Site icon Kyoto Review of Southeast Asia

Pagbabago ng Klima sa Thailand: hinggil sa politika ng kaalaman at pamamahala

Isa sa pinakakritikal na pandaigdigang panganib sa mga lipunan at kalikasan ang pagbabago ng klima ngayong ika-21 siglo. Kinumpirma ng mga pag-aaral ang pag dalas at paglaki ng matitinding unos, pagkawala ng panirahan, pagkasira ng mga pananim at mga lumulubog na baybayin at isla. Tinugunang mainam ng Thailand ang larangang ito sa pamamagitan ng pagbubuo ng Thailand Climate Change Master Plan 2015–2050 (TCCMP), sa gabay ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) para takdaan ang emisyon ng greenhouse gas at maghanda laban sa mga epekto sa hinaharap. Mainam ito sa antas ng patakarang internasyunal, ngunit ano nga ba ang kahulugan ng 2°C pagtaas ng temperatura (at 15% higit na posibilidad ng matinding pagbaha at tagtuyot) para sa mga Thai?

Naisalin sa wikang Thai bilang karn plien plang sapab puumi aagad ang pagtungkolsa pagbabago ng klima. Sa halip na bilangin ang konsentrasyon ng carbon gaya ng ginagawa ng isang syenyista, maaaring maunawaan ng isang magsasaka ang pagbabago ng klima sa pagkabigo ng pananim dulot ng di-mainam na kondisyon ng panahon. Maaaring mangailangan ito ng mga seremonyang relihiyoso upang payapain ang mga diyos o bumili ng dagdag na mga pataba. Para sa mongheng Budista, ang pagwawasto sa kaisipan ang solusyon sa masamang panahon; ang ibalik sa kalikasan ang kahalagahang moral. Naniniwala silang maisasaayos ang problema ng pabagu-bagong panahon sa antas lokal at indibidwal, hiwalay sa anumang organisasyong internasyunal, at walang kaugnayan sa paggawa ng patakaran sa pagpapababa ng carbon (Vaddhanaphuti 2020). Nguni’t maituturing bang katanggap-tanggap ang mga aksyong ginagabayan lamang ng relihiyon sa pagbabawas ng suliranin?

Tututok ang artikulong ito sa sitwasyon ng kaalamang pangklima at pagbubuo ng patakaran sa Thailand. Siniyasat ko ang historikal na pag-unlad ng kaalamang pangklima at ang iba’t ibang paraan sa pag-unawa pagtugon sa pagbabago ng klima. Marapat kilalaning may iba’t ibang karanasan ng nagbabagong klima ang iba’t ibang grupo. Sa kabila nito, sa ilalim ng teknokratikong pambansa at internasyunal na rehimen ng pamamahalang pangklima ay napakakitid ng kaalamang pang-klima ng mga Thai, lalo na sa pagpapababa ng greenhouse gas. Marhinalisado ang iba pang porma ng kaalamang pangklima. Tinatapos ko ang aking pagsusuri sa pagsiyasat sa mga etikal at politikal na implikasyon ng ganitong stiwasyon upang mailuwal ang pluralismo sa kaalamang pangklima at pagiging patas ng patakarang pangklima. Dahil limitado ang espasyo, uunahin ng artikulong ito ang konteksto ng pag-angkop sa klima.

Pagbubuo ng Kaalaman at Patakarang Pangklima sa Thailand

Sumulpot ang usapin ng nagbabagong klima sa Thailand mula sa isang palihang akademiko sa huling bahagi ng dekada ’90, kaugnay ng epektong pisikal, at ekonomiko, sa biodiversity sa kagubatan at pagpapalago ng pananim. Sangkot sila sa pananaliksik na inilarawan bilang araling ‘predict-then-adapt,’ na tumutok sa pagsakto ng pagtataya sa takbo ng klima, sa halip na imbestigahan ang mga likas na panlipunan at politikal na sanhi ng mga suliranin (Chinvanno and Kersuk 2012). Unti-unting dumami ang mga pag-aaral sa dimensyong panlipunan ng pagbabago ng klima lalo na sa kalunsuran, lalawigan at baybayin (makikita dito). Inilatahala ng Thailand Research Fund noong 2011 ang Thailand’s First Assessment Report on Climate Change (TARC), na naglilinaw sa kalagayan ng kaalamang pangklima sa Thailand. Kinupkop ng ulat ng TARC ang istilo at istruktura ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC), ang intergovernmental body ng UNFCCC para sa sintesis ng pandaigdigang kaalamang pangklima. Malaki ang impluwensya dito ng mga siyentistang Thai na kasamang nag-akda sa mga ulat ng mga ulat ng IPCC. Sa hinuha ng Ikalawang Ulat ng Pagtatasa noong 2016, nananatiling limitado ang pag-aaral sa cross-scale at multidirectional na mga tugon sa mga hamong pangklima, ekolohikal, panlipunan at ekonomiko (liban sa mga ulat nina Forsyth and Evans 2013; Marks 2019).

Nabigyang-pansin ang nagbabagong klima ng publiko at midya ng Thailand noong 2007, dala ng paglabas ng ulat ng IPCC ( na isinalin sa ilang handbook na Thai), mga panayam sa telebisyon, at sa paglabas ng dokumentaryo ni Al Gore na An Inconvenient Truth.Nasimulan ding maisakatupan ang mga proyektong pangklima na transnasyunal, pambansa at cross-scale (tulad ng START; Hug Muang Nan; TEI; ACCRN; GIZ; USAID; at CARE). Layunin din ng mga proyektong ito ang pagbabawas sa emisyon ng carbon at paghahanda sa mga epekto ng klima sa mga lungsod, lalawigan at baybayin, pati sa mga sektor ng agrikultura, tubig, enerhiya at patakaran.

Tumugon ang Thailand sa panawagan ng UNFCCC sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Office of Natural Resources and Environmental Policy and Planning (ONEP) at ng ahensyang pangkaunlaran ng Alemanya na Deutsche Gesellschaft für Internationale Zusammenarbeit (GIZ). Bunga nito, nailunsad ang Thailand Climate Change Master Plan 2015–2050 (TCCMP) na naglalayong mapababa ang carbon sa pamamagitan ng pagpapababa ng greenhouse gas nang 20-25% (nang hindi ito mapabayaan hanggang 2030), at pagpaplano ng mga kilos laban sa mga panganib ng klima, nang hindi nakokompromiso ang paglagong pang-ekonomiya, produksyong agrikultural at kaunlarang magtatagal. Gayunpaman, tinuligsa ang mga patakarang pangklima (at mismong TCCMP) dala ng pagiging ambisyoso, malabo, nagbabale-wala sa mga cross-scale na kontekstong panlipunan, pangkapaligiran at pampolitika, at kinakaligtaan ang mga marhinalisadong grupo (Eucker 2014; Lebel et al. 2009;. Wongsa 2015).

Nilayon ng Thailand Climate Change Master Plan, kasama ng mga organisasyong pangklima na inilarawan sa itaas, na pahusayin ang kaalamang pangklima sa hanay ng publiko sa Thailand sa pamamagitan ng pagtuturo ng pagkakaiba ng mga salitang ‘panahon’ (aagad), ‘klima’ (pumi aagad) at pagbabago ng klima (karn plien plang sapab puumi aagad). Anuman ang wika ng mamamayan, ang huling dalawang salita ay mga teknikal na terminong hindi gaanong ginagamit sa bernakular na Thai. Inimbento sila para tumbasan ang mga syentipikong termino, sa gayon, inilalagay nito ang lokal na panahon sa konteksto ng pangmatagalang pagbabago sa pandaigdigang klima (Vaddhanaphuti 2020). Taliwas sa etnograpikong salaysay sa Hilagang Thailand na ating tinuran, tinanggal ng mga sangkot sa usaping pangklima ang mga karanasan, kabihasnan at ispiritwal na mga katangian ng panahon—bagkus isa lamang abstraksyon o bagay na dapat sukatin.

Forest fire, Mae Hong Son Province, 2010. Fires are deliberately set so Thai het pho, a fungus which fetches a high price on the Thai market, are easier to find. The fires completely denude the undergrowth and affects the wildlife. Wikipedia Commons

Ipinapakita ng isang halimbawa ang mga paraan kung paano pinakitunguhan ang isang di-syentipikong kaalamang pangklima. Sa isang pampublikong talakayan sa probinsya ng Nan noong 2014 (Vaddhanaphuti 2017), inihayag ng isang kinatawan ng komunidad ng Karen na makakatulong ang kanyang tradisyunal na kaalaman sa pag-obserba ng mga siyentista sa mga palatandaan ng pagbabago ng klima, habang ikinakatwiran niyang hindi dapat sisihin ng mga awtoridad ang kaniyang simpleng kabuhayan sa pagsusunog ng kagubatan at polusyon sa hangin.  Masigabong pinalakpakan ng mga tagapakinig ang kanyang talumpati. Subalit sa magkahiwalay na panayam sa mga kinatawan ng dalawang organisasyong pangklima na teknokratiko, naging bukas ang isa sa integrasyon ng kaalaman, samantalang tiningnan ng isa na hindi kinakailangan ang lokal na kaalaman sa kanilang proyekto. Mas madali para sa kanila na magdikta kung paanong ang panahon at klima ay bibigyang kahulugan, uunawain at tutugunan, habang tinatanggalan ng lehitimasyon ang mga di-lohikal na mga paniniwala at lokal na praktika.

Sa huli, maraming realidad ang pagbabago ng klima sa Thailand na magkakaibang ipinapaliwanag ng mga siyentista, kinatawan ng midya, lokal na taga-baryo, praktisyuner sa klima, mongheng Budista, at iba pa. Maraming iba’t ibang paraan ng pag-unawa sa pagbabago ng klima: isang realidad na kayang obserbahan at pamahalaan; isang banyagang ideya mula sa Kanluran na ipinapaliwanag ng mga eksperto; isang malaking suliranin na nangangailangan ng agarang solusyon; isang bagong oportunidad sa pag-unlad; isang halimbawa ng pagkasira ng kalikasan na dulot ng pagguhong moral; at isang lokal na problemang nangangailangan ng solusyong ispiritwal (Vaddhanaphuti 2020). Dapat ring banggitin na nabuo ang mga naratibong ito sa ilalim ng di-pagkakapantay-pantay. Nakabatay sa kapangyarihan ng praktisyuner, tagapagsalita o tagapakinig kung ang isang naratibong pangklima ay tatanggapin o susupilin. Sa kasalukuyang sitwasyon ng kaalamang pangklima sa Thailand, nananaig ang siyentipikong kaalaman at mga interbensyong managerial.

Paano ito nangyari? Hindi maaaring bale-walain ang halaga ng siyentipikong kaalaman, subalit bunga ito ng situated practices sa iba’t ibang lugar (Mahony and Hulme 2018). Lumilitaw ang kaalamang pangklima sa pagbubungkos ng mga estadistika ng laging-nagbabagong panahon sa buong mundo. Dala nito, naisasangtabi ang mga pangmoral, kultural at pangkasaysayang ugnayan. Pinahintulutan ang UNFCCC ng mahabang panahong paglihis mula sa ‘normal’ na balangkasin ito bilang unibersal na suliraning pandaigdig. Pinakitid ng pananaw na na reduksyunista at managerial ang espasyo para sa iba’t ibang uri ng lokal na kaalaman at aksyon na labas sa pagbabawas ng emisyon ng greenhouse gas at paghahanda laban  dito (Hulme 2015). Ganoon rin ang nangyari sa  gawain ng kooperasyong Thai-Aleman sa patakarang pangklima at ilang pangklimang organisasyon. Isinali ang sa Thailand sa pandaigdigang rehimeng pangklima —at inaasahan itong manguna sa pagpapababa ng greenhouse gas at kaunlarang pangklima (Ober and Sakdapolrak 2020). Nakamit ito sa dalawang antas: sa pamamagitan ng serye ng mga workshop kung saan paulit-ulit na itinuro ang mga teknikal na termino at dayagram; at sa pamamagitan ng paperwork kung saan regular na isinusumite ang estadikstikal na datos sa emisyon ng carbon para sa pagsusuri ng GIZ at ng UNFCCC. Naganap ang spatialization at produksyon ng pandaigdigang kaalamang pangklima sa ilalim ng ganitong mga lumilitaw na rehimeng hegemonic-technocratic sa antas pandaigdig at pambansa. Binago naman ng mga rehimen ng kaalaman na ito kung ano ang kahulugan ng pag-alam at pagtugon sa nagbabagong panahon sa mga lokal na kalagayan.

Rice farmer from Ubon Ratchathani, Thailand

Pamamahala sa magulong klima: mga konsiderasyong etikal at politika

Iminungkahi ni Klenk et al. (2017) na dapat marunong makibagay ang etika at politika ng produksyon ng kaalaman sa paglikha ng patakarang pangklima. Kaysa bigyang-kahulugan agad ang pagbabago ng klima at kung paano ito tutugunan sa makitid na perspektibong siyentipiko, marahil magiging mas mabunga sa kaalamang pangklima ng mga Thail kung itutuntong ito sa kaalamang lokal, dekolonisado mula sa lohikang Kanluranin, at susulitin ang mga yaon. Mangangailangan ito ng pagbabago sa istruktura ng mga kaayusang instistusyunal para bigyang puwang ang maituturing na higit-sa-klima (post-climate) na patakaran.

Sapagka’t mahigpit na magka-ugnay ang mamamayan at kanilang panahon ang pagsira sa atmospera ay kasiraan din ng mahahalagang yamang kultural. Gayundin, ang pagpapabaya sa pagkakaiba-ibang etniko ay pagbalewala rin sa kaalamang ginagamit sa pakikipamuhay at pamamahala sa kalikasan, kasama na ang panahon. Upang iwasto ang ganitong puwang, mahalaga ang pluralismo ng kaalaman. Halimbawa, makatutulong ang mga katutubong obserbasyon sa panahon sa mga lugar kung saan walang instrumental stations (Lebel 2013). Sa mas optimistiko, maaaring tanungin ng karaniwang kaalamang pangklimang Thai ang mga di-maunawaang siyentipikong kaalaman. Sa gayon, malilikha ang kaalamang pinagtulungang buuin na tumutugon sa partikular na nangyayari sa pamayanan. (Lane et al. 2011). Matitiyak ng pagpapalihan ng mga karaniwang mamamayan at mga mga eksperto na naririnig ang boses ng mga taga-loob at mga marhinalisado, at hindi nababale-wala ang o nagkakamali sa pag-uunawaan. Isinagawa na ng Intergovernmental Platform on Biodiversity and Ecosystem Services (IPBES) ng UN, katuwang na ahensya ng IPCC, ang pagpapalahok sa mas nakararaming stakeholders. Kasama rito ang mga di-siyentistang eksperto at kinatawan ng mga katutubo na inimbitahang buuin ang kaalaman sa biodiversity (Beck et al. 2014). Posible na ang muling pagsilang ng pananaliksik na Thai Baan na tumututok sa panahon, klima at mga kabuhayan. Maaaring makatulong ang ganitong uri ng pananaliksik ng taga-baryo sa lokal na pakikibaka para sa likas na yaman. Makapagbubukas ito ng espasyo para sa mga taga-lungsod, mga magsasaka o mga mongheng pang-ekolohiya na magsalaysay ng kanilang pananaliksik at pakikitungo sa mga di-inaasahang pagbabagong socio-environmental. Para maganap ito, kailanganin magingng mapanuri ang mga institusyong kasangkot. Kakailanganin rin na ituring bilang mga lehitimong intelektwal na tagapagsalita ang gayong mga porma at kaalaman at mga aktor na lumikha nito.

The Master Plan utilises the Driving Forces-Pressure-State-Impact-Response (DPSIR) framework. The framework works by focusing first on the current environmental problems (e.g. climate change) and then by analysing the surrounding factors comprehensively in order to identify the causes and reach effective solutions.

Mabubuksan ng mga mga lumilitaw na porma ng pamamahalang pang-atmospera ang teknokratikong estado ng Thailand (na makiling lamang sa makitid na uri ng agham) –kung saan sinusubukang kontrolin at pagkakitaan lamang ang mga likas na yaman (Forsyth and Walker 2008). Sa ginagawa ng pamahalaang Thai–na buhat sa kapatagan—tungo sa mga bulubundukin at sa kalawakan, minamandohan at kinokoontrol nito ang mga karaniwang taga-baryo at ang kanilang pang-araw-araw na panahon. Naitutulak sila sa laylayan ng produksyon ng kaalamang pangklima, kung saan wala silang gaanong boses sa paglikha nito. Nagiging politikal na espasyo ng tunggalian, dominasyon at marhinalisasyon ang atmospera.

Sa ganitong kalagayan, mahalagang muling suriin at baguhin ang sabog at ad hoc na TCCMP (Wongsa 2015). Kinikilala bilang isang malaking proyekto, kailangang palawakin ang mandato ng TCCMP sa mga usaping pangklima lamang. Sa halip na unahin lamang ang iisang pambansang target sa carbon emissions, hinihingi ng pamamahalang  pangklima (kung gagawing top-down ang perspektiba) ang pagharap sa mga politikal at karagdagang isyu tulad ng di-pantay na pag-unlad at kapitalistang pananamantala, di-pagkakapantay-pantay at marhinalisasyon, kaguluhang pampulitika, karapatan sa pag-aari, kasarian at etniko, at iba pa (Forsyth and Evans 2013). Bibigyang kakayahan ng ganitong pamamaraan ang mga lokal na pangkat upang harapin ang mga problemang socio-environmental mula sa kanilang perspektiba—na maaaring makapag-ambag nang tuwiran o di-tuwiran sa paghahanda sa krisis pangklima. Hindi pa rin nakikita sa sa pananaliksik at patakaran ng Thailand ang pag-unawa sa etikal, kultural, ispiritwal at emosyonal na dimensyon ng mga panganib na socio-environmental. Para maharap ang mga masasalimuot na suliranin dulot ng pagbabago sa klima, marapat bigyang prayoridad ito ng pamahalaan kaysa burahin ito ng mga syentipiko at teknolohikal na solusyon lamang. Ang kabiguang gawin ito ay maaaring magparami pa sa mga umiiral na panlipunan, institusyunal at politikal na balakid. Maaaring palalimin pa nito ang mga patong-patong na suliranin. (Lebel et al. 2011; Scoville et al. 2020).

Chaya Vaddhanaphuti
Lecturer in Geography at Department of Geography, Faculty of Social Sciences, Chiang Mai University, Thailand

Exit mobile version