Pinagninilayan ng sanaysay na ito kung paanong pinag-uugnay ng patakarang pantubig ang pangrehiyong heograpiya at mamamayan sa Hilagang-silangang Thailand (Isan), na nagluluwal, nagpapalawig, at, kung minsa’y, humahamon sa kanilang napapailalim na katauhang pampolitika. Ikinakatwiran kong naging mahalaga ang irigasyon at mga dam sa pagpapanatili ng di-pantay na relasyon sa pagitan ng Hilagang-Silangang Thailand at ng sentral na estadong Thai. Sa larangang panlipunan, hindi naging nyutral ang mga patakarang pantubig; sa halip ay nag-ugnay sa heograpikal na katangian ng Isan—mainit at tigang—sa pananaw ng atrasado, mahina at politikal na di-sumasang-ayon na mamamayang Isan (at sa gayo’y nangangailangan ng mas mahigpit na pamamahala).
Mayroong 20 probinsya ang Isan, ang Hilagang-silangang rehiyon ng Thailand. Ito ang pinakamalaking rehiyon ng Thailand na may 22 milyong mamamayan o 33% ng kabuuang populasyon ng bansa. Ang mga khon Isan na pangunahing mamamayan ng rehiyon at gumagamit ng wikang Lao. Sa kabuuan ng kasaysayang Thai, binansagan silang hindi edukado at atrasado dulot ng mga nasyunalistang panlipunang hirarkiya. Pinakamahirap na rehiyon ng Thailand ang Isan na may pinakamababang per capita na kita. Inilalarawan ang lupain dito bilang mabuhangin, mataas ang asido at hindi produktibo kung kaya mahirap ang pagsasaka. Dahil dito, kumpara sa iba pang rehiyon sa Thailand, nagluluwas ito ng mas maraming migranteng manggagawa tungong Bangkok.
Ibinenta ang mga dambuhalang imprastrakturang pantubig sa rehiyon kunwa’y bilang pananggalang sa tagtuyot at pagpapaunlad ng ikalawang pagtatanim ng palay. Naging mga susing patakaran ito ng pamahalaan sa Isan sa halos isang siglo. Kalimitang ibinebenta ng mga politiko ng Hilagang-silangan ang gayung mga patakaran para maghatid ng tubig sa khon Isan para sa mas mainam na kabuhayan at kita. Kalimitang ipinupukol ng pamahalaan at mga politiko ang patakarang pantubig para sa sabayang “pagliligtas” sa khon Isan mula sa kahirapan at pamamahala sa kanilang politika. Gayunpaman, gaya ng ilalarawan ko sa ibaba, hindi mga pasibong aktor ang khon Isan. Sa halip, tuluy-tuloy silang nakibaka laban sa pamahalaan hinggil sa pamamahala sa tubig, at sa pamamagitan ng mga pakikibakang ito ay kalimitang nahahamon nila ang sarili nilang subordinasyon. Isisiwalat ng aking pagsusuri sa kasaysayan ng tubig sa rehiyon kung paanong hindi lamang iniluwal ng patakarang pantubig ang pananaw na atrasado ang khon Isan, kundi naging lugar din ito para makalikha ang khon Isan ng mga bagong kasanayang pampolitika.
Ang Tubig at ang Pamamahala sa Isan
Sa nakaraang 70 taon, sumailalim sa mabilis na transpormasyong pangkapaligiran ang Isan mula sa pagkakaroon ng kagubatan patungo sa mga taniman ng palay. Sa halos kasinghabang panahon, namuhunan ang pamahalaan sa lampas 6,000 iba’t-ibang tipo at laki ng proyektong irigasyon na idinisenyo para magsuplay ng tubig sa 1.2 milyong ektaryang lupain sa rehiyon. Sa pamamagitan ng mga proyektong ito, itinuring ang rehiyon bilang tuyo at di-produktibo, at nangangailangan ng imprastraktura para maging maunlad at angkop sa paninirahan.
Gayunpaman, ang mga katangiang heograpikal na ito ay politikal rin: sa panahon ng pag-aalsa ng mga komunista sa Thailand, tiningnan ang Isan bilang mahina sa impluwensya ng komunista bunga ng kahirapan, heograpiya at posisyon nito, na nasa hangganan ng Laos at Cambodia. Ang mga naturang inseguridad na ito ay nagbigay ng insentibo sa pamahalaan para magpasok ng sunud-sunod na mga proyektong pangkaunlaran na may oryentasyong politikal at pangkaunlaran. Sa tulong ng Estados Unidos, nabigyang prayoridad ng pang-ekonomiko at pang-imprastrakturang pagpapaunlad ang Isan sa pag-asang lilikha ito ng pananggalang para mapipigilan ang ‘banta ng komunismo’ mula sa mga karatig na bansa.
Nang pamunuan ni Field Marshal Sarit Dhanarajata ang Thailand noong 1958, sinimulan niya ang marami-raming proyekto sa Isan. Isinulong ni Sarit, na isang taga-Isan, ang limang-taong planong pangkaunlaran (inihayag noong 1961) na pinondohan ng Estados Unidos. Kasama rito ang Accelerated Rural Development Programs na pinangasiwaan ng mga gobernador ng probinsya bilang paraan ng pagtataguyod ng kontra-insurhensiya at itulak ang pang-ekonomikong transpormasyon.
Sa panahong ito, isinulong ng pamahalaan ang malakihang agrikulturang industriyal bilang pagkakaabalan ng khon Isan. Na-engganyo ang mga magsasakang Isan na pataasin ang kanilang ani ng palay sa pamamagitan ng paggamit ng mga binhing hybrid, at mga kemikal na pataba at pestisidyo na ipinakilala bilang bahagi ng ‘Green Revolution.’ Sa konteksto ng pagbabagong argaryo, nakatulong ang mga bagong praktikang pansakahang ito para pahusayin ang ani habang nagbubukas ng mga bagong lupain ang mga magsasaka upang punuan ang lumalaking demand. Nangailangan rin ang mga ito ng mas maraming tubig kaysa mga katutubong pamamaraan ng pagsasaka.
Kasabay nito, nagpasimula ang pamahalaan ng mga proyektong hydropower para pasiglahin ang ekonomikong pag-unlad. Sa kongkretong antas, binigyang-tuwid ang mga proyektong pantubig para pawiin ang kahirapan, magbigay ng seguridad sa pagkain, at magsuplay ng tubig para sa agribisnes. May mga pampolitikang pahiwatig din ang mga ito lalo’t ito’y nakadisenyo para labanan ang insurhensiyang komunista at para umani ng suportang pampolitika. Ang Lam Dom Noi (Sirinthorn Dam) ay isa sa mga unang proyektong hydropower ng rehiyon na nakumpleto noong 1971 at nagpalayas sa 2,526 pamilya mula sa kanilang mga lupain. Inilipat ang mga pamilyang ito sa mga di-produktibong lupain at nakakuha ng maliit na kompensasyon.
Sa ngayon, may 17 dam na hydropower sa Isan, at pinakabago ang Pak Mun Dam na matatagpuan sa probinsya ng Ubon Ratchathani. Dahil sa kahalagahan ng agrikultura sa Isan, hindi nakapagtatakang nagbigay ng malaking pagpapahalaga ang bawat gobyernong nagdaan sa Bangkok sa rekursong tubig bilang pangunahing solusyon sa pangangailangang pangkaunlaran ng rehiyon. Bagaman ipinanukala ng pamahalaan ang mga dam para pasiglahin ang paglago ng ekonomiya sa rehiyon, nakadireksyon ang mga ito sa paglikha ng kuryente para sa Bangkok. Sa gayon, pinalawak pa ng mga dam ang di-pantay na relasyon sa pagitan ng Bangkok at Isan: pinagdurusahan ng khon Isan ang mga epekto ng dam samantalang halos wala silang nakukuhang pakinabang sa mga proyektong ito.
Gumana ang kontrobersyal na Pak Mun dam sa ganitong paraan. Matapos magawa ang dam noong 1994, lumubog ang maraming lagaslasan at higit 150 species ng isda ang nawala sa ilog Mun at mga sanga nito. Naging limitado ang benepisyong irigasyon at kuryente mula sa Pak Mun dam. Malawakang tinuligsa ng Assembly of the Poor (AoP) at ng World Commission on Dams (WCD) ang proyekto. Hindi naisagawa ang wastong Environmental Impact Assessments bago ang konstruksyon ng proyekto. Iniulat ng mga taga-baryo na nangingisda para sa maliitang komersyo at sariling pagkain, na hindi nila makita ang pakinabang ng tubig para sa irigasyon kumpara sa negatibong epekto ng dam sa mga ilog at yaman nito. Nawalan ng kita sa pangingisda ang mga lokal na mamamayan at marami sa kanila ang sumama sa protesta sa ngalan ng AoP. Tinipon ng mga kilusang ito ang mga mamamayan sa kalakhan ng Isan at kasama ang mga mamamayang apektado ng mga makasaysayang proyekto tulad ng Sirinthorn dam, kumilos sila sa bagong pamamaraan,. Nakalikha ng mga bagong kaalaman ang mga kilusang ito sa pamamagitan ng pagsasaliksik ng Thai Baan para magpalaganap ng impormasyon hinggil sa kontra-hegemonikong paglikha ng mga patakaran. Sa gayon, nabago nila ang politikang environmental at mga aktor sa politika ng Isan.
Mga Bagong Proyektong Patubig sa Tigang na Isan
Tinantya ng pamahalaang Thai na magkakaroon ng malaking pagtaas sa demand sa tubig sa buong bansa at sa lahat ng sektor. Gayunpaman, ipinahihiwatig ng mga ulat ng pamahalaan na walang sapat na tubig ang bansa para tugunan ang pangangailangang pantubig sa rural at urban na mga pamayanan. Sa kasalukuyan, malubhang krisis ang kakulangan ng tubig sa buong Thailand, ngunit laluna sa Isan.
Noong 2018, inaprubahan ng juntang militar ng Thailand ang dalawampung-taong estratehiya (2018-2037) para resolbahin ang pagsasapawan ng mga ahensya sa pamamahala sa tubig, para magtayo ng higit 541,000 maliliit na dam, at para maibalik ang 3.5 million rai ng mga lugar na watershed. Samantalang siyam na probinsya sa Hilagang-silangang rehiyon ang kumakaharap sa malalang kakulangan sa tubig, pangunahing nagpokus ang patakaran sa paghahatid ng tubig para sa mga pang-ekonomiyang aktibidad gaya ng sa mga susing pagawaan, habang inutusan naman ang mga magsasaka na magplano nang maigi at magtanim ng mga pananim na matatag sa tagtuyot. Noong 2018, isang daan at animnapu’t limang reservoir ang humarap sa kakulangan ng tubig. Tatlumpu’t-limang reservoir ang may imbak na tubig na mas mababa kaysa 30% ng kanilang kapasidad. Sa halip na limitahan ang paggamit ng tubig ng ibang sektor, hinimok ang mga magsasakang Isan na huwag magtanim ng mga pananim na pang tag-init na nangangailangan ng mas maraming tubig.
Gayundin, inanunsyo ng Department of Disaster Prevention and Mitigation (DDPM) noong 2020 na dalawampu’t limang probinsya ang kabilang sa mga lugar na sinalanta ng tagtuyot kungsaan sampung probinsya ay nasa Isan. Ipinaliwanag ng Mekong River Commission (MRC) na ang tagtuyot ay bunga ng matinding pagbabago ng klima habang iniulat naman ng mga NGO na pinalala at pinabilis ng mga dam na gawang China ang mas malalang tagtuyot. Bunga ng mga tagtuyot na ito, ang pamahalaan ay nagpatupad ng karagdagang malalaking pamumuhunan sa irigasyon sa Isan.
Ang pangunahing layunin ng paghahatid ng tubig sa mga magsasaka ay para magpa-unlad ng komersyal na agrikultura, kung kaya karamihan sa mga magsasaka ay nagtanim ng mga cash crops, kasama ang cassava, mais, tubo at goma. Gayunpaman, dahil sa mga takdang agrikultural para sa pagbabago ng klima sa kalagayan ng lupa sa lokalidad, tinataya pa ring mas mababa pa ang kita ng bawat sakahan sa Isan kaysa 2/3 ng pambansang karaniwang kita sa pagsasaka, kahit pa maraming mga pagsisikap para pahusayin ang mga sakahan dito. Kung kaya, nagsimulang itaguyod ng pamahalaan ang Isan bilang “bio-economy” hub para sa produksyon ng tubo at biofuel. Ipinapakita ng mga proyektong ito kung paano patuloy na pinag-iisipan ng pamahalaan ang pagsasaka sa rehiyon at nangangakong ang pagtaas ng produksyong agrikultural ay lilikha ng kita at mas mainam na antas ng pamumuhay para sa khon Isan sa proseso.
Tuluy-tuloy na itinataguyod ang mga malalaking pamamaraan sa Isan sa pamamagitan ng mga programang tulad ng Khong-Chi-Mun Water Diversion at ang Water Grid. Naranasan ng mga taga-baryo sa mga probinsya ng Si Saket, Roi Et, at Surin, kungsaan matatagpuan ang mga dam na Hau Na at Ra Si Salai, ang mga negatibong epekto ng mga proyektong ito. Doon, malubhang lumubog ang mga importanteng latian na malalang nakaapekto sa ekonomiya ng mga taga-baryo sa lampas 30 taon.
Noong 2019, muling binuhay ang proyektong Khong-Chi-Mun bilang “Mekong-Loei-Chi-Mun River Management and Diversion by Gravity”. Sa pangunguna ng Royal Irrigation Department (RID), nilayon ng pinakabagong proyektong ito na itaas ang lupaing may irigasyon sa rehiyon hanggang halos 50,000 kilometro kwadrado (lampas 30 milyong rai). Nangangahulugan ito ng pagtaas ng kita ng 1.72 milyong pamilyang magsasaka hanggang 199,000 baht. Natapos ng RID ang Strategic Environmental Assessment ng proyekto noong 2012. Ipinanukala ng proyekto ang paglilihis ng tubig ng Mekong sa distrito ng Chiang Khan sa Loei. Gayunpaman, maaaring bahain ang mga kabahayan ng mga taga-baryo kungsaan itatayo ang proyekto. Palalalain nito ang pagdurusa ng mga taga-baryo kumpara sa mga nakaraang natural na pagbaha. Kung kaya, kinwestiyon ng mga civil society, NGO at akademya ang proyektong maglilihis sa tubig dahil sa mga potensyal na epektong pangkapaligiran sa mga lokal na mamamayan.
Sinasalamin ng mga proyektong ito at ng kanilang politikal at pang-ekonomikong pamamaraan kung paanong sa kabila ng nananatiling suliranin sa kakulangan ng tubig at kahinaan ng mga proyekto, ang patakaran sa tubig at politika ng tubig sa rehiyon ay patuloy na hinuhugisan ng mga imahe ng tuyot na heograpiya ng rehiyon at kahirapang dulot ng tagtuyot. Isinisiwalat rin ng mga ito na sa kabila ng lantad na pamumuhunan nang lampas isang siglo, nananatiling kritikal na usapin ang kakulangan sa tubig para sa khon Isan at malamang na lumala pa ito. Subalit higit rito, inilalantad nitong hindi lamang simpleng walang tubig sa Isan kung kaya may kakulangan sa tubig roon, kundi dahil hindi pantay na naipapamahagi ang tubig sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa at iba’t-ibang sektor ng ekonomiya sa pamamagitan ng mga planong irigasyon. Sa ganito, kalimitang naiiwang nakatiwangwang ang mga magsasakang Isan.
Katarungang Pantubig sa Isan
Patuloy na nagdurusa ang Isan kapwa mula sa tagtuyot at sa negatibong epekto ng mga malalaking pamumuhunan sa irigasyon. Sa kasaysayan ng patakarang pantubig sa rehiyon, nananatiling napapailalim ang pampulitikang boses at pananaw ng khon Isan. Sa halip na maipwesto bilang mga sentral na aktor sa pagbubuo ng kanilang rehiyon, itinuturing silang mga atrasadong magsasakang namumuhay sa tigang na lupain, naghihintay ng teknolohiya ng estado para bumuti ang kanilang pamumuhay. Ang mga imaheng ito na nakaugat sa nasyunal at hirarkikal na istrukturang sosyo-politikal sa lipunang Thailand ay nagpupuno sa patakarang pantubig ng pampulitikang lakas. Gayunpaman, ginamit ng mamamayang Isan ang tradisyunal na kaalaman at maliitang imprastraktura para tubigan ang kanilang mga lupain sa pamamagitan ng tradisyunal na pilapil, lupang kanal, at natural na pinagmumulan ng tubig sa maraming siglo. Maka-kalikasan at epektibo ang mga maliitang proyektong pang irigasyon na ito. Subalit binale-wala ng pamahalaan ang kaalamang ito dahil sa limitadong pampolitikang halaga ng mga ito at hindi nakapag-aambag sa produksyon ng agrikulturang industriyal. Kalimitan, itinuturing ang lokal na kaalaman bilang di-rasyunal.
Sa kabila nito, patuloy na ginagamit ng khon Isan at kanilang mga ka-alyado ang tubig para sa pampulitikang pag-oorganisa. Bagaman umimpis ang Assembly of the Poor on Pak Mun Dam’ dahil sa mga internal na pagkakahati-hati, naitayo naman ang New Isan movement at P-Move para pumalit dito. Binubuo ang grupo ng iba’t-ibang tao kabilang ang mga akademiko, estudyante, mga CSO at NGO na kumikilos para sa katarungang pangkapaligiran sa rehiyon. Kumikilos kapwa ang dalawang grupo para pag-ugnayin ang mga isyung pumapalibot sa katarungang panlipunan, sariling pagpapasya, desentralisasyon, at karapatan sa tubig, sa mas masasaklaw na usapin ng demokrasya. Kumikilos ang mga grupo para sa mga usapin ng bio-economy, pagmimina at mga dambuhalang proyektong pantubig sa rehiyon. Hindi pa nakakapagmobilisa ng malaking suporta ang mga kilusang ito, subalit sa masaklaw na pampulitikang pagkamulat na nagaganap sa Hilagang-silangan kamakailan, maraming mga taga-baryo ang umaasang maaaring magbago ang mga bagay-bagay, kasama na ang umiiral na politikang pantubig sa rehiyon.
Ni Associate Prof. Dr. Kanokwan Manorom
Faculty of Liberal Arts, Ubon Ratchathani University, Thailand