Inilalahad sa papel na ito ang isang pag-aaral hinggil sa kakayahang institusyonal para sa pagpapatupad sa mga bakawan ng Biyetnam ng community-based natural resource management (CBNRM) o pangangalaga sa likas na kayamanan na nakabase sa pamayanan. Ang CBNRM ay nakaagaw-pansin sa maraming bansa at naging paksain ng mga debate bagamat hindi pa ito malawak na naipapatupad sa Biyetnam. Doon, ang mga pangunahing istratehiya ay ang sentralisadong pangangasiwa rito ng mga ahensyang pampamahalaan at mga kooperatibang pampamayanan at, mula dekada otsenta, pangangasiwa ng bawat tahanan. Iginigiit sa papel na ito na hindi nalutasan ng pagsasabansa at maging ng pribatisasyon ang suliranin ng pagkasira ng kalikasan at pang-aabuso rito. At, sa maraming pagkakataon, ang pribatisasyon ay nagresulta sa kawalan ng kabuhayan ng mga pamilya sa lalawigan.
Ito ang ipinakikita ng case study hinggil sa pangangalaga sa bakawan sa pamayanang Giao Lac, distritong Giao Thuy, sa lalawigan ng Nam Dinh. Halos sa buong panahong kolonyal, karaniwang gawi ang pangmatagalang gamit sa likas na kayamanan kahit na wala pang mga opisyal na regulasyon hinggil dito. Noong cooperative period (1956-1975), ang mga awtoridad ng distrito ang nangasiwa sa mga bakawan upang pangalagaan ang sentral na dike. Ang mga naninirahan ay hindi na pinahintulutang pumasok sa kagubatan at dito unang lumitaw ang iligal na pangangaso. Ang mga repormang pang-ekonomya ng Doi Moi mula sa dekada otsenta ay nagresulta sa di-pantay na pagkakataong pang-ekonomya at nagpalubha sa pagkasira ng habitat. Ang mga may mapagkukunan ng kapital, may abilidad sa pangangasiwa, at humahawak ng kapangyarihang pulitikal ang higit na nakinabang sa mga likas na kayamanang kaugnay ng bakawan—laluna sa pag-aalaga ng hipon at kabibe. Pinakakaunti ang naging pakinabang ng mga mahihirap na nawalan pa ng karapatan sa mga likas na kayamanang dati na nilang inaasahang pandagdag sa pagsasaka. Sanhi ng Doi Moi, ang mga mag-anak na mababa lamang ang kinikita at yaong mga pinamumunuan ng mga kababaihan ay lubhang namarhinalisa.
Ito ay totoo maging sa konteksto ng isang proyektong pinondohan ng internasyunal na NGO na inasahang tataguyod sa interes ng kalikasan at mahihirap. Nakatulong ang proyektong ito na mapanumbalik ang malalawak na bakawan sa paligid ng mga pamayanan. Subalit sa pagwawakas ng proyektong ito sa 2005, dapat nang simulan ang pagpaplano para sa isang sistema ng pangangasiwa na susulong sa pagkakapantay-pantay panlipunan, produktibidad, at pangmatagalang pagmementina. Ang unang hakbang dito ay ang pagkuha sa aktibong partisipasyon ng mga samahang sosyal at pampaluwagan. Sa kabuuan, iminumungkahi ang isang praktikal na pamamaraan—na ang tatlong istratehiya ng pagsasabansa, pribatisasyon, at pangangasiwang nakabase sa pamayanan ay pagsamahin sa pamayanang Giao Lac: ang mga ahensya ng estado ang mangangasiwa sa sistema ng dike, ang mga mag-anak sa kani-kanilang mga hipunan, at ang buong pamayanan sa pangangalaga sa mga bakawang kinalalagyan ng mga hipunan at sa paligid ng mga ito. (Salin ni Sofia Guillermo)
Le Thi Van Hue
Read the full unabridged article (in English) HERE
Kyoto Review of Southeast Asia. Issue 2 (October 2002). Disaster and Rehabilitation