’s Crisis Of Moral Legitimacy]’, Kajian Malaysia, 32(2), pp. 149–169.

Levitsky, S., & Way, L. (2010). Competitive authoritarianism: Hybrid regimes after the Cold War. Cambridge University Press.

Mohd Izzuddin Ramli & Haris Zuan. 2018. ‘Cartoons and Graphic Arts: Resistance and Dissidence Within and Beyond Electoral Politics’ in James Gomez, Mustafa K. Anuar, and Yuen Beng Lee (eds.) Media and Elections Democratic Transition in Malaysia. SIRD: Petaling Jaya

The Economist Intelligence Unit (2016-2021). Democracy Index. https://www.eiu.com/

Exit mobile version