Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Mula Awtokrasya tungong Presidensyalismong Koalisyunal: Ang Transpormasyon ng Panguluhan sa Indonesia Matapos ang Panahong Awtoritaryan

post-authoritarian-transformation-KRSEA

Marami sa mga debate hinggil sa Indonesia matapos ang panahon ni Suharto ay naka-pokus sa katanungan kung gaano ang aktwal na nagbago sa huling dalawang dekada mula nang magwakas ang awtoritaryanismo noong 1998. Samantalang inihapag ng ilan na simpleng inagaw ng makapangyarihang elit na sinanay sa ilalim ni Suharto ang mga bagong demokratikong institusyon ng Indonesia (Hadiz 2010), itinuro ng iba ang higit na institusyunal at pulitikal na salimuot ng Indonesia (Tomsa 2017). Sa maraming paraan, nasalamin ang esensya ng debateng ito sa mga talakayan kung paanong nagbago ang papel ng panguluhan. May malaganap na pagsang-ayon na malayong naiiba ang mga pangulo pagkatapos ng 1998 kumpara kay Suharto, ngunit doon na nagwawakas ang pagkakasundo. Paano sa eksakto, sa gayon, namuno ang mga pangulo ng Indonesia matapos ang pagbagsak ni Suharto, at ano ng ipinahihiwatig nito sa atin hinggil sa kalidad ng demokrasya sa Indonesia dawampung taon matapos itong isilang?

Sa artikulong ito, inihahapag kong ang awtokrasya ni Suharto ay nag-ibang-anyo sa nakaraang dalawang dekada tungong isang sistema ng presidensyalismong koalisyunal kungsaan binabalanse ng pinuno ng estado ang mga pangunahing sosyo-pulitikal na aktor ng bansa sa isang alyansang malapad ngunit masalimuot sa panloob. Taliwas sa mga umiiral na literatura hinggil sa presidensyalismong koalisyunal, inihahapag kong hindi lamang mga parlyamentaryong partido ang kabahagi sa alyansang ito. Sa halip, kabilang sa presidensyalismong koalisyunalismo ng Indonesia ang mga makapangyarihang aktor tulad ng burukrasya; militar; pulis; grupong Islamiko; oligarkiya; at mga lokal na pamahalaan. Nagawang pamahalaan ng mga pangulo ng Indonesia, laluna yaong mga naluklok pagkatapos ng pagbabago sa konstitusyon noong 2002, ang mga pwersang ito sa loob ng umiiral na balangkas ng panahon pagkatapos ng awtoritaryanismo bagaman depektibong demokrasya, maingat na binabalanse ang mga aktor sa bawat isa at kapwa nagpapabuya sa katapatan at nagpaparusa sa pagtunggali. Ipinapanukala kong ito ang hindi lamang nag-iiba sa ganitong mga koalisyon mula sa maypagka-mabigat-sa-ibabaw at awtokratikong ipinataw na alyansa ng rehimen na naging malaganap sa ilalim ni Suharto, kundi kabaliktaran din ng nosyon ni Slater ng presidensyal na kartel (2018) at pagtuoy ni Tomsa (2017) sa mga pangulong tumutugon sa asembleya ng mga panlabas na “istratehikong grupo.” 

Merdeka Palace, the official residence of the president of Indonesia

Presidensyalismong Koalisyunal at ang mga “Koalisyong” Patrimonyal ni Suharto

Sa mga debate sa agham pampulitika, nabuo ang konsepto ng presidensyalismong koalisyunal upang maipaliwanag ang istabilidad ng sistemang presidensyal na gumagana sa larangang multi-partido. Nang tinutunggali ang tradisyunal na pagpapalagay na likas na hindi istable ang mga multi-partidong sistemang presidensyal, natagpuan nina Chaisty, Cheeseman at Power (2014) na ang mga pangulong gumagamit ng partikular na mga teknik ng presidensyalismong koalisyunal ay makakayang magkamit ng pambihirang istabilidad sa gobyerno. Sa partikular, gumagamit ang mga pangulo ng limang kagamitan kaugnay nito: awtoridad ng gabinete; kapangyarihang sa pagbabadyet; may-pagkiling na kapangyarihang sa sariling partido; kapangyarihang lehislatibo; at palitan ng mga pabor. Sa konseptong ito, pangunahing tumatanggap ng presidensyal na pagtangkilik ang mga pampulitikag partido na may mga kinatawan sa lehislatura.

Samantalang nabuo ang koalisyunismong presidensyal para sa mga demokrasyang multi-partido, mahalagang banggitin na kahit sa mga awtokrasyang may hegemonikong sistemang pampartido, kalimitang kailangang magtayo at magpanatili ng mga koalisyon ang mga pangulo upang makapaghari nang epektibo. Sa kaso ni Suharto, nangulo siya sa mga koalisyon na kinabibilangan ng mga militar at ng burukrasya (na ang mga kinatawan sa partido ng gobyernong Golkar ay iginrupo bilang “track A” at “track B”, sa gayung pagkakasunud-sunod); ng mga teknokrata; iba pang sibilyan ng Golkar (“track G”); at sa kalaunan, mga organisasyong Islamiko. Maliwanag na may mga pundamental na pagkakaiba sa pagitan ng mga koalisyon ni Suharto at mga demokratikong alyansang presidensyal. Halimbawa, hindi kailanman pinagdudahan ang nangingibabaw na posisyon ni Suharto sa kaniyang hegemonikong partido, at epektibong tinakot ng kanyang malawak na rekursong mapamilit ang mga kasapi ng koalisyon ng rehimen na magpailalim.

Naiiba din ang mga koalisyon ni Suharto dahil sa personal at walang lubag ang kanyang akses sa pondo at rekurso ng estado. Nakaupo sa tuktok ng piramideng patrimonial, namamahagi siya ng mga regalo sa mga kasapi ng koalisyon ng kanyang rehimen upang tiyakin ang kanilang pagtanaw utang na loob sa kanya. Samantalang pinanatili ni Suharto ang  ganitong sistema sa loob ng may tatlong dekada, bumagsak ang koalisyon ng rehimen nang maglaho na ang kalagayang nagbibigay-kakayahan dito para umiral. Sinaid ng krisis pampinansya noong 1997 ang makinarya para sa pagtangkilik ni Suharto; lumampas sa kanyang mapanupil na kapasidad ang tumitinding ligalig; at nakasira sa kanyang reputasyon bilang walang lumalabang pinuno ng Indonesia ang kanyang edad at masamang kalusugan. Noong Mayo 1998, nawala na si Suharto.

Presidensyalismo sa Transisyon: Habibie, Wahid, Megawati

Sa pagitan ng pagbagsak ni Suharto at taong 2004, nasa transisyon ang presidensyalismo sa Indonesia. Wala na ang mga pinilit na koalisyong patrimonyal ni Suharto, ngunit nahirapan ang mga sumunod sa kanya na humanap ng gaganang demokratikong kapalit. Ito sa isang bahagi ay dulot ng mabagal na proseso ng pagbabago sa konstitusyon, na pinag-usapan mula 1998 hanggang 2002 at naging lubos na operasyunal lamang noong 2004. Nangangahulugan itong namuno sina B.J. Habibie (1998-99), Abdurrahman Wahid (1999-2001) at Megawati Sukarnoputri (2001-2004) sa atmospera ng matinding kawalang-katiyakan. At samantalang nakita nilang lahat na kailangang magbuo ng mga koalisyon upang maging matatag ang kanilang pamumuno, ginawa nila ito sa lubhang naiibang mga kalagayan.

Si Habibie, halimbawa, ay umangat sa pagkapangulo dahil lamang sa pagiging deputado ni Suharto. Wala siyang pangmatagalang suportang pulitikal mula sa mga mayor na pwersa, at nakakapit lamang sa kapangyarihan dahil sa pagtawag sa sarili bilang pangulong transisyunal.  Sa ganitong unawaan pumasok ang militar, mga partidong pulitikal, organisasyong Islamiko at ang burukrasya sa isang limitadong alyansang transisyunal kay Habibie, na nagbigay daan upang makapagsulong siya ng mabilis na programa ng demokratisasyon.  Ngunit nang ihayag niya ang intensyon na tumakbong muli sa pagkapangulo noong 1999, nakalag ang koalisyong transisyunal at napwersa si Habibie na bumaba sa kapangyarihan.

Pinalitan si Habibie ni Wahid, na hindi direktang inihalal ng People’s Consultative Assembly. Siya ang unang pangulong nagpakita ng kaunting pagka-unawa na ang bagong demokratikong konteksto ay nangangailangan ng mga higit na modernong porma ng pagbubuo ng koalisyon, at kahit sa ilang bahagi man lamang ay pumaling siya paggamit ng iba’t ibang kasangkapan ng presidensyalismong koalisyunal. Nagbuo siya ng malapad na koalisyon ng mga partido (at ng militar) upang siya ay mahalal, nangako ng mga pabuya at pagbabahagi ng kapangyarihan. Subalit para kay Wahid, ang pangangailangan ng koalisyon ay umabot lamang hanggang sa pagbubuo ng mga alyansa, hindi ang pagpapanatili ng mga ito. Nang mahalal, kinalaban ni Wahid ang kanyang mga katuwang, na sa dulo’y nagpatalsik sa kaniya noong July 2001. Hindi mapasusubalian ang pamana ng pagtatanggal kay Wahid sa pulitikang presidensyal ng Indonesia: kinumbinsi nito ang mga sumunod sa kanya na kung nais nilang iwasan ang banta ng pagpapatalsik, kailangan nilang mag-alaga ng mga malapad na koalisyon sa buong panahon nila sa pamahalaan.

Megawati Sukarnoputri, Indonesia’s first female president “built a multi-party alliance and maintained the line-up of her cabinet throughout her term.”

Si Megawati, na humalili sa posisyon ni Wahid matapos itong mapatalsik, ay nagpakitang natutunan niya ang ilan sa mga aral na ito. Sa malawakang pagtataguyod niya sa konsepto ng presidensyalismong koalisyunal, nagtatag siya ng alyansang multi-partido at pinanatili ang hanayan ng kanyang gabinete sa buong panahon ng kanyang termino. Subalit dalawang usapin ang pumigil kay Megawati upang lubos na unawain at ipatupad ang mga rekisito ng presidensyalismong koalisyunal. Bilang panimula, upang makumbinsi si noo’y Bise Presidente Megawati na humalili kay Wahid, nangako ang malawak na mayorya ng mga partidong pulitikal at mga pinuno na hindi siya lalabanan hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino. Sa esensya, pinagaang nito para kay Megawati ang maselang gawain ng sistematikong pag-aantabay sa mga banta ng pagpapatalsik.  

Dagdag pa, naniwala siyang ang maging kasapi ng kanyang gobyerno ay may kaakibat na obligasyon ng pagiging matapat sa kanya – hanggang lampas pa sa kanyang termino. Nang magpasya ang kanyang ministro na si Yudyohono na tumakbo laban sa kanya noong 2004, tiningnan niya ito bilang isang personal pagkakasala. Bukod sa pagpapakita nito ng kanyang matagal nang pakiramdam ng pagkakaroon ng espesyal na karapatan, pinatampok ng pangyayaring ito ang kawalan niya ng pag-unawa na ang presidensyalismong koalisyunal at nangangailangan ng palagiang pagbabalanse at pangangasiwa.

Pinalawak na Presidensyalismong Koalisyunal: Sina Yudhoyono at Jokowi

Ang taong 2004 ay panandang-bato sa pulitika ng Indonesia, gayundin sa paraan kung paanong ginagamit ang kapangyarihang presidensyal. Nagkaroon ng bisa sa taong ito ang karamihan sa mga amyenda sa konstitusyon na ipinasa noong 2002, kabilang ang regulasyon hinggil sa direktang eleksyong presidensyal. Kasama nito ang mga bagong alituntunin na nagtakda ng higit na mataas na pamantayan sa pagtatanggal ng presidente kaysa sa panahon Wahid. At samantalang binigyan ng higit na awtoridad ang parliyamento, ang kabuuang resulta ng mga amyenda ay netong ganansya para sa kapangyarihang presidensyal.

Subalit taliwas sa natural na inaasahan, hindi ganito ang naging persepsyon ng mga pangulo pagkatapos ng taong 2004. Tunay nga, hindi lamang sinimulan kapwa nina Yudyohono at Jokowi ang lubos na pagpapraktika ng presidensyalismong koalisyunal, na tinatarget ang mga partido ng mga pabuya at posisyon upang protektahan ang mga sarili mula sa (ngayo’y higit na mahinang) mga panganib ng pagtanggal sa puwesto. Lampas dito, pinalapad nila ang saklaw ng presidensyalismong koalisyunal upang ipasok ang malapad na hanayan ng mga “estratehikong grupo” (para gamitin ang termino ni Tomsa) bilang mga integral ring kasapi ng kanilang mga alyansa. Sa ibang salita, ang mga aktor gaya ng militar; pulis; grupong Islamiko; oligarkiya; at lokal na pamahalaan ay hindi na lamang mga ahente ng rehimen tulad noong panahon ni Suharto o mga ma-impluwensyang grupong may interes tulad nang sa mga transisyunal na gobyerno pagkatapos ni Suharto. Sa halip, nakuha nila ang kapantay na katayuan tulad nang sa mga partido, hal., naging katuwang sa koalisyon ng mga nakaluklok na pangulo.

Sa kanyang bahagi, bukas na binuo ni Yudyohono ang konsepto ng malawak na pakahulugan sa presidensyalismong koalisyunal. Kapwa sa mga panayam at kanyang mga sulatin, ipinahayag niya ang pagkasiphayo sa mga limitasyon ng kanyang kapangyarihang presidensyal. Itinangging ang Indonesia ay may sistemang presidensyal, inilugar niya ang porma ng pamahalaan ng bansa sa pagitan ng mala-presidensyal at mala-parlyamentaryo (Aspinall, Mietzner and Tomsa 2015). Malimit na ginagamit ang mga alaala na pagtatanggal kay Wahid sa pwesto, iminungkahi niyang kailangan ng mga pangulo ng Indonesia na magbuo ng malalapad na koalisyon upang matiyak na ligtas ang kanyang pamumuno. Upang maiwasan ang kaguluhan (kegaduhan), kailangang ang lahat ng mayor na pwersa – at hindi lamang ang mga partdo—ay mabigyang-puwang.

Sa praktika, ipinasok ni Yudyohono ang mga pwersang ito sa kanyang koalisyon sa pamamagitan ng pagprotekta sa kanilang mga susing interes kapalit ng pampulitikang suporta. Halimbawa, ipinagpaliban niya ang mga repormang militar (lubhang kakaiba kina Habibie, Wahid at Megawati, kungsaan sa ilalim ng kanilang panunungkulan ay isinagawa ang mga mayor na hakbang tungong depolitisasyon ng militar). Hinadlangan din niya ang bagong  panukalang batas sa pagreporma sa burukrasya matapos magbanta ang burukrasya ng isang “rebolusyon” kung sakaling ito ay maipapasa. Bumigay siya sa paggigiit ng mga Islamikong grupo na ilagay ang mga sektang Muslim bilang mga heretiko, at lalong niyang pinalakas ang impluwensya ng mga oligarko sa sistemang pampulitika sa pamamagitan ng pagbuwag ng dati nang mahinang pampublikong sistema sa pagpipinansya ng bansa.

On 20 October 2014, Joko Widodo became the seventh and current president of Indonesia.

Samantalang pinatakbo ni Jokowi ang kanyang kampanya noong 2014 batay sa plataporma ng pagtatanggal ng gayung akomodasyunistang koalisyon, dumulo siyang inuulit at kinokonsolida ang mga ito. Sinimulan sa minoryang koalisyon sa parlyamento, itinatag niya ang supermayorya sa loob ng kanyang unang dalawang taon sa pwesto sa pamamagitan ng pagkabig ng mga dating partidong oposisyon sa kanyang panig. Lalo pa niyang pinalawak ang pampulitikang espasyo para sa militar, at matapos ang Islamistang pagkilos noong 2016 laban sa Kristiyano-Tsinong gobernador ng Jakarta, ay ipinasok ang konserbatibong Indonesian Ulama Council (MUI) sa kanyang koalisyong presidensyal. Hiniling din niya ang suporta, at hindi hinamon ang impluwensya, ng mga punong oligarko ng bansa.

Bagaman mahalagang bigyang-diin na ang mga koalisyong ito – sa ilalim man ni Yudyohono o Jokowi—ay hindi mga kartel o asosasyon ng kapangyarihan sa veto. Sa halip, pinakamauunawaan sila bilang mga payong na organisasyong nagdadala ng mga nagtatagisang interes na pinangangasiwaan, binabalanse at pinamamagitanan ng pangulo. Sa organisasyon ito, walang iisang grupo sa sariling kapasidad ang may katayuan bilang veto player pinakahulugan ni Tsebelis (2002) bilang isang actor “na ang pagsang-ayon ay kinakailangan upang baguhan ang kasalukuyang kaayusan”. Sa presidensyalismong koalisyunal ng Indonesia, kalimitang pinagbabangga ng pinuno ng estado ang mga katuwang sa koalisyon laban sa isa’t isa, minsang binibigyan ng higit na pagpapahalaga ang isang aktor kaysa sa iba; pinagbabantaang tatanggalin ang isang aktor mula sa koalisyon at magpapasok ng mula sa labas; o nag-oorganisa ng intra-koalisyong mayorya laban sa minorya.

Kasama sa mga halimbawa nito ang pagbaling ni Jokowi sa militar bilang pang-kontra-balanse sa mga pulis kaugnay ng kontrobersyal niyang pagkansela sa nominasyon ng pagkapinuno sa kapulisan noong 2015; ang kanyang paglapit sa Golkar noong 2016 matapos magbantang magtatanggal ng suporta sa kanya ang sariling partido, ang PDIP ni Megawati; at ang higit na pakikipaglapit sa tradisyunalistang Islamistang partido (PPP) noong 2018 matapos  na ang isa pa’y (PKB) sumubok na kikilan siya sa pamamagitan ng pagkakabit ng kondisyong pangalanan ang tagapangulo nito bilang katuwang ni Jokowi sa pagtakbo sa halalang 2019 kapalit ng kanilang suporta.     .

Bakit, kung gayon, pumasok sina Yudyohono at Jokowi sa gayung kalawak na pagpapakahulugan sa presidensyalismong koalisyunal sa kabila ng pinatatag na kapangyarihang konstitusyonal pagkatapos ng 2004, at ano ang ipinahihiwatig nito sa atin hinggil sa kalagayan ng demokrasya sa Indonesia? Sa bahagi ni Yudyohono, malimit niyang ituro ang pagtanggal kay Wahid sa pwesto bilang kapalarang sinikap niyang iwasan sa pamamagitan kanyang pagtatatag ng malapad na koalisyon.  Sa gayunding linya, inalala ng mga katulong ni Jokowi ang pagkagulat na nadama ng bagong halal na pangulo nang ilang araw pa lamang sa pwesto ay i-presyur ito ni Megawati at ng iba pa para sa mga pagtatalaga sa gabinete. Sa parehong kaso, kung gayon, ang pag-antabay sa mga potensyal na banta, sa halip na aktwal at reyalistikong sitwasyon, ang nagtutulak sa kanila sa akomodasyunistang pagtatatag ng koalisyon.

At samantalang nagawa nitong gawing mas istable ang demokrasya sa Indonesia kaysa sa iba pang katapat nito sa Asya, naging tigil ang pag-unlad nito at bulnerable sa pag-atras. Sa dami ng mga aktor na binigyan ng pwesto sa hapag ng pangulo, nagkaroon ang mga grupong sektoral at may interes ng hindi magkakakatimbang na lawak ng impluwensya. Ang kabalintunaan nito’y hindi ang aktibong mapwersa ng makapangyarihang grupo ang pangulo na tanggapin ang mas maliit na papel bilang tagapagpadaloy ng ehekutibo sa halip na mga tagapagpasyang binigyang kapangyarihan ng konsitusyon; kundi yaong pagsuko ng mga pangulo ng Indonesia matapos ang 2004 ng kanilang tunay na awtoridad batay sa konsitusyon para alisin ang mga panganib na sa kanilang pananaw ay maari nilang harapin, sa halip na yaong mga aktwal nilang hinarap. 

Marcus Mietzner,
Department of Political and Social Change, Coral Bell School of Asia Pacific Affairs, Australian National University, Canberra.

Bibliography

Hadiz, Vedi. 2010. Localising Power in Post-Authoritarian Indonesia: A Southeast Asia Perspective. Stanford: Stanford University Press.
Tomsa, Dirk. 2017.”Regime Resilience and Presidential Politics in Indonesia”, Contemporary Politics,” Contemporary Politics, published online ( December 2017.
Chaisty, Paul, Nic Cheeseman and and Timothy Power. 2014. “Rethinking the ‘Presidentialism’ Debate: Conceptualizing Coalitional Politics in Cross-Regional Perspective,” Democratization 21 (1): 72-94.
Tsebelis, George. 2002. Veto Players: How Political Institutions Work. Princeton: Princeton University Press.

Exit mobile version