Nang magkaroon ng internet sa daigdig ilang dekada na ang nakalilipas, masigasig ang mga tao na magiging daluyan ito ng mga positibong pagbabagong panlipunan. Lumakas pa ang gayong pag-asa nang lumitaw ang mga social media platform sa maagang bahagi ng dekada 2000 dahil inaasahang padadaluyin nito ang kilusang panlipunan, padadaliin para sa mga tao na lampasan ang mga suliranin kaugnay ng kolektibong pagkilos; magbubuo ng lahatang-panig na mas malakas na larangang publiko.
Sa Thailand, tunay ngang sinamantala ng publiko ang pagsulong sa information and communication technology (ICT) at ang matatag na larangang online nito para pagyamanin ang aktibismo. Iniulat ng mga estadistika hinggil sa digital mula sa DataReportal (2022) na isa ang Thailand sa mga lipunang pinakanagkaka-ugnayan sa larangang sosyal at digital sa Asya. Sa unang kuwarto ng taong 2022, nasa 78% ng populasyong Thai ang may akses sa internet at ipinagpapalagay na lahat sila ay aktibong gumagamit ng social media. Kapansin-pansin ang panahong ginugugol ng mga Thai sa online, na bumibilang ng karaniwang siyam na oras sa Web, at mas mataas nang kaunti sa 3 oras sa social media araw-araw. (Leesa-nguansuk 2019). Sa nakaraang dekada, nakaranas ang bansa ng serye ng mga protesta at demonstrasyon para sa samu’t saring mga usaping sosyo-ekonomiko at politikal. Samantalang nagiiba-iba ang layunin ng mga kilusang ito, hindi nakagugulat na lahat sila ay pawang gumamit ng mga social media platform at applications sa kanilang estratehiya sa operasyon.
Gayunman, mistulang hindi pa rin nakakamit ng kilusang maka-demokrasya, na nasa unahan ng mga talakayang politikal sa Thailand mula pa noong 2020, ang alinman sa kanilang tatlong susing kahilingan sa kabila ng kanilang makabago at malikhaing mga estratehiya na ginamitan ng ICT. Nag-aalok ang artikulong ito ng pagsusuri sa kilusang ito gamit ang lente ng rational choice approach. Sa partikular, ipinagpapalagay kong, kabilang ng iba pa, may tatlong hamon na humahadlang sa kakayahan ng kilusan na makakuha ng sapat na momentum para makaabot sa punto kungsaan makakamit nito ang mga kahilingan kahit na ginagamit nito ang social media bilang bahagi ng kaniyang mga kasangkapan. Ang mga hamong ito, na tatalakayin natin paglaon, ay may kaugnayan sa mga pagbabago sa opportunity structure na sa huli’y siyang humuhugis sa bisa ng social media at internet bilang isang “liberation technology (Diamond 2012, ix)” sa konteksto ng Thailand.
Mula sa perspektiba ng rational choice, may ilang mga bagay na maaaring isinasaalang-alang ang isang tao sa kanyang pagpapasya kung siya ay sasali o hindi sa isang kilusan. Dahil likas sa tao na isulong ang sariling interes, ipinahihiwatig ng pagiging rasyunal na hindi sila lalahok sa isang kilusan kung sa kanilang palagay ay mas mababa ang tsansang makamit ang mga layunin nito kaysa nakatayang mga panganib–kumbaga, kung ang pagbabayaran ay mas mataas kaysa pakinabang na maidudulot ng kilusan. Marapat ring bigyang-diin ang aspetong persepsyon ng opportunity structure gayong ipinagpapalagay ng lohika ng rasyunal na pagpili na ang tao ay gumagana sa balangkas ng informational uncertainty. Karugtong nito, ang desisyon kung lalahok sa isang kilusan ay higit na nakabatay sa kanyang suhetibong pagtaya sa sitwasyon nang may isang antas ng kawalang-katiyakan. Isang karaniwang tanong kapag tinatasa ng mga tao ang opportunity structure ay “ano ang probabilidad na magiging matagumpay ang kilusang ito kumpara sa masupil ito ng pamahalaan?” at “ano ang mapapala ko sa pagsali sa kilusang ito?” Habang nagmungkahi ang ilang iskolar, gaya nina Tilly, Tarrow, at McAdams (2004; 2007), ng mga paraan para mapalaki ang posibilidad ng tagumpay sa pamamagitan ng estratehikong pagpaplano, kinikilala rin nilang halos palagiang binibigo ng opportunity structure ang mga tao dahil sa mga suliranin sa kolektibong pagkilos na bumabagabag sa alinmang kilusan; kasama na ang mga kilusang bago at digitized.
Isa: Malakas na Kilusan, Malakas na Pamahalaan
Sa maagang bahagi ng 2020, kung kailan pinaka-aktibo ang kilusang maka-demokrasya, nasa rurok rin ang kapangyarihan at kontrol ng pamahalaan. Sa isang banda, lumutang ang disgusto ng kabataan tungo sa pamahalaan matapos ang pagkalusaw Future Forward Party, isang partido na tinitingnan nilang kumakatawan hindi lamang sa nakababatang henerasyon, kundi pati na rin sa mga liberal na pagpapahalaga. Kagyat matapos ang hatol ng Korte Suprema, lumabas sa lansangan ang kilusan at nakapagpakilos ng libu-libo sa naunang mga rali nito. Mula sa konseptong WUNC (worthiness, unity, numbers, commitment) ni Charles Tilly, nagtagumpay ang kilusang ito kahit man lamang sa mga aspeto ng pagkakaisa at bilang; kung gayon, sa isang antas ay nasa posisyon ito ng bentahe sa harap ng pamahalaan. Bakit hindi ganito ang nakita nating nangyari kung gayon? Ang kasagutan ay nasa katotohanang ang opportunity structure ay nanatiling nasa status quo–nakapanig sa pamahalaan batay sa kalakaran. Isang taon pa lamang mula nang maihalal, si General Prayuth Chan-ocha at ang kanyang partidong Palang Pracharat, ay nakapagpanatili pa rin ng internal na katatagan sa hanay ng koalisyon nito. Sa suporta ng mga alyado nito at mga aparato ng estado, hindi interesado ang pamahalaan na pakinggan ang mga kahilingan ng kilusan at mas resolbado itong supilin ang mga nagpoprotesta sa pamamagitan ng mga marahas at ligal na paraan.
Mahalagang banggitin na lingid sa kaalaman ng ilan, may paggalaw ang kalakarang opportunity structure sa katunayan, dahil nagkaroon ng bitak sa loob ng naghaharing koalisyon. Ipinagpapalagay kong patunay ang desisyon ng Palang Pracharat na patalsikin si Thammanat Phrompow at 20 iba pang MP sa kalagitnaan ng Enero 2022 sa lumilitaw na mga bitak sa politika sa loob ng pamahalaan na unti-unting nagpapahina sa kontrol nito at suporta mula sa mga alyado. Gayunpaman, nabigo ang kilusan na samantalahin ang paggalaw na ito bunga ng ilang mga kadahilanan gaya ng pagtaas ng impeksyong COVID-19 na hindi naiwasang tumungo sa pambansang lockdown, gayundin ang pag-aresto sa maraming namumunong aktibista. Kasunod nito, nabitawan ng kilusan ang momentum kasabay ng paghina ng naghaharing koalisyon. Makikita rin ang ganitong nakalampas na oportunidad sa aking pagsusuri sa datos ng mga insidente ng protesta na naitala ng iLaw. 1 Ipinakita roon na mula Enero 12, 2020 hanggang Oktubre 3, 2022, may 559 protesta ang naganap sa Bangkok pa lamang. Pinakamahusay ang paggampan ng kilusan noong 2021 kungsaan naiulat ang kabuuang 307 pagtitipon–halos 55% ng kabuuang bilang ng mga aktibidad protesta. Pinakikita ng Figure 1 sa ibaba ang lokus ng opportunity structure kungsaan mistulang pinaka-aktibo ang kilusang maka-demokrasya kung kailan nasa rurok rin ng kanyang paghahari ang pamahalaan (i.e., mas nakakiling na manupil kaysa makipagkasundo); at kung kailan unti-unting humina ang impluwensya ng pamahalaan, humupa rin ang kilusan sa kasamaang palad.
Mula sa datos, may 34 na insidente kungsaan sapilitang sinawata ng mga awtoridad ang mga protest mula noong 2020. Siyempre pa, karamihan sa mga panunupil ay naganap noong 2021 kung kailan hawak ng kilusan ang atensyon ng publiko at kontrolado naman ng pamahalaan ang sitwasyon. Gayunman, ginawa lamang nila ito nang dalawang beses noong 2022, na nagpapakita ng mga epekto sa opportunity structure ng umano’y bukas na sugat ng koalisyon.
Dalawa: “Naliligaw at walang pinuno” na taktika ng kilusan
Paulit-ulit na sinasabi ng mga aktibista na ang kanilang kilusan ay horisontal, idinidiin ang kaisipang walang sinuman ang tunay nitong pinuno. Sa kanilang paniniwala, nagagawa ng ganitong katangian na maging matatag ang mga kilusan laban sa panunupil ng estado tulad nang sa Arab Spring–ang phenomenon na naglagablab sa mga awtokrasya sa Gitnang Silangan noong 2011. Gayunman, ang paghanga sa tagumpay ng Arab Spring ay nagligaw sa maraming prospektibong kilusang maka-demokrasya dahil higit silang nagtuon sa maikling-panahong plano ng pangmasang mobilisasyon kaysa ihanda ang kakayahan ng kanilang organisasyon para sa pangmatagalang pagbabagong istruktural. Sa paggamit sa Gitnang Silangan pangunahin bilang halimbawa sampung taon matapos ang Arab Spring, lahat ng bansa maliban sa Tunisia ay bumalik sa ilang porma ng awtoritariyanismo. Bakit? Sa isang op-ed sa New York Times, kinilala ni Tufekci (2022) ang kanyang wala-sa-lugar na paglalagay ng pag-asa sa social media bilang instrumento na nasasaad sa kanyang tanyag na aklat, ipinahihiwatig niyang samantalang kamangha-manghang kagamitan ito para sa mobilisasyon, hindi kaya ng social media na magsilbi bilang pandayan ng matatag na ugnayan at komitment ng mga nagpoprotesta. Kung gayon, nagluluwal lamang ito ng mga kilusang buhaghag at walang pinuno, na para kay Gladwell (2011) ay hindi sapat upang makalika ng rebolusyon o mga pundamental na pagbabago.
Sa kaso ng Thailand, napatunayan ring isang katawa-tawang konsepto ang kilusang horisontal; partikular sa pagtatakda ng direksyon ng kilusan. Sa simula pa lamang, binuo ang kilusan ng mas maliliit na grupong may magkakaibang adyenda at prayoridad; halimbawa, ang LGBTQ+ at ang mga peminista, na ang pokus ay higit na nasa panlipunan at pangkasariang pagkakapantay-pantay, at ang mga estudyante sa kolehiyo mula sa iba’t ibang unibersidad na higit na interesado sa mga pampolitikang usapin. Bagaman nagkaisa sila sa tatlong susing kahilingan sa kalaunan, pana-panahon pa ring nag-oorganisa ang mga grupo ng kani-kanilang mga aktibidad. Dagdag pa, dahil karamihan sa kanila ay mga digital native na epektibong nakagagamit sa teknolohiya, higit na pleksible ang mga taktika ng kilusan (hal, mga flash mobs na inoorganisa nang ilang oras lamang bago ang paglulunsad sa pamamagitan ng Twitter, binabago ang lugar sa huling minuto sa pamamagitan ng Telegram, atbp.) kumpara sa mga naunang kilusan. Sa isang bahagi, magandang bagay ito dahil relatibong mas madali nilang naiiwasan ang mga awtoridad gamit ang teknolohiyang digital; sa gayon ay nababawasan ang nakikitang panganib sa opportunity structure. Sa kabilang banda, gayunman, maaaring maging disbentahe ang pleksibilidad ng taktika katambal ng horisontal na kalikasan ng kilusan; laluna nang maaresto ang ilang susing aktibista. 2 Sa ilang kaso, higit na maraming tao ang magpoprotesta sa lansangan dahil lalo silang nagagalit na makita ang mga pag-abuso sa kapangyarihan, subalit para sa kilusang maka-demokrasya sa Thailand, ang pagka-aresto ng mga susing aktibista ay hindi lamang nag-iwan sa kilusan sa pagkaligaw at walang pinuno sa usapin ng direksyon, kundi nagsilbi rin itong taktika ng pananakot na nagpalakas sa opportunity structure ng estado. Bilang resulta, walang anumang aktibidad na may malaking sukat o halaga ang naganap mula nang ipiit ang mga tulad nina Penguin Cheewarak, Anon Nampa, Roong Panasaya, o kahit pa nang palayain sila sa ilalim ng mga kondisyong hindi na sila muling lalahok sa anumang protesta.
Tatlo: Ang mga nakakapukaw na kahilingan ay hindi laging kaakit-akit na kahilingan
Ang huling hamon na hinarap ng kilusang pinamumunuan ng kabataan ay simple bagaman napakahalaga sa kagustuhang magtagumpay: ang mga susing kahilingan laluna yaong tungkol sa monarkiya. Gaya nang napatunayan na natin sa pamamagitan ng lohika ng rationality, napakarami nang mga dahilan na nakakapigil sa isang tao para lumahok. Maaaring isa rito ang mga nakakapukaw na kahilingan dahil hindi sila akma sa mga konserbatibo, partikular sa isang lipunang chimeric ng mga nagpapanggap na progresibo gaya ng Thailand. Sa naunang nabanggit na konseptong WUNC ni Tilly, isang paraan upang positibong mahawakan ng kilusan ang opportunity structure ay sa pamamagitan ng pagbubuo ng pagkakaisa batay sa bilang. Gayunman, nang ihapag ng kilusan ang mga reporma sa monrakiya bilang isa sa mga kahilingan nito, napahina nito ang mga pagsisikap sa mobilisasyon dahil napigilan ang maraming inaasahang kalahok na sumali sa mga protesta dahil sa takot o tunay na hindi pagsang-ayon. Sa pragmatikong pananaw, kinakailangan maging kaakit-akit ang kilusan sa malawak na madla sa pamamagitan ng pagbago sa mga kahilingang ito. Sa ideolohiya, gayunman, kauna-unawa na hindi katanggap-tanggap ang ganitong opsyon.
Sa pagbubuod, tunay na nakinabang ang larangang publiko sa Thailand sa pag-iral ng social media at ICT dahil itinulot nitong magbahaginan ang mga tao ng kanilang mga ideya, maghayag ng mga opinyon, o mag-organisa ng mga protesta nang may pinakakaunting hadlang kumpara sa nakaraan. Gayunman, hindi matitiyak ang tagumpay at ang bisa ng gayung aktibismo kahit pa ginagamit ang social media bilang plataporma sa pagpapakilos at pagkokoordina. Sa katunayan, ang mga kilusan sa kasalukuyang panahon ay humaharap pa rin sa kaparehong mga hamon na naipapaliwanag sa pamamagitan ng mga klasikong balangkas ng pag-aaral sa panlipunang kilusan. Para sa Thailand, hindi namamaksimisa ng kabataan ang mga hupa at bugso ng opportunity structure dahil humarap sila sa mga hamon na sa kalakhan ay dulot ng kanilang mga estratehiya sa operasyon, na naglalagay sa kanila sa walang-hanggang pakikibaka para sa demokrasya. Yayamang nailatag na ang mga ito, isang makabuluhang pag-unlad ang pagbabago sa naratibo ng kilusan kamakailan na higit na nagdidiin sa panawagan para sa halalan. Hindi lamang dahil sa sentimyento itong malaganap nang tinatangkilik ng publiko, kundi dahil ito ay isang bagay na tinitingnan rin ng pamahalaan, na humihina na ang kapangyarihan sa puntong ito, bilang isang opsyon na may pinakamababang halagang pagbabayaran.
Surachanee “Hammerli” Sriyai
Surachanee “Hammerli” Sriyai is a lecturer and digital governance track lead at the School of Public Policy, Chiang Mai University.
Banner: October 2020, Bangkok, Thailand. Tens of thousands of pro democracy people gather to address various social problems, including government work problems, and criticize the monarch. Photo: kan Sangtong, Shutterstock
References
DataReportal. 2022. “Digital 2022: Thailand — DataReportal – Global Digital Insights.” Kepios. https://datareportal.com/reports/digital-2022-thailand (June 14, 2022).
Diamond, Larry. 2012. Liberation Technology: Social Media and the Strugle for Democracy Introduction. eds. Larry Diamond and Marc F. Plattner. The Johns Hopkins University Press. https://books.google.com/books/about/Liberation_Technology.html?id=xhwFEF9HD2sC (December 14, 2022).
Gladwell, Malcolm. 2011. “From Innovation to Revolution-Do Social Media Made Protests Possible: An Absence of Evidence.” Foreign Affairs 90: 153.
Leesa-nguansuk, Suchit. 2019. “Thailand Tops Global Digital Rankings.” Bangkok Post. https://www.bangkokpost.com/tech/1631402/thailand-tops-global-digital-rankings (December 11, 2019).
McAdam, Doug, Sidney Tarrow, and Charles Tilly. 2004. Dynamics of Contention. Cambridge University Press.
Tarrow, Sidney, and Charles Tilly. 2007. The Oxford handbook of Comparative Politics Contentious Politics and Social Movements. Oxford University Press.
Tufekci, Zeynep. 2022. “I Was Wrong About Why Protests Work.” The New York Times. https://www.nytimes.com/2022/07/21/opinion/zeynep-tufekci-protests.html.
Notes:
- I thank iLaw for generously sharing their data on protest incidents. iLaw is a Thai NGO which advocates for democracy, freedom of expression, and a fairer and more accountable system of justice in Thailand. ↩
- The fact that the government could target and arrest key activists also demonstrates the conceptual paradox of horizontal movement. ↩