Sa pagitan ng ika-14 na pangkalahatang halalan ng Malaysia noong Mayo 2018 hanggang Disyembre 2021, nasaksihan ng Putrajaya ang pagpapalit ng tatlong punong ministro at pagbagsak ng dalawang naghaharing koalisyon. Bunga nito, tatlong beses na umikot sa dalawang pagtatalaga ang opisina ng ministrong panlabas at pinamunuan ng tatlong magkakaibang ministro ang depensa ng bansa. Sa isang banda, pinalubha ang domestikong kalagayan ng krisis pangkalusugan at pang-ekonomiya na hatid ng COVID-19.
Sa gayung saklaw ng panahon rin, inilabas ng Malaysia ang kauna-unahang white paper nito sa depensa at dalawang balangkas sa patakarang panlabas na naglalahad ng mga prayoridad at posisyon ng bansa sa pamamalakad ng relasyong panlabas. Ikinakatwiran ng sanaysay na ito na sa kabila ng mga domestikong kaguluhang politikal at mga bugso ng mga maling hakbang sa panlabas na ugnayan nito sa nakaraang apat na taon, nanatiling hindi nagbago sa nilalaman ang pundasyon ng malawak na pantakarang panlabas ng Malaysia. Maaaring nag-ambag sa ugnayang panlabas ang personalidad ng namamalakad sa kawalang-kaunawaan sa patakaran ngunit walang naging pagbabago ang mga panuntunan ng diplomasyang Malaysian. Gayunman, sa hinaharap, lubhang babatay sa internal na katatagan, pamumuno at prayoritisasyon sa rekurso ng bansa ang kakayahang tumagal ng mga bagong pokus gaya ng diplomasyang pangkalusugan, seguridad sa cyberspace at diplomasyang pangkultura.
Isang hakbang pasulong: Mga alituntunin at patakaran
Para sa bansang hanggang noong 2018 ay tuluy-tuloy pinangasiwaan ng pamahalaang Barisan Nasional (National Front) sa loob ng halos anim na dekada, walang kaparis ang kamakailang kaguluhang pampolitika sa bansa. Patuloy na kumukulo ang mga epekto ng patalikod na maniubrahan sa Partido na nagresulta ng pagpapatalsik sa pwesto ng naihalal na koalisyong Pakatan Harapan (Alliance of Hope) noong 2018, na nagbunsod ng serye ng mga pagguho sa politika.
Pinananatili lamang ang kapayapaan sa mga partido ng isang memorandum of understanding sa transpormasyon at pampolitikang istabilidad sa pagitan ng pamahalaang pederal at koalisyon ng mga partidong oposisyon hanggang maisagawa ang susunod na halalan hanggang sa malusaw ang ika-14 na sesyon ng Parliyamento sa Hulyo 2023. Subalit sa kabila ng kasunduang ito nananatiling mataas ang pagkapolitika ng domestikong kalagayan lalo’t tinitingnan na ang halalan ng estado sa katapusan ng 2021 ang magpapapasigla sa ika-15 pangkalahatang halalan ng bansa. Sa gayon, nananatili ang pakiramdam ng kawalang-katiyakan sa katatagan ng Malaysia.
Noong Setyembre 2019, mahigit isang taon matapos maluklok ang pamahalaang Pakatan Harapan dala ang mga pangako ng Malaysia Baharu (Bagong Malaysia), naglabas ang Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Malaysia ng, “Balangkas sa Patakarang Panlabas ng Bagong Malaysia” (“2019 Framework”) na pinamagatang “Pagbabago sa Pagpapatuloy.” Matapos ang tatlong buwan, inihapag ng Kagawaran sa Depensa ang kauna-unahang komprehensibong white paper (DWP) sa depensa ng Malaysia para aprubahan ng Parliyamento. Sa pagguhit ng balangkas at hugis ng tindig sa ugnayang panlabas at depensa ng Malaysia, pinagtibay ng mga dokumentong ito ang matatagal nang mga pundamental na prinsipyo: inklusibong internasyunalismo, walang pinapanigan, walang panghihimasok, mapayapang pagsasaayos ng mga hidwaan, at ang pangingibabaw ng batas. Inilinaw rin ng dalawang dokumento na mananatili ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) bilang pundasyon ng patakarang panlabas ng Malaysia.
Kapansin-pansin na ang mga dokumento ay produkto ng kanilang panahon. Sa layuning mas mahusay na makatugon sa nagbabagong realidad ng estratehikong kapaligiran ng Malaysia, sinalamin ng 2019 Framework at DWP ang optimismo ng isang nasyon na anyong nagbabago ng direksyon sa pamamagitan ng mga pagbabago sa pamahalaan. Kapwa resulta ng mga prosesong konsultatibo ang dalawang dokumento, kabilang ang mga kalahok na hindi taga-pamahalaan. Nangako ang 2019 Framework na magiging proactive at tanyag sa larangang internasyunal. Naghayag ito ng pagtataguyod sa karapatang pantao, pagprotekta sa kasarinlan, at pagkilala sa mga di-tradisyunal na mga hamon sa seguridad gaya ng migrasyon, cybersecurity at terorismo. Sa kabilang banda, gumuhit ang DWP ng plano para sa pinag-isa, masigla at may pokus na hukbo sa hinaharap na higit na makapagtatanggol sa posisyon ng Malaysia bilang isang “maritime nation with continental roots”. Nagmumungkahi ito ng bagong pagtugon sa agham, teknolohiya, at industriya ng depensa sa bansa. Tinanaw ang DWP bilang “dagdag na element para pahusayin ang geopolitikal na anyo ng Malaysia.”
Dalawang hakbang paatras: Mga pagbabagu-bago sa gitna ng pagpapatuloy
Noong Pebrero 2020, gumuho ang pamahalaang Pakatan Harapan, naluklok sa kapangyarihan ang koalisyong Perikatan Nasional (National Alliance) na pinamumunuan ni Muhyiddin Yassin, at ginupo ng COVID-19 ang daigdig. Tumungo sa pagkakabinbin ang mga dokumentong The Framework at DWP. Gayunman, nagpatuloy ang mga aksiyomang pundasyon ng mga ito kahit na waring pana-panahon ay walang koordinasyon at tatag ang pagpapatupad ng patarang panlabas ng Malaysia. Mistulang partikular na matingkad ang kawalan ng pagkakaisang ito sa tugon sa mga pang-uupat ng Beijing sa tindig ng Malaysia sa South China Sea at sa anunsyo ng trilateral na kaayusang Australia-United Kingdom-United States (AUKUS).
Habang nakikihamok ang Malaysia sa unang alon ng pandemya sa unang bahagi ng 2020, kinailangan rin nitong harapin ang intimidasyon ng Haiyang Dizhi 8 na sasakyang pandagat sa pagsasarbey ng China, sa West Capella na kinontratang sasakyang pandagat ng Malaysia para sa eksplorasyon ng langis sa South China Sea. Nagpadala ng mga bapor-pandigma ang United States at Australia sa lugar para ihudyat ang kanilang presensya at kapabilidad. Maaaring layon ng hakbang na ipakita ang suporta sa mga katuwang sa rehiyon subalit dumistansya ang noo’y ministrong panlabas ng Malaysisa na si Hishammuddin Hussein sa naging tugon ng US. Habang nagbabala laban sa posibilidad ng mas maigting na tensyon mula sa mga “bapor pandigma at mga sasakyang pandagat” sa South China Sea, mistulang nakapanlito ang tugon ng ministro hinggil paglala ng epekto kapwa ng sasakyang pandagat ng China sa isang banda, at ng mga sasakyang pandagat ng US at Australia sa kabila.
Gaya nang naturan ng iba, para maiwasan ang di-pagkakaunawan, dapat ay nilinaw ng mga elit na tagagawa ng patakaran ng Malaysia na sinasalamin ng pahayag ang patuloy na paglayo pamahalaan sa mga mayor na kapangyarihan na siyang patakaran mula pa noong maagang bahagi ng 1970s. 1 Ang pagkabalisa ni Putrajaya ay kaugnay ng pagbabagong dulot ng hidwaang US-China sa alitan sa South China Sea, mula sa rehiyunal na pagsasapawan ng pag-angkin na tumungo sa tunggalian sa kapangyarihan. Dapat ay naipahatid ito nang mas mahusay. Hindi nakatulong ang pagkakamali ni Hishammuddin sa persepsyong umaayon ang Malaysia sa naratibo ng China sa rehiyon nang makaraan ang ng isang taon ay gamitin niya ang salitang “nakatatandang kapatid” sa isang magkasanib na media conference kasama ang State Councilor at ministrong panlabas ng China na si Wang Yi. Bunsod ng malubhang kristisimo ng mga Malaysian sa social media, nilinaw ni Hishammuddin na, “Nananatiling indipendyente, nakabatay sa prinsipyo at pragmatiko ang Malaysia sa usapin ng ating patakarang panlabas” at na ang pariralang “nakatatandang kapatid” ay personal na patungkol niya kay Wang Yi kaugnay ng senyoridad nito at hindi anumang indikasyon sa ugnayang bilateral ng Malaysia at China.
Matapos ang isang taon, sa ika-47 anibersaryo ng relasyong Malaysia-China, 16 na sasakyang panghipapawid ng People’s Liberation Army Air Force (PLAAF) ang lumipad sa taktikal na pormasyon malapit sa pambansang himpapawid ng Malaysia sa ibabaw ng South China Sea. Kaiba sa karaniwan, naglabas ng kani-kanilang mga pahayag sa midya ang Royal Malaysian Air Force (RMAF) at Ministry of Foreign Affairs kungsaan ibinatay ng huli ang kanilang pahayag sa pahayag ng una. Maingat ang paggamit ng salita sa detalyadong ulat ng RMAF hinggil sa insidente. Pinansin nito na pumasok ang mga sasakyang panghimpapawid sa “himpapawid ng Maritime Zone ng Malaysia, Kota Kinabalu Flight Information Region at lumapit [italiko ng may-akda] sa himpapawid ng Malaysia.” Nagbanggit din ang pahayag na nagbabadya ang sasakyang panghimpapawid ng “panganib sa pambansang soberanya at kaligtasan sa paglipad sa [Malaysia].” Salungat dito, ang pagbanggit ng ministri sa “paglabag sa himpapawid at soberanya ng Malaysia” ay nagpapahiwatig ng aktwal sa halip na nagbabadyang paglabag sa pambansang himpapawid. Walang pag-aalinlangan sa aksyong komprontasyunal ng China, gayundin sa disposisyon ng Malaysia na ipagtanggol ang teritoryo nito (bilang tugon, mabilisang pinalipad ng RMAF ang mga jet nito). Gayunman, maari sanang nakabuo ng higit na wastong legal na pahayag at mas mahusay na pampublikong pag-aayos sa pagitan ng dalawang ahensya kung nagkaroon ng mas mahigpit na koordinasyon sa pagbubuo ng pahayag ng ministri.
Ipinapakita pa ng tugon ng pamahalaan sa pahayag ng AUKUS noong Setyembre 2021 ang disgusto ng Malaysia na masangkot sa politika ng malalaking kapangyarihan sa loob mismo ng kanyang bakuran. Nagpahayag ng pag-aalala si Ismail Sabri, ang ika-siyam na punong ministro ng ban sa na nanumpa sa katungkulan isang buwan bago ito, hinggil sa epekto ng AUKUS sa istabilidad ng Timog-Silangang Asya. Naglabas din ng pahayag ng suporta sa posisyon ng punong ministro si Saifuddin Abdullah na bumalik sa gabinete ni Ismael sa larangan ng ugnayang panlabas na dati na niyang pinamunuan sa ilalim ng pamahalaang Pakatan Harapan. Ginawa rin ito ni Hishamuddin Hussein, na bumalik rin sa pamumuno sa kagawaran ng depensa. Inulit ng tatlong pahayag ang mga panganib ng paligsahan sa kombensyunal at nukleyar na armas, partikular sa South China Sea. Binigyang-diin pa ni Saifuddin ang ligalig sa Putrajaya kasabay nang sa Jakarta sa isang magkasanib na press conference kasama ang katapat na Indonesian na si Retno Marsudi.
Sa kabila ng mga reserbasyon ng Malaysia sa AUKUS, tinanggap ng pamahalaan ang mas malalim na relasyon sa tatlong bansa sa kasunduang panseguridad, sa paraang bilateral at multilateral sa pamamagitan ng mga plataporma gaya ng Five Power Defence Arrangements (FPDA). Dagdag pa, bagaman nagkamali si Hishamuddin sa pagsasabing kokosultahin ang China hinggil sa AUKUS (binawi na niya ang kanyang pahayag), idiniin niyang ang Malaysia ay “magpapatuloy sa mga bentahe [tinutukoy ang FPDA] na mayroon ito sa pagharap sa mga malalaking kapagyarihang geopolitikal sa rehiyon, laluna sa South China Sea.” Sa katunayan, naging punong abala ang kanyang ministri sa ika-50 pagdiriwang ng anibersaryo ng FPDA at sa pagpupulong ng mga ministro ng FPDA matapos ang 10 araw na pagsasanay kasama ang Australia, New Zealand, Singapore, at United Kingdom.
Muling nabuhay ang dating pokus sa karapatang pantao nang bumalik si Saifuddin Abdullah sa kagawarang panlabas bilang bahagi ng pamahalaan ni Ismail Sabri noong 2021. Sinikap ng 2019 Framework ng ministri na magkaroon ng mas aktibong tindig sa usapin bilang bahagi ng transpormasyon ng Malaysia tungong mas maunlad at makatarungang nasyon. Gayunpaman, sa kalakhan, ang sustenidong interes na magtaguyod ng patakarang panlabas na nakabatay-sa-karapatan ay maiuugnay sa sariling komitment ng ministro na nagbubuhat sa mga panahong siya’y kabataang aktibista at mga interaskyon sa mga organisasyon ng batayang sektor paglaon sa kanyang karera.
Noong 2018, hinimok ni Saifuddin ang mga mambabatas na Malaysian na pagbulayang muli ang patakarang walang panghihimasok ng ASEAN na may partikular na pagtukoy sa suliranin ng Rohingya. Noong 2021, inulit ng ministro ang kanyang sentimyento hinggil sa pagputok ng krisis sa Myanmar at nanawagan sa halip para sa patakarang ng walang-pagwawalang-bahala. Matatag na nanindigan si Saifuddin sa pagtutol sa paglahok ni Senior General Min Aung Hlaing ng Tatmadaw sa ASEAN Summit noong Oktubre 2021 maliban kung may pagbabago sa limang-puntong konsensus ng ASEAN.
Konklusyon: Isang balangkas ng patakarang panlabas para sa hinaharap?
Noong Disyembre 2021, naglabas ang Ministri ng Gawaing Panlabas ng panibagong balangkas sa patakarang panlabas na pinamagatan sa pagkakatong ito na “Pokus sa Pagpapatuloy: Isang Balangkas para sa Patakarang Panlabas ng Malaysia sa Daigdig Matapos ang Pandemya” (“2021 Framework”). Nang may layon na maging ekstensyon ng 2019 Framework, pinagtibay ng dokumento ang mga batayang patakarang panlabas ng Malaysia ngunit naglayong “magbigay ng panibagong sigla, pokus at direksyon” laluna pagkatapos ng COVID-19. Gaya ng 2019 Framework, muling inihayag ng bagong bersyon ang hindi-paghanay, mga batas at kagawiang internasyunal at karapatang pantao bilang mga walang-maliw na prinsipyo. Gaya ng mga naunang pahayag, inihanda ang 2021 Framework nang may konsultasyon sa mga kalahok na hindi taga-pamahalaan. Muling idiniin nito ang cybersecurity bilang isang pokus na usapin ngunit idinagdag sa listahan ang mga ugnayan ng Malaysia sa pandaigdigang ekonomiya, diplomasya sa kalusugan, ekonomiyang digital, diplomasyang pangkultura, mapayapang pakikipamuhay, multilateralismo at ang Sustainable Development Goals of 2030 ng United Nations. Ipinaliwanag ang bawat usaping ito nang nakaugnay sa mga layunin sa patakarang panlabas at implementasyon nito.
Sa pabagu-bagong domestikong sitwasyon ng Malaysia, pinahinahon ng 2021 Framework ang mga katanungang nakapalibot sa mga kagyat na pangangailangan ng bansa kaugnay ng patakarang panlabas. Gayunman, dahil na rin mismo sa pabagu-bagong kalagayang pampolitika ng Malaysia kung kaya nananatili ang kawalang-katiyakan sa katatagan ng 2021 Framework sa pangkalahatan. Mga pangmatagalang layunin ang ilang prayoridad gaya ng mapayapang pakikipamuhay at multilateralismo na kaya at tiyak na mananatili sa kabila ng pagkasumpungin ng politika. Dagdag pa, bilang bahagi ng mas malaking burukrasya, propesyunal na naglilingkod ang mga diplomatiko ng Malaysia sinuman ang lider pampolitika at nakapagbigay ng istableng paggana sa gitna ng nagaganap na pagbabagu-bago sa politika.
Gayunman, para maisulong ang progresibong adyenda sa patakarang panlabas, mangangailangan ang mga bagong usapin gaya ng ekonomiyang digital, gayundin ang diplomasyang pangkalusugugan, pangkultura at cyber diplomacy ng pagpapayaman ng mga ispesyalisadong kakayahan, karagdagang kaalaman na tumatagos sa iba’t ibang larangan, at nagkakaisa at inter-ahensyang koordinasyon. Kasunod nito, mangangailangan ang mga erya ng sapat na alokasyon ng rekurso, institusyonalisadong kapasidad, at nakapokus na pampolitikang paninindigan. Mahusay na ang mga batayang patakarang panlabas ng Malaysia para makagana ito nang kusa kung kinakailangan. Gayunman, hindi makasasapat ang mga batayan lamang sa gitna ng patuloy na pagiging masalimuot ng mundo. Gaya nang pagkilala ng DWP at mga balangkas sa patakarang panlabas mismo, dapat na maging proactive at entrepreneurial ang Malaysia sa pagkikipag-ugnayan nito. Maliban kung lumubag ang domestikong pagbabagu-bago sa politika, maaaring hindi sumulong ang adyendang internasyunal ng bansa lampas sa panimulang antas. Kung tutuusin, ang patakarang panlabas ay ekstensyon lamang ng patakarang domestiko. Para magawa ito nang tama sa labas ng bansa, kailangang magawa muna ito nang tama ng Malaysia sa loob ng sariling bansa.
Elina Noor
Elina Noor is Director, Political-Security Affairs and Deputy Director, Washington, DC office, Asia Society Policy Institute
Notes:
- Kuik, C. C. & Thomas, D. (2022), “Malaysia’s Relations with the United States and China: Asymmetries (and Anxieties) Amplified”, Southeast Asian Affairs, forthcoming. ↩