Amir Muhammad
“Perforated Sheets,” isang kolum sa pahayagan
(Butas-butas na papel)
Kuala Lumpur / New Straits Times / 2 September 1998 – 3 February 1999
Sabri Zain
Face Off: A Malaysian Reformasi Diary (1998–99)
(Harapan: Isang talaarawang reformasi sa Malaysia)
Singapore / Options Publications / 2000
Shahnon Ahmad
SHIT@Pukimak@PM (Novel Politik Yang Busuk Lagi Membusukkan)
(SHIT@Pukimak@PM: Isang nobelang pulitikal na mabaho at nagsasabog ng baho)
Kubang Krian, Kelantan, Malaysia / Pustaka Reka / 1999
Mula 1998 hanggang 1999, ang pamahalaan ni Mahathir Mohamed, ang Punong Ministro ng Malaysia, ay niyanig ng isang pag-aalsang kultural bunga ng kanyang pagtanggal sa pusisyon kay Anwar Ibrahin, ang kanyang dating kanang kamay. Ang mga “dahilan” para sa pagbagsak ni Anwar—mga alegasyon ng adultery at sodomy—ay pinagpiyestahan ng mass media na kontrolado ng estado na, dahil dito, ay lumabag sa “social contract” na nagbabawal sa isang pinuno na pahiyain ang pinamumunuan. Maliban pa sa mga pulitikal na manipestasyon nito, namukadkad ang Reformasi bilang isang kultural na pagkilos na nagbunga ng mga sulatin na pumupuna, humahamon, at kumukutya sa rehimeng Mahathir. Ang Reformasi ay kumatawan sa alternatibong pagpapahayag at debateng malaya sa gapos ng sensurang estado. Ang sanaysay na ito ay naghahain ng isang pulitikal na pagbasa sa isang kalipunan ng mga kolum sa pahayagan, isang diary, at isang nobela na naging popular sa mga sirkulo ng mga kumokontra sa pamahalaan.
Si Amir Muhammad ay isang mahusay, bata, at nagsasariling kritiko ng panitikan at pelikula na gumamit ng mapang-uyam na kritisismong pampanitikan upang gumawa ng kuneksyon sa pagitan ng sining at buhay. Nagsulat siya tungkol sa lantarang makaisang-panig na media coverage, totalitaryang pangongontrol ng pamahalaan, pagkamakabayang nag-“amok” at mga witch-hunt na naganap noong ikalabingpitong dantaon. Sa kanyang kolum, ginawang kakatwa ni Amir ang rehimeng nanganganib at sinundot ang karapatan nitong mamuno; sa kabila nito, ang kanyang istilo ng pagsusulat ay nanatiling suwabe at malumanay.
Si Sabri Zain ay nagsulat mula sa mga lansangan, nakilahok sa mga “Reformasi event” at nagpalaganap ng “alternatibong” balita sa pamamagitan ng kanyang online na “Reformasi Diary” noong panahong walang naniniwala sa mainstream media. Itinatala sa kanyang diary ang paghaharap ng mga karaniwang mamamayan, mga walang armas, at payapang demonstrador at ng mga may-batutang riot police na sinusuportahan ng mga water cannon. Isinasalaysay niya ang isang mabilis na pagbabago sa pagtinging panlipunan at pampulitika na humantong sa bagong kamalayan ng pagkakaisa na iniluwal ng paghahangad para sa katarungan.
Ang mabangis na alegorya ng National Laureate na si Shahnon Ahmad ay nakalugar sa bituka ng katawan ng tao kung saan ang dumi ay bumubuo ng isang “shit front” na pinangungunahan ng isang makapangyarihang tumpok, si “PM.” Ang “administrasyong mabaho at lumilikha ng baho” ay namumuno sa isang sipsip na polity ng mga tumatangong “yes shits.” Sa kalagitnaan ng popular na pagkadiri sa mga rebelasyon ng sodomiya, semilya, at pagsasalsal, marahil na ang katarsis ng isang National Laureate ay nag-alok ng kultural na paglaya sa isang pamayanang sinusupil ng aib (hiya).
Pagsusuri ni Khoo Boo Teik sa
Insinalin ni Sofia Guillermo
Read the full unabridged article HERE
Kyoto Review of Southeast Asia. Issue 1 (March 2002). Power and Politics