Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Mga pangkulturang aspeto ng buhay sa Bagong Bayan ng Phu My Hung sa kasalukuyan

Naapektuhan ng globalisasyon ang Vietnam. Nagbunga ang bagong pamamaraan ng pamumuhay sa lungsod ng mga bagong hamon sa mga kinauukulan. May sariling pagsubaybay at pag-alam ang administrasyon ng HCM City sa mga suliranin at pangangailangan ng mga mamamayan sa Distrito 7 (bayan ng Phu My Hung) at inilalatag ng artikulong ito ang ilan sa mga pangunahing tagumpay at hamon tungkol sa pamamahalang panlipunan at panglungsod, pati na ang integrasyon ng mga banyaga.

Introduksyon

Mula nang maitatag noong kalagitnaan ng dekada 1990, naging isang modernong lugar ang bagong bayan ng Phu My Hung (nabibilang sa Distrito 7 ng punong lungsod ng Ho Chi Minh City) (tatawaging PMH mula rito) para sa negosyo, komersyo, at pinansya. Sa bayang ito, may dalawang purok na tinatawag na Tan Phong at Tan Phu. Mga lugar ito ng mga residenteng may matataas na kita na naninirahan sa lupaing may sukat na 750 ektarya. May 3,184 na banyagang naninirahan sa purok ng PMH Tan Phong (bumubuo sa 50.4% ng kabuuang populasyon ng purok), may 2,988 banyaga sa purok ng Tan Phu (bumubuo sa 30.3% ng kabuuang bilang ng mamamayang naninirahan sa purok). Higit 38% ng mamamayang naninirahan roon ay mga banyagang mula sa South Korea, Japan, Taiwan at China, bukod sa iba pa, (Ủy ban nhân dân Quận 7, 2022) at ito ang pinakamalaking konsentrasyon ng ng mga residenteng banyaga sa HCMC.

Bahagi ang mabilis na pag-unlad ng PMH ng nasaksihang mabilis na modernisasyon at urbanisasyon ng HCMC, at tulad ng HCMC, lumitaw ang mga bagong suliranin sa kalagayang pangkultura. Kinailangang subaybayan at pagtuunan ng pansin ng mga kinauukulan kung paano pahuhusayin ang mga patakaran upang maharap ang mabilis na pagbabago at mga kaakibat nitong suliranin . Nakatuon ang mga pagsisikap ng pamahalaan sa pagtataas ng pamantayan sa pamamahalang urban, subalit higit na mahalaga rito, ang pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng tao at kalikasan. (Vũ Thị Hồng Tứ, 2020). Sa katunayan, nakikita ng pamahalaang lungsod ang bayan ng PMH bilang isang modelo na mapagbabatayan sa pagpapa-unlad ng iba pang pook urban.

Screenshot of the Phu My Hung project website. https://phumyhung.vn/en/#trang-chu

Mga resulta ng aming pagsubaybay at sarbey: Paraan ng pamumuhay ng mga residente ng Phu My Hung

Naging pook ng mga residenteng may mataas na kita ang PMH, at inaasahang mataas rin ang pamantayan ng pamumuhay rito, at naiiba ang mga paraan ng pamumuhay kumpara sa iba. Kalimitang mahalaga sa gayong pangkat ng mga tao ang pribasiya at maaaring ayaw lumahok sa mga gawaing pangkomunidad. Gayunpaman, positibo, organisado, at may mga kahingian sa malusog na pamumuhay ang ganitong paraan ng pamumuhay, habang kaalinsabay nito, kahilingan ng modernong lipunan ngayon na maging lubos na abala ang mga tao sa kaayusan ng kanilang trabaho at buhay. Bilang resulta, maaaring naging mas buhaghag ang mga relasyong pampamilya at panlipunan. Kalimitan ring sumusunod sa batas ang ang tao at gumagalang sa kanilang mga kapitbahay at iba pa. Maaaring naiaasa ang antas ng kahusayan ng pamamahalang panlipunan sa pagkakaroon ng komite sa pamamahala, at maaaring mababa ang antas ng pakikisangkot sa komunidad ng ilang bahagi o ng kabuuan sa isang lugar ng paninirahan ng iba’t ibang nasyunalidad.

Pagbubuo ng nagkakaisa at may kulturang komunidad ng mga residente

Lumalahok sa kabuuan ang mga naninirahan sa PMH sa mga aktibidad ng mga grupo ng mga residnete, kungsaan 50% ng mga residente ng PMH ang lumalahok na karamihan ay mga Vietnamese. Ineengganyo ng Law on Grassroots Democracy (2022) ang gayong partisipasyon at ipinaaabot din ang gayong paanyaya sa mga banyaga. Sa partikular, iniimbitahan ang lahat ng mga residente na tumulong sa pagsugpo ng krimen at pagbubuo ng may kulturang paraan ng may pamumuhay. Nagtayo ang pamahalaan ng mga espasyong komunal (tinatawag na Houses for Cultural Activities) at nag-organisa ang mga lokal na awtoridad ng mga pagtitipong may tema para sa lahat ng residente. Mahahalagang tulay ang mga pagsisikap na ito sa loob ng mga komunidad, subalit mga tulay din ito sa pagitan ng mga kultura at mga nasyunalidad. Nagtataguyod din ito ng mutwal na pagkakaunawaan. Regular na inilulunsad sa pamayanan ang aktibidad sa pagpapalitan ng kultura sa mga larangang pangkalusugan at pampalakasan, na nakaaakit sa higit 50% ng mga banyagang naninirahan sa PMH na lumahok sa mga samahang nakatuon sa football, volleyball, table tennis, badminton, tennis, at iba pa. Sabihin pa, magkasamang inoorganisa ng mga lokal na awtoridad at negosyo ang malakihang mga aktibidad pangkultura, panlibangan, at pampalakasan na naglalayong palahukin ang mga mamamayan. Layunin din ng mga aktibidad na ito na palahukin ang mga banyaga sa PHM upang makapagtaguyod ng kultural na integrasyong pangkomunidad at internasyunal. Karaniwang may layuning pangkultura, pampalakasan, at panlipunan ang oryentasyon ng mga aktibidad na ito. Kasama sa mga halimbawa nito ang sumusunod: Spring Flower Fair, Trinh Cong Son Music Night, Responding to Earth Hour, Cycling for the Environment, Lawrence S. Ting charity walk, running to support cancer patients Terry Fox, Southern Lotus Festival, at iba pa.  Kabilang sa iba pang gawain ang National Day Flag Raising Ceremony (Setyembre 2, unang isinagawa noong 2009 sa Sky Residences, at sinundan ng iba pang komunidad sa PMH). Napukaw din ng seremonyang ito ang interes ng mga banyagang residente. Ipinakikita ng pakikilahok dito ang pagkamakabayan ng mga Vietnamese at ang respeto ng mga banyaga sa Vietnam. Sa kabuuan, regular na isinasagawa ang mga aktibidad na ito. Sabihin pa,  tinitiyak ng mga lokal na awtoridad, mga negosyo, at mga residente ang tagumpay ng mga ito.

Screenshot from the Phu My Hung Facebook page: https://www.facebook.com/phumyhungcitycenter

Kabuuang resulta ng gawain sa pagbubuo ng mga may kulturang komunidad

Noong 2021, lumahok ang 2,287 na pamilya ng purok Tan Phong (80% ng kabuuang bilang ng pamilya sa purok) sa isang kampanya para itatag ang Pamilya ng Kultura. Ang ideya ay maging malaya ang bawat pamilya at lahat ng kasapi nito sa mga patakaran at kalakaran, at magkaroon ng malusog na buhay-pamilya. Lahat ng mga lumahok ay nakatanggap ng pagkilala bilang Pamilyang may Kultura. Sa purok Tan Phu, 2,170 pamilya (100% ng kabuuang bilang ng pamilya sa purok) ang lumahok at 95.2% ang nakatanggap ng pagkilala. Bukod pa sa mga pamilya, naglunsad din ang lokal na pamahalaan ng Tan Phu ng katulad na kampanyang Pamilya ng Kulura sa mga yunit ng komunidad ng bawat purok. Noong 2021 at 2022, nakamit ng lahat ng tatlong yunit ng komunidad ng purok Tan Phong ang mga pamantayan para sa pamilyang may kultura, samantalang 1/6 ng mga yunit ng komunidad ang nakakuha nito sa purok Tan Phu (Ủy ban nhân dân Quận 7, 2022).

Ang aming ebalwasyon

Batay sa resultang tinalakay sa taas, kinikilala naming lokal na pamahalaan ng HCM City ang katotohanang aktibong nilalahukan at malaganap ang mga aktibidad para sa pagtatatag ng komunidad sa Distrito 7, partikular sa PMH, at kasamang kalahok din dito ang mga pamilyang banyaga. Napananatili ang mga pagpapahalagang kultural ng Vietnam sa hanay ng mga Vietnamese at hindi lamang natutunan ng mga banyagang naninirahan sa Phu My Hung ang mga pagpapahalagang ito kundi inangkin rin nila.

Mula sa aming mga obserbasyon, naging mahusay ang koordinasyon at masigla ang paglahok sa kampanya para magpayaman ang mga positibo at angkop na paraan ng pamumuhay sa mga lugar na panirahang urban. Napansin naming ipinaabot ang kampanyang komunikasyon at mga materyales sa pamamagitan ng iba’t ibang wika, at napanatili sa kalakhan ang kaayusang panlipunan at seguridad ng mga lugar sa PMH. Nakapagpadali rin sa pagkamit ng mga positibong resulta ang matinding kagustuhan ng mga residente na lumahok at tumalima sa mga batas at regulasyon. Mistulang nababakuran din ang disenyo ng PMH: bukas ito sa interaksyon sa mundo sa labas, sa kabuuan, subalit may mga tarangkahang panseguridad sa mga bloke at ilang mga lugar upang panatilihin ang pribasiya at seguridad. Nakatutulong ang ganitong disenyo para sa interaksyon sa pagitan ng mga sambahayan sa lugar ng PMH.  Mahusay na napananatili, sa kabuuan, ang kalinisan at kaayusan ng mga sambahayan dahil naging epektibo ang pagkakaayos ng mga sona at paggamit ng lupa para tiyakin na nabibigyan ng espasyong panloob at panlabas ang mga aktibidad ng komunidad. Kung wala ang mga espasyong ito, mahihirapang mailunsad ang mga aktibidad ng komunidad.

Maliban sa mga positibong resultang ito, kailangang paalalahanan namin ang aming mga sarili na nananatili ang ilang pagsubok.. Palagiang kinakailangan ng mga bagong sambahayan ng ilang panahon bago mabuo ang pagkakaibigan sa pagitan ng mga residente, dahil halos bago lamang sila sa bawat isa at sa lugar. Sa partikular, karamihan sa mga banyaga ay mga nangungupahan at kalimitang hindi pangmatagalan o permanente ang kanilang mga kontrata sa pag-upa. Kung gayon, may pagkakaputol at mga hamon sa komunikasyon at tuluy-tuloy na ugnayan sa kanila, dahil dumadating-alis ang mga residente, at maaaring bihirang makipag-usap sa isa’t isa ang mga taong abala sa kanilang trabaho lalo na’t palaging sarado ang pinto ng kanilang mga tirahan. Ikalawa, nagdulot ang pagkahilig ng mga residente na mag-alaga ng hayop ng problema sa mga alagang hayop na hindi nakatali at kalat na maaring idulot ng kanilang dumi sa mga pampublikong lugar. Kailangang mag-organisa ng mas maraming aktibidad para maengganyo ang mga residente na baguhin ang kanilang mga nakasanayan bilang pagbibigay ng konsiderasyon sa iba. Dito, maaaring magkaroon ng papel ang mga banyagang residente sa pagpapasimula ng magagandang gawi mula sa mga lugar na kanilang pinagmulan. Maaari ring ilapat ang mga hiram na praktikang ito sa ibang pang aspekto ng buhay.

Konklusyon at mga natutunang karanasan

Tumanggap ang lugar ng PMH ng mga tao mula sa maraming bansa at nasyunalidad. Sa hanay ng mga banyaga, sa pangkalahatan, iba-iba ang pamantayang pangedukasyon, mga bokasyon, at antas ng kita, gayundin ang kanilang mga kagustuhan. Sa gayon, dinadala ng bawat grupo ng tao, kasama na ang mga Vietnamese, ang kanilang mga kultura at mga gawi sa isang komun na espasyo ng pamumuhay sa lungsod. Inaasahan, kung gayon, na gugugol ng mahabang panahon para maresolba ang mga tunggalian at masolusyonan ang mga pagkakaiba-iba. Ipinakikita ng realidad na madaling buuin ang hardware, subalit mas mahirap nang ilang ulit ang proyekto ng integrasyong panlipunan na sumasaklaw sa maraming kultura. Resulta ng 20 taon ng mahirap na gawain ang nakikita nating positibong pangyayari ngayon. Sa hardware o heartware man, ang tao ang nangungunang elemento sa paghubog ng komunidad ayon sa nararapat na pagpapahalagang pantao sa isang komunidad na urban. Sa aming pananaw, ang pagbili ng hardware sa esensya, ay pagbili ng paraan ng pamumuhay, pagpili ng partikular na tipo ng komunidad kasama ang mga nakasanayan at kostumbre nito. Pagpili ito sa kung sino ang nais mong maging kapitbahay, at desisyon din ito na ilagak ang mga pamilya sa isang internasyunal na kapaligiran. Para maging epektibo ang mga kampanya ng komunikasyon sa gayong kapaligiran, kailangan ng kakayahang gamitin ang maraming wika para maipahatid ang mga panuntunan, regulasyon ng mga sambahayan, at maging mga batas ng estado. Kasabay nito, may mga organisasyong panlipunan at pangmasa ang bansa na binigyan ng tungkulin na mag-organisa ng mga gawaing pangkomunidad. Samantalang nagpapaligsahan ang mga organisasyong ito para sa mas mahusay na resulta, nagtutulungan din sila upang makamit ang mas malalaking layuning pulitikal at sosyal ng lokal na pamahalaan. Ang islogan ng pamahalaan ay “maksimisahin ang panloob na kalakasan ng bawat residente, bawat pamilya, bawat angkan at kamag-anakan sa diwa ng walang nang diskriminasyon sa pagitan ng mga Vietnamese o mga banyaga.” Nakatulong ang diwang ito sa lugar ng PMH para makamit ang pagkatuto ng katutubong kultura at integrasyon ng Vietnam sa iba pang kultura sa labas ng Vietnam.  Ito ang dahilan kung bakit karapat-dapat ang pook urban ng PMH sa katayuan nito bilang Modelong Pook Urban.

Nguyễn Minh Nhựt
People’s Council of the Ho Chi Minh City
Email: nhut227@gmail.com

Translated and edited by David Koh

Banner: HCM, District 7. Crescent in Phu My Hung urban area. Photo: vinh loc

References

Vũ Thị Hồng Tứ. (2020). Đời sống văn hóa của cư dân tại khu đô thị mới, Tạp chí Văn hóa – Nghệ thuật, số 432, tháng 6-2020.
Viện Văn hóa – Bộ Văn hóa. (1984). Xây dựng đời sống văn hóa ở cơ sở. Hà Nội.
Ủy ban nhân dân Quận 7. (2022). Báo cáo số 3951/BC-UBND ngày 12 tháng 10 năm 2022  của Ủy ban nhân dân Quận 7 về tình hình xây dựng đời sống văn hóa tại khu dân cư Quận 7.
Ủy ban nhân dân Quận Bình Thạnh. (2022). Báo cáo số 463/BC-UBND-BCĐ ngày 13 tháng 10 năm 2022  của Ủy ban nhân dân quận Bình Thạnh về tình hình xây dựng đời sống văn hóa tại các khu đô thị mới trên địa bàn quận Bình Thạnh năm 2022.

Exit mobile version