Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Maramihang Muling-Migrasyon Bilang Isang Di-Tradisyunal na Banta sa Cambodia

July, 2025, thousands of migrant workers passed through the Ban Laem border checkpoint to return to Cambodia from Thailand. Photo: Raywatta chitthipaisan, Shutterstock

Sa kalagitnaan ng Hunyo, habang tumitindi ang tensiyon sa pagitan ng Cambodia at Thailand sa isang matagalang digmaan kaugnay ng hangganan, hinimok ni Hun Sen, tumatayong pinuno ng Cambodia, ang mga nagsilikas na Cambodian na “bumalik sa ating bayan bago [sila] sapilitang palayasin.” Malamang na lampas sa inaasahan ang lawak ng naging tugon. Noong Agosto 11—labing-walong araw matapos pumutok ang labanan sa pagitan ng mga militar ng dalawang bansa—tinatayang 920,000 na Cambodian ang tumawid pabalik sa hangganan mula sa Thailand. Bago ang labanan, nasa siyam na milyong katao ang hukbong paggawa ng Cambodia, ibig sabihin, bumubuo sa halos isang ikasampu ng hukbong paggawa (ILO, 2022) ang nagsibalik na nasa hustong gulang. Nananatiling hindi tiyak ang eksaktong bilang dahil marami ang nagtatrabaho sa Thailand nang walang ligal na katayuan o sapat na dokumentasyon.

Gaya noong panahon ng pandemyang COVID-19, kumilos ang pamahalaang Cambodian para salubungin ang dagsa ng mga nagsisibalik na migrante sa pamamagitan ng mga iskema para lumikha ng trabaho at ilang tulong pinansyal. Pagsapit ng Setyembre 10, humigit-kumulang 220,000 sa nagsibalik ang nagkaroon ng trabaho, higit kalahati nito ay sa pamamagitan ng mga programang itinaguyod ng pamahalaan (Khmer Times, 2025). Gayunman, napupuno ang social media ng mga reklamo hinggil sa hindi pagtanggap sa kanila ng mga nage-empleyo, at lumalaki ang takot na umaabot sa mapaminsalang antas ang pagkakautang ng mga sambayahan—na umaabot na sa higit 100 porsyento ng GDP bago pa pumutok ang hidwaan (NBC, 2024) — dahil sa kawalan ng trabaho at pagkawala ng remitans. May ilang pag-aalala na maaaring isapanganib nito ang pampinansyang sektor mismo. Batay sa pagtataya ng pamahalaan, hanggang kalahati lamang ng mga nagsibalik ang magkakaroon ng trabaho, at walang katiyakan kung bubuksang muli ng Thailand ang kanyang pamilihan ng paggawa kapag humupa ang tensiyon.

Malaon nang sinusuri ng mga pag-aaral hinggil sa di-tradisyunal na seguridad ang mga panganib na kaakibat ng maramihang migrasyon palabas at papasok sa isang bansa. Mas kaunti ang atensiyon na naiuukol sa malakihang pabalik na migrasyon— o “maramihang muling-migrasyon”— at sa potensyal na kakahayan nitong pahinain ang mga bansang pinanggalingan.[1] Sa ulat ng Security Outlook ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) noong 2015 at 2021, itinala ang “iligal na migrasyon” bilang isang di-tradisyunal na banta sa seguridad, subalit hindi ang muling-migrasyon, sa kabila ng nananatiling mataas na pagdagsa ng manggagawa sa buong rehiyon. May ilang istorikal na karanasan ang Cambodia rito nang tanggapin nito ang daan-daang libong refugee mula sa mga kampo sa Thailand noong mga dekada 1980 at 1990. Gayunman, talagang naiiba ngayon ang bilis nito at ang konteksto ng pamilihan ng paggawa.

Noong 2024, inihayag ng Phnom Penh na may 1.3 milyon na Cambodian ang nagtatrabaho sa ibayong dagat, kung saan 1.2 milyon ang nasa Thailand (Khmer Times, 2024). Ayon sa isang pagtataya, bumubuo sa 9 na porsiyento ng ekonomiya ng Cambodia ang mga remitans, katulad sa Pilipinas at di-hamak na mas malaki kumpara sa iba pang mga bansa sa Timog-Silangang Asya (ESCAP, 2024). Tinataya ng World Bank na bumuo ang personal na remitans sa 6.1 porsiyento ng GDP noong nakaraang taon, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang $2.8 bilyon (World Bank Open Data). Samantala, tinaya ng isang pag-aaral ng Yuanta Securities (2025) na nagpapadala pauwi ang mga manggagawang Cambodian na nagtatrabaho sa Thailand ng nasa $1.5 bilyon bawat taon, na katumbas ng nasa 2 porsiyento ng GDP ng bansa. Sa pagtataya ng bangko, kung 20 porsiyento ng mga nagsiuwi ang nakakuha ng trabaho sa sariling bayan, mapupunan ng produktibidad at pagtaas ng konsumpsyon ang nawalang remitans; makalilikha naman ng $7.2 bilyon ang lubos na pagkakaroon ng trabaho ng lahat.

Protest in support of Cambodia at the Parliament of South Australia, 14 December 2025. Wikipedia Commons

Gayunman, tulad ng karamihan ng iba pang mga tradisyunal at di-tradisyunal na banta sa seguridad, mas mababa ang mga panganib sa kabuuan kumpara sa mga sukdulang kalagayan. Nasa 30 porsiyento ng mga nagsibalik ang itinuring nang mahihirap, at maaari pang tumaas ito sa kalahati kung hindi matutupad ang pagkakaroon ng trabaho (CDRI, 2025). Natuklasan ng isang sarbey noong 2020 na karamihan sa mga nagsiuwing Cambodian mula sa Thailand ang lubhang bumagsak ang mga kita, kungsaan halos sangkatlo ang nagsabing bumaba ang kanilang kita nang hindi bababa sa 40 porsiyento (IOM, 2020). Pagsapit ng Setyembre 10, iniulat ng Ministry of Labor na tinatayang 220,000 na nagsibalik ang nakakuha ng pormal na empleyo, habang ilampung libo ang nagkatrabaho sa impormal na sektor. Ngayong may dagdag na 90,000 bakanteng trabaho, ipinahihiwatig ng mga datos na hanggang higit kalahati lamang ng mga nagsibalik ang malamang na makakuha ng trabaho sa pinakamainam na kalagayan (Khmer Times, 2025).

Hinahadlangan ng ilang istruktural na salik ang pagkakaroon ng trabaho. Karamihan sa mga migrante ang nagmula sa mga probinsya sa kanlurang hangganan ng Cambodia, samantalang nakabuhos ang mga oportunidad sa trabaho sa silangan ng bansa, malapit sa Phnom Penh, ang punong lungsod (CDRI, 2025). Samantala, ipinakikita rin ng mga pag-aaral na mas pinipili ng mga nagsibalik na manatili malapit sa kanilang mga probinsya. (Hatsukano, 2019, p. 68). Kasunod nito, kalimitang kinakaharap ng mga nagsibalik ang isang problema: ang manatili sa kanilang mga baryo kung saan naroroon ang mga kaanak at kakilala, at mga batayang pangangailangan bagaman kakaunti ang pormal na trabaho, o lumipat sa ibang lugar kung saan mas malaki ang pag-asang magkatrabaho subalit mas mahina ang mga pananggalang at mas malaki ang gastos sa paglipat. Limitado rin ang nagkakaroon ng permanenteng trabaho: mga manggagawa sa konstruksyon lamang ang kalimitang nakapagpapanatili ng kanilang hanapbuhay, habang hindi magamit ng karamihan sa sariling bayan ang mga kakayahang nakuha nila mula sa Thailand (Hatsukano, 2019, pp. 66–67). Partikular na malubha ito sa kalagayang karamihan sa mga Cambodian na nagtrabaho sa Thailand ay nagtrabaho sa konstruksyon at agrikultura, dalawang sektor na hirap pa ring makabangon matapos ang pandemya. Pinalalala pa ito ng katunayang makaisang-panig na ekonomiyang rural lamang ang natutustusan ng remitans. Isang malaking hadlang din ang usapin ng edad. Higit sa sangkapat ng mga nagsibalik ay nasa edad na 45 taong gulang o higit pa, na naglilimita sa paglahok nila sa mga mabibigat na trabahong pisikal tulad ng sa mga pagmamanupaktura ng damit, na siyang pinakamalaking taga-empleyo sa Cambodia sa pormal na sektor. Ipinahihiwatig ng mga naiulat na kwento na maraming nagsibalik ang tinatanggihan sa mga pabrika ng damit dahil sa kanilang edad.

Ang pagkakautang ng sambahayan ang siyang pinakamalubhang panganib. Nasa sangkatlo na ng mga sambahayang may miyembrong migrante ang may karaniwang pagkakautang na $5,000, marami ang nahihirapang makabayad (CDRI, 2025). Nasa 124 porsiyento ang proporsiyon ng pagkakautang ng Cambodia sa GDP nito noong 2024 (NBC, 2024) na isa sa pinakamataas sa buong daigdig. Inaasahan pang lalalim ang kagipitan dahil sa mga gastos sa muling-migrasyon, kasabay ang pagkawala ng mga kita. Bagaman hinimok ni Punong Ministro Hun Manet ang mga nagpapautang na ireistruktura ang mga pautang, tumaas na ang mga hindi nababayarang pautang sa 7.9 porsiyento sa mga bangko at 9 porsiyento sa microfinance sa katapusan ng 2024, na malaki ang naging pagtaas kumpara sa mga nakaraang taon (Xinhua, 2025). Halos tiyak na tumaas pa ito mula noong Hunyo. Nagbabala ang IMF (2025) na dapat tambalan ang pansamantalang kaluwagan ng isang “maingat na kalkuladong paglabas mula sa pamigil ng regulasyon” upang matiyak na makikita ng mga bangko ang pagkalugi sa mga pautang. Sa minimum, magdudulot ng malulubhang epektong panlipunan ang pagtaas ng utang ng mga sambahayan at hindi maisaayos na pagbabayad nito, kabilang ang pagkabawas ng akses sa pangangalagang pangkalusugan at iba pang mahahalagang serbisyo. Iniulat ng lokal na midya ang mga kaso ng mga nagsibalik na sumusubok na pumasok muli sa Thailand sa kabila ng mga karahasan sa hangganan, tulak ng mga kagyat na obligasyon kaugnay ng utang (Kiripost, 2025).

Poipet Cambodia, Night Scene of the Border Crossing and Casinos Behind. Photo: Denis Robert George Baker / Shutterstock.com

Mahalagang usapin kung papayagan bang makabalik ang mga migrante sa Thailand kapag humupa na ang mga tensiyon. Para sa Phnom Penh, ito ay problemang may dalawang talim: mapahuhupa ng paglabas ang kagyat na mga presyur subalit pahihinain ang mga lokal na negosyong nagpalawak ng operasyon dahil sa inasahan ang mga pagpasok ng mga bagong manggagawa. Samantala, nakasalalay sa Bangkok ang pagpapasya, na pinaluwag kamakailan ang mga batas para bigyan ng trabaho ang mga refugee ng Myanmar at nakipag-usap sa Sri Lanka, Nepal, Indonesia, at Pilipinas hinggil sa pagpapataas ng migrasyon mula sa mga bansang iyon, na naghuhudyat ng layunin nitong sumubok ng iba-ibang paraan palayo sa pagsandig sa manggagawa ng Cambodia.

Kung mananatili ang mga nagsibalik, lalong titindi ang mga presyur. Mangangailangan ng higit 50,000 bagong mga paaralan, na makakabanat sa sektor ng edukasyon na kulang ang pondo.Umaasa ang maraming Cambodian sa pangangalagang pangkalusugan ng Thailand para sa mga seryosong gamutan. Kakayanin pa rin mga mayayaman na bumiyahe sa pamamagitan ng eroplano, subalit pinahinto ng nagpapatuloy na hidwaan ang operasyon ng transportasyon sa lupa, na nagpapataw ng dagdag na presyur sa sistemang pangkalusugan ng Cambodia na kulang ang pondo.

Nasa industriya ng cyber-scam ang mas tusong panganib na masasabing isa sa pinakasignipikanteng di-tradisyunal na banta sa seguridad ng Cambodia ngayon. Ayon sa isang pagtataya, lumilikha ang ipinagbabawal na sektor na ito ng may $12.5 bilyon na kita bawat taon, katumbas ng sangkapat ng pormal na ekonomiya (USIP, 2024). Itinulak ng umano’y pagtangkilik sa industriyang ito ng mga elit sa pulitika at negosyo ng Cambodia ang kaparusahan mula sa US at di-pagkakaunawaan sa Tsina. Matatagpuan malapit sa hangganan ng Thailand ang marami sa mga scam compound, at karamihan ng mga taong nagtatrabaho rito di umano ay nasasadlak sa kalagayang mala-alipin.

Mabilis na kumilos ang pamahalaan, lumikha ng mga iskema sa paglikha ng trabaho, nagbuo ng mga ministeryal na task force para payuhan ang mga nagsisibalik na manggagawa hinggil sa mga oportunidad sa trabaho, umaapela sa mga taga-empleyo na tanggapin ang mga nagsisibalik na migrante, at nag-aalok ng tulong pinansyal. Sa kalakhan, positibo ang naging tugon ng pamahalaan. Gayunman, binabaha pa rin ng reklamo ang social media mula sa mga nagsibalik na hindi sila nabibigyan ng mga serbisyo at suportang ipinangako sa kanila. 

Sa pangmatagalan, maaaring lumikha ito ng mga kakaibang hamon sa pampolitikang seguridad ng namumunong Cambodian People’s Party (CPP), na siyang may monopolyo sa kapangyarihan mula pa noong 1979. Nagtagumpay ang partidong awtoritaryan na pahintuin ang lahat ng pulitikal at pampublikong paglaban mula noong 2017, at napakadalang ngayon ng pagtutol. Malakas ngayon ang nasyonalismo sa Cambodia, at ipinupukol sa Thailand ang kalakhan ng sisi para sa krisis, kabilang ang sapilitang muling-migrasyon, hindi sa pamahalaan ng Cambodia. Tunay nga, maraming Cambodian ang piniling lumikas dahil sa mga pag-aalalang aatakehin sila ng mga jingoistikong Thai.

Malaki ang nakasalalay sa kung gaano tatagal ang mga mga tensiyon sa pagitan ng Cambodia at Thailand, at kung papayagan ba ang mga migrante na maramihang magsibalik sa kanilang mga trabaho sa Thailand. Walang ibang bansa ang malamang na tumanggap sa isang milyong manggagawang Cambodian. Sa nakaraan, ang mga Cambodian na hindi nasasapatan o hindi nasisiyahan sa mga pagpipilian nila sa buhay ay may kakayahan na dumayo sa Thailand upang maghanap ng trabahong mas mahusay ang suweldo. Sa isang antas, nakinabang dito ang namumunong partido dahil natatanggal sa bansa ang mga taong pinaka hindi nasisiyahan sa kanilang kapalaran. Dagdag pa, dahil sa kakayahan ng mga Cambodian na madaling makadayo sa Thailand nang maramihan, hindi kinailangan na mamroblema ang Phnom Penh sa inaasahang malawakang kawalan ng trabaho nitong mga huling dekada, o sa termino ng karapatan sa paggawa, sa mataas na antas ng labis na paggawa.

Ano ang ibinubunyag ng kaso ng Cambodia hinggil sa maramihang muling-migrasyon bilang isang di-tradisyunal na banta sa seguridad? Tulad ng iba pang kakaibang banta sa seguridad (at, tiyak, sa maraming tradisyunal na banta), nakapagdudulot ito  pangunahin ng pagkabahala dahil pinalalaki nito ang mga umiiral na bulnerabilidad. Samantalang problematiko ang biglaang pagtaas ng kawalan ng trabaho sa alinmang konteksto, partikular na nakaka-uga ito sa Cambodia kungsaan napakataas na at lumalala pa ang tantos ng pagkakautang at hindi pagbabayad ng mga utang. May potensyal ang ganito kalaking pangyayaring black swan na itulak ang kronikong bulnerabilidad tungong malubhang krisis. Pinalalala pa ang mga panlipunang panganib ng mga nagpapatuloy na problema ng Cambodia, kabilang ang paglaki ng malawak na industriya ng cyber-scam nito. Kung nakabawi lamang ang mga sektor ng agrikultura at konstruksyon sa antas bago ang pandemya o mas mainam pa, at kung naikonsentra ang paglikha ng trabaho sa mga kanluraning probinsya ng bansa sa halip na sa paligid ng sentro, malamang na mas nakontrol ang mga pang-ekonomiyang bunga ng maramihang muling-migrasyon.

Hindi imposibleng matanaw ang mga bulnerabilidad na ito. Partikular na naging bulnerable ang Cambodia dahil sa labis na pagsandig nito sa Thailand bilang pangunahing destinasyon para sa migrasyon ng mga manggagawa. Kakaiba ito sa ibang bansa tulad nang sa Pilipinas na nagpapanatili ng mas iba-ibang padron sa pagluluwas ng mga manggagawa. Nakasalalay rin ang mga panganib sa kung ano ang nagtulak ng maramihang muling-migrasyon. Maaaring bunga ang gayong mga paggalaw ng armadong tunggalian, biglaang mga suliranin sa ekonomiya, kalamidad na pangkapaligiran, o maramihang pagpapauwi. Sa kaso ng Cambodia, ang pagikas ay itinulak ng hidwaan sa teritoryo sa tumatanggap na bansa, ang Thailand. Pinahina ng ganitong pagbabago ang mga panganib sa pulitika sa pamamagitan ng pagbabago ng direksyon ng galit ng publiko papalabas; pinagkaisa ng malakas na sentimyentong makabayan ang maraming Cambodian sa likod ng pambansang bandila at pamahalaan habang sinisisi ang Thailand para sa mga kahirapan ng bansa. Magandang masaksihan kung gaano ito tatagal dahil maaaring makapagbigay ito ng isang interesanteng halimbawa sa Timog-Silangang Asya kung gaano katagal mangingibabaw ang galit na silakbo ng damdamin (tulad ng nasyonalismo) sa mga usaping pangsikmura (tulad ng trabaho at utang). Dagdag pa, may pangangailangan para sa karagdagang pananaliksik, partikular ang komparatibong pag-aaral, kung paano nakakaimpluwensya ang mga magkakaibang istrukturang pang-ekonomiya, padron ng migrasyon, at kontekstong pampulitika sa mga panganib panseguridad sa maramihang muling-migrasyon.

David Hutt
Si David Hutt ay Research fellow sa Central European Institute of Asian Studies (CEIAS) at kolumnista para sa Timog-Silangang Asya sa The Diplomat.

Notes –

[1] May ilang mga pag-aaral hinggil dito. Halimbawa, ang Schwartz, S. 2019. “Home, Again: Refugee Return and Post-Conflict Violence in Burundi.” International Security, 44 (2): 110–145; Wanki, P., I. Derluyn and I. Lietaert. 2022. “‘Let Them Make It Rain and Bling’: Unveiling Community Expectations towards Returned Migrants in Cameroon.” Societies,12(1). Gayunman, karamihan sa mga pag-aaral na ito ay nakatuon sa reintergasyon ng mga refugee o mga deportee, hindi ng mga migranteng manggagawa. Dagdag pa, marami ang nakatuon sa bansang may iba-ibang etinisidad, tulad ng mga dating estado ng Yugoslavia o mga bansang sa Aprika, at hind isa mga bansang may magkakatulad na etinisdad at kultura, tulad ng Cambodia, kungsaan halos walang usaping pangkulutura sa muling-migrasyon. 

References – 

“Cambodia’s Banking, Financial Institutions Experience Slow Credit Growth in 2024: central bank.” Xinhua, 19 February 2025. https://english.news.cn/20250219/f7d820199f91437a8dbfe90f7868fb03/c.html.

“Cambodia: Employment and Environmental Sustainability Factsheet.” International Labor Organization. 2022. https://www.ilo.org/media/368836/download.

“Cambodia Returning Migrants Survey.” International Organization for Migration, 2020. https://dtm.iom.int/dtm_download_track/11936?file=1&type=node&id=9270.

“Demographic and Economic Profile of Returned Migrant Labourers.” Cambodia Development Resource Institute, 27 August 2025. https://cdri.org.kh/publication/demographic-and-economic-profile-of-returned-migrant-labourers.

“Expert Group Meeting on Strengthening the Evidence Base on Migration in North and Central Asia.” Economic and Social Commission for Asia and the Pacific, 3 December 2024. www.unescap.org/sites/default/d8files/event-documents/Remittances_in_NCA_ENG_20241126.pdf.

“Financial Stability Review.” National Bank of Cambodia, 2014. https://www.nbc.gov.kh/download_files/publication/fsr_eng/FSR_2024_Final_250512@10am.pdf.

“From Remittances to Resilience: Harnessing Returning Migrant Workers for Cambodia’s Growth.” Yuanta Securities, 25 August 2025. https://yuantacambodia.com.kh/yuantaReport.php?Special%20Report&report=1126.

“Govt Provides Robust Assistance to 1.3 Million Migrant Workers.” Khmer Times, 11 July 2024. https://www.khmertimeskh.com/501521096/govt-provides-robust-assistance-to-1-3-million-migrant-workers.

Hatsukano, Naomi. 2019. “Returned Migrant Workers in Cambodia: Motivations for Moving and Economic Reintegration.” Institute of Developing Economies. https://www.ide.go.jp/library/English/Publish/Reports/Ec/pdf/201902_02_ch03.pdf.

“IMF Staff Completes 2025 Article IV Mission to Cambodia.” International Monetary Fund, 2 September 2025. https://www.imf.org/en/News/Articles/2025/09/02/pr-25287-cambodia-imf-staff-completes-2025-article-iv-mission.

“Over 220,000 Cambodian Returnee Workers Secure Jobs, Says Labour Minister.” Khmer Times, 13 September 2025. https://www.khmertimeskh.com/501756456/over-220000-cambodian-returnee-workers-secure-jobs-says-labour-minister/.

“Personal Remittances, Received (% of GDP)–Cambodia.” Work Bank Open Data. https://data.worldbank.org/indicator/BX.TRF.PWKR.DT.GD.ZS?locations=KH.

Sikol, Kuch. 2025. “Debt and Job Shortages Force Cambodian Workers to Return to Thailand.” Kiripost, 8 September 2025. https://kiripost.com/stories/debt-and-job-shortages-force-cambodian-workers-to-return-to-thailand.

“Transnational Crime in Southeast Asia: A Growing Threat to Global Peace and Security.” United States Institute of Peace, 13 May 2024. https://www.usip.org/publications/2024/05/transnational-crime-southeast-asia-growing-threat-global-peace-and-security.

Notes –

[1] There have been some studies on this. For instance, Schwartz, S. 2019. “Home, Again: Refugee Return and Post-Conflict Violence in Burundi.” International Security, 44 (2): 110–145; Wanki, P., I. Derluyn and I. Lietaert. 2022. “‘Let Them Make It Rain and Bling’: Unveiling Community Expectations towards Returned Migrants in Cameroon.” Societies,12(1). However, many of these studies focus on reintegrating either refugees or deportees, not migrant workers. Moreover, many focus on ethnically diverse countries, such as the former Yugoslav states or African countries, and not on ethnically and culturally homogenous countries, such as Cambodia, where remigration has almost no cultural concerns.

Exit mobile version