Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Ng Mga Ugat-Panlipunan At Kapangyarihang Pulitikal Ng Blater (Siga) Sa Madura

Ang simbolikal na imahe ng Madurese ay nakakawing sa karahasan at pananampalataya. Subalit sa katunayan, ang mga salitang ito ay teoretikal na kumakatawan sa magkakaiba, kung hindi magkataliwas, na pakahulugan. Ang mga taong relihiyoso ay nabubuhay nang payak at umiiwas sa masama at marahas na gawain. Kabaligtaran nito, ang mga taong sanay sa karahasan ay karaniwang umiiwas sa asetikong pamumuhay. Gayunpaman, ang katotohanang panlipunan ay naghahain ng masasalimuot na suliranin na hindi palaging umaakma sa mga teoryang normatibo. Sa konteksto ng kultura, ang karahasan at pagiging relihiyoso ay hindi kumikilos sa blangkong espasyo, bagkus ang mga ito ay palaging nakakawing sa mga relasyong pangkapangyarihan at interaksyon ng mga interes sa istrukturang panlipunan (Foucault: 2002).

Ang karahasan at pagiging relihiyoso ay parehong “anak” ng kultura. Batay sa mga konteksto at motibo, ang karahasan ay maaaring iklasipika sa iba’t ibang uri. Halimbawa ang carok, isang marahas na tradisyon para sa pagsasaayos sa mga tunggalian ng mga Madurese. Maaari itong humantong sa mga malubhang pagkasugat o kamatayan para sa mga nasasangkot dito, depende sa silakbo ng damdamin sa pagtatanggol sa amor- propryo at dangal. Ang Madurese ay nagsasagawa ng carok tuwing ang kanilang dangal ay nainsulto o kung nakaramdam sila ng pagkayurak o pananakit. Tuwing ang pakiramdam ng pagkagipit ay humahantong sa kahihiyan (maloh o todus), pinanghahawakan ng Madurese ang carok para ayusin ito. Ang kunteksto nito ay nagpapatunay sa popular na kasabihang Madurese na “ango ‘an pote tolang etembang pote matah,” na literal na nangangahulugang “mas mabuti na ang puting buto kaysa mamuti ang mata” at sa metaporikal: “Ang buhay ay walang saysay kung walang amor- propryo.”

Ang matinding pakiramdam ng kahihiyan na nagiging maloh at nagreresulta sa carok ay madalas may-kinalaman sa mga tensyon kaugnay ng asawang babae. Ang Madurese ay maaaring magalit at magsagawa ng carok kung may gumagambala sa kanyang asawa. Gayundin kung may mabalitaan itong pakikiapid kaugnay ang kanyang asawa at ang lalaki ang magiging target ng kanyang carok. Ang carok ay maaari ring magbunga ng mga mararahas na palitan, laluna sa paghihiganti sa pagpaslang ng kamag-anak. Sa gayon, ang carok ay kinikilala bilang pagtatanggol sa integridad at pagsusumikap na pangalagaan ang sariling pamana. (Wiyata, 2002; 89-159). Sa carok, ang motibo at target ay napakalinaw: ang mga indibidwal ay nasasangkot sa mga mararahas na tunggalian dulot ng pagkasaling sa kanilang amor- propryo.

Ang Madurese na gagawa ng carok sa ngalan ng amor-propryo at dangal ay titingnan bilang matapang (blater). Ang blater ay maaaring tumukoy sa diwang walang-takot, pagiging arogante, at pagiging matapang sa pamamagitan ng marahas na pagsagot sa mga pagkasaling sa sariling dangal. Sa kabilang banda, ang mga pumipili sa “pagpapaubaya” sa usapin ng dangal ay tinitingnan ng lokal na pamayanan bilang walang diwang blater. Maraming kaso ng mga Madurese na dati’y tinitingnan bilang di-blater subalit kinilala rin bilang blater matapos itong magsagawa ng carok, laluna kung ito ay nanalo sa madugong sagupaan. Sa gayon, ang carok ay nakaugnay sa katapangan sa pagwawakas ng alitan sa pamayanan at mahalagang kilos-panlipunan upang palakasin at maipakilala ang katayuan ng isang indibidwal bilang blater.

Gayunpaman, ang pagsagawa ng carok ay hindi ang tanging paraan para makamit ang katayuang blater at marami pang ibang gawing panlipunan kung saan ang isang Madurese ay maaaring maging blater. Ang pagsali sa kerapan sapi (karera ng mga toro), sabong, kriminalidad, at remoh blater—lahat ng mga ito ay kultural na reproduksyon ng blater. 1 Ang naghaharing dinamismo ang lumilikha sa partikular na kultura at pamayanang ito sa Madura, kung kaya’t hindi nakapagtataka na ang isang Madurese na kinikilala bilang blater ay mayroong partikular na pusisyon sa lipunan. Sa kultura, ang isang blater ay tinitingala’t ginagalang at mahirap makakita ng blater na mababa sa paningin ng pamayanan. 2

Ang blater ay maaaring magmula sa anumang pamayanan o uring panlipunan, mula sa mga santri at di-santri. Sa madaling salita, kahit sino ay maaaring maging blater—mula sa kahit anong grupong panlipunan o strata, kabilang ang mga pinakarelihiyoso. Maraming halimbawa ng mga dating santri (mahigpit na Muslim) na, matapos mag-aral sa pesantren (tradisyunal na paaralang Muslim), ay nagiging blater. Ang dating santri na blater ay karaniwang mahusay sa ngaji (pagsambit ng mga berso mula sa Koran) at pagbabasa sa kitab kuning (Dilaw na Aklat, aklat sa sulat Arabo na ginagamit sa pesantren). Karaniwan din ito sa lipunang Madurese, sapagkat sa tradisyong Madurese, ang mga turong panrelihiyon ay bahagi ng pang- araw-araw na buhay, mula pagkabata kung kailan ang lahat ay tinuturuan ng relihiyon sa mga langgar o musolla, surao, moske, at pesantren na nagkalat sa mga munting pamayanan at kabayanan sa buong pulo. Dahil sa kuntekstong ito, ang isang dating-santri na blater ay nakakabuo ng isang pang-kulturang network at tradisyon na maaaring tumuring sa kanya bilang kyai (klerikong Muslim) (Mansoornoor 1990; Bruinessen 1995).

Ang Islam ay may sentral na papel sa lipunang Madurese at maraming ritwal- panlipunan ang palaging nakaugnay sa diwang panrelihiyon at ang kyai ay palaging may nangungunang papel. Ang dinamismong panlipunan ay nagpapalalim sa ugat ng relihiyon sa istrukturang panlipunan at kultural ng pamayanan, kung kaya’t sumasanib ito sa identidad ng Madurese. Ang prosesong ito ay nagtatakda sa Islam bilang bahagi ng dignidad at amor-propryo ng Madurese, kung kaya’t tuwing may kaguluhan o pagyurak na may kaugnayan sa relihiyon, tinitingnan ito bilang pagyurak sa panrelihiyong dangal at identidad ng madurase. Ito ay isang sanhi ng carok.

Ang blater at kyai ay maaaring tingnan bilang “magkakambal na rehimen” na may kakayahan at kapangyarihan sa pagpapalaganap ng diskurso, kultura, tradisyon, at pulitikal na network sa lipunang Madurese. Ang blater, bilang lehitimong tagakontrol at tagahawak ng kapangyarihan sa “makinarya ng karahasan,” ay malimit na may mala-gahum na impluwensya sa lipunan, na ang kapangyarihan ay sumasaklaw sa mga tradisyunal sa gawain tulad ng remoh, sabong, pencak silat (tradisyunal na sining ng pagtanggol sa sarili), pagkarera ng mga toro, at maging sa mga gawaing kriminal at marahas. Gayundin ang kyai na, sa pamamagitan ng kanyang kakayahan na paunlarin at pagyamanin ang diskursong panrelihiyon, ay maaaring makakuha ng hegemonya sa panlipunang pagkilos at kaisipan, at magkaroon ng malaking papel sa pag-unlad ng lipunan. Ang dalawang nagsisiganap na ito ay maaaring magkaroon ng magkataliwas na pananaw at kaisipan, subalit hindi nito naaapektuhan ang kanilang mga pagsusumikap na mapanatili ang di- magkatunggali at nagtutulungang relasyon sa kultura, ekonomya, at pulitika (Rozaki: 2004).

Madura is an Indonesian island off the northeastern coast of Java.

Ang Kasaysayan ng Blater

Sa pagsunod sa istorikal na penomena ng blaterismo, malimit nating makikita na tumutukoy ito sa personaheng siga ng pamayanang rural. Hindi nakapagtataka na ang blaterismo ay nalalapit sa jagoismo sapagkat, tulad ng jagoan, ang blater ay siga sa mga aspetong pisikal at mahikal. Ang blater ay pinaniniwalaang hindi tinatablan ng bala at patalim, may kapangyarihang supernatural, at mahusay magtanggol sa sarili. Ang blater at jagoan ay parehong madaling makakuha ng maraming tagasunod at tapat na tauhan, depende sa kanilang kapangyarihang supernatural at kakayahang ipagtanggol ang sarili. Ang mga engkwentrong marahas ay nagpapatingkad sa kanilang kapangyarihang supernatural at dumadagdag sa kanilang karisma.

Mula pa sa panahong prekolonyal, ang jagoan ay mahalagang instrumento ng hari. Maging ang pag-akyat sa kapangyarihan ng isang hari ay malimit na nakaugnay sa isang jagoan. Para maging hari, ang isang kandidato ay dapat magkaroon muna ng wahyu kedaton (divine revelation) upang magkaroon ng lehitimasya ang kanyang kandidatura. Ang wahyu ay madalas tingnan bilang pinakamatibay na katangian ng jagoan, at ang isang haring makapangyarihan ay malimit na itinuturing bilang superjagoan (Onghokham, 2002; 102). Ang pag-aaral sa kasaysayan ay nagbibigay sa atin ng halimbawa ng paggamit ng mga hari sa mga jagoan sa kanilang paghahangad at pagtatanggol sa kapangyarihan. Madalas banggitin ang mga jagoan bilang asesino o badigard ng hari. Si Alberts, isang nobelistang Olandes, ay sumulat ng isang maikling kwento tungkol sa isang tulisan o jagoan na nabuhay sa lalawigan ng Sumenep Madura noong 1710 na nag-organisa ng maraming tao para agawin ang kapangyarihan ng hari ng Sumenep. Ang plano ay tatalunin niya ang mga tropa ng hari, aagawin ang palasyo, at itatanghal ang kanyang sarili bilang bagong hari, batay sa kanyang pinagmulan sa angkan ni Sedyainingrat, isang dating hari ng Madura (De Jonge 1995). 3 Ang kwentong-bayang ito ay naging bahagi ng epistemolohiya ng kaalaman na patuloy na ipinapalaganap ng pamayanan hanggang sa kasalukuyan.

Ang isa pang kwento ay tungkol kay Ke’Lesap, anak ng haring Madurese na si Cakraningrat III sa isa sa kanyang mga kerida na nakatira sa labas ng palasyo. Sinasabing inorganisa ni Ke’Lesap ang kanyang mga tagasunod at pinamunuan ang isang pagbangon laban sa Kaharian ng Bangkalan. Dahil sa kanyang kahusayan at kaalaman sa istratehiyang pandigma, madali niyang nasakop ang iba’t ibang rehiyon ng Madura, mula Sumenep hanggang Blega, Bangkalan. Subalit nang malapit nang bumagsak ang kaharian, naglaho ang pagbangon nang magsagawa ang hari ng istratehiyang diplomatiko laban kay Ke’Lesap. Nagpadala ang hari ng sugo na nagsabing kung siya ay susuko at makikipagkita sa palasyo, maaari siyang manirahan doon bilang tagapagmana ng hari. Sa kanyang pagdating, si Ke’Lesap ay “tahimik na pinaslang” at sa gayo’y nagwakas ang kanyang rebelyon (Irsyad; 1995).

Nariyan din ang makabayang kwento tungkol kay Sakera, na isa pang alamat sa pamayanang Madurese. Si Sakera ay isa ring dugong-Madureseng jagoan na lumaban sa paghaharing kolonyal ng mga Olandes sa Pasuruan, ang tinatawag na “horseshoe region” sa Silangang Java at kilala para sa pamayanang multi-etniko nito na pinangungunahan ng Madurese. Bagamat nagkakaiba, ang mga pamayanan sa Pasuruan, Probolinggo, Jember, Situbondo, at Banyuwangi ay nagsasalita ng wikang Madurese bukod pa sa wikang Javanes. Si Sakera ay isang blater na hindi yumuko sa mga naghaharing Olandes. Nagpakabihasa siya sa pagtanggol sa sarili at sinasabing hindi siya tinatablan ng mga bala’t patalim ng mga Olandes. Maraming beses na nagtangka ang mga Olandes na supilin ang rebelyon ni Sakera subalit nabigo ang mga ito. Nagtagumpay lamang sila sa pamamagitan ng panlilinlang at nabitag si Sakera sa isang tradisyonal na sayawang kung tawagin ay sandur. Sinabi kay Sakera na maaari lamang siyang magsayaw kung tatanggalin niya ang lahat ng kanyang mga anting- anting. Sa sandaling iyon, sumalakay ang mga tropang Olandes at namatay si Sakera doon mismo. Gaya ng ibang mga kwento, ang kasaysayan ni Sakera ay nananatiling buhay sa lipunang Madurese hanggang sa ngayon. Ipinagmamalaki ng maraming Madurese ang ganitong mga kwento, at makikita rito kung bakit wala silang pag- alangan na humanga sa karahasan at kabayanihan ng blater.

Nararapat ding banggitin dito ang mga tuklas ni Anton Lukas hinggil sa papel ng Madureseng blater na si Kutil sa mga rebelyon sa tatlong rehiyon sa Gitnang Java. Si Kutil ay kilala para sa kanyang kaalamang panrelihiyon, subalit sanay rin siya sa “madilim na buhay” ng kriminalidad. Inilalarawan sa pag-aaral ni Lukas kung paano nailaro ni Kutil ang magkabilang panig, bilang kriminal na may kapangyarihan sa “mundo ng kadiliman” samantalang may mahusay na kamalayang panrelihiyon na nagpakaloob sa kanya ng popularidad bilang kagalang-galang na tao sa “normal” na lipunan. Dahil sa pagiging bukas sa kanya ng normal at madilim na daigdig, kaya ni Kutil na mag-organisa ng mga pagbangon ng mga pamayanan, habang nagpapatuloy sa mga gawain ng lenggong o jagoan. Sa pakikibaka para sa pagtatatag ng republika ng Indonesia, ang matapang na si Kutil ay naging isa sa mga pinuno sa pagwawakas sa paghaharing kolonyal (Lukas 1989: 146-148). Si Kutil ay naging espiritwal na epitomya ng blaterismo at hinahangaan ng buong pamayanan para sa kanyang malakas, matapang, at eleganteng katauhan.

Mula sa perspektibang ekolohikal, ang pagkakaroon ng blater sa pamayanan ay maiuugnay sa isang ekosistemang tuyot at mala-disyerto na hindi mainam para sa pagtatanim ng palay. Ang kalagayang ito ay pinalulubha ng klimang may madalang na pag-ulan na hindi mabuti para sa ani at nagpapahirap sa rural na pamayanan. Sapagkat walang pang-ekonomyang bentahe ang mala-disyertong lupain, ang anumang pagbabago, kabilang ang mabilis na paglaking demograpiko, ay maaaring magbunga ng malulubhang suliraning pang-ekonomya. Ang sitwasyong ito ay malimit na nagtutulak sa mga Madurese na umalis, subalit maging ang migrasyon ay hindi garantiya ng mas maayos na buhay. Ang isa pang opsyon, para sa ilan, ay ang “madilim”—ang pumasok sa mundo ng karahasan at kriminalidad at maging blater upang makaahon sa kahirapan. Ang penomenong ito ay hindi lamang sa mga Madurese nagaganap: napansin din ito ng mga iskolar sa mga lugar tulad ng Latina Amerika (Hobsbawm 1981).

Samakatwid, ang penomenong blater ay hindi lamang hinuhubog ng mga karanasang panrelihiyon ng mga Madurese kundi na rin ng sosyo-ekolohikal na konteksto ng bawat Madurese at ng pamayanan. 4 Ang blaterismo ay malapit na nakaugnay sa mga ispontanyong pagtatangkang mapangibabawan ang mga kalupitan ng buhay na dulot ng kahirapan. Sa pamamagitan ng pagiging blater o bandido, ang Madurese ay nakakahanap ng alternatibong paraan para makaahon sa kahirapan at mapangibabawan ang mga pasanin ng buhay. Ang isang kabataan ay nagiging blater o pumapaloob sa pamayanang blater para maituring na “matapang” (jagoan) sa bayan at magkaroon ng mas mainam na buhay 5 kaysa sa mga pesanteng nabubuhay nang kapos sa mala-disyerto at tuyot na lupain.

Gayunpaman, ang paghihirap ng mga Madurese ay bunga rin ng mga istrukturang pangkapangyarihan na naghahari sa buhay ng mga mamamayan. Ang mga pamayanang Madurese ay matagal na pinagsamantalahan ng tinatawag na “magkakambal na kapangyarihan” ng aristokrasya na nagtamasa ng kapangyarihan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga Olandes at kapitalista. Sa paglaganap ng kapitalismo sa Madura, lumikha ito ng mas maraming benepisyo para sa mga Olandes, kapitalista (na Tsino), at aristokrasya samantalang lalo itong nagpahirap sa mga mamamayang marhinalisado at hindi naiwasan ang pagtaas ng kriminalidad at karahasan (De Jonge 1989b: 76). Nabahala ang mga Olandes sa pangyayaring ito sapagkat nanganganib ang istabilidad ng ekonomya, subalit madalang ang ligal na pagsagot dito, bagkus ay tinapatan ito ng kontra-karahasan, represyon, at paggamit ng tulisan para hulihin ang ibang tulisan. Tiningnan nila ang paraang ito bilang mas epektibo sa kalagayang hirap ang pamahalaang kolonyal na kontrolin ang buong pamayanan. Ang sistemang ito ay tiningnan din na epektibo sapagkat wala namang balak ang mga kolonyalista na magtatag ng mga ahensyang pang-estado para tiyakin ang seguridad at istabilidad ng mga lokal na pamayanan. Ang kapangyarihan ng kolonyalismo, sa gayon, ay naipanatili sa pamamagitan ng suporta ng mga tulisan, mga blater bilang jagoan na kinikilala ng mga lalawigan. 6

Sapagkat hindi sinuportahan ng kolonyal na estado ang pagtatatag ng mga epektibong institusyon para mangasiwa sa batas at hustisya, ang huli ay pinanghawakan ng mga mamamayan ayon sa sarili nilang interpretasyon, at kabilang dito ang pagsagawa ng karahasan na tinitingnan lamang bilang pagtanggol sa sarili. Ang paglutas sa tunggalian sa pamamagitan ng carok, ayon kay De Jonge, ay bunga ng di-pagsagot ng estado sa pampublikong seguridad ng mga Madurese. Dagdag pa, nasanay ang Madurese, sa itinagal ng panahon, na mabigo ang kanilang mga pagtatangka na magtatag ng nagsasariling kaharian, at lalo nitong itinulak ang konsepto ng marahas na sistema ng sariling pamumuno na may minimal o walang anumang papel ang pamahalaan (tingnan ang Kerajaan). Dagdag pa, sa Madura, ang kaharian ay palaging nasa anino ng dominasyong Javanes, mula sa ekspansyong Singosari hanggang sa Mataram (Degraaf at Pigeaud 2001).

Sa panahon ng mga kaharian, ang kapangyarihan ay nakasentro sa hari at kanyang karisma, na sinusuportahan ng mga jagoan. Sa panahong kolonyal, hindi ganap na maipatupad ng estadong Olandes ang batas at kaayusan at napilitan itong tumingin sa mga blater para protektahan ang pormal na kapangyarihan. Ang “modelo” na ito ng relasyon sa pagitan ng blater at aparato ng estado (halimbawa, ang pulisya) ay nanatili mula sa panahong postkolonyal hanggang sa kasalukuyan, kung kailan kabilang sa “modernong patakarang pampamahalaan sa Madura” ang pakikipagkasundo at pakikipagtulungan sa mga blater. 7 Sa madaling salita, ang pagkakaroon ng pamayanang blater ay may mahigpit na kaugnayan sa kahinaan ng institusyonalisasyon at paghahari ng batas.

Ang pagsanib at akomodasyon sa pagitan ng istruktura ng kapangyarihang pang-estado at ang mga marahas na sosyo-kultural na realidad ng pamayanan—na nagpapahintulot sa mga elemento ng pagkabutangero na magluwal sa blater—ay nagbubunga rin ng kakaibang pleksibilidad para maipanatili ang kanilang poder sa iba’t ibang pusisyong kultural at istruktural. Dulot ng laganap na panunulisan sa Madura noong 1980, ipinatupad ng sentral na pamahalaan ang tinawag na operasyong Petrus (misteryosong pamamaslang) na tumarget sa mga blater at tulisan. Ang mga pagpaslang sa ilalim ng Petrus ay kampanyang sinuportahan ng pamahalaang Soeharto para wakasan na ang mga kriminal na laganap sa mga malalaking syudad at lalawigan. Sobra ang pagtugis sa mga blater sa Bangkalan at kabilang sa mga pinaslang si Haji Suud at ang kanyang kapatid. Habang nabubuhay pa, kinontrol ng mga blater na ito ang mga negosyo ng barko sa mga piyer ng Madura-Pontianak, Kanlurang Borneo. Ang katayuan sa lipunan ni Haji Suud ay higit pa sa Polsek (sub- distritong polisya) ng Tempuran, at ni minsan ay hindi siya nadakip o nakulong sa kabila ng mga kasong kriminal laban sa kanya kabilang ang pamamatay-tao. 8

Hindi ganap na napuksa ng patakarang Petrus ang mga network na kriminal sapagkat nagsisimula pa lamang ang pagpaslang sa mga blater nang mabunyag na ang mga nasa kapangyarihan ay may ugnay sa mismong mga target, bilang mga patron at tagakupkop ng mga blater at maton upang mapanatili ang kanilang kapangyarihan, laluna tuwing halalan kung kailan ang mga awtoridad ng New Order ay nangangailangang pasiglahin ang kanilang lehitimasya samantalang inuunahan ang anumang banta sa ritwal na ito. 9 Karaniwan sa Madura ang pagkakaroon ng malapit na relasyon sa pagitan ng mga blater at mga opisyal ng seguridad at ang paggamit sa “kamay na blater” para supilin ang mga sumusuporta sa mga partidong pulitikal na lumalaban sa GOLKAR. Para sa mga blater, ang pakikipag-ugnay sa pamahalaan ay nagbibigay ng proteksyon mula sa mga institusyong ligal, laluna para sa kanilang mga kriminal na gawain. Ang kuntsabahan ng blater at pulis ay lumilitaw hindi lamang tuwing halalan, subalit nagpapatuloy sa mga transaksyong pang-ekonomya at pampulitika. Ang papel ng blater bilang tagapamagitan sa mga kaso ng panunuhol ay lalong naging mahalaga sapagkat ang mga naaaresto sa mga kasong criminal o carok ay nangangailangan ng kanilang tulong. Ang mga gawaing ito ay nagpapatuloy sa kasalukuyang panahon ng reporma.

Sa gayon, ang ugat-panlipunan ng blater at panunulisan sa Madura ay nakaugnay, sa simula pa lamang, sa istrukturang ekolohikal at sosyolohikal na pagkilos ng mga pamayanan para umangkop sa mga nagbabagong kalagayang panlipunan. Sa gitna ng pang-ekonomyang paghihirap kasabay ng pag-unlad ng kapitalismo sa kanayunan, ang mga pamayanang naging saksi sa kawalan ng kapangyarihan ay humantong sa pagnanakaw mula sa mga “mayayaman” at “makapangyarihan” sa ilalim ng pamumuno o tulong ng mga kilabot na jagoan. Kung hindi maaari ang direktang pagtutol, ang mga pamayanan ay humahantong sa di- pagsunod at pagsasagawa ng mga patagong protesta, tulad ng nasaksihan ni James C. Scott. Muli, sa tulong ng mga jagoan.

Ayon kay George Rude (1980), maaari nating iklasipika ang blaterismo batay sa tatlong uri ng krimen: 1) mapag-angkin, 2) panlipunan at para lamang mabuhay, at 3) protesta. Ang klasipikasyong ito ay nakabatay sa mga motibo at ideolohiya ng panunulisan. Sapagkat sa Madura, ang mga kaso ng panunulisan ay maaaring tingnan hindi lamang bilang panlipunang protesta para makaahon sa kahirapan, subalit bilang motibasyon din para sa personal na pagpapayaman.

Ang Kyai-Blater ay naging Rehente

Sa panahon matapos ang reporma, ang pagpapatupad ng desentralisasyong pulitikal at awtonomyang panrehiyon ay nagbigay ng puwang para sa paglitaw ng mga tinatawag na “lokal na hepe” na nagkalat sa mga lalawigan, na nagsamantala sa proseso ng demokratisasyon at “simoy ng pagbabago” kaugnay ng pulitikal na pagbubukas (Harris at Tornquist 2004). Hindi naging eksepsyon dito ang Madura. Noong panahon ng New Order, mahirap makakita ng rehente na nagmula sa kyai o blater, subalit pagsapit ng panahon ng reporma, ang mga humawak sa pusisyong ito sa apat na rehiyon ng Madura (Bangkalan, Sampang, Pamekasan, at Sumenep) ay nagmula sa mga relihiyoso (kyai), militar, at kyai-blater. (Ang huling nabanggit ay mula sa pamayanang santri o kyai at blater.) Halos lahat ng mga pormal na pusisyong pulitikal sa rehiyonal na antas ay hinawakan ng mga tauhang ang kultura ay nakaugat sa pamayanan. Naiba lamang ang distrito ng Sampang, kung saan ang dating pulis na si Fadillas Budiono ay nagpatuloy sa kanyang pamumuno bilang rehente matapos ang reporma nang muli siyang mahalal sa lokal na batasan. Ang kanyang muling pagkakahalal ay kinatampukan ng tunggalian sa pagitan ng batasan at pamayanan, kung kailan nasunog ang tanggapan ng DPRD (rehiyonal na batasan). 10 Sa gitna ng mga tunggaliang ito, maraming partido ang gumamit sa mga blater para magmobilisa ng mga tao.

Sa pagdating ng mas bukas na larangang pulitikal, nagtangka ang mga lokal na pinuno na makakuha ng mga pwestong pulitikal sa rehiyonal na antas. Madali itong nakuha ng mga may kultural at panlipunang kapital at network. Mahigpit na kumpetisyon ang mga blater na nagmula sa mga kriminal at pamayanang may kultura ng karahasan. Dati, ang kapangyarihang pulitikal ng mga blater ay limitado sa mga lalawigan lamang, subalit sa panahon ng reporma ay malaki ang inilawak ng kanilang impluwensyang pulitikal at sa ngayon ay umaabot na ito sa rehiyonal na antas. Mayroong mga dating-blater na ang impluwensya ay lampas sa hangganan ng kani-kanilang bayan, subalit kalimitan ay may kuneksyon ang mga ito sa mga pormal na pinuno ng rehiyon at probinsya na kumokontrol sa mga pusisyong hawak ng militar. Sa kuntekstong ito, may ginampanang papel ang militar sa “process of orbiting” ng mga blater.

Kerapan sapi (Madurese bull race)

Bukod sa pagtulak sa desentralisasyon at awtonomyang rehiyonal, binago rin ng mga repormang pulitikal ang sistema ng pagreklutang pulitikal. Halimbawa, ang eleksyong DPR(D) ay isinasagawa batay sa partidong pulitikal at direktang halalan, at ang mga pusisyon ng tagapangulo, gobernador, at rehente ay pinupuno sa direktang halalan. Lahat ng mga kaganapang pulitikal na ito, para sa mga blater, ay nangahulugan ng oportunidad at kapangyarihang pulitikal upang mapalakas ang kanilang pusisyong pang-ekonomya at pampulitika. Ang mga blater ay maaaring direktang makilahok sa pagpapatakbo ng mga matatagumpay na grupo o indirektang makilahok sa pamamagitan ng kanilang impluwensyang kultural sa pamayanan.

Ang panahon ng reporma ay nagbigay ng mas maraming pulitikal na oportunidad sa mga blater—mula sa mga larangang pangkultura at pang-istruktura, sa lalawigan at lungsod. Matingkad itong inilalarawan ng mga kaganapan sa Bangkalan. Dati, ang pusisyon ng rehente ay hawak ng isang retiradong opisyal ng militar o burukrata, subalit sa panahon ng reporma, marami nang blater ang humawak sa pusisyon. Isang halimbawa si Fuad. Nagmula siya sa isang pamilyang relihiyoso at ang kanyang lolo ay kilalang kyai sa Bangkalan at maging sa Madura, samantalang marami sa kanyang mga kamag-anak ay nagpapatakbo ng mga pesantren at may karismatikong impluwensya sa pamayanan, partido pulitikal, at mga burukrata ng pamahalaan. Gayunpaman, tinitingala rin siya sa pamayanan dahil sa kanyang mga kuneksyong blater. Sa gayon, mayroon siyang pantay na impluwensya sa pamayanang kyai at blater, at nang nahalal siya bilang rehente ng lokal na batasan, ang lokal na bansag sa kanya ay kyai-blater.

Sa Sumenap, si Ramdam Siraj, na tiningnan bilang nagmula sa pamayanang kyai, ay nanalo sa direkatang halalan subalit ang kanyang pagkapanalo ay resulta ng pakikisangkot ng mga lokal na blater. Hindi ito nakapagtataka sapagkat ang mayorya ng mga klebun (pinunong-bayan) ng distrito ng Sumenep ay bukas din sa kulturang blater. Ang klebun ay may istratehikal na pusisyon sa pamayanan bilang nakatatanda at kagalang-galang na kyai. Sa Sumenep, nagtatag ang mga blater ng samahan na tinawag na Selendang Hitam (madilim na alampay) at nagiging kilala ang mga kasapi nito para sa pagsusuot ng odeng (isang uri ng bandana para sa kalalakihan) at hayag na paggamit sa salitang hitam (madilim na kulay) para ipahayag ang kanilang propesyon.

Ang sistemang blater o network ng mga maton ay palatandaan ng pulitikang istratehikal sa panahon ng reporma. Nabubuhay ang mga blater sa di-pormal na sektor, na kabilang na gawain ang pagpapatakbo sa mga operasyon ng usura, pagsisilbi bilang badigard, at iba pang serbisyong panseguridad hanggang sa karahasan, pagnanakaw, at pagsusugal. Aktibo rin sila bilang mga negosyante at nagtitinda ng mga lokal na produkto tulad ng hayop (partikular ang toro), troso, at iba pa. Subalit sa pagkakataong mas maugnay sila sa pormal na larangang pulitikal, nagpiprisinta na ang mga ito bilang klebun. Sa Madura, karamihan sa mga kabayanan ay kontrolado na ngayon ng mga blater, tanda ng lalim ng pagkakaugat sa lipunan, network, at impluwensya ng mga blater sa “kanilang” mamamayan. Sa panahon ng New Order, napakahirap para sa kanila na makaangat sa mataas na antas gaya ng pulitikang panrehiyon. Subalit sa panahon ng reporma, ang pagiging bukas ng kumpetisyong pulitikal ay nagbigay sa kanila ng pagkakataong makakuha ng suporta mula sa pamayanang rural, at sa gayo’y makapasok sa pormal na pulitika mula sa antas pandistrito at maging sa mas mataas pa.

Sa kasalukuyan, nananatili ang impluwensya ng mga blater sa mga negosyo ng karahasan at serbisyong panseguridad at lumawak at nainstitusyonalisa ang kanilang papel sa mga pang-ekonomya at pulitikal na larangan. Sa pagkakagagap sa kanilang mga bagong oportunidad, natuto sila ng mga bagong pamamaraan sa pangangasiwa ng mga proyektong pangkaunlaran na pinopondohan ng mga institusyon at burukrasya. Di-iilang blater ang nagtatag ng mga negosyo at CV (limitadong sosyohan) para makipagkumpetensya sa pagkuha ng kontrata sa mga proyekto para sa pagpapaunlad ng imprastruktura, gaya ng pagpapagawa ng kalsada. At malimit na makuha ng mga CV ng blater ang mga kontrata. Ang ganitong kuntsabahan sa pagitan ng mga blater, pulitiko, at burukrata ay lumilikha ng sistemang simbiotiko. Halimbawa, tuwing may lumilitaw na protesta mula sa mga estudyante, NGO, o kinatawan ng civil society laban sa mga katiwaliang burukratiko, mga blater ang ipinapadala para supilin ang protesta.

Ang organisasyon ng mga blater at pagkakaroon ng kapangyarihan sa mga distrito ng Sampang, Bangkalan at Pamekasan ay hindi pa umaabot sa punto ng institusyonalisasyon at monopolyo. Maging sa distrito ng Sumenep, ang tahanan ng Selendang Hitam, ang kontrol ng blater ay nananatiling arbitraryo at malaki ang pagsandig sa kapangyarihan at personal na impluwensya ng pinuno. Ang kakayahan at kahusayan ng blater sa pag-oorganisa ang nagtatakda rin sa mga proyektong maaaring makuha ng pamayanan. Halimbawa, kung ang impluwensya ng blater ay sumasakop lamang sa iisang bayan, ang mga proyektong makukuha ng pamayanan ay para lamang sa pagpapaunlad ng bayan (na tiyak na mapapasailalim ng kontrol ng blater). Sa mga pagkakataong ang mga proyekto ay lumalampas sa bayan, gagamitin ng mga blater ang kanilang mga kuneksyon para mapalawak ang kanilang impluwensya hanggang sa pambansang antas.

Ipinapakita ng mga kaugaliang panlipunan na ang panahon ng reporma ay nagbigay ng mas malawak na larangan para sa mga blater, at nagtulak sa kanila mula sa “buntot” ng pulitikang pambansa at lokal patungo sa “ulo.” Ang kanilang mga network ay mayroong malawak na saklaw sa pormal na larangang pulitikal, mula sa pulitika ng lansangan hanggang sa mga sentro ng kapangyarihang burukratiko. Maaari na silang humawak ng mga pambansang proyekto at mahusay sila sa paggawa ng mga paraan sa pagkuha ng rekurso. Di nakapagtataka ang paglitaw ng mga tunggalian sa pagitan ng mga grupong blater sa pagkuha ng mga proyektong pang-imprastruktura sa paghigpit ng kumpetisyon para sa pakinabang. Ang mga tunggaliang ito ay hindi pa humahantong sa lantaran at pisikal na karahasan.

Ang sigla ng dinamiko ng pulitikang panlalawigan at panrehiyon ay nasa kamay ngayon ng dalawang pamayanan, ang blater at kyai. Kung ang dalawang pamayanang ito ay pagtutuunan ng pansin ang pamamahala, pagpapahusay ng mga serbisyong pampubliko (edukasyon, kalusugan, pabahay, at iba pa) at pagpapatupad ng awtonomya at desentralisasyong pulitikal, magbubunga ito ng mas mabuting hinaharap para sa mga Madurese. Subalit kung ang mga ito ay hindi interesado sa reporma o kabutihang panlipunan, tiyak na magiging madilim ang kinabukasan ng mga Madurese. Syempre, mayroong ibang mga partido maliban sa dalawang pangunahing grupong ito, gaya ng mga akademiko. 11 Marahil na nandito ang pananggalang sa tuluyang pagdilim ng pulitikang Madurese.

Abdur Rozaki
Lecturer sa State Islamic University of Sunan Kalijaga, Yogyakarta, at Mananaliksik sa Institute for Research and Empowerment (IRE), Yogyakarta.

Kyoto Review of Southeast Asia Issue 11 (December 2009) 

[Salin ni Sofia Guillermo]

PINAGSANGGUNIAN

Abdurrachman. 1971. Sejarah Madura Selayang Pandang. Sumenep: Minerva
Ali Haidar.1994. Nahdaltul Ulama dan Islam di Indonesia: Pendekatan Fiqh dalam Politik. Jakarta: Gramedia.
Baum, Gregory. 1999. Agama dalam Bayang-Bayang Relativisme: Sebuah Analisis Sosiologi Pengetahuan Karl Mannheim tentang Sintesa Kebenaran Historis- Normatif (translation by Murtajib). Yogyakarta: Tiara Wacana.
Berger L, Peter dan Thomas Luckman. 1990. Tafsir Sosial atas Kenyataan: Risalah tentang Sosiologi Pengetahuan (translation by Hasan Basari). Jakarta: LP3ES.
Blok, Anton. 1974. The Mafia of a Sicilian Village 1860-1960: A Study of Violent Peasant Entrepreneurs. Oxford: Basil Blackwell.
Bruinessen, Martin van. 1995. Kitab Kuning: Pesantren dan Tarekat. Mizan: Bandung.
Budiardjo, Meriam (ed.). 1991. Aneka Pemikiran Tentang Kuasa dan Wibawa. Jakarta: Sinar Harapan.
De Jonge, Huub (ed.) 1995. Across Madura Strait. Leiden: KITLV Press.
De Jonge, Huub. 1989a. Agama, Kebudayaan dan Ekonomi. Jakarta: Rajawali Press.
_____. 1989b. Madura Dalam Empat Zaman. Jakarta: Gramedia.
Degraaf, H.J., and Pigeaud. 2001. Kerajaan Islam Pertama di Jawa, Tinjauan Sejarah Politik Abad XV dan XVI. Jakarta: Grafiti.
Femia, J.V., 1987. Gramsci Political Thought: Hegemony, Consciousness and the Revolutionary Process. New York: Oxford University Press.
Foucault, Michel. 2002. Power/Knowledge (translated into Indonesian by Yudi Santosa). Yogyakarta: Bentang.
Gunawan, Ryadi. 1981. Jagoan Dalam Revolusi Kita. Prisma, No.8 (8): 41-50.
Harris, John, and Olle Tornquist (eds.). 2004. Politisasi Demokrasi Politik Lokal Baru. Jakarta: Demos.
Hobsbawm, Eric. 1981. Bandits. New York: Pantheon Books.
Irsyad, M. 1985. Ke’Lesap Lanceng Pocong. Bangkalan.
Kuntowijoyo. 1988. Social Change in an Agrarian Society: Madura 1850-1940. Ph.D. thesis, Colombia University, New York.
_____. 1994. Radikalisasi Petani. Yogyakarta: Bentang.
_____. 2002. Perubahan Sosial Dalam Masyarakat Agraris Madura 1850-1940.Yogyakarta: Mata Bangsa.
Lombard, Denys. 1996. Nusa Jawa: Kajian Sejarah Terpadu, Bagian II: Jaringan Asia. Jakarta: Gramedia.
Lukas E, Anton. 1989. Peristiwa Tiga Darah: Revolusi dalam Revolusi. Jakarta: Grafiti Pers.
Mansoornoor, Iik. 1990. Islam in an Indonesian World: Ulama of Madura. Yogyakarta: Gadjah Mada University Press.
Onghokham. 2002. Dari Soal Priyayi sampai Nyi Blorong, Refleksi Historis Nusantara. Jakarta: Kompas.
Rude,George.1980. Criminal and Victim.Crime and Society in Early Nineteent Century England. Oxford: Clarendon Press.
Rozaki, Abdur. 2004. Menabur Kharisma Menuai Kuasa: Kiprah Kiai dan Blater sebagai Rezim Kembar di Madura. Yogyakarta: Pustaka Marwa Publisher.
_____. 2001a. Demokratisasi di Tingkat Lokal: Kasus Pemilihan Bupati Sampang Madura Tahun 2000—2005. Joint Research Report of Kawula Saras Jember NGO and USAID Jakarta. Limited edition.
Rozaki, Abdur et al. 2001b. Tragedy Demokrasi Lokal: Konflik Pemilihan Bupati Sampang Tahun 2001. Research report in cooperation with Kawula Saras and OTI/DAI-USAID. Jakarta.
Schulte Nordholt, Henk. 2002. Kriminalitas, Modernitas dan Identitas Dalam Sejarah Indonesia. Yogyakarta: Pustaka Pelajar.
Scott, James. 1985. Weapons of the Weak: Everyday Forms of Peasant Resistance, Yale University Press.
Siegel, James. 1998. A New Criminal Type in Jakarta: Counter Revolution Today. Durham: Duke University Press. Published in Indonesian as Penjahat Gaya (Orde) Baru: Eksplorasi Politik dan Kriminalitas, translated by Noor Cholish. Yogyakarta: LKiS, 2000.
Touwen-Bouwsma, Elly. 1989. Kekerasan di Masyarakat Madura. In Agama, Kebudayaan dan Ekonomi, edited by Huub de Jonge, pp. 224-233. Jakarta: Rajawali Press.
Wahid, Abdurrahman. 1988. Pesantren Sebagai Sub Kultur. In Pesantren dan Pembaharuan, edited by Dawam Rahardjo. Jakarta: LP3ES.
Wiyata, A. Latief. 2002. Carok dan Harga Diri Orang Madura. Yogyakarta: LkiS. Zainalfattah.R 1951. Sedjarah Tjaranja Pemerintahan di Daerah-Daerah di
Kepulauan Madura Dengan Hubungannja. Pamekasan: Minerva.

Notes:

  1. Ang Remo Blater ay samahan ng mga butangero na kilala para sa regular na pangingikil. Ang mga ito ay nagsasagawa ng ritwal o kaganapan kung saan ginagawa ang tradisyonal na sayaw ng tandek samantalang may sugalan at inuman.
  2. Sa Madura, mayroong blater rajeh (tumutukoy sa blater na may malawak na impluwensya at kontrol sa lipunan) at blater kene’ (blater na may limitadong impluwensya, kalimitan sa mga kabahayan lamang). Ang blater kene’ ay maaaring ituring na bajingan (kriminal); ang pag-iibang ito ay naglalayong matukoy ang mga di-santri at di-karaniwang mamamayan sa mga blater rajah o blater na nagmula sa kyai/santri.
  3. Si Sedyainingrat ay tulisan sa kaharian ng Sumenep na nabuhay bandang 1710.
  4. Sa pagbagsak ng mga ratoh o mga aristokrata sa huling banda ng ika-19 na dantaon, ang Madura ay pinagharian ng mga pinunong panrelihiyon, ang mga kyai. Ang kumbinasyon ng ekolohiya ng dry rice agriculture at dominanteng diskursong panrelihiyon ay nangahulugan ng malalim na pagkakaugat ng kyai sa pamayanan. Naging malaki ang epekto ng mga institusyong panrelihiyon sa paghubog ng burukrasya at mga institusyong pang-ekonomya. Tingnan ang Kuntowijoyo 1998; 2002; 1994.
  5. Tingnan ang Rozaki 2004 na nagpapaliwanag kung bakit maaaring piliin ang pagiging blater. Kabilang sa mga pangunahing kadahilanan ay ang paghahangad na mapabuti ang kinabukasan at kabuhayan. Ang di-produktibong pagsasaka at kakaunting oportunidad para sa edukasyon ay tumutulak sa marami na maging blater, na nagbibigay rin ng maraming serbisyong pang-aliw tulad ng pagsasabong, remoh, at iba pa. Tinitingnan ng media ang blaterismong ito bilang nakakaantig at ang entertainment media, sa partikular, ay nakikipagkaibigan sa mga ito, sapagkat naghahatid sila ng aliw.
  6. Sa bawat rehiyon, madalas ay may lumilitaw na jagoan, isang malakas na lalaki na maaari ring tukuyin bilang benggolan, weri, o blater. Ang termino ay naiiba sa bawat rehiyon at sa papel na ginagampanan ng taong ito. Tingnan ang Onghokham 2002: 101. Paghambingin ang larawan ni Onghokham sa kay Schulte Nordholt 2002: 34.
  7. Ang pagtutulungan ng mga blater, tulisan, butangero, at mga pinuno ay nagsimula noon pang New Order. Para sa mga paghahambing, tingnan ang mga kahawig na kaugalian sa Sicily ng mga tinatawag na mafioso. Tingnan ang Blok 1974.
  8. Sa ganitong mga kaso, maipapalagay na sinuhulan niya ang mga pulis at opisyal ng korte, at walang naglakas-loob na tumestigo bilang saksi sa mga pagpaslang. Ang sinumang magpakita ng kagustuhang tumestigo ay pinagbantaang papatayin ni Haji Suud at ng kanyang mga tapat na tagasunod. Isinalaysay ito sa akin ng isa niyang dating tapat na tagasunod na nakilala ko sa isang guardhouse sa Tegal Gendu noong Nobyembre 2002.
  9. Tingnan ang pag-amin ng camat (punong warden) ng Tempuran na ang New Order ay sinuportahan ng mga militar, burukrasya, teknokrata , at blater o butangero: “Sa bawat pangkalahatang halalan, ang mga blater ay palaging kabilang sa mga komiteng panghalalan para tiyakin ang pagkapanalo ng Golkar.” Tingnan din ang aking panayam kay Murtajab (25/12/2002), isang blater na regular na kasapi ng komiteng panghalalan na inatasang tumiyak sa seguridad ng Tempuran, maging sa eleksyon ng 1999 kung kailan nahalal siya bilang pinuno ng PAC Golkar ng Tempuran. Hinggil sa Petrus, tingnan ang Siegel 1998.
  10. Rozaki 2001b. Sa simula, ang tunggalian ay bunga ng hidwaan sa pagitan ng PPP (United Development Party) at ng PKB (National Awakening Party) na nagkaroon ng parehong bilang ng mga tagasuporta. Ninomina ng PPP ang isang retiradong opisyal ng Polri (National Indonesian Police) samantalang ang sa PKB naman ay isang retiradong opisyal ng TNI (National Indonesian Military). Ang mga nominasyong ito ay itinulak ng pangangailangan ng network ng mga gagawa ng mga patakarang panseguridad, upang malutasan ng mahahalal na rehente ang laganap na kriminalidad sa distrito ng Sampang na kilala para sa blaterismo.
  11. Ang pagtatatag sa UTM (Trunojoyo Madura University) sa Bangkalan, bilang kaisa-isahang unibersidad ng estado sa Madura ay inaasahang magmomodernisa sa kamalayan ng mamamayan sa pagbubukas nito ng silahis ng pag-asa at simoy ng pagbabago. Sa kasamaang palad, hindi pa rin nawawakasan ng syentipikong papel ng mga kabataang estudyante ang gahum ng kyai at blater.
Exit mobile version