Dumanas ang ekonomiya ng Thailand ng napakalaking pagkalugi na nagkakahalaga ng 60 bilyon baht noong 2024 dahil sa malaganap na panloloko online, kung saan milyun-milyong mamamayan ang naging biktima ng sopistikadong scam sa pamamagitan ng telepono at ng SMS. Iniulat ng Royal Thai Police (RTP) ang higit 400,000 kaso ng panloloko online sa unang kuwarto ng 2024, na nakadagdag sa pagkalugi na umabot sa tumataginting na $1.89 bilyon.[1] Gayundin, natuklasan ng isang ulat ng 2025 Global Anti-Scam Alliance (GASA) na 72 porsiyento ng mga kalahok sa pag-aaral na Thai na nasa hustong gulang ang nakaranas na pagtangkaang lokohin, kung saan 60 porsiyento ang naloko sa nakaraang 12 buwan at 14 porsyento ang nawalan ng karaniwang halaga na $408 bawat tao.[2]
Sa pag-aalala sa bigat ng mga seryosong pagkaluging ito, inilunsad ni dating Punong Ministro Paetongtarn Shinawatra ang isang malawakang pagsawata sa sentro ng mga scam na kumikilos sa kahabaan ng hangganan ng Thailand at Myanmar sa Probinsya ng Tak. 7,000 katao ang nailigtas mula sa mga iligal na call center na nagsasagawa ng operasyon sa Myanmar, isa sa mga bansang kasama ng Cambodia at Laos na mga ligtas na kanlungan ng mga kriminal na sindikatong nagpapatakbo ng maraming operasyong scam.[3] Kalaunan, nag-ambag din ang mga pagsawata sa pagpapauwi ng higit 80 Indonesian at 94 Tsino.[4] Bumitag ang mga operasyong scam ng libu-libong katao mula pa noong ilang taong nakaraan, na may mga biktima mula sa Taiwan, China, Hong Kong, Macau, at Vietnam at nagtulak ng pagkilos mula sa kani-kanilang mga pamahalan.[5] Gayunman, sa lahat ng mga pagpopostura at domestikong politika ng pagpapatupad ng batas at kaayusan, maliit lamang ang nagawa sa pinakabagong larangan ng di-tradisyunal na mga panganib sa seguridad sa Thailand at paligid na rehiyon. Sinusuri ng maikling artikulong ito ang kalagayan ng di-tradisyunal na seguridad sa konteksyo ng mga panloloko sa online kapwa sa Thailand at lampas sa mga hangganan nito tungo sa mga karatig-bansang Myanmar at Cambodia. Ang pinakamahalagang punto sa ilalahad na pagsusuri ay maraming mga banyaga ang patuloy na mabibiktima ng maliliksing network ng mga kriminal sa kawalan ng mga mayor na pagsasaayos ng pangingibabaw ng batas at pag-unlad ng tradisyunal na seguridad sa mas malawak na Timog-Silangang Asya.
Hindi Walang-saysay ang Paglaban
Nang pumalit si Paetongtarn sa Pheu Thai Party matapos mapatalsik si Srettha Thavisin noong 2024, isa ang paglaban sa cybercrime, panloloko, at transnasyunal na krimen sa sampung prayoridad na patakaran at isa sa mga pundasyon ng adyenda ng pamahalaan.[6] Nang dukutin ang isang Tsinong modelo at aktor sa teritoryo ng Thailand at dalhin sa karatig na Myanmar[7], ang presyur ng natarantang higit 10,000 Tsino[8], na dali-daling nagkansela ng kanilang bakasyon sa Thailand sa Bagong Taon, ay nagtulak para sa panibagong pagrepaso sa patarakan, kabilang ang pagbabalangkas ng mga amyenda sa Cybersecurity Act of 2019[9] ng Thailand at pagpapahusay ng pagmonitor sa mga digital platform at proteksyon ng mga konsyumer sa ilalim ng Kingdom’s Digital Platform Service Law of 2022.[10] Masigasig si Paetongtarn na pahusayin ang komunikasyon sa mga karatig-bansa, pinagtibay ang kooperasyon, at ang isang magkasanib na pangakong haharapin ang panloloko sa online.[11] Para pahupain ang mga tumitinding bagabag at takot sa sariling bansa, mabilis na pinansin ng midya ng estadong Tsino ang pagkakaiba sa bilang ng kaso ng panloloko nang putulin ang daloy ng kuryente sa mga lugar sa Myanmar kung saan naroroon ang mga compound, iniulat na bumaba ang bilang ng kaso ng cybercrime sa Thailand ng 20 porsiyento mula noong Pebrero 5, o sa loob ng may limang linggo.[12] Matapos nito, nagsagawa ang Thailand ng ilang pagbabago sa Royal Decree on Measures for the Prevention and Suppression of Technology Crimes, na may dagdag na obligasyon sa mga bangko at mga kasong kriminal para sa maling paggamit ng personal na datos. Sinubukan rin nitong lumikha ng kompensasyon para sa mga biktima.[13]
Gayunman, maliit ang pag-asa na masusugpo ng mga lehislatibong pagsisikap na ito ang lubha ng problema. Kalimitang walang pangalan at walang mukha ang mga salarin na mga kasapi ng mga kriminal na negosyong hindi kayang abutin ng batas. Kumikilos pa rin ang mga kriminal na grupo sa pinakamagulong rehiyon ng Myanmar sa Myawaddy, sa kabila ng pagsawata sa maagang bahagi ng 2025. Natuklasan ng ulat ng UN Office of the High Commissioner on Human Rights (OHCHR) noong 2023 na ang hindi bababa sa 120,000 katao na biktima ng trafficking sa buong Myanmar at 100,000 katao sa Cambodia ay maaaring ipinipiit at pinipilit na magpatakbo ng mga mga kumikitang panloloko sa online.[14] Sa panahong iyon, tinataya ni MP Rangsiman Rome ng People’s Party na nasa 300,000 ang bilang ng mga scammer sa Myanmar, na nagtatrabaho sa 40 pangunahing mga compound.[15] Nagiging mas karaniwan ang pagsasamantala kaysa pag-usig dahil sa magkahalong katangian ng mga negosyong scam, kungsaan ginagawa ng mga kriminal na sindikato ang trafficking o pang-aakit ng mga banyaga sa pamamagitan ng huwad na pangako ng trabahong may magandang kita sa rehiyon. Sa pagsalakay dito ng mga awtoridad, marami sa mga tao ang kumbinsidong patungo sila sa trabahong kaugnay ng information technology (IT), engineering, customer service at marami sa mga scam ay komplikadong haluan ng panloloko kaugnay ng cryptocurrency, panloloko sa pagbebenta sa social media, at maraming porma ng panloloko sa WhatsApp, Instagram at Facebook.[16] Isang tala mula sa artikulo sa Guardian (UK) ang nagdokumento sa karanasan ng isang 26 na taong gulang na lalaking Kenyan na naglakbay mula Nairobi patungong Bangkok para sa trabahong kaugnay ng customer service, nangutang sa mga kaibigan upang makabayad ng recruitment fee na higit $1,500, subalit bumagsak sa isang nakakulong na compound sa Myanmar, at sinamsam ng milisya ang kanyang pasaporte.[17] Nagpapatung-patong ang suliranin ng Thailand kaugnay ng mga scam dahil sa kilalang mahinang seguridad sa mga hangganan nito at tiwaling pagpapatupad ng batas. Kung ikokonsidera ang kalagayan ng Cambodia, kung saan palagiang sumisiklab ang mga labanan, hindi lamang halos imposible ang magkatuwang na kooperasyon kundi nagiging pansuhay pa sa sentimyentong makabayan. Alam ng marami na may kaugnayan ang mga elit ng Cambodia sa mga iligal na operasyon sa iba’t ibang sektor, na halata sa mga koordinadong aktibidad sa pagitan ng mga kilalang personalidad sa pulitika at ekonomiya sa Tsina, kung saan naiugnay ang ilan sa mga operasyong scam.[18] Samantalang nasa lubhang mas masamang kalagayan ang Myanmar dahil sa pagguho ng pangingibabaw ng batas, lalo pang pinahina ng mga welga at pagpanig sa mga lumalabang grupo ang kung anumang natitirang pagpapatupad ng batas.[19] Kung kaya, sa kahuli-hulihan, ang susi sa paglaban sa krisis ng scam sa Thailand ay nakabatay sa mas nakikipagtulungang dulog.
Ang Kawalan ng Rehiyunal na Dulog
Nagbunsod din ng alarma sa UN noong Marso 2025 ang hindi mabisang pagsugpo ng awtoridad ng Thailand sa human trafficking at epidemyang scam, kung saaan tinanong ng mga Special Rapporteur ng Contemporary Forms of Slavery at ng Trafficking in Persons na sina Tomoya Obokata at Siobhán Mullally ang pamahalaang Thai hinggil sa mga detalye ng mga usapin tulad ng mga hakbanging bilateral o multilateral upang pigilan at tugunan ang human trafficking, pagkilala sa mga biktima, pagsasanay ng mga konsulado, suporta sa pagpapauwi, rehiyunal na tugon at proteksyon ng publiko.[20] Hindi lamang Thailand ang nakatanggap ng ganitong mga liham dahil kasama ang Cambodia at Myanmar sa walong bansa na pinadalhan ng mga liham. Ang isang usapin, ang mga hakbanging bilateral and multilateral, ay palatandaan kung gaano kahirap resolbahin ang suliranin nang walang dulog na sumasaklaw sa buong rehiyon. Halimbawa, may dalawang gumaganang mekanismo ang ASEAN, ang Framework on Personal Data Protection at ang Framework on Digital Data Governance, na naitatag noong 2016 at 2018. Gayunman, walang proteksyon ng personal na datos mula sa isang bansa patungo sa isa pa.
Sa paghahambing, ang Denmark ang may ilan sa pinakamatatag na batas para sa proteksyon ng personal na datos sa buong mundo, kung saan ipinasa nito noong Hunyo 2025 ang isang batas na nagbago sa mga batas sa karapatang-sipi upang matiyak na may karapatan ang lahat ng mamamayan sa sarili nilang katawan, kasama ang mga katangian ng mukha at boses.[21] Layunin nitong magpasimula ng pamantayan sa Europa para umangkop sa posibilidad ng karagdagang panlilinlang at panloloko na malilikha sa pamamagitan ng mga deepfake na gawa ng AI, na mga makatotohanang representasyong digital ng isang tao, kasama ang kanilang kaanyuan at boses. Sa mga bansang ASEAN, halimbawa, iba-iba ang antas ng kalidad. Sa huling edisyon ng Thailand, ayon sa Personal Data Protection Committee (PDPC), nagpapataw ng mahigpit na kaparusahan para sa mga paglabag sa mga datos ng indibidwal para sa kriminal na gawain ng hanggang isang taong pagkabilanggo o multang 100,000 baht.[22] Nangunguna ang Singapore sa hanayan ng siyam na bansa sa ASEAN na may mas sulong na mga proteksyon at umuusbong na tulungan sa European Union (EU) para pahusayin ang proteksyon ng datos, laluna para sa mga bata dahil nagpapahalaga ang dalawang panig sa kapalit na mga benepisyo nito sa ekonomiya, na pinatutunayan ng pagkakahanay ng Singapore bilang ikalima sa pinakamalaking kasosyo ng EU sa pagbibigay ng serbisyo.[23]
Gayunman, limitado ang epekto ng pinakamahuhusay na praktika sa loob ng ASEAN dahil sa kawalan ng sinseridad sa rehiyunal na kooperasyon. Noong kalagitnaan lamang ng Setyembre 2025 naabot ang pambihirang tagumpay sa pagbabahaginan ng impormasyon, matapos ang 10-oras na negosasyon sa Cambodia sa Probinsya ng Sa Kaeo, na matatagpuan sa kanilang pinagsasaluhang hangganan.[24] Dumalaw sa Sa Kaeo si Paetongtarn noong Hunyo dahil nagdulot ng alalahanin ang gawaing scam sa kalapit na Poi Pet.[25] Samantalang naging mabilis kapwa ang Thailand at Cambodia sa pagtataguyod ng pagsawata sa kahabaan ng kanilang mga hangganan, karaniwang kaganapan sa Phnom Penh ang “palabas na pagsawata,” na sa esensya ay nagtatakip at sumusuporta sa industriya ng human trafficking at organisadong cybercrime[26], kung saan maaaring nakalilikha ng kita na lampas sa $19 bilyon kada taon o hanggang 60 porsiyento ng GDP ng Cambodia, batay sa pahiwatig ng ilang pagtataya.[27]
Suwerte sa Porma ng Pagkabalam
Samantalang maaaring mapabagal ng pakikipaglaban sa Cambodia at ng nagbabagong kalagayan sa Myanmar ang pag-usad ng pagsawata sa krisis ng scam, maaaring nakadilihensya ng kaunting pahinga ang Thailand, dahil nabalam ng pampolitikang instabilidad, na ipinakita ng pagpapalit kapwa ng Gabinete at Punong Ministro, ang mga pagsisikap para magtayo ng mga integrated resort, na walang iba kundi ligalisadong palaruan ng casino. Sa paglilipat ng kapangyarihan kay bagong PM Anutin Charnvirakul, mukhang nagambala ang batas sa casino na itinulak ng dating namumunong Pheu Thai Party (PTP) upang pataasin ang paglago ng ekonomiya at palakasin ang “malambot na kapangyarihan” ng Thailand.[28] Sinisi ng pinuno ng Bhumjaithai noong Hunyo 2025 ang batas sa casino ni Paetongtarn’s bilang dahilan ng pagbaba ng bilang ng mga pumapasok na Tsino para sa turismo, nagbabala na maaaring magresulta ang populistang patakaran ng mga konsikwensiya mula sa Pangulo ng Tsina na si Xi Jinping.[29] Sa kanyang pamumuna, ipinahiwatig ni Anutin na ang pangunahing nakikinabang rito ay ang mga Tsino na sangkot sa mga “grey business” at ang mga elit sa pulitika na may malapit na ugnayan sa pamahalaan.[30]
Samantalang may bahid ng pulitika, may hibo ng katotohanan sa argumentong ito, dahil sa pagdagsa ng “grey” na kapital, kung saan humahalo ang ligal na negosyo sa mga institusyon ng estado para mabuo ang isang hanayang parasitiko at kleptokratiko. Gaya nang nabanggit sa itaas hinggil sa Cambodia, humarap ang Thailand sa sarili nitong suliranin, na ipinakikita ng kaso ni Chaiyuth Chirawatworakul o “Tu Hao” noong 2022, bagaman iniatras ang mga kaso ng money laundering at mga paglabag kaugnay ng droga hinggil sa kanya.[31] Noong Pebrero 2025, dalawang heneral ng Royal Thai Police (RTP) ang inilipat ng destino (bagaman hindi inusig) dahil sa kanilang ugnayan sa mga casino at “grey business” sa Myanmar, sina Police Maj. Gen. Aekkarat Intasueb, Komander ng Inspection Division, at Pol Maj. Gen. Samrith Emkamol, Komander ng Pulisya sa Probinsya ng Tak.[32]
Mas mahalaga, sa kasalukuyan, walang kinakailangang institusyunal na lakas at kasarinlan ang Thailand para harapin ang mga potensyal na paglabag kaugnay ng pagkakaroon ng malalaking casino, isang tungkuling nahirapang gawin ng Singapore, na siyang sinubok na kapwa gayahin at kompetensiyahin ng Thailand, sa pagsawata sa money laundering, na pinatutunayan ng isang kasong kriminal noong Agosto 2023 kaugnay ng operasyon ng scam na may ugnayan sa offshore gaming sa Pilipinas.[33] Nakakaakit din ng kriminalidad ang pagkakaroon ng mga integrated resort, kabilang ang mga casino, na ipinakikita ng maraming lugar sa Timog-Silangang Asya, Silangang Asya, at sa Estados Unidos. Sa pagtigil ng lehislasyon sa ilalim ni Anutin, nasa pinakamainam na interes ng Thailand ang pagkakaroon ng oportunidad na itulad ang mga institusyon sa mga pinakamahuhusay na praktika ng ASEAN at iba pang rehiyunal na katuwang tulad ng EU.
Konklusyon
Nananatili ang bunerabilidad ng Thailand sa mga scam, na patuloy na gumagambala sa buhay ng mga mamamayang Thai (anuman ang katayuang pang-ekonomiko), sa kabila ng malalaki at hayagang mga pagsisikap para sawatahin ito. Tulad ng una nang nabanggit, patuloy na susubukin ng nagtatagal na labanan sa Cambodia, na kumitil na ng maraming buhay sa kanilang mga pinagsasaluhang hangganan, kung hanggang saan ang kanilang komitment para resolbahin ang kasinghirap na usaping ito para sa kani-kanilang populasyon. Gaya ng Thailand, ipinangalandakan ng Cambodia ang sarili nilang mga tagumpay, tulad ng crackdown noong Hulyo 2025 kung saan sinabi ng bagong-tatag na Committee to Combat Internet Fraud na nawasak ang 58 sentro ng panloloko at naaresto ang higit 3,000 suspek—karamihan ay mula sa ibang panig ng Timog-Silangang Asya—kabilang ang 693 Vietnamese, 366 Indonesian, at 82 Thai. Bahagya lamang natugunan ng mga crackdown na ito, na bahagi ng pagpapanatili ng lehitimasyon sa harap ng publiko sa gitna ng kalagayang lumalala ang kriminalidad, ang posible at malamang na mas malaking problema sa rehiyon na kulang sa regulasyon at batbat ng sistemikong korapsyon.
Mark S. Cogan
Si Mark S. Cogan ay Associate Professor ng Peace and Conflict Studies sa Kansai Gaidai University
Notes –
[1] “Online Fraud Cost Thailand 60 Billion Baht in 2024, Report Reveals.” (2025, April 2). The Nation. https://www.nationthailand.com/news/general/40048240.
[2] “Thailand Faces ₿115.3B Scam Crisis – GASA 2025 Report.” (2025, August 5). Global Anti-Scam Alliance. https://www.gasa.org/post/thailand-faces-unprecedented-scam-crisis-with-thb-115-3-billion-lost-annually.
[3] Goldstein, L. (2025, February 19). “Thousands rescued from illegal scam compounds in Myanmar as Thailand launches huge crackdown.” The Guardian. https://www.theguardian.com/world/2025/feb/19/myanmar-scam-call-centre-compound-rescues-thailand-crackdown.
[4] Myanmar Transfers 94 Chinese Scammers to China via Thailand. (2025, August 20). https://www.khaosodenglish.com/news/2025/08/20/myanmar-transfers-94-chinese-scammers-to-china-via-thailand/
[5] Davidson, H., & Lin, C. (2022, August 23). “Hundreds of Taiwanese trafficked to Cambodia and held captive by telecom scam gangs.” The Guardian. https://www.theguardian.com/world/2022/aug/23/hundreds-of-taiwanese-trafficked-to-cambodia-and-held-captive-by-telecom-scam-gangs.
[6] Policy Statement of the Council of Ministers, Delivered by Prime Minister Paetongtarn Shinawatra to the National Assembly, September 14, 2024.
[7] “Thai Police to Return 10 Chinese Suspects Linked to Actor’s Abduction.” (2025, February 14). Reuters. https://www.reuters.com/world/asia-pacific/thai-police-return-10-chinese-suspects-linked-actors-abduction-2025-02-14/.
[8] Rungjirajittranon, M., & Lai, S. (2025, January 29). “Chinese Tourists Fear Kidnappings by Scam Centres in Thailand.” Hong Kong Free Press HKFP. https://hongkongfp.com/2025/01/29/chinese-tourists-fear-kidnappings-by-scam-centres-in-thailand/.
[9] “Thailand Releases Draft Cybersecurity Law Amendments for Public Consultation.” (2025, August 1). MLex. https://www.mlex.com/mlex/articles/2372091/thailand-releases-draft-cybersecurity-law-amendments-for-public-consultation.
[10] “Thailand Ramps up Crackdown on Online Fraud, Targeting Digital Platforms and Consumer Protection.” (2025, July 19). The Nation. https://www.nationthailand.com/news/policy/40052759.
[11] “China, Myanmar, Thailand Reaffirm Commitment to Combat Transnational Telecom Fraud.” (2025, March 3). Xinhua. https://english.news.cn/20250303/097fe97bc8c8400799565ebada41a416/c.html.
[12] “Thailand Sees Notable Decline in Cybercrime Cases after Intensified Crackdown.” (2025, March 18). Xinhua. https://english.news.cn/20250318/b500278a8bdf4415ac01695aded80214/c.html.
[13] The Royal Decree on Measures for Prevention and Suppression of Technology Crimes B.E. 2566 (2023) and the Draft Cyber Security Maintenance Act. (2025, June 4). University of Phayao. https://www.up.ac.th/NewsRead.aspx?itemID=34578.
[14] “Hundreds Of Thousands Trafficked to Work as Online Scammers in SE Asia, Says UN Report.” (2023, August 29). OHCHR. https://www.ohchr.org/en/press-releases/2023/08/hundreds-thousands-trafficked-work-online-scammers-se-asia-says-un-report.
[15] Duangdee, V. (2025, February 1). “Myanmar Scam Operations Move South along Thai Border.” Voice of America. https://www.voanews.com/a/myanmar-scam-operations-move-south-along-thai-border/7959295.html.
[16] Beech, H. (2025, February 27). “On a Lawless Tropical Border, the Global Scam Industry Thrives.” The New York Times. https://www.nytimes.com/2025/02/27/world/asia/scam-centers-myanmar-thailand-china.html.
[17] Kelliher, F., & Mureithi, C. (2025, September 9). “‘I Broke Completely’: How Jobseekers from Africa are Being Tricked into Slavery in Asia’s Cyberscam Compounds.” The Guardian. https://www.theguardian.com/global-development/2025/sep/09/cyberslavery-kenya-uganda-ethiopia-southeast-asia-myanmar-scam-centres.
[18] Loughlin, N. (2024, September 13). “Crime Meets Embedded Corruption in Cambodia.“ Global China Pulse. https://globalchinapulse.net/transnational-crime-meets-embedded-corruption-in-cambodia/.
[19] “Myanmar Junta Set to Axe Police Units Because of Shortage of Officers.” (2022, March 4). The Irrawaddy. https://www.irrawaddy.com/news/burma/myanmar-junta-set-to-axe-police-units-because-of-shortage-of-officers.html.
[20] “UN Demands Answers from Thailand over Human Trafficking Scams.” (2025, June 23). The Nation. https://www.nationthailand.com/news/asean/40051619.
[21] Bryant, M. (2025, June 27). “Denmark to Tackle Deepfakes by Giving People Copyright to their own Features.” The Guardian. https://www.theguardian.com/technology/2025/jun/27/deepfakes-denmark-copyright-law-artificial-intelligence.
[22] “New Law Targets Data Thieves.” (2025, April 21). Bangkok Post. https://www.bangkokpost.com/thailand/general/3007832/new-law-targets-data-thieves.
[23] Yau, J. (2025, March 5). Singapore, EU to Strengthen Bilateral Cooperation for Personal Data Protection.” GovInsider. https://govinsider.asia/intl-en/article/singapore-eu-to-strengthen-bilateral-cooperation-for-personal-data-protection.
[24] “Cambodia Pledges Anti-Scammer Cooperation with Thailand After 10-Hour Talks.” (2025, September 16). Khaosod English. https://www.khaosodenglish.com/news/2025/09/16/cambodia-pledges-anti-scammer-cooperation-with-thailand-after-10-hour-talks/.
[25] “PM to Visit Sa Kaeo to Intensify Crackdown on Poi Pet Online Scams.” (2025, June 25). The Nation. https://www.nationthailand.com/news/asean/40051733.
[26] Sims, J. (2025). “Policies and Patterns: State-Abetted Transnational Crime in Cambodia as a Global Security Threat.” Humanity Research Consultancy, p. 38.
[27] Sriyai, S. (2025). “Borderland Scam Centres and Cyber Threats: Policy Considerations for Thailand.” ISEAS Perspective, Vol.60. https://www.iseas.edu.sg/wp-content/uploads/2025/07/ISEAS_Perspective_2025_60.pdf.
[28] Cogan, M. S. (2024, January 19). “The Self-Defeating Nature of Thailand’s ‘Soft Power’ Push.” The Diplomat. https://thediplomat.com/2024/02/the-self-defeating-nature-of-thailands-soft-power-push/.
[29] “Anutin Blames Casino Legalisation Plan for Decline in Chinese Tourist Arrivals.” (2025, July 9). The Nation. https://www.nationthailand.com/news/politics/40052341.
[30] Ibid.
[31] Ngamkham, W. (2025, February 11). “‘Tuhao’ Acquitted of Money-Laundering and Drug Charges.” Bangkok Post. https://www.bangkokpost.com/thailand/general/2958981/tuhao-acquitted-of-money-laundering-and-drug-charges.
[32] “2 Police Generals Transferred for Alleged Links to Grey Businesses in Myanmar.” (2025, February 12). Thai PBS World. https://world.thaipbs.or.th/detail/2-police-generals-transferred-for-alleged-links-to-grey-businesses-in-myanmar/56503.
[33] Lindenberg, S. (2025, July 7). “Singapore Issues S$27.5m Penalty over Gambling-Linked AML Lapses.” NEXT.Io. https://next.io/news/regulation/singapore-issues-27m-penalty-gambling-aml-lapses/.

